Chapter 17 - Chapter 013

ELIJAH'S POV

"Pare, may naisip ka na?" tanong sa akin ni Matthew habang kumakain kami ng lunch sa Engineering cafeteria. Kaming dalawa lang ang magkasama ngayon.

"Naisip saan?" tanong ko.

"Na sasalihang club. Sayang ang extracurricular points. Madalas may merit iyon sa grades natin," sagot niya.

"Ganoon ba? Saang club ka?"

"Sa community outreach club."

"Hindi nga?"

"Grabe pare. Hindi ba kapani-paniwala?" aniya na kunwari ay nasasaktan.

"Hindi naman sa ganoon. Akala ko hindi ka rin mahilig sa mga outdoor activities," depensa ko.

"Actually, mukha lang hindi. Pero dati, kasali ako sa basketball team. Kaso tinamad ako. Saka sobrang nakakapagod," sabi niya.

"Hindi halata ah?"

"Alam mo grabe ka na talaga," sabi niya. "Kung wala ka pa naiisip, try mo sa club ko. Chill lang naman kami doon. Unless may program kami for the community."

"Sige. Pag-iisipan ko," sabi ko.

"Tamang-tama. Student Organization Day sa isang araw. Magse-setup ng booth ang bawat club sa field para sa recruitment. Punta ka na lang," sabi niya.

Nagpatuloy kami sa pagkain. Napaisip tuloy ako bigla. Saang club kaya kasali si Gabriel? Sa isang tulad niya na talented at gwapo, for sure, ang daming nagre-recruit sa kanya.

-

"A penny for your thought?" untag ni Gabriel.

Magkasama na kami ulit ngayon sa usual na tambayan namin - sa bleachers.

Katatapos ko lang mag-lunch at mahaba na naman ang oras na bakante ako.

"Anong iniisip mo?" tanong niya.

"Nabanggit sa akin ni Matt ang club niya. Kung gusto ko raw sumali," sagot ko.

"Anong club?"

"Community outreach."

"Sasali ka?" tanong niya.

"Hindi ako sigurado. Hindi naman ako mahilig sa ganyan," sagot ko. "Ikaw ba? Saan ka kasali?"

"Soccer. Music. Basketball. Math club," sagot niya.

"Wow! Ang dami naman," manghang sabi ko. "Hindi ba nakakapagod?"

"Nakakapagod. Pero kapag gusto mo naman ang isang bagay, mae-enjoy mo," sagot niya. "Subukan mo. Malay mo mag-enjoy ka. I know very fulfilling diyan sa community outreach. Lalo na kapag nakakatulong ka."

Tama naman siya. Hindi lang siguro talaga ako sanay sa outdoor activities lalo na ang makihalubilo sa ibang tao. Pero dahil nandoon din naman si Matthew, pwede ko namang subukan.

Sana lang kasama ko si Gabriel.

-

"Hi! Interesado ka ba sumali sa amin?" magiliw na bungad sa akin ng isa sa dalawang babaeng nakatayo sa booth.

Maingay ang paligid. Pakalat-kalat ang mga estudyante. Maingay. Nagkakasiyahan. Hindi alintana ang init.

"H-hi," nahihiya kong pagbati. "Oo. Sana."

"Great," nakangiting sabi ng babaeng bumati sa akin. Inabutan niya ako ng isang papel. "Ako nga pala si Nicole, ako ang presidente ng community club."

"Elijah," pakilala ko sa sarili ko.

"Siya naman si Avery" pakilala ni Nicole sa kasama na halatang mas bata kaysa sa kanya. "Siya ang in-charge sa pag-reach out sa iba't ibang community outreach organizations sa labas ng school."

"H-Hi," medyo nahihiyang pagbati ni Avery. Hindi nakaligtas sa akin ang kakaibang titig niya.

Nagsimula akong sulatan ang form.

"Anong major mo?" narinig kong tanong ni Nicole.

"Civil Engineering," sagot ko na hindi tumitingin sa kanila.

"Ayos, ah?" pagpuri niya. "Fourth year Tourism student na ako. Itong si Avery ay third year naman."

Saglit na tinapunan ko sila ng tingin. Maganda sila pareho. Very light ang makeup pero lantad na lantad ang pang-Pilipinang kagandahan nila. Si Nicole ay medyo kayumanggi. Si Avery naman ay maputi.

"Third year din ako," sabi ko at ipinagpatuloy ang pagsasagot sa form.

"Ayan Ave. May kasama ka nang third year," sabi ni Nicole. "O siya, iwan ko muna kayo. May kukunin lang ako sa clubroom. Ikaw na muna bahala rito Ave."

Umalis si Nicole. Ako naman ay tahimik na nagpatuloy sa pagsasagot sa form.

"Heto na," sabi ko at iniabot kay Avery ang form. Tiningnan naman niya iyon at sinuri kung kumpleto.

"Okay na. May katanungan ka pa ba?" tanong niya.

"Anong mga usual activities niyo at gaano kadalas?" tanong ko.

Tumango-tango siya at dinampot ang isang folder. Lumapit siya sa akin at tumayo sa tabi ko. Naaamoy ko ang amoy bulaklak na pabango niya sa sobrang lapit niya.

"Heto ang mga naging activities namin last year," sabi niya at ipinakita sa akin ang mga litrato sa folder.

May tree planting, may feeding, may gift-giving. Kitang-kita ko rin si Matthew sa ilan sa mga iyon.

"We try to have at least one activity a month," sabi niya. "Pero promise, mag-eenjoy ka."

Tumingin siya sa akin at ngumiti siya. Tila nawala ang hiya niya nang pag-usapan na ang tungkol sa club activities.

"Actually, si Matthew ang nag-refer sa akin dito," sabi ko.

"Ahh.. si Matt. Classmate mo ba siya?" tanong niya at tumango ako. "Napakakulit niya. Pero nawawala pagod namin sa mga biro at kalokohan niya."

Binuklat niya ulit ang folder at ipinakita sa akin ang litrato nila na nagsa-slide sa isang giant slide padiretso sa pool.

"Usually, nagkakaroon kami ng club fellowship activities para mag-enjoy at para mas maging malapit kami sa isa't isa," sabi niya.

"Mukhang masaya nga iyan," ang nasabi ko na lang.

Excited na ipinakita niya sa akin ang iba pang mga litrato hanggang sa may kumabig sa bewang ko at inilayo ako kay Avery.

Napatingin kami kung sino iyon. Si Gabriel. Pumuwesto siya sa likod ko at ipinulupot ang mga braso sa akin. Ipinatong din ang ulo niya sa kanang balikat ko.

"Musta, choco?" tanong sa akin ni Gabriel. Seryoso lang ang mukha niya.

Ang lakas ng kabog ng dibdib ko dulot ng sobrang pagkakadikit naming dalawa. Ang bango niya. Ang init ng katawan niya. Ang pisngi niya ay halos nakadikit na sa pisngi ko.

"Heto, kapapasa ko lang ng form. Ipinapakita sa akin nito ni Avery ang mga dati nilang activities," sabi ko at pinilit umarte ng normal. "Bakit ka nandito? Akala ko busy ka?"

"Nami-miss na kasi kita," sagot niya. "Tapos ka na naman dito, hindi ba? Samahan mo ako. I-tour kita sa clubs ko."

Tumingin siya kay Avery na tila ay natameme na lang at hindi alam ang sasabihin at gagawin.

"Okay lang ba?" tanong ni Gabriel.

Tumango si Avery. "O-Oo. Tapos na naman kami."

"Thank you," nakangiting sabi ni Gabriel. "Tara na, boyfriend," sabi niya sa akin at kumalas sa pagkakayakap sa akin. Akala ko ay tapos na pero bigla niyang hinawakan ang kamay ko.

Napatingin ako sa kanya pero isang matamis na ngiti lang ang ibinigay niya sa akin.

"Tinakot mo naman si Ave," sabi ko habang naglakakad kami paikot sa field. Pansin kong pinagtitinginan kami. Magkahawak ba naman ang kamay naming dalawa.

"I don't like her," seryosong sabi niya. "She seems interested in you. Kaya kailangan kong kumilos at ipamukha sa kanya na akin ka."

"Sira ka," asik ko. "Nanliligaw ka pa, hindi ba?"

"Pero alam ng marami na tayo na," sabi niya at ngumisi.

"Ewan ko sayo," nakasimangot kong sabi. "Saka paano magiging interesado sa akin iyon? Eh ang ganda-ganda niya. Ako nerd."

"So nagagandahan ka sa kanya?" tanong niya at pinagtaasan ako ng kilay. Binitawan niya ang kamay ko.

"Well, yeah," sabi ko. "Pero that doesn't mean I'm interested. Alam mo naman na sayo lang ako interesado."

"Anong sabi mo?"

"Wala," sabi ko at nagpatuloy sa paglalakad.

"Hoy! Anong sabi mo?" malakas na sigaw niya. Lalo tuloy kaming pinagtitinginan.

"Wala!" pagmamatigas ko.

"Hindi mo sasabihin?" pagbabanta niya.

Tumigil ako at humarap sa kanya. Napatigil naman siya sa paglalakad at seryosong tumingin sa akin. Nagkatitigan kami.

"Mahal kita," sabi ko. "MAHAL KITA, GABRIEL LUCAS DE CASTRO!"