Nakaupo ako sa konkretong bangko sa ilalim ng malaking puno na sumasangga sa malamig at madilim na kalangitan. Sandali kong pinikit ang aking mata at sininghap ang sariwang simoy ng hangin. Dinilat ko ito muli at napatingin sa kwintas na nakapalibot sa aking leeg. Hinawakan ko ito nang mahigpit kasama ng mga alalang nakakabit dito.
Hindi ako makapaniwala na magkakaroon ako ng pagkakataon makita siya muli. Sa tagal ng panahon na lumipas, marami na ang nangyari at marami na rin ang nagbago. Napapatanong ako sa aking sarili kung naalala pa ba niya ang mga panahon na magkasama kaming dalawa.
Ang mga alaala na kasama ko siya.
Napangiti ako sa pananabik habang pinagmamasdan ang nakaukit na pangalan sa aking kwintas.
Subalit, bakit ganoon, tila nakaukit pa rin sa akin puso ang kanyang presensya? Hindi nawala o naglaho man lang. Animo'y isa siyang alala na parati nasa tabi ko.
Napalingon ako sa paligid nang marinig ko ang mga mahinahon na yapak. Dumungaw ako sa tunog nang yabag at napatingin ako sa lalaking naglalakad papunta sa aking kinauupuan.
Si Dante.
Anong ginagawa niya dito? Sinundan ba niya ako?
Nang papalapit na siya sa akin, ngumiti ako ng bahagya habang pinagmamasdan siyang papunta sa aking inuupuan. Sinagot niya ang aking mga ngiti ng kanyang malungkot na mga mata. Marahan siyang umupo sa tabi ko at napabuntong-hininga.
Nang aking madama ang kanyang presensya, binaling ko ang aking tingin sa kanya at napahinga ng malalim. Hindi siya umimik sa kanyang pag-upo. Tanging ang mga ugong ng hangin ang umaalingaw-ngaw sa paligid.
Naramdaman ko ang paglamig ng paligid sa pagkumpas ng sariwang hangin. Tila'y unti-unting bumalot ng kadiliman ang langit at tanging mga kumikintab na ilaw sa puno ang nagbigay liwanag sa taimtim na gabi.
"Elena..." Ito lamang ang mga katagang lumabas sa kanyang mga bibig.
Napatingin ako sa kanya. "Dante."
"Ayaw mo ba sa loob? Bakit ka naandito sa labas?" Tanong niya sakin na tila may pagtataka.
Huminga ako ng malalim at ninamnam nang simoy ng hangin. "Wala lang, nagpapahangin lang ako. Maingay din kasi sa loob," saad ko.
Napangiti siya sa akin. "Hindi ka pa rin nagbabago." Napatitig siya sa akin ng malalim na tila may hinahanap.
"Tsss. Napangiti ako. Lumingon ako at sumagot nang pabiro, "Ikaw, ang laki ng pinagbago mo."
Napataas siya ng kilay, at binaling ang tingin sa kawalan. "Talaga? Parang hindi naman."
Tumungo ako at sumagot sa kanya na tila may lungkot sa aking boses. "Oo, hindi na ikaw ang Dante na nakilala ko." Hindi na ikaw ang Dante na minahal ko...
"Ako pa rin naman si Dante. I just think a lot had happened on the past that made me this way," paliwanag niya. Tinukod niya ang kamay sa sementong upuan.
Oo, your past na wala ako. Napangiti ako sa kanya ng bahagya.
"People change and it is bound to happen naman talaga," dagdag ko. Napatitig ako sa kanyang mga malalim na mala-kapeng mata.
"Nah, I don't think so. People don't change, they just realize something that is worth changing," sagot niya sa akin.
"See you changed! May ganyan ka na ngayon na nalalaman," pabiro kong sinabi.
"Deep ba?" Napatawa siya.
"Oo," ngumiti ako. Napakagat ako sa aking labi.
Hindi kami nagsalita pagtapos yaon. Wari'y napatitig kami sa kabilugan ng buwan at sa mga tala na kumikislap. Naramdaman ko ang paglapit ng kanyang kamay sa akin. Unti-unti niyang inabot ito at hinawakan niya ng marahan.
"Namiss kita...Elena,"saad niya. Batid sa kanyang mga mukha ang pangungulila.
Naramdaman ko ang pag-agos ng aking mga luha. Mahigpit kong hinawakan ng kanyang kamay at sumagot, "Ako rin, Dante."
Kung alam mo lang kung gaano ka-sobra...
********************