Chereads / Her and Her / Chapter 3 - 3

Chapter 3 - 3

Mga bandang alas dos may dumating ng ilang sasakyan. Nagsipagtalon sa tuwa ang mga bata kaya naintindihan ni Nazmiya kung sino ang mga iyon. 

"Sa wakas makakauwi na ako," si Teresita iyon, isa sa mga volunteer. Malawak ang pagkakangiti nitong hindi nakaligtas sa paningin niya pati na ang dalawa nitong kasamang noon lang nagkukumahog sa paghawak ng selpon. 

Natawa siya. Normal naman talaga na maramdaman iyon ng isang taong tapos na ang misyon. Maging siya kasi ay nakahinga nang maluwag.

"Ate..." mula sa mumunting tinig pero hindi niya pinansin dahil nagsalitang muli si Teresita.

"Isang ka sa mag-i-stay rito di ba?" anitong tinanguan niya naman.

"Good luck! See you tomorrow," sabi pa nito saka siya tinapik sa balikat at maging ng dalawa nitong kasama. Uuwi na ang mga ito.

Nang makaalis ang tatlo doon lang niya binalingan ang kanina pang humihila sa laylayan ng suot niyang bestida.

"Anong problema, Felicity? Nagugutom ka ba?" usisa niya. Hindi ito tumugon. Nagkusot ito ng mata kaya naman kinarga na lang niya. Narinig pa niya ang paghikab nito. 

"Sa loob lang kami. Sabihan mo ako pag dumating ang sundo nito" sabi niya nang madaanan ang kinauupuan ni Apollo. Nakatutok ang mata nito sa apat na batang abala sa playground. 

"Sige, ako nang bahala." Iyon lang at iniwan na niya ito.

Hindi pa man siya nakakarating sa sala bumigat na ang balikat niya. Pinahiga niya si Felicity sa sofa at hinarangan ng unan. 

"Miya---" si Nato na agad niyang sinenyasan na huwag maingay habang marahan siyang lumapit dito.

"Bakit?" 

"Nag-text si Miss Santillan na kapag walang nagsundo kay Felicity ay tayo na raw munang bahala."

Sumulyap siya sa nahihimbing na bata saka sa kaibigan. "May apat pa sa labas. Bakit si Felicity lang?"

Nagkibit ito ng balikat. "Basta ang alam ko lahat silang iniiwan dito ay anak ng negosyante."

Naintindihan na niya kaya hindi na nag-usisa. Laki rin siya roon kaya paanong hindi niya makukuha agad ang ibig sabihin.

"Nazmiy---" 

"Shhhh..." nang malingunan si Apollo ay sabay pa sila ni Nato.

"Naiwan mo kasi itong box," sabi nitong lumapit na sa kanya.

Napangiti siya nang makita ang kahon na tinutukoy nito. Iyon ang binigay ni Nato sa kanya. "Thanks."

"Binabalewala mo lang mga binibigay ko ha," ang sabi ni Nato at hindi niya napigil nang humakbang ito paalis.

"Wala nang pinagbago ang isang 'yon," ang naiiling naman na sabi ni Apollo.

Susundan niya sana ang kaibigan kaya lang gumalaw ang nakahigang si Felicity. Agad niya itong tinakbo para ayusin muli ang harang. 

"Dalhin na lang natin siya sa taas para mas komportable siya," ang suhestiyon ni Apollo kaya naman marahan niyang binuhat ang bata pero naging mas maagap ito.

"Ako na." 

Napatitig siya rito. Plano niyang kumontra pero nagsalita itong muli. "I mean, para makapili ang magiging kuwarto mo," kaya ipinaubaya na niya rito kung anuman ang gusto nito.

Nang humakbang ito paakyat ng hagdan ay sinundan naman niya. Walang gaanong nagbago sa lugar.  Pakiramdam niya tuloy ay bumalik siya sa pagiging bata. Ang bawat sulok na iyon kung saan sila madalas maghabulang tatlo--- siya, si Nato at Naneth. Pumasok siya sa isang  bakanteng kuwarto mayroong terasa. Doon siya umunat at saka nangalumbaba sa pasimano. Paglinga niya ay naroon si Apollo sa kabila. Kumaway ito.

"Diyan ba ang napili mo? Siguradong magugulat si Nato," nakangising sabi nitong humakbang papalapit sa grills na nagsisilbing harang sa pagitan nila. 

"Bakit? Sa kanya na ba itong kuwarto?" ang hindi niya napigil itanong. Luminga pa siya at saktong sumulpot si Nato na noon ay dire-diretso sa kinatatayuan niya. Hindi na ba ito nagtatampo sa kanya?

"Lilipat na lang ako kung gusto mo rito," umupo ito sa pasimano pagsabi niyon saka bumaling kay Apollo. "Si Felicity? Sisilip-silipin mo, malikot iyong matulog."

Nakita niya ang pagkamot ni Apollo sa batok. "Okay, okay. Ako na ang magpapaubaya." At naiwan na sila roon ni Nato. 

"Kabisado mo ata si Felicity. Madalas ka pa rin ba rito?" ang usisa niyang ikinasinghap nito.

"Araw-araw kamo," boses iyon ni Naneth dahilan pa mabilis na dumukwang si Nato at tinakbo ang kapatid. Tinakpan ang bibig nito.

"Mgkamali ka ng isa pa, itatakwil na kita bilang kapatid."

Nakita niya o mas tamang sabihing nabasa niya sa mga kilos ni Nato na may ayaw itong ipaalam sa kanya. Hindi na iyon bago sa kanya. Nakita na niya iyon dati.

"Hey, hindi naman kailangan umabot pa sa ganyan. Kung may gusto kang sabihin, makikinig ako. Hindi naman siguro ikakagalit ang mga 'yon, di ba?" pagitna niya sa dalawa na parehong napatingin sa kanya.

"Miya..." mahinang sambit ni Nato. Binitiwan na ang kapatid para hilahin siya paalis doon. 

"Saan mo ako dadalhin?" nagawa pa rin niyang itanong sa gitna ng pagtatakbo nila. Habang papalayo sila ay tila bumabagal naman ang mga minuto. Parang noong mga bata pa sila ang mga sandaling iyon. Patagal nang patagal ay sinasabayan ng isang alaala. Nagiging pamilyar na ang tinatakbuhan nila.

"Nandito na tayo."

Isa iyong lumang palaruan kung saan naroon ang kambal na puno. Sa lilim niyon ay ang dalawang bato na hugis puso. May nakaukit na malapit nang maburang letra. BFF. Ang lugar na iyon ang naging tagpuan nila noon tuwing hapon--- kapag tulog na si Naneth, o sa gabi kapag tulog na ang lahat. Doon sila nangako na hindi maghihiwalay na kailanman.

"Naalala mo pa ba?"

Tumango siya na may luha sa mga mata na mabilis naman nitong pinahid.

"HINDI mo ba sila susundan para hatidan nito?" tanong ni Naneth na noo'y pumapapak ng potato fries kay Apollo na abala naman sa pagprito niyon.

"H-ha?" Wala itong ideya sa pinagsasabi ni Naneth. Kung may alam man ito tungkol doon ay hindi ngayong tamang panahon para magsalita. Busy siya.

"Takot ka kay Kuya, ano?" kulit pa ni Naneth. 

"Takot ka rin naman sa kanya," ang salitang nagpa-irap lang sa kausap. 

Mayamaya pa dumating na ang dalawang laman ng usapan nila. Pareho pang nagningning ang mata nang mahulaan ang niluluto ni Apollo.

"The best!" mula kay Nazmiya matapos tumikim ng isa niyon at isa pa. 

Nang mangalahati na ang nakakain niya ay saka lang siya huminto. Tumingin sa nakasimangot nilang cook at saka nahihiyang nag-peace sign dito.

"Kailan mo pa naging paborito?" sa magkapatid galing ang manghang tanong na iyon.  Hindi kasi talaga hilig ang oily food noon pa man kaya ganoon na lang reaksiyon ng mga ito.

"Itanong mo kay Apollo," aniyang kumindat.