Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 37 - Kabanata 34 ✓

Chapter 37 - Kabanata 34 ✓

--------------------Abril 22, 1944------------------

"Pasok ka," wika ko kay Delilah sabay hawi sa kurtina sa gilid dahil sa malakas na paglipad nito.

"Hindi pa rin nagbabago ang mansion nila, Ate Emilia." Hinayaan ko siyang lumibot muna habang ako'y abala sa paghahanda ng kanyang makakakain at maiinom.

Siya'y aking inimbitahan na dumalaw muna rito sapagkat ako'y nag-iisa rito. Kakaalis lamang ng dalawang magkapatid ngayong umaga. Hindi naman sinabi sa akin kung saan sila tutungo. Nagtanong ako ngunit hindi nila ako sinagot bagkus ngumiti lamang silang dalawa. Hindi ko na rin naman sila pinilit pa, tumango na lamang ako at sinabihan silang mag-iingat kung saan man sila pupunta.

"Pakiramdam ko'y mayroon silang binabalak, Ate, kaya hindi ka nila isinama sa kanilang lakad," wika ni Delilah nang ako'y makabalik mula sa kusina.

Iniabot ko ito sa kanya at sabay naupo sa kanyang tapat. Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko alam. Marahil mayroon lamang silang aasikasuhin." Lalo na si Severino, kahit siya'y matanda na, marami pa rin siyang inaasikaso lalo na sa kanyang bahay-pagamutan.

Uminom ng kaunti si Delilah bago muling nagsalita. "Baka mayroong sopresa sa iyo?" sabay ngiti niya. "Ano kaya iyon? Baka naman aayain ka na niyang magpakasal, Ate Emilia!" Siya'y tumayo at tumabi sa akin sabay kurot sa aking tagiliran.

"Magtigil ka nga, Delilah, parang hindi ka matanda sa iyong inaasal."

"O, bakit? Babae pa rin naman ako, natural pa rin sa akin ang makaramdam ng kilig, ano! Bakit ikawhindi ka ba kinikilig?"

"Saka lamang ako kikiligin kung siya'y nakaluhod na sa aking harapan."

"Asus, nakasimangot kuno ngunit sa loob-loob niya siya'y nangingisay na sa kilig," panunukso niya sa akin sabay iling.

Hindi na ako sumagot pa. Hindi rin naman ako magwawagi pagdating sa arasaran. Wala akong laban sa kanya. Tiningnan ko na lamang siyang nangingiti habang umiinom. Mayroon nga ba siyang sorpresa sa akin? Hindi rin naman pumasok sa aking isipan ang tungkol doon. Maaari rin kaseng mayroon lamang silang inasikaso na mahalagang bagay na hindi maaaring ipagsabi sa iba.

Pagsapit ng hapon, habang kami ay nag-uusap ni Delilah, nakita ko na papalakad na rito ang dalawang magkapatid habang masayang nagkukwentuhan. "Hayan na sila," wika ko kay Delilah at mabilis na tumayo upang salubungin sila.

"O, Emilia," wika ni Severino at ngumiti nang matamis sabay yakap sa akin nang mahigpit. "Kumusta naman ang iyong araw? Patawad kung ngayon lamang kami nakauwi."

Ngumiti ako sabay tumango. "Ayos lang. Kumain na ba kayo? Ako'y maghahanda."

"Maligayang hapon po Ginoong Severino at Ginoong Angelito," rinig kong wika ng aking kapatid.

Napansin ko naman na nakapako ang tingin ni Angelito kay Delilah, nagulat marahil sa kanyang biglaang pagdalaw. Muli kong naalala ang aming napag-usapan noong mga nakaraang linggo tungkol sa kanilang dalawa. Maasar nga.

Ako'y ngumiti at mahinang tumikhim. Sa kanilang tatlo, siya lamang ang nakarinig kaya nagawi sa akin ang mga mata. Palihim kong itinuro si Delilah na tumatawa at ako'y ngumiti.

Nanlaki naman ang kanyang mga mata at umiwas ng tingin. Upang mas lalo pa siyang mahiya, kinalabit ko si Delilah at ngumuso sa gawi ni Angelito. Lumingon naman si Delilah sa kanya at pagkalingon sa akin muli, nanlalaki at kumukunot na ang kanyang noo.

Mas lumapit pa ako sa kanya at bumulong. "Naikuwento sa akin ni Angelito na siya raw ay nagtapat sa iyo noon. Subukan mong umiwas ng tingin, ikaw ay aking aasarin sa kanya." Napansin ko ang galaw ng kanyang mata na hindi gaanong nakatuon sa akin. Iiwas-iwas pa siya.

"Hindi naman ako umiiwas. Guni-guni mo lang iyan, Ate."

"Kinikilig ka?"

"Hindi, a."

Tumaas ang gilid ng aking labi nang aking mapansin ang mas lalong pagkunot ng kanyang noo kahit hindi na siya nakatingin sa akin ngayon. Muli akong lumingon kay Angelito na ngayo'y nakatingin sa amin.

"Hali tayo sa loob," rinig kong tugon ni Severino at ako'y inalalayan sa aking paglalakad - ang kanyang kanang braso ay nasa king likod.

Nang dumaan sa aking gilid si Angelito, ako'y bumulong. "Siya'y kinikilig, Angelito."

Tumingin lamang siya sa akin at marahang tumango saka na siya naunang naglakad. Imbes na ako'y mainis sa kanyang inasal dahil ganoon lamang ang kanyang ipinakita, natawa ako. hindi pa rin siya nagbabago. Siya'y masungit pa rin ngunit halata naman na siya'y naapektuhan.

Nagpaalam muna ako kay Severino na maghahanda lamang ako ng kanilang makakakain. Bago ako tuluyang makalayo, narinig ko pa silang masayang nagkamustahan at nagkukwentuhan sa ilang araw nilang hindi pagkikita. Pansit, suman at mainit na tsokolate ang iniluto namin ni Delilah ngayong hapon para sa meryenda.

"Heto, kain na muna kayo," wika ko nang ako'y makabalik at inilapag sa maliit na bilog na mesa ang mga pagkain at inumin. Uupo na sana ako sa tabi ni Delilah anng sumenyas sa akin si Severino na maupo ako sa kanyang tabi. Ngumiti ako at sumunod.

"Salamat, Mahal," bulong niya nang ako'y makaupo. Maging ako ay kanyang pinaghandaan ng pagkain kahit kakakain lamang namin kanina.

"Gaano nga pala kayo rito magtatagal, Ginoong Severino," tanong ni Delilah sabay sawsaw ng suman sa tsokolate.

"Dalawang linggo lamang, Delilah, kailangan ko rin kaseng bumalik sa Bataan. Naroon ang aking anak at mga apo."

"Mabilis lang pala. Akala ko kayo ay aabutin dito ng isang buwan."

"Nasaan nga pala ang iyong asawa?"

"Nasa sakahan, Ginoo, mayamaya rin lamang siya'y uuwi na kaya kailangan ko na ring umuwi ngayon" sabay tawa niya at inubos ang suman. "Ate, ako'y gagayak na. Maraming salamat sa paanyaya."

"Sigurado ka?" Kusang gumalaw ang aking mga mata sa gawi ni Angelito na tahimik lamang kumakain ng pansit. Nais ko sanang tawagin siya ngunit mapapansin ni Severino na siya'y aking binibiro. Lumapit na lamang ako kay Delilah at bumulong. "Aalis ka nang hindi man lang kayo mag-uusap ni Angelito?"

Kumunot ang kanyang noo. "Mayroon ba kami dapat pag-usapan?"

"Marahil tungkol sa inyong nakaraan?"

"Ate, kung ano man ang iyong binabalak huwag mo nang ituloy. Ako ay may asawa na. Bakit hindi mo ginawa sa akin iyan noon noong tayo'y naninilbihan pa lamang sa kanila?"

Marahan kong hinila ang kanyang buhok. "Trese anyos (13) ka pa lamang niyon. Ang bata-bata mo pa."

"Tapos ngayong ako'y may asawa't mga apo na, saka mo ako tutuksuhin sa kanya?"

Pinaikot ko ang aking mga mata sa kanyang pangangatwiran. "Umalis ka na nga." Hindi ko talaga magawang manalo pagdating sa pang-aasar. Lagi siyang may katwiran.

"Oo na," natatawa niyang tugon. "Hindi mo ba ako ihahatid sa labas? Ikaw ang nagpapunta sa akin dito."

Hindi na ako sumagot at nagpaalam kay Severino na siya'y ihahatid ko sa labas. "Mag-iingat ka. Ikamusta mo ako sa iyong asawa," wika ko nang nasa labas na kami ng hacienda.

Isinara ko na ang tarangkahan nang mayroong lalaking dumating. Siya'y nakasuot ng putting manggas, itim na salawal at sumbrero na yari sa banig. Mukhang siya ay mensahero rito sa bayan. "Dito po ba nakatira si Severino y Fontelo?"

"Bakit?"

"Mayroon pong liham para sa kanya" sabay abot niya sa akin ng liham. Nakasulat ang pangalan ni Severino sa itaas kasama ang kinatatahanan (address) nito.

Agapito Nuncio.

Iyan ang pangalan na nakasulat sa ibabang bahagi ng puting sobre.

"Sige salamat," wika ko na kanyang ikinatango sabay paalam. Pumasok ako sa loob at naabutan ko na nag-uusap ang magkapatid. "Severino, mayroong liham para sa iyo."

Napalingon siya sa akin at napatingin sa liham na aking iniaabot sa kanya at tinanggap ito. Noong una siya'y seryoso lamang ngunit ngumiti rin siya bigla nang makita kung kanino nagmula. "Kay Agapito pala." Binuksan niya ito at sandaling binasa ang liham. Nanlaki ang kanyang mga mata at gulat na napapangiti. Siya'y muling tumingin sa akin. "Inaanyayahan niya tayong dumalo sa ika-apatnapung anibersaryo (40 yrs) ng kasal ng kanyang asawa sa Maynila."

Ika-apatnapung anibersaryo?

Ako'y ngumiti sa kanya. Parang kailan lang, kami ay mag-nobyo, ngayon, ipagdidiwang na nila ang mahigit apat na dekada nilang pag-iibigan. "Batid ba niya na tayo'y nagkitang muli?"

Siya'y umiling habang nakatiling nakangiti. "Hindi. Nais ko rin siyang sorpesahin na tayo'y muling nagkita."

****

Ang lamig. Katatapos ko lamang maghugas ng aking katawan. Tagos hanggang balat ang lamig ng tubig lalo na't gabi na rin ngayon. malamig ang simoy ng hangin.

Bago ako tuluyang pumasok sa silid, dumungaw muan ako sa bintana at tumingin sa kalangitan. Mukhang uulan pa. mabigat ang ulap, malakas ang hangin na nagpapalipad nang malakas sa mga dahon at matataas na kawayan.

Pagpasok ko sa loob, aking nadatnan si Severino na nakaupo sa higaan habang nakasandala ng ulo nito. "Bakit hindi ka pa natutulog?" tanong ko, naupo sa higaan at kumuha ng suklay. Nang tuluyan na akong makalapit, nakita ko nahawak niyang muli ang liham na ipinadala sa kanya ni Agapito. "Bakit hawak mo pa iyan?"

Siya'y ngumiti at dahan-dahang tumango kasabay ng pagkuha sa aking suklay. "Ako na ang magsusuklay sa iyo." Hindi na ako nakatanggi pa dahil inumpisahan na niyang suklayin ang aking buhok kaya pinabayaan ko na lamang siya. Habang sinusuklayan niya ako, nanatili siyang tahimik. Wala ba siyang balak sagutin ang aking tanong? "Ngayon ko lang naalala, hindi ko pa pala nalalaman kung anong nangyari sa inyong dalawa ni Agapito noon," biglang sambit niya.

Nagulat ako at bahagya kong itinagilid ang aking ulo upang lumingon sa kanya. hindi ko pa nga pala naikukuwento sa kanya ang tungkol doon. Akala ko nalimutan na niya kaya hindi ko na muling inungkat pa.

"Maaari mo bang ikuwento?" Nagtama ang aming mga mata at marahan siyang ngumiti. "Nais ko lang malaman. Nais ko lang din masiguro na wala ka ng nararamdaman sa kanya."

Kumunot ang aking noo at napatawa rin bigla. "Ang tagal na niyon, Severino, masaya na siya ngayon. Batid mo naman sa liham."

"Naninigurado lamang" sabay tawa niya.

"Sana hindi na kita hinintay pa kung hanggang ngayon mayroon pa ring iba." Tuluyan akong humarap sa kanya at hinawakan siya sa kanyang magkabilang pisngi. "Kahit kailan wala akong pinagsisisihan sa lahat ng nangyari. Nang dahil doon mas lalo lamang natin pinatunayan kung hanggang saan aabot ang ating pag-iibigan."

"Mahal na mahal kita, Emilia," bulong niya sa akin at ako'y siniil ng halik.

Ngumiti ako nang matamis at hinalikan siya sa noo. "Ikukwento ko pa ba?"

"Higa na muna tayo bago ka magkuwento." Nauna siyang humiga at inayos ang aking unan. "Higa ka na, Mahal."

Imbes na ang unan ang aking higaan, ginawa kong unan ang kanyang kannag braso at yumakap sa kanya. Napansin kong siya'y napangiti sa aking ginawa at niyakap din ako.

"Ganito iyon...," panimula ko. Huminga muna ako nang malalim at pumikit saglit nang aking sariwain ang pagtatapos ng aming relasyon.

Matapos ang pag-iisang dibdib nina Ginoong Severino at Binibining Floriana kanina, kami ay bumalik ni Agapito sa bahay-panuluyan. Mula kanina, ako ay tahimik lamang. Ni hindi ko nga magawang maintindihan o makinig man lang sa kanyang mga ikinukwento.

Tila ba lumilipad ang aking utak. Tanging naiisip ko lamang ay yaong huling usapan namin ni Ginoong Severino matapos ang kanilang kasal.

Kanina ko pa rin iniisip kung ano ba talaga itong nararamdaman ko sa aking nobyo - pag-ibig ba o paghanga lamang? Ngunit bakit ako nakaramdam ng paninibugho noong kami ay nasa barko pa lamang? Noong araw na mayroong isang babae akong nakita na nagka-interes kay Agapito?

Ginulo ko ang aking buhok at ibinaon ang aking mukha sa malambot na unan at sumigaw.

"Ate, kanina ka pa ganiyan mula nang kayo ay makauwi. Ano po ba ang nangyayari sa iyo?" rinig kong tanong ni Delilah.

Umiling lang ako habang nakaupo sa higaan at nananatiling nakabaon ang mukha sa unan. Hindi ko batid kung nakita niya ba itong aking pag-iling. Wala akong ganang makipag-usap sa iba. Ano ang aking gagawin? Dapat ko bang sabihin kay Agapito ang aming napag-usapan? Dapat ko bang sambitin sa kanya na may iba pa ring laman ang aking puso?

"Ayos ka lamang po ba? Nais mo bang tawagin ko si Kuya Agapito?"

Muli akong umiling at umayos ng higa. Itutulog ko na lang muna ito baka sakaling makahanap ako ng solusyon sa aking problema.

Abril 18, 1896

"Mahal, mayroon bang problema?" tanong sa akin ni Agapito nang ako'y kanyang abutan ng mangga. Hapon ngayon at mataas ang sikat ng araw ngunit ang aking dibdib ay tila pinagsasakluban ng langit at lupa.

Ilang linggo na ang nakalilipas mula nang sila'y ikasal, heto ako, hindi ko pa rin alam ang aking gagawin. Hindi ko pa rin alam kung sasabihin ko ba sa kanya o hahayaan ko na lamang.

Ganoon din naman, siya rin naman ang aking pinili, hindi ba? Mas pinili ko pa ring palayain muli si Ginoong Severino para sa ikabubuti niya at ni Binibining Floriana.

Ngunit hindi maiaalis sa aking puso ang katunayan na panghahawakan ko ang pangako namin sa isa't isa ngunit ngayon, alam ko ring kailangan ako ni Agapito kaya ako narito. Hindi ako maaari maging makasarili. Marami na siyang nagawa sa akin at minamahal niya akong tunay.

Ano ba ang nararapat kong piliin? Ano ba ang nararapat na desisyong gawin?

"Mahal?" tanong niyang muli. Umiling ako at kinuha muli ang mangga na iniaabot niya sa akin.

Narito kami ngayon sa labas ng bahay-panuluyan, nakaupo sa duyan habang kumakain ng mangga at pinagmamasdan ang ganda ng tanawin ngayong hapon. Si Delilah naman ay mahimbing na natutulog.

"Maaari mong sabihin sa akin kung mayroon kang problema. Baka sakaling ako ay makatulong."

Matutulungan mo pa kaya ako gayong ako ay may malaking kasalanan sa iyo? Kinain ko na lamang ang mangga kasabay ng aking malalim na paghinga. Nanatili akong tahimik. Pinili ko na lang na hindi sagutin ang kanyang tanong.

Ngumiti ako sa kanya nang magtama ang aming mga mata. Siguro ngayon, mananatili muna ako sa kanyang tabi dahil batid ko rin na kailangan niya ako kung paano kailangan ni Binibining Floriana si Ginoong Severino ngayon.

Hindi naman marahil siya magagalit kung hindi ko sasabihin sa kanya, hindi ba?

Sa huli, siya rin naman ang aking pinili.

Sa huli, siya pa rin ang nasa aking tabi.

Ito nga marahil ang tamang desisyon.

Hindi ko kayang sirain ang kaligyahan na nararamdaman niya ngayon dahil lamang sa aking kasakiman.

Sa tuwing nakikita ko siyang ngumingiti at tumatawa sa akin, ang aking inipong lakas upang sabihin sa kanya ang totoo ay unti-unting nawawala at napapalitan ng takot at pangamba.

Ako ang kanyang kaligayahan. At hindi ko kayang ipagkait iyon sa kanya.

Baka sakaling matutunan ko rin siyang mahalin tulad ng pagmamahal ko kay Ginoong Severino.

Mayo 5, 1897

"Masaya ka ba, Mahal?" tanong sa akin ni Agapito habang kami ay naglalakad dito sa tabi ng dagat.

"Oo naman. Bakit mo naman iyan  naitanong?" Bigla na lamang siyang nagtanong sa akin na aking ikinagulat. Huminto ako kaya napahinto rin siya at inilagay ang dalawang kamay sa loob ng kanyang bulsa.

Napatingin ako sa tubig. Nababasa ngayon aking paa kahit ako ay may suot na bakya. Kitang-kita ko sa tubig ang aming repleksyon, siya ay nakatingin sa akin ilang segundo na ang itinatagal. Napansin ko ang kanyang malalim na paghinga habang nililipad ng malakas na hangin ang kanyang buhok.

Lumingon ako sa kanya nang may pagtataka. "Ayos ka lang ba?"

Ngumiti siya nang kaunti sabay tumango. "Oo naman."

"Baka ikaw ay napapagod na. Hali na uwi na tayo?" Kaninang umaga na rin kase kami namamasyal at hapon na ngayon. Baka siya ay pagod na lalo na't puspusan ang kanyang pag-aaral ngayon dahil ito na ang kanyang huling taon ng medisina.

"Isang taon na pala ang nakalipas mula nang makuha ko ang iyong matamis na "oo" sa lugar na ito, ano?" wika niya. Naalala ko nga iyon. Dito ko siya sa tabing-dagat sinagot. Mahigit isang taon na rin pala ang aming relasyon.

Matapos ang dalawang linggo naming pagdalaw sa bayan ng Las Fuentas, kami ay bumalik dito sa Maynila at patuloy na naninirahan kasama si Nanay Sitang.

"Ang bilis lang ng araw," tugon ko sabay napatingin sa magandang kalangitan. Maraming tao ngayon dito sa dagat ng Maynila (Manila bay). Mga taong namamasyal at abala sa pagtitinda. May sariling mundo na tila sila lamang ang nagkakaintindihan. 

"Naging masaya ka ba sa isang taon at tatlong buwan nating pagsasama, Binibining Emilia?"

"Oo naman" sabay lingon ko sa kanyang muli. Kahit naman nagkaroon ako ng hindi kasiguraduhan sa aking nararamdaman noon dahil lang muli kong nakita si Ginoong Severino matapos ang pitong buwan kong pananatili rito sa Maynila, naging masaya ako sa aming naging relasyon ni Agapito.

Marami akong natutunan sa kanya, marami akong nadalaw na lugar dito sa Maynila, mas lalo ko siya nakilala at higit sa lahat, natutunan ko rin siyang mahalin. Mas pinili ko siyang mahalin kahit pinanghahawakan ko ang pangako namin sa isa't isa ni Ginoong Severino.

Mali bang pakinggan? Hindi ko alam ngunit iyan ang aking nagawa.

"Mahal mo ba ako, Binibining Emilia?"

"Oo. Bakit mo naman iyan naitanong? May problema ba?"

"Ngunit hindi kasinglalim ng pagmamahal mo sa aking kaibigan, hindi ba?"

"Ha?" Napatulala ako at napaawang ang aking labi. Ang malakas na hangin na humahampas sa akin ay mas lalo pang lumakas kasabay ng pagbilis ng tibok ng aking puso. Ano ba itong kanyang sinasabi?

"Hindi ko batid kung ano ang iyong naisip kung bakit mo pa pinatagal, Mahal." Inalis niya ang kanyang mga kamay sa bulsa at hinawakan ang aking pisngi. "Mahal mo ako, oo, ngunit hanggang ngayon si Severino pa rin ang mas nakakalamang diyan sa iyong puso."

"H-Hindi...ano... Agapito." Kumurap ng maraming beses ang aking mga mata kasabay ng aking pagsinghap. Hindi ko inaasahan na lalabas ito sa kanyang labi ngayon.

Siya'y ngumiting muli. "Lalaki ako kaya aking nararamdaman kung mahal mo ba ako o hindi."

"Mahal naman kita."

"Maraming salamat sa pagmamahal, Binibining Emilia."

Napahawak ako sa laylayan ng kanyang barong tagalog. Nararamdaman ko na rin ang paglabo ng aking mga mata kaya ako ay mabilis na yumuko upang hindi niya makita. Kumirot ang aking puso sa kanyang huling tinuran. Siya'y nagpapasalamat pa rin sa kabila ng nangyari?

"Ngunit sana sinabi mo sa akin nang mas maaga, maiintindihan ko naman kahit masakit."

"A-Agapito..."

Marahan niyang iniangat ang aking ulo at nagtama ang aming mga mata. Matamlay ang mga ito, hindi ko nakikita ang kinang sa kanyang mga mata sa tuwing ako ay kanyang kausap. Napakainutil ko. Nasaktan ko na naman siya. "Bakit ka nanatili sa aking tabi gayong ibang lalaki ang tunay mong minamahal?"

Kumunot ang aking noo habang patuloy sa pagbagsak ang aking mga luha at bumuka ang aking labi ngunit walang salita ang lumabas.

"Nais ko lang marinig, minahal mo nga ba ako?" Ang kanyang mga mata ay namumula na ngayon. Puno ng sakit at lungkot.

"Minahal talaga kita, Agapito. Hindi ka mahirap mahalin." Iyan ang totoo.

"Bakit hindi mo sinabi sa akin ang totoo?" Bumitiw siya sa pagkakahawak sa aking pisngi at bahagyang lumayo. "Akala ko noong una, ikaw ay naninibago lamang kaya bahagyang malayo ang loob mo sa akin ngunit napagtanto kong siya pa rin ang iyong mahal dahil siya'y iyong binabanggit tuwing tayo ay namamasyal."

"Hindi. Hindi naman ---"

"Hindi mo marahil napapansin ngunit nababanggit mo siya nang madalas nang hindi mo namamalayan. Madalas mo ring itanong sa akin kung kumusta na siya."

Hindi ko naman itinatanggi na tinatanong ko nga iyon sa kanya. Nais ko lang naman malaman ang kanyang kalagayan. Nais ko lang siyang kumustahin. "Mali ba iyon?"

"Hindi naman subalit bilang nobyo mo, marahil batid mo naman na iyon ay aking ikakapanibugho."

"P-Patawad."

Siya'y huminga nang malalim kasabay ng pagtingin niya sa kawalan. "Akala ko mahihigitan ko na siya sa iyong puso dahil siya'y kasal na sa iba ngayon. Ngunit marahil hindi dahilan ang kasal para mawala ang pag-ibig mo sa kanya. Mas malalim ang naging bunga nito sa akin dahil matagal din ang isang taon kung tutuusin."

Hindi na ako nagsalita pa bagkus tinakpan ko na lang ang aking mukha at lumuha pa nang husto. Ako'y humagulhol habang umiiling. Nagkamali ako. Nagkamali ako. Sana sinabi ko na lang sa kanya. Ano ba itong aking ginawa? Akala ko magiging maayos lang dahil siya rin naman ang aking pinili sa huli.

"Mahal," pagtawag niya sa akin. Naramdaman ko na lang ang kanyang mainit na yakap habang ako'y pinapatahan. "Tahan na. Hindi ko ito sinabi sa iyo upang ikaw ay lumuha nang ganiyan. Nais ko lang na tayo'y magkaliwanagan." Pinipilit niyang iangat ang aking mukha ngunit mas naging matigas ako. Ayaw kong makita niya ako. Ako'y nahihiya. Nahihiya ako sa aking ginawang paglilihim. "Binibini, tumingin ka sa akin."

Umiling lamang ako at pinunasan ang aking luha.

"Hindi naman ako galit sa iyo. Hindi ko kayang magalit sa iyo. Ang sa akin lamang sana hindi mo na nilihim pa nang sa gayon ating maitama."

"B-Batid mo naman marahil na i-ito'y mahirap sa a-akin. Ako'y natatakot. Sa iyo bang palagay hindi ko na naisip iyan, ha?" tanong ko. Kung alam niya lamang ang matinding takot na aking nararamdaman. Nagsisimula na ring sumikip ang aking dibdib. Habang tumatagal ang aming pag-uusap hinggil dito, mas lalong lumalim ang sakit na aking nararamdaman.

Muli niyang sinubukan na iangat ang aking mukha. Kahit na ako'y nagmamatigas, mas lalo siyang naging makulit na gawin ang kanyang nais. "Tumingin ka na muna sa akin. Paano tayo magkakausap nang maayos kung ikaw ay umiiwas sa akin?" sabay tawa niya.

Kumunot ang aking noo at siya'y marahang hinampas sa kanyang braso. "Patawad." Paano pa niya nagagawang tumawa kahit siya'y lubos ng nasasaktan? Kung ako ang nasa kanyang kinalalagyan ngayon, hindi ko alam ang aking gagawin. Baka ako ay mapasigaw at mapatulala na lamang.

"Ayos lang. Naging masaya rin ako dahil naranasan kong makasama ka ng mas matagal. Kung tutuusin nga, ako ang mas masuwerte sa aming dalawa ni Severino dahil ikaw ay aking nakasama, bagay na hindi niya naranasan noon."

"Patawad." Ang salitang iyan lamang ang paulit-ulit na pumapasok sa aking isipan ngayon. Kulang ang isang patawad sa laki ng aking ginawa.

"Ngunit nasaktan talaga ako, Mahal. Apat na buwan na mula nang iyan ay aking malaman. Hanggang ngayon, ako'y umaasa pa rin na isang araw, baka sakaling ika'y magising na ako na ang iyong tunay na minamahal."

Mabilis siyang tumalikod sa akin at pinunasan ang ilong sa huling pagkakataon ng siya'y mapaharap na sa akin. Pansin ko ang pagbasa ng kanyang pisngi at patuloy na pamumula ng kanyang mata at ilong. Siya'y ngumiti nang matamis at ako'y niyakap.

Nang magdikit ang aming katawan, humigpit ang aking pagkakayakap sa kanya kasabay ng aking muling paghagulhol. Ako'y nahihirapan ng huminga dahil naiipon na ang sipon.  Ang tagal na rin pala mula nang kanyang malaman. Bakit hindi ko man lang napansin? Bakit hindi ko man lang naramdaman na siya'y nakakaalam na?

"Binibini," pagtawag niya sa akin nang hindi humihiwalay sa yakap. "Hindi ako galit sa iyo kahit inaamin kong ako ay nasasaktan. Kung ako ang iyong tatanungin, mas iisipin ko na lamang ang mahigit isang taon nating pagsasama kaysa isipin ang mahigit isang taon mong paglilihim sa akin."

"A...gapito."

"Masakit din pa lang magpanggap na tila wala kang nakikitang mali, ano?" sabay tawa niya. Ako na mismo ang kusang humiwalay sa kanya. Nakita ko mismo ngayon ang pagbagsak ng kanyang luha at napahawak sa mata nang mariin. "P-Patawad kung hindi ako siya. P-Patawad kung hindi ko man lang maiparamdam sa iyo ang pagmamahal na naiparamdam niya sa iyo noon. Dalawang taon na ang nakalilipas mula nang siya'y iyong magustuhan, hanggang ngayon siya pa rin ang tinitibok ng iyong puso."

Napahawak ako sa kanyang pisngi at marahang pinunasan ang kanyang luha. "Mahal naman kita."

"Ngunit hindi tulad ng pagmamahal mo sa kanya. Ayos lang. Baka hindi nga tayo ang para sa isa't isa kahit pilitin ko pa." Matagal niyang pinunasan ang kanyang mga mata. Paminsan-minsa'y napapatingala pa at napapapikit kasabay ng walang tigil na pagluha. At nang magtama ang aming mga mata, siya'y ngumiti nang matamis tulad ng ipinapakita niya sa akin lagi.

Napaiwas ako ng tingin. Hindi ko kayang makita nang matagal ang kanyang pagluha. Sa mahigit isang taon naming pagsasama at sa ilang taon kong pagkakakilala sa kanya mula ng ako'y manilbihan sa kanila noon, ngayon ko lamang siyang nakitang lumuha nang ganito.

"Hindi naman luluha ang isang lalaki kung hindi ka niya tunay na iniibig."

Tila umalingawngaw ang tinig ni Inay sa aking isip nang aking maalala ang kanyang sinabi sa akin noong siya'y nabubuhay pa lamang. Mas masakit nga makitang lumuha ang mga kalalakihan kaysa sa aming kababaihan. Iba ang epekto. Ang sakit na kanyang kinikimkim ng matagal, ngayo'y lumabas na.

"Binibining Emilia," pagtawag niya sa akin sabay hawak sa aking kanang kamay kaya ako muling tumingin sa kanya. "Mas pipiliin kong intindihin ka dahil ikaw ay aking iniibig. Maraming salamat sa pananatili sa aking tabi kahit mahirap para sa iyo, Mahal. Salamat dahil hindi mo ako iniwanan. Salamat dahil ako ang iyong pinili. Batid kong mahirap at masakit para sa iyo ito ngunit mas lalo lamang sasakit ito kung atin pang patatagalin lalo."

"Ano ang iyong ibig sabihin?"

"Hiwalayan mo ako, Mahal." Mabilis niyang pinunasan muli ang kanyang luha at mapait na ngumiti. Pansin ko pa ang lalim at hirap niya sa paghinga. "Tapusin mo na ang relasyon nating dalawa. Ngayon."

Nanlaki ang aking mga mata kasabay ng pagsalubong aking kilay.

"Ito lamang ang tanging paraan para hindi na tayo masaktan pa. Huwag kang mag-alala. Hindi ako galit sa inyong dalawa ni Severino. Marami ng nangyari sa inyong dalawa. Marahil, may plano ang Diyos para sa inyo." Huminto siya saglit at inayos ang aking buhok. "Sige na, Mahal, hiwalayan mo na ako hangga't kaya pa kitang bitiwan at pakawalan ngayon."

Hindi ako makapagsalita. Nanatili lamang akong nakatitig sa kanya. Ito ba talaga ang kanyang nais?

"Binibini,"

"Ikakasaya mo ba kung ako'y makikipaghiwalay sa iyo?"

"Ikakasaya mo, Binibini. Makita lamang kitang masaya at hindi nasasaktan, masaya na rin ako."

Saglit akong napayuko at napahinga nang malalim. Naiyukom ko rin ang aking dalawang kamao bago tumingin sa kanya. "T-Tapusin na natin ito, Agapito. A-Ayaw ko na. Tapusin na natin ito." Mabilis kong pinunasan ang aking luha matapos kong sabihin iyon at mabilis siyang niyakap.

"Ngayon, maluwag na ang aking pakiramdam. Maraming salamat, Binibining Emilia." Naramdaman ko na ang paghalik niya sa aking buhok. Siya'y humiwalay at hinawakan ang aking magkabilang pisngi. "Ssshh...tahan na. Tahan na. Ang babaw ng iyong luha, Binibini. Ikaw pala ay iyakin." Natawa siya na mas lalo kong ikinaiyak. "Tahan na. Ipangako mo sa akin na kung sakali mang magkita kayo ng aking kaibigan, huwag niyo ng pakawalan ang isa't isa. Isipin niyo na ang inyong mga sarili. Unahin na ninyo ang inyong kaligayahan na hindi niyo makikita at mararamdaman sa isa't isa."

Tahimik lamang akong nakikinig. Hindi rin ako tumatango. Parang gusto ko na lamang mawalay ng ulirat at paggising ko, maayos na ang lahat.

"Huwag kang mag-alala kayo'y magkikitang muli. Ipapanalangin ko iyan palagi. Sa ngayon, ako'y magpapaalam na, Binibini." Nang maramdaman ko ang dahan-dahan niyang pagbitiw sa akin ay siyang pagkapit ko naman sa kanya nang husto.

"Aga...pito" sabay iling ko ng ilang beses. Nasasaktan ako. Nasasaktan ako.

"Mawawala rin ang sakit na ating nararamdaman, Binibini, at mapapalitan din ng walang hanggang kasiyahan sa huli."

Patuloy pa rin ako sa pag-iling habang ako'y humihikbi. Nahihirapan na akong magsalita kaya mas pinipili ko na lamang na gamitin ang aking katawan para siya'y pigilan.

"Paalam na, Binibining Emilia, magkikita rin tayo muli balang araw." Sa huling pagkakataon, ako ay kanyang hinalikan sa noo ng matagal at niyakap nang mas mahigpit. "Kapag nalaman ni Severino na ikaw ay aking pinaluha, magagalit iyon sa akin. Susuntukin niya ako, nais mo ba iyon?" natatawa niyang tanong.

Hindi ko na rin naman siya mapipigilan dahil mukhang buo na ang kanyang pasya. Hindi ko na siya pinigilan pa nang tuluyan na siyang humiwalay sa akin.

"Paalam na," bulong niya.

"Mag-iingat ka."

"Ikaw rin. Mahal na mahal kita. Paalam. Patawad."

Pinunasan ko ang aking luha nang muli kong maramdaman ang pagtulo nito. Kahit ilang taon na ang nakararaan, masakit pa rin sa akin ang pagtatapos ng aming relasyon.

"Sssshh. Tahan na," bulong ni Severino sa akin sabay punas sa aking mukha. "Ayaw ni Agapito na lumuha ka, hindi ba? Hindi siya magiging masaya."

Humigpit ang aking pagkakayakap sa kanya. "Kaya nang aking malaman, dalawang taon matapos ang aming paghihiwalay na siya'y nagkanobya ng muli, naging masaya ako sa kanya. Kase sa wakas nahanap na niya ang babaeng mamahalin niya ng buong-buo." Inabot din ng dalawang taon bago siya magmahal muli. Base sa kanyang kuwento sa akin noon, matapos ang limang taon nilang relasyon, sila'y nag-isang dibdib na.

"Loko iyon, a? Sabi niya sa akin ikaw ang nakipaghiwalay, iyon pala ay pakiusap niya sa iyo." Narinig ko ang kanyang mahinang tawa at hinaplos ang aking braso. Nanatili pa ring ganito ang aming posisyon, nakatingin lamang ako sa ibang direksyon maging siya. "Hanggang sa huli, tayo pa rin ang kanyang iniisip. Sa lahat ng aking kaibigan, siya lamang ang napakabait. Siya rin ang aking itinuturing na kapatid. Kaya, Mahal,..." Kinalabit niya ako kaya napatingin ako sa kanya. "Siya'y ating sosorpresahin sa kanilang anibersayo. Lahat ng kanyang pagsasakripisyo at pag-uubayang ginawa sa atin mula noon hanggang ngayon ay hindi nasayang."

Nguniti ako nang matamis at magiliw na tumango. "Oo naman. Kung hindi dahil sa kanya, hindi rin mangyayari ang lahat ng ito. Marami na siyang nagawa para sa atin."

"Maging si Floriana rin."

"Ikaw naman ang magkuwento sa inyo ni Floriana," segunda ko nang banggitin niya ang kanyang ngalan.

Siya'y tumawa. "Sa susunod. Ipapakita ko rin siya sa iyo subalit ngayon mayroon muna akong aasikasuhin, a? Matulog ka na riyan. May aayusin lamang ako." Hinalikan niya ako sa noo at pinaayos ng higa. Tinakpan niya ako ng kumot at muling hinalikan sa noo.

"Ano ang iyong gagawin?"

"Tungkol lamang sa bahay-pagamutan. Matutulog din ako pagtapos."

"Matulog ka agad, a?" Bakanmamaya kung saan pa siya magtungo, gabi na.

Tumawa siyang muli. "Opo, Mahal."

--------------------Abril 23, 1944----------------

Kinabukasan, umaga pa lamang, kinapa-kapa ko si Severino sa aking tabi ngunit wala akong nahawakan habang ako'y nakapikit.

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata at tinignan ang higaan. Wala siya. Bumangon ako at nagtungo sa labas.

Pagdating sa kusina, mayroon akong naririnig na kaluskos at naamoy ko rin ang mabangong pagkain.

Nagtungo ako sa kusina at dumiretso ng kuha ng tubig at nainom. May isang babae na nagluluto, hindi nga lang nakasuot ng unipormeng kasambahay.

"Magandang umaga, Ate Emilia!"

Naibuga ko ang tubig at napaubo. Pumasok ang tubig sa aking ilong. Kumukunot ang aking noo nang mapatingin sa babae.

"D-De..." Hindi ko maituloy ang aking sasabihin dahil sa aking malakas na pag-ubo.

"O, dahan-dahan lang kase!" sabay tawa niya nang malakas at lumapit sa akin habang may hawak na sandok. "Nagulat ka ba?" sabay tawa na naman niya.

Kahit ako'y nanghihina sa aking pag-ubo, siya ay aking sinabunutan.

"Aray ko naman, Ate. Ang tanda-tanda mo na, nanghihila ka pa rin ng buhok."

"Paanong---" Bakit siya naririto ng ganito kaaga?

"Nakiusap lang naman sa akin ang iyong butihing nobyo na ikaw raw ay aking samahan."

"Ha? Bakit?"

"Hindi ba siya nagpaalam sa iyo? Nagtungo siya ngayon sa Maynila kasama ang aking pinakamamahal na asawa. Akalain mong dumayo sa aking bahay ng madaling araw para lamang kunin ang aking asawa at makiusap sa akin. Tsk tsk tsk." Umiiling-iling pa siya sa huli niyang tinuran.

Umupo ako at muling nainom ang aking natitirang tubig. "Sabi niya sa akin may gagawin lamang siya kaya pinatulog niya ako. Wala siyang sinabi sa akin na may lakad siya ngayon." Naguguluhan ako sa biglaan niyang pag-alis, sana man lang nag-iwan siya sa akin ng liham. Hindi ko naman siya pipigilan.

"Mayroon daw problema sa kanyang ipinapatakbong bahay-pagamutan sa Maynila. Nagmamadali nga, e. Kailangan niya marahil ang aking asawa kaya niya isinama. Siya nga pala, Ate, sino ang namamahala sa kanyang bahay-pagamutan kung narito siya sa kasama mo?"

"Parang negosyo lamang iyan, Delilah, kahit hindi mo bantayan palagi, mayroong mga taong nagtatrabaho sa kanyang bahay-pagamutan. Ang mga taong iyon ay may mataas na posisyon na  namamahala at kanyang pinagkakatiwalaan tulad ni Angelito, siya ang namamahala ng bahay-pagamutan ng kanyang kapatid dito sa Las Fuentas at sa Bataan naman ay ang kanyang anak at apo. Subalit si Severino pa rin ang may pinakamataas na posisyon at nagmamay-ari sa lahat. Kumakalap siya ng mga impormasyon patungkol sa operasyon ng kanyang tatlong bahay-pagamutan sa magkakaibang lugar." Paano ko iyan nalaman? Nabanggit sa akin iyan ni Severino nang minsan akong magtanong sa kanya ilang linggo na ang nakalilipas.

"A, ganoon pala," wika niya sabay ngumiti nang nakakaloko. "O siya, hali na tayo'y kakain na."

Tinulungan ko siyang ihanda ang mga kubyertos. "Si Angelito, tatawagin ko muna sa kanyang silid."

"Sinama rin siya ni Ginoong Severino. May dala ngang malaking bag?

"Bag? Bakit?"

"Magtatagal sila roon ng isang mahigit dalawang linggo, iyan ang sabi sa akin ni Ginoong Severino."

---------

<3~