Chereads / Her and Her / Chapter 15 - 15

Chapter 15 - 15

HINDI siya makatulog. Pabiling-biling siya sa higaan. Panay rin ang check ng oras. Iniisip niya si Apollo. Hindi siya mapanatag kahit tatlong oras pa lang naman ang nakalipas mula nang sunduin ito ni Ely. Naglalaro sa isip niya ang mga eksenang hindi dapat. Paano kung nalasing ito tapos sinamantala ni Ely ang pagkakataon? Paano kung mabuking ang lihim nito? Dahil doon ay napasabunot siya. Gustuhin man niyang katukin si Nato ay baka nahihimbing na ito. Bababa na lang siguro siya.

Nagtimpla siya ng gatas. Ininom. Ilang saglit pa naghihikab na siya kaya nagpasya nang umakyat. Pasado alas onse na rin sa wall clock na naroon sa sala. Pero nang papaakyat na siya ay narinig naman niya ang ingay na nagmumula sa gate. Nawala bigla ang antok niya. Tinakbo niya ang main door. Ang lawak ng pagkakangiti nang sa pagbukas niyon ay si Apollo ang natanaw. Nagsasara na ito ng gate. Saglit na huminto. Humawak sa sentido. Hindi na niya napigil ang sarili. Lumapit na siya rito.

"Apollo, anong nangyari? Nilasing ka ba nila?" aniya habang inieksamin ang itsura nito. Naamoy na rin niya ang alak.

May ilaw naman doon kaya makikita niya ang mukha nito. At nang magtama ang paningin nila, naroon ang namumungay nitong mata. 

"One shot. Just that. Pinagbigyan ko lang si Eliseo. Lalaki ako, di ba?" Nakangiti ito. Naramdaman na lang niyang sinakop na ng dalawang palad ang pisngi niya. "There's nothing to worry, honey. Nakabalik ako nang walang labis walang kulang." At pagkasabi niyon ay bumagsak na ito sa balikat. Muntik pa nga siyang matumba.

"Sabi mo one shot, anong drama 'to, Apollo? Hoy!" 

Lalo lang itong nagsumiksik sa kanya. Sinasadya yata. Nakakahalata na siya.

"Apollo, sa tingin mo ba makakarating tayo sa taas sa ginagawa mong ito? Umayos ka nga! Hoy, Apollo! Isa. Iiwan kita rito."

Dito lang ito napaayos. Umalis sa ganoong posisyon saka walang sabi-sabing naglakad. Tuwid. Nawala ang kaninang lasing na Apollo. Malalaki pa nga ang hakbang nito. Naiiling na lang siyang sumunod dito. Tama nga ito na wala siyang dapat ipag-alala.

Nauna itong makapasok ng bahay. Hindi naman kasi siya humabol. Siya pa nga yata itong lasing dahil muntik pa siyang mauntog sa pinto. Pagbukas niya niyon, wala siyang naabutang Apollo. Nakumbinsi niya ang sariling nakaakyat na ito kaya dapat siya rin.

Tinapunan niya muna ng tingin ang silid na inookupa ni Apollo bago binuksan ang sariling silid niya. Nagbukas siya ng ilaw. Nangunot ang noo niya nang mapansing ang nagkalat na medyas, pantalon, polo shirt at ang iba pang ayaw niyang pangalanan hanggang sa napagtanto niyang nasa kama ang nakabalot sa kumot na si Apollo. Ang pagkakaalam niya hindi ito lasing. Pero ano itong nasasaksihan niya? Hindi iyon ang unang beses na makakatabi niya ito kaya iwinaksi niya ang anumang kaba at humiga na, patalikod dito.

"Miya, share tayo sa kumot." 

Bago pa man siya naka-react, nababalutan na rin siya niyon. Bonus pa na nakayakap ito sa kanya. Pumikit na siya. Bukas na lang niya ito kakausapin.

Naalimpungatan siya sa tunog ng selpon niya. Tawag iyon kaya dali-daling sinagot.

"Mom?"

"Video call, anak para makita ko ang princess ko."

Iyon nga ang ginawa niya. At pagkatapos ay nakita na niya ang kumakaway na ina.

"Hulaan mo kung nasaan kami ngayon ng Daddy mo?" Inilibot pa nito ang camera at nahagip ang daddy na kumakaway. 

"Hi, Dad!"

Nag-flying kiss lang ang ama niya dahil may kausap ito sa selpon. Muling gumalaw ang camera. Kita roon ang mga taong may hila-hilang maleta, mga nakapila. Nahagip pa niyon ang display na oras ng flight.

"Saan 'yan, Mom? I mean, nasaan kayo ngayon?"

"Malapit lang kami sa 'yo, Nazzy. Sonra görüşürüz!"

"Mom!"

Narinig niyang tumawa ang mommy niya. Naglalakad na ito dahil magulo na ang camera. "Pasakay na kaming taxi. Iikot mo nga rin, anak ang camera mo para makita namin diyan," request nito kaya naman sinunod niya. Bumangon pa siya para mas makabuwelo.

"Any news about you and Nato?" ang daddy niya iyon. 

"Nagugustuhan mo raw lagi luto niya. So, pasado na ba siya sa 'yo," ang mommy niya. 

Hindi niya pinansin iyon. Patuloy lang niyang iginala ang camera.

"Who's that? Is that Mr. Asuncion's son? My god, Nazmiya!"

Muntik pa niyang mabitiwan ang selpon dahil sa pagsigaw ng ina. Nag-off cam siya dahil doon. 

"Nazmiya, ipaliwanag mo ang nakita namin, kung hindi malilintikan sa 'kin. Bakit nasa kama mo ang lalaking 'yan?"

"Mom, imposible kami ni Nato. Sana maintindihan ninyo."

"Hintayin mo kami diyan. Mag-uusap tayo."

Pinatay na nito ang tawag. Bigla siyang pinanlamigan. Pakiramdam niya isang katakot-takot na sermon ang magaganap. Ginising niya si Apollo. Kailangan niya itong balaan. 

"What?" angil nito nang maisturbo ang tulog.

"Magbibihis ka na dali. Darating ang parents ko at kailangan kitang iharap sa kanila."

"Anong oras na ba?" Humawak muna ito sa ulo at saka tamad na bumangon. Sinilip nito ang selpon at pagkakita ng oras ay muling humiga. Nagtalukbong.

"Apollo! Parents ko ang darating hindi mo ba narinig?"

Napabalikwas na ito pero nakapulupot pa rin ang kumot sa katawan. Saka sumulyap sa kanya. May gustong sabihin na hindi lang masabi.

"A, damit mo? Sandali!" Hindi na niya hinintay pa ang oo nito. Pinulot na lang niya ang mga nakabalandra sa sahig at maayos itong ibinigay kay Apollo.

"S-salamat. Pasensiya na kung careless ako. Mainit kagabi at saka..." iginala muna nito ang tingin sa buong kuwarto saka mariing napapikit. "Kuwarto niya pala 'to," mahina na nitong dugtong. Tama lang para makarating sa pandinig niya.

"Bakit? Ngayon ka pa ba mahihiya? Kagabi nga..." bitinin niya iyon para lang buhayin ang kuryusidad nito.

"Oy, Miya ha. Niyakap lang kita. Wala akong ginawang iba."

Napahagikhik na siya.

Naghaharutan pa sila pagkalabas ng kuwarto. Saktong namang kakaakyat lang ni Nato kaya nahinto sila.

"Nasa baba sila," sabi lang nito.

Nagkatinginan naman sila ni Apollo. At si Nato diretso lang itong kuwarto. Pagkapasok nito roon ay saka lang niya hinawakan ang kamay ni Apollo.

"Halika na, ipapakilala na kita sa parents ko."

Napabitiw siya kay Apollo nang marating ang sala. Naroon ang magulang niya. Nakatingin sa kanila. Nanunuri.

"Hindi ba kayo uupo?" ang tila naiinip na tanong ng ina niya.

Nagpatiuna siyang umupo at kung hindi pa niya inabot ang kamay ng nakatayo pang si Apollo ay nagmimistulang estatwa lang ito roon. Malamig ang kamay nito pero this time sa harap ng magulang niyang nakakunot na ang noo ay hindi niya binitiwan pa ang kamay ng sinisinta.

"Dad, Mom, si Apollo ho."

"We know him!" sabay ang mag-asawa. Matatalim ang tingin nito sa katabi ni Nazmiya.

"Kailan pa kayo ng anak ko? Kaya pala walang good news ito mula nang bumalik dahil ikaw pala ang dahilan," usisa ni Mrs. Safar. "At nagtatabi na kayo?" dugtong pa.

"Mom!"

"Keep your mouth shut, Nazmiya! We're asking, Apollo!" ang dad niya kaya natahimik siya.

Ramdam na ramdam niya ang pagpapawis ng palad ni Apollo. Pinisil niya iyon kaya napasulyap ito sa kanya tapos bumulong.

"Anong nangyayari, Miya? Paano nila nalaman ang tungkol doon?"

"Mamaya ko na lang ipapaliwanag," ganti niyang bulong.

"Kinakausap kita, lalaki!"

Sabay pa silang napaayos ng upo. Hindi dahil nagtagalog ang ama niya kundi dahil malakas ang pagkakasabi niyon.

Nang makabawi ay agad siyang tumayo at pinagitnaan ang magulang saka may ibinulong sa mga ito na matapos niyon ay parehong nanlaki ang mga mata.

"Pananagutan ko ho siya. Huwag ninyo sana siyang ilayo sa akin," mula sa nakaluhod ng si Apollo.

Hindi makapaniwala si Nazmiya sa nangyayari. Naantig ang puso niya. Pero dahil alam niyang ipinagtatanggol lang siya nito ay hinayaan lang niya ang susunod nitong gagawin. Ang kaso hindi na nangyari dahil tinulungan na itong itayo ng kanyang ina.

"It's okay. Sinabi na sa amin ni Nazzy ang totoo. Hindi mo na kailangang gawin iyan," ang nakangiting sabi ni Mrs. Safar bago binalingan ang asawang nakangiti rin. "Halika na, hubby. May pupuntahan pa tayong kasal. Maiwan na natin ang dalawa."

Humakbang na palabas ang mag-asawa. Tumayo na rin si Nazmiya pero binalingan muna si Apollo na noon naman ay titig sa kanya.

"Ihatid muna natin sila sa gate saka tayo mag-usap ulit. Tara!" aniya. Siya pa mismo ang humila rito.