"Saan mo nakuha ito?" mahinang sambit ni Marco sa kapatid.
Nanatiling tahimik si Maximo at hindi direktang makatingin, hindi niya kasi alam ang gagawing palusot para maniwala ito. Kilalang-kilala niya si Marco, hindi ito basta-basta titigil hangga't hindi nito nalalaman ang totoo.
Tinitignan ng batang paslit ang hawak na litrato at maluha-luhang hinaplos ang naka-imprentang mukha ng kanilang ina kasama ang kaniyang mga kapatid. Hindi naman nakagawa ng kahit anong ingay ang dalawa para maistorbo ang mga kapatid nila na naglalaro malapit sa kanila.
"Saan mo nga ulit ito nakuha?" pangungulit nito.
Napakamot na lamang ng ulo si Maximo bago isinalaysay ang pangyayari.
•••••
"Kuhaan mo naman kami ng litrato?" Ani ni Beronica sa photographer na kinuha nila sa divisoria. Ngayon ang ika-pitong kaarawan ni Maximo. Masayang kumakain ang lahat at ang kanilang ama na si Gregalo o mas kilala sa tawag na Komander Greg, ay abala sa pagtatadtad ng letchong baboy na nakapatong sa lamesang gawa sa kawayan.
"Tumatanda na pala ang anak mo Beronica, manang-mana sa tatay niyang gwapo." nakangiting sabi ni Mauricia. Si Mauricia ang kapatid ni Beronica sa ama, okaya naman ito lang ang kasundo nito sa puder ng kanyang ama.
"S'yempre, magaling pumili 'yung nanay!"
Nagtawanan ang dalawang magka-dugo at lumapit ang asawa nito at may dalang lechon na nakalagay sa babasaging platito. Si Maximo naman ay nakikipaglaro kay Marco at sa mga kababata nito sa Tondo.
Habang abala ang lahat sa pagdiriwang isang babae ang dumating at agad na isinigaw ang pangalan ni Greg.
"Hoy! Greg, kinakalimutan mo na ata ang obligasyon mo sa amin ng anak mo!" sigaw ng babaeng may katangkaran at makinis na kutis. Hawak nito ang kanyang tiyan na halos anim na buwan na. Malapit na itong manganak. Kaya naman nagkaroon ng sari-saring usapin. Si Beronica naman ay tumayo mula sa plastik na upuan at lumapit sa kinaroroonan ng nag-aamok na babae.
"Bakit ka ba nanggugulo dito? Sino ka? Anong pinagsasabi mo? Baliw ka na?" sunod-sunod na tanong nito habang namumugto ang mga mata.
"Aba? Ang lakas ng loob mong tanungin ako ng gan'yan, bakit hindi mo tanungin 'yang magaling mong asawa na asawa ko na rin dahil binuntis na niya ako!"
Isang malakas na sampal ang ginawa ni Beronica. At gumanti naman ang kanyang katapat. Nakatulala lamang si Greg dahil sa pagka-gulat. Hindi niya alam kung ano ang ipapaliwanag niya sa kanyang asawa.
"Tang*na naman Greg! Ano 'to? Lokohan?" mangiyak-ngiyak na wika nito.
"Magpapaliwanag ako mahal, hayaan mong ipaliwanag ko. Pakiusap Shaine umalis ka na rito. Hayaan mo muna kaming makapag-usap na mag-asawa."
Hindi natinag ang babaeng nag-amok dahil gusto nitong makuha si Greg at masolo, iba ang kamandag ng babaeng kalaban ngayon ni Beronica sa puso ni Greg. Hindi lubos akalain ni Beronica na lolokohin siya ng kanyang pinaka-mamahal na asawa.
"Greg! Anong plano mo sa akin? Hindi mo ako iintindihin? P'wede kitang ipakulong kung hindi mo ako pananagutan!" sigaw muli ni Shaine.
Mas lalong umingay ang paligid dahil sa nangyayaring eskandalo sa mismong kaarawan ni Maximo. Walang alam ang bata sa mga nangyayari pero pinagmamasdan nito ang lumuluhang Ina. Gusto niya itong lapitan pero hindi niya magawa. Ayaw niyang makisali sa away ng mga matatanda.
"Lumayas kana dito Greg! Wala kang kwentang asawa at Ama!" nanggagalaiting sigaw nito sa asawang nakahawak sa batok na halatang gulong-gulo at hindi alam ang gagawin.
"Mahal naman! 'Wag naman ganito, mahal na mahal ko ang mga anak ko at pati ikaw!"
Yayakapin sana nito ang kanyang asawa ngunit umatras si Beronica. Dinuro-duro ang taksil na asawa at pinagmumura.
"Kung mahal mo kami hindi ka mangangaliwa! Tandaan mo Greg, apat ang anak mo dalawa pa 'yung maliit at ang isa, ito nasa tiyan ko pa, puro kakatihan ang pinapairal mong tarantado ka, akala ko nagbago kana pero mali ako! Maling-mali ako!"
Tumalikod si Beronica at pumasok sa loob ng bahay. Naiwan na tulala si Greg at nakangiting naghihintay si Shaine na sumama ito sa kanya.
Susundan sana ito ni Greg ngunit hindi na iyon natuloy ng harangin ito ni Mauricia.
"Sige na Greg, umalis na kayo ako ng bahala sa kapatid ko."
Napayuko na lamang ang lalaki at lumapit sa kinaroroonan ni Shaine.
Tumakbo si Maximo sa kanyang Ama at hinila ang laylayan ng pantalon nito.
Maluha-luha nitong niyakap ang kanyang anak. Hindi niya gustong iwan ang mga iyon pero kailangan nitong kaharapin ang problemang kanyang ginawa.
"Patawad anak, patawarin mo ang tatay."
Iyakan ang naganap sa mag-Ama, natanaw sila ni Marco kaya lumapit din si Marco para yakapin ang paalis na Ama.
"'Tay sama po kami." mahinang sabi ni Marco.
Napatingin si Greg kay Shaine pero umiling ang tarantada.
"Hindi p'wede anak, babalik si tatay pangako 'yan, alagaan mo sila mama mo pati na rin ang mga kapatid mo, kasi ikaw ang nakakatanda kaya ipangako mo sa akin na hindi mo pababayaan ang mga kapatid mo."
Hinaplos ng kanilang Ama ang mukha ng dalawang anak na kasalukuyang umiiyak na rin. Hindi maipaliwanag na sakit ang kanilang nararamdaman, walang kahit anong sakit sa mundo ang maihahalintulad sa sakit na nararamdaman nila.
"Ikaw Maximo, lagi kang makikinig sa Kuya mo. 'Wag maging pasaway para hindi kayo laging nag-aaway."
Tumango naman ang bata at nilapitan sa huling pagkakataon, niyakap niya ang kanyang mga anak. Mahirap para sa isang Ama na iwanan ang sarili nitong mga anak pero kailangan niya itong gawin. Nangako naman ito na babalik.
Tumayo na ito at lumapit kay Shaine. Humahagulhol na naiwan ang dalawang magkasangga pero bago pa man tuluyang makalayo ang kanilang Ama ay humabol si Maximo upang humingi ng kahit anong munting ala-ala.
Ibinigay ni Greg kay Marco ang larawan nilang pamilya.
Makikita sa larawan ang masayang pamilya. Nakangiting matiwasay at walang kahit anong bahid ng dumi. Hindi katulad ng nangyari ngayon na ang mga pangarap na binuo ay biglang gumuho dahil sa ginawang pagkakamali ni Greg. Ang pagkakamaling habang buhay na nakatatak sa murang isipan ng mga paslit.
•••••
Mangiyak-ngiyak na pinagmasdan ni Marco ang larawan bago ito itinupi at ibinalik sa kapatid. Bumalik lahat ng sakit, ang mga pangakong sinabi ng Ama na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutupad. Alam nilang malabo na mangyari ang gusto nila pero hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Marco na babalik ang sigla ng kanilang pamilya.
Nagluluto naman si Neneng Sarah ng ginisang ampalaya na napulot nila sa palengke at bumili ng dalawang itlog para maipang-sahog. Iyon na ang unang pagkakataon na makakain ang mga batang paslit ng ulam na sa kanilang tirahan mismo niluto.
Kinuha naman ni Marco ang kanyang bunsong kapatid na si Lauro at kinarga. Para itong munting ama na bitbit ang isang taong gulang na bata at pinapatawa na parang hindi ramdam ang kumakalam na sikmura.
Iniisip na lamang ni Marco na hindi na nasilayan ng kanyang bunsong kapatid ang sakit na dulot ng pang-iiwan sa kanila ng kanilang Ama. Iyon ang itinuturing nilang bangungot habang sila ay gising.
Nag-igib naman ng tubig si Berna sa kanto para mayroon silang iinumin bago ang hapunan at hanggang kinabukasan.
Sa murang isipan ni Berna namulat na agad sa isang delikadong paraiso ang kanyang buhay. Marahil siya ay isang babae at nagkalat ang mapagsamantalang mga tao sa paligid. Hindi niya alam iyon dahil masyado pa siyang bata para malaman ang ganoong-klaseng kalakaran sa malaking lungsod ng maynila.
May dalang limang pisong barya si Berna para sa dalawang bote na kanyang dala-dala na may katumbas na isa't kalahating litro bawat isa, dalawang beses niya iyong babalikan dahil hindi naman niya iyon kayang buhatin ng sabay.
"Manang Sella?!" sigaw nito at kinatok ang pulang gate ng tindahan na kaniyang kinukuhaan ng tubig.
"Iwan mo na lamang diyan sa bintana ang bayad."
Boses lamang ang kaniyang narinig dahil abala ang matanda sa pananahi mula sa loob.
Binuksan nito ang bagong gawang gripo. Hindi na iyon katulad ng dati na pahirapan pihitin dahil may sumasayad na kalawang.
Tubig-nawasa ang kanilang iniinom. Sanay na ang kanilang sikmura sa ganoong tubig. Kung tutuusin mas humihilab ang kanilang tiyan kapag nakakainom ng mineral na nabibili sa halagang 10 kada-boteng maliit at 25 naman ang isang container. Malayong-malayo sa tubig-nawasa na 3 pesos lamang ang tatlong litro.
Matapos mag-igib ay binitbit nito ang isang bote at iniwan naman ang isa. Binaybay muli ang maingay na kalsada at nakipag-patintero sa mga malalaking sasakyan.
Samo't saring pulubi ang makikita. Ang iba ay nakaupo sa gilid-gilid at ang iba naman ay nagmimistulang feel at home dahil sa lamig ng kalsada. Marumi ang suot na damit at halos alambre na ang tigas ng buhok dahil tubig mula sa kalangitan lamang ang ipangliligo. Mas mahirap pa iyon sa buhay nila Marco. Kaya naman ipinagpapasalamat pa rin nila na kahit anong mangyari ay nakakain sila ng tatlong beses sa isang araw. At dahil iyon sa diskarteng ginagawa ng dalawang magkapatid na sina Marco at Maximo.