"Mukhang hindi na naman natuloy ang balak mong mangyari doon sa client mo, Janus?" tanong ni Sam habang nagmamaneho ang lalake.
"Oh shut up. Naglalaro palang ako. Bayaan mo, may naisip akong bagong laro."
Ngumiti si Sam at napatingin sa nasa likurang bahagi ng sasakyan. Ang kanilang amo.
"Kailangan niyong magrelax na dalawa. Kapag narinig nilang gumagalaw tayo ng mabilis, baka makahalata sila at tayo ang tututukan nila. Siguro ay magpapahinga muna tayo. Kailangan nating tiempuhan ang oras bago tayo gumalaw. Alam kong nakakahalata na rin ang mga pulis, lalo na ang dating partner ng napatay nating detective."
Nagkatinginan ang dalawa sa nasabi ng kanilang amo at tumango ang dalawa. Sa isip ni Sam, naglalaro sa kaniyang isipan kung ano ang balak gawin ng kanilang amo sa mga pulis. Noon pa niya tinatanong sa isip niya kung bakit hindi parin nila idinidispatcha si Inspector Basil.
---
Nakatayo si Josephine sa parke at pinapanood ang mga nagsasagwan sa lake nang maramdaman niya ang isang malamig na bagay sa kaniyang kanang pisngi. Tumingin siya sa likod at nakita si Kaeden na hawak ang canned pineapple juice na dinikit ng binata sa pisngi nito. Ngumiti ang binata sa kanya at inalok ang pineapple juice.
"Kaeden? Andito ka rin sa Burnham? Akala ko ba may gagawin ka ngayon? Ganda no? Malinis na ang Burnham Lake ngayon." tanong niya dito.
"No internet. Babalik pa daw mamayang gabi. So, I thought I'd be here to cool off my mind a bit. Yeah, maganda na ang lake ngayon, talagang pinalinis ng bagong mayor. Pero parang – mas maganda ka," biro ni Kaeden sa kanya.
"Bangag! Ang sinasabi ko, yung lake!"
Hindi inasahan ni Josephine ang sinabing iyon ni Kaeden. Hindi niya namalayang namula ang mga pinsgi nito at hindi nalang tumingin sa binata.
"Alam mo, ang pangit na pinapanood mo lang silang nagsasagwan. Kung wala ka din lang namang ginagawa tulad ko, then, tara, try nating magboat riding. Matagal tagal na din akong hindi nakasakay doon," anyaya ni Kaeden sa kanya.
"Sure, why not! Tsaka, gusto ko ng exercise."
Inenjoy ng dalawa ang araw na iyon. Dahil sa kagandahan ngayon ng park, halos madami na ding tao na pumupunta doon. Marami-rami na rin ang turista dahil 'ber-months' na, samantalang ang iba ay naroon para sa photoshoot o gustong makita ang Rose Garden.
---
Samantala, iniimbestigahan naman nina Basil at Alfred ang isang kasong hawak nila. Isang mayamang opisyal ng gobyerno ang pinatay kamakailan. Hindi nila alam ang motibo at isa itong klase ng locked room murder. Involved din sa kaso sina Maj. Greg Castillo at SPO4 Ricardo Buscarile. Kinailangan ng dalawa na mainvolve sa kaso dahil may hindi magandang nararamdaman ang dalawa na hindi lang ito isang simpleng klase ng kaso.
"Hindi lang ito isang simpleng bagay. Imposible namang magpakamatay ang biktima eh may plano itong pumunta ng Morong Star Resort next week. Sinaksak siya ng isang bagay na hindi pa natin alam, at inalis ito sa crime scene. marami sa mga krimen na out of shock, maiiwan nila ang murder weapon sa mismong scene of the crime…pero eto, hindi. Naniniwala akong isa itong high level premeditated murder," paliwanag ni Greg.
"At hindi outsider ang murderer. Ang mga alibi ng mga tao sa loob ng bahay ng biktima, hindi pa napapatunayan. Ang anak lang ng biktima ang nakumpirma naming totoo ang alibi nito. Siguro kailangan nating imbestigahan muli yung mga tao sa bahay at ang mismong crime scene para makita kung ano talaga ang nangyari," sunod ni Ricardo.
Tinignang mabuti ni Ricardo ang mga nakalap nilang impormasyon at nakita niya ang isang note. Alam niya kaagad na naiwan ito ng biktima bago mamatay.
"Dying message?" wika nito.
"I believe so. Pero hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin niyan. Simple pero maaaring may ibang meaning," dagdag naman ni Basil.
Tinignang mabuti ni Alfred ang dying message. May napansin siya sa nakasulat at napangiti ito.
"Inspector, parang alam ko ang ibig sabihin niyan. Hindi outsider ang pumatay. Isa itong insider," paliwanag nito.
"Ibig mong sabihin, kilala mo kung sino ang pumatay?"
"Yes sir.
---
Ilang araw ang nakalipas at nabigyang linaw nina Basil ang kaso. Ang killer ay walang iba kundi ang kasambahay din ng namatay na government official. Ang kasambahay palang ito ay anak ng dati ring opisyal ng gobyerno. Ayon sa kasambahay, blina-blackmail daw ng biktima ang kaniyang ama na kung hindi nito ibebenta ang kanilang ari-arian at pasugalan sa probinsya at ibibigay sa kaniya ay isisiwalat nito lahat ng scandal at katiwalian nito. Hindi nagtagal ay nagpakamatay ang kaniyang ama sa takot. Isinumpa nitong maghihiganti siya at papatayin ang opisyal na nagpahirap sa kaniyang ama.
---
Ginabihan naman sa kanilang muling pamamasyal sina Kaeden at Josephine. Ito na yata ang dire-diretso nilang paglabas labas dahil halos hindi na sila tinatawagan ni Basil sa kahit na anong paghingi ng tulong. Wari ng binata ay nahihiya na rin ang pulis sa kaniya dahil sa dami na ng mga istorbong nagawa nito sa kanila. Balak ni Kaeden, mag-out of town din muna at bigyan naman ng allowance ang kaniyang Uncle Jun para makapagenjoy sa iisang libangan nito, ang bowling. Kasalukuyang naglalakad sila sa isang alley. Medyo madilim doon – ang mapanglaw na liwanag na lamang ng street light ang siyang nagbibigay liwanag sa daan. Hindi ginamit ni Kaeden ang kaniyang sasakyan dahil ayon kay Josephine, mas maigi daw na maglakad nalang ang dalawa para iwas na rin sa masyadong paggamit ng gasolina.
"Salamat ha. Nag-enjoy ako. Oh di ba, sabi ko sa iyo maganda yung naglalakad tayo. Iwas gasolina na nga, nakapag-exercise ka pa," pagmamalaki ni Josephine sa kaniya.
"Tama ka. I guess naexcite lang talaga ako sa kakabili kong sasakyan. It was one of my dreams. Wanna eat some sushi pala? I can prepare at home."
"Si Uncle Jun?"
"Ayun, binigyan ko ng allowance. Medyo nababagot na rin siya kaya pinag-bowling ko muna. Para marelax naman."
Napangiti si Josephine sa kanya. Hindi niya alam na mahilig pala sa bowling ang tiyuhin ni Kaeden. Akala nito ay wala na itong alam gawin kundi magbasa ng magbasa ng libro sa kanilang bakuran.
Sa police station, isang lalakeng naka-all black ang nagmamasid sa malapit. Binuksan nito ang kaniyang mahabang kahon at inilabas ang isang M84 Sniper Rifle. Saktong papalabas naman si Basil, na kitang kita mula sa telescope ng rifle. Nang makita ang target, huminga ng malalim ang lalake bago kinalabit ang gatilyo. Nang makitang natumba si Basil ay agad niyang dinismantle ang kaniyang rifle at ibinalik sa kahon. Mabilis itong tumakbo paalis ng lugar.
---
Hindi nagtagal at nalaman nina Kaeden ang nangyari sa Inspector. Maswerte daw ito ayon sa doktor dahil hindi natamaan ang kaniyang puso, kung hindi, matagal na itong patay. Ang naabutan niyang nagbabantay ay si Alfred. Ayon dito, palabas na ng station si Basil nang bigla itong natumba. Nang tinignan ng mga guard, may tama na ang kaniyang katawan. Maaaring isa daw baguhan ang hitman o nagpanic ito, kaya't hindi niya natamaang mabuti ang inspector. Sa ngayon ay inaalam pa nila kung saan ang location ng naturang shooter.
"Pero, sino ang may gawa nito? May kagalit ba ang inspector na pwedeng gumawa nito?" tanong ni Kaeden kay Alfred. Halata sa mukha nito ang kaba at pagaalala sa partner ng kaniyang yumaong ama.
"Wala pa kaming alam, Kaeden. All we know, maaaring konektado ito sa mga recent cases na handle ng inspector. Hindi kami pwedeng magdisclose ng public information, pero, dahil kilala ka na ng police force, sasabihan ka namin kung may lead na kami."
Nang maipaliwanag ito ni Alfred ay nagpaalam ito para kausapin ang doktor kung ano na ang kalagayan ng superior nito. Sa pagkakaalam ni Kaeden, halos lahat ng mga kasong hawak ni Basil ay puro homicide. Hindi kaya isang kamag-anak ng naipakulong na niya? O isang taong nakabangga niyang maimpluwensya? Huminga ito ng malalim bago tuluyang pumasok sa patient's room. Tinitigan niyang mabuti ang inspector at ibinalik ang isipan sa nangyari sa kaniya. Sino ang gagawa nito sa kaniya at ano ang motibo nito?