Chapter 6 - Chapter 5

Chapter 5: Inuman

NAGULAT si Richard nang makita niyang umiiyak si Ruby.

"B-bakit ka umiiyak? W-wala namang nakakaiyak sa mga sinabi ko a," takang sinabi ng binata. Patuloy naman ang dalaga sa pag-iyak.

"M-ma-mabuti k-ka pa. M-mayroon ka pang ina..." Lalong napaiyak si Ruby. Hindi na nga alam ni Richard ang gagawin.

"B-bakit? Ikaw ba?" tanong ng binata.

"W-wala na siya... m-ma...matagal na..." Pinunas ng dalaga ang luha niya. Doon na rin siya napilitang magk'wento tungkol sa nakaraan niya.

*****

"R-RUBY... Saan ba tayo pupunta?" tanong ni Reyna Beatrice sa batang anak nito, si Ruby. Dinala kasi siya nito sa loob ng kakahuyan. Medyo malayo rin ito mula sa palasyo.

"Gusto ko pong ipakita sa inyo ang aking natuklasang lugar. Napakaganda po ng tanawin doon..." wika ng batang si Ruby sa kanyang inang reyna.

"Pero dahan-dahan anak... Baka madapa tayo!" Paakyat kasi sila sa isang matirik na lugar.

"Dito po ina... 'Di ba ang ganda po!"

Narating nila ang isang mataas na burol, maraming bulaklak doon. May isang puno rin na nasa tabi noon, sa dulo ng burol. Iyon ay ang bangin ng burol. Kitang-kita at tanaw na tanaw nga roon ang palasyo ng Florania. Ang palasyo nila.

"Ang saya ditong maglaro, 'di ba ina? Gusto ko po ay lagi n'yo akong samahan dito!" Nakabungisngis pa si Ruby habang sinasabi iyon. Nagtatakbo at masayang-masaya.

"Oo naman, mahal kong prinsesa... Palagi kitang sasamahan dito," nakangiting tugon ni Reyna Beatrice.

Naglagi sila roon ng mga ilang oras, nagk'wentuhan at naghabulan.

"M-magandang araw po mahal na reyna. Sa inyo din po mahal na prinsesa. Ipagpaumanhin po ninyo dahil hindi po namin alam na nandito kayo!" Nagbigay galang ang isang pamilya sa prinsesa't reyna na bagong dating din sa lugar na iyon. Balak ng nga ito na magpalipas oras at mag-relax, kaso, hindi naman nila inaasahan na nandoon din pala ang reyna at ang prinsesa nila.

"Wala kayong dapat ipagpaumanhin... Halika kayo't samahan kami," nakangiting alok ng reyna na kakain na rin pala ng baon nilang tinapay nang mga oras na iyon. Medyo nailang naman ang pamilyang dumating pero dahil bihira lang itong mangyari ay natuwa na rin sila.

"M-marami po talagang salamat mahal na reyna... Napakalaking karangalan ang kayo'y aming makasalamuha sa ganitong bagay..." sabi ng ama ng pamilya.

"M-malaki na ang mahal na prinsesa at mukhang magiging kasing-ganda n'yo rin po 'pag nagdalaga..." papuri naman ng ina ng pamilya sa prinsesa. Ngumiti naman ang batang si Ruby na kasalukuyang kumakain.

Nagk'wentuhan ang mahal na reyna at ang mga pamilyang iyon habang nakikipaglaro naman si prinsera Ruby sa dalawang batang kasama nito. Ang mga anak na kaedadin din lang ng prinsesa.

"Do'n tayo sa may puno! Maganda ang p'westo ro'n," yakag no'ng isa sa dalawang bata.

"Oo nga kitang-kita ro'n ang palasyo namin!" pagmamalaki naman ni prinsesa Ruby. Nag-unahan sila sa pagpunta ro'n subalit aksidenteng natisod ang isa sa dalawang batang kasama ng prinsesa nang marating nila ang puno. Gumulong ang bata at dumiretso paibaba ng bangin. Mas'werte na lang at nakakapit ito sa may kakapalang damo kaya hindi ito tuluyang nahulog.

Nag-iiyak si prinsesa Ruby dahil doon. Nakatingin. Nanonood sa kapatid no'ng bata na pilit kinakapitan ang kapatid nito. Pareho na rin silang umiiyak.

"I-na! A-ama! Tulungan n'yo po kami! Mahuhulog na po si Arnel!" sigaw ng kapatid nitong pilit hinawakan ang kamay ng kapatid.

Dali-dali iyong pinuntahan nina Reyna Beatrice. Maging ang reyna ay lumapit din sa dulo ng bangin para tumulong. Maagap naman ang ama ng mga bata at agad nitong nailigtas ang mga anak... subalit hindi nila inaasahan ang mga sumunod na nangyari. Aksidente nilang nasagi si Reyna Beatrice. Napakabilis ng nga pangyayari. Nahulog ang reyna mula sa mataas na bangin.

NAMATAY si Reyna Beatrice. Nagluksa ang buong Florania. Aksidente lang ang mga nangyari kaya tinanggap iyon ni Haring Alberto. Hiyang-hiya naman ang pamilyang nakasama ng reyna sa burol. Nangako sila na pagsisilbihan ang Hari at ang mga susunod na maharlika ng kaharian. Pero si Prinsesa Ruby, ito ang pinakanalungkot sa mga nangyari. Magmula noon ay lagi na lang itong nasa loob ng silid niya. Nang magdalaga nga ang prinsesa ay hindi nito nakuha ang magandang asal ng ama't ina niya. Ito ay dahil sa mga nangyari ina niyang reyna. Isinisi niya sa pamilyang iyon kung bakit namatay ang ina niya. Itinuring din niya na mababang uri lamang ang mga mamamayan ng Florania at magagawa raw niya ang lahat ng gugustuhin niya... dahil isa siyang prinsesa.

*****

"KASALANAN nila ito..." sabi pa ni Ruby sa sarili pagkatapos magk'wento. Nang marinig naman ni Richard ang k'wento ng dalaga ay medyo nalungkot ito. Kaso, napailing siya dahil parang isinisisi ng dalaga sa mga mamamayan ng Florania ang dahilan kung bakit namatay ang ina nitong reyna.

Kinagabihan...

"Tubig ba 'yang dala mo?" bungad ni Ruby sa binata nang dumating ito. May dalang isang bote na may lamang kung ano. May dala rin itong tigpi-pisong mani.

"Hindi. Gin ito. Alak. Iniinom ko ito kapag may problema," sagot naman ni Richard. Inilapag na rin niya ang dala niya sa mesa. Kumuha rin siya ng maliit na baso. Isang pitsel na malamig na tubig at isang basong malaki.

Seryoso namang kinikilatis ni Ruby ang laman ng bote. Inamoy-amoy, tapos kinalog.

"Inumin na natin!" Nakangising sabi ni Ruby. Excited din ang itsura. Napailing naman nga ang binata dahil doon. Dahil ang totoo, wala itong balak painumin ang dalaga.

"Bawal sa 'yo 'to. Panglalaki lang 'to. Hindi ka naman lalaki..." sabi ni Richard at agad ding binuksan ang alak. Agad din siyang nagsalin sa maliit niyang baso. Ininom kaagad at naramdaman ng lalamunan niya ang hilab na dala ng gin.

"Nagsisinungaling ka! Bakit may nakita akong mga babae na umiinom din niyan? Ipaliwanag mo! O baka gusto mong maparusahan?" Hinaluan pa ni Ruby ng pananakot ang sinabi niya. Napakamot-ulo na nga lang si Richard.

"Basta. Hindi ka p'wedeng uminom nito." Nagkatitigan silang dalawa.

"Hindi ako papayag! Alam kong masarap ang alak na iyan! Painumin mo ako! Inuutusan kita!" Tumayo pa si Ruby.

Wala nang nagawa si Richard. Alam niyang hindi siya titigilan ng dalaga. Kaya pinagbigyan niya ito. Tinagayan niya ito nang kaunti sa baso kaso, napailing siya nang makitang kumuha si Ruby ng sarili niyang baso. Akala yata ay iinom lang ng juice.

"Nasisiraan ka na talaga," bulong ni Richard. Imbis na alak ang isalin niya sa basong kinuha ng dalaga, tubig ang inilagay niya.

"Bakit tubig ang inilagay mo!?" malakas na sabi ni Ruby. Nainis siya.

"R-relax lang mahal na prinsesa! Hindi ito juice. 'Eto..." Inilapit ni Richard ang maliit na baso na may lamang alak. "Inumin mo! Sabihin mo lang kung ayaw mo..."

Inirapan naman siya ni Ruby agad niyang ininom iyon. Kaagad ding nalukot ang mukha niya. Sobrang pait. Nalunok na niya pero parang gusto niyang isuka. Agad din niyang inubos ang tubig sa isa pang baso na hawak niya.

Tumawa si Richard sa nakita. "Sabi sa 'yo e, for boys lang ito. Para lang sa lalaki."

Nang marinig naman iyon ni Ruby ay agad nitong sinamaan ng tingin ang binata. Mabilis ding kumuha ng mani at kinain lahat ang laman ng nakuha niya.

"Huwag mo akong minamaliit! Bigyan mo pa ako!" Kahit nasusuka ay pinilit pa rin ni Ruby na hindi magpatalo. Salamat sa mani, nawala ang pagka-udwa niya.

Nakailang ikot ang tagay nila. Pulang-pula na rin ang pisngi ni Ruby. Maingay na rin. Panay rin ang sinok.

"R-richard! I-inom uli tayo nito b-bukas... Hikkk!" Paulit-ulit itong sinasabi ni Ruby. Napapailing na nga lang si Richard.

"Matulog ka na..." sabi naman ng binata.

"H-hindi! P-panoorin mo ako... Hikkk!" sabi ni Ruby. Nagulat pa ang binata nang lam'nan ng dalaga nang puno ang baso nilang tagayan. Agad din iyong nilaklak ng dalaga. Walang inom ng tubig at kain ng mani.

"Nasisiraan ka na talaga. Last mo na 'yan." Nilaklak na ni Richard ang natitirang laman ng bote. 1/4 pa ng bote iyon pero sisiw lang iyon.

"R-richarddd! Hikkk!"

"Bakit?" Pinapalipas muna ni Richard ang init sa lalamunan niya.

"A-ang k-kisig mo pala... Hikkk!" Nagulat si Richard nang marinig iyon. Natawa.

"Lasing ka na nga."

Napatakbo pa ang binata nang biglang matumba si Ruby. Mabuti't nasalo niya agad.

"Dadalhin na kita sa higaan." Inakay ni Richard ang dalaga papunta sa higaan. Naihiga niya si Ruby kaso... biglang hinawakan nito ang ulo niya.

Inilapit ng lasing na si Ruby ang mukha ni Richard sa mukha niya. Napamulaga naman ang binata nang biglang magdikit ang labi nila. Pero hindi lang iyon. Biglang hinigop ng dalaga ang lower lip niya. Mabagal at may ritmo iyon. Paulit-ulit. Pati ang binata ay agad nadala sa sitwasyon. Napalaban na rin siya ng halikan sa lasing na dalaga. Damang-dama niya ang tamis at lambot ng labi nito. Napapikit siya habang nakaalalay sa higaan. Madadaganan niya kasi si Ruby.

Medyo matagal iyon. Natigil na lang nang biglang makatulog si Ruby. Hiningal si Richard. Nabigla. Natulala. Napatingin siya sa ayos ng dalaga. Magulo ang suot. Medyo nakataas ang tshirt kaya lumitaw ang makinis na balat nito sa tiyan. Medyo maluwag din ang damit nito kaya medyo lumitaw ang strap ng bra ng dalaga sa bandang balikat nito. Napalunok pa ng laway ang binata nang mapatingin sa makinis na hita ni Ruby. May kaiklian din kasi ang maong shorts na suot nito.

"H-hindi! Hindi pa ako lasing." Napalayo si Richard. Inisip din niyang lasing si Ruby kaya nangyari iyon. Inimis na lang niya ang mga kalat sa mesa. Pinilit niya ring kalimutan ang halikan, pero, mahirap... lalo na't unang beses niyang naranasan iyon. Isang umaatikabong halikan.

Bago matulog si Richard ay pinagmasdan niya muna ang natutulog na si Ruby. Inayos niya ang damit at kinumutan. Napangiti pa siya.

"Salamat." Binigyan din niya ng isang halik sa noo ang dalaga.

*****

MAAGANG nagising si Richard. Nagluto na rin siya. Bumili rin siya ng gatas na titimplahin.

"A-aray! Ang sakit ng ulo ko!" Napatayo si Richard sa kinauupuan niya nang marinig iyon mula kay Ruby. Bandang alas-siete na ng umaga.

"Good morning." Bati naman ni Richard. Bigla namang namula si Ruby at tinakpan ng kumot ang kalahati ng mukha niya.

"A-ang sakit ng ulo ko..."

"Hang-over 'yan."

"Hangober? A-ano 'yon?"

"Tawag iyon sa nararamdaman mo. Ang dami kasi ng ininom mong gin. First time mo pa." Tumayo si Richard at nagtimpla ng gatas.

"M-may ginawa ba tayo kagabi?" Natigilan si Richard nang marinig niya iyon.

"H-huh? Wala ah. Bakit, may naaalala ka?" Napapailing na lang ang binata.

"W-wala rin..." sagot ni Ruby. Hinipo rin niya ang labi niya. Para kasing may naaalala siyang halikan kagabi. Pero hindi siya sigurado.