Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 11 - Wag Mong Ibaling Sa'kin 'Yang Galit Mo

Chapter 11 - Wag Mong Ibaling Sa'kin 'Yang Galit Mo

Umaasa si Mo Huiling na balang araw ay magkakasama rin sila ni Gu Jingze. Pero hindi niya inaasahan na bigla na lang susupot ang babaeng ito mula sa kawalan.

"I'm sorry, Huiling. Hindi kita masisisi kung makahanap ka man ng ibang kaligayahan."

"Hindi kita iiwan... Jingze, ikaw ang kasama ko sa loob ng mahabang panahon. Kung iiwan kita, hindi ko alam kung paano pa ako mabubuhay. Bata pa lang ako, pangarap ko na ang mapangasawa ka balang araw."

Lumambot naman ang puso ni Gu Jingze sa narinig. "Alright, Huiling. Ayaw ko lang naman na mahirapan ka."

Dahil dito, ngumiti na si Mo Huiling. "Naniniwala ako na makikipag-divorce ka kaagad sa kanya. Maghihintay ako sa'yo, Jingze!"

----

Nang makita siya ng katulong na hindi maganda ang mood, naisip nito na baka galit si Lin Che kaya nilapitan niya ito. Maingat siyang nagsalita, "Madam, magkaibigan na po sina Sir at Miss Mo Huiling simula ng mga bata pa sila. Pero, hanggang ngayon ganun pa rin po ang relasyon nila; wala pa hong pinagbago, kahit kaunti man lang."

"Oh?" Alam ni Lin Che na iba ang pagkakaintindi ng katulong. Iwinagayway niya ang kanyang kamay at pinigilan ito, "Hindi naman 'yan ang iniisip ko. Siyempre, maayos naman talaga ang relasyon nila... pero matagal na ba talaga silang magkakilala?"

Tumango naman ang katulong. "Opo. Magkakilala na po sila simula noong isinilang sila."

Napakatagal na nga, naisip ni Lin Che.

"Then, talagang maganda ang relasyon nilang dalawa."

Tumango ulit ang katulong, "Opo. May pagka-topakin si Miss Mo pero lagi po siyang sinusunod ni Sir. Ganyan na po talaga kahit noong mga bata pa sila. Pero, sa tingin ko po, wala itong pinagkaiba sa relasyon ng magkapatid. Madam, mas mainam po kung hindi ka na magalit. Isa pa po, alam mo naman po na si Sir..."

Mayroong sakit na di-pangkaraniwan at hindi siya maaaring humawak sa kahit sinong babae.

Siyempre, alam ni Lin Che 'yon.

Sa kalooban niya, sa tingin niya, nakakaawa naman talaga ang sitwasyon ni Gu Jingze.

Nasa tabi niya lang ang babaeng minamahal niya, pero hindi niya ito mahawakan man lang. Hindi niya alam kung paano nito natitiis ang ganoon sa tagal ng panahon.

Hindi naman galit si Lin Che. Medyo naku-curious lang siya.

Kaya sinabi niya sa katulong, "Okay lang 'yan. Hindi ako galit at gusto ko lang magtanong. Naiintindihan ko naman si Gu Jingze; hindi ako magagalit."

Lalong gumagaan ang loob ng katulong kay Lin Che kapag nakikita niya itong ganito. Ngumiti ito at nagsabing, "Madam, ikaw po ang pinakamagandang babae na nakilala ko at napakaganda pa po ng ugali ninyo. Nagkakasundo po kayo ni Sir; at natitiyak ko pong magiging masaya pa kayo sa susunod."

Totoo naman na hindi siya nagagalit. Simula pa lang, nagkasundo na sila na ang kasal na ito ay hanggang kontrata lang at lagi itong ipinapaalala sa kanya ni Gu Jingze. Kaya, wala siyang dahilan para magalit.

"Pero kung maayos naman ang relasyon ni Gu Jingze at Miss Mo, bakit tutol ang kanilang mga pamilya sa relasyon nila?" Tanong ni Lin Che.

Sumagot naman ang katulong, "Si Miss Mo ay ang ikatlong anak ng Pamilyang Mo, ngunit hindi siya gusto ni Old Master dahil ayaw niya sa hindi magandang gawain ng mga Mo. Pero hindi naman sa ayaw niya talaga sa relasyon ng dalawa. Subalit, bigla hong nagkasakit si Sir Jingze. Umaasa ang kanyang pamilya na makakahanap siya ng babae na makapagbibigay sa kanya ng anak, pero laging nagmamatigas si Sir at ayaw niya po talagang iwan si Miss Mo. Lagi rin hong gumagawa ng eksena si Miss Mo dahil ayaw niyang magpakasal si Sir sa ibang babae. Kaya lalo lang pong lumala ang sitwasyon."

Nang mapansin ng katulong ng matamang nakikinig si Lin Che, "Maayos na po ang lahat ngayon. Bagay na bagay po kayo ni Sir. Napakaganda mo po, Madam, at napakagwapo naman ni Sir. Tiyak na napakagwapo po ng magiging anak ninyo."

Halos mapadura ng dugo si Lin Che.

Siyempre naman, ayaw niyang magkaroon ng anak kay Gu Jingze. Imposible ding mangyari 'yon. May nangyari lang sa kanila noon dahil pinainom niya ito ng gamot. Sigurado siya na hindi siya ang lunas sa sakit ni Gu Jingze.

Nagtataka rin si Lin Che. Bakit hindi sila naghanap ng iba pang babae para subukang gamutin ang sakit nito?

Pero naintindihan niya rin kaagad kung bakit. Marahil, ito ay dahil mahal na mahal ni Gu Jingze si Mo Huiling kaya ayaw nitong humawak sa ibang babae. Pero ngayon, dahil sa kanya...

Kumakain si Lin Che habang nagninilay-nilay. Di nagtagal, pumasok na si Gu Jingze.

Nakita niya si Lin Che na sinusunggaban ang pagkain habang nakaupo sa upuan at nakataas ang isang paa nito.

Sumimangot si Gu Jingze at nagsalita, "Can you be more hygienic?"

Itinaas ni Lin Che ang kanyang ulo. "Naghugas ako ng aking mga kamay. Paanong hindi hygienic 'to?"

Nakatingin sa kanya si Gu Jingze habang kumakain gamit ang kamay na may mga dumikit na kanin sa mga ito. Lalo lang siyang nainis.

Muling itinaas ni Lin Che ang kanyang ulo at nagsalita, "Oo na, hindi lahat ng tao maganda ang breeding tulad ni Miss Mo. Tama ka. Wala akong manners kahit kumakain. Namatay ang nanay ko nang bata pa ako. Ang tatay ko, kahit kailan hindi ako itinuring na anak at ang stepmother ko naman, gusto akong ibenta. Kaya walang may nagturo sa'kin ng kahit anong manners o etiquette man 'yan. Pero, hindi lahat ng tao ay may panahon para sa mga ganyang bagay tulad ninyo. Para sa'kin, ang patuloy na mabuhay ay pagrespeto na rin sa'king sarili. Kaya wala talaga akong alam sa lahat ng ito at hinding-hindi ako magiging katulad ni Miss Mo."

Habang nakatingin kay Gu Jingze, nagpatuloy siya. "Okay. Kung hindi ka komportableng makita ako habang kumakain, susubukan kong hindi kumain 'pag nandiyan ka. At isa pa, hindi ka naman palaging nandito sa bahay."

Tutal mayroon siyang Mo Huiling, mas pipiliin nitong magpalipas ng mas maraming oras kasama ito kaysa manatili sa bahay at makasama siya palagi.

Suminghal naman si Gu Jingze. "Tama ka. Maganda nga pagpapalaki kay Mo Huiling. At least, hindi siya kumakain nang nakakamay lang kagaya mo."

Habang sinasabi niya ito, nakatingin siya sa mamantika nitong kamay.

Yumuko naman si Lin Che. Medyo nakaramdam siya ng hiya, pero sanay na siya sa ganito at hindi na masyadong pinansin pa.

Mabilis namang dinilaan ni Lin Che isa-isa ang kanyang mga daliri; napaka-flexible tingnan ng kanyang dila.

Grabeng pahirap ang makasama ang ganitong uri ng lalaki. Kaya hindi nakapagtataka kung bakit sinasabi ng karamihan na dapat mag-asawa ka ng iyong kauri. Siya at si Gu Jingze ang perpektong example ng magkasalungat na uri.

Itinaas niya ang kanyang ulo at napansin niyang parang nag-iinit ang tingin nito. Nakatutok ito sa kanyang mukha, namumula ang mga mata. Parang gusto na nitong durugin siya nang pinong-pino.

Ano na naman ba ang ginawa niya at nagalit na naman ito?

Biglang nagsalita si Lin Che, "Huwag ka ng magalit. Hindi na ulit ako kakain sa iyong harapan."

Wala rin naman siyang ibang choice; hindi basta-bastang napuputol ang matagal ng nakasanayan.

Oo na nga. Ang kanyang Mo Huiling ay elegante at mahinhin, pero magkaiba sila.

Ngumiti siya ng parang isang tupa, pero umalis lang si Gu Jingze nang hindi na nagsalita pang muli.

"Hoy, di..." Tumingin siya dito nang naguguluhan.

"Huwag mong basta na lang ilalabas 'yang dila mo habang dinidilaan 'yang mga daliri mo." Bigla itong humarap sa kanya at tumingin sa kanyang daliri. "Lalo na kung lalaki ang kaharap mo."

"Ano?" Agad namang tiningnan ni Lin Che ang kanyang mga daliri at kinawag-kawag ito. Hindi niya maintindihan ang gusto nitong sabihin.

Hindi na alam ni Gu Jingze kung ano ang sasabihin kaya napailing nalang siya at nasabi... napakahina naman ng utak ng babaeng ito.

Makaraan ang ilang sandali, pagkatapos maglinis ng kanyang sarili, pumunta na si Lin Che sa kwarto.

Nakaupo si Gu Jingze sa isang couch habang naka-krus ang mga paa, ang isang tuhod ay nasa ilalim ng isa pang tuhod. Mukha itong kalmado base sa presko nitong aura. Habang nasisinagan ng ilaw, lalong naging kapansin-pansin ang maganda nitong katawan. Casual lang ang pagkakaupo nito pero ang gwapo pa ring tingnan.

Huminto siya sa paglalakad para tingnan ito pero maya-maya rin ay tahimik nang pumasok sa loob. Ngunit, bigla nitong tinawag ang kanyang pangalan. "Miss Lin..."