Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 31 - Kabanata 29 ✓

Chapter 31 - Kabanata 29 ✓

--------------------Abril 1, 1944-----------------

Magulong paligid.

Nagbabagsakan na mga establisiyemento at lubak na daan dahil sa malalakas na pagsabog.

Malalakas na hiyawan.

"Huwag po!"

"Maawa na po kayo!"

"Inaaayyyy!"

"Anaaak!"

Nababalot ng dugo ang mga tao.

Saan mang dako ng paligid, mayroong tumatakbo upang iligtas ang kanilang sarili.

Hawak-hawak ang kanilang mga anak - supling, bata man o kabataan

Hawak ang kamay ng kanilang mga asawa - bata pa man o matanda na

Sino ang mag-aakalang mangyayari ito sa mapayapang lungsod ng Morong dito sa Bataan? Maraming mga tao ang humihiling na nawa'y nananaginip lamang sila ngunit hindi. Lahat ng dugo't pagsabog dito ay pawang katotohanan.

"Inay, may sugat ho kayo," wika sa akin ni Gregina na may dumi sa mukha at sa bestidang dilaw na kanyang itinahi habang hawak ang aking braso kung saan naroroon ang aking sugat.

"Ayos lamang ako, anak. Huwag mo akong alalahanin." Bagaman ako'y nakararamdam ng pagkahilo, minabuti ko na lamang na ito ay ilihim sa kanya. Nararapat lamang na ito ay aking indahin hanggang kami ay makauwi sa aming tahanan. Doon na lamang ako magpapahinga.

"Inay, huwag ho kayong bibitiw sa akin. Maghahanap po ako ng bukas na bahay-pagamutan malapit ho dito." Hindi na ako tumutol pa bagkus hinayaan ko na lamang siyang gawin ang kanyang nais. Marahan niya akong inaalalayan habang nakasukbit sa kanyang balikat ang malaking bag na kinalalagyan ng aming ibiniling pagkain dito sa siyudad.

Tiningnan ko ang buong paligid. Kailan ba matatapos ang bangungungot na ito? Kahit saang sulok man ng Bataan, mayroong mga pagsabog at pananakop na ginagawa.

Mayroong pagkakataon na huhupa saglit ang ingay at patayan ngunit makalipas ang ilang oras o araw, madaming dugo na naman ang dadanak sa lupa lalo na't kung mayroong nalalabag na palatuntunan.

Tatlong taon na.

Tatlong taon ng sinasakop at pinamumunuan ng mga Hapones hindi lamang ang lugar na ito kundi ang buong dako ng bansa.

Ang lugar na ito ay ang kauna-unahang nilang sinakop, sampung oras matapos nilang pasabugin ang Pearl Harbor sa Hawaii na pagmamay-ari ng Estados Unidos noong ika- 8 ng Disyembre, taong 1941 at sumuko ang Bataan sa militar ng hapon noong ika- 9 ng Abrol taong 1942.

Tatlong taon ng sumasailalim sa matinding kahirapan, kaapihan, pang-aalipusta at pang-lalapastangan ang mga Pilipino sa kamay na bakal ng mga Hapones mula taong 1941 pa.

Samu't saring paraan ng kalupitan ang araw-araw na masasaksihan, bagay na kinakasanayan na rin ng karamihan. Ano pa nga ba ang kanilang magagawa? Maging ang pinakatamaas na opisyal ng Pilipinas ay naging sunud-sunuran na lamang sa lahat ng kagustuhan ng bansang Hapon.

Naalala ko pa noon, mula nang dumating ang mga Amerikanong mananakop sa bansa, nagkaroon ng kaunting kaginhawaan at karapatan ang mga tao. Nagkaroon ng pantay at pormal na edukasyon ang mga kabataan at pangkabuhayan ang iba, bagay na wala noon dahil sa pamumuno ng Espanyol.

Nagawi ang aking mata sa isang tela na ginawang watawat na inipit dito sa sirang establisiyemento na gawa ng mga Hapones na mayroong nakaukit na isang salita.

KALIBAPI

Ang dating mukha ng Pilipinas noong kapanahunan ng mga Ameriko ay napalitan ng bagong istruktura ng pamahalaan ng KALIBAPI (Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas). Ito ang tinaguriang pamahalaan ngayon katabi ang isa pang litrato ng maliit na watawat ng bansang Hapon.

Isa lamang ang ipinahihiwatig nito. Nais iparating ng mga Hapones na pagmamay-ari na nila ang Pilipinas.

"Inay, narito na ho tayo," rinig kong wika ni Gregina kaya ako ay napatingin sa kanya at sa bahay-pagamutan na nasa aming harapan ngayon. Binuksan niya ang pinto, bumungad sa amin ang ilang mga tao na nagpapagaling sa kanilang karamdaman.

Napansin ko ang iilang biyak sa dingding na gawa mula sa kahoy na at mga sirang higaan na pilit ginagamit para sa mga dumadagdag na maysakit at nasusugatan. Ang mga bintana na nawasak ay muling inayos at tinalian ng abaka upang kumapit sa dingding.

"Magandang umaga po," wika ng isang babaeng nurse na nakauniporme ng puti na mayroong mantsa ng dumi.

"Magandang umaga rin ho, ipapagamot ko lamang po ang aking Inay sapagkat siya'y may sugat."

Ipinapasok kami ng nurse at ako'y sinuri. Sinuri ang aking mata, presyon at ang sugat.

"Ano ho ang buong pangalan niyo, Lola?" tanong sa akin ng nurse na abala sa pagkuha ng isang papel na sa aking tansya ay kanyang sasagutan.

"Emilia Madrigal."

"Ilang taon na ho kayo?"

"Pitumpu't isa (71) taong gulang."

"Ano po ang sanhi ng iyong sugat?"

"Natamaan ho siya ng bumabagsak na yero mula sa isang establisiyemento habang kami ay naglalakad," tugon ni Gregina.

Ibinuka ng nurse ang aking sugat. "Bahagyang malalim ho ang inyong sugat, Lola Emilia." Sinimulan na niya itong linisin na tumagal lamang ng ilang minuto. Mayroon siyang inihabilin sa akin patungkol sa aking medisina.

Bumulong at nagpaalam naman sa akin si Gregina na siya'y maghahanap lamang ng palikuran at agad ding babalik.

"Mabibili lamang ba iyon sa murang halaga, iha? Hindi ko batid kung sasapat ba ang aking naipong kwarta para sa aking gamot." Sa aking pagkakaalam, mahal na ang pagpapagamot ngayon. Hindi ko rin naman nais manghingi kay Gregina kung sakali man.

"Mainam din naman ho ang dahon ng bayabas, Lola, maaari rin kayong gumamit ng bawang upang malunasan ang inspeksyon."

Hayun naman pala. Mabuti naman. Nagpaalam na ako sa kanya at hinintay si Gregina sa tabi ng pinto. Ilang minuto na ang nakalilipas, hindi pa rin siya nakababalik. Ano na kayang nangyari sa kanya? Nais ko sana siyang sundan ngunit maaaring hindi naman kami magtagpo.

Hihintayin ko na lamang siya rito. Kailangan na rin naming mauwi, naghihintay sa amin ang aking apo at ang kanyang lolong may masamang karamdaman.

"Inay!" sigaw nito at kumaway nang nakangiti. Nakaramdam naman ako ng pagkaginhawa nang siya'y aking nakita. Akala ko mayroon ng nangyaring masama sa kanya.

Siya'y naglalakad na papalapit sa akin nang biglang magkaroon ng sunod-sunod na pagputok ng armas sa labas nitong bahay-pagamutan.

Ang mga taong nagpapahinga ay nabalot ng takot at nagsisigawan, kanya-kanyang paraan sa pagtago sa ilalim ng higaan, mayroong nakapikit habang natatakpan ang magkabilang tainga at mayroong bumubulong ng panalangin. Mayroon ding hindi batid kung saan sila tutungo; takbo rito, takbo roon.

Marahas na binuksan ang pinto kaya ako ay natamaan sa likod na aking ikinatumba.

"Inay! Inay!"

"Minasan, kuchi o tozashimasu (All of you shut your mouth up!)" sigaw ng isang hapones na unang pumasok dito. Tanging paa lamang niya ang aking nakikita dahil ako ay nakatalikod mula sa kanya at nakahawak sa maduming papag.

Naramdaman ko na lamang na mayroong humawak sa akin na isang babae at inalalayan akong mapaupo sa gilid. Ramdam ko ang panginginig ng kanyang mga malalamig na kamay.

"Salamat," tugon ko na kanyang ikinatango. Sandali ko siyang tiningnan, sa aking tansya siya'y nasa dalawampu't taong gulang na o pataas pa. Tumingin naman ako sa paligid, aking nakita na naroon sa kabilang dako naman si Gregina, nakaupo't bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha habang nakatingin sa akin.

Ngumiti ako at tumango. Nais kong malaman niyang ayos lamang ako kahit masakit ang aking likod. Hindi ko lang alam kung naintindihan ba niya ang nais kong ipahiwatig.

Lahat kaming naririto ay nakaupo sa papag, nagtipon-tipon sa magkabilang dako, yakap ang mga sarili, ang iba'y makikita't maririnig ang pagluha at hikbi dahil sa labis na takot.

Ang mga bata na naririto ay yakap ng kanilang mga magulang, ang mga matatandang nakaratay sa higaan ay pinapaypayan at pinapakalma ng mga nurse rito.

Sunod-sunod na yabag ang aming narinig. Iilang grupo ng sundalong hapones ang pumarito habang inaalayan ang isang sugatan.

"Kimi wa (You!)" sigaw ng isang hapones na may peklat sa kanang bahagi ng mukha. Siya'y lumapit sa babaeng gumamot sa akin kanina at marahas na hinawakan sa braso. "Anata ga shinitakunai nonara watashi no dōshio atsukatte kudasai. (Treat my comrade if you don't want to die)."

"S - Sā (S-Sir?)" Nagsisimulang mangilid ang kanyang mga luha at pilit na yumuyuko ngunit malakas naman siyang hinahawakan sa kanyang baba upang tumingin nang diretso sa kanya.

"Watashi wa watashi no dōshi o atsukau to iimashita! Mimigakikoenai no? (I said treat my comrade! Are you fucking deaf?!)" Namumula ang mukha ng sundalong hapones at bumabakat ang ugat sa kanyang leeg sa lakas ng kanyang pagkakasigaw.

"Hi-Hindi ko ho m-maintindi..."

*Slap*

Sinampal siya nito dahilan upang siya'y mapatumba sa papag at magdugo ang kanyang labi kasabay ng mas malakas na sigawan ng mga taong naririto.

"Kanojo wa anata o rikai dekinakatta to omoimasu, sā

(I think she couldn't understand you, sir,)" wika naman ng isa na nasa kanyang likod, may hawak na mahabang armas. Walang mababakas na kahit anumang emosyon sa kanyang mukha.

Napadako ang aking mata sa lalaking sugatan sa bandang tiyan, nakayuko't nakapikit at kapansin-pansin ang lalim ng kanyang paghinga.

"Isha wa doko ni iru no? (Where is the doctor here?)" Muling sigaw ng lalaking nanakit. Wala ni isa sa amin ang nagsasalita. "Dare mo kotaenai no? (Nobody will answer?)" Isa-isa niya kaming tiningnan lahat. Marahil sa kanyang sobrang inis, itinutok niya ang kanyang armas sa amin na nagpakaba sa akin at sa lahat.

"Huwag po!"

"M-Maawa na po kayo."

"H-Huwag!"

"Dare mo kotaemasen ka? Isha wa doko ni iru no? (Nobody will answer? Where is the doctor here?!)"

Naramdaman ko ang paghikbi ng binibini na nasa aking tabi kaya ako'y napatingin sa kanya. Siya'y tahimik na lumuluha nang magkadikit ang dalawang palad at habol-habol ang hininga.

"Iha, ano ang nangyayari sa iyo?" tanong ko. Inilagay ko ang aking kaliwang kamay sa kanyang likod at ito'y hinagod.

*Bang*

"Aaaaahhh!"

"Haaaaa!"

Agad akong napalingon nang makarinig ako ng isang malakas na putok ng armas na nakatutok sa isang matandang lalaki na ngayo'y naliligo na ng kanyang sariling dugo.

"Isha ga doko ni iru no ka darenimo wakaranai baai wa, mōichido torigā o hikimasu! (I will pull the trigger again if no one tells where the doctor is!)"

"L-Lola," rinig kong wika ng aking katabi na may maputla ng labi.

"Bakit? Ano ang nangyayari sa iyo? Ikaw ba'y mayroong karamdaman?" Panaka-nakang akong tumitingin sa kanya at sa lalaking pinaslang nila. Napakuyom ko ang aking kamao na ngayo'y nanginginig dahil sa ginawa ng hapones na iyon. Naalala ko sa kanya noon si Cinco, ganito rin siya kalupit ngunit hindi naman siya pumapaslang.

Nakatingin siya sa itaas, namumula na rin ang kanyang mukha't leeg. "Hi....haaaa....kaaaaa...haaaa,"

Hi...ha...ano?

"G-Ginoo, h-huwag..."

"Hindi namin naiintindihan ang inyong sinamsabit ngunit ikaw ay hindi nagdalawang isip na gamitin ang iyong armas...," wika ko nang may kalakasan. Ramdam ko ang mga pares ng mata na nakatingin sa akin nang ako'y nagsalita at dahan-dahang lumingon sa hapones na masama na ang tingin sa akin. "Ginoong hapones." May iilang taong napasinghap sa aking tinuran at ang iba'y umiiling na para bang sinasabing tumahimik na lamang ako kung ayaw kong may mngyaring masama sa akin. 

Hawak-hawak niya pala sa braso ang babaeng gumamot sa akin kanina at ngayo'y marahas niya itong itinulak.

"Nani o shita no--- (What did you just ---)"

"Paumanhin kung ngayon lamang ako nakabalik," wika bigla ng isang lalaki na pumasok na lamang dito sa loob, nakaputing manggas at itim na salawal, itinanggal ang kanyang suot na buri (sumbrebrong yari sa banig) at inayos ang kanyang magulong buhok. "Paumanhin, Tina, kung ngayon lamang ako nakabalik. Kagigising ko lamang. Nalimutan ko ang oras ng aking trabaho." Siya'y ngumiti nang malapad na nagpasingkit sa kanyang mga mata at nagpalitaw sa kanyang malalalim na biloy.

Nakita ko na lamang ang aking sarili na nakahawak na sa aking dibdib. P-Paanong siya'y...?

"Soshite, anata wa karera ni isha ga doko ni iru no ka tazunete imasu yo ne? (And you're asking them where the doctor is, right?)" tanong niya nang siya'y humarap sa hapones.

"Hai. Anatadesu ka? (Yes. Are you?)"

"Īe, demo watashi wa soko ni tsukimasu. (No, but I'm getting there)." Marahan pa siyang natawa at tinapik sa balikat ito. Agad namang kinuha ang kanyang braso at inikot. Ako ang nasasaktan para sa kanya. Parang kaunti na lamang maririnig ang pagbali ng kanyang buto. "Aaaa, aaaaray! Ito naman parang tinapik lang!" Siya'y napangiwi ngunit mababakas sa kanyang mukha na siya'y natatawa. "Watashi o hanaremashou. Anata ga watashi no te o hanasanainara, watashi wa anata ni isha ga doko ni iru no ka oshiemasen (Let go off me. I won't tell you where's the doctor if you won't let go of my hand!)"

"Ima oshiete (Tell me now!)"

"Pakawalan mo muna ako. Watashi o hanare sasete kudasai, to watashi wa iimashita. (Let go off me, I said.) Hindi makaintindi, ang tigas ng ulo." Sinabayan niya ng marahang pag-iling at pagkakunot ng noo ang kanyang pagsasalita at hinilot ang kanyang braso.

Lihim akong napangiti sa kanyang inasal. Mayroon akong isang tao na naalala sa kanya ngunit ang aking ipinagtataka kung bakit siya'y kawangis ng lalaking matagal ko ng hindi nasisilayan. O sadyang guni-guni ko lamang ito?

"Kayo'y pumaslang ng tao, nararapat sa inyo hindi bigyan ng lunas," dagdag pa niya at napasulyap sa hapones na duguan. Makaraan ang ilang segundong pagtitig, siya'y napailing at lumingon sa babaeng gumamot sa akin. "Tina, maaari mo bang ayusin ang ating kagamitan? Tatawagin ko lamang si Itay."

"Sige, Tiano."

Tiano? Tiano ang kanyang pangalan?

Muli niyang isinuot ang kanyang buri at handa nang umalis nang magtama ang aming mga mata. Mariin akong napalunok nang maramdaman kong pamilyar sa akin ang kanyang mga mata. Ganitong-ganito rin ang kanyang mga mata sa tuwing siya'y tumitingin sa akin.

Tipid siyang ngumiti ngunit nawala rin nang mapunta sa aking katabi ang pares ng kanyang mga mata. Muntik ng mawala sa aking isipan ang babaeng ito. Nasakop kase ng batang ito ang aking isipan.

"Pasintabi lamang po, Ginang, ang iyong katabi po ay ---"

"Oo, Ginoo, tulungan mo siya."

Wala siyang naging sagot bagkus binuhat niya ang babae na hanggang ngayon ay mabibigat ang paghinga. Kinausap niya ang nurse at ang bata. Mayamaya pa'y agad din siyang lumabas.

Napatingin na lamang ako sa ibaba at napapikit. Ramdam ko ang pangingirot at hapdi ng aking sugat. Nang ito'y aking tingnan sandali, ang telang malinis kanina ay nagkaroon na ng dugo. Muli akong napapikit. Sa edad kong ito, nais ng katawan ko ang magpahinga.

Mayamaya lamang, ilang putok ng armas ang naririnig. Awtomatikong napabukas ang aking mata, napalingon sa paligid. Saktong mayroong maliit na butas sa dingding kaya nakita ko ang pangyayari sa labas. Mga sundalong amerikano at hapones ay naglalaban at walang tigil sa pagsabog dahilan upang maraming mga tao ang magtalsikan at matamasan kasabay rin ng walang humpay sa pagdanak ng dugo.

Diyos kong mahabagin. Ano na ang nangyayari sa mundo? Napatalikod na lamang ako at napasuksok sa dulo. Ito na ba ang aking wakas? Dito na ba ako mamamatay?

Magkahalong sigaw ng mga tao, hapones at putok ng armas ang tanging maririnig. Ang mga hapones ay mabilis yumuko't gumapang kasabay ng paggamit nila sa kanilang armas.

"Amerikahito, anata o fakku! (Fuck you, Americans!)" sigaw ng isang sundalo.

Nagtagal ng ilang minuto ang pagpapalitan nila ng putok sa isa't isa hanggang isinara ng isang sundalo ang pinto at mga bintana.

"Diyos ko ikukulong pa marahil tayo rito," sambit ng isa habang lumuluha.

"Korosa retakunai nonara, min'na damatte imasu! (All of you remain silent if you don't want to be killed!)" Papalit-palit ang pagtutok nila ng kanilang armas sa amin at sa kanilang mga kalaban.

Kailan ba tuluyang makakamit ang inaasam naming kalayaan? Siguro kung iyon ay mangyayari, ako ay yumao na. Ipinagdikit ko ang aking palad at taimtim akong nanalangin.

Mahirap para sa akin ang tumaas ang dugo at atakihin sa puso. Ako'y mahina. Ako'y tumatanda na. Marahil ang kalabisan sa takot dahil sa malalakas na putok at pagsabog pa ang maging dahilan ng aking pagkamatay ngayon. Susmaryosep, pakiramdam ko'y aatakihin ako sa puso.

Ano na kaya ang kalagayan ng aking mga apo roon? Huwag naman sana silang puntahan ng mga hapones. Ako'y nangangamba sa kanilang kaligtasan.

Biglang mayroong lalaki ang nagsalita mula sa kabilang dako nitong bahay-pagamutan. "Sā, hidoku kega o shita nakama ga imasu. Karera wa ichijitekini kyōkai ni kakurete imasu. Karera wa sugu ni kusuri o hitsuyō to shite imasu! Do usu ru tsumoridesu ka? (Sir, we have comrades who got badly hurt. They are temporarily hiding at the church. They need an immediate medication! What are we gonna do, sir?)"

Sa aking palagay, ang hapones na pumaslang kanina ang pinakamataas na opisyal. Siya lang naman ang tinitingnan ng lalaking sumigaw at kung minsan pa'y sumasaludo sa kanya.

Bigla na lamang lumakas ang kanyang tinig at napahampas sa sahig. Mayroon siyang mga binabanggit sa kanyang sarili bago siya tumugon sa kanyang kasamahan.

Walang pagdududa na siya'y kasindak-sindak. Ang kanyang mga mata ay tila malalamig at walang nararamdaman. Idagdag pa na ito ay matalim kung tumingin at lagi pang nakataas ang tinig. Hinila niya nang marahas ang ilang kababaihan, ipinapasa sa kanyang mga tagasunod at sila'y pilit na pinapalabas dito gamit ang kabilang pinto. Mukhang mayroon pang isang pinto roon sa dulong bahagi nitong bahay-pagamutan.

"Ichibu no josei wa watashitachi no dansei ni tōyaku no purosesu o okonau hitsuyō ga arimasu. Watashi wa karera ga jinenryōhō o tsukatta ikutsu ka no kihon-tekina chiryō-hō o shitte ita koto o shitte imasu (Some women should do the process of medication to our men. I know they knew some basic treatments using natural remedy.)"  wika nito.

"Kashikomarimashita! (Yes sir!)"

"Sandali, saan niyo sila dadalhin? Gregina! Gregina!" Kasama si Gregina sa mga kababaihan na nais nilang tangayin.

"Inay! Inay, tulong!"

"Gregina!"

Siya'y pilit na pumipiglas sa sundalong may hawak sa kanya habang sila'y lumalabas subalit siya'y sinuntok nang malakas sa kanyang tiyan dahilan upang siya'y mapayuko at manghina. "I...nay!"

"Gregina!" Akmang tatayo na sana ako ngunit ilang kamay ang humawak sa akin upang ako'y hindi makatayo.

"Damare,-sa mo nai to anata o koroshimasu, obāsan! (Shut up or I will kill you, old woman!)"

"Huwag na ho, Lola, mapapahamak lamang po kayo," wika ng isang lalaking na may balbas.

"Ngunit ang aking anak. Saan siya dadalhin? Kailangan ko siyang bawiin!" Napahawak ako sa aking dibdib nang biglang sumikip ito. Ako'y nahihirapang huminga. Ang bilis ng tibok ng aking puso.

"Baka ho tumaas ang inyong dugo. Wala pa naman tayong doktor dito!"

"Ikalma niyo ho ang inyong sarili, Lola."

Nakaramdam ng pagbigat ang talukap ng aking mga mata kaya ako'y sandaling pumikit habang naiiling. "H-Hindi. Hindi maaari. Ang aking anak." Kailangan kong sagipin ang aking anak. Hindi siya maaaring kunin sa akin ng mga Hapones. Baka kung ano ang gawin sa kanya.

"Magsitahimik kayong lahat kung ayaw niyong mamatay!" rinig kong sigaw ng lalaki.

Nanatili akong nakapikit habang patuloy na nakikinig sa aking paligid.

"Sino siya? Bakit mayroon siyang bayong (pantakip) sa mukha?"

"Parang hindi siya kabilang sa atin."

"Sa aking pagkakaalam, lumikha ang sandatahang Hapones ng hukbo ng makapili. Sila ang mga espiya na magtuturo sa mga taong kahina-hinala at mayroong layunin laban sa pamahalaan ng Hapon at sila'y dadakpin upang patayin."

"Ibig sabihin, mga pilipino ang kanilang ginawang espiya? Diyos ko!"

"Oo ganoon na nga. Kailangan nila ng maraming mata na magtuturo sa mga rebelde."

Naiyukom ko na lamang ang aking mga palad sa galit at poot na aking nararamdaman. Hindi ko alam kung anong nakain ng ibang pilipino upang sumunod sa nais ng mga hapones. Marahil sila ay binayaran ng malaking kwarta. Sa panahon naman ngayon, ang kwarta ang pinakamahalaga kaysa sa dignidad.

At hinng nagkakamali ang sinabi ng isang babae kanina, kami nga ay ginawang bihag. Hindi ko alam kung gaano kami magtatagal dito?

Tama nga ako, ito ang aking ikamamatay. Ikamamatay ko ang labis na takot, pag-aalala at gutom.

"Lola, gising ho kayo,"

"H-Huwag. Huwag parang..."

"Lola, gising ho kayo, kayo po'y nagkakaroon ng panaginip."

"Sev---"

"Lola"

Habol-habol ang aking hininga nang ako'y magising. Napakapangit na panaginip. Sinasaktan daw ng isang hapones si Severino sa aking harapan habang ito'y nakangiti sa akin at nagsasabing ayos lang siya.

"Ayos lang po ba kayo?" Napalingon ako sa lalaking kumakausap sa akin. Mabuti na lamang siya'y nasisinagan ng kaunting ilaw kaya nakita ko ang kanyang mukha na nakatingin sa akin ngayon ng may pag-aalala. Pamilyar talaga ang mga matang iyan. Siya iyong lalaking dumating kanina. Ano nga ulit ang kanyang pangalan? Tianggo? Tano? Tanggo? Hindi ko na maalala.

Marahan akong lumingon. "Oo, ayos lang ako." Sandali akong napalingon sa paligid. Narito pa rin kami sa bahay-pagamutan, nagsisiksikan at ang iba ay natutulog na. "Anong oras na, iho?"

"Alas-otso na ho ng gabi, Lola." Siya'y yumuko at umayos ng upo.

Masyado pa lang napahaba ang aking pagtulog dahil masama ang aking pakiramdam kanina. Hinanap ng aking mga mata ang aking anak. Wala pa rin siya hanggang ngayon dito? Sana sila dinala ng mga hapones?

"Batid mo ba kung saan dinala ng mga hapones ang mga kababaihan?" biglang tanong ko habang patuloy na lumilinga sa paligid.

"Sabi ng isang espiya, sila raw po ay dinala sa simbahan upang gamutin ang ibang mga hapones na sugatan." Kalmado lamang ito na nagbabasa ng libro gamit ang maliit na gasera na nakalapag sa isang maliit na kahoy na mesa.

"Paano ka nakakapagbasa gayong puros patayan ang nasa ating paligid?" kunot-noong tanong ko. Naalala ko rin kanina, bigla siyang pumasok at nagsabing kagigising lamang daw niya. "Paano mo rin nagawang matulog sandali kanina? Saan ka galing?"

Bahagya siyang natawa at akmang ibubuka na sana ang bibig nang ito'y matigilan dahil sa pagtunong ng aking tiyan. "Masama ho ang malipasan ng gutom, Lola." Siya'y tumayo at pagbalik niya, mayroon na siyang dalang mangkok. "Lugaw po para sa malamig na gabi."

Inabot ko ito, inamoy . "Maraming salamat." Si Gregina kaya, kumain na kaya siya? Ang aking mga apo? Kailan ba ako makakauwi? Paano ba ako makakatakas dito? Ang sarap naman nitong lugaw.

"At para po sa inyong katanungan, iniisip ko na lamang po na ako'y may kasamang magandang binibini sa aking panaginip at sa aking binabasa. Namamasyal, kumakain at nagtatalik."

Ako'y naubo nang malakas dahil sa kanyang huling sinabi. Agad siyang tumayo at inabot sa akin ang basong tubig. Kinuha niya mula sa akin ang mangkok, inilagay sa mesa at hinagod ang aking likod.

"Ayos lang po ba kayo, Lola? Bakit po kase kayo nagmamadali sa pagsubo?"

Sinamaan ko siya ng tingin habang patuloy pa rin ako sa pag-ubo. Sa timlngin ba niya ako'y nabilaukan nang dahil doon?

"Sino ba ang iyong mga magulang, ha? Bakit ganiyan ang lumalabas sa iyong labi?"

"Ano pong kinalaman ng aking mga magulang?" takang tanong niya.

"Akin na ang mangkok. Huwag ka na muling magbabanggit ng mga ganoon." Tinanggap ko ang mangkok na kanyang inabot kahit mayroon pa ring pagtataka sa kanyang mukha.

"Ang ano pong ganoon?"

"Ang iyong huling sinabi."

"A, pagtatalik po ba?"

"Sabi ng huwag ng ulitin, e." Pilyo't matigas din pala ang ulo ng batang ito. Susmaryosep. Lumitaw naman ang kanyang malapad na ngiti habang nagkakamot ng ulo.

"Bakit ho, Lola, hindi po ba kayo nakipagtalik?"

"Susmaryosep kang bata ka!" Pinanlakihan ko siya ng mata at marahang hinampas sa braso. Muntikan pa akong masamid nang dahil doon. Ano bang klaseng bibig mayroon ang batang ito? "Bakit ka nagtatanong sa akin ng ganoon? Ako'y kumakain!"

"Patawad na po, pinapatawa ko lamang po kayo. Maselan ho pala kayo sa usaping pagtata--- sabi ko nga po, ako'y tatahimik na." Siya'y tumigil nang pagbantaan ko siya gamit ang aking mata.

Natatawa siya habang bumabalik sa pagbabasa ng libro at napapatingin sa akin. Bakit ganoon? Bakit kawangis niya si Severino? Mula sa mga mata at labi?

"Bakit po? Kayo po ba'y nagagwapuhan sa akin? Gwapo ako ano po?" sabay ngiti niya nang mapang-asar. Napatitig na pala ako sa kanya nang hindi ko namamalayan.

"Itulog mo na lang iyan." Ipinatong ko sa mesa ang mangkok pagtapos ng huli kong subo at nainom ng tubig. "Kumain ka na ba? Kumain na ba sila?"

"Kumain na po. Pinakain na po sila ng aking lolo."

"E, ang iyong lolo, siya ba'y kumain na? Nasaan siya? Bakit hindi mo siya kasama?"

"Nasa itaas ho, nagpapahinga na."

"Itaas?" sabay tingin ko sa kisame at tinuro ito. "Dito sa itaas? Paanong ---"

"Dalawang palapag po ang gusaling ito. Unang palapag para sa pagamutan at pangalawang palapag naman po para sa aming tahanan."

Nanlaki ang aking mga mata. "Di-Dito kayo naninirahan?" Totoo? Akala ko isang bahay-pagamutan lamang ito? Kaya ba nagawa niyang matulog kanina kahit nagkakagulo na rito? Ibig sabihin, narito lang siya sa ikalawang palapag?

Tuluyan siyang natawa at isinara ang libro habang tumatango. "Alam mo po, Lola, mayroong pagkakatulad ang naikukwento ng aking lolo sa kanyang nobya noon sa iyo."

"Nobya?" Bumilis ang tibok ng aking puso. Anong pagkakatulad ang kanyang sinasabi? Ano ang aking pagkakatulad sa nobya ng kanyang lolo?

Umayos siya ng upo at mas lalong tumabi sa akin. "Mayroon po siyang nobya noon, parehong-pareho niyo po na masungit at matalim kung tumingin. Bigla ko na lamang po iyon naalala kani-kanina lamang habang tayo po ay nagbibiruan."

"Ikaw lang ang nagbibiro, iho. Huwag mo akong idamay."

"Hahahahaha."

"Ano ang tungkol sa iyong lolo?"

Humina ang kanyang tawa habang nakukunot ang noo. "Bakit hindi ko kayo ipakilala sa aking lolo, Lola? Mukhang hindi naman ho kayo naglalayo ng edad. Sakto, siya'y biyuda at teka --- may asawa ho po ba kayo?"

Saglit akong napatigil at nakaramdam ng hiya. Nararapat ko bang sagutin? Hay, bahala na. "Wala."

Nanlaki ang kanyang mga mata at napasigaw. "Dalaga ho kayo?!" Parang ito ang kauna-unahang pagkakataon na siya'y nakakita ng matandang dalaga, a? Dapat talaga hindi na ako sumagot pa.

"Huwag ka ngang maingay. Kay daldal mo."

"Totoo po? Dalaga ho kayo?" paninigurado niya sa mababang tinig. Hindi ko siya sinagot bagkus tinitigan ko lamang siya. "Nais niyo bang magkaroon ng asawa? Hindi pa naman ho huli ang lahat, Lola, bukas na bukas din po ipapakilala ko ho kayo sa aking lolo."

Napailing na lang ako sa kanyang sinasabi. Matanda na ako para riyan

Wala ng lugar ang pag-ibig para sa akin. Ang tanging iniisip ko na lamang ay ang kalagayan ng aking anak, mga apo at ang kanilang lolo. Kahit naman ako'y walang asawa, masaya na rin ako dahil nagkaroon ako ng parang tunay na mga anak sa pamamagitan ng anak at apo ni Georgina.

"Bukas ho, Ginang, a? Ipapakilala ko po kayo. Sagot ko po kayo sa aking lolo," ngiting saad nito na nagpalitaw na naman sa kanyang malalalim na biloy.

Gwapo ngang bata, mahangin nga lang.

----------------------Abril 2, 1944-----------------

"Maaari na po kaming makalabas dito?"

"Pakawalan niyo na po kami."

"Wala pong kasam ang aming mga pamilya sa aming tahanan."

"Parang awa po ninyo, Ginoo."

Iyan lamang ang maririnig sa paligid - pagsusumamo ng aking mga kasama na tuluyan ng makalabas dito upang makabalik na sa aming mga tahanan.

Maging ako man ay nais ng makauwi. Masyado ng matagal ang isang araw para hindi makauwi sa amin. Paano na ang aking mga apo? Sila kaya'y nakakakain na?

"Magsitahimik kayong lahat!" sigaw ng isang lalaking may suot na bayong sa mukha sabay tutok sa amin ng mahabang armas. "Kapag hindi niyo itinikom ang inyong mga bibig, ipuputok ko ito sa inyo!"

Tumayo ang isang lalaki na napagkuha sa aming mga atensyon at sumigaw. "Pilipino ka ba talaga? Bakit ka sumusunod sa mga mamamatay-tao na iyon! Dapat ikaw ay nasa aming panig, hindi sa kanila!"

"Mang Berting, baka ikaw ay mapahamak! Diyos ko," wika naman ng isang babae at siya'y hinila paupo.

Kahit napupuno ng takot ang kanilang mga mukha, sila naman ay palihim na sumasang-ayon sa sinabi ng lalaki.

"Nais mo bang iputok ko sa iyo ngayon din?" Itinutok ng espiya ang armas sa lalaki at handa ng kalabitin ang gatilyo.

Napuno naman ng sigawan ang papag na ito, nagsimulang umiyak ang mga tao habang yakap-yakap ang kanilang mga kasama't mahal sa buhay.

Tahimik lamang akong nagmamasid sa kanila ngunit tahimik din akong natatakot. Baka mamaya, kalabitin niya talaga ang armas na iyan at may mapapaslang na naman na inosenteng tao.

Dala ng matinding kaba, ako ay nakakaramdam ng pagbigat sa aking puson. Ako'y naiihi. Bakit ngayon pa?

"Sige, iputok mo! Handa akong mamatay kung iyan ang iyong nais. Wala ka ng natitirang kahihiyan! Maging ang iyong kapwa pilipino ay iyong isusuplong! Magkano ba ang ibinibayad sa iyong salapi ng mga hapones na iyon, ha?!"

"Berting, tama na! Mayroon ka pang mga anak!"

"Ang dami mong sinasabi!" sigaw ng espiya.

Hindi ko na talaga kaya. Ako ay dahan-dahang tumayo na ikinagulat ng aking mga katabi.

"Lola, saan ho kayo pupunta?"

"Dito lang po kayo, Lola."

"Nasaan ba ang palikuran dito? Bumibigat na ang aking puson," wika ko. Hindi ko naman na pinansin pa ang galit na espiya ngunit batid kong siya'y nakatingin sa akin.

"Sigurado ka bang palikuran lamang ang iyong sadya, ha?" tanong nito. Nakakarindi ang tinig ng espiyang ito.

Ako ay humarap sa kanya nang nakakunot ang noo. "Nais mo bang ikaw na lamang ang gawin kong palikuran, a? Ang dami mong sinasabi, sumasakit ang tainga ko sa iyo." Anong tingin niya sa akin, kaya kong makatakas dito gayong ito ay napapaligiran ng madaming hapones?

"Nasa ikalawang palapag po ang palikuran, Lola. Sira ho ang palikuran dito sa unang palapag."

Napalingon ako sa nagsalita - ang lalaki pala na aking nakausap kagabi. Siya'y nakasuot ng manggas at itim na salawal, nakangiti at nakapamulsa. Magulo rin ang kanyang buhok at mayroong librong nakabuklat na nakapatong sa kanyang ulo. Bakit ganito ang itsura ng batang ito?

"Salamat," wika ko saka umalis.

"Kay sungit talaga."

"Mabuti nga sa iyo napahiya kang espiya ka."

Iyan ang aking narinig bago ako tuluyang makalayo. Dahan-dahan akong naglakad habang tinitignan ang paligid. Napupuno ng mga kagamitang pangkalusugan ang bawat sulok ng palapag na ito.

Ang maliit na hagdan patungo sa ikalawang palapag ay may kalakihan kahit mababakas na ito'y butas-butas na. Tila ito'y inaayos na lamang ng paulit-ulit upang hindi tuluyang magiba.

Malaki ang ikalawang palapag, mas maayos at masasabi kong inaalagaan ang palapag na ito. Narito ang mga upuan at mesa na gawa sa tabla, malalaking kurtina, muwebles at antikong disenyo na nakahilera sa mga dingding. Bagaman may iilang sira, mas nangingibabaw naman ang pagiging maayos nito.

Mayroong tatlong silid na makikita sa dulo. Ang isang silid ay bahagyang bukas ang pinto ngunit wala akong nakikitang tao. Habang ako'y dahan-dahang humahakbang, humangin nang malakas na nagpalipad sa aking natitirang buhok kahit ako'y nakatali.

Anim ang bintana na mayroon dito. Apat ang nakasara at dalawa naman ang nakabukas na natatakpan ng puting kurtina na may bahid na ng kaunting dumi.

"Lola? Saan po kayo pupunta?" Biglang may lumabas na lalaki sa isang silid na mukhang nasa labing-pitong taong gulang pa lamang.

"A, sa palikuran sana."

Itinuro niya ang isang maliit na silid na nasa gitna ngunit pinakadulong bahagi. "Iyan po."

"Salamat."

"Sige po." Bakit nararamdaman ko sa kanya ang presenya ni Ginoong Angelito? Mababakas sa kanyang mukha na hindi siya mahilig ngumiti ngunit mararamdaman na siya'y mabait o baka guni-guni ko lamang ito?

Sinundan ko siya ng tingin. Siya'y naupo sa isang upuan na naduduyan na gawa sa kahoy at ikinuha ang libro na nakapatong sa kalapit na mesa. O baka naman masyado na akong nag-iisip tungkol sa pamilya y Fontelo kaya kahit kanino ako tumingin, sila'y aking nakikita? Hay... kalimutan na nga.

"May kailangan pa ho ba kayo?" tanong niya nang hindi tumitingin sa akin.

Tanging iling na lamang ang aking itinugon kahit hindi niya nakita bago ako tuluyang magtungo sa palikuran.

"Lolo, huwag po ninyo kase pilitin ang inyong sarili."

Iyan ang aking narinig nang ako'y makalabas sa palikuran. Bahagyang mataas ang tinig ng lalaki kung kaya't walang kahirap-hirap ko itong narinig. Isa pa, malaki na ang pagkakabukas nitong silid hindi tulad kanina na maliit lamang.

Nakita ko ang dalawang lalaki na parehong nakatalikod mula sa akin - isang matanda na nakaupo at iyong lalaki kanina na aking nakasalubong, nakatayo at nakahawak sa kanyang lolo.

"Lalabas lang ako, apo, magpapahangin lamang."

"E, masama ho ang iyong pakiramdam, hindi ba?"

"Mas lalong sasama ang aking pakiramdam kung ako'y magkukulong lamang dito, Rulfo apo."

Tulfo apo?

Mabilis akong nagtago nang makita ko na sila'y papahakbang na. Palinga-linga ako sa paligid kung saan ako maaaring magtago. Saan ba ako maaaring magtago, e, ang palapag na ito ay pawang bukas na lugar (open area), walang pasikot-sikot o mapagtataguan maliban sa tatlong silid lamang.

"Hinay-hinay lang po, Lo."

Ng-ayos na lamang ako nang lakad nang makita ko na sila na nakalabas mula sa kanilang silid at mabilis na tumalikod mula sa kanila patungo sa ibaba.

"Mayroon ho ba kaming maipaglilingkod sa inyo?"

Kusang tumigil ang aking mga paa nang marinig ko ang kanyang tinig. Bumilis din ang tibok ng aking puso kasabay ng pagpasok ng malakas na hangin na nagmumula sa labas. Bakit? Bakit pamilyar ang kanyang tinig?

Ang mga puting kurtina ay nagsiliparan, ang mga ibon ay lumikha ng ingay kahit tanghaling-tapat at sa ilalim ng sikat ng araw at ang mga dahon ay unti-unting bumabagsak at lumilipad.

"Ginang?"

Sa bawat yabag na aking naririnig ay mas lalong magpapatindi ng kabang aking nararamdaman. Pakiramdam ko'y matagal akong hindi nakainom ng tubig. Ang aking lalamunan ay nanunuyo at hirap akong makalunok.

"Ayos na ako rito, apo, salamat."

"Sige po, Lo, papasok po muna ako sa silid."

Ano ang nangyayari? Nanatili pa rin akong nakatalikod at narinig ko ang pagsara ng pinto.

"Mayroon ho ba akong maipaglilingkod sa inyo dito sa aking tahanan?"

"Dalawang palapag po ang gusaling ito. Unang palapag para sa pagamutan at pangalawang palapag naman po para sa aming tahanan."

Ibig sabihin siya ang lolo na tinutukoy ni Tano ba iyon? Ngunit bakit dito nga pala sila naninirahan? Sila ba ay nagbabayad dito o sila ang nagmamay-ari nitong bahay-pagamutan?

"Ikaw ay may sugat, a? Iyan po ba ay nalinisan na? Maaari ko pong gamutin ang iyong sugat. Matagal-tagal na rin mula nang ako'y magkaroon ng huling pasyente." Siya'y tumawa. "Bakit ka nga pala nakatalikod? Ayaw mo ba ako makita?"

Huling pasyente? Ibig sabihin isa siyang manggagamot? Dahan-dahang gumalaw ang aking paa at lumingon sa kanya.

Siya'y ngumiti nang matamis at umayos ng tindig kahit na medyo nahihirapan. "Matapos ang apatnapu't walong taon, tayo'y nagkitang muli, Emilia."

Awtomatikong uminit ang aking mga mata at napatulala nang makumpirma ko ngang siya. Kinusot ko pa ang aking mga mata at kinurot ang aking kamay, nagbabakasakaling ako'y namamalik-mata lamang ngunit hindi, e, siya nga.

"S-Severino?"

May bahagi na rin ng kanyang buhok ang maputi na ngunit makikitang bagong gupit ito. Siya'y nakasuot ng puting kamiseta at itim na salawal. Matuwid na pangangatawan kahit kumukulubot na ang balat.

"Ako'y maswerte na nakita ko ang iyong itsura sa ganitong pagkakataon. Baka dumating ang araw na hindi ko na masaksihan na kumulubot ang iyong balat kasabay ng pagputi ng iyong buhok."

Naalala ko ang kanyang sinambit noon. Sa lahat ng aming pinagdaanan, ilang pagkakataong pinakawalan ang isa't isa para sa ikabubuti ng iba, heto kami ngayon, nakatayo't nakatitig sa isa't isa ngayong kami ay pareho ng maputi ang buhok at kulubot ang balat.

"Kumusta, Emilia?"

Severino, nasaksihan nating dalawa ang araw na ito.

-----------

<3~