Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 158 - Wag Mong Pagurin Masyado Ang Sarili Mo

Chapter 158 - Wag Mong Pagurin Masyado Ang Sarili Mo

"Pneumonia ang dahilan kung bakit bigla ka na lang nilagnat. Maaraw pa kahapon nang magsimula iyang lagnat mo. Pero, bakit ba bigla nalang tumaas masyado nang gumabi na? Sigurado naman ako na tama ang sukat ng gamot na ibinigay ko kaya tiyak na hindi iyon ang dahilan."

Bigla namang may naalala si Lin Che sa mga nangyari kagabi. Napakurap-kurap si Lin Che, tumingin kay Gu Jingze at nagnakaw ng mabilis na sulyap. Kaagad namang namula ang kanyang mukha.

Ganundin naman si Gu Jingze. BIgla ring may pumasok sa isip niya. Kusa din siyang napalingon kay Lin Che.

At siyempre, hindi nakaligtas ang mga kilos na iyon sa mga mata ni Chen Yucheng.

Napataas ang isa nitong kilay at tiningnan ang dalawa. Pagkatapos ay ngumiti nang malapad. "Hindi naman kita masisisi, President Gu. Pero kung alam mo namang hindi maganda ang kondisyon ng katawan mo ay wag mo naman ho sanang pagurin masyado ang sarili mo. Nagagawa naman ang mga bagay na iyan sa tamang pagkakataon."

". . ."

Nagsalita si Gu Jingze, "Anong sinabi mo?"

Ganunpaman, kung titingnan ang mukha niyang walang ekspresyon at ang mukha ni Lin Che na sobrang pula na abot pa nga hanggang sa leeg ay parang wala lang ding magagawa ang kanyang gagawing paliwanag.

Sinulyapan lang ni Chen Yucheng si Lin Che at nagpakawala ng tuyong ubo. "Kung ganun, hindi ko na muna tatanggalin ang swero sa kanya. Wala naman na ding magiging komplikasyon pa. At kung magkaroon man ng problema ay nandito lang ako palagi."

Kinuha ni Chen Yucheng ang kanyang toolbox at naghanda nang umalis. Habang naglalakad palabas ay lumingon ito ulit at sinabi, "Oh, oo nga pala. Ang maipapayo ko lang bilang isang doktor ay huwag na muna kayong gumawa ng mga physical exercise sa ngayon, lalo na kung matinding exercise na talagang makakaubos ng inyong lakas."

Mabilis na nakadampot ng isang libro si Gu Jingze at inihagis papunta dito.

Bago pa man makarating ang librong iyon sa sahig ay kaagad na nahablot ni Chen Yucheng ang pinto at patakbong lumabas.

Mas lalong naging mapula ang mukha ni Lin Che. Nakatayo lang siya doon habang nilalaro-laro ang damit. Kaunting unat na lang at mapupunit na ang mga iyon pero hindi niya alintana.

Tahimik lang din si Gu Jingze at maya-maya'y tiningnan si Lin Che.

Namumula ang mukha ni Lin Che at ang mata nito'y malikot, halatang iniiwasan ang mapatingin sa kanya.

Mahabang sandali muna ang nagdaan bago nagsalita si Gu Jingze, "Hindi ka nakapagpahinga nang maayos kagabi. Matulog ka na muna."

Doon lang din itinaas ni Lin Che ang mukha. "Hindi. Okay lang ako. Hindi naman ako pagod eh."

"Kapag sinabi kong magpahinga ka, magpapahinga ka," sabi ni Gu Jingze.

"Hindi na nga sabi. Dito lang muna ako at para na rin mabantayan kita. Hindi ka pa masyadong magaling diba."

"Hindi ako ganyan kahina para bantayan mo pa."

"Pero…"

"Lin Che!"

"Nahimatay ka pa nga kagabi eh! Basta. Ayoko." Kapag sinumpong talaga siya ang katigasan ng ulo niya ay talagang magmamatigas siya. Wala siyang pinapakinggan kahit na sino pa man.

"Hoy…" Napadako ang mga mata ni Gu Jingze sa mga pasa na naiwan sa kanyang katawan kaya agad na napayuko. Naisip nito na sadyang may mga bagay talaga na hindi dapat iwasan at hindi talaga maiiwasan.

Kung may nangyari man, yun ay dahil nangyari lang talaga. Walang may nagplano, kundi basta na lang nangyari.

"Uhm, tungkol nga pala kagabi…" Hindi rin alam ni Gu Jingze kung ano ang gagawin dahil first time din niyang mag open up tungkol sa bagay na ito.

Kung ano man ang nangyari kagabi ay dala lang marahil iyon ng kanyang sakit kaya wala siya sa tamang pag-iisip at hindi nakontrol ang sarili. Iyon lang ang dahilan kung bakit humantong sa ganito ang mga bagay-bagay.

Balak sana niyang sabihin dito na wala siyang plano na magkunwari na para bang hindi nangyari ang nangyari kagabi.

Pero, bago pa man siya makapagsalita muli ay mabilis nang nakasingit si Lin Che. "Ah iyon ba. Naiintindihan ko naman eh. Hindi mo sinasadya iyon. Alam ko. Marahil ay sobrang taas nga ng lagnat mo kaya parang wala ka na sarili mo, kaya wala kang ideya sa mga nangyayari at hindi mo sinasadya na paabutin sa ganito ang sitwasyon. Huwag kang mag-alala. Hindi ko naman ito gagawing big deal."

". . ." Nanlumo ang ekspresyon ng mukha ni Gu Jingze. Napahinto ang mga mata nito sa mukha ni Lin Che.

Muling nagsalita si Lin Che, "At isa pa, hindi naman na tayo mga bata. Kung nangyari man ang ganitong bagay eh sadyang ganun lang talaga. Wala na tayong magagawa pa. Iyon na lang ang isipin natin. Kaya, hindi mo kailangang mag-alala pa; wala lang talaga sakin 'to. Ang mahalaga sa ngayon ay iyang kondisyon mo. Magpagaling ka na muna at sa susunod nalang ulit natin iyan pag-usapan."

Matigas pa rin ang ginagawang pagtitig ni Gu Jingze sa mukha ni Lin Che. Maya-maya lang ay kumunot ang noo nito.

"Bakit? May dumi ba sa mukha ko?"

"Wala naman. Iniisip ko lang kung ano kaya ang hitsura ng utak mo?"

Bakit palaging naiiba at pambihira ang paraan ng pag-iisip nito gayong mukhang normal naman itong tingnan?

Napahawak naman sa ulo si Lin Che. "Ano? Kulang pa ba sa'yo ang paglalambing na ginagawa ko ngayon? Hindi mo ba napapansin kung paano ako nag-aalala sa'yo ngayon ha? Hindi ka man lang marunong mag-appreciate tapos ano, iinsultuhin mo lang ako?"

Hindi pa rin inaalis ni Gu Jingze ang titig kay Lin Che. Ano ba talaga ito? Nag-aalala ba talaga ito sa kanya o sadyang napipilitan lang?

Ganito ba ito kapursigido na mailayo ang sarili sa kanya? Na wala itong balak na magkaroon ng kahit kaunting kaugnayan sa kanya?

"Oo na, sige na. Wag ka ng maingay pa. Naiintindihan ko, Lin Che."

Samantala, parang gusto nalang umalis ni Lin Che. Ayaw niya talagang makadaupang-tingin si Gu Jingze at sa totoo lang din ay wala siyang ideya kung paano ito pakikitunguhan ngayon.

"Ah, oo nga pala. Lalabas muna ako at ikukuha kita ng maiinom mo." Nagmamadali siyang lumabas. Umupo naman sa gilid ng kama si Gu Jingze at sinundan ng tingin ang nakasaradong pinto. Hindi nagtagal ay bahagya ng lumambot ang ekspresyon sa kanyang mukha.

Bumalik din naman agad si Lin Che makalipas lang ang ilang sandali.

Iniabot niya muna rito ang tubig bago nagsalita, "Hayan oh, uminom ka muna. Kailangan mong uminom ng maraming tubig kasi sobra-sobra ang pagpapawis mo kagabi dahil sa iyong lagnat."

Sinamaan lang siya ng tingin nito. "Hindi ako pinagpawisan dahil lang sa lagnat. May iba pa kasi akong ginawa kagabi dahilan para pagpawisan ako nang husto."

". . ." Agad namang nakuha ni Lin Che ang ibig nitong sabihin.

Sa totoo lang din naman kasi, kagabi… totoo nga namang pinagpawisan ito nang husto.

"Gu Jingze, ano na naman ba iyang pinagsasabi mo ha?!" Pabulyaw na sabi ni Lin Che.

Walang imik naman si Gu Jingze na ininom ang tubig na bigay niya. Halos maubos nito ang laman bago ito sumagot sa kanya, "Ikaw naman ang nagsabi diba. Hindi na tayo mga bata. Bakit? Kailangan ba munang magpaligoy-ligoy ang mga matatanda kapag ganitong topic na ang pinag-uusapan?"

"A-ano…" ilang sandaling hindi makahanap ng isasagot si Lin Che. Tiningnan nalang niya ito nang masama at pabulyaw na sinabi, "Ayoko lang kasi na maapakan iyang pride mo! Sino kaya iyong lalaking iyon na bigla nalang nahimatay pagkatapos na pagkatapos lang nun? Alam mo ha, kung hanggang diyan lang pala ang kaya niyang sikmura mo, wag mo nalang pilitin pa ang katawan mo!"

At ang lakas pa nga ng loob nito na sabihin sa kanya na mahina ang pagkalalaki niya?

Naningkit ang mga mata ni Gu Jingze. "Okay, sige. Hindi na muna kita papatulan dahil nga hindi pa ako masyadong magaling. Pero pakatatandaan mo iyang sinabi mo ha? Kapag dumating na ang tamang pagkakataon, talagang ipapakita ko sa'yo ang totoong kakayahan ko para ikaw na mismo ang bumawi diyan sa sinabi mo!"

Agad din namang nabalot ng pula ang mukha ni Lin Che. "Aba, at sino naman iyang nagkakainteres na makita ang totoong kakayahan mo ha? Hmph."

Habang tinitingnan ang namumulang si Lin Che ay napatingin nalang din sa sariling katawan si Gu Jingze.

Sino bang may sabi na kaya lang niya pinagnanasaang makuha si Lin Che ay dahil lang sa wala siyang kakayanan na gawin iyon?

Ngayong nalasap na niya ang katawan nito, bakit ganoon pa rin kalakas ang hatid nito sa buo niyang pagkalalaki?

Maya-maya naman ay bumalik ulit si Chen Yucheng para palitan ang kanyang intravenous drip.

Nang makitang nakalabas na si Lin Che ay noon lang nagsalita si Gu Jingze, "Kailan ba ako tuluyang gagaling?"

Ngumiti naman si Chen Yucheng at napataas ang dalawang kilay habang nakatingin kay Gu Jingze. "Bakit mo naman gustong gumaling nang tuluyan? Sa tingin ko naman kasi ay maganda nga para sa'yo na lagi ka nalang ganito. Sa ganitong kalagayan mo kasi eh mas maeenjoy mo pa nang matagal ang espesyal na "pag-aalaga" sa iyo ni Madam Gu."

Kaagad namang nagdilim ang ekspresyon ng mukha ni Gu Jingze. "Chen Yucheng. Kung ganun, sinadya mo lang talaga na hindi kaagad pumunta dito kahapon?"

Ngumisi lang ang doktor. "Gusto ko lang naman kasi na bigyan kayo ng pagkakataon na kayong dalawa lang. Hindi naman kasi talaga nakakabahala ang lagnat mo. At tama din naman ang ginawa ni Madam. Pinunasan niya ang katawan mo, punas doon, punas dito, kaya naman biglang naikasa ang baril mo habang dahan-dahan niyang nililinisan…"

". . ." sabi ni Gu Jingze, "Chen Yucheng, sa palagay ko ay masyado ka ng matagal sa trabahong ito. Mukhang hindi mo na kailangan ang trabaho mo."

"Hindi, hindi. President Gu, wag mo naman kasing ipagkaila pa na dapat ay magpapasalamat ka pa sakin dahil sa nangyari kagabi. Hndi naman yata tama na basta mo nalang susunugin ang tulay pagkatapos mong makatawid, at dahil nakuha mo na ang gusto mo."

Nagtataka ang boses ni Gu Jingze. "sabihin mo nga ulit. Kagabi, totoo bang nilinisan niya ang katawan ko?"

Malinaw sa kanyang alaala ang mga nangyari sa simula pero kung ano paman ang mga sumunod na nangyari…

Talagang nawalan na siya ng malay.

Sumagot si Chen Yucheng. "Opo. Sobra-sobra ang ginawang pag-aalaga sa'yo ng Madam. Ang alam ko pa nga ay binantayan ka niya buong magdamag. Nang dumating ako kagabi eh may nakita akong ice compress at bimpo na nakalagay sa gilid ng mesa mo. May hawak pa siyang towel sa kamay niya at pinupunas iyon sa katawan mo. At sigurado ako na nakatulong iyon kaya bumaba na ang lagnat mo. Hindi naman gaanong malaki ang epekto noon pero tiyak na nakatulong iyon para mas maging komportable ang iyong pagtulog. Dahil kung hindi niya ginawa iyon, ewan ko lang talaga kung paano mo matatapos ang gabi sa taas ng lagnat mo."

Napatingin sa labas si Gu Jingze. Bahagyang napalitan ng liwanag ang kanyang mga mata na kanina lang ay walang ekspresyon.