Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 14 - Hindi Ko Gusto Na Magkasama Kayong Dalawa

Chapter 14 - Hindi Ko Gusto Na Magkasama Kayong Dalawa

Naisip ni Lin Che na tama naman ito. Bahay niya ito. Wala siyang karapatan na paalisin ito dito.

"Okay. Kung ganito din naman, ako nalang ang lilipat ng tirahan", bakas sa boses ni Lin Che ang sinseridad sa sinabi.

Bahagyang nagdilim ang tingin ni Gu Jingze. Inilayo niya ang tingin dito at inayos ang mga papeles sa kanyang kamay. "Pag ginawa mo 'yan, maghihinala ang aking mga magulang. Iisipin nila na may problema sa relasyon natin at malamang maghihinala sila na peke lang ang kasal na ito. Kung hindi tayo magsasama, tiyak na makikialam sila at gagawa ng paraan para lang pagsamahin tayo. Hindi ba't parang masyado namang abala 'yon?"

"..."

May point nga naman siya. Sabagay, hindi masyadong malawak ang pag-iisip niya kumpara dito. Pero kung nag-isip lang talaga ng ibang paraan, naniniwala siya na makakahanap siya ng mas magandang dahilan.

"Natatakot lang naman ako na baka magalit ang iyong girlfriend. Kung palagi tayong magkasama, siguradong hindi siya basta tatahimik lang. Isipin mo na lang kung gaano nito maaapektuhan ang inyong relasyon."

"That's enough." Biglang tumayo si Gu Jingze. Hindi makapagsalita si Lin Che dahil sa nagdilim nitong ekspresyon na bahagyang nakapatigil sa kanya.

Hawak ang mga papeles sa kanyang kamay, lumabas si Gu Jingze. Habang nilalagpasan niya si Lin Che, nagsalita siya. "Gawin mo nalang ang role mo bilang Mrs. Gu. Ano man ang nangyari sa pagitan ko at ng ibang babae ay labas ka na dun."

Nang makalabas na si Gu Jingze dala ang mga gamit nito, kinausap ni Lin Che ang kanyang sarili. "Fine. Kasalanan ko na na masyado akong pakialamera. Wala lang talagang silbi ang kabaitan ng isang tao sa isang nilalang na hindi marunong magpasalamat. Tutal, hindi mo naman maintindihan ang maganda kong intensiyon, hinding-hindi na ulit ako makikialam sa mga problema mo."

Hindi nagtagal, nakarating na si Gu Jingze sa guest room. Ibinaba niya ang folder bago inilagay ang kamay sa mesa sa pag-asang mapapakalma ang kanyang sarili.

Ngunit, muling naglaro sa kanyang isipan ang nakita kanina at lalo lang siyang nakadama ng... pagkainis.

Nang magpakawala ng malalim na hininga, tumunog ang kanyang cellphone. Makikita sa screen ang pangalan ni Mo Huiling.

"Huiling, napatawag ka?"

"Oo, Jingze. Pwede ka bang pumunta dito sa bahay ngayon? I'm alone and bored. Mayroon din akong gustong sabihin sa'yo."

"Bakit? May gusto kang sabihin sa'kin?" Tanong niya.

"Oo, matagal ko na itong gustong sabihin. Pumunta ka dito. Gusto kitang makausap nang personal."

Mukha ngang mayroong espesyal na sasabihin si Mo Huiling. Pero hindi mahulaan ni Gu Jingze kung ano ito.

Sa loob ng mahabang panahon na nakasama niya si Mo Huiling, alam niyang napakababaw nitong mag-isip. Anak nga talaga ito ng mayamang pamilya at lumaki ito sa layaw mula nang bata pa. Kahit may narating na ito, maayos kung kumilos, at mataas ang pinag-aralan, medyo may pagka-topakin ito minsan. Sa isip niya ay normal lang iyon kaya lagi niya itong iniintindi. Kaya gaano man ka-isipbata o kasimple ang pakikipag-usap nito sa kanya, tinatanggap niya parin.

Mabilis namang nakarating si Gu Jingze sa bahay nito.

Mag-isa lang si Mo Huiling na nakatira doon. Babaeng-babae ang istilo ng kanyang apartment at komportable na si Gu Jingze dito.

Nang makapasok na si Gu JIngze, nakita niyang nakaupo si Mo Huiling sa may sala. Halatang malalim ang iniisip nito habang nakaupo doon, at mukha siyang malungkot.

Huminga muna siya nang malalim bago lumapit.

"Huiling, bakit mo nga pala ako pinapunta dito?"

Bahagyang itinaas ni Mo Huiling ang kanyang ulo bago mahinang nagsalita, "Jingze... alam kong wala kang magagawa sa pagpapakasal na ito at hindi mo naman talaga ito ginusto, pero hindi ko pa rin maiwasang makaramdam ng kaunting galit."

Natural, nakaramdam naman ng awa si Gu Jingze. Lumambot ang kanyang puso nang makita ang malungkot nitong mukha.

Nagmistula itong miserable batay sa mga nakabakas na pag-aalala sa kanyang mukha. "Alam kong hindi dapat ako magalit at hindi dapat kita inaabala ngayon. Pero sa tuwing naiisip ko na may iba kang babae na nakakasama palagi, hindi ko talaga matiis..."

Huminga naman si Gu JIngze bago nagsalita, "Naiintindihan ko. Kasalanan ko naman to eh. Patawarin mo ako sa lahat ng ito, Huiling. Alam kong galit ka, pero... wala talaga akong choice kundi ang sundin ang gusto ng aking mga magulang. Alam na alam ng Lolo kung paano niya ako mapapasunod; hindi ako pwedeng magkamali."

Hindi niya na sinabi pa kay Mo Huiling na ito ginagamit ito ng kanyang pamilya para kontrolin siya dahil ayaw niyang mag-alala pa ito.

"Alam ko..." Puno ng luha ang mga matang tumingin si Mo Huiling. "Naiintindihan kita at willing akong manatili sa tabi mo. Gusto ko lang naman na lumipat ka ng tirahan. Wag kang makisama sa babaeng 'yon. Marami ka pa namang ibang ari-arian. Sigurado akong may iba ka pang mauuwian. Magsama na tayo. Alam ko naman na hindi tayo maaaring matulog nang magkatabi, pero kahit na, gusto ko lang na makasama ka. Hindi ko gusto na magkasama kayong dalawa."

Napatigil si Gu Jingze. Hindi niya inaasahan na gagawa ng ganoong pakiusap si Mo Huiling.

Naiintindihan niya naman ang dahilan nito. Nakakabahala naman talaga ang isiping magkasama sila sa iisang bahay ni Lin Che. Hindi niya masabi kay Mo Huiling na kaya lang naman siya pumayag na tumira kasama ni Lin Che ay akala niya hindi na ulit mangyayari ang nangyari noon. Hindi niya sinasadya 'yon at ayaw niyang mag-alala pa lalo si Mo Huiling. Ngunit, sa kasamaang-palad ay nag-aalala na nga ito.

Kahit sinong babae, hindi naman magiging katanggap-tanggap ang bigla niyang pagpapakasal. Kahit pa sabay silang lumaki at nagtitiwala sa isa't-isa, may asawa na siya ngayon.

Si Mo Huiling ay isang marangal na babae na nagmula sa mayamang pamilya. Pinalaki nila ito nang maayos. Kahit hindi man siya ang magiging asawa nito, natitiyak niyang makakahanap ito ng lalaking karapat-dapat sa kanya at walang sino man ang mananakit dito. Subalit, isinakripisyo na nito ang dignidad para sa kanya.

Pero...

"Pag-iisipan ko itong mabuti." Mahinahong sabi ni Gu Jingze.

Nang marinig ito ni Mo Huiling, bigla siyang nadismaya.

'Yun lang?

Nagpatuloy naman si Gu Jingze, "Huiling, naiintindihan ko naman ang nararamdaman mo at alam kong hindi ka mapalagay sa sitwasyong ito. Kaya nga sinabi ko sa'yo na kung hindi ka na masaya, pwede mo akong iwan at maghanap ng iba. Marami din akong iniisip sa ngayon. Pag-iisipan ko ito nang mabuti. Pero sa ngayon, hindi pa ako makakapagbibigay ng pasya."

Pero sa totoo lang, ayaw ni Gu Jingze na makisama sa kahit sinong babae. Isa pa, may sakit pa rin siya. Hindi siya komportable kahit si Mo Huiling pa man 'yon. Si Lin Che naman, wala rin siyang ibang choice. Ginagawa niya ang lahat para lang masanay sa kanya. Pero kahit pa man magkaroon siya ng choice, wala siyang balak na makisama sa iisang bahay kasama ni Mo Huiling.

Ngumiti naman si Mo Huiling nang marinig niya ang huli nitong sinabi. "Pangako mo 'yan, ha?"

Matigas ang mukha ni Gu Jingze nang bumalik siya sa kanyang kotse at habang nakatingin sa labas ng bintana nito.

Si Mo Huiling ang tanging babae na naging close sa kanya. Partikular pa, marahil ito ay dahil matagal niya itong nakasama at tiniis nito ang napakaraming sintomas ng kanyang sakit. Hindi sila pwedeng maghawak ng kamay, humalik sa isa't-isa, o ano mang bagay na ginagawa ng magkasintahan dahil sa oras na hawakan niya ito, magsisilaban ang maraming rashes sa kanyang katawan. Kahit ganoon pa man, hindi pa rin siya nito iniwan. Dahil dito, lalo lang nahulog ang kanyang loob.

Sa loob ng mahabang taon na magkasama sila, naging masaya siya. Sigurado siya sa kanyang sarili na gusto niya itong pakasalan.

Pero, isang araw, bigla nalang siyang nagising na may kasamang babae...

Nang makauwi na si Gu Jingze, may naaamoy siyang kakaiba na lumulutang sa loob ng kabahayan.

Malapit ng maghatinggabi noon kaya tiyak na nakaalis na ang mga katulong at nagpunta na sa kani-kanilang kwarto.

Kung ganoon, ang nandoon na lang ay si...

Nang lumiko siya papuntang kusina, nakita niya si Lin Che na nakaupo sa may bar counter. Ang isa nitong paa ay nakapatong sa isang upuan, habang nakasandal siya sa kanyang tuhod. Mahaba at makinis ang mga paa nito, at ang kanyang kutis ay napakalambot. Nakasuot lamang ito ng pants at puting pang-itaas. Sa harap nito ay nandoon ang isang mainit na mangkok kung saan nalalanghap niya ang kakaibang amoy. Sa madaling sabi, ngayon pa lang ito kakain.