"ANONG akala mo sa akin Mia, namumulot ng pera?" nang makapasok sa kabahaya, iyon agad ang narinig ni Careen mula sa silid ng tiyahing si Annabelle. Galing siya sa SJU at kinuha ang mga classcards niya para sa unang semester ng school year na iyon.
"Five thousand lang ang hinihingi ko Ma, si Careen nga pamangkin lang ninyo pinag-aaral ninyo sa SJU pa" napabuntong hininga siya nang marinig ang katwiran ng pinsan.
Paaral siya ni Annabelle mula nang mamatay sa atake sa puso ang tatay niyang si Antonio. Sampung taong gulang siya noon at grade four sa Sta. Philomena Elementary School. Pero hindi iyon libre dahil kapalit ng pagpapa-aral nito sa kanya ay ang paninilbihan niya sa mag-ina.
Mula kasi nang mabiyuda ang tiyahin niya limang taon narin ang nakalipas, hindi na ito kumuha ng kasambahay. Iyon ang naging kasunduan nila dahil sa kagustuhan niyang makapag-aral. Bunsong kapatid ng namayapa niyang ama si Annabelle. Manager ito sa isang banko sa San Jose.
Dating teacher at Music ang concentration ng kanyang ama, napakahusay nitong tumugtog ng gitara at kumanta. Sa katunayan ito ang nagturo sa kanya kung paano tumugtog ng gitara. Libangan rin nilang dalawa ang magvideoke dahil kagaya nito, marunong rin siyang kumanta.
Paborito nilang kantahin, ang Please Be Careful With My Heart. Iyon raw kasi ang theme song nito at ng nanay niyang si Wilma na namatay kalahating oras matapos siyang ipanganak.
Hindi niya masasabing salbahe sa kanya ang tiyahin niya dahil tinatanaw niyang utang na loob dito ang pagkupkop nito sa kanya. Kaya kahit minsan nakakatikim siya ng masasakit na salita galing dito at maging kay Mia, hinahayaan nalang niya.
Pamilya niya ang mga ito at kung hindi dahil sa mag-ina baka palaboy na siya sa lansangan. Sa ngayon ay nasa unang taon siya sa SJU at kumuha ng kursong Accountancy.
"Hindi! Nakikita mo enrollment nanaman! Ni hindi ko nga alam kung mabibigyan ko ng pag-enroll si Careen sa mahal ng gastusin dito sa bahay! Sana manlang naiisip mong bigyan ako ng pakunswelo kahit sa pamamagitan lang ng matataas na marka, kaso wala rin dahil puro barkada at gimik ang inaatupag mo. Kung hindi ka lang siguro lumabas sa akin iisipin kong hindi kita anak!" galit ng turan ni Annabelle.
Malungkot siyang nagbuntong-hininga. Wala naman siyang magagawa kung ayaw na siyang pa-aralin ni Annabelle. Wala siyang karapatang mag-demand dahil kung tutuusin pamangkin lang siya nito.
"How could you talk to me like that? Kung buhay lang ang Papa siguradong hindi niya magugustuhan ang lahat ng sinasabi ninyo!" mataas ang tinig naring sabi ni Mia.
"Kung buhay lang ang Papa mo siguradong hindi iyon matutuwa sa pinaggagagawa mo!" ang galit na sagot ni Annabelle.
Hindi na sumagot si Mia, natigilan nalang siya nang galit itong lumabas ng silid at nang mamataan siya'y masama ang tinging ipinukol sa kanya bago tumalikod. Malungkot niyang sinundan ng tingin ang pinsan saka umakmang papasok narin sa kanyang silid.
"Nandiyan kana pala! Alam mong maraming trabaho dito sa bahay nagawa mo pang magtagal doon!" ang Tita niyang madilim ang mukhang hinarap siya.
Napigil ang mga hakbang niya. "Tita…" mahina niyang bigkas. "pasensya na po, na-late kasi ng dating iyong isang prof ko kaya natagalan ako."
"Tingnan ko nga ang mga grades mo?" parang hindi nito narinig ang paliwanag niya at sa halip ay iyon ang isinagot.
Blangko sa emosyon ang mukha ng tiyahin niya habang iniisa-isa ang kanyang classcards. Ganoon naman kasi ito palagi pagdating sa kanya, malamig.
Siguro dala nalang din iyon ng stess at maraming alalahanin dahil kahit sabihin pang malaki nga marahil ang sweldo nito. Malaki rin naman ang lahat ng gastusin ni Annabelle, lalo at dalawa silang pinag-aaral nito sa parehong pribadong paaralan.
"Sige na, pag-iisipan ko muna kung ipa-e-enroll kita this sem. Mag-ko-kolehiyo narin si Mia sa isang taon at sa laki ng gastusin dito sa bahay hindi ko pa masabi kung kaya kong pareho kayong ituloy sa SJU. Pero sa inyong dalawa alam mo naman siguro kung sino ang uunahin ko" anitong ibinalik sa kanya ang mga classcards.
Malungkot siyang tumango. "M-magbibihis lang po ako" aniyang tumalikod na. Sa isip niya, kung sakali willing naman siyang mag-working student, ang importante ay makapag-aral siya. Pero ang bagay na iyon ay kailangan pa niyang ikonsulta sa tiyahin.
SAMANTALA, sa tagong bahagi ng bahay na iyon nagkubli si Mia. Matanda lang ng isang taon sa kanya Careen.
Aminado siyang close naman silang magpinsan noong maliliit pa sila. Unti-unti lang namang lumayo ang loob niya rito mula nang mamatay ang ama nito at kupkupin ito ng mga magulang niya.
Noong nabubuhay pa ang Papa niya, madalas siyang ikumpara nito kay Careen. At hindi niya gusto iyon, lalo na pagdating sa pag-aaral. Nang mga panahong iyon ay first year high school si Careen sa maliit na baryo high school lang doon sa Sta. Philomena, habang siya mula Nursery ay sa Immaculate Mary Academy nag-aaral.
Isa iyong exclusive school for girls na nag-iisa lang sa Mercedes at pinatatakbo ng mga madre. Kaya hindi niya matanggap na napabilib ni Careen ang kanyang ama sa kabila ng pagiging laking public school nito.
Tapos ngayon si Mama naman ang hinuhuthutan niya, mapapel, makapal ang mukha!
Nagngingitngit sa galit niyang bulong sa sarili.
Ayaw akong bigyan ng pera ni Mama dahil sa letseng pagpapaaral niya sayo sa SJU! Kailangang mong mawala sa bahay na ito bago mo maubusang maagaw ang lahat ng akin!
LINGGO kinabukasan naghahanda siya para magsimba nang matigilan dahil sa magkakasunod na katok sa pinto.
"Mia," nasorpresa niyang bulalas nang mapagbuksan ang pinsan.
"Pupunta ka ng bayan di ba?" walang emosyon nitong sabi saka tuloy-tuloy na pumasok ng kanyang kwarto.Tumango siya."May ipapabili ako sayo."
"Okay, ano ba iyon?"
Iniabot sa kanya ni Mia ang piraso ng papel, tinanggap niya iyon saka binasa.
"Importante ang lahat ng iyan, lalo na iyong CD."
CD, pabango, at kung anu-ano pa ang nakalista sa papel.
"Sige," aniyang tinanggap ang perang iniabot nito.
Nasa waiting shed na siya at naghihintay ng masasakyang traysikel nang mamataan si Aling Curing na nagwawalis ng bakuran. Mula nang mabiyuda sa asawa nitong traysikel driver ay namasukan ng kasambahay ang ginang na hindi rin nabiyayaan ng anak dahil sa pagkakaroon nito ng diperensya sa matres.
Hindi naman sila madalas magkita ni Aling Curing, noon kasing bata pa siya at hindi pa biyuda ang ginang madalas siyang iwan ni Annabelle rito tuwing may event sa eskwelahan ni Mia. Ayaw kasi ng pinsan niya ang sumasama siya sa eskwelahan nito. At iyon ang naging dahilan kaya nakagiliwan siya ni Aling Curing, bukod pa sa totoong mahilig ito sa bata.
"Bihis na bihis ka ah?"
"Magsisimba ho, mauna na ho ako" aniyang nakangiting kinawayan ito nang makapara ng traysikel.