Chapter 5 - PART 5

THURSDAY ang day-off ni Audace kaya mas marami ang subjects na tine-take niya tuwing araw na iyon. Introduction to English, hawak niya ang schedule habang binabagtas ang third floor corridor ng College of Arts and Sciences. Kahit kasi isang buwan na siyang kitchen crew sa canteen, hindi siya nagkaroon ng chance para ikutin ang buong unibersidad. Dahil bukod sa napakalaki ng SJU, madalas dumidiretsong uwi siya pagkatapos ng duty.

Teka, lumampas na yata ako. Naisip niya nang masulyapan ang room number sa pintuan ng isang silid. At nang makumpirma ang hinala ay nagmamadali siyang pumihit para bumaba. Pero hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari nang kumabisala ang paa niya sa step ng hagdan. Napatili siya saka nabitiwan ang kipkip na libro. Pero hindi siya tuluyang nahulog dahil natagpuan niya ang sariling kulong ng malalaking bisig na mahigpit ang pagkakapulot sa kanya.

"S-Sorry" gulat na gulat niyang sabi saka nag-angat ng tingin para lang matigilan nang magtama ang kanilang mga mata. Si Pretty Boy! Sigaw ng isip niya. Mas gwapo pala siya sa malapitan, lalo na ang mga mata niya! I feel like I can stare in them for a lifetime. Nang mapagmasdan niya ng husto ang mga mata ng binata.

Parang gustong matunaw ng puso niya nang mag-flashed sa harapan niya ang perpekto nitong ngiti. Ang hininga nito, malayang bumabalandra sa kanyang mukha kaya mabilis niyang naramdaman ang paggapang ng napakasarap na kilabot sa kanyang katawan.

"Okay ka lang ba? O gusto mong dalhin kita sa clinic?" ang tanong nito nang manatili sila sa ganoong ayos.

Magkakasunod ang ginawa niyang paglunok. Pagkatapos ay naramdaman niya ang lamig sa kanyang likuran. Noon niya napunang naka-pin siya sa wall. Ang isang kamay niya mahigpit ang pagkakahapit sa baywang ng binata habang ang isa'y nakatukod sa dibdib nito. Kaya naman minabuti niyang pakawalan na ang sarili mula rito.

"A-Ayos lang ako. Hindi naman ako nasaktan" pagsasabi niya ng totoo habang nag-iinit ang mukhang iniiwas ang tingin sa kaharap. Amuse siya nitong tinitigan. Pagkatapos ay yumuko at pinulot ang naihulog niyang libro saka iyon iniabot sa kanya."s-salamat ulit, sige" utal niyang turan saka nagmamadali ang mga hakbang na bumaba ng hagdan.

Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon nalang katindi ang nerbiyos na naramdaman niya. Pero hindi niya maikakaila ang masarap na pakiramdam na idinulot ng napakabango nitong hininga sa kanya. Sa isiping iyon ay mabilis nanamang nag-init ang kanyang mukha.

NAKAPAG-START na ang klase nang marating niya ang gym. "Miss Audace Anne Celebre?" ang babaeng PE Instructor nang iabot niya rito ang kanya schedule sheet. "you're late! Maging conscious ka sa oras next time okay?" anitong ibinalik sa kanya ang papel matapos pirmahan.

Tumango siya. "I'm sorry po" nagpalit pa muna kasi siya ng PE uniform at bukod pa roon ay late ng ilang minuto ang dismissal ng kanilang English teacher kaya natagalan siya.

"Doon ka na sa likuran, anyway dahil pareho naman kayong late, kayo nalang ni Mr. Estriber ang mag-partner okay?" tumango siya kahit hindi naman niya kilala ang tinutukoy nito. Natatakot kasi siyang magtanong dahil sa obvious na kasungitan ng guro.

Ang ikaapat na step ng bleacher ang pinakahuling hanay ng klaseng iyon. Natigilan pa siya nang mamukhaan ang lalaking nakatingin rin sa kanya na siyang magiging seatmate niya. Kasabay niyon ang tila panunuyo ng kanyang lalamunan at biglang panghihina ng kanyang mga tuhod habang mabilis na niragasa ng matinding kaba ang kanyang dibdib. Pero ganoon pa man ay kumilos siya at naupo bagaman nilagyan niya ng bag ang pagitan nila ng binatang siyang sumagip sa kanya kanina nang muntik siyang mahulog sa hagdan.

"Hello" mabait nitong sabi saka ngumiti.

Pinaglalapit ba tayo ng pagkakataon ha, Pretty Boy?