Chapter 8 - Chapter 7

Chapter 7: Meet Camille!

LUMBAY na lumbay si Richard pag-uwi. Paano, kakaunti ang kinita niya. Para raw siyang minalas, kung kailan kailangan niya ng pera, doon pa humina. Umulan din kasi kaya medyo hindi siya nakapangalkal nang maayos. Dalawang kilong bigas at apat na itlog lang tuloy ang nabili niya. Hindi na siya nakabili ng prutas dahil kulang na ang pera niya. Naisip niya tuloy na baka magalit si Ruby.

Pagdating ni Richard sa bahay, naabutan niya si Ruby na nagpupunas-punas ng mesa. Palihim tuloy siyang napangiti. Kung dati, hindi niya makitang gumagawa ng gawaing-bahay ang dalaga, ngayon ay iba na. Hindi na tulad nang dati na naka-upo lang.

"Sipag naman," sabi ni Richard sa kumekembot pang si Ruby na kasalukuyang pinupunasan ang lagayan nila ng plato.

Medyo nagulat naman ang dalaga. "Dumating ka na pala. Wala kasi akong magawa... kaya naisipan kong magpunas-punas."

"Isa pa, siguro'y dapat din akong matuto ng mga gawaing tulad nito," dagdag pa ni Ruby.

"Naks!" Napangiti ang binata. Napansin din niya na maayos ang pagkakasuklay ng buhok ng dalaga. Naisipan niyang guluhin iyon.

"Itigil mo 'yan!" Kaso, mukhang alam na ni Ruby ang balak ni Richard. Iniharang agad niya ang hawak niyang basahan. Inirapan din niya ito.

"Isa pa! Ang baho mo! Ba't hindi mo kaya linisin muna ang sarili mo?" sabi pa ng dalaga. Napaamoy naman si Richard sa sarili niya at bahagya siyang nahiya.

"Oo na, mahal na prinsesa." Inilapag na ni Richard ang mga dala niya sa mesa. Nagpunta agad siya sa maliit nilang banyo para maglinis at magpalit ng damit. Bumahin pa nga siya nang bumahin. Pakiramdam tuloy niya ay parang magkakasakit siya.

"Nasaan ang mga prutas?" Iyon ang bungad ni Ruby nang lumabas si Richard.

"Pasensya ka na. Kakaunti ang kinita ko..." Akala nga ng binata ay magagalit ang dalaga, pero hindi. Bagkus ay parang nalungkot ito.

"P-pero bukas, bibili na ako. Promise... pangako!" sabi ni Richard. Unti-unti namang bumalik ang ngiti ni Ruby.

"Pangako?" Paniniguro ng dalaga.

"Pangako!" Nilapitan ni Richard si Ruby. Balak pa nga siya sanang guluhin ang buhok ng dalaga, pero hindi niya nagawa.

"Puputulin ko ang kamay mo kapag hindi mo tinigilan ang buhok ko!" Nanindak pa si Ruby habang hawak sa braso ang binata.

Pakiramdam ni Richard ay parang mabigat ang ulo niya kaya naisipan muna niyang mahiga saglit. Para rin siyang nilalamig kaya naisipan niyang umidlip muna sandali.

NAALIMPUNGATAN si Richard. Naramdaman niyang may nakakadantay sa kanya. Lumingon siya sa tabi niya at nando'n nga si Ruby. Tulog din. Nakapatong ang braso sa leeg niya at ang hita sa baywang niya. Parang masakit ang ulo niya pero inisip niyang wala lang 'yon. Dahan-dahan niyang inalis ang pagkakadantay ni Ruby sa kanya. Napalunok pa nga siya ng laway nang ang hita na ng dalaga ang aalisin niya.

"Ano ba 'to? Nakakadala naman ang legs na 'to." Iiling-iling na lang si Richard. Bumangon agad siya at nag-inat-inat. Sinulyapan niya ang orasan niya sa bahay. Alas sais na. Naalala niya rin may pupuntahan siya kaya agad niyang ipinirito ang dalawa sa apat na itlog na binili niya kanina.

"Hoy! Gising na. Kakain na." Niyugyog pa ni Richard ang balikat ng dalaga. Nagising naman si Ruby at pinamulahan agad.

"Kakain na. Bumangon ka na. May pupuntahan pati ako," sabi pa ng binata.

"S-saan ka pupunta?" tanong ni Ruby na bumangon na rin. Pumunta siya sa mesa at agad umupo.

"Sa plaza. May kailangan kasi akong kausapin," sagot ni Richard. Nag-umpisa na rin silang kumain.

"Sino?" tanong ni Ruby, tapos ay uminom siya ng tubig.

"Kaibigan ko..." Napangiti pa si Richard nang maalala si Camille. Ang first love niya.

"Bantayan mo ang bahay huh!" dagdag pa ng binata. Napatigil naman sa pagnguya si Ruby. Sinamaan agad niya ng tingin ang binata.

"Iiwanan mo akong mag-isa rito? Hindi ako papayag!" mariing sabi ni Ruby.

Inaasahan na ito ni Richard kaya hindi na siya nagulat. "Oo na. Bilisan mong kumain nang makaalis na tayo."

Ngumiti agad si Ruby at nagmadali. Napailing na nga lang si Richard.

"Ano ba ang dapat kong isuot?" tarantang tanong ng dalaga habang iniisa-isa ang damit na mayroon siya.

"Kahit ano, 'wag lang 'yong mahalay tingnan," sagot naman ni Richard at napabahin pa siya.

"M-mahalay? Ano 'yon?" Nagtaka naman si Ruby.

"W-wala! Bilisan mo. Patapos na akong maghugas ng plato..." Natatawa na lang ang binata.

BAHAGYANG natulala si Richard kay Ruby nang pagmasdan niya ito. Nakasuot ng white shirt at pedal. Nakapusod din ang buhok at nakapaikot sa ulo. Talagang maganda ang prinsesa sa kahit anong damit ang suotin nito. Kahit walang pulbo o make-up ay talagang artistahin pa rin ang dating. Kaso napakunot ang noo ng binata nang mapatingin sa dibdib ni Ruby, may bumabakat kasi.

"H-hoy! 'Di ba sabi ko, magsuot ka lagi ng bra," naiilang na sabi ni Richard.

"'Wag mo nga akong sigawan! P'wede namang wala ah! Ba't sa kaharian!" sagot naman ng dalaga.

"Wala ka sa kaharian. Bakat ang dede mo... Basta magsuot ka! Kapag hindi mo ginawa, hindi kita bibilhan ng ice cream." Napakamot-ulo na lang ang binata.

Pagdating nila sa plaza ay agad napangiti si Ruby. Ang dami kasing ilaw. Medyo malawak din at maraming mauupuan. Nagkalat din ang mga mag-syota at mga tambay.

"Bakit ngayon mo lang ako dinala rito?" tanong ni Ruby na masayang tinitingnan ang mga ilaw.

"Ngayon ko lang naisipan," sagot naman ni Richard. Nagulat pa nga siya nang humawak sa braso niya ang dalaga.

"Gusto ko, pumunta tayo lagi rito! Malinaw?" sabi pa ni Ruby at napa-oo na lang ang binata.

"Ibili mo na ako ng ays krim." Masigla pang sabi ng dalaga at umakbay pa siya sa binata.

"Ano bang nakain mo at gustong-gusto mong dumikit sa akin? Kanina, tinabihan mo pa ako at ginawa mong unan," sabi naman ni Richard. Pinamulahan agad ang dalaga at napangiti nang bahagya.

"W-wala. Parang ang sarap sa pakiramdam e. Bakit? Gusto mo rin naman ito, tama?"

Biglang nag-init ang pisngi ni Richard sa sinabing iyon ng dalaga.

"A-anong gusto? H-hindi ah!" Napalayo pa ang binata. Kinilabutan siya at medyo kinabahan.

Napakunot ng noo si Ruby. "Hindi ako naniniwala!"

Naglakad-lakad silang dalawa sa plaza. Ibinili rin ni Richard ng ice cream si Ruby. Tuwang-tuwa tuloy ang dalaga habang nakaupo sila. Palingon-lingon din sa paligid ang binata. Baka kasi makita niya si Camille.

"Nasaan na nga pala ang iyong kaibigan?" tanong ni Ruby matapos maubos ang kinakaing ice cream.

Nataranta naman nang bahagya ang binata. "A-ah... W-wala pa. Baka maya-maya, nandito na siya."

Sumulyap si Ruby kay Richard at parang may naisip. "Yakapin mo nga ako. Giniginaw kasi ako!"

Nabigla si Richard sa narinig niya. Napalunok din siya ng laway. "S-sigurado ka? Ikaw pa 'yan?" kabadong tanong pa niya.

Ngumiti ang dalaga. "Nagbago na kasi ako. Inuutusan kita na yakapin mo ako! Ngayon na!"

Nanginginig ang braso ng binata. Dahan-dahan niyang niyakap ang dalaga niyang katabi. Kung sabagay, naisip din niya na ang s'werte rin niya. Babae na mismo ang nagpapayakap.

"Higpitan mo!" utos pa ng dalaga na napapangiti dahil sa mga nangyayari. Pinamulahan din siya ng pisngi.

"O-oo..." Napangiti rin si Richard. Damang-dama niya ang init at lambot ng katawan ni Ruby.

Habang nasa gano'ng sitwasyon sila ay may pares ng mag-syota ang dumaan sa harapan nila. Naglalambingan. Magka-akbay.

"I love you..." sabi ng lalaki.

"I love you too..." sagot naman ng babae. Pagkatapos noon ay naghalikan ang dalawang magsyota.

"Ano ang sinabi nila?" tanong ni Ruby na takang-taka.

"H-huh... A-alin?" nauutal namang sagot ni Richard.

"Iyong, a-ayl-labyu." Hindi pa sigurado ang dalaga sa pagbigkas.

Ngumiti naman si Richard. "Mahal kita," mahina niyang sinabi sa dalaga.

Nagulat si Ruby sa narinig niya. Biglang kumabog nang malakas ang dibdib niya at parang may kuryente na dumaloy sa buo niyang katawan. Lalo rin niyang naramdaman ang init ng katawang nakayakap sa kanya.

"M-mahal mo ako?" Napatitig tuloy ang dalaga sa mga mata ni Richard.

"A-ah... 'Yon ang ibig-sabihin ng I love you," sagot ni Richard na napangiti pa. Para namang naging yelo ang dalaga nang marinig iyon.

"Ihhh! Bumitaw ka na nga. Ang baho mo!" Biglang nagsungit ang dalaga. Pinagpapalo niya ang binata. Napatawa tuloy ito dahil sa kanya.

*****

"RICHARD!" Napatigil ang dalawa sa kanilang ginagawa nang may nagsalita. Napalingon agad si Richard sa direksyon ng boses. Natigilan siya at parang nahiya.

"C-camille?" Bumungad sa kanya ang dalagang hinihintay niya. Nakasuot ng stripes na sleeveless at naka-skirt na maong. Napatayo tuloy siya at agad nilapitan si Camille.

"K-kanina ka pa?" nahihiyang tanong ni Richard. Napakamot pa siya sa ulo.

Parang nahiya naman si Camille. Napasulyap din siya sa dalagang kasama ni Richard. Nakaramdam siya na parang may tumusok sa dibdib niya.

"K-kararating ko lang..." sabi ni Camille at napayuko.

"Naistorbo ko yata kayo..." Tumalikod pa siya at parang aalis na.

Nahiya naman lalo ang binata. Hinawakan niya ang braso ni Camille para pigilan ito.

"S-saan ka pupunta? Akala ko may sasabihin ka sa akin?" malumanay na tanong ng binata. Nagulat pa siya nang mapansing umiiyak ang dalaga.

"U-umiiyak ka? B-bakit?" Parang nadurog si Richard nang mga sandaling iyon.

"H-hindi, napuwing lang ako..." Pinunasan naman ni Camille ang luha niya.

Parang alam na ni Richard ang dahilan ng dalagang kaharap niya. Napatingin siya kay Ruby. Napailing. Pagkatapos noon ay dahan-dahan niyang niyakap si Camille. Nawala rin sa alaala niya ang malungkot niyang nakaraan sa babaeng ito nang sandaling iyon.

"H-hindi kami." Nagkatinginan sa isa't isa sina Camille at Richard. Sabay na nagkangitian.

"Okay na tayo?" nakangiting tanong ni Richard.

Tumango si Camille at ngumiti rin. Nagpahid din siya ng luha. Pagkatapos, nilapitan na nila si Ruby. Nagtataka nga si Richard kung bakit ang sama ng tingin nito sa kanilang dalawa.

"Camille, si Ruby. Kaibigan ko," pagpapakilala ng binata. Nag-hi naman si Camille at sinimangutan naman ito ni Ruby.

Makikipagkamay pa sana si Camille kaso, hindi iyon pinansin ni Ruby. "Hindi ako nakikipagkamay sa mga mabababang uri na tulad mo!"