HALOS mabingi siya sa sobrang katahimikan nang pareho na silang nasa loob ng kotse ng binata. Kanina pa niya gustong umiyak pero nagpipigil siya.Ilang sandali pagkatapos ay iniabot sa kanya ng binata ang paperbag na nakita niyang dala nito kanina pa. Marahil iyon ang sinadya ni Dave sa mall kaya ito naroroon.
Binuksan niya ang maliit na kahong nasa loob ng paperbag para lang mapaluha nang makita ang laman niyon.
"Regalo ko iyan sayo nahuli lang ng kaunti, happy first week" anitong nangingilid ang luha siyang nilingon. "mahal mo pa ba siya?" puno ng hinanakit nitong tanong.
Noon niya niyuko ang pares ng magandang hikaw na nasa loob ng kahon saka impit na napahagulhol.
"I-Ikaw ang mahal ko, maniwala ka" giit niya kahit nang mga sandaling iyon ay gustong niyang sumigaw ng sumigaw dahil sa tindi ng sama ng loob niya kay Alfred.
"T-Talaga?" noon na tuluyang umagos ang mga luha ni Dave.
Hindi na niya nakontrol ang kanyang pag-iyak. Tumango siya ng magkakasunod.
"T-Tinakot niya ako, kaya napilitan akong sumama sa kanya. Iyon lang talaga ang dahilan wala ng iba" paliwanag niya na sana ay paniwalaan ng binata.
"Tinakot?" ang naguguluhang tanong sa kanya ng binata.
Tumango siya."L-Listen" aniya sa pagitan ng patuloy na pagluha. "iyong nangyari sa amin noon, ang totoo hindi ko talaga iyon ginusto. Ang kasalanan ko, naniwala ako sa kanya kasi boyfriend ko siya. Isang araw bago siya umalis pa-America. Kumain kami sa labas pero hindi ko alam na nilagyan niya ng pampatulog ang inumin ko. Matagal na kasi niya akong pinipilit na gawin ang bagay na iyon pero ayoko. Kaso nung nagising ako kinabukasan wala na akong nagawa" nang maalala ang nangyari ay lalo siyang napaluha dahil sa tindi ng galit na nararamdaman para kay Alfred.
Nanatili lang si Dave na nakatitig na nakikinig sa kanya kaya nagpatuloy siya. "Hindi ko sinabi iyon kay nanay o kahit kay Tita kasi ayokong dagdagan ang problema nila at bigyan sila ng kahihiyan. May sakit na kasi noon si nanay."
Nakita niyang napapikit ang binata sa sinabi niya. "Bakit hindi mo sinabi sa akin ang totoo? Di sana hindi na humantong sa ganito ang lahat?" noon nagpahid ng luha nito si Dave.
"S-Sinabi niya sa akin na sasabihin niya sayo ang sikreto ko, natakot ako. Ayokong mawala ka, sasabihin ko naman talaga sayo ito pero hindi ko pa kaya. Naduwag ako" noon niya isinubsob ang mukha niya sa sariling mga palad saka doon umiyak ng umiyak.
Ilang sandali siyang nanatili sa ganoong ayos. Pagkatapos ay naramdamam nalang niya ang pagkabig sa kanya ni Dave saka siya masuyong niyakap.
"I'm sorry Dave, hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako" ang humahagulhol niyang iyak.
Pakiramdam niya nagsama-sama na roon ang lahat ng hinanakit, pagkabahala at takot na hindi niya nailabas kaya ganoon nalang kasidhi ang naging pag-iyak niya.
"Tama na please" ang pakiusap ng binata habang pandalas ito sa ginagawang paghaplos sa likuran niya. "I love you so much, iyon lang ang importante, wala ng iba" dugtong pa ni Dave.
"Maiintindihan ko kung iiwan mo ako dahil doon. Dave hindi ako kagaya ng sinasabi ng Lola mo. Hindi ako deserving magsuot ng white dress. I'm sorry sinubukan ko naman talagang i-save ang sarili ko" aniya sa pagitan ng pagluha habang nakasubsob sa dibdib ng binata.
Noon siya inilayo ng binata mula rito saka sinapo ng mga kamay nito ang kanyang mukha at sinimulang tuyuin ang kanyang mga luha.
"Ano bang sinasabi mo? Iniisip mo bang magbabago ang pagmamahal ko sayo dahil doon?" anito habang hinahaplos ang luhaan niyang mukha. "hindi mo pa nga siguro alam kung gaano kita kamahal. You underestimated my feelings for you, nagawa ko ngang baguhin ang sarili ko dahil sayo. Sa tingin mo magagawa ko iyon kung hindi talaga kita mahal?"
Nang hindi siya magsalita ay nagpatuloy ito. "I love you so much that I couldn't picture myself growing old without you. At kung posibleng mabuhay ako ng maraming ulit para mahalin, protektahan at alagaan ka, gagawin ko."
Umiiyak niyang mahigpit na niyakap ang binata dahil doon. Naniniwala siya kay Dave. Kahit ano naman kasi ang sabihin nito ay paniniwalaan niya dahil bukod sa nararamdaman niya sa puso niyang pwede niyang panghawakan ang mga pangako ng binata, mahal niya ito. At iyon ay labis-labis ng dahilan para maglaho ng tuluyan ang lahat ng insecurity na nararamdaman niya.
TATLONG araw ang lumipas, hindi na nagpakita pa sa kanya si Alfred kaya inisip niyang marahil ay nakapag-isip-isip na ito. Linggo ng hapon, excited siyang nagbihis dahil may date sila ng kanyang nobyo. Nagpagkasunduan kasi nilang sa simbahan nalang ng San Jose magkita dahil iyon ang iginiit niya. Umaga na rin kasing natapos ang kwentuhan nila sa telepono kaya iniisip niyang male-late ng gising ang binata. Ayaw naman kasi niyang mapilitan itong bumangon ng maaga para lang sunduin siya.
Thirty minutes ang pinalipas niya sa paghihintay ng masasakyang traysikel. Nang mabigo ay noon siya nag-decide na maglakad nalang. Pasado alas-singko palang naman at alas seis pa ang usapan nila ni Dave. Noon niya kinuha ang cellphone sa kanyang bag, para lang mapangiwi nang mapunang drained ang baterya niyon. Nakalimutan nga pala niya iyong i-charge kagabi.
Nasa parteng sabana na siya nang marinig ang paparating na sasakyan mula sa kanyang likuran. Mabilis ang takbo niyon kaya agad na nakalapit sa kanya. Pamilyar ito sa kanya kaya noon nagsimulang ragasain ng matinding kaba ang kanyang dibdib. Bukod sa malawak na palayan, mga puno at talahib ay wala ng iba pang makikita sa kinaroroonan niya. Kaya kahit tumili siya alam niyang walang makakarinig sa kanya.
"A-Alfred?" hintakot niyang sambit saka humakbang paatras.
"Pinuntahan kita sa inyo, wala ka daw sabi ng tita mo" anitong inilabas ang isang patalim mula sa suot nitong maong pants.
"A-Anong gagawin mo sa'kin?" iyon ang sa halip ay naisatinig niya dahil sa takot.
"Sumakay kana" mariing utos sa kanya ng binata saka sinimulang paglaruan ang hawak nitong balisong.
Umiling siya saka umakmang tatakbo pero mabilis na napigil ni Alfred ang braso niya. "Sumakay kana kung ayaw mong masaktan Audace. Porke alam mong patay na patay ako sayo masyado mo akong pinahihirapan."
"Ayoko! Tumigil ka! Tama na!" noon siya napahagulhol ng tuluyan. "hindi na kita mahal! Pabayaan mo na ako!" habang pilit na binabawi ang sariling braso.
Sa sinabi niyang iyon ay nanlilisik ang mga mata siya sinakal ni Alfred. "Sumakay kana sabi eh! Sakay!" noon siya napasunod.