Ilang araw na ang lumipas simula nang araw na iyon. Nag-uusap pa rin kami ni Charleston, pero iba na ang nararamdaman ko tuwing kasama ko siya.
Napabuntong-hininga na lang ako at pinagmasdan ang paligid– isang magarang restaurant kasama ang pamilya ko. Kapag may free time sila, sinisigurado nilang makakapamasyal kami, kahit na tinatamad ako o may trabaho. Palagi nila akong pinipilit, at hindi rin naman ako makatanggi.
"Ma, hindi pa ba tayo mag-oorder?" reklamo ko. Nagtinginan sina Venice, Mama't Papa at tumayo.
"Saan kayo pupunta?" pagtatanong ko.
"Saglit lang, magc-cr lang kami ni Venice," sabi ni Mama at umalis na silang dalawa ng nakababata kong kapatid.
"May bibilhin lang ako. May ipapabili ka?" pagtatanong ni Papa sa 'kin.
"Sama na ako sa 'yo, Pa," ani ko't tumayo pero pinigilan ako ng tatay ko.
"'Wag na, Mike. Babalik din ako. Diyan ka lang, i-save mo 'yang table natin," utos niya at umalis. Sinandal ko na lang ang ulo ko sa table. Nakakainis, bakit kailangan pa nila akong iwan na mag-isa?
Inip kong pinaglaruan ang mga pekeng bulaklak na dekorasyon sa gitna ng lamesang nasa harapan ko ngayon. Ilang minuto na ang nakalipas ngunit hindi pa bumabalik sina Venice, Mama at Papa. Nagsimula na akong pagpawisan nang malamig. Paano kung inabandona nila ako rito? Hindi ko pa sila matawagan o ma-text man lang kasi gamit-gamit ni Venice ang sim card ko.
Bigla ko namang naramdaman ang pamilyar sa sensasyon– sensasyon na parang may tumitingin sa 'kin. Charleston...
Tatayo na sana ako para umalis at hanapin ang taong-aso na iyon pero biglang may umupong babae sa harapan ko. Nang inangat ko ang ulo ko upang tingnan kung sino, bigla na lang akong napanganga.
"S-savannah?" 'di makapaniwalang sambit ko. Ngumiti lang siya sa 'kin at pasimpleng inipit ang maikling buhok niya sa likod ng tenga niya.
"Hi, Michael! Sorry, na-late ako," paumanhin niya sa akin. Teka, late? Na-late saan?
"Huh?" sambit ko. Wala talaga akong ideya kung anong nangyayari ngayon.
Tumawa siya nang mahina. "Date natin ngayon, 'di ba? Ininvite mo ako para sa isang lunch date here sa Beef Ribs Restau. Nag-sorry ako kasi dapat nandito na ako ng eleven a.m., pero dumating ako na mag tu-twelve p.m. na," paliwanag niya sa 'kin. Date? Kailan ko siya in-invite?
Hindi ko maalala.
Nang nasa dining area kami kasama ng mga magulang namin, hindi ko naman siya gaanong kinausap. Paano ko siya na-invite kung wala naman akong SNS accounts maliban sa e-mail address ko at wala rin sa 'kin ang sim card ko dahil na kay Venice–
Parang binuhusan ako nang malamig na tubig nang mag-sink-in sa utak ko ang mga kakaibang nangyari sa 'kin; pinakilala ako ni Mama kay Savannah, hiniram ni Venice ang sim card ko, iniwan nila ako dito mag-isa, biglang nagpakita rito sa harapan ko si Savannah at sinabi niyang inimbita ko siyang kumain dito sa restaurant, na hindi ko naman ginawa.
Biglang naging klaro sa 'kin ang lahat na may kaugnay ang mga pangyayaring.
Na-set up ako ng pamilya ko.
"S-sorry, wala kasi akong tulog kaya medyo lutang ako," pagdadahilan ko.
Hindi naman yata puwedeng iwan ko na lang siya rito at umalis. Makikisakay na lang ako. Aalis na lang ako agad pagkatapos naming kumain.
"Okay lang." Ngumiti ulit siya sa 'kin. "Alam mo, matagal ko nang iniisip na ikaw yung tipo ng lalaki na medyo shy type. Hindi ko akalaing magaling ka pala mambola."
"Kailan kita binola?" naguguluhang tanong ko. Tumawa siya nang mahina.
"Naging textmates tayo in the past few days, 'di ba? You complimented me a lot. Pagkatapos, niyaya mo na ako makipag-date. Ang galing mo rin pa lang duma-moves. Nakailang girlfriend ka na?" tanong niya.
Napakamot na lang ako sa batok ko. Ano ba naman 'tong si Venice, mukhang bihasa na sa pakikipaglandian kaya nagawa niyang magkunwaring ako at makipagbolahan sa babaeng nasa harap ko ngayon.
"Sa totoo lang, wala pa," nahihiyang sagot ko habang pinaglalaruan ko ang nakita kong natastas na sinulid sa polo na suot ko ngayon.
"Sa guwapo mong 'yan?" 'Di makapaniwalang tanong ni Savannah. Tumango na lang ako.
"Well..." Umiwas ng tingin si Savannah habang namumula ang kaniyang mga pisngi. "Kung sakali... I'll be the first."
Nasamid ako sa sarili kong laway. Ano ba yung mga sinabi ni Venice kay Savannah? Bakit bigla na lang nag-assume si Savannah na liligawan ko siya?
"Nagugutom ka na ba?" Agad kong iniba ang topic.
"Medyo, oo," tugon niya.
Kinuha ko ang menu at tiningnan ang laman. Roasted beef, baked lamb ribs– mukhang hindi yata 'to kakayanin ng budget ko. Hinanap ko na lang ang pinakamura na kakasya sa kakarampot na perang dala ko. "Oh, mukhang masarap 'tong crispy fish fillet..." sambit ko. Naiiyak na ako, kawawa ang wallet ko kung mahal ang oorderin nitong babaeng kasama ko.
"Siguro itong caesar salad na lang ang akin, and some cream of mushroom soup. Diet ako," wika ni Savannah.
Sa kaloob-looban ko, nagdadasal na ako na hindi mahal yung mga iyon. Tumango na lang ako at tumawag ng waiter.
"Isang crispy fish fillet nga po, with rice," sabi ko sa waiter. Tumango ito at sinulat ang order ko sa maliit na notebook na dala niya. "At isang caesar salad with cream of mushroom soup."
"'Yun lang po? Any add-ons, ma'am, sir?" tanong ng waiter. Oo! Umalis ka na bago pa mag-order ng marama si Savannah! sigaw sa isipan ko. Pero ngumiti lang ako sa waiter at nagsabi, "Wala na."
"Drinks?" pahabol pa ng waiter. Parang gusto kong i-hampas ang upuan sa lalaking 'to.
"Isang strawberry smoothie," nahihiyang order ni Savannah. "Ikaw, Michael?"
Hay naku! Dagdag gastos. "Itong iced green tea na lang," sagot ko. Tumango naman ang waiter at, salamat naman, tuluyan ng umalis. Gusto kong sumama sa waiter... gusto ko na ring umalis.
Lord, please have mercy on my soul...
Tumingin ako kay Savannah na nakangiti lang sa 'kin. Kahit naiiyak na ako ay pinilit kong ngumiti pabalik... and my wallet.
***
"Venice Rose Montemayor!"
Pagkabukas ko ng pinto ng bahay ay isinigaw ko agad ang pangalan ng magaling kong kapatid.
Nagpapasalamat ako sa Diyos na hindi ako kinain ng buhay ni Savannah. Wala rin naman masyadong nangyari sa 'date' namin kanina, nagtanong-tanong lang si Savannah tungkol sa sarili ko– kung ano daw ba ang hobbies ko, favorite food, ano ang trabaho ko at sinagot ko ang lahat ng mga iyon habang pinipilit ubusin ang pagkain ko.
Pagkatapos namin kumain ay binayaran ko ang pagkain at iniwan na lang ang bill sa table. Dahil isa lang akong pipitsuging lalaki, hindi na ako nagbigay ng tip. Nginitian ko naman ang waiter, ayos na 'yon. Dahil gentleman ako, hinatid ko pa siya sa bahay nila.
"Kamusta ang date ninyo ni Ate Anna?" nakangiting tanong sa 'kin ni Venice.
Nakaupo siya sa isang sofa sa sala, hawak-hawak ang cellphone niya– kung saan nakasaksak ang sim-card ko. Kinuyom ko ang mga kamao ko sa inis. Kung lalaki lang ang kapatid ko, siguro kanina ko pa 'to nasapak.
"Akin na ang sim card ko," madiin na utos ko habang nakatingin nang masama sa kapatid ko.
"Bakit, Kuya? Itetext mo ba si Ate Anna?" pang-aasar niya sa 'kin. Halos kumulo ang dugo ko sa galit, hinablot ko na lang ang cellphone niya at binuksan ito. Kung ayaw niya ibigay sa 'kin, eh 'di ako na lang ang kukuha.
"Kuya, baka masira!" sigaw ni Venice.
Hindi ko na siya pinansin at kinuha ko na ang maliit na sim-card mula sa cellphone niya at agad ko itong binulsa. Padabog kong ibinaba sa maliit na lamesita sa harap ng sofa ang cellphone niya at tumingin nang matalim sa mga mata niya. Nakita kong napalunok siya sa kaba.
"Ano ba 'yan, bakit ang ingay?" rinig kong reklamo ni Mama mula sa kusina. Tumingin ako sa nanay ko at nagbumuntong-hininga.
"Ma, may kasalanan kayo sa 'kin," kalmadong sabi ko. Namutla nang bahagya si Mama at sinigaw ang pangalan ng tatay ko.
***
"Pasensiya na, Anak... ayaw lang kasi namin ng Mama mo na tumanda kang binata," paumanhin ni Papa sa 'kin. Kasalukuyan silang nakaupong tatlo sa sofa habang nakaupo naman ako sa lamesitang kaharap nila.
"Hindi naman po kasi tama na i-set up ninyo 'ko." Napasapo ako sa noo ko. "Kung gusto ninyong makipag-date ako kay Savannah, dapat sinabi niyo po sa 'kin. Hindi tuloy ako nakapaghanda, ubos pa pera ko."
"Si Venice ang may ideya no'n!" sabi ni Mama.
"Siya ang nagplano. Pinilit niya lang kami ng papa mo."
"Nag-suggest lang ako, Ma! Kayo po ni Papa yung nagsabing gawin ko talaga," angal ni Venice.
"Ang point ko lang kasi rito, Ma, Pa, Venice." Sumingit na ako sa usapan nila bago pa sila magaway sa harapan ko. "'Wag ninyo na pong uulitin. Alam ko pong gusto niyo lang gawin ang best ninyo para sa 'kin, at na-appreciate ko po iyon. Pero sana naman ako na ang mag-decide kung anong gusto kong mangyari sa buhay ko. Bente anyos na po ako, twenty years old. Alam ko na po ang tama sa mali," lintanya ko. Natahimik naman sila dahil sa sinabi ko. Napabuntong-hininga ako, tumayo at umakyat ng hagdanan papunta sa kuwarto ko.
"Hey," rinig kong bati sa 'kin ni Charleston nang humiga ako sa kama ko. Nakahiga siya sa lapag habang nasa anyo ni Cacao. Wala ako sa mood kaya hindi ko na lamang siya pinansin at tumingin sa kisame. Blanko lamang ang utak ko kaya ilang minuto rin akong nasa posisyon na iyon.
Naramdaman ko ang balahibo ni Charleston sa tagiliran ko at pumikit na lang ako. Paano kung tumanda nga akong binata at mamatay ng mag-isa? Hindi naman kasi habang-buhay ay nasa tabi ko lang ang pamilya ko. Kapag mag-isa ako, magiging vulnerable ako. Baka balikan niya ako, ikukulong niya ulit ako sa madilim na kuwarto...
Tumingin ako sa aso na katabi ko. Siguro, hindi ako tatanda ng mag-isa. Babantayan ako ni Charleston. Hindi niya ako iiwan. He'll be my unordinary stalker until I die.
"Michael, are you oka–" naputol ang sinasabi ni Charleston nang bigla akong umupo nang tuwid at niyakap siya nang mahigpit. Pumikit ako at ibinaon ang mukha ko sa balahibo niya.
"'Wag mo akong iiwan," mahinang sambit ko. Naramdaman ko ang pagbabagong-anyo niya, at naramdaman ko bigla ang mga bisig ni Charleston na yumayakap sa akin pabalik habang nakabaon ang mukha ko sa dibdib niya.
"I won't," bulong niya. "Ich liebe dich."