Severino
Abril 4, 1896
"Kumusta ang buhay may asawa?"
Napalingon ako sa aking likuran nang aking marinig ang tinig ni Ina habang lumalapit sa akin.Narito kami ngayon sa labas ng hacienda na inihandog ng aming mga magulang bilang regalo sa aming pag-iisang dibdib. Hindi naman ito gaanong kalayo sa aming mansion.
Kahit noong una ay tutol ang aking mga magulang sa aming pag-iisang dibdib dahil sa nangyaring insidente noon, mas pinili pa rin nila na ako'y intindihin kahit punong-puno na sila ng mga katanungan. Hindi nila batid na ako'y kinausap nina Don at Dona Montregorio dahilan upang ako'y sumang-ayon at ituloy ang kasunduan.
Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang kami ay ikasal ni Floriana. Sa aking nakikita, ginagawa niya talaga ang lahat para sa akin. Pakiramdam ko tila kami ay nagsimulang muli noong mga panahon na kami ay nagsisimula pa lamang ang aming relasyon. Kung noon, wala siyang interes sa pagluluto kahit iyon ay kanilang pinag-aaralan, ngayon nama'y siya ang naghahanda ang aming pagkain mula umaga hanggang gabi.
Hindi naman porke ako'y napilitan lamang dito, hindi ko na gagampanan anng maayos ang aking responsibilidad bilang asawa niya. Tulad noon, ginagawa ko pa rin sa kanya ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya maliban sa pagtatalik. Iyon ang bagay na hindi ko nagawa sa kanya noong unang gabi bilang magkabiyak. Hindi ko alam ngunit hindi pa ako handa kaya tanging halik lamang ang aking naitugon ko sa kanya.
Iniisip ko rin si Emilia. Marami na siyang pinagdaanan dahil lamang sa pagmamahal niya para sa akin. Nais ko sana kahit itong pagkakaroon na lamang ng sariling pamilya ang maireregalo ko sa kanya sa muli naming pagkikita. Nais ko sa panahon na iyon, kami ay bubuo ng pamilya, malayo sa mga taong tutol sa amin, malayo sa problema, malayo rito. Nais ko sa kanya lamang ito nakalaan ngunit batid ko rin na hindi ko rin ito maaaring ipagkait sa aking asawa.
"Nakakapanibago po sa pakiramdam, Ina," sagot ko at nilanghap ang malakas na hangin na humahampas sa akin. Kay gabing malamig sumasabay rin sa lamig ng aking nararamdaman. Maaliwalas ang kalangitan ngayong hapon. Hindi mainit sa balat ang init ng araw kahit mataas ang sikat nito.
"Ganyan talaga, anak. Ganiyan din ang aking nararamdaman noong bagong kasal pa lamang kami ng iyong ama. Pakiramdam ko'y nananginip lamang ako subalit noon, hindi pa siya masaya na makasama ako." Saglit siyang natawa sa huli niyang tinuran, sinabayan ng marahang pag-iling at pagngiti habang inaalala ang kanilang nakaraan.
Napahinga ako nang malalim at napangiti na rin. Ganoon talaga ang buhay. Mayroong mga bagay na nais nating makamtan ngunit hindi rin napapasaatin. Pero malay natin, pagdating ng araw, mapasaatin na. Kailangan lamang ng tiyaga sa paghihintay at sapat na tiwala.
"Kailan nga pala kami magkakaroon ng maraming apo?"
Napalingon ako kay Floriana na papalapit sa amin nang nakangiti habang mayroong dalang kulay pilak na bandeha (tray) habang mayroong isang kasambahay na nakasunod sa kanya dala rin ang isang bandeha.
"Ina, Mahal, meryenda muna kayo," wika niya at inilapag sa maliit at bilog na mesa ang mga pagkain na kanyang inihanda. Nagpasalamat siya sa kasambahay at naupo sa aking tabi. "Kain na po muna kayo." Ngumiti naman si Ina bilang tugon at ipinaghanda siya ng aking asawa ng meryenda sa platito. Maging ako ay kanyang pinaghandaan.
"Salamat," wika ko sabay ngiti.
"Bueno, hindi mo pa nasasagot ang aking tanong, anak, kailan kami magkakaroon ng apo?"
Kapwa kami natigilan ni Floriana sa amingpagnguya at nagkatinginan ang ilang segundo. Ako ang unang umiwas ng tingin saka napabaling kay Ina. Tanging ngiti lamang ang aking naitugon. Hindi ko alam ang aking isasagot. Si Floriana nama'y napatikhim nang mapansin niya ang matagal na katahimikan.
"Wala pa po iyan sa aming isipan, Ina, hindi pa po kami handa. Isa pa, marahil po hindi pa handa ang aking asawa," wika niya sabay sulyap sa akin at ngumiti. Itinuloy niya muli ang kanyang pagkain nang muling mangingibabaw na naman ang katahimikan. Marahil ay naramdaman niya na ako'y umiiwas kaya nagbukas siya ng ibang usapin at kinamusta ang buhay ng aking mga magulang.
Sa kanilang pag-uusap, nanatili lamang akong tahimik subalit paminsan-minsa nama'y sumasali sa kanilang usapan at tawanan. Pagsapit ng gabi, nakapikit ako at nakahiga nang maramdaman ko ang paglubog ng higaan.napamulat ako nang kaunti at nakita ko si Floriana na umaayos ng higa.
"Paumanhin, nagising ba kita?" tanong niya.
Umiling ako saka ngumiti. "Hindi naman. Pumipikit lamang ako."
Muli akong pumikit ngunit pinapakiramdaman ko ang paligid. Mula nang kami ay ikasal, naging mas matalas ang aking pakiramdam. Hindi ko maiwasang hindi mailang sa kanyang presensya lalo na sa tuwing ako'y kanyang pinagsisilbihan. Marami na kaseng nagbago. Marami ng nag-iba kaya marahil ganito ang aking nararamdaman. Hindi na kami tulad noon sa tuwing ako'y kanyang inaalagaan, nakakaramdam ako ng kakaibang tuwa at saya. Subalit ngayon, pinaghalong hiya at ilang ang aking nararamdaman.
"Mahal, kailan ba tayo magkakaroon ng anak?" biglang tanong niya na hindi ko nasagot agad. "Hindi mo ba nais na tayo'y magkaroon ng pamilya, Severino?"
Minulat ko ang aking mga mata at sumagot. "Hindi pa ako handa."
"O marahil wala kang balak na magkaroon ng pamilya sa akin?" Ang kanyang tinig ay bahagyang tumaas kaya ako napatingin sa kanya. Seryoso lamang ang kanyang mukha at ang kanyang mga mata ay pawang matatamlay. "Si Emilia pa rin ba?"
"Floriana...," tanging ngalan na lamang niya ang aking nasambit. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Pakiramdam ko nabablanko ang aking isipan pagdating sa ganitong usapan? O marahil ako'y umiiwas lamang talaga?
"May nais lamang akong itanong sa iyo, naaawa ka lamang ba sa akin kaya itinuloy mo ang kasunduan?"
"Ha?"
"Ako naman ang narito sa iyong tabi bakit ibang babae pa rin ang iyong ninanais? Mahirap ba akong ibigin, Severino?"
"Flor...Floriana, sandali. Hindi. Hindi sa ganoon."
"Bakit? Bakit si Emilia pa rin, ha?" Bahagyang tumaas ang kanyang tinig kasabay ng pagtalim ng kanyang mga titig. "Ako naman ang narito. Ako dapat ang iyong mahalin. Nasa akin nga ang iyong pangalan, wala naman sa akin ang iyong puso."
"Mag-aaway na naman ba tayo, Floriana?" Lagi na lamang kaming nag-aaway. Lagi na lamang niya sa akin ito sinasabi. Batid ko namang malaki ang aking kasalanan ko ngunit napapayaga lamang akong siya'y pakasalan dahil sa pakikiusap ng kanyang mga magulang.
Mabilis siyang umiling, biglang umamo ang mukha at ngumiti nang pagkalaki-laki. "Kalimutan mo na iyon, Mahal. Ang mahalaga ay tayong dalawa ang nagkatuluyan." Lumapit siya sa akin at ipinulupot ang kanyang braso sa aking baywang at inilagay ang kanyang ulo sa aking dibdib. "Paumanhin kung ako'y nagduda sa iyong desisyon. Hihintayin ko kung hanggang kailan ka magiging handa bumuo ng pamilya kasama ako, Mahal." Inangat niya ang kanyang mukha at inilapat ang kanang kamay sa aking pisngi. "Tuparin natin ang ating mga pangako, a?" Ito rin ang bagay na aking iniintindi sa kanya---ang pagbabago ng kanyang ugali.
Ngumiti ako sa kanya at niyakap na lamang siya. Mas lalo naman niyang hinigpitan ang pagkakayakap sa akin at tuluyan nang natulog sa aking bisig. Marahil ngayon hindi ko maibibigay sa iyo ang iyong nais, Floriana, depende na lamang sa panahon.
Sa ngayon, nais ko lamang mamuhay nang tahimik at masaya matapos ang ilang taong hirap at lungkot na aking napagdaanan. Hindi rin naman kita maaaring isantabi, siguro balang araw maaaring magbago ang aking isipan at magkaroon tayo ng anak tulad ng ating binuo noon.
Lumipas ang ilang buwan, hindi pa rin namin nagagawa ang bagay na iyon kahit maraming beses nang itinatanong ng mga magulang ni Floriana kung kailan sila magkakarooon ng apo. Nagkausap na ring muli ang aming mga magulang at napagpasyahan na kalimutan na lamang ang nangyaring hidwaan noon. Ang kasal namin ni Floriana ang naging tulay upang mapanatiling maayos relasyon ng aming mga pamilya sa kabila ng lahat nang nangyari.
Nabanggit din sa akin ni Ina na kahit ako'y kasal na kay Floriana, hindi pa rin nito nakalilimutan ang ginawa niyang kapahamakan kay Emilia. Bagaman, ganoon ang kanyang nararamdaman, tinutulungan pa rin niya ang aking asawa at ginagabayan upang magawa niya ng maayos ang kanyang responsibilidad bilang maybahay.
"Mahal," pagtawag sa akin ni Floriana sabay yakap mula sa aking likuran habang kapwa kami nakatayo. "Kumusta naman ang iyong araw ngayon?"
Naramdaman ko na mas humigpit ang kanyang hawak sa akin at idinikit ang kanyang ulo sa aking braso upang ako'y tignan. Hinawakan ko ang kanyang kamay na nakapulupot sa aking baywang at niyakap din siya. "Ayos lang. marami lamang akong inaral kanina." Buong araw kong inubos ang aking oras sa pagbabasa ng iba't ibang libro ng medisina. Malapit na rin kase ang aming pagsusulit kaya ako'y puspusang nag-aaral. Kahit ganoon pa man, hindi ko pa rin nakalilimutan ang aking responsibilidad sa kanya bilang asawa.
"Nais mo bang ipaghanda kita ng gatas para maging masarap ang iyong tulog ngayong gabi?"
Humarap ako sa kanya at nakita kong siya'y nakangiti. Limang buwan na mula nang kami ay ikasal, nananatili pa rin siyang maganda at bumabalik na rin ang wasto ang laki ng kanyang katawan. Hindi tulad noon na siya'y payat na halos kita na ang ibang buto nito sa ibang parte ng kanyang katawan.
"Ayos lamang ba sa iyo? Baka napapagod ka na? Maaari namang iutos na iyon sa kasmabahay," wika ko.
Siya'y mabilis na umiling at humiwalay sa akin. "Hindi. Ako na ang gagawa niyon."
Sa limang buwan namin bilang mag-asawa, ang bagay na ayaw niyang ipagawa sa mga kasmabahay ay ang kanyang responsibildad. Nais niyang siya ang gumagawa ng mga bagay pagdating sa akin. siya'y nagpaalam at bumaba sandali upang ihanda ang gatas.
Ako nama'y napaupo muli sa harap ng aking mesa kung nasaan ang aking mga libro at nagbasang muli. Tahimik lamang akong nagbabasa nang aking mahagip ang aking talaarawan. Agad akong napangiti nang makita ang pabalat nito kung saan mayroong dalawang tao na nakaupo sa harap ng samu't saring bulaklak habang nakatingin sa gintong kalangitan na aking ipininta. Ako lamang ang nakakaalam nito. Maging si Lydia at si Ina na malapit sa akin ay hindi pa ito nakikita. Kung mayroon mang makakakita nito, iyon ay ang babaeng tunay kong minamahal. Hindi man ngayon ngunit sa tamang panahon.
Ibinuklat ko ito at bumungad ang pamagat ng aking talaarawan na hango sa letra ng baybayin. Sumunod na pahina ay ang kanyang mukha na aking iginuhit matagal na. Isa sa aking libangan at sa tuwing siya'y aking naiisip, iginuguhit ko ang iba't ibang parte ng kanyang mukha. Nais kong maalala ang bawat parte ng kanyang mukha kahit saan man ako magtungo. Itong talaarawan na ito ang magiging saksi ng aking damdamin mula noon hanggang ako'y nabubuhay.
Kung ito man ay kanyang mababasa, nais kong basahin niya ito sa aking harapan upang aking makita ang kanyang mukha habang ito'y binabasa. Iniisip ko pa lamang ngayon ang kanyang itsura, ako'y natatawa na. naiisip ko ang kanyang masungit at seryosong mukha.
Nararamdaman ko rin ang init sa aking pisngi habang aking inaalala kung paano siya ngumiti at tumawa sa akin. Ang dami nating nasayang na panahon, Emilia, at marami pang masasayang na panahon ngunit batid ko, batid ng aking puso na lahat ng taon na lilipas ay ating mababawi kapag tayo'y muli nang magkikita. Sa ngayon, ako'y masaya na ikaw ay nasa piling ng aking kaibigan. Muli tayong magkikita, Emilia. Pangako ko iyan.
Mabilis kong naitago ang talaarawan nang aking marinig ang pagbukas ng pinto hudyat na bumalik na si Floriana. Humarap ako sa kanya at ngumiti. Nawa'y hindi niya nakita ang kakaiba kong kilos.
"Heto na, Mahal, pagtapos mo, ika'y matulog na para makapagpahinga ka na rin."
"Salamat."
"Ikaw pa ba, e, mahal na mahal kita." Lumapit siya sa akin at ako'y siniil niya ng halik. Hinayaan ko lamang siyang gawin ang kanyang nais hanggang sa lumalim na ang kanyang bawat halik. Hinawakan niya ako sa aking batok at dahan-dahang inilapit at inihiga sa higaan.
Bilang lalaki, natural lamang na makaramdam ako ng pagtaas ng aking libido. Napapapikit na lamang ako habang nadadala sa kanyang bawat halik. Nawawala na rin sa tamang ulirat ang aking isipan at nawawalan na rin ako ng kontrol sa aking sarili. Hinapit ko rin siya sa kanyang baywang habang kapwa na kami nakahiga. Habang tumatagal mas lalo nang lumalalim ang halik at nauubusan na rin ako ng hininga.
"Severino," bulong niya sa pagitan ng aming mga halik.
Mariin kong nakagat ang kanyang labi nang banggitin niya ang aking pangalan. Tumagal pa ng ilang minuto ang aming paghahalikan nang itaas niya ang aking saplot. Kumunot ang aking noo kasabay ng aking marahang pagtanggal sa kanyang bestidang pangtulog.
"Ginoong Severino, tulungan mo a...ko."
"Severino, bakit ka ganiyan?"
Nasilayan ko ang kanyang mukha nang punong-puno ng takot at lumuluha habang pilit na nilalabanan at tinitiis ang pangbababoy na ginawa sa kanya ng isang lalaki. Hindi man lang nito pinapansin ang kanyang pagsusumamo at itinutuloy pa rin ang masamang ginagawa habang nasisiyahan para sa sariling kapakanan.
"Dapat sa kanya ay paslangin!"
"Binahiran niya ng dumi ang reputasyon at imahen ng pamilya y Fontelo!"
"Paslangin na iyan!"
Hindi. Hindi niyo iyan magagawa sa kanya. Wala siyang sala. Sinubukan kong lumapit sa kanya ngunit pinigilan lamang ako ng mga tauhan ni Doña Israel. Maging si Ama ngayon ay hindi magawang mangialam dahil pinigilan siya ng guardia sibil na tauhan ni Heneral Cinco.
Ngayon ko lamang din napansin na mayroon pa lang mga guardia sibil dito. Sila marahil ang mga suki sa bahay-aliwan ni Doña Israel na madalas magtungo rito.
Wala man lang akong magawa. Hindi ko man lang siya maipagtanggol sa mga taong nangungutya sa kanya. Wala siyang sala. Bakit sa kanya ibinabaling ang sisi? Ako ang may kasalanan. Ako dapat ang nakakatanggap ng pang-aalipusta at pang mamaliit ng mga tao.
"Iibig na nga lang si Ginoong Severino sa isang bayarang babae pa. Ano ang kanyang nakain at nagawa niya iyon?"
"Hindi ako makapaniwala sa aking nalaman. Paano niya nagawang ipagpalit si Binibining Floriana sa babaeng hampaslupa?"
"Marahil gumamit ang babae ng gayuma para mapaibig ang ginoo!"
"Kasalanan talaga ng babae iyon. Walang ibang may sala kundi siya!"
Hindi niyo hawak ang aking puso para sabihin sa akin kung sino ang dapat kong iibigin. Hindi kayo ako. Ang hirap lamang dahil hindi ko pa man naipapaliwanag ang aking nararamdaman, ako'y hinuhusgahan na.
"Severino, handa ka na ba?"
Emilia, patawad wala akong nagawa para maibsan ang sakit ng iyong nararamdaman. Patawad, Mahal.
"Severino, Mahal."
"E...milia." Naramdaman ko ang mainit na likidong tumulo sa aking pisngi.
Naramdaman ko ang pagtigil ni Floriana kaya dahan-dahan kong iminulat ang aking mata. Kapwa kami walang saplot, siya'y nakatitig sa akin nang nakaawang ang labi. Mayamaya pa'y mabilis siyang umalis sa aking ibabaw at mabilis na sinuot muli ang kanyang bestida.
"Matulog na tayo lumalalim na ang gabi," wika niya matapos magbihis at nahiga nang natalikod sa akin.
Marahan akong tumayo at pinulot ang aking saplot. Nahiga na rin ako pagtapos at ipinikit ang aking mga mata. Hanggang ngayon sariwa pa rin sa aking isipan ang nangyari kay Emilia noon. Pakiramdam ko'y hinahabol ako ng isang bangungot.
"Paumanhin," bulong ko. Kahit hindi man niya sabihin sa akin batid kong siya'y aking nasaktan. Sino ba naman ang hindi, hindi ba?
"Ayos lang. Batid ko naman na siya pa rin hanggang ngayon." Tumigil siya sandali. Rinig ko ang kanyang mahinang paghikbi. "Ngunit hindi pa rin ako susuko lalo na ngayon asawa na kita. Gagawin ko pa rin ang lahat para muling manumbalik ang pag-ibig mo para sa akin."
Hindi na ako nakasagot pa. Mas pinili ko na lamang na ipahinga ang aking utak sa dami ng bagay na tumatakbo sa aking isipan. Kumusta ka na kaya, Emilia?
Oktubre 11, 1896
"Kailan ho ba kayo magkakaroon ng apo ni Ginoong Severino, Ginang Floriana?"
"Oo nga po, kami'y nasasabik nang makita ang inyong mga supling."
"Nakatitiyak kaming malaking anunsyo ito sa ating bayan!"
"Mabuti na lamang din wala na rito ang babaeng umagaw kay Ginoong Severino. Nang dahil sa kanya, kayo ho nasira ang inyong relasyon ngunit mabuti na rin pong sa huli kayo rin ang nagkatuluyan ni Ginoong Severino!"
Iyan ang iilan sa aking mga narinig habang ako'y tahimik na nakatayo rito sa gilid, pinagmamasdan ang mga taong lumalabas mula sa simbahan. Katatapos lamang ng ikatlong misa.
Napagpasyahan ng aming mga magulang na kami'y sama-samang magsimba upang makita rin daw ng mga tao na magkaayos na ang aming mga magulang.
Hindi lamang nila hininaan ang kanilang mga tinig at ipinarinig pa sa akin. Napabuntong-hininga na ako at ipinasok sa loob ng bulsa ang aking dalawang kamay.
Namataan ko si Angelito na papalapit sa akin nang seryoso ang mukha. Lumalaki na pala itong bunso ng aming pamilya. Mana sa akin. Mana sa aking kagwapuhan.
Siya'y huminto sa aking harapan at napalingon sa grupo ng mga kababaihan na kumakausap kay Floriana, hindi kalayuan sa aking kinatatayuan.
"Hindi pa ba kayo napapagod sisihin ang taong walang sala? Wala na siya rito, hindi ba? Tumahimik na lamang kayo."
Ang mga kababaihang nag-uusap kanina, ngayo'y napayuko at humingi ng tawad. Isa-isa na rin silang nagpaalam kay Floriana ngunit ang isang babae ay hindi nagpahuli. Muli siyang nagtanong kung kailan ba daw kami magkakaroon ng supling.
"A...hindi pa kami handa. May tamang araw naman para riyan," tanging sagot niya at ngumiti nang kaunti bago lumapit sa amin.
Hindi rin gaanong malapit si Angelito sa aking asawa kahit noong nobya ko pa lamang siya. Hindi ko batid kung bakit o sadyang hindi rin talaga malapit sa mga tao kahit noon pa man.
Tinapik lamang ni Angelito ang aking balikat bago siya umalis patungo sa kinaroroonan nina Ina. Hindi ko alam subalit natawa na lamang ako sa kanyang ginawang pagtapik. Parang siyang mas matanda kaysa sa akin. Laking pasasalamat ko sa kanyang ginawa.
Mas pinipili ko na lamang kaseng manahimik at huwag nang patulan pa ang mga taong wala namang nalalaman sa totoong nangyari. Kailangan ko pa bang ipaliwanag ang aking sarili para lamang malaman nila ang katotohanan? Kahit ganoon pa man, minsa'y nakakapagod ding magsalita at mas pipiliin na lamang manahimik para wala ng gulo.
"Mainit ba ang ulo ng iyong kapatid, Mahal?" tanong sa akin ni Floriana at kumapit sa aking braso.
"Marahil," tanging tugon ko. "Mayroon ka pa bang nais puntahan bago tayo umuwi?" Nais ko ng magpahinga ngunit batid kong nais pa niyang mamasyal ngayon. Maganda pa naman ang panahon ngayong hapon, mataas ang sikat ng araw at mahangin.
"Maaari ba? Nais ko sanang manood tayo ng pagtatanghal sa bulwagan. Balita ko'y mayroong ginaganap doon na pagtatanghal ng mga bata." Sobrang lapad ng kanyang pagkakangiti na animo'y bata. Mabait naman si Floriana ngunit minsan nakakagawa ng masama pagdating sa pag-ibig. Tulad ng nangyari noon.
Tumango ako at inalalayan siyang maglakad. Nagpaalam kami sa aming mga magulang na manonood kami ng tanghalan at sumama naman ang aking aming mga kapatid.
Hanggang ngayon hindi pa rin nagkakapalagayan ng loob si Lydia at Luciana. Lagi silang nagpapataasan ng kilay at nagyayabangan sa isa't isa. Para silang mga aso't pusa. Si Angelito rin ay hindi malapit kay Luciana. Siya'y mailap dito. Ni ayaw nga niyang sumasagi ang damit nito sa kanya.
Ginugol namin ang aming mga oras sa panonood at pamamasyal. Hindi pa rin nawawala ang usap-usapan ng mga tao patungkol sa nangyari noon maging ang pagkakaroon namin ng anak ay kanila pa ring itinatanong.
Hindi man nila kami tanungin nang harap-harapan ngunit rinig ko naman ang kanilang mga bulungan. Si Angelito at Juliana ay napapakunot ng noo sa kanilang mga naririnig samantalang ang dalawang babae ay laging nagtatalo.
"Hindi ba naririndi ang iyong tainga sa kanilang mga bulungan, Kuya?" tanong sa akin ni Angelito na nakatayo sa aking tabi habang nakatingin sa paligid at nakapamulsa.
Natawa ako at siya'y aking inakbayan. "Ilang taon ka na ba? Binata na ang aming bunso, a? Mabuti't ikaw ay nagmana sa aking kagwapuhan at lakas ng karisma. Tiyak akong marami kang mapapaibig tulad ko."
"Mas hamak naman na mas maayos ang ugali ni Ate Emilia kaysa sa kanila." Pinaikot niya ang kanyang mukha at hinayaan lamang ang aking braso sa kanyang balikat.
Napangiti ako nang mapagtanto ko ang kanyang sinabi. Hindi man niya pinansin ang aking sinambit ngunit nagustuhan ko naman ang kanyang tinuran.
"Gusto mo ba siya para sa akin?" tanong ko kaya siya ay napatingin sa akin.
Tanging tango lamang ang kanyang itinugon. Kahit seryoso ang kanyang mukha, iba naman ang sinasabi ng kanyang mga mata. "Lagi ko pong iniisip kung nasaan na sila ngayon ni Delilah. Kung hindi lamang po sa ginawa ng inyong asawa, hindi siya aalis sa hacienda."
Unti-unting nawala ang aking pagkakangiti. Tama ba itong aking naririnig? Kanyang sinisisi si Floriana kung bakit mas piniling umalis ni Emilia?
"Hindi mo naman po kasalanan kung ikaw ay nagkagusto sa kanya. Kasalanan lang po ni Binibining Floriana kung bakit siya'y naging bayaran."
"Ginawa niya iyon dahil sa labis na pagmamahal niya kay Kuya Severino, Angelito," biglang saad naman ni Juliana na ngayo'y nakaharap na sa amin. "Wala namang may gusto ng nangyari. Lahat ng iyon ay nangyari nang hindi inaasahan. Kung ano man ang nagawa ng asawa ni Kuya Severino, batid akong matagal na niya iyon pinagsisisihan."
"Paano mo naman nasabi na siya'y nagsisisi na? Narinig mo ba mula sa kanyang labi, Ate Juliana? Hindi naman po, hindi ba? Marahil nga pipiliin niya lamang magsisi para hindi mawala sa kanya si Kuya."
"Mahirap din para kay Ate Floriana iyon, Angelito, kahit sabihin pa natin na siya ang nagbigay ng kapahamakan kay Ate Emilia. Iba ang nagagawa ng pag-ibig, Angelito, mabuti man o masama."
"San- Sandali sandali... kayo ba'y nagtatalo?" Palipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. Ngayon ko lamang silang nakitang nagbatuhan ng argumento. Pumagitna na ako sa kanilang dalawa dahil ramdam ko ang pagtaas ng tensyon sa paligid at sa kanilang titigan.
"Hindi naman po kami nagtatalo, Kuya, nagkakaroon lamang po kami ng tagisan sa pakikipagtalastasan," sagot ni Juliana sabay ngumiti sa akin at inakbayan si Angelito. "Hindi ba, Angelito?"
Hindi sumagot si Angelito bagkus nanahimik na lamang at tumingin sa ibang direksyon kaya natawa si Juliana.
"Sino ba naman ang hindi magkakagusto kay Ate Emilia, e, siya'y masarap mag-alaga at magmahal, hindi ba, Kuya?" sambit nito sabay kindat sa akin.
Natawa na lamang ako at ginulo ang kanyang buhok. "Akala ko kayo'y nag-aaway na. Tama ka masarap nga iyong magmahal."
"Bakit niyo po pinakawalan?" biglang tanong ni Angelito nang nakatingin sa akin.
Ngumiti ako at ginulo rin ang kanyang nakaayos at makintab na buhok. "Minsan hindi nasusukat ang pag-ibig sa pananatili lamang. Minsan mas nasusukat ito sa pagsasakripisyo na kayang gawin ng tao para sa kanyang minamahal." Mas lalo akong ngumiti nang kumunot muli ang kanyang noo. "Balang araw, mauunawaan mo rin ang aking sinasabi." Hindi pa niya maiintindihan ngayon dahil bata pa siya. Balang araw mauunawaan niya rin ang lahat.
Nobyembre 4, 1896
Naalimpungatan ako nang aking makapa sa tabi ng higaan na wala si Floriana. Nakita ko siyang nakaupo sa aking mesa kung nasaan ang aking mga libro naroroon habang mayroong tinitigan.
"Floriana?" tanong ko.
Agad siyang napalingon sa akin at hindi magkamayaw na itago ang papel sa ilalim ng aking libro. "Ma-Mahal," ngiti niyang saad kahit ang mga mata ay nanlalaki.
Sinundan ko ng tingin ang kanyang mga kamay na nakatago sa kanyang likuran ngunit mabilis din akong tumingin sa kanya muli. "Bakit hindi ka pa natutulog? Mayroon bang problema?"
Mabilis siyang umiling, marahang lumapit sa akin at nahiga sa aking tabi. "Hali na tulog na tayo. Hindi kase ako makatulog kanina. Marahil ayaw pang matulog ng aking isipan." Muli siyang ngumiti sa akin kaya ngumiti na rin ako.
Nang ipikit na niya ang kanyang mga mata, muli kong tiningnan ang aking mesa. Mayroon kaya siyang itinatago? Bakit siya'y sobrang nagulat nang tawagin ko siya kanina. Ano ang papel na iyon? Marahil, bukas ay sasabihin niya sa akin ang tungkol sa bagay na iyon.
Muli na namang naulit ang pangyayaring iyon. Ilang beses kong namataan na mayroong tinitignan na papel si Floriana sa tuwing siya'y nag-iisa.
Saktong siya'y gumagamit sandali ng palikuran kaya minabuti ko nang umakyat sandali sa aming silid upang tignan ang aking mesa.
Isa-isa kong tiningnan ang bawat libro kung mayroon bang nakaipit ngunit wala. Ako'y nababahala. Hindi kaya ang aking talaarawan ang kanyang nakita? Ngunit noong nakaraang araw, nilipat ko ang aking talaarawan sa ibang lalagyan lalo na nang makita kong mayroon siyang palaging tinitignan na papel.
Lahat ng maaari niyang mapagtaguan ay akin nang tiningnan subalit wala pa rin akong nakikitang kahina-hinala. Marahil, ako'y nag-iisip lamang ng sobra? Mali ito. Siya'y aking asawa hindi nararapat na siya'y aking paghinalaan.
Ngunit maaari naman niyang sabihin sa akin kung mayroong bumabagabag sa kanyang isipan, hindi ba? Handa naman akong makinig sa kanya at siya'y aking iintindihin sa abot ng aking makakaya.
Napaupo na lamang ako sa aming higaan at sandaling napahilamos ng aking mukha.
"Mahal, ayos ka lamang ba?"
Mabilis akong napalingon sa pinto kung saan nagmumula ang kanyang tinig. Ngumiti ako at umiling. "Oo naman. Ikaw ba'y handa na? Naghihintay na sa atin sina Ina at Ama."
"Oo, handa na ako. Hali na."
Ngayong tanghali, doon kami sa aming hacienda kakain. Si Ama ay nagpaunlak ng malaking tanghalian kasama ang pamilya De Montregorio.
Habang kami ay naglalakad ni Floriana pababa ng hagdan. Hindi ako mapalagay. Nais kong magtanong kung ano iyong papel na kanyang itinatago. Napapahamak na lamang ako sa aking buhok at batok at pasulyap-sulyap sa kanya.
"Mayroon ka bang nais sabihin?" tanong niya nang hindi tumitingin sa akin.
"Wala naman," mahina kong tugon.
"Ilang taon na tayong magkasama kahit papaano ikaw ay akin ng kilala."
"Mayroon ka bang itinatago sa akin?"
Dahil sa aking tanong, sandali siyang napatigil at mabilis na napatingin sa akin. Halatang siya'y nagulat, nakaawang pa ang kanyang labi nang bahagya subalit ang mas nakaagaw sa aking pansin ay ang kanyang mga mata. Matamlay ang mga mata nito at sinamahan pa ng malungkot na ngiti.
Abril 13, 1898
"Aaaahhh!"
"Ire pa!"
"Aaahhh"
"Kaya mo iyan, Floriana," bulong ko sa kanya habang hawak nang mahigpit ang aking mga kamay at taimtim na nananalangin.
Pabalik-balik akong naglalakad dito sa labas ng aming silid. Ramdam ko rin ang namumuo kong pawis at panginginig ng aking katawan. Ngayon lamang ako natakot nang ganito sa tanang buhay ko.
Nawa'y maligtas ang aking mag-ina. Sa dalawang taon naming mag-asawa ngayon ko lamang siya nabiyayaan ng supling. Sa dalawang taon din na iyon, ginawa ko ang lahat upang pagsilbihan ang aking asawa at alagaan kahit ako'y abala sa aking pag-aaral.
Sinikap kong muli na bumalik ang saya sa aming pagsasama kahit na malaki na ang nagbago. Kahit sa aking puso malaki na ang nagbago bagay na labis na ikinatuwa ng aking asawa. Noon din aking napagpasyahan na ibigay ko na sa kanya ang kanyang nag-iisang nais---ang magkaroon kami ng supling.
Noong nalaman kong siya'y nagdadalang-tao, naramdaman ko na mayroong pumitik sa aking puso. Huminto ang paligid at tila wala na akong naririnig. Tanging balita lamang niya na "Mahal, magiging ama ka na!" ang tanging tumatak sa aking isipan.
Nanginginig ang aking kamay anng hawakan ko ang kanyang tiyan. Mayroon ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Sa edad na dalawampu't anim, magiging ama na ako.
At ngayon heto, paglipas ng siyam na buwan, nakabaon ang kanyang isang paa sa lupa. Ako'y nangangamba. Aming napag-alaman na mahina ang kapit ng bata noong apat na buwan pa lamang ang kanyang sinapupunan. Maaaring isa lamang sa kanila ang mabuhay kapag hindi napagtuunan ng matinding medikal na atensyon. At noong nakalipas na buwan, habang siya'y naglalakad, siya'y nadulas dahilan upang mawalan siya ng maraming dugo.
Akala ko noon iyon na ang katapusan ng aking mundo. Bilang anak ng pinakamakapangyarihan na gobernadorcillo, aking ginamit ang aking koneksiyon at ang kapangyarihan ng aking ama upang maisalba lamang ang aking mag-ina.
Ako'y naghanap ng pinakamagaling na doktor.
"Aaaahhhh!" sigaw ni Floriana.
Mabilis akong lumapit sa pinto at idinikit ang aking tainga sa pinto. Rinig na rinig ko kung paano kasakit ang kanyang pagsigaw.
"Ire pa!"
"Aaahhh!!"
"Unti-unti ko ng nakikita ang ulo ng sanggol."
"Kuya, ako ang nahihilo sa iyo. Maaaring maupo ka muna?"
Mabilis akong umiling sa tinuran ni Juliana. Hindi ko magagawang maupo hangga't batid kong nahihirapan ang aking mag-ina. Hindi na lamang ako tumugon at muling nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa unti-unti ko ng naririnig ang iyak ng aking anak.
Nang bumukas ang pinto, mabilis akong pumasok kasabay ng aking mga kapatid at ni Don Luisito.
Napako ang aking mga mata sa isang malusog na batang sanggol na walang humpay sa pag-iyak. Kung kanina nanginginig ang aking mga kamay, ngayon ay mas lalong dumoble.
Naramdaman ko na lamang ang pagbasa ng aking pisngi at malapad kong ngiti nang aking hawakan at buhatin ang aking anak.
"A-Ate Floriana!" rinig kong sigaw ni Juliana.
Mabilis akong lumingon at nakita kong maraming dugong lumalabas sa kanya ngayon. Mabilis kong ibinigay ang aking anak sa komadrona na ngayo'y nagugulat sa nangyayari.
"Maaari po bang kayo muna ang bahala sa aming anak?" tanong ko na kanyang ikinatango. "Floriana? Floriana?" tanong ko habang siya'y tinatapik nang marahan sa kanyang pisngi.
Mula nang maisilang niya ang aming anak, nakapikit lamang ang kanyang mga mata. Kahit anong pagtapik ang aking gawin ngayon, nanatili pa rin siyang nakapikit.
Narinig ko na nagpatawag ng doktor si Don Luisito at pinunasan ang binti niya na ngayo'y napupuno ng dugo. Bakit? Bakit nangyayari ito? Maayos naman ang kanyang kalusugan noong huli kaming nagpatingin sa doktor.
Patuloy ko pa rin siyang tinatapik habang binabanggit ang kanyang pangalan. Wala pa rin kaming nakukuhang tugon mula sa kanya.
"Anak Floriana, ama mo ito, g-gising na anak," naiiyak na tugon ni Don Luisito habang hinahaplos ang buhok nito. Pinupunasan niya rin ang kanyang mukha na tumutulo sa mukha ni Floriana.
"Ate Floriana, gising," wika naman ni Juliana. Maging siya, namumula na rin ang kanyang mga mata.
Tahimik namang niyugyog ni Angelito ang braso ni Floriana habang ginigising samantalang si Lydia naman ay napapaiwas ng tingin habang hinahawakan ang kaliwang kamay nito.
"Floriana, Floriana." Saktong pagbanggit ko ng kanyang pangalan ay siyang pagtulo ng aking luha. Floriana, gising. Hindi mo pa nasisilayan ang ating anak. Kailangan ka niya.
Patuloy namin siyang ginigising hanggang sa unti-unting dumilat ang kanyang mga mata.
"Ate!"
"Anak!"
"Floriana," bulong ko ngumiti sa kanya nang malapad at hinagkan siya sa kanyang buhok.
"Ma...hal," nanghihina niyang tugon. Ang kanyang mga labi ay namumutla at ang kanyang mga mata ay nangingitim habang napupuno ng pawis ang kanyang mukha. Parang siya'y pagod na pagod na.
Napatingin ako sa kanyang binti na ngayo'y marami pa ring dugo. Kahit na anong pagpupunas na ang gawin ni Don Luisito, maraming dugo pa rin ang nawawala. "Huwag ka munang magsalita. Magpahinga ka lamang."
Ngumiti siya nang kaunti at hinawakan ang aking kamay. Mayroon siyang sinasabi ngunit hindi ko naman marinig.
"Ano? Ano?" tanong ko. Inilapit ko ang aking tainga sa kanyang labi.
"Maaari mo ba...ng kunin ang pa...pel sa pulang kahon na mali...it?"
Kahit na ako'y naguguluhan, sinunod ko ang kanyang sinabi. Itinuro niya sa akin kung saan ito nakalagay --- sa loob ng kanyang aparador. Nakita ko ang pulang kahon sa ilalim ng kanyang mga damit at kinuha ito saka ko iniabot sa kanya.
"Buksan m-mo. Basa...hin mo, Mahal ko."
Hindi ko alam ang aking mararamdaman habang tinitignan at binabasa ang mga papel sa aking harapan. Naramdaman ko na lang na muling tumulo ang aking luha saka napapatingin sa kanya.
"Ba-Bakit?" tanong ko at mahigpit na napapahawak sa mga papel.
"Pa...tawad kung ako'y naglihim sa iyo," sambit niya at tumulo ang luha. "Patawad, Se...verino, patawad."
Maraming beses akong umiling kasabay ng pagpunas ko sa kanyang luha. "Huwag mo ng isipin iyon. Magpahinga ka. Magpagaling ka saka natin pag-uusapan ang tungkol dito." Hindi ko man batid ang kanyang dahilan ngunit mas mahalaga ang kanyang kaligtasan ngayon. "Nariyan ba po ba ang doktor? Bakit ang tagal?" tanong ko. Hindi mapigilan ng aking sarili na hindi magtaas ng tinig. Nasa bingit nang kamatayan ang aking asawa, bakit ang tagal ng doktor?
"Hinihintay ko lamang talaga na tayo'y mag...karoon ng anak bago ko sabihin sa iyo ang la...hat. Nabasa ko rin ang iyong talaarawan." Sandali siyang pumikit habang patuloy pa rin sa pagtulo ang kanyang luha. Siya'y dumilat at muling tumingin sa akin. "Na...is ko lang maging asawa ka kahit sa pagpapanggap lang. Nais kong dalhin ang iyong huling pangalan kahit sa pekeng pa.. pel lang. Ako at ang pari lamang ang nakakaalam tungkol dito, Mahal."
"Hindi ako galit sa iyo. Hindi ako galit kung iyan ang iyong iniisip." Napailing ako at napalingon sa aking likuran at muling hinanap ang doktor. Habang tumatagal mas lalong lumalalim ang kanyang paghinga. Kung ganap na lamang akong doktor ngayon, ako na ang gagamot sa kanya ngunit hindi, e! Hindi pa ako doktor! Wala pa akong lisensya!
"Kung sakali man na muli kayong magkita ni Emilia, pakisabi sa kanya patawad. Ginawa kong pe...ke ang kasal dahil nais kong maikasal ka sa babaeng tunay mong iniibig."
"Flor..iana," bulong ko at napahagulhol. Niyakap ko siya kahit dumikit pa sa aking kasuotan ang dugo. Sa lahat ng nangyari sa amin, hindi ko naisip ma magagawa niya ito.
Saktong narinig ko ang iyak ng aming anak kaya lumingon ako sa komadrona at kinuha sa kanya ang bata. Kinarga ko ito at nilapit sa kanya. "Pagmasdan mo ang ating anak. Manang-mana sa iyo. Kuhang-kuha niya ang iyong mukha, Flor...iana."
Hinaplos niya ang mukha ng aming anak at marahang dinampian ito ng halik sa pisngi. "Seviano. Seviano ang ipangalan mo sa kanya, Mahal. Pinaghalong pangalan niyo ni Emilia ang ibig sabihin niyan. Ituring niyo itong supling niyo kahit ako ang nagluwal."
Seviano. "Kung iyan ang iyong nais, aking susundin. Ngunit mas magandang pakinggan kung Seviano Flor ang kanyang pangalan, hindi ba?" Flor ay mula sa kanyang pangalan. Anak din namin itong dalawa kaya nararapat lamang na ilagay ko rin ang kanyang pangalan sa pangalan ng aming anak.
"Seviano Flor. Seviano Flor y Fontelo," bulong niya sabay napapatango't napapangiti. "Kay gandang pakinggan."
"Maganda talagang pakinggan kaya magpahinga ka. Magpagaling ka lamang, Floriana. Kailangan ka ng ating anak." Hawak-hawak ko ang kamay ng aking mag-ina. Wala akong balak na bumitiw kahit ako'y pisikal na nanghihina.
"Maraming salamat sa lahat, Mahal. Hanggang sa aking huling hininga, aking babaunin ang ilang taon nating pagsasama. Ikaw lamang ang aking minahal mula no...on hanggang ngayon."
Kay bigat na ng aking mga mata. Maging ang aking dibdib ay nahihirapan ng huminga. Umiikot na rin ang aking paningin dahil sa labis na pagsakit ng aking ulo kakaiyak. Ngunit hindi, laban namin ito ni Floriana. Sasamahan ko siya hangga't kaya ko. "Kapit ka lang, Mahal. Kumapit ka lang. Hawakan mo ang aking kamay. Huwag kang bi...bitiw. Parang awa mo na," bulong ko sabay punas sa aking mata at ilong.
"Nais kong bumawi sa iyo, Mahal. Nais kong itama ang pagkakamaling nagawa ko sa inyo noon kahit sa ganitong pa...raan lamang." Ramdam ko ang kanyang pagyakap sa akin kaya mas lalo akong naiyak. Dahan-dahan niyang hinawakan ang aking pisngi at nangiti nang malapad kahit siya'y lubusan nang nanghihina. "Mahalin mo ang ating anak, ha? Ituring niyo ni Emilia na parang tunay niyong anak. Na...wa'y napasaya kita sa huling pagkakataon, Mahal."
Pumikit na ang kanyang mata kaya ako'y nataranta at siya'y pilit na ginigising.
"Floriana? Floriana? Floriana?!"
"Anak!"
"Ate!"
"Floriana!"
--------
<3~