Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 28 - Kabanata 26 ✓

Chapter 28 - Kabanata 26 ✓

Music: Hiling by Jay-R Siaboc

Music: HILING by Jay-R Siaboc

Severino

Agosto 14, 1895

"Tunay na kaibig-ibig," bulong ko at napangiti habang hawak-hawak at tinititigan ang aking iginuhit na larawan ni Emilia rito sa aking kuwaderno.

Kay ganda talaga niya. Kahit saang anggulo tignan, tunay na lumilitaw ang kanyang kagandahan kahit na araw-araw ay magulo ang kanyang buhok at napaglumaan na ng panahon ang kanyang kasuotan.

Ako'y napangiti. Mula nang siya'y mawala rito sa aming hacienda at mapunta sa bahay-aliwan, nawalan na rin ako ng lakas makahalubilo sa iba. Nawalan ako ng taong tutuksuhin sa araw-araw.

Lagi kong naiisip ang kanyang naiinis na mukha, umiikot na mata sa tuwing siya'y nagagalit na, ang kanyang mga reklamo na kanyang binubulong ngunit naririnig ko naman, ang kanyang pagiging masungit sa araw-araw sa lahat ng tao at higit sa lahat ang kanyang nakangiting mukha na minsan lang masilayan.

Lahat ng iyon ay aking inaasam araw-araw. Lahat ng iyon ay nais kong makita. Hinihiling ko na lamang na nawa'y isang araw matapos na lahat ng problema upang siya'y akin ng makita't makasama.

Kahit kailan, hindi sumagi sa aking na mangyayari ang lahat ng ito. Kahit kailan, hindi ko inaasahan na makikita ko ang aking sarili na iibig sa isang tao na hindi ko inaasahang iibigin lalo na't ako ay mayroong nobya at ikakasal na.

Hindi ko batid kung bakit at paano iyon nangyari. Isang araw, batid ko sa aking sarili na mahal ko ang aking nobya subalit nang ako'y pumikit at muling nagising, naramdaman ko na lamang ang pagbabago sa aking damdamin.

Ang hirap ipaliwanag. Maging ako noong una ay naguguluhan at nahihirapan. Batid ko rin naman na sa mata ng ibang tao, ako ay nakagawa ng isang napakalaking kasalanan na kahit kailan ay hindi mabibigyan ng kapatawaran.

Ngunit kung ito man ay maituturing na malaking kasalanan, aking tatanggapin ang nakaatang na kaparusahan kahit kamatayan pa.

Naramdaman ko na lamang ang pag-init ng aking mga mata at muling hinaplos ang pahina.

Kailan kaya kita makakapiling, Emilia?

"Severino!"

Agad kong naitago ang aking kuwarderno sa ilalim ng aking unan at lumingon sa pintuan ng aking silid na marahas na binuksan ni Ama na namumula ang mukha't nakakunot ang noo habang sinusundan naman ni Ina na mayroong pag-aalala.

Nanatili lamang akong nakaupo sa aking higaan habang nakatingin sa kanila. Mula nang kunin nila rito si Emilia, hindi na naging maayos ang lahat. Unti-unting nagugulo ang dating tahimik at maayos.

"Ano itong aking naririnig na hiwalay na kayo ni Binibining Floriana?"

"Faustino, maghulos-dili ka nga!" wika naman ni Ina at hinahawakan sa braso si ama.

Mag-iisang buwan na nang kami ay maghiwalay at ngayon, unti-unti na pa lang kumakalat sa bayan.

"Ako ba'y sasagutin mo o hindi?"

"Totoo po iyon, Ama." Ano pa ba ang saysay kung aking itatanggi? Batid ko naman na kahit hindi namin sabihin, iyon ay malalaman nila sa takdang panahon.

"Ano?" Mas lalong namula ang kanyang mukha samantalang ang aking ina ay natigilan at nagtatanong ang kanyang mga mata.

Batid naman ni Ina ang tungkol sa aking nararamdaman. Nabanggit ko sa kanya noong nakaraang buwan na ako'y naguguluhan at nalilito na. Hindi ko na rin kaya pang ikimkim ito dahil habang tumatagal, mas lalong lumala ang sitwasyon at ang aking damdamin kaya ako'y humingi na ng payo sa alam kong mas makakatulong at mas makakaintindi sa akin.

"Sino ang nakipaghiwalay?"

"Ako po."

Naramdaman ko na lamang ang pagsikip sa bahagi ng aking leeg nang hablutin ni ama ang aking kuwelyo at pinatayo. "Ano ang iyong iniisip bakit mo iyon ginawa?!"

Akala ko hanggang dito lang, nalasahan ko na lamang ang mala-kawalang na likido sa gilid ng aking labi. Hindi agad sumagi sa aking isipan na ako'y kanyang sinuntok.

"Faustino! Itigil mo iyan! Nasasaktan ang iyong anak!" Lumapit sa akin si Ina at ako'y niyakap. Ngayon ko mas lalong naramdaman ang pag-iinit ng aking mga mata. Ngayong ako ay lubos na nahihirapan, ngayon ko mas lalong kailangan ang yakap ng aking ina.

"Dapat lamang na siya'y maturuan ng tamang aral! Hindi mo ba naisip ang bunga ng kanyang ginawa, Criselda?! Siya'y usap-usapan na ng mga tao!"

"Ngunit hindi sapat na dahilan iyan para pagbuhatan mo ng kamay ang iyong anak! A-Anak mo ito, Faustino, hindi siya ibang tao." Humigpit ang pagkakayakap niya sa akin kasabay ng pagkabasag ng kanyang tinig.

Umangat ang aking tingin. Kung ang pagluha ni Emilia ay isa sa aking mga kahinaan, ang luha naman ng aking ina ang pinaka nagpapahina at pinaka ayaw kong makita sa lahat.

Hinawakan ko ang kanyang mukha, pinunasan ang kanyang luha kasabay ng aking bulong. "Ayos lang ako, Ina, huwag ka nang mag-alala pa." Sinabayan ko pa ng matamis na ngiti upang maibsan ang kanyang pag-aalala. Hindi na niya kailangan pang mag-alala, kaya ko naman tiisin ang sakit na ibibigay ni Ama.

Muli kong ibinalik ang aking tingin kay Ama na ngayo'y hindi na maiguhit ang mukha. Nakayukom pa rin ang kanyang mga kamao at marahang umiiling. "Hindi ko inaasahan na ikaw ang magdadala ng kahihiyan sa ating pamilya. Binahiran mo ng dumi ang aking pangalan bilang gobernadorcillo. Binahiran mo ng dumi ang pangalan na aking binuo't inalagaan."

"Pangalan? Mas mahalaga pa sa iyo ang iyong posisyon kaysa sa iyong sariling dugo't laman, Faustino?"

"Ina, tama na. Baka ikaw pa'y atakihin sa puso."

"Criselda, huwag kang makisali rito, usapan namin ito ng iyong ana---."

"Ina niya ako, Faustino! Paanong hindi ako dapat makisali? Naririnig mo ba ang iyong sarili, ha? Ina niya ako. Dapat lamang na protektahan ko ang aking anak."

Napabuntong-hininga na lamang ang aking ama at lumayo kaunti sa amin. Hinarap naman ako ni Ina sa kanya at hinaplos ang aking sugat sa gilid ng aking labi.

"Ayos ka lamang ba, anak? Masakit ba? Hali ka, aking gagamutin iyan."

Akamng siya'y aalis upang kumuha ng gamot nang siya'y aking hawakan sa kanyang kamay.

"Huwag na po, Ina, hindi naman po masakit." Tunay naman na hindi masakit. Wala nga akong maramdaman, e. Mas masakit pa nga ang nangyayari sa akin ngayon kaysa sa kanyang malakas na suntok.

"Bakit mo iyon ginawa, Severino?" Malumanay na ngayon ang boses ni Ama kung ikukumpara kanina. Nanatili pa rin siyang nakatalikod mula sa amin habang nakaharap sa kawalan. "Batid mo naman na napagkasunduan na ng ating mga pamilya na kayo'y mag-iisang dibdib sa darating na Disyembre, hindi ba?"

"Batid ko naman po iyon, e, ngunit ginawa ko lamang po kung anong tama para sa akin." Mali bang piliin kung anong makapagpapasaya sa akin?

Siya'y humarap nang nakakunot ang noo. "Anong tama? Ang putulin ang inyong ugnayan?"

"Ang piliin po ang babaeng nagpapasaya sa akin at iniibig ko ngayon."

"Anak," wika ni Ina at hinawakan ang aking braso."

"Hindi naman po mali na piliin ko ang binibining aking iniibig, hindi po ba?"

"Ngayon? Ang iyong ibig sabihin, hindi na si Binibining Floriana ang nagpapatibok sa iyong puso?"

Marahan akong tumango at naupo sa aking dulo ng aking higaan. "Opo. Hindi ko batid kung paano nangyari, naramdaman ko na lamang na mayroon na akong nararamdaman para kay Emilia." Ako'y pumikit at napahimalos ng mukha. Pinigilan ko naman noong una, e, ngunit habang tumatagal mas lalo lamang lumalala ang aking nararamdaman. Bakit ganoon?

"Emilia? Ang ating kasambahay? Kaya ba tinangka mo siyang itakas sa bahay-aliwan?"

Hindi na ako sumagot pa at nanatili na lamang akong nakayuko. Ayaw ko rin namang salubungin ang mga mata ni Ama dahil ako'y nasisindak. Siya lang naman ang gobernadorcillo ng bayang ito at aking nag-iisang ama. Sino ang hindi makakaramdam ng takot kahit kaunti? Minsan lang siya magalit ngunit mabagsik.

Salamat kay Binibining Miguelita. Dahil sa kanya kaya aking nalaman ang tunay na kalagayan ni Emilia sa bahay-aliwan. Siya ay nagpadala sa akin ng liham na ibinigay niya kay Delilah nang ito'y maglinis sa labas ng tarangkahan.

Nagkita lamang kami noong gabing iyon at agad na isinagawa namin ang kanyang naisip na plano ngunit lahat ng iyon ay nasayang dahil sa heneral na iyon.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin nalilimutan ang gabing itinakas ko siya. Magiging matagumpay sana ang lahat kung hindi lang dahil sa lalaking iyon. Bakit pa kase siya pumagitna? Bakit pa niya isinali ang kanyang sarili sa aming sitwasyon?

Nag-iinit ang aking ulo. Kumukulo ang aking dugo. Napupuno ng galit ang aking puso dahil sa kanyang ginawa. Hindi ko alam kung siya'y aking mapapatawad. Dahil sa kanya kaya mas lalong nalagay sa panganib si Emilia. Nang dahil sa kanya, hindi ko nailigtas ang aking mahal.

Kailan ba matatapos ang lahat ng ito? Nais na kitang makapiling, Emilia.

"Ika'y makipagbalikan sa kanya. Hindi nararapat ang iyong sinasabi, Severino. Hindi ka nararapat na umibig sa ibang babae. Ikaw ay ikakasal na. Huwag mo namang sirain ang napagkasunduan ng ating mga pamilya."

"Ama, kung ikaw po ba ang nasa aking kalagayan ngayon, nanaisin mo bang ikulong ang iyong sarili sa isang relasyon na hindi mo na nararamdaman? Nanaisin mo bang lokohin na lamang ang taong iyon kaysa itama ang lahat?" Mali bang iligtas ko si Floriana sa mas malubhang sakit na maaari niyang maramdaman kaysa patagalin pa ito? Sa una pa lamang, batid kong mali na ito ngunit mas pinili ko pa ring gawin kung ano ang nararapat.

Hindi lang naman ito para sa akin, e, para rin ito kay Floriana. Pinag-isipan ko itong mabuti. Bago pa ako makipaghiwalay sa kanya, aking inisip ang maraming bagay - ang kanyang mararamdaman, ang bigat ng sitwasyon na maaaring mangyari, ang sugat na maaaring umukit sa aming mga puso. Lahat ng iyon ay aking naisip subalit kung papaniwalain ko si Floriana na siya'y iniibig ko pa rin, hindi lamang siya ang aking niloloko, maging ang kanyang pamilya na rin na nagtitiwala sa akin.

Mali na nga ito, mas lalo pang magiging mali kung patatagalin pa. Akala ba ng aking ama na ako'y nagpadalos-dalos lamang sa aking desisyon? Akala ba ng mga tao na hindi ako nahirapan?

Nananahimik lamang ako ngunit sobrang bigat na ng aking dibdib. Nais ko na lamang sumabog tulad ng bulkan upang mawala na ito lahat.

"Hindi mo ako naiintindihan, Severino."

"Ako po ang hindi niyo nauunawaan, Ama." Kung kailan kailangan ko ng suporta at pang-unawa ng aking magulang, ngayon naman hindi niya magawa para sa akin.

Saglit niya akong tinitigan at marahang napailing sabay umalis sa aking silid.

Ako'y bumuntong-hininga at humarap kay Ina. Sinundan niya ng tingin si Ama, tila nag-aalinlangan at nagdadalawang-isip kung siya ba'y susunod. Tumango na lamang ako at ngumiti. Batid ko namang kailangan siya ni Ama ngayon.

"Mag-uusap tayo sa susunod, anak, aayusin natin ito, maliwanag?" Hindi na niya hinintay ang aking sagot at hinalikan ang aking ulo bago umalis upang sundan si Ama.

Nang ako na lamang dito sa aking silid, hinayaan ko ang sarili na lumubog sa aking higaan habang nakatingin sa itaas.

Naramdaman ko ang pagtulo ng aking luha kaya ako'y mapait na ngumiti.

Marahil iniisip nilang madali lamang ito para sa akin. Ang hindi nila alam, ako'y nauubos din.

Agosto 17, 1895

"Tama ba ang aking nalaman, Kuya, ikaw ay nakipaghiwalay kay Binibining Floriana dahil kay Emilia?"

"Hindi naman siya sumang-ayon kaya hindi ko na lamang muna pinilit sa ngayon."

"Nang dahil sa kasambahay na iyon, nagulo ang lahat, Kuya! Ano ba ang iyong iniisip?!"

"Lydia, hindi mo ako naiintindihan."

"Ayos lang naman sa akin na makipaghiwalay sa kanya ngunit ang mapahiya ang ating pamilya dahil sa hampaslupang iyon?! Ikaw ba ay tunay na nakasisigurado roon, Kuya?!"

"Bumalik lamang dito ang babaeng iyon sa ating pamamahay, kanyang matitikman ang init ng aking palad!"

"Pinahamak mo lamang ang iyong sarili dahil sa kanya, Kuya Severino."

"Nag-iinit talaga ang aking dugo sa babaeng iyon! Ano ba ang iyong nakita at umibig ka sa kanya?"

"Ayos ka lamang po ba, Kuya?"

Naputol ang aking pagbabalik-tanaw nang aking marinig ang tinig ng aking kapatid. Ako ay ngumiti nang malapad tulad ng aking ginagawa palagi. "Oo naman. Bakit naman hindi?"

Hindi dapat nila makita na ako'y nanghihina lalo na't ako ang nakatatanda sa lahat at isa pa akong lalaki na dapat kailangang maging malakas sa kanilang paningin.

Walang lugar at oras ang pagiging mahina ngayon, Severino. Takpan mo lamang ng iyong magandang ngiti ang lahat ng sakit upang gumaan kahit papaano.

"Sigurado ka ba? Kanina pa kita tinatanong ngunit hindi ka sumasagot." Nakakunot ang kanyang noo ngayon. Sa aming lahat na magkakapatid, siya lamang ang purong nakamana ng kasungitan ni Ina, sumunod sa kanya si Angelito.

"Ganoon ba? Paumanhin, mayroon lamang akong naisip." Muling bumalik sa aking alaala ang daloy ng aming napag-usapan noong nakaraang buwan. Kahit siya ang pinakamasungit at pinakamasama sa aming apat, aking masasabi na siya ang aking pinakamalapit sa lahat kaya hindi ko na ikinatataka kung bakit labis siyang naapektuhan sa aking ginawang desisyon.

"Hindi na ba talaga magbabago ang iyong isipan? Tuluyan mo ng pinili ang kasambahay na iyon kaysa sa pinakamarikit na binibini rito sa ating bayan?"

"Nagkamali ba ako, Lydia?"

Saglit siyang tumitig sa akin at tumingin sa kawalan. "Hindi ko alam, Kuya, kung ako ang nasa iyong posisyon, ako rin ay lubusang mahihirapan sa pagpili."

Napangiti na lamang ako kasabay ng aking pagtingin din sa kawalan. "Tama ka. Sobrang hirap nito. Nakakasira ng ulo. Nakakapanghina ng isip at katawan ngunit kailangan talagang mamili dahil iyon ang nararapat." Hindi ko alam kung naiintindihan ba niya ang aking nararamdaman ngunit ayos na rin ito kahit papaano ako ay may nakakausap hinggil dito.

"Hindi ko inaasahan na magtatapos ang iyong relasyon nang ikaw ang makikipaghiwalay. Hindi iyon tama, alam ko namang batid mo iyon."

"Handa ko namang tanggapin at tiisin ang lahat ng parusang ipapataw sa akin, Lydia."

"Paano kung hindi rin kayo ni Emilia ang magkatuluyan sa huli?" sabay tingin niya sa akin.

Huwag naman sana. Batid kong malalagpasan namin ito lahat sa awa ng Diyos. Hindi na lamang ako tumugon at huminga nang malalim. Hindi pa niya nasasabi na siya'y uniibig din sa akin ngunit batid ng aking puso na iisa lamang kami ng nararamdaman.

"Paano siya pumayag sa iyong nais?" Ang kanyang tinutukoy ay ang pagpayag ni Floriana na itigil na ang aming relasyon.

Sa unang beses na ako'y nakipaghiwalay sa kanya, iyon ang araw kung kailan kami muling nagkausap ni Emilia sa hacienda De Montregorio matapos ang ilang araw kong pag-iwas sa kanya at matapos ang hapunan namin na ginanap din sa kanilang hacienda.

Aking inaamin nang mga panahon na iyon, tunay na magulo ang aking puso't isipan. Naguguluhan ako sa mga nangyayari. Marami akong mga katanungan na hindi nasasagot at hindi ko batid na maaari pa lang mangyari. Hindi ko na rin alam kung ano ang nararapat kong gawin upang mawala na rin ang lahat ng bumabagabag sa akin.

Noong gabing nasabi ko kay Emilia hinggil sa aking nararamdaman, ako ay nakaramdam ng hiya at takot na baka siya ay lumayo sa akin dahil sa labis na pagkailang ngunit tumatak sa aking isipan ang kanyang huling tinuran.

"Kalimutan na lamang natin ang nangyari. Kalimutan mo na lamang ang iyong nararamdaman. Nakasisiguro akong mawawala rin iyan bukas."

Ramdam ko na siya'y naguguluhan din noong gabing iyon. Mas mainam pa siguro kung ako ay iiwas na lamang upang hindi na rin siya maguluhan at mahirapan pa dahil sa akin. Isa pa, batid ko rin na ito ang kanyang nais na itigil at kalimutan ko na lamang kung ano man ang umuusbong sa aking puso. Gayunpaman, batid kong pareho kami ng nararamdaman kahit wala siyang sabihin.

Mahal ko siya.

Mahal niya ako.

Mahal namin ang isa't isa.

Batid iyon ng aking puso.

Ang gabi kung kailan ako unang nakipaghiwalay sa kanya, iyon na ang gabi kung kailan aking naisip na itigil ko na ang aming relasyon dahil batid ko sa aking sarili na mayroon ng maling nangyayari sa akin ngunit hindi siya pumayag.

Siya'y nagsumamo sa akin na huwag kong gawin iyon. Gagawin niya raw ang lahat upang manumbalik muli ang sigla at saya sa aming relasyon kaya ako'y pumayag at sinabing kalimutan na lamang iyon.

Pinili ko namang ayusin ang aming relasyon kahit ako'y nagdadalawang-isip na. Pilit kong tinatatak sa aking isip na mayroon akong nobya na nangangailangan sa akin. Ginawa ko pa rin ang aking tungkulin at responsibilidad bilang kasintahan kahit ibang babae naman ang nasa aking isipan.

Muli kong binalikan ang mga panahon kung paano kami nagsimula upang bumalik muli sa aking puso ang saya at pagmamahal na aking mararamdaman para sa kanya.

Nagtagal iyon ng ilang linggo, mahigit isang buwan pa nga mahigit subalit walang magandang kinahinatnan. Mas lalo lamang lumiliyab ang aking pagmamahal para kay Emilia lalo na't aking nararamdaman na kaagaw ko pala ang aking kaibigan sa kanya. Mas lalong naging mahirap ang mga bagay para sa akin. Mas mahirap pa ito kaysa sa pinag-aaralan namin tungkol sa medisina. Hay.

Ang hirap. Ang hirap ngumiti kay Floriana gayong ibang babae naman ang aking hinihiling na makasama.

Ang hirap tumawa sa kanyang harapan gayong ibang babae ang nais kong makakwentuhan. Ang 

hirap magpanggap na ako'y masaya gayong tunay na akong nahihirapan at iba na ang sinasabi ng aking puso't isipan.

Hindi ko rin alam kung bakit humantong sa ganito ang lahat. Kung mayroon lamang akong nais itanong sa Diyos ngayon, iyon ay kung bakit biglang nag-iba ang aking nararamdaman.

Masaya naman kaming dalawa ni Floriana ngunit bakit nawala ang aking pagmamahal sa kanya? Bakit mayroong umusbong na pag-ibig para kay Emilia. Posible pala iyon? Ni kahit isang pagkakataon, hindi sumagi sa aking isipan na maaari pala akong mahulog sa iba habang ako ay nasa isang relasyon. Para saan ang lahat ng ito? Ano ang dahilan?

Marami silang itinatanong sa akin ngunit hindi ko batid kung ano ang itutugon. Maging ako ay naguguluhan. Kung sasagutin ko man ang kanilang mga katanungan, hindi ko maipapangakong masasagot ko iyon nang may kalinawan dahil sa una pa lamang hindi ko na alam ang sagot.

"Hindi ko gawain ang maglihim sa kanya kaya sinabi ko sa kanya ang lahat." Mali talaga iyon kaya ang pagiging matapat sa kanya ang tanging aking magagawa upang mabawasan ko ang bigat ng aking mga kasalanan at maibsan ang sakit ng kanyang sakit na nararamdaman.

Habang ako'y nagsasalaysay, siya'y tahimik na umiiyak. Sumikip pa nga ang kanyang dibdib kaya balak ko sanang hindi na muling ituloy pa ngunit nais niyang marinig lahat.

Matapos kong sabihin ang lahat, siya'y sandaling napatahimik. Sambit niya, marahil kailangan ko raw ng kaunting araw upang makahinga at makapagpahinga kaya siya ay pumayag. Baka raw kapag siya'y nawala sa akin, maisip kong muli kung paano kami nagsimula bagay na matagal-tagal ko ng naisip.

"Hanga rin ako sa kanya dahil hindi man lang niya nagawang ipagsabi sa iba ang hinggil dito sa araw na matapos mong makipaghiwalay sa kanya."

Iyan din ang aking ipinagpapasalamat. Bagaman siya'y aking lubusang nasaktan, hindi pa rin niya ako ipinahamak maging ang aking pamilya bagkus ako pa ay kanyang prinotektahan.

"Ano ba talaga ang iyong nakita sa babaeng iyon bakit mo siya naibigan? Hanggang ngayon hindi ko pa rin maisip kung bakit." Pinagdikit niya ang kanyang magkabilang braso at inikot ang kanyang mga mata.

Ako'y natawa. Ganito rin ang ginagawa ni Emilia sa tuwing siya'y naiinis. Kahit saan, kahit kailan, siya ay aking naaalala. Nawa'y maging mabuti ang kanyang kalagayan doon sa bahay-aliwan matapos ng aking ginawang pagtangkas pagtakas sa kanya.

"Kung batid ko ang dahilan kung ano ang aking nakita sa kanya, sana nasagot ko na ang inyong mga katanungan."

Itinaas niya ang kanyang kilay at matalim na tumingin sa akin. "Batid mo rin naman na ayaw ko sa babaeng iyon bakit siya pa ang iyong pinili."

"Hindi ko naman hinihingi ang iyong pananaw, Lydia" sabay tawa ko nang malakas kaya ako ay nakatanggap ng malakas na hampas sa braso mula sa kanya.

"Hindi ko pa rin siya magugustuhan para sa iyo kahit ako ay naaawa sa kanyang kalagayan ngayon." Para siyang bata na nakasimangot at mahaba ang nguso. Kulang na lamang siya'y aking suyuin tulad ng aking ginagawa sa kanya sa tuwing siya'y aking pinagkakatuwaan.

Ako ay lumapit sa kanya at siya'y inakbayan. "Kahit taliwas sa iyong nararamdaman? Ramdam ko naman ang iyong suporta kahit ikaw ay nagsusungit ngayon."

"Sino pa ba ang ibang makakaunawa sa iyo ngayon bukod pa kay Ina? Ikaw ay lubos na magpasalamat, mahal kita kaya ikaw ay aking sinusuportahan." Ako ay napangiti sa kanyang tinuran. Sa unang beses na ako'y nakipaghiwalay kay Floriana, halos hindi ko maabot ang taas ng kanyang galit sa akin. Siya ang kauna-unahang tao na nagalit sa akin dahil doon.

Si Ina nga ay hindi nagalit bagkus binigyan niya ako ng mga payo upang makapagpalinaw sa aking isipan at maging gabay ko sa paggawa ng desisyon.

Hindi niya ako pinansin noon ng ilang araw. Siya'y aking kinausap at pinaunawa ko sa kanya ang bigat at hirap na aking nararamdaman.

"Maraming salamat, Lydia, kaya ikaw ang aking paborito, e!"

"Sino ang mas paborito mo, ako o si Emilia?"

"Sino pa ba? E, si Emilia!"

"Kuyaaaa!!!"

"Kayong dalawa ang aking pipiliin!"

Agosto 20, 1895

Tahimik kong binaybay ang aming hagdan patungo sa aking silid matapos kong magpahangin at maglakad-lakad sa labas ng aming hacienda.

Hanggang ngayon hindi pa rin nawawala ang mga tingin at bulong mga tao tungkol sa aking nagawa ngunit kahit ano pa man ang kanilang sabihin at isipin tungkol sa akin, binabalewala ko na lamang. Lilipas din naman ito.

"Nais ko lamang protektahan ang pamilyang ito, masama ba iyon, Criselda?"

Ako'y napahinto nang aking marinig ang tinig ng aking ama mula sa salas.

"Hindi mo ba maintindihan ang nararamdaman ng iyong anak, Faustino? Kailangan ka ng iyong anak! Kailangan niya ang iyong pang-unawa."

Dahan-dahan akong humakbang pababa ng hagdan, nagtago sa gilid ng dingding at sila'y sinilip. Kita mula rito ang mukha ni Ama na nakakunot ang noo ngunit mababakas na siya'y nahihirapan na sa aming sitwasyon samantalang si Ina naman ay nakatalikod mula sa akin.

"Kailangan ko rin ng kanyang pang-unawa, Mahal, ako ang nahihirapan sa tuwing mayroon akong naririnig na masama tungkol sa ating anak. Nais ko lang naman ang kanyang kaligtasan ngunit hindi matitigil ito hangga't walang lumilisan."

Napakunot ang aking noo. Ano ang kanyang ibig sabihin? Mayroon bang aalis?

"Hindi ko nais na pangunahan ang ating anak, Criselda, ngunit bilang ama niya at namumuno ng pamilyang ito, responsibilidad kong unahin ang kaligtasan at ingatan ang pamilyang ito."

"Ano ang iyong ibig sabihin?"

"Marahil ay oras na upang humanap si Emilia ng bago nilang matitirahan. Matutuloy ang plano kahit na anong mangyari."

"P-Paano mo nagawa iyan?" Napalayo si Ina sa kanya. Mabuti na lamang nasalo siya ni Ama bago pa siya mawalan ng balanse. Siya'y inupo nito sa malapit na upuan at binigyan ng basong tubig.

Batid ko naman na mahalaga para sa kanya ang kasal na iyon. Hindi na kataka-taka kung hindi siya sang-ayon sa aking nagawang pasya ngunit ang sinambit nya tungkol kay Emilia? May balak ba siyang paalisin ito?

"Mahal, hindi dapat masira ang pangalan ng ating pamilya dahil lamang sa problemang ito. Pareho nating gustong protektahan ang ating anak. Ito ang nararapat. Ito ang dapat mangyari."

Ako'y lumabas mula sa aking pinagkakataguan at nagsalita. "Kahit labag na sa aking kalooban, Ama, nararapat pa rin bang mangyari?" Kung hindi lamang nagbago ang aking nararamdaman, marahil, sa ngayon ako na ang pinakamasayang lalaki rito sa mundo. Sino ba namang hindi sasaya na ikasal sa iyong iniibig?

Subalit, nagbabago rin ang takbo ng mundo kasabay ng pagbago ng aking nararamdaman nang hindi ko inaasahan.

Iba na ang aking nais.

Iba na ang aking hiling.

Iba na ang aking pangarap.

"A...nak," mahinang wika ni Ina. Siya'y tatayo na sana ngunit itinaas ko ang aking kamay upang pigilan siya.

"Anak, maunawaan mo sana na ginagawa ko ito para sa iyo. Mahirap ba iyong intindihin?" Siya'y nakatayo habang ang kanyang kaliwang kamay ay nasa likod ng aking ina.

"Hindi naman po mahirap intindihin iyon, Ama, ngunit mahirap tanggapin." Inilagay ko sa likod ang aking dalawang kamay at marahang humakbang palapit sa kanila.

Sandali silang natahimik at nagkatinginan. Nang sila'y muling tumingin sa akin, namumula na ang mga mata ni Ina.

"Hindi ko ipaglalaban ang aking nararamdaman kung hindi ito totoo, Ama, naiintindihan ko naman kung bakit ikaw ay tutol ngunit sana iyong maintindihan bilang aking ama na hindi rin madali para sa akin ito." Ngayon ko kailangan ang iyong buong suporta't pang-unawa, Ama, mahirap po bang ibigay iyon sa akin? "Mahal ko po si Emilia, mali po ba iyon? Mali po bang ipaglaban siya? Mali po bang mahalin siya?"

Muli ko na namang nararamdaman ang pagbigat ng aking dibdib at paglabo ng aking mga mata kaya ako ay yumuko. Bakit ang babaw ng aking luha nitong mga nagdaang buwan? Ganito ba talaga kapag masakit at mabigat ang nararanasan?

Naramdaman ko na lamang ang paghagod ni Ina sa aking likod. "A-Anak, patawad kung ikaw ay nahihirapan na." Narinig ko ang kanyang pag-iyak kaya aking inangat ang aking ulobat siya'y niyakap.

"Ina, ayos lamang ako. Kaya ko ito, a? Ipinanganak mo akong malakas, hindi ba?" Napangiti ako nang kaunti at napatingin sa bintana na nasa aking harapan. Nakakagaan ng pakiramdam ang kulay ng kalangitan - bughaw na bughaw at sobrang maaliwalas.

"P-Patawad. Aking ipapaintindi sa iyong ama ang lahat."

Ako ay humiwalay sa pagkakayakap at tumingin kay Ama. "Ako na po ang gagawa niyon, Ina."

"Aking naiintindihan kung mahal mo si Emilia, ngunit nawa'y hindi mawala sa iyong isipan nang dahil diyan sa iyong nararamdaman, nagkagulo ang lahat," wika ni Ama. Napapansin ko sa kanyang mga mata na siya'y naaawa sa aking kalagayan ngunit naroon pa rin ang kanyang determinasyon na ituloy ang aming pag-iisang dibdib.

"Nagkamali po ba ako, Ama? Nagkamali po ba ako sa aking piniling desisyon?"

"Kahit kailan hindi mali ang magmahal, anak, ngunit nagkamali ka lamang ng taong iniibig. Hindi si Emilia ang para sa iyo, Severino."

Ang sakit. Ang sakit marinig mula sa kanyang labi. Mariin akong napalunok at palihim na naiyukom ang aking mga kamao.

Kahit kailan hindi mali ang magmahal, anak, ngunit nagkamali ka lamang ng taong iniibig.

"Alam ko naman po iyon." Mabilis kong pinunasan ang aking luha at sinikap na ngumiti nang matamis. "Batid ko po na pagkakamali ang lahat ng ito subalit, Ama, itong pagkakamali na ito ang pinakamasarap sa lahat. Itong pagkakamali na ito ang hindi ko pinagsisisihan." Mali man na siya'y aking ibigin ngunit kahit kailan, hindi ko maituturing na pagkakamali ang pagpili kay Emilia. Siya lamang ang aking mali na aking pipiliin nang paulit-ulit.

"Hindi man po ako nakatitiyak sa mangyayari ngunit ako'y handa. Handa kong tiisin ang lahat para lamang sa kanya. Ganoon ka rin naman po kay Ina, hindi ba? Ganoon naman po lahat ang tunay na umiibig."

"Severi---"

"Ama, hindi mo man po matanggap ngayon, nawa'y pagdating ng araw, matanggap mo kami ni Emilia. Matanggap mo ang aking pag-ibig para sa kanya. Paumanhin kung nang dahil sa akin, hindi matutuloy ang kasunduan." Marahan akong ngumiti at dahan-dahang tumalikod at umakyat sa aking silid.

Pagsara ko, ako'y napasandal sa pinto, napatakip sa aking mukha at nagsimulang humagulhol. Ang bigat. Sobrang bigat. Ito na ba ang parusa sa aking nagawa kay Floriana?

"Anak? Maaari ba akong pumasok?"

Agad kong pinunasan ang aking luha nang marinig ko ang tinig ni Ina. Ako'y tumayo at marahang binuksan ang pinto at ipinakita ang aking nakangiting mukha.

"Ina mo ako, hindi mo ako mapapaniwala sa iyong ngiti, anak." Dahan-dahang nawala ang aking ngiti at ako ay kanyang inalalayan patungo sa aking higaan at marahang ipinaupo. "Ayos lang ang maging mahina, anak. Ayos lang na ikaw ay lumuha kapag hindi mo na kaya."

"Hindi po. Hindi po ako naluluha." Tumawa pa ako upang siya mapaniwala ngunit hindi nging matagumpay. Malungkot lamang siyang nakatingin sa akin habang ang kanyang mga mata ay nangungusap. "H-Hindi po. Hindi po ako na...lu...lu---." Hindi ko na natapos pa ang aking sasabihin nang yakapin ko si Ina nang sobrang higpit at nagsimulang lumuha.

"Narito lamang ako. Ilabas mo lang iyan."

Walang nagsasalita sa amin. Tanging paghikbi ko lamang ang tanging maririnig. Unti-unti kong naramdaman ang paghina ng aking katawan. Ako ay napapagod. Nawawalan na ako ng lakas. Nais ko na lamang magpahinga ngayon.

Dahan-dahan akong humiwalay sa pagkakayakap at muli akong ngumiti. "Ayos na po ako, Ina, paumanhin kung nabasa ko ang iyong kasuotan."

Ginulo niya aking buhok at natawa. "Kahit basain mo pa lahat, ayos lamang sa akin." Siya'y ngumiti nang kaunti. "Nakikita ko ang aking sarili sa iyo nang ganiyan din ang aking edad. Walang duda ikaw nga ay aking anak." Pareho kaming natawa at sandaling natahimik. "Hindi ko inaasahan na susundin mo ang aking payo."

"Hindi po ba mayroon po tayong paniniwala na alam ng ina ang lahat?"

"Hindi naman lahat, anak, ngunit nais namin ang makabubuti para sa inyo."

Naalala kong muli ang aming napg-usapan noong ako'y humingi ng payo sa kanya matapos kong makipaghiwalay noon kay Floriana sa unang pagkakataon. Naroon pa nga si Emilia, naglilinis sa kusina matapos naming mag-usap ni Ina sa hardin.

Noong mga panahon din na iyon, aking binalik-tanaw ang lahat ng mga liham na ibinigay at ipinadala sa akin ni Floriana para lamang timbangin at maliwanagan ang aking sarili hinggil sa aking nararamdaman bago pa ako gumawa ng aking susunod na desisyon. Namaga pa nga ang aking mga mata dahil sa labis na pag-iyak - pagkagulo ng aking isipan. Hindi ko na alam ang aking gagawin noong mga araw na iyon. Hindi ko na rin kinaya pa ang bigat ng aking nararamdaman kaya ako'y umiyak kahit hindi dapat.

"Piliin mo kung saan ka sasaya, anak. Piliin mo kung kanino mo man nakikita ang iyong buhay sa hinahanap na kasama siya."

"Huwag kang matakot sumugal. Matakot ka na lamang kung ikaw ay gagambalain ng iyong pagsisisi't panghihinayang."

"Karaniwan lamang na tayo'y makasakit ng ating minamahal ngunit kung ikukulong natin ang ating sarili sa kanila, hindi natin makikita ang tunay nating kaligayahan."

"Minsan, kailangan nating sumugal at pumili hindi para tayo'y makasakit kundi dahil iyon ang kinakailangan. Hindi na maitatama ng isa pang pagkakamali ang ating pagkakamaling nagawa kaya ang itama ito sa simpleng paraan na ating nalalaman ang tangi na lamang nating magagawa."

Ilang gabi kong inisip nang mabuti ang payo ni Ina hanggang sa napagtanto kong siya nga ay tama. Mali na ngang ako'y nahulog sa iba, mas mali kung ipapatagal at ililihim ko pa kaya mas minabuti ko na lamang na tapusin dahil para sa akin, iyon ang mas makabubuti kahit batid kong pareho kaming masasaktan lalo na siya.

"Naalala kong muli ang mga panahon na ako'y umibig sa iyong ama. Noong panahon na iyon, mayroon pa siyang kasintahan."

"Doña Lucia." Naalala ko ring muli ang mga oras na palihim sumusulyap si Doña Lucia kay Ama. Sa totoo lamang matagal na iyon subalit hanggang ngayon ay ginagawa pa rin niya. Noong una ay hindi ko pa alam kung bakit ngunit nang sabihin sa akin ni Ina ang tungkol sa kanilang nakaraan, doon ko na napagtanto ang lahat.

Si Ama lamang ang una at huling iniibig ni Inangunit si Ama ay nagkaroon ng nakaraan kay Doña Lucia. Sa aking pagkakaalam, pinagkasundo ng pamilya nina ama at ina ang kanilang kasal kaya sila ang nagkatuluyan at naging dahilan upang maghiwalay noon sina Ama at Doña Lucia.

Siya'y marahang ngumiti at hinawakan ang aking dalawang kamay. "Pareho lamang kaming babae kaya aking nararamdaman na hanggang ngayon mahal pa rin niya ang iyong ama."

Hanggang ngayon kahit siya ay may asawa na?

"Hindi ko alam kung bakit. Ako ang naaawa sa kalagayan ni Luisito. Wala siyang ibang ginagawa kundi ibigay ang lahat at iparamdam na mahal niya si Lucia sa simula pa lamang ngunit nababalewala lang dahil iba naman ang tinitibok ng puso ng kanyang iniibig."

Ngayon ko lamang narinig ito. Kung ako ang nasa kalagayan ni Don Luisito, hindi ko alam ang aking mararamdaman at gagawin. "Batid po ba ni Don Luisito na hanggang mayroong ibang iniibig ang kanyang maybahay?"

Marahan siyang umiling. "Hindi ko alam, anak, wala na akong balita patungkol diyan."

Sandlaing namayani ang katahimikan at mayroong namuong tanong sa aking isip. "Natututunan po ba ang pag-ibig?"

"Maaaring oo, tulad na lamang ng kalagayan ng iyong ama. Batid mo naman na hindi ako ang una niyang inibig ngunit sa huli, natutunan niya rin akong mahalin."

Kung sa gayon, matututunan ko ring ibiging muli si Floriana?

"Ngunit anak, iba pa rin ang pag-ibig na kusang nararamdaman kaysa sa natututunan." Hinawakan niya ang aking pisngi at sandaling inayos ang aking buhok saka ngumiti. "Batid mo ba kung bakit? Ang pag-ibig na kusang nararamdaman, iyon ang pag-ibig na hindi mo alam kung bakit mo siya naibigan. Hindi mo alam ang dahilan kahit itanong mo pa ng ilang beses sa iyong sarili."

"Kaya pala...," bulong ko. Kaya pala hindi ko batid ang dahilan kung bakit ako nahulog kay Emilia. Ilang mga tao na ang nagtatanong sa akin maging si Floriana ngunit hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang dahilan.

Kusa pala talaga kitang inibig, Emilia.

"Maging masaya ka lamang at gawin mo kung ano sa iyong tingin ang nararapat. Minsan, hindi masama ang maging makasarili, anak. Hindi masamang isipin mo rin ang iyong kaligayahan lalo na kung hindi ka naman nagkulang na isipin ang kanilang kapakanan."

****

Ako'y napabangon nang aking makita na mayroong bumabato sa aking bintana. Hindi lamang isa kundi maraming beses.

Nang ako'y magtungo sa aking balkonahe, naningkit ang aking mga mata at nakita ko si Magdalena na malapit sa puno ng aking silid.

Siya'y sumenyas na ako'y bumaba kaya ako'y tumalima. Kinuha ko ang aking makapal na tsaketa (jacket) at mabilis na nagtungo paibaba.

"Ginoo!" bungad niya sa akin nang ako'y tuluyan nang makalapit.

"Anong ginagawa mo rito, malalim na ang gabi?" Tiningnan ko ang kanyang itsura. Bahagyang magulo ang kanuang buhok at mayroon pa siyang balabal na nakapulupot sa kanyang leeg.

Dahil sa parusa na iginawad sa kanya ni Doña Lucia noong nahulog sa puno ng mansanas ang kanyang anak, siya'y nararapat manilbihan kay Floriana bilang tagapagsilbi nito sa loob ng dalawang linggo.

"Mayroon akong nais sabihin sa iyo." Ramdam ko ang panginginig sa kanyang tinig at mababakas ang takot sa kanyang mukha. Tumingin pa siya sa paligid bago muling nagpatuloy. "Tungkol po kay Binibining Floriana."

Kumabog ang aking puso. Ano ang mayroon sa kanya? Hindi ako sumagot bagkus tumitig ako sa kanya habang hinihintay ang kanyang tugon.

"Akin pong narinig na sadya po ang kanyang ginawa."

Kumunot ang aking noo. "Sadya?"

"Ang pagkahulog po niya sa puno ng mansanas at pagdala nila kay Emilia sa bahay-aliwan ay sinadya at maigi pong pinagplanuhan ng mag-ina. Si Binibining Floriana po ang nasa likod ng lahat ng ito. Sinusuportahan po siya ng kanyang ina bilang ganti na rin po sa inyong pamilya dahil sa nangyari noon sa kanilang tatlo nina Doña Criselda at Don Faustino, ilang dekada na raw po ang nakararaan."

"A-Ano?"

----------

<3~