Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 159 - Sige Na, Magpahinga Ka Na

Chapter 159 - Sige Na, Magpahinga Ka Na

Hindi naman nagtagal ay muling pumasok si Lin Che sa loob.

Nang mapansin na wala na doon si Chen Yucheng ay tinanong niya si Gu Jingze. "Umalis na si Doctor Chen?"

Pero, napansin niya na parang sinusuri siya ni Gu Jingze. Malalim at maliwanag ang pagkakatitig nito sa kanya na para bang may espesyal itong nakikita sa katawan niya. Hindi niya mapigilang kabahan.

"Bakit? May nagawa na naman ba ako na hindi mo nagustuhan?"

Tiningnan ni Gu Jingze ang bagay na hawak niya sa kanyang kamay at sinabi, "Tama na iyan. Sobrang dami ng mga katulong natin dito. Bakit mo ba ginagawa ang mga ganitong bagay nang wala lang dahilan?"

Napahawak naman sa ulo si Lin Che. "Wala din naman akong masyadong ginagawa eh. Pinapanood ko lang ang ginagawa ni Doctor Chen at wala din naman akong magawa para tulungan siya. Kaya ito nalang ang ginagawa ko."

Sumimangot na naman si Gu Jingze. "Tama na iyan. Ibaba mo na iyan. Hindi mo kailangang gawin pa ulit ang mga ganitong bagay."

"Okay lang talaga ako. Gusto ko din naman na ginagawa ko ito," sabi niya.

"Ikaw bahala. Basta sinabi ko na sa'yo na ibaba mo iyan." Hinawakan ni Gu Jingze ang tray na hawak niya at malalim ang pagkakakunot ng noo na tumingin sa kanya.

Napahinto naman si Lin Che nang mapansin ang pagkakatitig sa kanya ni Gu Jingze. Inagaw ni Gu Jingze mula sa kanya ang tray at inilapag iyon sa gilid ng mesa. Pagkatapos ay hinila siya papunta sa bisig nito, "Halika dito sa kama."

Napaupo sa kama si Lin Che at pumaimbabaw sa kanya si Gu Jingze dahilan para mapahiga siya.

"Anong ginagawa mo? Tirik na tirik ang araw oh…"

"Matulog ka."

"Pero…"

"Tabihan mo ako dito."

"Ayoko nga… Ano…"

Walang balak na magpatalo si Gu Jingze sa kanyang pagpoprotesta. Tuluyan na siya nitong niyakap para mapigilan siya sa pagbabalak na tumayo. Hindi naman nagtagal ay ibinaba din nito ang kanyang mga kamay papunta sa gilid. Gusto pa sana niyang manlaban. Pero ang mukha nito ay nagpapahiwatig ng babala kaya hindi niya magawang gumalaw pa.

Wala siyang ibang magawa kundi ang tumigil na lang. "Ayoko talagang matulog; ang lagnat mo…"

"Matulog ka nalang kapag sinabi kong matulog ka." Mas lalong hinigpitan ni Gu Jingze ang pagkakayapos sa kanya. Nang mapansin niya na nagmamatigas pa rin si Lin Che ay bahagya niyang inilapit ang mukha dito at makahulugang tiningnan, "Bakit?"

"Pero hindi naman talaga pagod eh. Bakit kailangan kong matulog?"

"Kung ganoon eh, kailangan ba muna kitang pagurin?" Pagkasabi niya nito ay umakto siya na papaimbabaw sa katawan nito.

Mabilis naman siyang pinigilan ni Lin Che. "Hindi na. Mali nga ako. Mali ang sinabi ko. Hindi na kailangan. Hindi mo na kailangang gawin pa iyan. Matutulog na ako. Okay na ba sa'yo iyan basta matutulog na ako?"

Kaagad na hinablot ni Lin Che ang kumot at tiniyak na maayos ang pagkakatakip nito sa katawan niya. Noon lang din tumango si Gu Jingze at muling bumalik sa pagkakahiga.

Pero sa totoo lang ay pagod na pagod talaga siya. Nag-aalala lang kasi talaga siya na walang magbabantay dito, kaya hindi siya dinadalaw ng antok.

Pero ngayon ay maayos nang nakapatong ang ulo niya sa malambot na unan. Kaya dagling dumaloy papunta sa utak niya ang lahat ng pagod na naipon simula kahapon. Ilang minuto lang ang lumipas at naging mahimbing na ang kanyang tulog.

Pinagmamasdan lang siya ni Gu Jingze at napapailing. Kunwari pa ito na hindi raw pagod pero ano, mabilis din naman palang makakatulog nang mahimbing.

Nang magising si Lin Che ay wala na doon si Gu Jingze.

Nagmamadali siyang bumangon at lumabas. Naglibot-libot na siya pero hindi niya pa rin nakita si Gu Jingze.

Pero nakasalubong niya si Chen Yucheng sa may entrance. Bahagya namang kumalma ang kanyang dibdib nang makitang nandito pa ang doktor.

Lumapit siya dito at tinanong ito, "Nasaan si Gu Jingze? Magaling na ba siya?"

Sumagot naman si Chen Yucheng, "Mas mabuti na ang pakiramdam niya ngayon. Wala na siyang lagnat pero medyo mahina pa rin ang katawan niya."

"Pero bakit wala siya dito?"

"siya ang tipo ng tao na laging pipilitin ang sarili kahit hindi pa gaanong kaya. Nagsimula na agad itong magtrabaho ulit nang maging maganda na ang pakiramdam niya."

"Naku, hindi mabuti 'to."

Dali-dali siyang nagtungo sa study room para hanapin si Gu Jingze. Doon nga ay nakita niya ito na binabasa ang ilang mga papeles at parang may pinagkakaabalahan.

Inistorbo niya ang katahimikan doon. "Hoy. Hindi ka pa gaanong magaling pero ano, nandito ka na na agad. Paano kung bigla ka namang bumagsak diyan ha?"

Iniangat ni Gu Jingze ang ulo. "Okay na ako. May mga trabaho pa akong kailangang tapusin. Diyan ka na muna sa tabi at hintayin mo nalang akong matapos. Kakain tayo mamaya."

"Hindi nga pwede. Paano ka naman makakapagtrabaho nang maayos niyan?"

Naglakad siya palapit dito at sinabi, "Kailangan mong magpahinga ng ilang araw para tuluyan kang gumaling sa pneumonia na iyan. Kapag masyado mong pinagod ang sarili mo ay babalik na naman iyang lagnat mo."

"Kilala ko ang katawan ko. Hanggat kaya ko ay walang kahit na anong magiging problema," sabi ni Gu Jingze. "Sige na. Huwag ka ng makulit. Doon ka na muna sa tabi at magbasa ka nalang ng mga libro, okay?" Inunat nito ang kamay at hinaplos ang noo ni Lin Che gamit ang daliri.

Bagamat garalgal pa ang boses nito dahil sa pagkakasakit ay masarap pa ring pakinggan ang sinabi nito.

Nakakaakit pa ring tingnan ang lalaking ito kahit na nagtataboy lang ito ng isang makulit na nilalang…

Ganunpaman, pinili pa rin ni Lin Che na panindigan ang prinsipyo. "Hindi nga pwede eh! Hindi mo nakita sa sarili mong mga mata kung gaano kalala ang hitsura mo kagabi. Pero ako? Kitang-kita ng dalawang mata ko! Kaya, hindi pwede! Hindi ako papayag na babalik ka kaagad sa pagtatrabaho."

Nakaawang naman ang bibig na napatingin si Gu Jingze kay Lin Che. Ang mga kamay nito ay nakalagay sa may bewang habang nakatayo doon at matigas ang pagkakatitig sa kanya. Bahagyang napataas ang itaas na bahagi ng labi niya, "Bakit? Nag-aalala ka ba para sa akin?"

". . ." Hindi makasagot si Lin Che. "A-ano… oo naman, nag-aalala ako sa'yo. Unang-una eh asawa kitang maituturing. Ayoko namang mabyuda nang maaga, ano."

Nanatili lang sa kanyang pwesto si Gu Jingze. Noong hindi pa nangyayari ang insidenteng ito, bahagi lang ng biruan ang ganitong usapan. Pero, parang may iba na kasi ngayong nabanggit nito ulit ang tungkol dito.

Bigla siyang tumayo at mabilis ang kilos na humakbang palapit kay Lin Che.

Napapigil naman ng hininga si Lin Che dahil sa pagkabigla. Maya't-maya lang ay naramdaman niya ang unti-unting pagdikit ng katawan nito sa kanya.

May ipinapahiwatig ang paraan ng pagtitig nito. Marahan nitong sinusuklay ang kanyang buhok at hinahaplos ang mga iyon na para bang nagpapatahan ng isang bata. Malambing at malumanay ang boses na sinabi nito, "Huwag kang mag-alala, hindi ko hahayaan na maging byuda ka."

Malinaw naman ang ibig sabihin ng mga salitang iyon. Pero bakit pakiramdam ni Lin Che ay nagba-blush ang pisngi niya at parang napatigil sa pagtibok ang puso niya?

Huminto sandali si Gu Jingze bago nagpatuloy, "Oh, sige na nga. Ititigil ko na 'tong ginagawa ko. Dadalhin nalang kita sa labas para kumain na tayo."

Hindi pa rin makagalaw si Lin Che habang nakatingin kay Gu Jingze.

Ang bilis nitong magbago ng isip!

Mukhang maganda ang mood ngayon ni Gu Jingze. Hindi nagtagal ay nakalabas na ito mula sa study room.

Nakita silang dalawa ni Chen Yucheng na sabay na lumabas kaya tinanong nito si Gu Jingze, "President Gu, ano na hong balak niyong gawin sa ngayon?"

Sumagot naman agad si Gu Jingze, "Wala naman itong kinalaman sa sakit ko, kaya hindi mo na kailangang magtanong pa, Doctor Chen."

Pagkasabi nito ay pumasok na siya sa kwarto para magpalit muna ng damit.

Si Lin Che nalang ang sumagot sa tanong nito. "Lalabas kami para kumain."

Bahagyang napahinto si Chen Yucheng at tiningnan si Lin Che. Sinabi nito, "Alam mo bang ikaw pa lang ang kauna-unahang nakapagpatigil sa kanya sa pagtatrabaho."

Napakurap nang ilang beses si Lin Che. "Talaga? Hmph. Imposible naman yan. Sa tingin ko'y hindi naman talaga siya ganyan kababad sa pagtatrabaho."

Umiling-iling naman si Chen Yucheng. "Pfft, hindi mo naiintindihan kung ano ang pagkakakilala ng ibang tao kay Gu Jingze. Maniwala ka nalang sa'kin. Mahigit sampung taon ko na siyang kasama at kilala."

". . ."

Siya namang paglabas ni Gu Jingze. Nang makita nito na nandoon pa rin si Lin Che at patuloy pa rin sa pakikipag-usap kay Chen Yucheng, lumapit ito sa kanilang dalawa't hinila na siya paalis, "Tara na."

"Ano… Hindi pa ako nakapagbihis."

"Hindi na kailangan. Isa pa, para lang din naman sa mata ko 'yan. At, okay lang naman sa'kin ang suot mo."

"Ano…"

At iyon nga, hinawakan siya nito para makalabas na.

Napailing nalang ulit si Chen Yucheng na nasa likuran nilang dalawa at sinabi, "Hay naku, kalma ka lang. Ano bang ikinakatakot mo? Wala din naman akong balak na ibulgar ang mga sekreto mo."

Hindi nalang sumagot si Gu Jingze at tuluyan na nga silang umalis.

Samantala, nanatili pa sa mansyon si Chen Yucheng nang ilang araw dahil sa sakit ni Gu Jingze. Nang mahalata niya na parang sinasadya na ni Gu Jingze na hindi siya pansinin at dahil sa hindi na rin naman siya kailangan doon ay kusa na siyang nag-impake at naghanda para umuwi sa kanyang bahay.

Pero, bago pa man siya tuluyang makaalis ay narinig niyang may tumutunog na cellphone mula sa loob ng kwarto.

Tiningnan niya ang kanyang cellphone pero hindi naman iyon tumutunog. Ipinihit niya ang ulo at nakita niya ang isang cellphone na nagba-vibrate sa isang couch. Cellphone ni Lin Che iyon. Sa una ay wala siyang balak na pansinin pa iyon. Pero, nakita niya sa screen ang pangalan ng tumatawag: Shen Youran.

Related Books

Popular novel hashtag