Chereads / Love's Journal / Chapter 27 - PAGE TWENTY-SEVEN

Chapter 27 - PAGE TWENTY-SEVEN

PAGE TWENTY-SEVEN

Lunes na naman ngayon. Yep, tamad na tamad tuloy akong pumasok kanina. Pa'no ba naman, Wednesday nang i-suspened ang klase. Tuloy tuloy na 'yong hanggang Friday. O 'di ba? Ang saya. Wala ba namang tigil ang pagbuhos nang malakas na ulan.

Limang araw tuloy akong natengga sa bahay at 'yong limang araw na 'yon, aba sulit na sulit. Wala kaming ginawa ni Bebs kundi manood ng korean novela. Kaya tuloy bigla akong nasanay na anong oras na akong natutulog at gumigising. Nakalimutan ko kagabi na Monday na nga pala bukas. 1:00 AM pa naman ako natulog kanonood ng Secret Garden. Pinagalitan tuloy ako ni Mama at sinabing, "Puyat ka nang puyat ngayon. Ang tamad tamad mo naman gumising nang maaga. Baka nakakalimutan mo, lunes na bukas." Hindi ko na tuloy tinapos at natulog na ako. (Θ︹Θ)

As usual sabay na naman kaming pumasok ni Bebs. Niloloko nga kami ni Papa na para na kaming sina B1 at B2. Sabi naman ni Rinneah, "Beautiful 1 & Beautiful 2 ba ibig sabihin n'yan, Tito? I know right. Thank you po." Natawa na lang tuloy si Papa dahil sa kapal ng apog ni Bebs. E 'di pagpasok namin, 'kala namin late na kami buti na lang at may flag ceremony pala. Syet. Nakahinga kami nang maluwag. Tahimik kaming nakapila habang ako, inaantok pa, si Bebs naman panay ang selfie, sabay sabing, "Ganda ko talaga!" Lecheng 'yon. Vain talaga, e. ( ̄◇ ̄)

Nawala lang ang antok ko kalagitnaan ng flag ceremony nang makarinig ako ng mga boses na parang nagcoconcert. Seryoso. Feel na feel kasi talaga nila ang kanta. Nang hanapin tuloy ng mata ko at pinanggagalingan ng boses na 'yon, hindi na ako nagtaka kung bakit para silang isang bandang nagcoconcert. Magkakaibigan ba naman na lalake.

Hindi ko na sana papansin pero nahagip ng mata ko ang isang pamilyar na lalake. Syet lang kasi siya 'yong lalake na hinambalos ko no'ng. . .no'ng sumakit ang tiyan ko dahil sa avocado.

Jarius? Jared? Janrey? Ewan ko. Basta malapit do'n ang pangalan niya. Lokong 'yon. Eto pa, eto pa talaga! Hindi ko na talaga papansinin pero napatingin siya sa direksyon ko. As in naglapat ang mata namin. (Naglapat? Eww! (º̩̩́Дº̩̩̀) ) Basta gano'n. Nagkatinginan kami. Nahigit ko ang hininga ko at medyo nanlaki pa ang mata ko nang biglang mapakunot ang noo niya. Leche. Parang tinatandaan niya ako.

Hanggang sa unti-unting siyang ngumiti. Hindi pala ngiti. Ngisi. Syet. Mukhang namukhaan niya ata ako. Bigla tuloy akong umiwas ng tingin at nagtago sa likod ni Bebs. Sabi tuloy ni Bebs, "Anyare? Bakit nagtatago ka?" Umiling lang ako at sinabing, "Hindi." Kahit todo siksik ako sa likod niya para lang hindi ako makita.

Hindi pala alam ni Rinneah 'yong nangyari na 'yon. Saka ko na lang sasabihin kapag kami na lang dalawa. Ihahanda ko na rin ang sarili ko dahil alam kong pagtatawanan ako ng lukaret na 'yon. Hays!