Chereads / Her and Her / Chapter 14 - 14

Chapter 14 - 14

SA mga sumunod na araw kung hindi si Nato ang nakatoka si kusina si Apollo naman. Minsan pa nga puro si Nato at kung papansinin lang talagang mabuti ay masasabing nakikipagkompetensiya ito sa kanya. May laban lang talaga dahil lagi nitong nakakausap ang ina ni Nazmiya. May back up kumbaga kaya ang gagawin ni Apollo ay magpapaubaya siya, didistansiya.

"Sige, ikaw na. Ikaw na!"

Umagang-umaga iyon at hindi na niya napigil ang sariling bibig. Kung ano kasi ang hinahanda niya ay ginagaya rin nito. Kung itlog ang kinuha niya sa ref ay iyon din ang kay Nato. Sa pagtakal niya ng oatmeal ay ganoon din ito."

"Mabuti naman."

Napairap lang siya saka naglakad paalis. Wala siyang maisip gawin ng mga sandaling iyon kaya lumabas na lang at nag-jogging. Para doon man lang ay mawala ang inis niya. Pero teka, bakit ba hindi na nawala ang pakiramdam na iyon? At bakit siya naiinis sa ginagawa ni Nato? Nahinto siya sa pagtakbo. Napagtanto niya ang isang bagay. Nakasanayan niya kasi na siya lagi sa kusina. Sa kanya iyon ipinagkakatiwala ng dating direktor. Marunong naman si Nato kaso tamad ito pagdating sa gawaing iyon. Pero ngayon inaagaw na sa kanya ang trono. Alam niya kung ano at kung sino ang dahilan.

"Desperate!" nasabi niya sa sobrang inis.

Pinunas niya ng kamay ang tumagaktak na pawis sa noo bago nagpasiyang pumasok. Balak niya sanang kuwarto na agad dumiretso pero dahil narinig niyang may kausap na si Nato ay napahakbang siya papuntang kusina.

"Ano? Tama lang ba ang pagkakalaga ng itlog?"

"Umm! Ganito nga. Paano mo na-perfect agad?"

"Estimate, I guess?"

Nakita pa niya ang paghampas ni Nazmiya sa braso ni Nato. Awtomatiko ang pagtalikod niya. Napahawak siya sa kaliwang bahagi ng dibdib. Hindi niya maintindihan ang pagkirot niyon. Parang pinipiga. A, hindi na talaga maganda ito!

"Apollo, ayos ka lang?" Kay Nazmiya iyon nanggaling pero hindi siya sumagot. Tinaas niya lang ng kaliwang kamay para sa okay sign. Pero alam niyang hindi talaga siya okay.

"You're not!"

Narinig niya ang papalapit nitong yabag kaya sa ayaw man o sa gusto ay nagsalita siya.

"Huwag kang lalapit!" Pagalit iyon. Baka sakaling umepekto pero hindi nangyari. Lumapit pa rin ito at alam niyang nasa harap na niya. Nanlalabo ang paningin niya dahil sa nagbabadyang mga luha. Yumuko siya. Hindi nito puwedeng makita ang mga iyon.

"Apollo..."

Inangat nito ang mukha niya. Wala na. Tumulo na ang luha niya. At base sa pagkunot ng noo ni Nazmiya ay nasigurong niyang nalilito ito sa inaasta niya.

"I'm fine. I'm not crying."

Luma na ang palusot niya. Alam niyang wala siyang maloloko sa mga sandaling iyon. Pero si Nazmiya ay handa yatang magpaloko dahil imbes pansinin ang sinabi niya ay binalingan nito ang basang t-shirt niya.

"Magpalit ka ng damit. Basa ka ng pawis, o!"

"Miya..."

"Come on! Halika, samahan kita sa taas."

Nagpunas siya ng luha. Wala siyang nasabi nang igiya siya nito o mas tamang sabihing inaalalayan siya.

Nakapasok na sila ng kuwarto niya. Umupo siya sa kama. Si Nazmiya ay nag-umpisa nang maghalungkat sa drawer doon. Hinayaan niya lang ito sa ginagawa, pinapanood sa madaling salita.

"Ano bang ginawa mo at pawis na pawis ka? Hindi mo ba alam na kapag natuyuan ka ay puwede kang magkasakit?" Patuloy pa rin ito sa paghalungkat.

"Nag-jogging ako." Hindi na niya sinabi ang totoong dahilan. Wala siyang balak.

"Ano ba itong mga damit mo, pare-pareho lang?" reklamo nito.

Dito na siya natawa. Tumayo siya upang kunin dito ang hawak-hawak na kamiseta. Napatingin lang ito sa kanya.

"Magbibihis na ako. Hindi ka ba lalabas?"

"Sabi ko nga lalabas na ako," anitong nagmamadali.

"Sumunod ka na lang pagkatapos mo diyan. Sabayan mo akong mag-almusal," pahabol pa bago tuluyang lumabas.

"ANONG nangyari kay Apollo," si Nato iyon. Nakaabang na sa pababang si Nazmiya.

"Hindi ko alam. Hindi ko na rin tinanong," aniya at isang hakbang pa nasa harap na siya ni Nato. "Si Naneth, nag-almusal na?" usisa niya nang mag-umpisa na silang humakbang. Patungo iyong dining table.

"Oo at pagkatapos nagpaalam na uuwi muna. Maghahanda na iyon sa pasukan. Alam mo na, isang linggo na lang tapos na itong summer vacation," pagkasabi ay humila na ito ng upuan. Ganoon din siya.

"Ikaw ba? Sabi ng mommy mo, scholar ka raw sa isa sa mga kilalang university dito. Saan?"

Nahinto siya sa pagsandok ng kanin pero hindi siya nagsalita. Sa narinig niya mula sa kaibigan mukhang may alam na ito at kinukumpirma lang kung totoo.

"Kung sa main campus, mapapadalas ang pagkikita natin. Ano nga palang kinuha mong course?"

Tinusok niya ng tinidor ang hard boiled egg at pagkatapos kumagat doon. Ang purpose niya ay ipakitang wala siyang interes. Ayaw niya ang usaping eskuwelahan lalo na kung hindi naman ang gusto niyang course ang involve doon.

"Business Economics, right?"

Napaikot ang mata niya. Hindi na siya magtataka kung isang araw ay close na rin dito pati magulang niya. "Wala talaga silang nililihim sa 'yo kapag tungkol sa akin, ano?"

"Hindi naman, nagtanong lang ako nang ilang detalye at mabait naman silang sinagot ang mga 'yon."

"Stop asking them. Kaibigan mo ako, sa akin ka na lang magtanong."

"Oo na." Tumango pa ito at nag-umpisa nang kumain.

"Gusto kong maging nutritionist pero hindi sila pumayag. Natutunan na lang daw kasi iyon. Ewan ko ba!"

"Huwag kang mag-alala pareho tayong hindi gusto ang kursong napili nila. May karamay ka na."

"Teka, parents mo rin ang nagdesisyon? Ano ba sa 'yo?"

"Katulad ng sa 'yo."

At doon ay pareho silang natawa.

May tumikhim lang kaya nahinto sila. Nang mapatingin doon ay nakita nila si Ely. May bitbit itong gitara.

"Si Apollo?"

Walang balak sumagot ni Nazmiya dahil may laman na ang bibig niya. Si Nato na ang gumawa niyon. Tumayo pa ito. Nilapitan si Ely at inakbayan.

"Nasa taas pa. Bakit may date na ba kayo agad?"

Nasamid si Nazmiya. Napapaisip siya kung saan nanggagaling ang mga sinasabing iyon ni Nato. Teka, may date sina Apollo at Ely? Bakit hindi niya alam iyon? Ang dami na agad gumugulo sa isip niya.

"Oy sira! Iimbitahin ko lang siya sa gig mamayang gabi. Alam mo na, mas gaganahan ako kapag nandoon ang inspirasyon ko."

Ayaw man niyang bigyang kahulugan ang sinabi ni Ely pero isinisiksik nito sa utak niya na may ibang ibig sabihin iyon. Bigla siyang nakadama ng insecurities.

Nang mahagip ng mata niya ang pababang si Apollo ay parang gusto niya itong harangin para pagsabihang huwag nitong paunlakan ang anumang sasabihin ni Ely. Pero nanahimik siya sa isang tabi, kaharap ng pagkain, ng itlog na durog-durog na sa kakahalo niya.

"Talaga? Payag ka?"

Napahigpit ang hawak niya sa kutsara. Pumayag si Apollo. Kitang-kita niya ang malawak na pagkakangiti nito.

"Pero bakit ako lang? Si Miya, idol ka niyan. Be considerate, Eliseo," pagkasabi niyon ay sumulyap ito sa kanya. Inakbayan lang ito ni Ely kaya ibinaling na nito roon ang tingin.

"Next time na. Ikaw muna. Basta susunduin kita mamaya. Okay ba?"

Tumayo na siya. Hindi na niya hinintay ang magiging tugon ni Apollo. Bahala na ang mga ito sa buhay. Niligpit na niya ang pinagkainan. Infairness sa kanya at nagawa niyang ubusin ang mga iyon kahit abala ang isip niya sa ibang bagay.