Chereads / Kaliwa, Kanan / Chapter 12 - Kabanata 10

Chapter 12 - Kabanata 10

Namatay na nga ang mga bataan ni Mansalta dahil sa ginawang pagmamaril sa kanila. Nakatulalang nakaupo ang pulis at naririnig na nagiiyakan ang mga kamag-anak na nasa kabilang papag. Pilit na iniisip nito kung sino ang mga iyon pero wala siyang maalala, wala naman siyang ibang naging kaaway maliban sa mga pulubi ng Maynila.

Tatlo ang nasawi sa ilang minutong pamamaril ng mga armadong lalaki. Galit na galit si Mansalta at itinaga sa kanyang isip na pagbabayarin niya ang mga gumawa niyon sa kanila.

"Kamusta na ang iyong pakiramdam?" tanong ni Hemis sa kanya.

"May nakuha ba kayong kopya ng CCTV sa lugar ng pinangyarihan?"

"Wala, masyadong open 'yung area na dinaanan niyo, halatang pinagplanuhan ang isinagawa nilang kilos." paliwanang ni Hemis.

Bumuntong hininga na lamang ito at sinabing iwanan muna siya na mag-isa para makapag isip-isip. Sumunod naman si Hemis sa gusto ni Mansalta. Lumabas ito at iniwan ang pulis na malalim ang iniisip.

•••••

"Ano kumusta ang lagay ni Kupal?" tanong ng lalaki kay Hemis.

Kasabwat si Hemis ng dalawang lalaking namaril sa grupo ng mga kasamahan nito.

"Patay 'yung tatlo, si Mansalta lang nabuhay."

Natawa na lamang ang lalaki dahil sa tinuran ni Hemis, bakas sa mukha nito ang pagkagayak dahil hindi pa pala matatapos ang pakikipaglaro niya dito.

"Hindi talaga basta-basta mamamatay ang masamang damo, wala namang bago do'n dati pa lang balat kalabaw na talaga 'yon."

Napangisi na lamang si Hemis sa biro ng lalaki. Inabutan nito ng pera ang tapat na kasamahan. Mas lalong natuwa si Hemis dahil sa iniabot na sobre nito. Binuksan niya iyon at binilang ang tig-iisang libong piso na humigit kumulang 50,000.

"Mas malaki ito kesa sa sinabi mo noon."

Tinapik nito ang balikat ni Hemis at malambing na nagsalita.

"Hindi ako madamot sa pera. Alam mo 'yan. Ang gusto ko lang naman ay 'yung sumusunod sa mga utos ko."

Bumaba ng sasakyan si Hemis at lumilinga-linga. Bitbit nito ang naka-sobreng pera at naglakad papunta sa kanyang sasakyan.

Umandar naman ang sasakyan ng lalaki upang sundan si Hemis. Walang alam si Hemis na isang taksil ang kanyang pinagkakatiwalaan ngayon.

Bago pa man ito makapasok sa loob ng sasakyan, bumulagta ito at nabitawan ang hawak na sobre.

Kinuha nito muli ang ibinigay na pera at iniwan ang duguang katawan ni Hemis sa tapat ng sasakyan nito at nag-iwan ng isang karton na may nakasulat na.

"Pusher ako, 'wag tularan."

Pinagkaguluhan ng mga tao ang nilalangaw na katawan ni Hemis. Agad iyong nabalitaan ni. Mansalta dahil narinig nito na pinag-uusapan ang pulis na nakahandusay sa Parking Area.

Bumangon si Mansalta para tignan ang kinaroroonan ng bangkay ni Hemis. Wala ito sa sariling pinagmasdan ang walang buhay na kaibigan. Putok ang ulo at naliligo sa sarili nitong dugo. Parang sinasaksak ito sa puso dahil sa labis na nararamdamang sakit. Mas lalong napuno ng galit ang kanyang damdamin dahil sa kahayupan na ginawa nito sa kanyang mga kasamahan.

"Magbabayad ang gumawa nito sa inyo, hindi ako titigil hanggang hindi ko nalalaman kung sino ang nasalikod ng krimen na 'to." sigaw ni Mansalta sa kanyang isip.

Isinakay sa ambulansya ang malamig na bangkay ni Hermis at halos naglupasay ang mga kaanak nito.

Bumalik sa loob ng Hospital si Mansalta at nahiga. Iyon lang naman ang kanyang magagawa habang nagpapagaling. Bukas pa kasi ito makakalabas at bukas na bukas rin ay gagawa na rin siya ng hakbang para matukoy kung sino ang nasa likod ng kawalang-hiyaan na pumatay sa kanyang mga kasamahan.

•••••

Nagising si Mansalta dahil sa tunog ng kanyang Cellphone.

Isang mensahe ang dumating mula sa hindi kilalang tao. Binuksan nito ang nilalaman ng mensahe at nagulat siya sa kanyang nabasa.

"Nagustuhan mo ba ang regalo ko? Hindi pa diyan nagtatapos ang lahat. Isusunod ko ang pamilya mo."

Ikinuyom ni Mansalta ang kanyang kamay dahil sa labis na inis. Binitawan nito ang kanyang cellphone at pumunta sa doktor upang sabihin siya ay uuwi na.

Pumayag naman ang doktor na gumamot sa kanya kaya naman naman nagmamadali itong pumunta sa Police mobile na basag ang mga salamin. Iyon na ang ginamit niya para makapunta sa kanilang tahanan.

Labis na kaba ang nararamdaman ngayon ni Mansalta. Ayaw niyang may mangyari hindi maganda sa kanyang pamilya. Lalo na ang mga anak nitong maliliit pa.

Mabilis na pinaandar nito ang sasakyan. Hindi na niya dinadamdam pa ang kanyang sugat.

Huminto ang sasakyan sa tapat ng kanilang bahay. Isang nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa kanya. Binunot niya ang kanyang baril at dahan-dahang pumasok sa nakabukas na pinto.

Nagkalat ang mga gamit at napunit ang mga kurtina. Malakas ang kutob niya na naunahan na siya. Kaya naman nagmadali niyang hinalughog ang buong bahay pero wala siyang nakita. Isang lugar na lamang ang hindi niya napupuntahan at iyon ay ang kanilang bakuran.

Isang kaluskos ang kanyang narinig mula sa labas habang naglalakad siya patungo sa pintuan. Sinilip niya iyon at tumambad sa kanya ang nakahandusay na mag-iina.

Tumakbo ito at nilapitan ang kawawang asawa at mga anak. Umagos ang luha sa kanyang pisngi dahil sa labis na pagsisisi.

Hindi na niya naabutan ang kanyang asawa at anak na buhay. Ngayon ay para na itong mga yelo dahil sa lamig ng katawan. Putok ang ulo at puro pasa ang katawan.

Labis na naghihinagpis si Mansalta dahil sa mga nangyari.

"Anong kasalanan ko sa inyo! Bakit niyo pinatay ang pamilya ko!" sigaw nito habang hawak ang

malamig na katawan ng kanyang asawa't mga anak.

"Sir! Gising po!"

Kinalabit ng Doktor si Mansalta na kasalukuyang binangungot. Isinisigaw nito ang pangalan ng kanyang asawa at mga anak. Lumuluha rin itong naka pikit.

Bumalikwas ito ng bangon at tumingin sa paligid.

"Panaginip lang pala." Bulong nito.

Dumating ang kanyang asawa bitbit ang bunso nitong anak at may dala ang mga ito na pasalubong para sa kanya.

Niyakap niya ang mga ito at labis iyong ikinagulat ng kanyang asawa. Iyon lamang ang pangalawang pagkakataon na naging malambing ang kanyang asawa sa kanila, kaya naman napangiti na lang ito dahil sa mainit nitong paglalambing.

"Kamusta ang lagay mo rito?" tanong ni Lira sa kanyang asawa.

"Maayos naman, kayo? Anong lagay sa bahay?"

Hindi na sinabi pa ni Mansalta ang kanyang panaginip dahil ayaw niyang mag-alala ang mga ito at matakot. Tinignan niya ang kanyang cellphone ay wala siyang nakitang mensahe na dumating.

Kinuha nito ang bunsong anak na si Nilo para buhatin at lambingin.

Hindi naman nakapagsalita pa si Lira dahil sa ikinikilos ng asawa.

Hindi kasi gano'n ang trato nito sa anak. Tuwing umuuwi ito ng kanilang bahay ay lagi itong galit at binubugbog si Lira. Walang ibang hangad si Lira kundi ang maging maayos ang pagsasama at koneksyon nilang dalawang mag-asawa. Ayaw nito na mawalan ng Ama ang kanyang mga anak kaya kahit na niloloko na ito ni Mansalta ay hinahayaan na lamang nito para manatili lamang na buo ang kanilang pamilya.

Tumingin si Mansalta sa kanyang asawa at

Maluha-luha niyang niyakap.

Hindi na umangal pa si Lira sa kakaibang ikinikilos ng asawa kaya naman niyakap niya na rin ito.

"Mahal na mahal ko kayo ng mga anak natin."

Napangiti na lamang si Lira sa sinabi ng kanyang asawa dahil naramdaman niya ang bawat bigkas nito.

"Ano bang nangyayari sa iyo?" tanong ni Lira.

"Wala, na-miss ko lang kayo, ang tagal niyo kasing dumating. Lalo na itong si Nilo, ang gwapo manang-mana sa tatay."

Nagtawanan ang dalawa at niyakap nito muli ang bunsong anak at sinulit ang bawat minuto na dumaraan.

Si Lira naman ay binuksan ang mga dalang pagkain para pagsaluhan nilang mag-asawa.

"Si Hemis? Hindi ba siya dumaan dito? Pumunta siya sa bahay tinanong niya kung sasabay daw ba ako papunta dito kasi pupunta din daw siya. Bumisita ba?" Sunod-sunod na tanong ni Lira habang nagpapalaman ng tinapay.

Sandaling hindi nakakibo si Mansalta dahil sa itinanong ng asawa hindi niya alam ang isasagot dahil sigurado siyang mabibigla ito sa masamang balita.

"Hoy! Si Hemis sabi ko kung dumaan ba siya dito?" ulit niya.

"Patay na si Hemis." maiksing tugon nito habang nilalaro ang paboritong anak.

Napatigil sa kanyang ginagawa si Lira dahil sa pagkabigla. Ang bilis ng mga kaganapan. Nagtungo pa ang kaibigan sa kanilang tahanan ngunit sa isang iglap lamang ay nawala na ito na parang bula.

Namatay na parang kandila na ang tumapos ay malakas na hangin.

"P-Paano nangyari iyon?" nauutal na tanong muli ni Lira.

"Binaril siya kanina diyan sa Parking Lot, siguro naman nadaanan mo iyon."

Naalala ni Lira ang duguang simento na kanilang nadaanan. Iyon na pala ang dugo ni Hemis na matalik na kaibigan nila ni Mansalta.

Hindi maiwasan ni Lira na mapaluha dahil sa masamang balita. Itinuloy nito ang kanyang ginagawa at ibinigay sa asawa ang napalamanang tinapay. Pinipigilan nito na maging ma-emosyon dahil marami ring silang pinagsamahan ni Hemis.

Si Hemis ang dating kasintahan ni Lira noong mga kabataan nila at ipinagkasundo kay Mansalta kaya kinailangang iwanan ni Lira si Hemis para sa kagustuhan ng sarili nitong mga magulang.