Chereads / THE ONE I USED TO LOVE PHR / Chapter 15 - CHAPTER 14

Chapter 15 - CHAPTER 14

ISANG nakabibinging katahimikan ang namayani sa sala nang dumating sila ni Lay Raven. Nasa ibaba na ang mga magulang niya, pati na rin ang mga magulang ni Lay Raven. Sa hindi niya malamang dahilan ay biglang nanlamig ang mga kamay niya. Napansin niyang wala si Crystal.

"Pinaalis ko muna si Crystal. Naroon siya sa hardin," anang kanyang inang si Mary.

Marahan siyang tumango bago naupo sa harap nga mga magulang nila ni Lay Raven. Naupo rin ang kanyang asawa, sa mismong tabi niya. He looked cool. Ngunit batid niyang maging ito ay kinakabahan sa paghaharap nilang iyon. Hindi man halata ngunit hindi nakaligtas sa matalas niyang paningin ang panginginig ng mga kamay nito.

"I'm sorry kung nagpunta kami rito ng walang pasabi," ani Leah, Lay Raven's mom. "N-narinig namin ang tungkol sa muling pagtira ni Ruth dito."

"She's still my wife. She can stay here for as long as she wants."

"Pero sampung taon na kayong hiwalay!" hindik na anito.

"Hindi pa kami legal na hiwalay," sagot niya na nakapagpatigil sa lahat.

Alam ng mga ito ang tungkol sa usapan nila ni Lay Raven tungkol sa Trust Fund na iniwan ng grandparents niya. And not that she's turning thirty, natitiyak niyang inaasahan na nito ang nalalapit na paghihiwalay nila. Parang bigla ay hindi siya makahinga.

"Eh paano na ang tungkol sa annulment? Hindi ba't sinabi mo na makikipaghiwalay ka na sa kanya?" hindi makapaniwalang tanong ng mommy niya.

"I-inaayos na ho iyon ni Lay Raven," naisagot niya.

Naramdaman niya ang paninigas ng kanyang asawa sa tabi niya. Hindi niya alam kung ano'ng klase ng espiritu ang sumanib sa kanya pero namalayan na lang niya ang kanyang sariling ginagagap ang kamay ni Lay Raven. Tama siya, nanlalamig nga iyon, kagaya ng sa kaniya.

"Nagpunta kami rito para kumpirmahin ang ginawang paglipat ni Ruth at ni Crystal sa bahay mo. At ngayong nandito na kami, alam na namin na totoo nga ang bali-balita," matigas na sabi ng kanyang amang si Cresencio. His eyes were full of resentment.

Simula noong naghiwalay sila ni Lay Raven ay hindi na rin siya bumalik sa poder ng mga magulang niya, kagaya ng gusto ng mga ito. She ought to be alone, just like what she wanted to. Isa iyon sa mga ikinasama ng loob ng daddy niya. Wala raw silbi ang pakikipaghiwalay niya kay Lay Raven dahil hindi naman siya bumalik sa bahay nila.

Bigla niyang naalala iyong mga pagkakataong lagi nilang pinag-aawayan ni Lay Raven ang kanyang ama. When she got married, ipinangako ng kanyang ama na hahayaan na sila nito ni Lay Raven. Kaya galit na galit ito noong hindi siya umuwi matapos nilang maghiwalay ni Lay Raven. At muli, isinisi nito ang lahat ng iyon sa kanyang asawa na batid niyang simula palang ay hindi na nito ginusto para sa kanya. He used to like Lay Raven when he finally built his own company.

Akala niya noon ay unti unti na nitong natanggap ang kanyang asawa. But things between her father and her husband got worse when they separated. Napatunayan raw nito na walang backbone si Lay Raven at hindi ito karapat dapat na makasama niya habang buhay. Alam niya, sa kaibuturan ng kanyang puso, na gusto na nito si Lay Raven ng mga panahong iyon.

He's always acted rude in front of Lay Raven pero alam niyang palabas lamang iyon dahil batid niyang matagal na panahon nang nakuha ni Lay Raven ang loob nito simula noong pinili siya nito laban sa scholarship na gustong gusto ng kanyang asawa. Iyon ang hindi nakita ni Lay Raven noon. He was too focused into making her father like him, hindi nito napansin na matagal na nitong nakuha ang loob at respeto ng daddy niya. Had he not been that insecure before...

"It's been two months, pero ngayon ninyo lang naisipang kumpirmahin?" sarkastikong tanong ni Lay Raven na lalong nagpatalim sa tingin ng daddy niya.

"Sana ay alam ninyo kung ano ang ginagawa ninyo. Isipin ninyo naman ang anak ninyong si Crystal," sabi ng daddy ni Lay Raven na si Ruben. If there was someone whom she was sure that was on their side, ito iyon. He was the sweetest father-in-law anyone could ever have. Bagamat noong una ay hindi rin siya nito gusto, simula noong ipinanganak niya si Crystal ay nagbago na ito.

"Ngayong alam ninyo na na totoo ang balita, siguro naman ay okay na kayo?" pilit ang ngiting aniya. "Hindi naman sa itinataboy ko kayo pero Sunday ngayon, we are supposed to go somewhere kasi family day namin ngayon." Magkakapanabay na napasinghap ang mga kaharap niya sa tinuran niya. Nagkibit balikat siya. "Malaki na ho kami. Alam na namin ang ginagawa namin. You don't have to worry about us." Tumayo na siya.

"R-ruth!" nababaghang bulalas ng kanyang ina.

"I love you too, mommy. Ihahatid ko na ho kayo sa labas," aniya bago lumapit rito. Agad na lumambot ang ekspresyon nito nang sabihin niya iyon. She took it as a good sign.

Gustuhin man niyang kausapin ang mga ito ng mas matagal ay batid niyang hindi iyon magiging madali dahil sa sitwasyon nila ni Lay Raven sa ngayon. Wala nang nagawa ang mga magulang nila kundi ang sumunod sa kanya. Nasa labas na sila nang mapansin niyang hindi sumunod ang kanyang ama. Kumunot ang kanyang noo.

"Where's dad?" tanong niya.

"Nagpaiwan sandali at mukhang may sasabihin kay Lay Raven," sagot ng mommy niya.

Sa hindi niya malamang dahilan ay bigla siyang kinabahan. Mamaya ba, pagkaalis ng daddy niya ay mag-aaway ulit sila ni Lay Raven, kagaya ng dati? Ano kaya ang sasabihin nito? Na kesyo sinabi na naman ng daddy niya na hindi siya nito kayang buhayin? Na hindi ito karapat dapat na maging asawa niya? Mapait siyang napangiti. It won't happen again. Marami na ang nagbago. Hindi na siya nito mahal. Lalong wala na itong pakialam sa kahit na ano pa'ng sabihin ng daddy niya. Binalingan niya ang kanyang ina at tsaka ngumiti.

"Okay," she shrugged. "Let's go."

Hindi na siya mangangamba pagkat wala na siyang dapat ipangamba. Iyon ang paulit ulit na sinasabi ng isip niya. Kaso, bingi yata ang puso niya kasi kahit anong pilit niyang pagkukumbinsi sa kanyang sarili ay hindi pa rin niya mapigilang mangamba.

INASAHAN na ni Lay Raven na kakausapin siya ni Cresencio ngunit hindi niya inasahan na ganon bilis itong lalapit sa kanya. Nang makalabas ang lahat ay nagpaiwan ito. Had it happened ten years ago, he would've chickened out. But it was hardly the case now. Matapang niyang sinalubong ang matiim at nagbabantang tingin nito.

"Bakit mo dinala rito ang anak at apo ko?" direktang tanong nito sa naninilong tingin.

"Ang asawa at anak ko? Well, lagi naman silang welcome dito sa bahay namin."

"Pinakawalan mo na dati ang anak ko kaya hindi ko maintindihan kung bakit mo ito ginagawa. Hindi ba't naghahanda na kayo para sa annulment ninyo?" hindi nito itinago ang pait sa tono nito. Kung hindi niya ito kilala, baka naipagkamali na niya iyon sa pag-aalala.

Ni minsan ay hindi siya nito nagustuhan para sa anak nito. Puro kapintasan lang niya ang nakikita nito. Aminado naman siya na mayroon siyang hindi magandang reputasyon noong naging magkasintahan pa lang sila ni Ruth. Playboy pa siya noon. Hindi rin nakapagpa-impress rito ang pagiging matalino niya sa klase o ang pagkakaroon niya ng offer noon sa isang kilalang kumpanya. The great Cresencio was a genius himself. A failure like him wouldn't be able to beat him.

Noong nabuntis niya si Ruth ay nagdulot iyon ng malaking kahihiyan hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi lalo na sa pamilya nito. Kilala ang mga Oba sa lugar nila. At para rito ay sinira niya ang buhay at kinabukasan ng anak nito. Ni minsan ay hindi ito naniwala na nagbago na siya. He was always suspicious of him. Lahat ng galaw niya ay tinitignan nito. At nang magpatayo siya ng sarili niyang kumpanya, bigla ay nakuha niya ang simpatya nito, kahit konti. Nagsimula itong matuwa sa kanya, kahit paano. Tuwang tuwa siya noon kasi malapit na siya nitong matanggap. Malapit na nitong maisip na may patutunguhan rin siya sa buhay.

Hanggang sa magkaroon ng problema ang kumpanya niya. Doon nagsimula ang lahat ng problema niya. He was too shocked when it happened. Masyado siyang natakot sa maaaring mangyari kapag nalugi ang kumpanya—na muling mamumuhi ang daddy ni Ruth sa kanya, na mawawalan ng saysay ang lahat ng paghihirap niya at magkakaroon ulit siya ng panibagong kahihiyan hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi pati na rin sa pamilya ng kanyang asawa.

He didn't want that to happen. Kaya ginawa niya ang lahat maisalba lang ang kanyang kumpanya. Pero hindi naging madali iyon sa parte niya. Masyadong kinain ng takot ang kanyang pag-iisip. And then one day, it all came down to him—he was a failure—sa lahat ng mga bagay na gusto niyang gawin. Noon niya naisip na marahil ay tama nga ang daddy ni Ruth.

Hindi na siya magbabago, hindi niya kayang panindigan ang pagpapasaya kay Ruth at sa anak nila. He was too young and was too troubled back then, kaya nakagawa siya ng mga bagay na hindi niya inakalang magagawa niya. Nang minsang umuwi siyang lasing ay nakapagsalita siya ng masakit sa kanyang asawa na siyang naging mitsa ng unti unting paglayo ng loob nito sa kanya.

Hanggang sa nakapagdesisyon itong hiwalayan na lang siya. It made him realize that it was what's best for her. Hindi niya ito hahayaang makulong sa isang kasal para sirain ang kinabukasan nito. He wanted his wife to grow as a person too. She was the best thing that ever happened to his life. Kaya hindi siya makakapayag na siya mismo ang sumira sa buhay nito. Kung hindi niya lang alam na nahihirapan na si Ruth, he would have fought for her. Pero para saan pa ang paglaban niya kung alam niyang hindi niya mapapasaya si Ruth? Kaya kahit masakit ay pinakawalan niya ito.

Napatingin siya kay Cresencio. Ilang taon din niya itong sinisi sa naging kinahinatnan ng buhay nila ni Ruth. Nakakatawa. Pero ngayong nagkita na ulit sila ay noon niya nabatid na wala itong kasalanan noon. Siya ang naduwag, siya ang mahina ang loob, siya ang natakot sa responsibilidad, siya iyong maraming palusot kung bakit hindi niya piniling lumaban. Hindi ito.

"May dahilan kung bakit magkasama kami ngayon," mahina ngunit mariin niyang sagot.

Kunot noong napatitig ito sa kanya. Inaasahan niya ang pagbubuga nito ng apoy sa sandaling sumagot siya ngunit hindi iyon ang nangyari. Sa katunayan ay nahalinhinan iyon ng pangamba—na natitiyak niyang para sa anak nito at hindi para sa kanya.

"Masaya na ang anak ko sa buhay niya," anito sa nagsusumamong tinig.

Napipilan siya. Ano nga ba ang dapat niyang sabihin? Na tama ito? When he let her go, she was happier. Natupad nito ang mga pangarap nito, nagagawa na nito ang mga gusto nito. Biglang nanikip ang dibdib niya. Why couldn't Cresencio like him? Ginawa naman niya ang lahat para magustuhan siya nito. Would he always stand on his way to live a happy life with Ruth?

"Kung hindi mo kayang panindigan ang anak ko, kagaya ng ginawa mo noon, ay nakikiusap ako sa'yo ngayon. Please, pakawalan mo ang anak ko."

Nanghihinang napaupo siya pabalik sa sofa. Ni hindi na niya namalayan ang pag-alis nito sa harap niya. Nagtutumining sa kanyang isip ang huling sinabi nito. Hindi sapat na nagawa niyang isakripisyo ang kanyang kaligayahan para kay Ruth. Hindi kagaya sa mga nababasa sa huling pahina ng mga nobela, hindi roon nagtatapos ang lahat. He has to be responsible about that sacrifice. Kailangan niyang panindigan ang bawat konsikwensya ng ginawa niya.

Iyon ang hindi niya nagawa noon. His sacrifice wasn't enough to make her stay in his life. Naikulong niya sa pagitan ng kanyang mga palad ang kanyang mukha. Kagabi ay napagtanto niyang hindi niya kayang tuluyang mawala si Ruth sa buhay niya. Na gusto niya itong bawiin at muling makasama. Pero ngayon ay nalilito na siya. Ayaw na niyang maulit ang nakaraan.

Paano kung mabigo ulit siya? Paano kung masaktan niya ulit si Ruth?