"HEY kuya kumatok ka naman muna" sita sa kanya ni Leo na napabalikwas ng bangon.
"Kumatok, pinakealaman mo nanaman ang wardrobe ko. Nawawala iyong polo shirt kong blue and green stripes" inis niyang saad saka hinalungkat ang basket ng maruming damit ng kapatid. "there, alam mo bang kabibili ko lang nito?" inis niyang ibinato ang damit sa kapatid.
Tinawanan siya nito. "Sorry, eh malay ko bang bagong bili iyan. Saka san ba ang punta mo at nagmamadali ka?"
"Magsisimba! Sunday ngayon baka nakakalimutan mo na, saka hindi ka ba nagsasawa sa ganyan? Parang lahat ginagawa mong biro, magseryoso ka naman" inis niyang sabi.
Noon nag-echo sa loob ng silid ang malakas na tawa ni Leo.
"Wow mas applicable yata sayo ang salitang iyan Kuya, kasi ikaw ang tumatanda na!" anitong nang-aasar pa siyang tinaasan ng dalawang kilay. "saka seryoso naman ako ah, sa mga bagay na dapat seryosohin, ikaw dapat maging ganoon ka!"
Natawa siya sa katotohanang iyon. Tatlo silang magkakapatid. Si Leonardo o Leo na mas bata ng apat na taon sa kanya, nasa unang taon ito sa SJU sa kursong Business Management. Siya, at ang ate nilang si Lucinda na isa namang Nurse ay mas matanda ng tatlong taon sa kanya.
Nasa Australia na ito at doon nakapag-asawa. It's been three weeks, mula nang magsilang ito ng isang malusog na batang babae at iyon ang dahilan kung bakit wala ngayon sa Pilipinas ang ina nilang si Yvette. Lumipad kasi ito pa-Australia para samahan ang panganay na anak.
Ang ama nilang si Lem ang naiwan sa pagpapalakad ng sariling family business nila. Director rin sa SJU ang Daddy niya. Habang pag-aari din ng mga magulang nila ang Mercedes Paper Corporation. Ang nag-iisang pabrika ng papel sa bayan ng Mercedes na itinayo ng Daddy niya dalawang taon pagkagraduate nito sa kolehiyo.
Bukod pa roon ang malaking ektarya ng palayang minana naman ng mga ito sa kanikanilang mga magulang nang pareho itong lumagay sa tahimik.
Marami ang nagsasabing bukod kay Dave na kaibigan niya si Leo ang isa pang kabaligtaran niya kung personalidad lang ang pag-uusapan. Masayahin kasi ito, habang siya ay tahimik.
Ngumingiti rin naman siya pero ang bunso nila ay parang laging walang problemang dala-dala. Ngunit kung may malaking bagay itong talagang ipinagkaiba sa kanya? Seryoso si Leo sa pakikipagrelasyon. Mahusay itong manligaw at para rito hindi ginagawang laro ang pag-ibig.
"Hindi ka ba nauumay sa pinaggagagawa mo? Bakit hindi ka sumubok ng mas challenging? Like being faithful?" si Leo na pumutol ng kaniyang pagdidili-dili.
Pagak siyang natawa. "Eh ikaw, tutal wala ka namang girlfriend ngayon at kasalukuyang heartbroken, bakit hindi mo subukan ang mas exciting? Like being playboy?" aniyang malakas na natawa pagkuwan.
Noon tumayo si Leo saka nangingislap ang mga mata siyang tinitigan. "No, I don't think so" anitong umiling-iling pa.
"Hayun, masyado ka kasing bineybi ng Mommy kaya ganyan ka" pang-aasar niya.
"Hindi ganoon iyon" agap nito. "so you're saying, ikaw napabayaan ka kaya ka nagkaganyan?" ganting buska nito.
"Tsk! Huwag mong ibalik sakin, ano? Hindi ka ba nagsasawa na palagi nalang nasasaktan?" nagpipigil ng ngiti niyang tanong-sagot.
Nagkibit ng mga balikat nito si Leo saka nagpalakad-lakad sa kanyang harapan, siya naman ay naupo sa gilid ng kama habang amuse na pinanonood ang bunsong kapatid.
"Sabagay may point ka doon" anitong binalingan siya. "right, pero sa isang kundisyon."
Umangat ang dalawang kilay niya. "Sige, ano iyon?"
"Let's switch, ako ang magiging playboy ikaw ang magiging faithful" hamon nito sa kanya.
"What? Okay ka lang? Mahirap iyon ah!" mabilis niyang tanggi.
"Iyon na nga eh, gagamutin natin ang pagiging playboy mo. Ano ka ba naman kuya, hindi ka ba naiinggit sa mga kaibigan mo? Hanggang kailan ka magiging ganyan?" noon siya napaisip.
Kunsabagay may punto nga naman ito. At kahit hindi niya aminin alam niyang naiinggit siya sa mga kaibigan niyang pareparehong in love sa kani-kanilang mga nobya. Siya na ngalang ang walang steady na girlfriend at nakukuntento sa win-win relationship.
Katulad ng mga kaibigan niya noong hindi pa tinatamaan ng tinatawag nilang pana ni Kupido, likas na sa kanya ang pagiging playboy. Pero hindi kagaya ng mga ito, naranasan na niya ang magmahal. Hindi naman kasi porke playboy ang isang tao wala ng karapatang magmahal.
Hindi nga lang niya nasabi sa babaing iyon ang totoong nararamdaman niya dahil pinangunahan siya ng takot. Takot na alaskahin siya ng lahat dahil noon pa man ay kilala na talaga siya sa pagiging playboy niya. Ang babaeng iyong ay walang iba kundi si Bianca. Ang kaniyang first love.
Fourth year high school siya nang magkakilala sila ni Bianca. Iyon ay nang buksan ng SJU Orchestra ang audition para sa mga mababakanteng pwesto sa grupo. At dahil bukod sa gitara ay paborito rin niyang tugtugin ang violin, sinubukan niyang mag-audition. Noon nga niya nakilala si Bianca na cello naman ang tinutugtog.
Star section siya at section five naman si Bianca na graduating narin ng high school. Pero dahil hindi ito mahilig tumambay sa corridor ay nang araw ng audition lang niya ito unang nakita.
Maganda ito, mabait at simple. Gaya niya ay tahimik rin ang dalagita, at dahil nga magkapareho sila ng hilig ay madali niya itong nakapalagayan ng loob.
Lihim siyang natuwa nang makapasa sila sa audition ni Bianca. At dahil may workshop every Saturday, nagkaroon siya ng chance na lagi itong makasama. Noon na nga unti-unting nahulog ang loob niya rito. Ilang beses niyang binalak na aminin kay Bianca ang nararamdaman niya pero hindi iyon kinaya ng kalooban niya. Alam kasi niyang kapag nangyari iyon, aalaskahin siya ng mga kaibigan niya.
Dahil nang mga panahong iyon ay nasa estado pa silang apat ng 'paramihan ng girlfriend' sa loob ng isang taon. At isipin palang niya ang pang-aasar na posible niyang matikman lalo na kay Dave, talagang mabilis na nagbabago ang isip niya. Bukod pa sa katotohanang may girlfriend siya. Well, playboy siya oo. Pero hindi siya kagaya ni Raphael. Hindi niya gawain ang mag-two-time ng babae.
Hanggang sa dumating ang araw na hindi niya inasahan. Isang araw bago ang graduation nila, nagpaalam sa kanya si Bianca na lilipad pa-Australia kasama ang pamilya nito. Kung ano ang dahilan, hindi na niya itinanong. Pero hindi iyon ang talagang nakasakit sa kanya, kundi ang katotohanang may nobyo pala ito na ipinakilala pa sa kanya nang araw ding iyon.
Nasaktan siya pero hindi siya umiyak. Hindi rin siya nagsalita dahil para sa kanya wala narin namang magbabago sa sitwasyon kahit aminin niyang mahal niya ito kaya hinayaan niya ang dalagita. Besides wala siya sa posisyon para pigilan ito.
Noon niya naisip na malamang iyon ang dahilan ng pag-aalinlangan niyang aminin kay Bianca ang nararamdaman niya. Kahit paano naisalba niya ang ego niya.
Masakit pero kinaya at itinago niya at nagtagumpay siya doon. At sa kagustuhan niyang ilabas ang totoong nararamdaman minabuti niyang isulat nalang iyon sa pamamagitan ng isang tula. Maliban kasi sa pagtugtog ng violin at gitara, poetry ang isa pang hilig niya.
Hindi niya masasabing mahusay siyang poet dahil bihira rin naman kung gawin niya iyon. At iyon ay sa mga pagkakataong may matinding emosyon siyang pinagdaraanan. Dahil narin sa pagiging tahimik niya, sa paraang iyon nagagawa niyang ilahad ang lahat ng damdaming hindi niya masabi verbally. Noon nga niya naisulat ang tulang Anim na pu't Apat na hinango niya sa bilang ng letra ng pangalan ni Bianca.
Bianca Cruz.
Hanggang ngayon nagawa niyang ilihim sa lahat ang tungkol kay Bianca. Anyway, wala rin naman sa plano niya ang ipaalam ang tungkol rito sa kahit kanino. Maliban sa babaeng babago sa kanya. Ang babasag ng katahimikan niya at gagamot sa pagiging babaero niya.
"Kuya!" untag sa kanya ni Leo.
Tumayo siya. "Tingnan natin" aniyang umakma ng lalabas ng silid.
"Anong tingnan natin?" pahabol sa kanya ni Leo.
"Ano ka ba hindi ganoon kadali iyon, magseseryoso narin lang ako edi dun na sa karapat-dapat seryosohin. Basta I'll let you know" aniyang tinapik ang balikat ng kapatid.
"Sabi mo yan ah!" masayang sambit ni Leo. "by the way 'yung pina-reserve kong CD pakidaanan nalang!" habol pa ng kapatid niya.
Thumbs-up lang ang isinagot niya kay Leo saka na ito tinalikuran. Sa sala nakita kausap ni Lem ang katulong nilang si Beth.
"Mga isang buwan po sana sir, kailangan lang po talaga" anito.
"Sige magpapahanap ako ng pwedeng pumalit sayo pansamantala" sagot ng Daddy niya."san ang punta mo anak?" baling nito sa kanya nang tapikin niya sa balikat.
"Sasaglit lang sa simbahan Dad, kayo?"
"Tapos na kanina pang umaga" anito.
"Nag-resign ba si Aling Beth?" hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang na-curious.
"Hindi, nakikiusap na payagan kong magbakasyon ng isang buwan, uuwi raw siya sa Bicol."
Tumango siya. "Sige Dad alis muna ako" paalam niya.