Chereads / Her and Her / Chapter 2 - 2

Chapter 2 - 2

Lunch time na. Nagsitakbuhan na ang mga bata papasok ng dining hall. May name tag ang bawat isa. Excited na ang mga ito kung anong kakainin nila.

"Fall in line, ha. Bawal magtulakan," ang sabi ng isa sa mga volunteer sa kitchen na si Nato siniko pa nito ang katabing  biglang naging palakaibigan ang ngiti. Si Apollo.

"Okay kids, excited na ba kayo?" 

"Opo!" Nagtatalon pa ang mga ito. 

"Mukhang energetic sila kagaya natin noon," bulong nito kay Nato bago muling nagsalita. "Ang specialty natin ngayon ay sopas!" 

Parang may dumaan lang na uwak. Walang naka-react.  Nainis tuloy ang taga-attendance na si Naneth. 

"Bigyan ninyo na nga, ang dami pa ninyong ritwal. Gutom na sila, okay?" 

"Anong sopas kasi 'yang sinasabi mo? E, chicken nuggets ang niluto ko," pilit ang ngiting sabi ni Nato sa mahinang tinig.

"Hamo na, mamaya masigla na ulit sila kapag napagtanto nilang joke lang pala."

Natawa na ang kanina pang nananahimik sa isang tabi na si Nazmiya. Doon ay parehong napatingin sa gawi niya ang dalawa. Kumamot sa batok pero balik muli sa ginagawang pagsandok ng kanin.

Isa-isa na itong nabigyan ng pagkain kaya nagkaroon na ng pagkakataon si Nazmiya upang bilangin ang mga batang naroroon. Beinte lahat. Mas marami ang babae kaysa sa lalaki. Sa hula niya ay nasa edad na lima hanggang pito. Hindi maingay sa hapag. Wala rin makalat kumain. Natatandaan pa niya ang turo noon sa kanila ng Direktor--- ang maging maingat sa pagnguya, ang bawat mumo ay isang biyaya.

"Nasa pito lang tayo noon nang mapagdesisyunan itong pangalanan ni Miss Santillan," pagbabalik-tanaw ni Naneth. 

"Oo nga ano? Ang plano niya raw kasi talaga kung hindi dumating ang poreber niya, mag-ampon na lang siya ng mga batang lansangan," naaaliw na pagkukuwento ni Nato na noon ay nagtanggal na ng apron para lumipat sa puwesto ng kinatatayuan ni Nazmiya.

"Humingi pa raw siya ng sign at napulot nga niya ako sa airport. Walang gustong umako kaya inuwi na lang niya ako," natatawang sabi naman niya.

"Thanks to you, Miya kasi ikaw ang una at naging inspirasyon niya," masayang sabi pa ni Nato.

"At naging bahay na rin ito ng mga batang walang kasama sa bahay dahil busy sa trabaho ang mga magulang kagaya ng sa kalagayan ko noon." Nakisali na rin si Apollo.

"Oy, kami rin noon ni Kuya. Sinusundo nga lang kami tuwing gabi kaya never ko pang nakatabi sa pagtulog si Nazmiya," may pagtatampo sa tono ni Naneth.

"E, di tabi tayo mamayang gabi." 

"Ha?" sabay na react nina Apollo at Nato na para bang nakakagulantang ang naging tugon ni Nazmiya.

Mabuti na lang at hindi naman naeskandalo ang mga bata. Kain pa rin ang mga ito ng kain. Nakakagana nga naman ang chicken nuggets na sariling timpla ni Nato. Binabad lang naman niya iyon sa asin, paminta at kalamansi. Malasa na.

"Saglit, seryoso ka Miya?" hindi makapaniwalang tanong ni Nato.

"Oo nga naman, Nazmiya patabi rin kami ha---aw!" Hindi pa man tapos ay may tumama ng matigas na bagay sa ulo ni Apollo. "Gutom ka na yata, Nato kasi pati ako sinasandok mo," pagkasabi ay tumakbo na ito palayo.

Nagkatawanan lang sila sina Naneth at Nazmiya. Nang di matiis ni Nato, pumunta na lang siya sa mesa at niligpit na ang  pinagkainan ng mga natapos na. Ang iba ay kanya-kanya nang punta sa washroom. May mangilan-ngilan na sa playground kung saan may nakatoka ng volunteer na magbabantay. Hanggang sa isa na lang ang naiwan sa mesa. 

"Ako nang bahala rito," presinta ni Naneth.

"Okay, sa washroom ako," si Nazmiya naman na agad tinungo ang nabanggit.

Mga batang babae na naglalaro ng tubig ang naabutan niya.

"Kids!" 

Nagsipulasan ang mga ito. Winisikan pa siya ng tubig at nagtawanan. Ah! Binabawi na niya ang  pag-aakalang behave ang mga batang ito.

"Sandali, hintayin ninyo ako."

Nang walang makita ni isa mang bata sa loob ng dining hall ay kinabahan siya. Dali-daling tinakbo ang labas. Anong tili niya nang bulagain ng mga ito sa pintuan. Gusto na niyang mainis nang may tumusok ng kung ano sa ulo niya dahil kasi roon natanggal ang pagkakatali ng buhok niya.

"Whoah!" mula sa maliliit na tinig ang siyang pumukaw sa kamalayan ni Nazmiya. Na minsan siyang naging bata at tila nakikiliti siya lalo na nang makita sa mga mata nito ang pagkamangha sa kanya. 

"P-puwede ba naming itali ang buhok mo na kagaya ni Rapunzel?" ang malambing na tinig ng nagngangalang Felicity. May hawak itong manikang blonde ang buhok pero buhaghag.

"Please?" korus ng mga ito.

Tumango siya. Sino siya para tumanggi sa isang munting hiling kung parang naging anghel ang mga ito sa kaniyang paningin?

Sa isang malilim na punong langka siya dinala ng mga ito at doon pinagpraktisan ang buhok niya. Sinusuklayan din siya kaya matapos nang ilang minuto namigat ang talukap ng mata niya. Nawala lang ang antok nang mag-iyakan ang mga ito.

"Bakit, anong nangyari?" Isa-isa niya itong sinuri. "May masakit ba sa inyo?" pag-aalala niya pero umiling ang mga ito.

"Hindi kami marunong."

Iyon lang naman pala kaya para tumahan hiniram niya muna kay Felicity ang manika nito. Ipinakita niya kung paano magtirintas ng buhok at kung anu-ano pang pangungumbinsi hanggang sa mapuno na ng halakhak ang lugar na iyon. 

"Kailangan ninyo ba ito?" si Nato.

May inabot itong box. Nang buksan ay halos maluha siya pero pinigil niya. Mga hairclip iyon na magkakaiba ang disenyo. Kulang ang salitang maganda para ilarawan ang mga iyon.

"A-ano... mga itinabi ko talaga iyan, hindi ko lang naibigay agad," paliwanag nitong plano nang umupo pero sumulpot ang nakangising kapatid.

"Pati mga damit pambabae nga bumili 'yan."

"Naneth!" nanlalaki ang matang saway ni Nato na mabilis nakalapit sa kapatid. 

"Maraming panty ang nasa draw---" Tinakpan na nito ang bibig ni Naneth. Hindi na kasi maganda ang nangyayari. 

"Pasensiya ka na, Miya sa little sister ko, alam mo na, minsan makulit lang siya," pagkasabi ay kinaladkad na palayo roon ang nagpupumiglas na si Naneth. "Mamaya na lang ulit!" anitong kumumpas pa ng kamay bilang paalam.

Napangiti si Nazmiya habang nakatitig sa napakaraming hairclip. Naalala niya kasi ang unang hairclip na regalo ni Nato sa kanya. Naiwala nga lang niya iyon pero nangako itong ibibili siya nang marami kapag binigyan ito ng baon. Hindi naman niya akalaing ganoon pala iyon karami.

Hindi ka pa rin nagbabago, Nato.

"ANO bang masama kung nasabi ko ang tungkol doon, Kuya? Sooner or later malalaman din naman niya kasi nga, di ba?" Binitin nito ang sasabihin.

Naglalakad na sila papunta sa tinutuluyang bahay karugtong ng tulugan ng mga bata. Tapos na ang oras nila sa pag-aasiste. Ang mga naka-assign na ibang volunteers na ang bahala roon. May ganoon lang naman pakulo ang may-ari ng bahay-ampunan kapag bakasyon. Pinagdi-day off kasi nito ang kasamahang tagaluto at tagalinis. 

"Sabi-sabi ka pang ayaw ng element of surprise tapos nililihim mo iyon sa kanya," himutok pa rin nito.

"Naneth! Tumahimik ka na nga!" 

"Ayieee... nahihiya siya kay Nazmiya." Sinundot-sundot pa siya nito sa tagiliran.