Chereads / Kaliwa, Kanan / Chapter 13 - Kabanata 11

Chapter 13 - Kabanata 11

"Tara na Maximo!"

Inaya ni Marco ang kanyang kapatid upang pumunta sa Divisoria para mamulot ng mga p'wede pang mapakinabangan na gulay at prutas. Wala naman kasi silang ipambibili kaya mas mainam na mamulot na lamang sila dahil ang ibang itinatapon ng mga tindera ay maaari pang-makain. Kaunting sira lamang kasi sa gulay ay itinatapon na ito dahil hindi ito binibili ng ibang tao.

Malayo ang dadayuhin ng magkapatid dahil lalakarin lamang nila ang Divisoria. Maaga silang umalis para maaga ring makauwi.

"Divisoria, dalawa pa, dalawa pa!" sigaw ng mga batang kumikita ng 5 piso kada jeep.

"Kung ganyan na rin kaya ang gawin natin, boses lang ang puhunan?" Ani Marco.

"Sa tingin mo ba makakasingit ka sa mga batang 'yan, sugapa pa kay SPO1 Mansalta 'yan mga 'yan."

Napakunot-noo na lamang si Marco sa tinuran ng kapatid. Hindi na ito muling nagsalita at sinundan na lamang ang yapak ng kapatid.

Tuyo na ang daan at alikabok at usok naman ang pumalit sa matandang kalsada na dinadaanan ng dalawang bata. Nakayapak pa rin at hindi nila ramdam ang init ng sahig.

Napakaraming tao ang naglalakad sa Maynila para sa pang araw-araw na pamumuhay. Ang iba ay kanya-kanyang diskarte para maibsan ang kumakalam na sikmura at isa na roon sina Maximo at Marco. Ang bawat sentimo na napupulot ay itinatabi ng magkapatid at iniipit sa naglilibag na salwal.

Katulad ng nakasanayan. Maingay ang Divisoria pero bingi na sila sa ganitong nakagawian na kasalukuyang humahanap ng kanilang p'wedeng iuwi para sa pamilya.

Nagpasiya ang dalawang magkaptid na maghiwalay. Si Marco sa Kaliwang kanto at si Maximo naman sa Kanan.

Kinakapalan ang mukha para may makain sa darating na tanghalian

"Ate baka may sira-sira kayong gulay diyan. P'wedeng sa akin na lang?" ani ni Marco sa babaeng tindera ng repolyo.

"Tignan mo na lang diyan sa sako bago pa 'yan tanggalin mo na lang 'yung mga nangingitim na parte."

Napangiti ang bata dahil Jackpot na kung maituturing ang ganoon. May pang-ulam na sila para sa tanghalian at sa tingin nito ay aabot pa hanggang hapunan. Samantalang si Maximo naman ay nakatingin sa mga alahas na naka-display sa isang sanlaan at sumasagi sa isip ang nangyari sa kanya. Ayaw na niyang maulit ang ganoong pagkakataon dahil baka iyon na ang maging katapusan niya.

Itinuloy nito ang paghahanap ng gulay pero wala siyang nahingi. Nagpasiya siyang bumalik sa kinaroroonan ng kapatid at napukol ang kanyang paningin sa lalaking mahuhulog ang wallet sa maluwang nitong bulsa.

Napalunok ito at hinintay na mahulog ang wallet. Sinundan niya ang nilalakaran ng lalaki at imbis na wallet ang mahulog, sobre ang pumalit.

Nagmamadaling kinuha iyon ni Maximo at nanlaki ang kanyang mga mata. Napakaraming pera, nanginig ang kanyang tuhod dahil hindi niya kayang bilangin ang ganoon kalaking halaga.

Tumingin siya sa lalaking nakahulog nito at sumakay iyon sa loob ng kotse. Hindi na siya nag-atubing ibalik iyon sa lalaki. Tumakbo ito at kumatok sa wind shield. Dahan-dahang bumukas ang salamin at bumungad sa bata ang lalaking naka-suot ng shades.

"'Yung pera niyo po nahulog." magalang na sabi nito.

Iniabot ang pera sa lalaki. Napangiti ito at hinawakan ang ulo ng bata.

"Anong pangalan mo bata?" Sabi nito.

Natakot ang bata dahil masyadong malagom ang boses ng lalaki at parang nagbabanta.

"Ganito talaga boses ko, na-operahan kasi ako, kaya 'wag ka matakot."

"Maximo po." mabilis na tugon ng Bata.

"Ang ganda ng pangalan mo halatang pinag-isipan!"

Napangiti na lamang si Maximo dahil sa sinabi ng lalaki. Naalala nito ang kanyang Ama na sinabi ng kanyang ina na ito ang nagbigay ng pangalan sa kanya.

Tumunog ang cellphone ng lalaki at may kinausap.

"Nakahanda na ba?" sabi nito.

Mabilis ding natapos ang usapan nila ng nasa kabilang linya at binilang ng lalaki ang perang nasa loob ng sobre. Nang malaman na walang kulang ay agad na iniwan nito ang batang nakatulala lamang. Hindi man lang binigyan kahit piso.

Pinagmamasdan lamang ni Maximo ang humaharurot na sasakyan ng lalaki bago tumalikod at bumalik sa palengke.

Nagkasalubong ang dalawang bata at natuwa ito ng makitang may hawak na limang pirasong repolyo ang kapatid.

"Ikaw ano nakuha mo?"

Umiling na lamang si Maximo at tinulungan ang kapatid na bitbitin ang hawak nito.

Nagpasiya ang dalawa na bumalik na sa kanilang bahay para linisin ang gulay na nahingi sa tindera.

"Kupal talaga 'yung lalaki kanina. Hindi man lang ako binigyan kahit magkano ang dami-daming pera tapos kuripot." sabi ni Maximo sa kapatid.

Nagulat naman ito dahil sa biglang sinabi ni Maximo.

"Bakit? Anong nangyari?"

"Hindi man lang nagpasalamat sa akin pagkatapos ko isauli 'yung pera niya."

"Wow? Talaga, ginawa mo 'yon. May konsensya pa palang natitira sa 'yo kahit papaano." natatawang sabi ni Marco.

Binaybay ng dalawang magkapatid ang maingay na kalsada pauwi sa kanilang munting tirahan.

Nakita ng dalawang bata si Boy Jackpot na kasama si Neneng Sarah. Sisigaw sana si Marco pero pinigilan ito ni Maximo.

Gustuhin man nito na pigilan ang dalaga na sumama kay Boy Jackpot ngunit kailangan din niyang isipin ang magiging kalagayan nilang magkapatid kapag nakita sila nito. Lalo na si Maximo. Mainit ang ulo ni Boy Jackpot sa kanya kaya naman mas pipiliin muna nilang manahimik at kapag hindi ay magiging sanhi iyon ng bugbog at umuwi sila ng bahay na puro bali at pasa.

"Anong ginagawa mo Ate Sarah." Bulong ni Marco sa sarili.

Nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad at hinayaan na lamang na makalayo si Boy Jackpot at Neneng Sarah.

Pagka-uwi ay agad na hinugasan ni Marco ang mga nakolektang repolyo. Tinanggal ang bulok na parte at hiniwa sa maliit na piraso. Si Maximo naman ay tinimplahan ng gatas si Lauro at samantalang si Berna at Pitoy naman ay nagtungo kina Manang Sella para bumili ng inuming tubig.

"Anong luto gagawin mo diyan?" sabi ni Maximo habang inaalog ang naninilaw na botelya ng bunsong kapatid.

"Hindi ko pa alam, si Ate Sarah na bahala dito. Hintayin na lang natin siyang maka-uwi."

"Paano kapag mamaya pa umuwi 'yon, mamaya na rin tayo kakain?" tanong ni Maximo.

Napakamot na lamang sa ulo si Marco at nag isip ng maaaring p'wedeng isahog sa repolyo.

"Sardinas kaya?"

Napakunot-noo na lamang si Maximo dahil sa sinabi ng kapatid.

"Sardinas nanaman? Hindi ka ba nagsasawa sa sardinas?"

"Bakit? Longganisa naman ulam natin kahapon. Anong pinagsasabi mo na lagi?"

Hindi na umimik pa si Maximo dahil wala naman siyang magagawa, iyon ang gusto ng kanyang kapatid.

"Ano? Sardinas na lang?" ulit ni Marco.

"Bahala ka kahit ano basta makakain tayo ngayon."

Tumayo si Marco para lumabas upang bumili ng sardinas. Singkwenta pesos na lamang ang natitira sa kanya, kailangan niya iyon pagkasyahin. Sardinas at bigas ang bibilhin niya at dinadalangin na magkasya ang perang hawak niya.

Mga nagkalat na bayarang babae ang nadadaanan ni Marco sa harap ng Hotel. Puro kolorete ang mukha ng mga iyon at nagtatawanan. Kanya-kanyang kalabit sa mga dumadaang lalaki na naghahanap ng aliw.

Lahat ng mga iyon ay may mapapait na kwento kung bakit nila ginagawa katulad na lamang ni Neneng Sarah. Ngunit ang iba naman ay talagang iyon na ang nakasanayang trabaho at masaya sa pagiging Pok-pok.

Malakas na tugtugan at tawaran ang maririnig sa bawat tindahan na madadaanan at ang batang si Marco ay sanay na sanay na sa ganitong mundo.

Ito ang mundong bumubuhay sa kanilang magkakapatid at kahit na sabihing mahirap ang buhay sa Maynila, kung wala ang lungsod na ito. Matagal na silang wala sa mundong ibabaw.

Umuwi si Marco dala ang kalahating kilong bigas at isang sardinas pati na rin ang mga rekado na kinakailangan. Nagsibak ito ng kahoy at nag ipon ng mga tuyong dahon para lumakas ang apoy.

Isinalang ang kanilang hiniwang mga gulay at hinihipan nito ang humihinang apoy mula sa gitna ng dalawang bato.

Naiiyak na si Marco dahil sa usok na lumalamon sa kanyang mukha. Nasisinghot ng batang paslit ang usok at napapahawak na lamang ito sa mata dahil sa hapdi.

Hindi pa rin umuuwi si Neneng Sarah. Malapit na maluto ang kanilang tanghalian at dumating naman sina Berna at Pitoy bitbit ang dalawang bote ng tubig.

Lumapit ang mga ito sa kanilang Kuya at tinignan ang niluluto nitong ulam.

Sabik ang dalawang bata na kumain dahil paborito nila ang repolyong nilagyan ng sardinas.

Si Maximo naman ay nahiga sa tabi ni Lauro habang pinapaypayan ito. Nangangalahati na rin ang iniinom nito pero hindi pa rin nakakatulog. Hele na nanggagaling kay Maximo ang magpapa-antok sa batang walang muang. Hele na dapat Ina ang ang gumagawa pero ipinagkait iyon sa isang munting bata.

Matapos ang ilang minuto ay naluto na ang inaabangan ng lahat. Kakain na ang mga ito at nagmamadaling kumuha ng kanya-kanyang mga plato. Hinati-hati ni Marco ang kanin dahil kalahating kilo lamang ang nabiling bigas.

Ninamnam ng magkakapatid ang nilutong ulam ni Marco at bakas sa mukha nina Berna at Pitoy ang tuwa.

Si Maximo at Marco naman ay parehas na inaabangan ang pagbabalik ni Neneng Sarah.