Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 45 - KABANATA 21

Chapter 45 - KABANATA 21

"TARA na!" kinabukasan kasalukuyan siyang nag-aabang ng traysikel sa waiting shed nang hintuan siya ng isang owner typed jeep na nakilala niyang si Alfred ang driver. Umiling siya bilang pagtanggi. "halika na! O gusto mong ako pa ang magpasok sayo dito sa loob ng sasakyan?" pabiro ang pagkakasabi pero iba ang naging dating sa kanya ng sinabing iyon ni Alfred kaya sa takot ay napilitan siyang sumakay. "anong oras ang labas mo mamaya?" ang tanong nito sa kanya nang patakbuhin nito ang sasakyan.

"Ihahatid ako ni Dave mamaya pauwi" ang sa halip ay naisagot niya sa isang mababang tinig.

Tumawa ng malakas ang binata. Kinilabutan siya doon, pakiwari kasi niya ay nakarinig siya ng tawa ng demonyo sa paraang ginawa ni Alfred.

"Free period, ang sabi sa akin ng mga napagtanungan ko irregular student ka raw?" anitong malisyoso pang sinuyod siya ng tingin. "lalo kang gumanda, masasabi kong nahiyang ka nga sa lalaking iyon" anitong ngumisi pa pagkatapos.

"Walang nangyayari sa amin ni Dave!" galit niyang sagot saka masama ang tinging ipinukol sa binata.

"Talaga? Ibig sabihin ba niyon ay ayaw mong mabura sa alaala mo ang ilang beses na nangyari sa atin? O talagang inilalaan mo lang sa akin ang katawan mo?" mabilis siyang nairita sa kalaswaan ng bibig ng kasama.

"Bastos! Saka anong ilang beses? Minsan lang may nangyari sa'tin at pinilit mo pa ako! Hindi ba nilagyan mo ng pampatulog iyong inumin ko? Magpasalamat ka hindi kita idinemanda lalo na't minor ako noon!" galit niyang sabi.

"Hindi mo ako idinemanda dahil nasarapan ka! At saka bakit ka nga pala hindi nagsumbong sa pulis noon?" nakakaloko pang sagot sa kanya ng binata.

"Alam mong may sakit ang nanay ko noon at ayoko ng dagdagan ang problema nila. Napakawalanghiya mo para ipamukha sa akin ang lahat ng ito!" humihingal niyang turan saka ibinaling sa labas ng sasakyan ang paningin.

Narating nila ang SJU nang hindi na muling nag-usap pa. Lihim niyang ipinagpasalamat iyon sa pagaakalang titigil na si Alfred sa pamimilit nito sa kanya. Pero napapikit siya nang marinig ang boses nito bago pa man siya nakababa ng sasakyan.

"Magkita tayo mamaya, manood tayo ng sine" sa tono ng pananalita ni Alfred ay parang wala siyang kakayahan na tumanggi.

"Nasisiraan ka na ba?"

"Oo, at kasalanan mo kung bakit ako nagkakaganito. Oras lang ang hinihingi ko Audace, ngayon kung magmamatigas ka, baka gusto mong tuluyan ng matapos ang masasayang araw mo kasama ang lalaking iyon?" totoo ang pagbabantang nasa tinig ni Alfred.

Napasinghap siya saka nag-isip. "S-Sige, mamayang alas tres" napipilitan niyang sagot.

Ngumisi si Alfred. Noon naman siya nagmamadaling bumaba na ng sasakyan para lang mapatda nang mamataan si Dave na nasa mismong gate ng SJU at noon ay kausap ang guard na naka-duty doon.

"Si Alfred ba iyon?" nang makalapit siya kay Dave na napuna niyang sinusundan ng tingin ang papalayong sasakyan.

"O-Oo, nahirapan kasi akong sumakay kanina, papunta kasi siya dito kaya sinabay na niya ako" kalahati naman ng sinabi niya ay totoo. Hindi naman kasi niya talagang alam kung ano ang pakay ni Alfred sa bayan o talagang sinadya lang nitong abangan siya para maihatid.

Tumango ang binata saka seryoso ang mukha siya hinarap. "Bakit parang pinagpapawisan at namumutla ka?" nang mapagmasdan siya nito.

Noon siya naalarma. "Ah! Nagugutom kasi ako, hindi pa ako nag-aagahan" doon ay nagsinungaling na siya.

Nakakaunawang ngumiti sa sinabi niyang iyon ang binata. "Ganoon ba? Halika, kumain muna tayo. In thirty minutes pa naman ang klase ko" anitong hinawakan ang kamay niya pagkatapos.

Tumango siya. Habang sa isip niya ay ang alalahanin kung paano pakikiusapan si Alfred na tigilan na siya nito? O mabuti pa kaya ay aminin na niya kay Dave ang totoo? Kaya lang paano kung magalit ito? Lalo at mula kagabi ilang beses na siya nitong tinanong kung ano ang problema pero panay ang pagsisinungaling niya.

At ang lihim niya? Matanggap kaya siya ni Dave kapag nalaman nitong may nangyari na noon sa kanila ni Alfred? Kaya ba niyang gawin iyon? Lalo at hanggang ngayon ay sariwa pa sa isip niya ang lahat ng sinabi ni Theresa sa kanya?

PASADO alas tres nang marating niya ang nag-iisang mall sa bayan ng Mercedes. Malayo palang ay namataan na niya si Alfred na nakangiting nakamasid sa kanya. Mabilis siyang umiwas nang umakma itong aakbayan siya kaya hindi na ito nagpumilit pa.

Gaya ng gusto nitong mangyari ay nanood sila ng sine. At sa tindi ng takot na nararamdaman niya nang mga oras na iyon, hindi lang isang beses siyang umusal ng dasal na sana ay huwag siyang mapahamak sa kamay ng lalaking kasama.

"Ang palabas ang intindihin mo, huwag ako" ang tinuran ni Alfred nang marahil mapuna nitong hindi siya nanonood.

Hindi siya umimik saka itinuon ang pansin sa malaking screen. Maganda ang palabas at makalipas ang ilang sandali ay nalibang narin siya. Nagulat nalang siya nang maramdaman ang braso ni Alfred na umakbay sa kanya.

"Alfred ang kamay mo" aniya sa isang mariing tinig.

Umangat ang mga kilay ng binata saka nito inalis ang pagkaka-akbay sa kanya.

"Para inaakbayan lang akala mo nire-rape na" saka nito sinundan ng nakakalokong tawa ang sinabi.

Napikon man ay hindi nalang siya nagsalita. Lumipas ang ilang minuto at muli nanamang nakuha ng pelikula ang atensyon niya. Nabigla siya nang hawakan ni Alfred ang kanyang mukha saka siya mariing siniil ng halik.

Nagpumiglas siya saka magkakasunod ang ginawang pagsampal sa kasama. At nang marahil maramdaman na nito ang sakit ng ginagawa niya ay saka siya pinakawalan.

Wala siyang inaksayang sandali. Tumayo siya saka nagmamadaling naglakad palayo. Sa lobby ay inabutan siya ni Alfred, pero dahil nga galit ay malakas niya itong hinampas ng hawak niyang bag. Tinamaan ito sa mukha at noon siya nagkaroon ng pagkakataong tumakas kaya siya nagtatakbo palabas ng sinehan.

Panay ang lingon niya sa takot na baka abutan siya ng binata. Dahil doon ay hindi na niya napuna ang kasalubong niyang nakayuko habang nagtetext at may hawak na paperbag ng isang sikat na jewelry store.

"D-Dave!" gimbal niyang sambit nang makilala ang nakabanggaan.

"Audace? Anong ginagawa mo dito?" takang tanong ni Dave na mabilis ring natigilan nang makita ang noon ay papalapit na si Alfred. "magkasama kayo?"

Nagbuka siya ng bibig para magpaliwanag pero naunahan siya ni Alfred. "Oo, nanood kami ng sine" walang gatol nitong sabi.

Pinanlamigan siya ng buong katawan. "Dave huwag kang maniwala sa kanya" aniyang mabilis na nabasag ang tinig.

Nakakaloko ang tawang pinakawalan ni Alfred. "Bakit hindi mo kasi sabihin sa kanya ang totoo?"

Salubong ang kilay na pinaglipat-lipat ni Dave ang tingin sa kanya at kay Alfred.

"Totoo? Anong totoo?"

"H-Huwag mo siyang pansinin D-Dave, nanggugulo lang siya" aniyang hinila ang braso ng nobyo sa kagustuhang matapos na ang usapang iyon pero hindi nangyari ang gusto niya.

"Anong kailangan kong malaman? At isa pa bakit nandito ka sa mall at kasama niya?" ang magkasunod na tanong ng binata.

Wala sa tono ng pananalita ni Dave na galit ito. Dahilan kaya lalo siyang namuhi sa sarili niya. Paano naman kasi ang kulang ang salitang mabait para mai-describe niya ang pagkataong mayroon si Dave pagdating sa kanya.

"Mag-usap tayo please? Pero huwag sa harap niya" noon na tuluyang umagos ang mga luha niya.

Noon nagsalitang muli si Alfred. "Bakit? Natatakot kang aminin sa kanya na may nangyari na sa atin noon? At kaya gusto mong kayong dalawa lang ang mag-usap ay para makapagsinungaling ka parin sa kanya?"

Nang mga sandaling iyon ay ipinagpasalamat niyang nasa tagong bahagi ng mall ang kinaroroonan nila kaya hindi sila nakaagaw ng atensyon ng mga tao.

"Sa tingin mo, bakit ka nandito ngayon? Kasi ginusto mo! Hindi ba? Hindi naman mangyayari ang lahat ng ito kung hindi mo ginusto! Malamang kahit yayain ulit kita sigurado---"

Hindi na naituloy ni Alfred ang iba pang gustong sabihin dahil mabilis na umigkas ang kamao ni Dave sa pisngi nito kaya malakas itong tumalsik at bumagsak sa sahig. Pagkatapos noon ay walang anumang salitang hinawakan ng mahigpit ni Dave ang kamay niya saka siya hinila palayo sa lugar na iyon.