Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 27 - Kabanata 25 ✓

Chapter 27 - Kabanata 25 ✓

A/N: 6,000 na salita. Maraming salamat sa aking mga puso na tahimik na binabasa ang kwentong ito. Ingat kayo palagi. 🥰

"Saan tayo tutungo?" tanong ko sa kanya habang aking sinasabayan ang kanyang mabibilis na takbo. Ngayon ko lamang din napagtanto na hawak niya ang aking kamay nang ito ay kanyang pisilin nang mahigpit.

Mula nang ako'y lumabas mula sa bahay-tuluyan at siya'y puntahan, agad niyang sinabi sa akin na kami raw ay magpakalayo upang hindi kami makita ng iba.

"Sa totoo lamang ay hindi ko alam. Kahit saan kung saan man tayo dalhin ng ating mga paa," tugon niya. Nakatuon lamang ang kanyang paningin sa daan habang ako nama'y palipat-lipat ng tingin sa kanya at sa aming dinadaanan.

Ilang minuto na ba kami tumatakbo at saang lugar na ito? Narito kami ngayon sa kalagitnaan ng malalaking puno. Madilim na rin ang paligid, mabuti na lang ay wala kaming masasalubong na ibang tao lalo na ang mga guardia sibil.

Sumagi sa aking isipan ang gabing tinangka niya akong itakas mula sa bahay-aliwan at kami'y nakita ng heneral. Tila parehong-pareho sa nangyayari ngayon, ang ipinagkaiba lamang ay hindi umuulan at isa na lamang akong dayo rito.

Ang sakit na ng aking mga paa. Kailan ba niya balak huminto? "Ako'y napapagod na. Maaari ba tayong magpahinga kahit saglit lang?"

Siya'y huminto, tumingin sa akin at sa paligid. "Maaari na tayong magpahinga rito. Doon tayo maupo sa malaking bato."

Sinundan ko ng tingin ang direksyon na kanyang tinuro. Sa likod ng malalaking puno ay ang tahimik na ilog at may malalaking bato sa gilid nito.

Ito ang ilog kung saan ako nahulog nang kami ay sumakay ng bangka papuntang pamilihan kasama noon si Agapito at Binibining Floriana sa unang araw ng pista.

"Ikaw ba'y nakasisiguro na walang makakakita sa atin dito?" Ako'y nangangamba baka mamaya ay mayroong makakita sa amin at kami'y dakpin. Palinga-linga pa ako sa paligid habang maingat na naglalakad.

Inalalayan naman niya akong maupo sa malaking bato at naupo sa kabila na nasa aking tabi. Hinubad niya ang kanyang sapatos at binabad ang kanyang mga paa sa tubig.

"Hindi ko alam. Dito tayo dinala ng ating mga paa, e." Siya'y natawa sandali at napatitig sa tubig. Kitang-kita ang kanyang repleksyon na ngayo'y malungkot na ang mukha.

Ngayon lang bumalik sa aking alaala ang aming sitwasyon. Nang dahil sa ilang minuto naming pagtakbo, nakalimutan ko na ang mga pangyayari. Masyado akong nadala roon sa pakiramdam na ako'y nasiyahan nang siya'y aking muling makita't malapitan. Maging ang sama ng aking pakiramdam ay nawala.

Mas pinili ko na lamang na manahimik at tumingin sa kawalan. Hindi ko kayang makita ang lungkot sa kanyang mga mata. Tila ako ay nakararamdam ng pagsisisi sa aking ginawang paglisan at iwan siya mag-isa.

Nanghihina ako. Nanghihina ang aking puso sa totoo lang. Nais ko siyang yakapin at tanungin kung kumusta na ba siya o kung ano na ang kanyang lagay ngunit ang aking labi ay hindi ko mabuksan.

"Kumusta ka?" pagbasag niya sa sandaling katahimikan.

"Ayos lang." Ano bang klaseng tugon iyan, Emilia? Bakit tila labas sa ilong ang sagot na iyan?

"Nobyo mo na pala ang aking kaibigan."

Palihim na kumunot ang aking noo. Nais kong lumingon sa kanya subalit hindi ko ginawa. Marahil ay nabanggit ni Agapito ang tungkol sa aming relasyon gayong siya'y malapit sa pamilya ni Ginoong Severino.

"Gaano na kayo katagal?"

"Mahigit isang buwan pa lamang." Kumikirot ang aking dibdib sa lungkot ng kanyang tinig. Bakit ba pagdating sa kanya ako'y lubos na naaapektuhan?

"Maligayang pagbati para sa inyong dalawa." Marahan siyang tumawa kaya tuluyan na akong tumingin sa kanya. Siya'y nakangiti ngunit ang kanyang mga mata ay walang pagbabago. "Masaya ako para sa inyo."

Mariin akong lumunok at ngumiti nang kaunti. "Salamat." Bakit ganoon? Hindi ako nakararamdam ng saya sa kanyang pagbati? Dahil ba malungkot ang paligid o sadyang aking nararamdaman na siya'y malungkot?

"Kung hindi pa nabanggit ni Ina kung mayroon na ba siyang nobya, hindi ko pa malalaman." Umiwas siya sa akin ng tingin at napabuntong-hininga. "Hindi ko inaasahan na siya ang iyong makakatuluyan."

Hindi ko batid ang aking sasambitin. Ako'y naiilang ngunit nais ko rin siyang makausap. Nais ko siyang kamustahin. Nais kong itanong kung anong nangyari sa kanya nitong mga nakaraang buwan subalit wala namang lumalabas sa aking labi. Ang hirap. Ang hirap ng ganito.

"Bakit hindi ka man lang nagpadala ng liham? Sa Maynila ka pala nanirahan."

"Paumanhin." Dapat ko bang sabihin sa kanya na mas minabuti kong putulin ko na kung ano pa man ang aking ugnayan sa kanila lalo na sa kanya? Makita ko pa nga lamang siya ngayon na sobrang lungkot, ako'y nasasaktan na. Paano pa kaya kung sabihin ko sa kanya iyon ng harapan?

"Paumanhin na lamang ba ang iyong masasabi?" Siya'y lumingon sa akin nang bahagyang magkasalubong ang kanyang mga kilay "Iyan na lang ba ang iyong sasabihin sa akin? Araw-araw akong naghihintay sa iyong liham, Emilia, ngunit kahit kailan walang dumating sa akin."

Napayuko ako at napakagat sa aking ibabang labi. "Paumanhin." Ang sakit marinig na mula noon hanggang ngayon, siya ay naghihintay pa rin sa akin. Ano ba itong aking mga nagawa? Ngayon ko na lamang muli nagawang pagdudahan ang aking desisyon kung kailan siya'y nasa akin nang harapan. Paumanhin na lamang ba ang aking masasabi sa kanya?

"Marahil, ako'y tuluyan mo ng nakalimutan dahil mayroon ng bagong nagpapasaya iyo, tama?" Rinig ang kanyang mahinang tawa at aking napansin sa kanyang repleksyon sa tubig na siya'y umiling. "Patawad kung ganito ang aking asal. Wala nga pala akong karapatan na humingi sa iyo ng oras at atensyon." Siya'y mabilis na tumalikod sa akin ngunit wala rin namang saysay iyon dahil nakita ko pa rin ang pagpunas niya sa kanyang luha at muling humarap.

Habang tumatagal, mas lalong sumasakit ang aking dibdib. Mas mainam siguro kung ako'y aalis na. "Paumanhin ngunit ako'y aalis na. Marahil, hinahanap na ako ngayon ni Agapito at Delilah." Naroon din ang aking kaba na baka mataranta at sabihin ni Delilah sa isang katiwala ng bahay-tuluyan na ako'y nawawala.

Hinawakan niya ang aking kamay upang ako'y pigilan nang akmang ako'y tatayo na. "Maaari bang manatili muna tayo rito kahit ilang minuto pa? Pitong buwan kong hinintay na muli kitang makita't makasama."

Wala akong ibang nagawa kundi muling maupo at bumitiw sa kanyang pagkakahawak.

Malamig ang gabi ngunit ang kanyang kamay ay mainit.

Malamig ang gabi ngunit mas malamig ang namamagitan sa amin.

"Maraming salamat," dagdag niya, ngayo'y nakangiti na siyang tunay kahit may lungkot pa rin sa kanyang mga mata.

"Paano mo nga pala nalaman kung nasaan ako?" tanong ko. Kanina ko pa iyan naiisip at nais itanong sa kanya. Payapa akong nagpapahinga nang aking maramdaman na binabato ako.

"Naitanong ko sa kanya kung saan kayo tumutuloy ngayon. Nang sabihin niya na kayo'y magkasama, ako'y nakaramdam na pareho kayo ng tinutuluyan kaya agad akong gumawa ng paraan upang ikaw ay aking puntahan."

"Gumawa ng paraan?" Ako naman ngayon ang nakakunot ang noo. Ano ang kanyang ibig sabihin? "Hindi nila batid na tayo'y magkasama? Ikaw ay tumakas?"

Dahan-dahan siyang tumango at tumawa. "Ano naman ang bago roon? Hindi na ako nakapagpaalam pa dahil ako'y nasabik na muli kang makita kaya ganoon."

Hindi pa rin ako naniniwala sa kanyang tinuran. Batid kong may mali. "Magsabi ka nga ng totoo, Ginoong Severino."

Mas lalong lumakas ang kanyang tawa. "Hindi ka pa rin nagbabago, ikaw ay masungit pa rin, Mahal."

Mahal?

Naramdaman ko na naman ang pamilyar na kaba sa aking dibdib na aking nararamdaman noon. Ano ba ang kanyang kinain at sinambit niya iyon? Bumabalik sa akin ang lahat ng aming pinagsamahan sa kaunting oras lamang na kami ay nagkasama. Bakit ganito? May nobyo ka na, Emilia!

"Bakit ka natigilan? Naapektuhan ka pa rin ba sa ating tawagan, ha, MAHAL?" Umangat ang gilid ng kanyang labi nang nakangiti ng kakaiba. Hindi ko nagugustuhan ang paraan ng kanyang pagngiti, ha! Tila siya ay nanunukso. Ipinagdiinan pa niya ang huling salita kasabay na naman ng pagtaas-baba ng kanyang kilay. "MAHAL, tama ba ako?"

"Ako'y uuwi na," tanging nasambit ko. Ito rin naman ang tinatawag sa akin ni Agapito ngunit bakit pagdating kay Ginoong Severino, iba sa aking pandinig? Hindi ko maintindihan kung paano ito nagiging iba. Hindi ko rin naman maintindihan ang aking sarili.

"Biro lamang iyon, Emilia, ikaw naman. Pikon ka pa rin." Tuluyan na siyang humagalpak ng tawa na tila hindi iniisip kung mayroon bang makakarinig sa kanya. "Nais ko sanang isipin na ikaw ay naapektuhan pa rin sa salitang iyon."

"Bakit ako maaapektuhan, ganyan din naman ang tawag sa akin ng aking nobyo?"

Unti-unting nawala ang kanyang pagkakangiti at marahang napapatango. "A, mahal."

Hindi pa rin siya nagbabago mahilig pa rin siyang magbiro kahit ano pang sitwasyon. Hindi pa rin siya nabibigong pasayahin ako sa simpleng paraan man lang.

Ang swerte ni Binibining Floriana sa kanya. Siya'y nakatagpo ng lalaking pasisiyahin siya.

"Maligayang bati pala para sa iyo, ikaw ay ikakasal na." Ngayon lamang sumagi sa aking isipan ang tungkol doon. Siya'y tunay ng ikakasal na sa iba.

"A, iyon ba? Salamat." Bakit tila hindi naman siya masaya? Siya lang marahil ang aking nakita na malapit ng ikasal na hindi nasasabik at nasisiyahan.

"Sa kabila ng lahat ng nangyari, kayo rin pala ang magkakatuluyan."

"Nais mo bang ikaw na lamang ang aking hintayin sa altar? Maaari naman kung nais mo." saad niya.

"Kahit kailan panay ka biro." Napapailing na lamang ako sa kanyang mga sinasabi.

"Maaari ko namang ibigay sa iyo ang aking huling pangalan. Emilia y Fontelo, magandang pakinggan, hindi ba?"

Emilia y Fontelo

Emilia y Fontelo

Emilia y Fontelo

"Hindi naman maganda pakinggan ang Emilia Nuncio. Biro ulit," dagdag pa niya. Paano niya nagagawang sabihin sa akin ng harapan na hindi magandang pakinggan sa akin ang huling pangalan ng kanyang kaibigan?

"Ikaw ay aking isusumbong kay Agapito," wika ko nang natatawa. Ang lakas ng kanyang loob. Naalala kong muli ang sinabi sa akin noon ni Agapito, kaaway ang tingin sa kanya ni Severino pagdating sa akin. "Huwag mong sabihin na hanggang ngayon ako pa rin ang tinitibok ng iyong puso gayong ikaw ay ikakasal na?"

"Hindi naman nagbago," bulong niya ngunit sapat lang din upang aking marinig. Ano ang kanyang ibig sabihin? Hanggang ngayon ako pa rin? Biro lamang iyon. Sinabayan ko lamang siya sa kanyang tinuran patungkol sa huling pangalan. "Siya nga pala, ikaw ay aking pormal na iniimbitahan sa aming pag-iisang dibdib."

Tila mayroong tumusok sa aking puso. Bakit ang sakit pakinggan? "Ako'y aalis na, Ginoong Severino." Napahawak ako sa aking dibdib nang ako'y tumalikod. Hindi ko alam kung makakaya ko bang makita na ikakasal siya sa iba.

"Ihahatid na kita, Emilia." Naramdaman ko ang kanyang pagsunod sa akin at tahimik na sinasabayan ang aking mga hakbang.

Habang kami ay naglalakad pabalik sa bahay-tuluyan, tanging ihip ng hangin lamang ang maririnig. Wala ni isa sa amin ang nagtatakang magsalita. Kung mayroon man, marahil ay siya iyon. Ramdam ko na mayroon pa siyang nais sabihin sa paraan ng kanyang panaka-nakang pagtingin sa akin.

Napatingin ako sa paligid nang makarinig ako ng sunod-sunod na takbo ng mga kabayo malapit dito sa aming kinaroroonan. "Ano iyon?"

Maging siya ay natigilan at agad akong hinila sa kamay upang magtago sa likod ng malaking puno. Saktong nakikita namin ang mga kabayo na lulan ng mga guardia sibil na tila mayroong hinahabol.

Ramdam ko ang pigil ng kanyang paghinga habang nakatingin sa mga ito at bumulong. "Huwag kang lilikha ng kahit na anong ingay."

Ano ang nnagyayari? Bakit tila sila nagkakagulo? Itinuon ko ang aking mga mata sa kanila nang mayroon akong maaninag na dalawang tao na tumatakbo patungo rito at lihim na nagtatago sa malalaking puno. Hindi sila nakita ng mga guardia sibil dala na rin na madilim ang paligid.

"M-May tao, Ginoo."

"Napansin ko nga rin. Baka sila ang hinahabol ng mga guardia sibil."

"Tila nagdadalang-tao ang isa." Aking naaninag ang anino ng isa na malaki ang tiyan. Hindu mainam na siya'y tumakbo gayong mayroon siyang dinadala na supling.

"Busca en toda la zona! ¡No regreses hasta que los encuentres! (Search the whole area! Don't go back until you find them!)" sigaw ng isang guardia sibil.

"Sí, general! (Yes, General!)"

Sila ay naghiwa-hiwalay ng daan hanggang sa mawala ang yabag ng mga kabayo.

"Heneral? Si Heneral Cinco ba iyong sumigaw?" tanong ko. Ilang buwan ko ring hindi narinig ang kanyang tinig, a.

"Hindi. Iba na ang heneral ng guardia sibil ngayon, Emilia."

Ako'y lumingon sa kanya nang may pagtataka. "Ano? Paano? Ano ang nangyayari sa pamumuno ni Heneral Cinco?" Kung wala na siya sa posisyon, ano na ang kalagayan ngayon ni Georgina?

"Blanco Ruiz. Iyan ang pangalan ng bagong heneral na itinalaga."

"Ano na ang nangyari sa kanya?" Ako ay kinakabahan. Noong huling na sila ay aking nakitang magkasama ni Georgina, sa loob ng bahay-aliwan. Matagal na iyon. Ilang buwan na nakararaan. Bakit ang bilis ng galaw ng aking puso. Kung ano-ano na rin ang pumapasok sa aking isipan.

"Tanging sila lamang ang nakakaalam, Emilia, hindi nila ibinabahagi sa ibang tao kung ano man ang tunay na kaganapan. Nalaman na lamang namin noong nakaraang taon na bago na ang heneral."

"Georgina!"

Georgina? Si Heneral Cinco ba iyong sumigaw?

"Cin...co!"

"Emilia!" sigaw ni Ginoong Severino.

Hindi ko na siya pinansin pa at agad kong sinundan kung saan man nagmumula ang kanilang tinig. Batid kong sila iyon. Malapit lamang sila sa amin. Ibig sabihin sila ang hinahabol ng mga guardia sibil?

Kaya pala kanina habang ako'y naglalakad, pamilyar sa akin ang uniporme na suot ng isang guardia sibil na aking nakasalubong katulad sa uniporme ni Heneral Cinco. Marahil siya ang tinutukoy ni Ginoong Severino na bagong heneral.

"Cin...co, a-ang ating anak."

Marahas kong iwinasiwas ang nakaharang na mga sanga sa aking dinaraanan hanggang sila ay tuluyan ko ng makita.

"E-Emilia?"

Napaawang ang aking labi, nanlalabo din ang aking paningin at mariin akong napalunok sa aking nakikita.

Si Georgina ay nakahiga habang mayroong tumutulong dugo sa pagitan ng kanyang nga hita samantalang nakaalalay sa kanya si Heneral Cinco na ngayo'y namamaga ang mga mata, magulo ang buhok at nababahiran ng dugo ang kanyang puting manggas.

Tuluyan ng tumulo ang aking luha at napaupo upang maging kapantay ko sila. "G-Georgina." Nanginginig ang aking labi't katawan. Nakatuon lamang ang aking mga mata sa kanyang malaking tiyan, tila malapit na siyang magsilang.

"T-Tulungan niyo ka...mi, Señorita, por favor (please)," umiiyak na wika ng dating heneral, mga matang nagsusumamo at panay tingin kay Georgina na ngayo'y namimilipit na sa sakit. Marunong na siya sa aming wika?

Palipat-lipat ang aking tingin sa kanila. Tama ba ang aking narinig? Siya'y humihingi ng tulong? Sa kabila ng lahat ng kanyang ginawa sa akin, sa amin ni Ginoong Severino at kay Georgina, siya'y hihingi ng tulong? Naririnig ba niya ang kanyang sarili?

"Tulungan mo aking asawa, por favor? Por favor ayuda a mi esposa. P-Por favor sálvala. Por favor, salve a nuestro hijo c. Por favor, S-Señorita, ako na-nagmamakaawa sa i...yo. (Tulungan mo aking asawa, please? Please help my wife. P-Please save her. Please save our c-child. Please, S-Señorita, ako na-nagmamakaawa sa i...yo.)"

Nais ko mang tulungan siya ngunit nangingibabaw sa aking puso ang galit para sa kanya. Nais ko siyang tulungan ngunit muli lamang bumabalik sa aking isipan ang lahat ng kanyang ginawa.

"Por favor, Señorita. (Please, Miss)" Marahan niyang binitiwan saglit ang ulo ni Georgina, nakaluhod na lumapit sa akin at hinawakan ang aking dalawang kamay habang walang humpay sa pag-iyak. "Ang aking mag-ina, ligtas mo sila, Señorita, por favor guárdelos. (Miss, please save them)"

Siya'y napayuko at idinikit ang kanyang noo sa aking kamay habang mahigpit itong hinahawakan. Sa lakas ng kanyang paghikbi, dahan-dahan siyang nilapitan ni Georgina na ngayo'y umiiyak na rin ngunit hindi nagsasalita. Siya'y tumingin kay Georgina at hinaplos ang pisngi nito kahit nanginginig ang kanyang mga kamay. "P-Please save them, pleaseee? (P-Por favor, guárdelos, por favor)." bulong nito.

"Mierda! Gerogina, General! (Shit! Georgina, General!)" Ngayon ko lamang naramdaman ang presensya ni Ginoong Severino nang siya'y magsalita.

Nais kong magsalita. Nais kong gumalaw ngunit ang aking katawan ay tila naging bato. Hindi ako makagalaw. Mabibigat din ang aking bawat paghinga habang patuloy pa rin na tumutulo ang aking luha.

"Te ayudaremos. Salgamos de aquí ahora. (We'll help you. Let's get out of here now.)" Hindi ko man maintindihan ang sinambit ni Ginoong Severino ngunit base sa kanyang kilos, tinutulungan niya ang dalawa.

Agad din akong kumilos kahit hindi ko alam ang aking gagawin at isinantabi ang namumuong mga katanungan sa aking isipan. Nang sila'y aking makita, hindi agad ako nakapag-isip dahil ako'y natulala at nagulat. Aking inaamin na ako'y naging makasali ng ilang minuto. Mas inuna ko ang aking galit kaysa sa kanilang pinagdadaanan ngayon.

Ngayon ko lamang nakita ng ganito ang sitwasyon nilang dalawa. Hindi ko man din batid ang buong pangyayari ngunit isa pa ring heneral sa aking paningin ang lalaking minsan nang nagsuplong at nagpahamak sa amin.

"G-Ginoong Severino, maaari mo ba akong buhatin? Mahina na ang katawan ni Cinco dahil sa labis na mga sugat sa kanyang katawan," nanghihina at namamaos na wika ni Georgina Sa kabila ng kanyang kalagayan, iniisip niya pa rin ang kapakanan ng lalaking ito.

Dumako ang aking paningin kay Heneral na umiiyak at nakapikit. Ngayon ko lang din napansin ang mga sugat sa kanyang magkabilang kamay.

Kinausap ni Ginoong Severino ang heneral at dahan-dahan itong tumango. Dahil sa labis na panghihina ng heneral, ako ay umikot patungo sa kanyang gilid at siya ay aking inalalayan sa paglalakad na kanyang ikinabigla.

Nagtagal pa ng ilang segundo ang pagtitig niya sa akin at marahang ngumiti. Ibang-iba na siya kung ikukumpara noon na matikas at nakakasindak. Ngayon, tila siya ay isang maamong tupa na inapi ng kanyang mga kasamahan at tila wala ng ibang malapitan upang manghingi ng tulong.

"Gra...cias, Señorita. (Thank...you, Miss)"

Dalawang salita lamang ngunit nagpalambot sa aking puso. Naiintindihan ko ang mga katagang iyon. Hindi man ako makaintindi ng purong wikang Espanyol ngunit may iilang salita rin akong nalalaman.

"Tigil, mayroong paparating," wika ni Ginoong Severino at marahang ibinaba si Georgina upang makatagong mabuti sa malalaking halaman. Ganoon din ang aming ginawa.

Mayroon ngang mga guardia sibil ang paikot-ikot habang mayroong dalang mga sulo at walang humpay na naghahanap sa kanilang dalawa.

Kahit hindi na ako magtanong pa, batid kong sila talaga ang hinahabol ng mga ito.

"Saan tayo tutungo, Ginoo? Mayroon ka bang nalalaman na maaari nilang matuluyan kahit ngayong gabi lamang?"

"Wala nga, e. Kung maaari lamang sa aming hacienda, ako ay hihingi ng tulong kay Ama."

"Huwag. Ayaw na naming makaabala pa, Ginoong Severino. Kahit saan basta malayo lamang dito. Ramdam ko na kahit anumang oras, puputok na ang aking panubigan."

"Mi Amor, (my love)" mahinang sambit ni Heneral Cinco at hinawakan ang kamay ni Georgina.

"Podemos hacer esto, ¿de acuerdo? Podemos hacer esto. (We can do this, okay? We can do this.)"

Nakakunot ang aking noo ngunit napangiti si Ginoong Severino nang siya'y tumingin sa dalawa.

"Hindi ko inaasahan na darating ang araw na mangyayari ito." Siya'y huminto sandali, tumingin sa paligid at muling ibinalik ang tingin sa heneral. "Tú fuiste la razón por la que mis planes se arruinaron. No nos dejarías escapar, en cambio, nos trajiste de regreso a Doña Israel y la enfrentaste, pero aquí estamos, ayudándote después de todo. (You were the reason why my plans got ruin. You wouldn't let us escape instead you brought us back to Doña Israel and faced her but here we are, helping you after all.)"

"Lo siento, Señorito Severino, lo siento mucho (Sorry, Mister Severino, I'm very sorry.)"

"Wala na iyon. Parte na iyon ng nakaraan. Ang importante ay hindi na muli pang bumalik sa lugar na iyon si Emilia."

Ang kanya bang tinutukoy ay ang nangyari noong gabing nahuli kami ni Heneral Cinco nang ako'y kanyang tinakas mula sa bahay-aliwan? Tuluyan ko lamang naintindihan ang kanyang tinuran ng kanyang banggitin ang pangalan ni Doña Israel at ang kanyang huling sinabi.

Hindi ko inaasahan na sa kabila ng nangyari sa pagitan naming apat, siya ay aming tutulungan sa kanyang problema.

Kung sino pa ang aming kinikilalang kaaway, siya pa ang aming matutulungan nang hindi inaasahan.

"Hali na, wala na sila. Alam ko na kung saan tayo tutungo upang manghingi ng tulong ngunit hindi na kakayanin kung tayo'y tatakbo pa. Kailangan natin ng karwahe," dagdag pa niya.

"Kanino tayo hihingi ng tulong?" Mayroon pa ba kaming mahihingan sa oras na ito?

"Ang mag-asawang Ignacio, Emilia."

---------------------Abril 1, 1896------------------

"Ating batiin ang bagong kasal!" sigaw ng pari na sinabayan nang malalakas na sigaw at hiyawan ng mga panauhin.

Tulad ng aking inaasahan, tunay ngang pinaghandaan ito ng dalawang pamilya. Kumpleto sa mamahaling kulay puti at pulang bulaklak bilang dekorasyon sa paligid at ang mga panauhin na dumalo ay kabilang sa matataas na antas.

"Maligayang bati!"

"Mabuhay ang bagong kasal!"

Napangiti na lamang ako sa kanya nang magtama ang aming mga mata. Kanina pa sumasakit ang akin puso hindi pa man nagsisimula ang seremonya.

Nais kong ipikit ang aking mga mata at isiping ako'y nananaginip lamang ngunit hindi, e, tunay ito. Tunay na nangyayari ang lahat ng ito.

Mula nang kami ako bumalik dito ni Agapito, dalawang linggo na ang nakararaan, hindi ko maintindihan ang aking damdamin. Ako'y naguluhan. Nagsisimula na ring hanapin ng aking puso ang lalaking una kong minahal. Muli kong hinahanap ang kanyang pagmamahal, ang init ng kanyang mga palad, ang kanyang matatamis na ngiti at ang kanyang mga baong biro na nagpapagaan sa aking puso sa tuwing mabigat ang aking nararamdaman.

May nobyo ako ngunit ang aking puso ay siya ang hinahanap at nais makasama hangga't hindi pa siya tuluyang naikakasal. Mayroong parte sa aking puso na nagsasabing sulitin ko na ang mga nalalabing oras dahil batid kong matapos ang araw na ito, simula ngayon, ibang klase na ng buhay ang kanyang kahaharapin. Ibang buhay na rin ang naghihintay sa akin.

Mabilis kong ipinahid ang aking luha at bahagyang tumalikod para ayusin ang aking sarili. Hindi dapat akong makita ni Agapito na nasasaktan ngayon. Iisipin niyang mayroon pa rin akong nararamdaman para sa kanya.

Ano na ba itong nangyayari sa akin? Hanggang ngayon ba ako ay umiibig pa rin sa kanya? E, ano ang ibig sabihin ng aking nararamdaman para kay Agapito?

"Pakiramdaman mo ang iyong sarili, Emilia, huwag kang matakot pumili. Huwag kang matakot na itama ang isang pagkakamali na iyong nagawa."

Umalingawngaw sa aking isipan ang tinig ni Georgina nang kami ay nagkausap noong nakaraang araw. Nasabi ko sa kanya ang aking saloobin patungkol sa bagay na ito dahil hindi na ako makatulog nang mahimbing dahil dito.

Paano kung hindi ako bumitiw?

Paano kung siya'y aking ipinaglaban?

Paano kung mas pinili kong maging makasarili?

Paano kung umayon sa amin ang tadhana't panahon?

Sana ngayon ako babaeng hinintay niya sa harap ng altar.

Sana ako ang babaenh inalalayan niya ng kanyang huling pangalan

Sana kapwa kami masaya't magkasama.

Sana hindi kami naghiwalay.

Ang dami kong tanong na wala pang kasagutan. Ang daming "sana" na hindi natupad.

Kung ako ang tatanungin, kung ako'y magpapakatotoo sa aking nararamdaman ngayon, aking aaminin na ako'y lubos na nasasaktan. Sino ba naman ang hindi masasaktan kung ang lalaking minahal mo ng sobra ay harap-harapan mong masasaksihan na ikakasal sa iba?

Sino ang hindi masasaktan at masisiraan ng ulo kung ang aking inaakala na puso kong tuluyan nang nakalimot, ngayo'y nangangarap na sana ako na lamang ang babaeng nasa kanyang tabi ngayon.

Pakiramdam ko'y lahat ng sakripisyo na aking ginawa para sa kanya at sa kanyang pamilya ay nagkaroon na ng bunga. Naayos ang hindi pagkakaunawaan at natuloy ang naudlot na pag-iisang dibdib. Tama lamang din pala na ako'y lumayo at aking pinutol ang aming komunikasyon.

Nagbunga rin ang lahat ng sakit at sakripisyo, Emilia. Nagbunga ang pagbitiw mo sa kanya.

Dahan-dahang naglakad sa gitna ang bagong kasal habang sinasalubungan ng mga palakpak. Bakas sa mukha ni Binibining Floriana ang sobrang saya. Ang kanyang mga mata ay punong-puno ng pagmamahal ay ang kanyang ngiti ay sobrang ganda na bumagay at nagpalitaw lalo sa kanyang kagandahan.

Sa labas ng simbahan, mayroong nakahandang malaking karwahe para sa kanila. Sino rin bang mag-aakala na sina Crisanto at Gascar ang kutsero.

Nagtama ang mga mata namin ni Gascar. Hindi ko alam kung guni-guni ko lamang ba ito o sadyang malungkot ang kanyang mga mata nang siya'y mapatingin sa akin?

Marahil hanggang ngayon, hindi pa rin niya nalilimutan ang nangyari noon.

"Magkita-kita na lamang tayo sa hacienda De Montregorio para sa napakalaking handaan, mga panauhin!"

"Hali na, Mahal," wika ni Agapito at hinawakan ang aking kamay kaya ako ay ngumiti at tumango sa kanya.

Sinundan ko lamang ng tingin si Ginoong Severino hanggang siya ay makasakay ng karwahe. Nang ito'y gumalaw na, muling nagtama ang paningin naming dalawa nang siya ay sumilip sa bintana.

Iginamit ko ang malaking abaniko na ibinili sa akin ni Agapito upang ipangtakip sa aking mukha nang muli kong maramdaman ang pagbasa ng aking pisngi. Hindi ko na maunawaan ang aking sarili.

Marahil, mahal pa rin kita hanggang ngayon, Severino.

Marahil, iyan ang katotohanan na pilit kong itinatanggi sa aking sarili dahil lamang ako ay may nobyo na.

Marahil, ang nararamdaman ko para sa iyong kaibigan ay hindi kasinglalim ng aking pagmamahal sa iyo.

Marahil, kahit kailan ay hindi nawala ang aking pag-ibig para sa iyo.

Marahil, ikaw pa rin hanggang ngayon.

Marahil, ang aking puso ay paulit-ulit na umiibig sa iyo.

Marahil nga kase kung hindi naman, hindi ako masasaktan ngayon.

Patawarin mo sana ako kung tayo'y umabot sa ganito.

Patawarin mo sana ako kung ako'y bumitiw sa iyo.

Patawarin mo sana ako, Severino.

****

Katatapos lamang ng kainan, ako'y nagpaalam muna na gagamit ng palikuran ngunit ako'y dumiretso rito sa hardin ng hacienda De Montregorio.

Dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas mula nang ako'y bumalik dito ngunit pakiramdam ko ang mahigit isang buwan na.

Ang daming nangyari ngunit ako'y masaya dahil sa wakas, kami rin ay nagkausap ni Heneral Cinco. Siya'y humingi sa akin ng tawad. Maging kami rin ni Georgina ay nagkausap at naisalaysay niya sa akin ang lahat ng nangyari sa kanila ni Cinco.

Nakakalungkot din dahil sila rin ay lumayo. Mas pinili nilang lumayo rito at manirahan sa ibang lugar kung saan wala gaanong nakakakilala sa kanila lalo na kay Heneral Cinco. Hindi nga lang niya nabanggit sa akin kung saan dahil maging sila, hindi nila alam kung saan.

At ngayon, narito ako sa kanilang hardin, nakaupo at tahimik na nakatingin sa kawalan habang dinadama ang lamig ng hangin. Papalubog na rin ang araw kaya mas lalong gumaganda ang tanawin.

"Emilia."

Ako'y napalingon nang aking marinig ang tinig ni Ginoong Severino at naupo sa aking tabi. Tanging ngiti na lamang ang aking itinugon at marahang lumayo sa kanya nang kaunti habang nakatingin sa kawalan. Masyado siyang malapit sa akin.

Kalma, Emilia, ikaw ay kumalma. Ito na naman ang aking puso, nag-uunahan sa pagtakbo.

"Kanina pa kita hinahanap, dito lamang pala kita matatagpuan," dagdag pa niya.

Nangingibabaw sandali ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Ako'y naiilang. Nais kong umalis dahil hindi mainam na kami ay magsama lalo na't siya ay may asawa na.

"Patawarin mo ako, Emilia," pagbasag niya sa katahimikan.

Tumingala ako upang mapigilan ang aking luha. Ito na ba ang huli naming pag-uusap? Sana hindi pa.

"Patawarin mo ako kung tayo'y umabot sa ganito."

Emilia, huwag kang umiyak, parang awa mo na.

"Patawarin mo kung hanggang dito na lamang t-tayo."

Kahit na anong gawin kong pagpipigil, tuluyan ding bumagsak ang aking luha. Bakit sobrang sakit? Sa tuwing kami ay nagkakausap lagi na lamang akong nasasaktan.

"Kay tagal kong hinintay na tayo'y magkitang muli. Sino ba namang mag-aakala na ang kasal lang pala ang susi upang tayo'y muling magkita?"

Nanatili akong tahimik, hindi ko alam ang aking sasabihin. May dapat nga ba akong sabihin o itatago ko na lang ito sa aking sarili?

"Patawad, Emilia," bulong niya.

"Ayos l-lang," mahina ngunit sapat na upang marinig niya. Wala naman akong ibang magagawa kundi ang maging ayos lang. Wala na rin kaming magagawa, nangyari na ang nangyari. Kailangan na lamang namin tanggapin ang lahat.

"Ngunit nais kong malaman mo na ikaw pa rin ang aking iniibig kahit ako'y kasal na sa iba."

"A...no?" sabay tingin ko sa kanya.

Siya'y ngumiti kahit namumula ang kanyang mga mata. "Hindi mo ba pansin na ako'y umiibig pa rin sa iyo? Ang labo pala ng iyong mga mata kung ganoon." Tumawa siya nang marahan at ginulo ang aking buhok.

"Ngu-Ngunit bakit ikaw ay nagpaka...sal sa ----."

"Mahabang kuwento, Mahal." Nahinto ang kanyang pagtawa at napalitan ng kaunting ngiti. "Ginawa ko lamang kung ano ang sa tingin kong makabubuti para Floriana kahit ang kapalit niyon ay ang aking kaligayahan. Ang tanging alam ko lang ngayon, ikaw lang ang nais kong makapiling at makasama."

Hindi ko maintindihan. Anong makabubuti para kay Binibining Floriana? Ano ang ibig sabihin niyon?

"Nawa'y maikuwento ko sa iyo ang lahat pagdating ng tamang araw kapag tayo ay muling nagkita."

"Hindi mo ba maaaring sabihin sa akin ngayon? Kase alam mo, Ginoong Severino, ako'y naguguluhan na. Hindi ko na alam ang aking dapat maramdaman. Mula nang ako'y bumalik dito, lahat ay nagulo." Tila isa akong bata na nagsusumbong sa kanyang ina. Hindi ko na kaya pa. Wala na, hindi na kaya ng aking puso na kimkimin pa ito.

Hinawakan niya ang aking kamay. "Patawad, Ma...hal."

"Sabihin mo kase sa akin la...hat." Tuluyan na akong humagulhol kaya ako ay kanyang niyakap nang mahigpit. "Paano ko malalaman? Paano ko maiintindihan? Paano na tayo? Paano tayo, S-Severino?" Pumapasok sa aking ilong ang kanyang amoy. Inaamin kong gumagaan kahit papaano ang aking pakiramdam. Tulad pa rin ng dati, ang kanyang mga bisig lamang at tanging siya ang nagpapakalma sa akin.

Tila siya ay nagulat dahil mabilis niya akong hinarap sa kanya habang kumukurap at nakaawang ang labi. "Mahal mo pa rin ako?"

Nakaramdam ako ng inis sa aking sarili. Bakit ganito? Ako'y litong-lito na. "Akala ko wala na akong pag-ibig sa iyo dahil may nobyo na ako ngunit bakit ganito, Severino? Bakit masakit? Bakit ako nasasaktan gayong may nobyo na ako? Marahil ay hindi nawala ang pag-ibig ko para sa iyo."

"Sssshhh tahan na, aking mahal, tahan na. Ako'y nasasaktan. Tahan na." Kinapa niya ang kanyang aking bulsa. Tinitingnan ko lamang ang kanyang galaw. Ano ang kanyang hinahanap?

"Anong gagawin ko riyan?" tanong ko nang ilapit niya sa akin ang kanyang manggas at tila naghihintay.

"Ipunas mo rito ang iyong mukha. Napupuno na ng luha't sipon ang iyong mukha. Para kang paslit na nawalan ng kalaro."

"Salamat" sabay ngiti ko.

Hinawakan niya ang aking parehong kamay, marahan itong hinagkan nang siya'y nakapikit. Tumagal iyon ng ilang segundo bago mulimg tumingin sa akin. Napakainit ng kanyang labi. "Kahit na hindi tayo ang nagkatuluyan, ikaw pa rin ang aking mamahalin, Emilia." Ipinakita niya sa kanya ang kanyang matamis na ngiti patuloy na nagsasalita ang kanyang mga mata na mas nagpapabagsak sa aking mga luha. Nasasaktan ko na naman ang aking mahal.

"Patawad kung hindi ko maintindihan ang aking sarili ngunit ngayon sa aking nararamdaman, nakatitiyak akong mahal pa rin kita." Pinunasan ko ang kanyang luha kahit nanlalabo na ang aking mga paningin. Sinubukan ko ring ngumiti para kahit papaano, ang aking matamis na ngiti ang huli niyang makikita sa akin.

"Paano na si Agapito?"

"Hindi ko alam."

"Parang ako lang dati, a?" Bahagya pa siyang natawa kaya ako rin ay natawa. Marahil ito ang kanyang nararamdaman noong mga panahong siya ay naguguluhan na. Ngayon, batid ko na ang pakiramdam.

"Batid ko na ngayon kung gaano kahirap para sa iyo ang mamili. Batid ko na ngayon kung gaano ka nahihirapan kung ano ang dapat mong gawin kase ako mismo ngayon ay nakararanas na." Tulad ng payo sa akin ni Georgina, kailangan kong mamili ngunit hindi ganoon kadali lalo na't batid na batid kong mayroon akong masasaktan. Hindi lang isang tao kundi maging ang mga tao sa aming paligid. Akala ko noon, mali ang kanyang nararamdaman para sa akin dahil sa aking paningin at sa paningin din ng ibang tao, mali ang umibig sa iba kung ikaw ay may karelasyon na. Ngunit ngayon, tila nais ko na lamang kalimutan kung ano ang tama sa mali para lang masunod ko ang aking kaligayahan.

"Tama ka, hindi madali ang bagay na ito. Maging ako ay muntikan ng mabaliw kakaisip kung ano ang dapat kong gawin ngunit sa huli, ikaw pa rin ang aking pinili dahil batid ko na ikaw na talaga ang isinisigaw nito." Kinuha niya ang aking kanang kamay at inilagay sa tapat ng kanyang dibdib. "Nararamdaman mo ba ang pintig ng aking puso, Emilia? Ito lagi ang kasagutan sa aking mga katanungan. Ito lang ang alam kong dahilan. Ito lang."

Tumango-tango ako at niyakap siya nang mahigpit. "Mahal kita, Severino, mahal na mahal. Patawad kung hindi ko naiparamdam sa iyo. Patawad kung ako ay naguguluhan at umabot pa sa ganito." Batid kong hindi sapat ang mga katagang iyon para maramdaman niya ang aking pag-ibig.

Gaano lamang ba katagal kami nagkasama? Sa maikling panahon na iyon, mas nangingibabaw ang sakit na ipinaranas sa akin, sa amin ng ibang tao kaysa sa aming pagsasama. Batid kong hindi ko naiparamdam sa kanya kung gaano ko siya kamahal.

Hindi ko akalain na sa kabila ng sakit at gulong nararamdaman ng aking puso, tanging mga bisig niya lamang ang magpapakalma sa akin. Ano bang kapangyarihan ang mayroon ka, Ginoo, bakit mo nagagawang pakalmahin ang aking puso?

"Naaalala mo ba ang gabing ikaw ay lilisan?"

Ako ay tumango. Naalala ko ang gabing iyon. Iyon ang gabi na akala ko huli na naming pagkikita't pag-uusap bago ako magpakalayo.

"Sa gabing iyon, lubos kong naramdaman ang iyong pagmamahal. Hindi sapat, oo, iyon ay aking inaamin ngunit mas pinili kong sulitin ang gabing iyon lalo na't ako ay walang kasiguraduhan na tayo'y muling magkikita." Hindi na siya nag-abala pang punasan ang kanyang mga luha. Hinahayaan niya na lamang ito na lumandas.

"Kahit ganito ang ating sinapit masasabi kong ako pa rin ang pinakamasuwerteng lalaki sa mundo. Batid mo ba kung bakit?" Dahan-dahang sumilay ang kanyang matamis na ngiti na nagpalitaw sa kanyang malalalim na biloy. "Sa kabila ng lahat ng nangyari sa atin, tayo'y nagkalayo, tayo'y pinagkaitan ng pagkakataon na magsama, mahal pa rin natin ang isa't isa. Iyon naman ang mahalaga, hindi ba?"

Maaari ba akong humiling ngayon? Maaari bang maging isipin ko muna ang aking sarili ngayon? Maaari ba akong maging makasarili kahit ngayon lang? Alam ng aking puso at alam ko na siya lamang ang nais ko ngayon. Maaari ba?

"Nawa'y maitama ko ang lahat ng ito balang araw, Mahal. Nawa'y balang-araw, mangyari at umayon na sa atin ang tadhana. Kay tagal kong hinihintay na tayo'y muling magsasama at hangga't kaya ko, ako ay patuloy na maghihintay hanggang sa matupad na ang lahat ng aking mga hiling para sa ating dalawa."

"Naniniwala akong isinusulat ng tadhana ang ating pag-iibigan tulad ng aking paniniwala na tayo'y magkikita at magsasamang muli sa kabilang buhay." Kung hindi man ito ang tamang panahon para sa aming dalawa, marahil, ang panahon sa kabilang buhay ang para sa amin.

Mas lalong lumapad ang kanyang pagkakangiti at idinikit ang kanyang noo sa aking noo. "Sa panahon na iyon, pareho na nating makakamtan ang inaasam nating walang hanggan na kaligayahan. Ikaw at ako sa panibagong panahon. Ikaw at ako hanggang sa kabilang mundo."

"Pangako, maghihintay ako sa iyo, Severino mahal, itatama ko rin ang lahat ngunit ngayon batid kong kailangan din tayo nina Agapito at Floriana. " Marahil, ang kabilang mundo ang mundo na nararapat para sa atin, Severino.

"Aking hihintayin ang panahon na iyon. Sa kabilang buhay man o sa ibang panahon." Hinalikan niya ang aking kanang kamay habang nakapikit at binitiwan niya rin. "Ngunit sa ngayon, kailangan nating harapin kung ano man ang buhay na mayroon tayo ngayon. Kailangan nila tayong dalawa, Emilia."

Pinunasan ko ang aking luha at himinga nnag malalim bago ngumiti. "Tama ka. Sa ngayon, ako'y magpapaalam muna." Panghahawakan ko ang kabilang panahon na iyon, Severino, hahawakan ko nang mahigpit iyon para kapag dumating na ang araw na iyon, hindi ka na muling mawawala sa akin. Hindi na kita muling bibitiwan pa.

"Paalam muli, Mahal, hanggang sa muli nating pagkikita. Mahal na mahal kita, Emilia,"

"Mahal na mahal din kita, Ginoong Severino."

Sabay kaming naglakad palayo ng hardin at naghiwalay ng landas para bumalik sa kanya-kanya naming puwesto.

Batid naming dalawa na wala dapat makaalam na kami ay saglit na nagkasama.

Sa paghihiwalay ng aming landas, ako'y umaasa at naniniwalang muli kaming magkikita.

Mahal kita, Severino.

Mahal na mahal.

----------------------Abril 1, 1944------------------

"Paumanhin kung ngayon lamang ako nakabalik," wika ng isang lalaki na pumasok na lamang dito sa loob, nakaputing manggas at itim na salawal, itinanggal ang kanyang suot na salakot at inayos ang kanyang magulong buhok. "Paumanhin, Tina, kung ngayon lamang ako nakabalik. Kagigising ko lamang. Nalimutan ko ang oras ng aking trabaho." Siya'y ngumiti nang malapad na nagpasingkit sa kanyang mga mata at nagpalitaw sa kanyang malalalim na biloy.

Nakita ko na lamang ang aking sarili na nakahawak na sa aking dibdib. P-Paanong siya'y...?

"Soshite, anata wa karera ni isha ga doko ni iru no ka tazunete imasu yo ne? (And you're asking them where the doctor is, right?)" tanong niya nang siya'y humarap sa hapones.

"Hai. Anata wa (Yes. Are you?)"

"Īe, demo watashi wa soko ni tsukimasu. (No, but I'm getting there.)" Marahan pa siyang natawa at tinapik sa balikat ito. Agad namang kinuha ang kanyang braso at inikot. Ako ang nasasaktan para sa kanya. Parang kaunti na lamang maririnig ang pagbali ng kanyang buto. "Aaaa, aaaaray! Ito naman parang tinapik lang!" Siya'y napangiwi ngunit mababakas sa kanyang mukha na siya'y natatawa. "Watashi o hanaremashou. Anata ga watashi no te o hanasanakereba, watashi wa isha ga doko ni iru no ka oshiemasen! (Let go off me. I won't tell you where's the doctor if you won't let go of my hand!)"

"Ima oshiete! (Tell me now!)"

"Pakawalan mo muna ako. Watashi o hanare sasete kudasai, to watashi wa iimashita. (Let go off me, I said). Hindi makaintindi, ang tigas ng ulo." Sinabayan niya ng marahang pag-iling at pagkakunot ng noo ang kanyang pagsasalita at hinilot ang kanyang braso.

Lihim akong napangiti sa kanyang inasal. Mayroon akong isang tao na naalala sa kanya ngunit ang aking ipinagtataka kung bakit siya'y kawangis ng lalaking matagal ko ng hindi nasisilayan. O sadyang guni-guni ko lamang ito?

"Kayo'y pumaslang ng tao, nararapat sa inyo hindi bigyan ng lunas," dagdag pa niya at napasulyap sa hapones na duguan. Makaraan ang ilang segundong pagtitig, siya'y napailing at lumingon sa babaeng gumamot sa akin.

"Tina, maaari mo bang ayusin ang ating kagamitan? Tatawagin ko lamang si Itay."

"Sige, Tiano."

Tiano? Tiano ang kanyang pangalan?

-------------

<3~