Chereads / Her and Her / Chapter 7 - 7

Chapter 7 - 7

LUNES na nang umaga. Pasado ala seis pa lang naroon na sa gate ang ilang kababaihan kasama ng kanilang mga tsikiting. Iyon ang bumungad sa umaga ng apat na  bagong ligong tinedyer. Nagkasundo na rin sila kung sino ang magbibigay ng notice at kung paano nila ipapaliwanag ang pagbabago. Pero matapos pagbuksan, ang mga bata ay agad nagsitakbuhan sa loob. Naging alisto naman sina Apollo, Nato at Naneth. Sumunod agad sila sa mga bata at ang nagpaiwan lang ay si Nazmiya. 

"Puwede ho bang huwag muna kayong umuwi? May sasabihin kasi ako." 

Napahinto sa paghakbang ang mga ito. Nagtatakang ang mga tingin pero wala naman lumabas sa bibig. Doon niya napagpasiyahang ibigay ang papel sa bawat isa.

"Sana po ay maunawaan ninyo ang desisyon ni Miss Santillan."

Nagbulungan ang mga ito saka nakangiti siyang hinarap. May ilan pang tumapik sa kanyang balikat.

"Sa palagay namin, ito na ang panahon para magkaroon kami ng mas maraming oras sa mga anak namin, di ba?" sabi ng babaeng kahawig ni Felicity.

"Miss Santillan is doing a great job!"

Tumango-tango pa ang mga ito na tila iisa ang nasa isip. Matapos kanya-kanyang dial sa selpon. At sa narinig niya mga nagpaalam ang mga ito sa boss o kung sino man. Hindi makapaniwala si Nazmiya na ganoon ang kalalabasan. Hindi niya alam ang nilalaman ng notice pero sa nakikita niya ngayon hindi pala dapat mabahala. Nawala ang tampo niya sa iginagalang direktor. Bigla siyang na-proud dito.

"How was it?" usisa ng may karga-kargang bata na si Apollo.

Wala na roon sa harap ni Nazmiya ang kaninang kausap na mga kababaihan. Kanya-kanyang punta na ito sa mga anak dahil nagdesisyong hindi na muna magtatrabaho sa araw na iyon.

"Okay lang daw sa kanila," aniyang sa mga nagkakasiyahang mag-iina ang tingin.

"Really? That's good, Miya." Tinap nito ang ulo niya kaya napatingin siya rito.

"O, ikaw muna kay Felicity kasi kailangan na ako sa kusina."

Noon naman niya binalingan ang batang dala pa rin ang paboritong manikang maayos nang nakatirintas ang buhok. "Tayo muna ang maglaro, Felicity. Magluluto muna ang Daddy Apollo."

Mabait naman itong nagpakarga sa kanya. Humakbang na rin siya para iwan si Apollo. Paglingon niya naroon pa rin ito  sa kinatatayuan. Napabalik siya. Nakita niya ang pamumula ng pisngi nito.

"Hey! Bakit?" usisa niyang agad nitong tinugon ng iling tapos ay saka lang ito naglakad pakaliwa kung saan naroon ang dining hall.

"Magluluto na raw ba siya?" ang pawis na pawis na si Nato. May akay pang dalawang batang lalaki.

Dumausdos si Felicity kaya binaba niya muna bago sinagot ang tanong ng kaibigan. "Oo, iyon ang sabi niya.

"I-text mo nga siya, mag-order daw ng pizza si Mrs. Paredes kaya dessert na lang ang ihanda niya."

"Oh! Wait lang---Felicity!" Nagpaikot-ikot kasi ang bata sa kanya tapos dumadaan sa pagitan ng legs niya. Para itong pusa. 

Narinig niya ang pagtawa ni Nato. Napatingin siya rito. Ginagaya pala ng dalawang batang kasama nito ang ginagawa ni Felicity. Natawa na rin siya pagkuway kinapkap ang bulsa ng shorts niya.

"Naiwan ko pala sa loob ang selpon ko," aniya nang walang makapa roon.

"Hayaan mo na. Hintayin na lang natin lumabas si Apollo."

Tumango siya bilang pagsang-ayon.

Hindi pa sila nagtatagal sa pag-uusap nang dumating ang order na nabanggit. Si Ely ang may dala niyon na agad pinagbuksan ni Nato. Tamang-tamang ang paglabas ni Apollo. Tapos na rin marahil sa pagluto.

"Lunch is ready--- teka parang may naaamoy ako," ang nakangiti pang sabi nitong lumapit sa bagong dating. Ito na ang kumuha sa dala ni Ely. "Ako nang maghahanda nito."

"Hindi, kami na ni Kuya," pagitna ni Naneth na isa ring mahilig sa pizza. Doon lang nagpaubaya si Apollo.

"Okay kids, it's time for lunch!" agaw-pansin ni Nazmiya sa mga batang abala pa rin sa playground.

Nagpila ang mga ito pagkarinig niyon kasama ng kanilang mama.

"Oy, sorry di ka namin na-inform agad. Napagod ka tuloy sa kusina." Siniko niya ang kasabay

na si Apollo kaya sumulyap ito sa kanya. 

"Nasabihan na ako ni Mrs. Paredes kaya nagtimpla na lang ako juice at gumawa ng potato fries..." anitong binitin iyon saglit bago nagpatuloy, "ang una mong nagustuhan sa mga luto ko."

"E, kasi kahit prito siya hindi oily."

Napatango-tango si Apollo. Mamaya ay naramdaman niyang nakahawak na ito sa kamay niya. "A-Apollo!" 

"Please?"

"Sige, ikaw bahala sa kung anong trip mo." 

Tumawa si Apollo saka siya nito  hinila para magkadikit sila.

"BILIS-BILISAN mo na kuya kasi kung hindi ka kikilos hindi malayong maagaw niyan sa 'yo si Miya."

Natawa lang si Nato sa himutok ng kapatid. Naroon sila sa kitchen area at nakatanaw sa huling pumasok na dalawang magkahawak-kamay.

"Si Apollo? Imposible."

"Hindi ka ba natatakot na baka magkagusto sa kanya si Miya?"

"Hindi mo ba ako narinig? Imposible sila. Maniwala sa akin. Wala ngang lakas-loob manligaw iyon."

"Pero pinagseselosan mo." Napairap pa si Naneth. Muntik na nga nitong mabatukan ng kapatid pero sumulpot lang si Nazmiya kaya ibinaba ang kamay.

"Hey, tapos na kayong mag-serve ng pagkain. Kain na rin tayo."

"Pagkatapos na lang nila," sabay pa ang mga ito.

"Mauubusan na raw tayo kaya ipinagtabi tayo ni Ely. Tara na, Miya," si Apollo iyon na hinila si Nazmiya.

Nagkatinginan naman muna ang magkapatid at pagkatapos sumunod na rin.

"Nakakalungkot isipin na kung kailan nakakilala ako ng isang fan ay ito na rin pala ang huling pagkikita-kita. Nami-miss ko itong lugar kung saan ang kalaro ko lang dati ay si Apollo."

"Dati ka rin dito?" manghang tanong ni Nazmiya.

"Madalas siya rito. Over the bakod nga lang ang ginagawa noon kaya hindi ninyo napapansin," ang nakatawang pagkukuwento ni Apollo.

"Akala ko nga dati imaginary friend mo lang iyong kinukuwento mo noon," nakisali na rin si Nato.

"My bad. Hindi ko talaga alam," pag-amin ni Nazmiya.

"Ayos lang hindi rin naman kita natandaan. Si Apollo nga hindi ko rin nakilala agad. Ang laki ng binago. Dati cute na cute ako rito, ngayon nakakatakot na." Umakbay pa si Ely kay Apollo na noon ay pulang-pula na ang pisngi.

"Cute nga noon si Apollo kaso sipunin," susog naman ni Naneth.

"Oy, hindi, a! Ikaw kaya 'yon." 

Napasimangot si Naneth saka isinubsob ang mukha sa likod ni Nazmiya. 

"Pero itong si Nato, ang malupit. Simple pero may pinangakuan 'yan," hirit ni Ely.

"Pati ba naman iyon, inuungkat mo?" Namula na rin si Nato.

Nag-e-enjoy si Ely. Kay Nazmiya naman ito tumingin. "Miya, tanda mo rin ba?"

Hindi siya nakasagot. Sumulyap  siya kay Naneth, nakangiti ito pagkatapos sa kabilang side naman siya tumingin kung saan nakaupo si Nato. Sunud-sunod nitong nilagok ang pineapple juice. Alam niyang tulad niya ay uncomfortable na ito sa usapan.

Nagsalin din siya ng juice sa baso at ininom iyon.

"Mga bata pa kami noon kaya normal lang naman iyon," si Nato ang nagsalita.

Tahimik ang paligid. Nakadama siya ng tensiyon kaya tumayo. "Sa washroom lang ako," paalam niyang mabilis ang naging hakbang.

Nasapo niya ang dibdib nang siya na lang mag-isa sa washroom. Ganoon pala ang pakiramdam kapag nasusukol at wala kang magagawa kundi maghanap ng tamang salita para maipagtanggol sa sarili pero sa huli ay iiwas ka para hindi magkamali. Mabuti ay nandiyan si Nato. Medyo weird dahil natutuwa siya sa ginawa nito. 

"Miya, are you okay?" ang tuluy-tuloy sa loob na si Apollo. "Pagpasensiyahan mo na si Ely, mahilig talagang manukso iyon lalo na kapag may nalaman siya."

Hindi siya nagsalita. Nagmumog lang siya. Nakita pa niya sa repleksiyon ng salamin ang pagsandal ni Apollo sa gilid ng lababo.

"Kaya kahit naging close kami hindi ako masyadong nagkukuwento sa kanya."

Humarap na siya. "Okay lang ako. Tanggalin ko lang itong sauce sa damit ko. Puwede ka nang bumalik doon." Itinuro pa niya iyon. Convincing! May dahilan para magtagal doon.

"Tulungan na kita. Tapos na rin naman ako," suhestiyon nitong abala na sa pagbasa ng panyo. 

Nang akma na nitong ipupunas sa blusa niya ay naitulak niya si Apollo pero hindi niya naalis ang kamay sa dibdib nito dahil maliit lang naman ang espasyo roon. Napatitig siya malambot na parteng hawak niya. Tapos humawak din siya sa dibdib niya at muling ibinalik ang kamay sa dibdib ni Apollo. Narinig niya ang pagsinghap nito kaya doon siya nag-angat ng tingin. Nakapikit ito kaya malaya niyang napagmasdan. May kaunti itong pimple sa pagitang ng kilay na hindi naman kakapalan. Kapansin-pansin din ang nunal nito sa kanang bahagi ng pisngi, sa gilid ng labi, sa leeg. Napalunok siya ng laway.

"Are you satisfied?" 

Natataranta siyang tinanggal ang kamay roon nang magmulat si Apollo.

"Mas malaki ba kaysa sa 'yo?"

Napalunok na naman siya, iniwas ang tingin at sunud-sunod ang pagtango. 

Ngumiti si Apollo saka muling nagsalita. "At nagustuhan mo ba?"

Nanlaki ang mata niya. "Apollo!"