Chereads / Her and Her / Chapter 12 - 12

Chapter 12 - 12

"ANO? Pumunta ka lang dito para sabihing may ibang gusto ang fiancee mo?" Napahilot sa sentido si Mr. Alejar. Nakatingin ito sa kanya na tila nanghuhusga. "Gawain lang ng isang bata ang ginagawa mo. Akala mo ba nakakatuwa ito?" Dismayado ang kanyang ama. Pero kailangan niya talagang lunukin ang pride para humingi ng tulong dito. Sumbungero man siyang matatawag, wala siyang pakialam.

"Dad! Hindi sermon mo ang kailangan ko kundi tulong."

"Anong gusto mo? Ang usapan, dapat maging kayo. Ipapakasal lang kayo kapag tapos na sa kolehiyo. Wala ka talagang alam sa buhay, ano?"

Nasaktan siya sa binitiwang salita ng ama. May punto ito pero wala na siyang maisip na paraan. Hindi na niya mahintay si Nazmiya. Gusto na niyang maging kanya ito nang tuluyan at para mangyari iyon ay gagamitin niya ang simpatiya ng mga magulang.

"Kung wala ka nang sasabihin puwede ka nang umalis, may meeting pa ako at nakakaabala ka rito sa opisina." Ipinagtatabuyan na siya. Kunsabagay ayaw naman talaga niya sa lugar na iyon kaya hindi niya ito masisisi. Sumusulpot lang din siya kapag may kailangan. 

Tumayo na ito. Inayos ang kurbata. Alam niyang sa kilos na iyon ay naghahanda na itong umalis na pero nangulit pa rin siya.

"Dad, please."

"Alam mo na bang hindi na ipapagiba ang bahay-ampunan?"

Tumango siya. Narinig niya kasi iyon sa bisita ni Nazmiya. Hindi nga lang siya nakisabat pero alam na niya ang tungkol doon.

"Dahil nakiusap sa akin ang mag-asawang Safar. Nagkataong malaki ang shares nila sa kumpanya kaya walang dahilan para di ko sila pagbigyan. Siguro naman naiintindihan mo ang ibig kong sabihin." 

"Na dahil sa pagpayag ninyo kaya mananatili pa rin ang bahay?" paglilinaw niya.

"Ngayong alam mo na, sino ba ang makikinabang? Pareho kayo.  Ipa-realize mo sa kanya iyan. Malay mo, ito ang maging daan para magustuhan ka niya."

"Gagawin ko, dad. Salamat."

"O, siya! Ano pang hinihintay mo? Alis na."

"Bye, dad!" pagkasabi ay siya na ang naunang lumabas ng pinto.

Walang empleyadong pakalat-kalat ng mga sandaling iyon. Nakahinga siya nang maluwag. Ayaw niya rin kasi ang pagtrato ng mga ito sa kanya. Masyadong mayabang ang datingan. Kung sakali mang ilipat sa kanya ang posisyon---naipilig niya ang ulo sa naiisip. Kinikilabutan siya. Ni wala sa hinagap niya ang maging boss ng isang kumpanya. Si Nazmiya lang ang gusto niya. Napalitan ng ngiti ang labi niya hanggang makalabas siya ng gusaling iyon.

"Babalikan kita mamayang alas cinco kaya habang wala ako pakabait ka ha. Okay ba iyon?" 

"Okay, Kuya!"

Naghihintay siya ng masasakyan nang malingunan ang nag-uusap. Nakilala niya ang dalawa---ang magkapatid na Ely at Felicity. Nasa tapat ito ng isang kilalang fast food restaurant. Hinintay lang nitong makapasok ang nakababatang kapatid tapos nag-swipe sa selpon, pangiti-ngiti. Napailing naman siya. Sa sobrang abala kasi nito sa ginagawa ay hindi namalayang babangga na sa kanya. At nangyari na nga.

"Shi---Nato? Sorry, sorry bro." Tumawa pa ito kahit alam niyang ito ang nasaktan.  Minasahe-masahe kasi nito ang ilong.

"Chic kasi ang inaatupag."

"Hindi! Mga kabanda ko lang. Pauwi na raw sila rito. Nagpapasundo kaso sabi ko nakatoka ako ngayon kay Felicity. Hayun, kinantiyawan ako," mahabang paliwanag nito tapos muling bumalik ang atensiyon sa selpon.

Napatango-tango naman siya kahit hindi naman nito nakikita.  "Ano na palang ginagawa ngayon ni Felicity?" Wala siyang maisip na itanong kaya iyon na lang.

"In-enroll namin sa cooking class diyan," pagkasabi ay sumulyap pa sa tinutukoy nitong lugar, ang fast food na ilang hakbang lang distansiya sa kanila. "Wala, e. Busy na ulit mga magulang namin. Sa una lang magagaling."

Nahimigan niya ang tampo sa sinabi nito pero nang mapansin niya itong nakangiti ay naisip niyang mali ang pagkakabasa niya rito.

"Nga pala, saan ka papunta niyan? Kung sa ampunan, puwede ba akong sumabay? Gusto kong makita si Apollo, alam mo na."

Napangisi siya. Hindi niya alam pero may nase-sense siyang magugustuhan niya.

"Type mo si Apollo?"

Nahinto ito sa paglalakad. Ibinulsa ang selpon at napatingin sa kanya.

"Halata ba?"

Nagliwanag ang mukha niya. Sa isip niya ay malaki ang magagampanan ni Ely sa buhay pag-ibig niya.

"Tara! Baka nandoon na iyon." Inakbayan pa niya ito at saka siya pumara ng nagdaraang traysikel.

NAGKAROON ng chance si Nazmiya upang kabisaduhin ang madaraanan ng kanilang sinasakyang traysikel. Siya kasi ang malapit sa bukana. Si Apollo naman ay nasa kabilang side nakatingin. Nililingon niya ito paminsan-minsan. May pinaplano kasi siya at iyon ay siguradong ikatutuwa nito. 

"Bakit? May sasabihin ka?"

Kahit maingay ang sasakyan ay malinaw niyang narinig ang tanong na iyon. Umusog siya rito at may ibinulong.

"Seryoso ka?" mangha pa itong nakatingin sa kanya.

Pagkatango niya ay saka nito kinalabit ang drayber. 

"Ihinto mo po sa pinakamalapit na mall."

"Areglado, boss!"

Napahagalpak siya ng tawa. Pero si Apollo tumingin sa kanya na tila nagbabanta kaya hayun mapatakip na lang siya ng bibig. Gusto pa sana itong asarin, nagpigil lang siya.

Kumanan lang ang traysikel at naroon na sila sa tapat ng mall na hindi naman kalakihan. Nauna siyang bumaba. Hinayaan niyang si Apollo ang magbayad. Tahimik lang siyang naghintay sa tabi.

"Nainip ka ba?" pagkalapit nito ay tanong sa kanya.

"Hindi naman. Ano, ready ka na bang mag-transform into goddess, Miss Asuncion?"

"Miya!"

Pinagtitingin sila nang makapasok sa isang botique. Paano kasi bawat pinipili niya ay sinisipat niya sa kasama. Sino ba naman kasi ang mag-aakalang babae talaga ang kasama niya? Pormahan nito ay panlalaki tapos nandoon sila, talagang takaw-tingin. Nailing siya at ipinagpatuloy ang pagpili sa hilera ng mga bestida. Nandito siya para maging fairy god mother hindi para mag-isip ng kung ano-ano.

"Miya, mukhang hindi maganda itong ideyang naisip mo." Lumapit sa kanya si Apollo at iginagala ang tingin sa paligid. May pag-alala sa mukha nito kaya naman to the rescue siya.

"Matagal mo na itong gusto. Iyon ang isipin mo."

"Hindi 'yon, di ba lalaki ako sa paningin nila? Tapos itong ginagawa natin ay baka mapagkamalan ako---" Tinakpan niya ang bibig nito. Ayaw niyang marinig ang mga sasabihin nito.

"Nag-uumpisa pa lang tayong gawin ang gusto mo. Isukat mo na ito, sige na."

Wala itong salitang pumasok sa fitting room. Iyon talaga ang inaasahan niya. Pagkalabas nito ay malawak na ang pagkakangiti. 

"Bagay ba?"

Hinagod niya ito ng tingin. Hindi siya nabigo. Maganda si Apollo sa ganoong ayos. Lumapit siya rito. Sinuklay niya ng kamay niya ang buhok nito. Tapos muli ay sinipat niya ito.

"Bibilhin natin 'yan kung gusto mo." 

At dahil doon niyakap siya ni Apollo. "Salamat, Miya. Maraming salamat."