Isa na namang panibagong araw ang nagdaan
Magmula noong ika'y aking nadatnan
Hawak hawak ang parisukat na kahoy na tinataglay ang alaala nating dalawa.
Sa araw na ito,
Ikaw ay naglakas-loob tumayo
Tila ba ikaw ay bumalik sa huwisiyo
Bagama't nakikita ko pa rin ang bahid ng lungkot...
Na sa iyo ay bumabalot
Muli mong pinulot
Ang ating litrato ng magkasama,
Noon ay tayo'y masaya.
Ngunit pag-iibiga'y naudlot.
Iyong sinambit:
"Mahal, ako'y iyong tulungan,
Bigyan mo ako ng senyales na dapat malaman
Kung paano ba kita bibitawan?
Dahil hanggang ngayon, ako'y nasasaktan.
Ngunit sana'y iyong maintindihan.
Na kailangan kong pansamantalang lumisan.
Babaunin ko ang ating masasayang alaala magpasawalang-hanggan..."
Gusto nga niya akong kalimutan
Ngunit aking tutuparin ang kaniyang kahilingan
Dahil Mahal, labis kitang pinapahalagahan.
Aking inilahad ang aking mga palad
Habang pilit na inaabot ang iyong kabuuan.
Pag-ibig ko sa iyo'y aking ilalahad
Na siyang papasanin mo magpakailanman.
Lahat ng ito,
Para sa iyo.
Kaya kong mag sakripisyo
Para sa iyo, mahal ko
At sa mga oras na iyon,
Umihip ang malamig na hangin.
Niyakap mo ang iyong sarili, ika'y napangiti.
Iyong sinabi:
"Mahal, salamat ng marami, at hanggang sa muli"