NAGING tahimik ang buong compound ng Villa Guinto. Wala na ang halakhakan ng mga bata. Umuwi na ang mga ito kasama ng kanilang ina. Pabagsak na umupo ang apat sa sofa na nasa sala. Sinundan ng buntonghininga. Tumingin sa kisame. Bumuntonghininga ulit.
"Bukas na pala ang deadline tungkol sa agreement. May naisip ka na ba, Apollo?" pagbasag ni Nato sa katahimikan.
"May naiisip ako pero ang gusto lang naman natin ay huwag ipabago itong bahay kaso ano namang gagawin natin dito kung sakali?"
"Tagpuan nating apat?" natatawang sabi ni Naneth
Napatingin dito ang tatlo at iiling-iling.
"Hey, wala akong alam sa business field kaya hindi ako maasahan sa ganyan, ikaw ba, Miya?" baling ni Naneth kay Nazmiya.
"May point si Apollo. Nang biglang pumayag ang mga nanay ng mga bata ay naging panatag na ako. The memories are still there, alam natin iyan pero minsan kailangan nating mag-move on at tanggapin ang pagbabago."
"That's unfair!" Tumayo si Nato. "Baka nakakalimutan ninyong kasalanan ito ni Miss Santillan. Iniwan niya tayo, ipinagpalit niya tayo sa pera. Iyan isaksak ninyo sa kukute ninyo!"
"Nato! Hindi ngayon ang tamang panahon para pairalin ang init ng ulo," awat ni Nazmiya. Hinila pa niya ang kaibigan para bumalik sa upuan
"I'm sorry." Kumalma na ang lalaki. "Pero ang lugar na ito ang isa sa dahilan kung bakit ka bumalik di ba?"
Natauhan si Nazmiya. Oo nga pala. Mahal niya ang kinalakihang lugar. Nangulila siya rito nang ilang taon kaya bakit ngayong nagigipit na ay hindi niya magawang ipaglaban. Pero sumuko na ang taong dahilan kung bakit siya bumalik. Para saan pa?
"Kung ginagawa mo ito para sa akin, it's not worth it!"
Napasandal si Nato sa upuan bilang pagsuko. Hindi na ito muling nagsalita pero nagpatuloy siya.
"Kayong dalawa," binalingan niya sina Apollo at Naneth na nasa kabilang bahagi nakaupo. Nang masigurong nasa kanya na ang atensiyon ay saka nagbuka ang bibig niya. "Gusto ninyo rin bang manatili ang bahay dahil sa akin o dahil sa memories?" Alam niyang prangka ang tanong niya pero kailangan malaman ang dahilan. Magkaalaman na, ika nga.
"Both." Sabay pa ang dalawa.
Kung gayon ay nakapagdesisyon na siya. Tumayo siya at nag-dial sa selpon at ilang minuto pa may kausap na siya roon.
"Yes, hija?"
"Iyong tungkol po sa nabanggit ko, magagawan mo ba ng paraan, Mom?"
"As a promise. Everything will be fine."
"Thanks, Mom!" Ibinaba na niya ang selpon saka naglakad paakyat ng hagdan. Gusto niyang umidlip. Ayaw muna niyang mag-isip.
Kakalapat lang ng likod niya sa kama nang tumabi sa kanya si Naneth. Nagtama ang mga mata nila.
"I'm sorry, wala akong maitulong."
Umiling siya. "Sapat na ang sinabi mo kanina," at tumagilid na siya ng higa. Narinig niya ang malalim nitong paghinga.
"Importante ka sa akin." Narinig pa niyang sabi nito bago siya ginapi ng antok.
Tumunog ang selpon niya kaya nagising siya. Pagtingin doon ay saktong alas cinco na ng hapon. Tumingin siya sa nahihimbing pa ring si Naneth. Kinumutan niya ito at marahang bumaba ng kama. Pumunta siya ng banyo. Pagkalabas ay nakangiwi siya, nakahawak sa puson.
Napagdesisyon niyang bumaba. Walang tao sa sala. Tumungo na lang siya sa kusina. Naabutan niya roon ang nakaupong si Apollo. Binabantayan nito ang nakasalang na takure. Tulad niya ay nakahawak ito sa puson. Namumutla o baka namamalik-mata lang siya.
"Naubos na ang tubig sa thermos kaya nag-iinit ako ng bago," nang makita siya ay sabi nito.
"Ayos ka lang?" sabay sila kaya parehong natawa. Umupo siya ito naman ang tumayo.
"Gusto mo ng green tea?" Pinatay na nito ang apoy at bumaling ito sa kanya.
Tumango siya at hinayaan lang ito sa pagprepara ng inuming iyon.
"Here."
"Thanks."
Matapos nang ilang higop naging maayos na ang pakiramdam niya. Pagtingin din niya kay Apollo ay bumalik na sa dati ang kulay ng mukha nito pero wala siyang sinabi.
"Anong gusto mong hapunan?" pormal na tanong mula rito.
"Kung ano na lang ang mayroon, okay na sa akin basta huwag lang oily."
Tumango-tango si Apollo. "Tamang-tamang natanggal ko na ang sebo sa pinalambot kong baby back ribs."
Siya naman ang tumango-tango saka nilinga ang buong kabahayan.
"A, si Nato? Pinapunta ko munang palengke."
Nagpigil siyang tumawa pero hindi niya nagawa.
"Paano mong nalaman siya ang hanap ko?"
"Sino pa ba? Siya lang naman ang wala," pagkasabi ay tumayo na ito. Tinungo ang lababo.
Ang bilis naman nitong matapos, sa isip-isip niya kaya hindi na rin siya nagtagal sa mesa.
"Akin na." Kinuha nito ang tasa sa kanya at tinapon ang tea bag.
Siya naman ay pinanood lang ang ginagawa nito.
"Hindi ka naiilang?"
Napakunot ang noo niya. "Ha? May nakakailang ba?"
Hindi tumugon si Apollo, pumalatak lang ito. Humalukipkip naman siya. "Maghugas ka na lang diyan kasi nag-eenjoy akong panoorin ka."
"Miya! Stop that." Huminto ito sa ginawa. Tinignan siya nito nang masama.
"Hayaan mo na ako kagaya ng pagpapaubaya ko kapag hinahawakan mo kamay ko." Mula sa pagkakahalukipkip ay nangalumbaba siya.
"You---fine!" pagsuko ni Apollo.
Nasa ganoon silang ayos nang ilapag ng kakapasok na si Nato ang pinamili nito. Tumikhim pa para lang ipaalam na naroon ito.
"Nabili mo?" Nagpunas na ng kamay si Apollo sa trapong nakasabit sa pinto ng fridge.
"Oo, sa drugstore ko nahanap. Saan mo ba 'to gagamitin?" anitong inilabas ang dalawang pakete ng sanitary napkins na inagaw naman agad ni Apollo.
"You have no idea. O, Miya para sa 'yo."
Tinanggap niya iyon nang walang tanung-tanong. Saka na lang niya ito kakausapin. Umakyat muna siya para gawin ang seremonya.
"DO you like her?" tahasang tanong ni Nato dahilan para matigil sa paghihiwa ng rekado si Apollo.
"Huwag mong baliktarin ang sitwasyon. Ikaw ang matagal nang may gusto sa kanya at alam natin iyon."
Napaawang ang labi nito pero saglit lang dahil inabala na ang sarili sa pagsalansan ng pinamiling gulay sa ref.
"Malinaw naman pala sa 'yo, e bakit ka panay dikit sa kanya?" nanunubok na tanong ni Nato.
Ngumisi si Apollo. "Kung laging makitid ang utak mo--- tsk, tsk, malabo talaga kayo."
Mabilis ang naging pagkilos ni Nato. Hinatak nito ang bandang leeg ng t-shirt ni Apollo.
"Sinasabi mo bang wala akong pag-asa sa kanya? Ha?"
"Whoa! Inaasar lang kita at saka malay ko ba?"
Bumitiw si Nato. Saktong paglingon sa hagdanan ay naroon na ang pababang si Nazmiya. Napaayos sila ng sarili.
"Nag-uumpisa ka na bang magluto, Apollo? Puwede akong tumulong?"
Sumulyap muna si Apollo kay Nato bago tinugon ang dalaga.
"Sure!"
Napangiwi si Nato at pagkatapos naglakad palayo.
"Nato, saan ka pupunta--- hey!"
"Kagaya ng inaasahan..." ang nasabi ni Apollo sa mahinang tinig.
Ang clueless na dalaga ay nakatanaw pa rin sa pinto kung saan lumabas si Nato. "Nakita ko ang ginawa niya kanina. May problema ba kayo?"
"Wala. Isip-bata lang kasi 'yang kaibigan mo."
Napailing lang si Nazmiya at pagkatapos nakangiti nang tumulong sa kanya.