Kinabukasan, nagising si Lin Che sa di-pamilyar na kapaligiran. Ilang minuto muna ang nagdaan bago niya naalala na may asawa na pala siya ngayon.
Pero nasaan ang asawa niya?
Agad siyang bumangon mula sa pagkakahiga. Nakaayos na ang couch, at wala na roon ang taong alam niya ay doon natulog.
Lumabas sa silid si Lin Che para pumunta sa kusina. Lumapit sa kanya ang isang katulong at yumuko sa kanyang kaliwa, "Madam, sasamahan po kita papunta sa kusina."
Pagdating doon, nakita niya si Gu Jingze na nakabilad sa sikat ng araw. Lumapit siya nang may mahihinang yapak.
Bahagyang lumamig ang temperatura sa bandang iyon dahil sa walang ekspresyon nitong mukha.
Mas naging makisig tingnan ang kanyang magandang pangangatawan. Kung walang saplot, lalong nagiging matipuno ito, at mas matangkad tingnan kapag nakabihis na. Ang mukha nito ay kayang makapagpahina sa isang babae. Kaya't hindi mapigilang mapataas nang kaunti ang kilay ni Lin Che nang minsang sulyapan siya nito.
"Hi, good morning," lumapit siya upang batiin ito.
Subalit, itinaas lang ni Gu Jingze ang kanyang kilay at isang beses lang lumingon. Nakasuot si Lin Che ng simpleng damit na inihanda ng mga katulong. Kahit simpleng tingnan, bumagay naman ang mga ito sa magandang hubog ng kanyang katawan. Tumungo lamang si Gu Jingze. Kinuha niya lang ang puting tasa na may kape mula sa mesa; at hindi na lumingon pang muli.
Napa-antipatiko naman nito...
Napasimangot nalang si Lin Che at umupo.
Habang kumakain, hindi man lang sila nag-uusap. Nang matapos na, tumingin ang katulong sa malungkot na mukha ni Lin Che at nag-aalalang sinabi, "Madam, hindi naman po masamang tao si Sir. Minsan lang talaga, nagiging mainitin ang kanyang ulo, lalo na kung hindi siya nakatulog nang maayos kagabi."
Nagtanong si Lin Che, "Hindi siya nakatulog nang maayos kagabi?"
Sumagot ang katulong, "Opo. Lumabas po ng hatinggabi si Sir at nagpunta sa kanyang study room para matulog, kaya kulang po siya ng tulog."
Napanganga nang bahagya si Lin Che at hindi alam ang sasabihin.
Nang makapag-isip, na-realize niya ang isang bagay.
Napilitan si Gu Jingze na magpakasal sa kanya dahil sa nangyari. Malamang sa malamang, hindi siya magiging komportable, lalo pa't may minamahal na itong babae. Hindi talaga ito magiging masaya na makasama siya sa iisang kwarto.
Napahimutok si Lin Che sa kanyang sarili. Nakakaawa rin si Gu Jingze, kung tutuusin. Maswerte nga siya dahil sa kanyang status, pero pinapahirapan naman siya ng di-pangkaraniwang sakit.
Kung iisiping mabuti, nangyari ang lahat ng 'to dahil sa kanyang pagkakamali; nahiwalay ito sa kanyang minamahal at napilitang magpakasal sa kanya. Pakiramdam niya tuloy, siya ang dahilan kung bakit kailangang maghiwalay ang dalawang taong nagmamahalan. Hindi niya maiwasang sisihin ang kanyang sarili.
----
Naghahanda na si Lin Che upang pumunta sa kompanya. Sa labas, napansin niya ang iilang grupo ng mga taong. Nang titigan niyang mabuti, nakita niya si Gu Jingze na sinusundan ng mga ito. Nagmukhang mga sisiw ang mga ito sa tabi ni Gu Jingze. Nababalutan ng pants ang kanyang mahahabang binti na kung maglakad ay talagang elegante tingnan. Ang bawat hakbang ay nagpapakawala ng aura na hindi mababali ng sinuman. Napakahinahon nitong tingnan sa kanyang tindig. Buong kisig siyang naglalakad papunta sa may pinto na nagpapahiwatig na paalis na ito.
Nagmamadali siyang hinabol ni Lin Che.
"Hintaaay. Hintayin mo ako."
Ang kaninang mabagsik na ekspresyon ni Gu Jingze ay nag-iba nang marinig ang boses na iyon. Nagtagpo ang mga kilay nito.
Paglingon niya'y nakita niya si Lin Che na nakasuot ng hapit sa beywang na dress. Para itong baliw na nagtatatakbo papunta sa kanya. Lalong nagtagpo ang kanyang mga kilay.
Subalit, lalong pinatingkad ng nakalugay nitong itim na buhok ang kanyang maputing kutis na katulad ng malamig na niyebe. Mas naging maayos at malinis siyang tingnan sa kanyang suot. Napabitiw si Gu Jingze ng malalim na buntung-hininga, maya-maya ay inilayo ang kanyang tingin at nagpatuloy sa paglalakad.
"Isabay mo nalang ako, Gu Jingze. Pupunta ako sa kompanya."
"Tatawag ako ng pwedeng maghatid sa'yo don," sabi niya habang patuloy lang sa paglalakad.
"Oh... okay. Ibaba mo nalang ako sa may bus stop. Wag ka ng mag-abala pa ng isang sasakyan para sa'kin."
Sumimangot si Gu Jingze. "Hindi naman masyadong mahirap ang mga Gu para magtipid ang isang Madam Gu kanyang pamasahe."
Tinitigan nito ang mukha ni Lin Che at pagkatapos ng ilang pag-aatubili, kanyang sinabi, "Sakay na."
Nang marinig ito ni Lin Che, dali-dali siyang sumakay, iniisip na makatipid ng pera sa pamasahe.
Malaki ang sasakyan ni Gu Jingze. Iba ito sa ginamit nila kahapon. Ang mga upuan nito ay gawa sa leather at maganda sa pang-amoy ang bango nito. Nakita ni Gu Jingze ang mga dumi na naiwan ng kanyang sapatos at sumimangot, "Bakit ang dumi-dumi ng sapatos mo?"
Yumuko si Lin Che at nakita ang mga maruming mga yapak ng kanyang sapatos. Nahihiya siyang ngumiti at sinabing, "Wala akong ibang sapatos."
Nang makita niyang nagtataasan na naman ang mga kilay ni Gu Jingze, napalabi nalang si Lin Che, "Ano naman ang hindi mo nagustuhan dito? Hindi naman sa sinadya ko ito; pero ito lang talaga ang mayroon ako."
Tiningnan siya ulit ni Gu Jingze. Hindi maayos ang pananamit nito at medyo mapapansin ang maninipis at mahahaba nitong mga binti.
Patuloy siyang nag-inspect sa suot nito-- ito ang damit ni suot ni Lin Che kahapon at mukhang napaglumaan na ang mga damit na ito.
"Sasamahan muna kitang bumili ng mga damit mo," ang sabi ni Jingze.
Napabulalas si Lin Che nang marinig ito. "Okay na ako sa mga damit ko. Nagkataon lang talaga na hindi ko sila nadala dito. Kung makabalik man ako doon, kukunin ko ang aking mga gamit at dadalhin lahat dito."
Pero inutusan na ni Gu Jingze ang driver. "Maghanap ka ng lugar na pwede tayong makabili ng mga damit para kay Madam Gu."
Agad namang nag-U turn ang driver.
Hiyang-hiya si Lin Che. "Hindi na talaga kailangan. Nakakaabala na ako sa'yo."
Muling pinagmasdan ni Gu Jingze ang suot ni Lin Che. Hindi niya alam kung saan binili ang mga ito; halatang maraming beses na itong nagamit at nalabhan kaya parang pinaglumaan na.
"Your clothes are too dirty. Hindi ako komportable na makita ang mga 'yan."
"..." Okay. Kung dyan siya komportable, bahala siyang bumili ng kahit ano.
Akala pa naman niya, nagiging mabait na ito sa kanya.
"Pagtitipid ang tawag dito. Ano ba ang alam mo?"
"Kung ikaw, iniisip mong pagtitipid ang pagiging makalat, pwes, ibahin mo ako." As usual, mahahalata sa mata nito ang kawalang-interes.
Sumagot naman si Lin Che, "Siyempre. Iba talaga pag mayaman. Pwede kang magpalit ng damit araw-araw. Hindi masyadong marami ang damit ko, kaya sinusuot ko ito nang pauli-ulit. Sa tingin mo, ilang beses ko na'tong nagamit? Mahal ang pagkakabili ko nito kaya hindi ko'to itatapon hangga't di pa ito nasisira."
Tumingin siya kay Lin Che, "Sa pagkakaalam ko, hindi naman ganyan kahirap ang mga Lin."
Ngumiti si Lin Che habang nakatingin sa kanya, "So inimbestigahan mo na pala ako."
"Natural. Sa palagay mo, basta nalang akong magpapakasal kung hindi ko muna iimbestigahan ang buhay mo?"
Pinaglaruan ni Lin Che ang manggas ng kanyang damit. "Pero, hindi mo nalaman na anak lang ako sa labas ng mga Lin? Kahit minsan, hindi ako itinuring ng aking ama na kabilang sa kanyang pamilya. Lumaki ako kasama ang mga katulong. Nito lang lumaki na ako at nakita niyang may pakinabang, kaya niya ako binigyan ng sariling kwarto. Nang bata pa ako, lahat ng mga damit ko ay mga pinaglumaan lang nina Lin Li at Lin Yu. Kahit mga ginamit, okay pa naman gamitin. Minsan pa nga, nakikisuyo ako sa mga yaya na tahiin ang mga yun at susuutin ko na."
Noon lang huminahon ang tingin ni Gu Jingze kay Lin Che.
Hindi nagtagal, dumating na sila sa isang branded na fashion store.
Pagpasok palang nila, nilibot na ni Gu Jingze ng tingin ang buong tindahan at sinabi sa salesperson na nakasunod sa kanila, "Bigyan mo ako ng lahat ng damit na kakasya sa kanya."
Nang makitang seryoso si Gu Jingze, agad na tumalima ang salesperson. Inalalayayan nito papasok si Lin Che.
Medyo hindi agad makakibo si Lin Che. First time niyang ma-eexperience kung paano mag-shopping ang isang mayaman.