NAGLABAS ng mahabang mesa sina Apollo at Nato. Upuan naman kina Nazmiya at Naneth pagkatapos ay naglapag na rin ng bottled water na para sa anim na katao. Nang matapos ay saka lang nagsiupo. Doon na rin nagsalita si Miss Santillan.
"Ipagbibili ko na ito."
Walang nakaimik. Marahil hindi agad nag-sink in sa utak nila ang narinig pero sabay-sabay napainom ng tubig ang apat. Ganoon din sa paglapag niyon.
"Ano pong ibig mong sabihin?" si Nazmiya na unang nakabawi.
"Iyon nga, hindi na sa akin ang lugar na ito sa susunod na mga araw."
"Kailan?" si Nato iyon. Iniikot-ikot na nito ang bottled water na tila ba nililibang ang sarili bagong muling nagsalita. "Paano sila?" Ang mga bata ang tinutukoy niya.
Si Naneth ay naging uneasy sa kinauupuan. Senyales din ang paglalaro nito sa daliri. Si Apollo naman napasandal ay binabali-baliktad ang hawak na selpon.
"I have my ways. Madali na lang iyon."
"S-sino po ba ang buyer? Baka puwede mo pang pag-isipan. I can call my mom to tell them about your situation," si Nazmiya na kahit pinipigil na maging kalmado ay nahalata pa rin ang panginginig ng boses.
Nasanay sila kay Miss Santillan na kinokonsulta sila nito sa bawat desisyon noon pa man. Kahit bata pa sila ay tinuruan na sila sa karapatang magsalita. Kaya ang bawat suhestiyon na manggaling sa bibig nila ay alam nilang malaking tulong para mapadali ang mga bagay-bagay.
"I need the money. I'm so sorry." Tumayo na ang matandang dalaga at saka binalingan ang kasamang lalaki. "Tayo na sa office ko, Atty. Camino. We have to sign the papers as soon as possible."
Walang imikang namagitan sa apat kahit na wala na roon ang kanilang Direktor. Si Nato ay nakasubsob lang sa mesa. Sina Nazmiya at Naneth ay magkayakap na. Si Apollo nakatingala lang sa kisame.
"Ano? Wala ba tayong gagawin?" Hahayaan ninyo na lang mawala ang childhood memories?" si Nato.
Tahimik pa rin. Tanging tunog lang ng selpon ni Apollo bumasag niyon. Matapos nga nang ilang swipe nito ay nagsalita na rin.
"Hinahanap na ako sa amin."
"Akala pa naman namin may suhestiyon ka." Si Nato na biglang nairita.
"Ganito na lang kaya. Ikaw Nato, alamin mo kung sino ang buyer. Ikaw Miya, alamin mo kung magkano ang kailangan ni Miss Santillan. At ikaw Naneth, alamin mo kung bakit kailangan niya ng pera."
"Bakit kami lang?" Si Naneth na bumitiw na sa pagkakayakap kay Nazmiya. Namumula man ang mga mata dahil sa pag-iyak ay nagawa pa ring magsungit.
Natawa tuloy si Apollo. "Saka na ako gagawa ng aksiyon kapag nagawa na ninyo iyong sinabi ko."
Walang naglakas-loob kumontra. Thumbs up mula kay Nazmiya ang natanggap niya.
The best suggestion I ever heard! Iyon sana ang gusto niyang marinig pero okay na rin. Alam naman niyang si Nato lang ang pinakamagaling sa paningin nito.
Kumaway na siya bilang pamamaalam bago tinungo ang bisikletang nasa gilid ng parking space.
Lumingon pa siya at nakitang wala na roon ang tatlo.
"MAUTAK din pala ang isang 'yon," si Nato iyon habang naglalakad sila patungong opisina ni Miss Santillan. Wala itong partikular na kinakausap.
"Magaling pa sa kusina," duet ng dalawa. Sinundan ng hagikhikan.
Napakamot na lang siya sa ulo. Pero siyempre napapaisip na rin siya kung ano bang talent niya at pagkatapos humagalpak ng tawa.
"Ako rin kaya!"
Napadistansiya sa kanya ang dalawa. Na kapag nagsama nga naman ay nakakalimutan na siya. Pero masaya na rin siya sa ganito. Ang mahalaga naman tuwing may problema ay nagkakaisa sila.
"Hindi mo na siya makukumbinsi pa," mula sa lumagpas sa kanyang matangkad na lalaki dahilan para matigilan siya.
"Anong ibig mong sabihin?" Pumihit na siya at binilisan ang kilos upang harangin ang abogado.
"Your dad already paid her."
Napako siya sa kinatatayuan. Pati utak niya tila huminto. Ayaw gumana para kahit magtanong lang sana kung bakit. Saglit nawala sa isip niya ang totoong pakay. Hanggang sa naramdaman niyang may tumapik sa balikat niya.
"Bakit? Anong sinabi niya, Kuya?"
"Huli na ba tayo? Magsalita ka!" Inaalog na siya ni Nazmiya pero hindi niya ito sinagot. Tinakbo lang niya ang gate. Kahit naririnig niya ang pagtawag ng kapatid ay isinantabi niya. Itutuloy niya ang kung anumang nasa isip.
Isang traysikel ang pinara niya. Sinabi lang ang address at lumarga na sila. Hindi iyon inabot ng trenta minutos. Huminto rin kasi sila pagkatapat sa isang hindi naman kataasang gusali.
Bow nang bow ang mga naroroon pagtapak lang niya sa entrada. Naiirita siya. Ni hindi niya magawang ngumiti. Hindi niya alam kung anong pakilala sa kanya sa mga empleyado roon dahil bata pa siya ay ganoon na siyang itrato.
"May meeting ang Dad mo, doon ka muna saglit sa office niya ha," ang salubong sa kanya ng isang ginang.
"Sige ho pero huwag ninyong sabihing nandito ako. Gusto kong wala siyang ideya," bilin niya bago kumanan patungo sa kuwartong may nakasulat na CEO.
Pagkaupo sa sofa ay doon sunod-sunod tumunog ang message tone niya. Galing ang mga iyon sa kapatid. Hindi niya na lang binasa. Gusto niya munang umidlip.
"Yes. Katulad ng napag-usapan sa iyo mapupunta ang lupang iyon Mr. Asuncion. Oo naman, kailan ba kita binigo?"
Nagbukas ang isang mata ni Nato sa tinig na iyon ng kanyang ama.
"Okay, I'll call you later. My son is here. Bye."
Doon na siya tuluyang nagising. Umayos ng upo. Pinahid ng palad ang gilid ng labi.
"Anong pinunta mo rito?"
"You know exactly, Dad."
"Wala man lang kumusta o pasabi na dadalaw ka? Bored ka ba sa ampunan?"
Sarkastiko ang dating niyon sa pandinig niya pero may gusto nga siyang pag-usapan kaya doon lang dapat ang pokus niya.
"Bakit mo pala binili ang bahay- ampunan?"
Umupo muna ang ama niya. Nakangisi ito. Tila ipinapamukha nito sa kanya ang posisyong CEO kasunod ng pangalang Furtunato Alejar Jr. Pareho sila ng pangalan at sinabi na sa kanya ang dahilan kung para saan iyon.
"We need that place for the new project."
Nasagot na pero bakit hindi siya kuntento? Hindi man lang nabawasan ang sama ng loob niya.
"Ibig mong sabihin may plano kang ipabago ang lugar na iyon?"
"Nasa business partner ko na ang huling desisyon."
"I love that place, Dad!"
"Ganoon talaga. We have to adapt changes. Hindi ba sinabi sa inyo ni Santillan ang dahilan?"
Umiling siya at pagkatapos nagpunas siya ng kanina pang umaagos na luha. Saka walang imik na tumakbo palabas.