--------------------Abril 26, 1944------------------
Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang umalis si Severino ng hindi man lang sinasabi sa akin at tatlong araw na ring namamalagi rito si Delilah upang ako'y samahan.
"Huwag ka na ngang sumimangot diyan, Ate, hindi naman iyon maghahanap ng ibang binibini," natatawang wika sa akin ni Delilah.
"Hindi naman iyon ang aking iniisip," tugon ko naman. Sa tanda ko na ito, hindi naman ako natatakot na siya'y maghanap ng iba dahil mayroon akong tiwala sa kanya. Ang sa akin lamang, hindi ko alam ang kanyang ginagawa. Tatlong araw ko na siyang hindi nakikita't nararamdaman.
"Bakit hindi na lamang tayo magluto ng lugaw ngayon? Masarap kumain ng mainit ngayong umuulan nang malakas."
"Ikaw na lang. Wala akong gana." Parang pagod na pagod ang aking katawan. Ayaw kong gumalaw. Hindi ko alam kung bakit. Marahil naaapektuhan ng aking isipan ang aking katawan ngayon dahil sa pag-iisip ng maraming bagay.
"Ay?" Tumawa siya at hinampas ako sa balikat. "Daig mo pa ang isang dalaga sa iyong inaasal ngayon, Ate Emilia." Nagsalin siya ng tubig sa maliit na baso at iniabot sa akin. "Iinom mo na lamang iyang inis mo. Walang susuyo sa iyo. Wala siya rito."
Tiningn ko siya ng masama bago ko kunin ang baso at napatingin sa kawalan nang ito'y aking inumin. Ang kaninang mataas na sikat ng araw, ngayo'y unti-unting nawala at napalitan ng dahan-dahang pagkulimlim.
"Sasabay pa ang ulap sa iyong kalungkutan, Ate." Muli na naman siyang tumawa. Siya'y nagpaalam na magtutungo silid upang maligo.
Napatitig na lamang ako sa kalangitan at dinama ang lamig ng hangin habang nakadungaw sa bintana. Habang tumatagal mas lalong lumalakas ang hangin kaya ang mga nagkakalat na tuyong dahon sa paligid ay nagsisiliparan.
Itinapat ko ang aking palad sa dulo ng bintana upang mabasa ang aking kamay. Hinayaan ko itong gawin ng ilang minuto hanggang sa ako'y mangalay at magtungo sa aking silid.
Ito ang oras kung kailan masarap matulog dahil malamig ang panahon. Kaysa ubusin ko ang aking oras kakaisip ng mga bagay-bagay, mas mabuti pang managinip na lamang ako.
Natapos ang aking buong maghapon sa paglilinis ng bahay kaagapay ang ilang mga kasambahay. Pinalitan ko ng bagong kurtina ang salas at kusina ng puting kurtina upang maging maaliwalas ang buong hacienda.
Maging ang silid nina Angelito at Severino ay personal kong nilinisan. Inayos ko ang mga makakapal libro na nakahilera sa kanilang malaking aklatan at pinalitan ang sapin ng higaan at maging ang mga kurtina.
Narito ako ngayon sa silid ni Severino, inaayos ang kanyang mga papel sa ilalim ng mesa, mayroon kaseng tatlong lagayan ito kung saan naroroon ang kanyang mga pansulat at iba't ibang kuwarderno.
Habang ako'y nag-aayos, mayroon isang kuwaderno ang nakaagaw ng aking pansin. Ang pabalat ng libro (book cover) ay gawa sa pagpinta.
Dalawang taong nakaupo sa harap ng samu't saring mga bulaklak, kapwa nakatingin sa malagintong kalangitan. Batid kong mali ang mangialam ng pamamay-ari ng iba ngunit napukaw nito ang aking atensyon. Hindi na rin ako nagdadalawang-isip pa, pagbuklat ko, bumungad sa akin ang baybayin sa unang pahina.
ᜁᜒᜃᜏ᜔ ᜀᜆ᜔ ᜀᜃᜓ
Mabuti na lang marunong ako sa baybayin kaya hindi ako mahihirapang basahin ito. Marahan kong hinawakan ang bawat letra ng baybayin kasabay ng aking mahinang pagbasa.
Ikaw at Ako.
Ikaw at ako? Kami bang dalawa ang kanyang tinutukoy rito?
Sa pangalawang pahina, mukha ko ang aking nakita. Ito ba ang tinutukoy ng apo ni Severino na ako'y kanyang iginuguhit? Tiningnan ko ang bawat detalye ng kanyang pagkakaguhit. Malinis at detalyadong-detalyado. Kuhang-kuha niya ang bawat katangian ng aking mukha.
Paglipat ko sa kabilang pahina, may guhit na iba't ibang anggulo ng mukha. Base sa anggulo ng ilong, gilid ng mukha at labi, parang katulad sa akin. Tama nga si Sebastian. Maraming iginuhit ang kanyang lolo na ako ang paksa.
Nakita ko na lamang ang aking sarili na nakangiti habang hinahaplos ang kanyang bawat iginuhit. Kay ganda. Ang galing niya.
Sa ibang pahina, mayroong mga numero at baybayin na nakasulat. Ito ba ay kanyang talaarawan? Ako ay umupo at binasa ang unang nakasulat.
ᜁᜒᜃ-10 ᜅ᜔ ᜑ̥ᜈ᜔ᜌᜓ, 1895
ᜐ ᜄᜊ̊ᜅ᜔ ᜁᜒᜆᜓ ᜈᜐᜊ̊ ᜃᜓ ᜃᜌ᜔ ᜁᜋ̊ᜎ᜔ᜌ ᜀᜅ᜔ ᜀᜃ̊ᜅ᜔ ᜈᜇ̵̵ᜇ̵ᜋ᜔ᜇᜋᜈ᜔. ᜑ̊ᜈ᜔ᜇ̊ ᜃᜓ ᜊᜆ̊ᜇ᜔ ᜃ̥ᜅ᜔ ᜀᜈᜓᜅ᜔ ᜀᜃ̊ᜅ᜔ ᜈᜃᜁᜒᜈ᜔ ᜃ̥ᜅ᜔ ᜊᜃ̊ᜆ᜔ ᜃᜓ ᜁᜒᜌᜓᜈ᜔ ᜈᜄᜏ. ᜑᜊᜅ᜔ ᜆ̥ᜋᜆᜄᜎ᜔ ᜋᜐ᜔ ᜎᜎᜓᜅ᜔ ᜎ̥ᜋᜎᜃᜐ᜔ ᜀᜅ᜔ ᜀᜃ̊ᜅ᜔ ᜈᜇ̵ᜇ̵ᜋ᜔ᜇᜋᜈ᜔ ᜉᜇ̵ ᜐ ᜃᜈ᜔ᜌ.
ᜋᜎ̊ ᜁᜒᜆᜓ. ᜑ̊ᜈ᜔ᜇ̊ ᜃᜓ ᜇᜉᜆ᜔ ᜋᜇ̵ᜋ᜔ᜇᜋᜈ᜔ᜓ ᜁᜒᜆᜓ. ᜅ᜔ᜂᜒᜒᜒᜈ̊ᜆ᜔ ᜀᜃ̊ᜅ᜔ ᜁᜒᜈᜀᜋ̊ᜈ᜔ ᜀᜃᜓ'ᜌ᜔ ᜋᜐᜌ ᜆ̥ᜏ̊ᜅ᜔ ᜐ᜔ᜁᜒᜌ'ᜌ᜔ ᜀᜃ̊ᜅ᜔ ᜃᜐᜋ. ᜐᜋ᜔ᜊ̊ᜆ᜔ ᜈ̊ᜌ ᜃᜎ̊ᜋ̥ᜆᜈ᜔ ᜃᜓ ᜈ ᜎᜋᜅ᜔ ᜇᜏ᜔ ᜀᜅ᜔ ᜀᜃ̊ᜅ᜔ ᜈᜇ̵̵ᜇ̵ᜋ᜔ᜇᜋᜈ᜔. ᜋᜇ̵ᜑ̊ᜎ᜔ ᜐ̊ᜌ'ᜌ᜔ ᜆᜋ.
ᜊᜃ ᜊ̥ᜃᜐ᜔ ᜋᜃᜎᜏ ᜋᜏᜏᜎ ᜇ̵̊ᜈ᜔ ᜁᜒᜆᜓ.
Ika-10 ng Hunyo, 1895
Sa gabing ito nasabi ko kay Emilia ang aking nara̵ramdaman. Hindi ko batid kung anong aking nakain kung bakit ko iyon nagawa. Habang tumatagal mas lalong lumalakas ang aking nararamdaman para sa kanya.
Mali ito. Hindi ko dapat maramdamanᜓ ito. Ngunit aking inaamin ako'y masaya tuwing siya'y aking kasama. Sambit niya kalimutan ko na lamang daw ang aking nara̵ramdaman. marahil siya'y tama.
Baka bukas makalawa mawawala rin ito.
Ika-10 ng Hunyo taong 1895? Natatandaan ko ang gabing ito. Ito ang gabing nasabi niya sa akin ang kanyang nararamdaman. Sinabi ko nga noon sa kanya na kalimutan niya na lamang ang kanyang nararamdaman para sa akin. Hindi ko man lang inaasahan na ang gabing iyon ang magpapabago sa aking buhay. Iyon na pala ang simula ng lahat.
Marami pang nakasulat ngunit hindi ko na binasa ang iba pa. Sapat na itong mabasa ko ang pinakauna. Kahit papaano nalaman ko ang kanyang saloobin sa pamamagitan nitong talaarawan.
Marahil pagdating ng araw kung ako'y kanyang pahihintulutan, aking babasahin ang kanyang talaarawan.
--------------------Abril 29, 1944-----------------
"Ano ba ang aking gagawin ngayong umaga? Tapos naman na akong maglinis at magluto," rinig kong wika ni Delilah sa salas habang ako'y pababa ng hagdan.
"Maglinis ka pa hanggang kumintab ang papag," sagot ko at diretsong nagtungo sa kusina upang magtimpla ng kape.
"May lakad ka ba ngayon, Ate Emilia? Kay lungkot pala ng tahanan kung wala ang ating mga asawa, ano? Ilang araw ko ng hindi nakikita ang aking asawa. Baka mamaya kung ano na ang ipinapagawa sa kanya ni Ginoong Severino."
Narinig ko ang paghila niya ng upuan. Akmang uupo na ako sa kanyang tapat nang ako'y may maalala. "Nais mo ba ng kape?"
Siya'y tumango at ngumiti. "Sige."
Nang ako'y matapos, iniabot ko ito at siya'y nagpasalamat. Naupo ako sa kanyang tapat at sinimulang magbasa ng diyaryo na kanyang ibinili kanina sa pamilihan.
"Hala sandali!" sigaw niya at mabilis na kinuha mula sa akin ang diyaryo. "Ika-dalawamapu't siyam (Ika-29) na ngayon ng Abril?!" Nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakatitig sa petsa ng diyaryo.
"Bakit? Anong problema?" Bakit ganyan na lamang ang kanyang reaksyon?
"Sandali sandali." Mabilis siyang tumayo at umakyat ng hagdan habang bitbit ang dyaryo. Ano na ang aking babasahin ngayon?
Napailing na lamang ako sa kanyang inasal. Kahit kailan talaga, siya'y hindi siya nawawalan ng enerhiya kahuy siya'y matanda na. Marahan kong hinalo ang aking kape matapos kong inumin. Kay sarap talaga ng mainit na kape sa umaga.
"Ate! Ate!" muli na namang sigaw ni Delilah habang bumababa ng hagdan.
"Magdahan ka nga, hindi ka na bata para bumaba ng ganiyan kabilis sa hagdan," suway ko. Baka mamaya magkamali pa siya ng pagtapak at siya'y mapilayan.
Nang tuluya na siyang makalapit sa akin, ako'y kanyang hinihila. "Nawaglit sa aking isipan. Mayroon pala tayong pupuntahan ngayon. Ihanda mo ang iyong mga gamit."
"Gamit?" Kumunot ang aking noo. "Bakit? Saan ba tayo tutungo bakit pa tayo magdadala ng gamit?"
"Nakalimutan ko! Nawaglit sa aking isipan! Ihanda mo ang iyong mga gamit, mayroon tayong pupuntahan."
"Hindi maaari. Baka umuwi rito sina Severino, wala ako rito. Tiyak akong hahanapin ako niyon." Isa pa, hindi rin niya alam na mayroon daw kaming pupuntahan ni Delilah. Paano kung siya'y biglang umuwi rito?
Umiling ito. "Hindi. Hali na. Baka wala na tayong masasakyan kung tayo'y mahuhuli na."
"Tatapusin ko lamang ang aking pagkakape. Mauna ka na sa itaa---." Hindi natuloy ang aking sasabihin nang bigla na lamang niya akong hinila paakyat sa hagdan.
"Makinig ka sa akin, Ate." Napapailing siya at kumukunot na rin ang kanyang noo. "Ako'y mapapagalitan nito," bulong niya na akin din namang narinig.
Magtatanong na sana ako ng bigla niyang buksan ang pinto ng aming silid at mabilis na kinuha ang aming mga kasuotan sa loob ng aparador at inilagay sa dalawang tampipi na lagayan ng aming mga kasuotan.
"Saan ba tayo tutungo? Sino ang maiiwan dito sa hacienda? Paano kung bumalik sila rito? Hindi tayo maaaring magtagal." Sinundan ko ng tingin ang bilis ng kanyang bawat galaw. Tila siya'y natataranta. Hindi na rin naging maayos ang pagkakatupi ng aming mga damit sa loob. Basta na lamang niya itong inilalagay.
"Mga kasambahay na ang magbabantay rito. Tulungan mo na lamang ako."
"Ano ba talaga ang nangyayari? Bakit hindi mo sabihin sa akin? Saan tayo tutungo?"
"Hali na, Ate" sabay hila at ngiti niya sa akin nang siya'y mapaharap sa akin. "Hawakan mo itong iyong tampipi. Hali na."
Hindi na ako tumutol pa. Hinayaan ko na lamang siyang hilahin ako pababa ng hagdan. Wala rin namang mangyayari kung ako'y magmamatigas pa.
Nang kami ay may makasalubong na kasambahay, hinabilin niya ang buong hacienda rito.
Paglabas namin ng hacienda, bumungad sa akin ang iba't ibang mga tao na abala sa kanilang nga gawain. Mayroong naglalakad patungong pamilihan may iba na may dala na ng kanilang ipinamili, may mga batang nagtatakbuhan habang malakas na tumatawa. At higit sa lahat, iilang mga sasakyan na dumadaan.
Sa paglipas ng ilang dekada, ang bansang ito ay lumago at nagkaroon ng pagbabago. Parang noon lamang, karwahe pa lang ang nagsisilbing sasakyan ngunit ngayon mayroon ng sasakyan na ginagamitan ng gasolina. Ang dating lupa na dinadaanan, ngayo'y gawa na sa semento.
Marami na rin ang umuusbong na negosyo at establisiyemento na nagbigay ng mas maraming trabaho sa mga tao. Kahit nasa ilalim ng pananakop ng Amerikano ang bansa at inagaw ng mga Hapones dahil sa kanilang pansariling hangarin, hindi pa rin mawawala ang mga saya at ngiti sa mga tao kahit pa'y napupuno ng takot ang kanilang mga puso.
"Hali na, Ate, ayan na ang dyip."
Napalingon ako kay Delilah at ako'y hinila pasakay ng isang dyip. Ilang minuto din kami nanatili sa dyip at pumanaog din agad. Narinig ko ang ugong ng barko at sigawan ng mga tao.
"Bakit tayo narito?" tanong ko sabay tingin sa kanya nang may pagtataka. Bakit kami nasa daungan? Imbes na ako'y kanyang sagutin, ngumiti lamang siya sa akin at patuloy akong hinila.
Mayroon siyang sinabi sa lalaking nag-aabot ng bayad at nagbibigay ng bilyete (ticket) sa mga tao. "Dalawa ho," wika niya sabay abot niya ng bayad.
"Saan ba patungo nito? Sandali, baka tayo'y hanapin ng dalawang magkapatid kung sakali mang sila'y umuwi."
"Kalma ka lamang, Ate, ako na ang bahala."
"Sige po, pasok na po kayo."
Tuloy-tuloy ang aming paglalakad hanggang kami ay makarating sa silid.
Sinundan ko lamang siya ng tingin nang ayusin niya agad sa pagkakalagay ang aming mga gamit.
"Saan patungo ito, Delilah?"
"Maynila, Ate" sabay ngiti niya nang malapad.
"Ano? Maynila? Anong gagawin natin doon? Tatlong araw ang biyahe patungong Maynila, Delilah."
"Alam ko."
"Hali ka, tayo'y papanaog hangga't hindi pa umaalis ang bar---."
"Hayan na, Ate, umaalis na. Mayroon tayong pupuntahan doon. Huwag kang mag-alala."
Napaupo na lamang ako nang aking maramdaman ang paggalaw ng barko. Anong gagawin namin sa Maynila? Sandali, Maynila? Mabilis akong lumingon muli kay Delilah na ngayo'y nakahiga at nakapikit na.
"Delilah, sa Maynila ba kamo? Hindi ba sabi mo nagtungong Maynila sina Severino? Pupuntahan ba natin siya roon?" Nakaramdam ako ng saya at pagkasabik nang iyon ay aking maalala. Ito ba ang kanyang pinaplano? Maaari naman niyang sabihin sa akin na pupuntahan namin sila roon para hindi na ako magtanong pa nang magtanong.
Nanatili pa rin siyang nakapikit. "Makikita mo."
Hindi na ako nagtanong pa at nahiga na rin tulad niya ng may ngiti sa labi. Masyado pang maaga. Mabuti na lang, nakaabot pa kami sa barko. Tatlong araw na lang, Severino, muli na kitang makikita. Ako'y nasasabik na.
-------------------Mayo 2, 1944------------------
Alas-siyete na ng gabi nang tuluyang makadaong ang barko sa daungan. Kahit gabi na, masigla pa rin ang mg tao, kaliwa't kanang nag-aalok ng kanilang paninda, mga bahay-aliwan na naghahanda na para sa kanilang pagbubukas.
"Tayo ba'y susunduin nila?" tanong ko habang palinga-linga sa paligid. Ilang minuto na ang nakalilipas mula nang kami ay makababa ng barko. Kanina pa kami rito sa tapat ng Intramuros naghihintay sa kanilang pagdating.
"Oo, Ate, maghintay pa tayo," sagot naman niya.
Lumingon ako sa kanya. "Baka naman hindi nila batid na tayo'y nakababa na? Bakit hindi na lamang tayo dumiretso sa kanyang bahay-pagamutan? Baka naroroon pa siya at nag-aasikaso ng kanyang mga pasyente." Kung maghihintay lamang kami rito, aabutin kami ng ilang oras. Palalim na ng palalim ang gabi kaya mas lalong lumalamig.
"Saglit na lang, Ate, baka sila'y darating din."
"Siya ba ang nagsabi sa iyo na ngayon tayo luluwas ng Maynila? Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin at nang aking malaman. Hindi naman ako magagalit."
"Alam mo ba kung nasaan ang kanyang bahay-pagamutan?"
Dahan-dahan akong ngumiti sabay umiling. "Hindi. Hindi ko pa pala naitatanong sa kanya."
Siya'y tumawa na tila ba hindi makapaniwala. "Tapos suhestiyon mong tayo'y magtungo roon gayong hindi mo naman alam?"
"Maaari naman tayong magtanong."
"Ate Emilia, malaki ang Maynila. Aabutin tayo ng umaga kung tayo'y magtatanong-tanong." Ngumiti siya nang mapanukso at ako'y kinurot niya sa aking tagiliran. "Sabik na sabik ka ng makita siya, ano?"
"Hindi ka ba nasasabik makitang muli ang iyong dating hinahangaan?" tanong ko na sinabayan ko pa ng pagtaas ng gilid ng aking labi. Nabanggit ko na bang dati siyang humahanga kay Angelito noong kami ay naninilbihan pa lamang?
"May asawa na ako, Ate, kung ika'y maririnig ni Bernardo, tiyak akong siya'y maiinis sa iyo," natatawa niyang tugon habang inaalala kung paano manibugho ang kanyang asawa.
Minsan na kase itong nanibugho nang malaman nito na dating humahanga si Delilah kay Angelito. Iba rin kase ang utak nitong aking kapatid. Nagkuwento ba naman siya kung paano at gaano ito humanga noon kay Angelito nang may ngiti at kinang sa kanyang mga mata. Sino ang hindi maninibugho nang ganoon, aber?
Kaya ang kanyang butihing asawa, nagtampo at hindi pinansin si Delilah ng ilang oras. Habang gumagawa ito ng gawaing-bahay mula sa sakahan, tahimik lamang ito habang patuloy na nakikinig sa kuwento ng aking kapatid tungkol sa nangyari sa kanyang buong araw.
Nakilala niya si Bernardo na ito'y mauwi mula sa Laguna at nagtungo rito sa Maynila. Siya'y pamangkin ni Nanay Sitang sa ikalawang kapatid nitong kapatid. Nagkasundo dahil halos hindi sila nagkakalayo ng ugali hanggang nauwi sa pag-iibigan.
Mula rin noong sila'y matapos ikasal sa Maynila at magpasyang manirahan dito sa bayan ng San Diego, bumili ng maliit na lupain si Bernardo bilang pangunahin nilang hanapbuhay upang pagtamnan ng kamoteng kahoy at saging.
Kahit na siya ang nagmamay-ari ng lupa, tumutulong pa rin ito upang masiguro niya ang kalidad ng mga prutas bago ipagbili sa malalaking palengke rito at sa ibang kalapit-bayan.
Ganoon pa man, hindi pa rin maipagkakailang humihina ang sakahan ngayon dahil kulang sa manggagawa sa takot na maging biktima ng kalupitan ng mga Hapones. Walang mag-aasikaso at wala ring magtatanim. Mahirap gumalaw at magiging mabagal ang proseso kung kulang sa mangaggawa.
Batid ko sa susunod na buwan ay uuwi rito ang kanilang panganay na anak na babae upang tulungan sa negosyo ang kanyang ama.
"Isumbong kita sa iyong asawa, e. Sasabihin ko sa kanya na hanggang ngayon naaapektuhan ka pa rin sa presensya ni Angelito."
"Naapektuhan ka riyan."
"Bakit hindi ba? Bakit ka namula noong muli kayong nagkita noong nakaraang linggo?"
"Ehem."
Kapwa kami napalingon ni Delilah sa aming likuran nang marinig namin ang isang tinig. Narito si Angelito, nakasandal sa puno habang nakapamulsa at seryosong nakatingin sa aming dalawa.
"Ka-Kanina ka pa po ba riyan?" rinig kong kinakabahan na tanong ni Delilah.
"Tatlong minuto," tanging sagot ni Angelito at umalis sa pagkakasandal. Kinuha niya ang aming mga tampipi at naunang naglakad sa amin.
Nagkatinginan kami ni Delilah at sumunod din sa kanyang paglalakad. Tatlong minuto na siyang naroroon. Ibig sabihin narinig niya ang aming pinag-usapan.
"A, Ginoong Angelito, nasaan po si Ginoong Severino? Akala namin nakalimutan niyo na kami," wika ni Delilah nang natatawa habang sinasabayan niya ito ng hakbang samantalang ako'y naglalakad lamang sa kanilang likuran.
"Hindi naman."
"Bakit pala ngayon lang kayo nakarating?"
"Paumanhin kung ngayon lang ako. Marami lang inaasikaso."
"A, ayos lang po iyon, Ginoo."
Kapwa silang natahimik matapos iyon. Nais ko sanang pumagitna sa kanilang pag-uusap ngunit ngayon ko na lang sila nakitang nagkaroon ng oras sa isa't isa kaya mas pinili ko na lamang manahimik, makinig at manood sa kanila.
Matapos ang ilang minutong pagbiyahe, huminto kami sa isang malaking bahay na mayroong tatlong palapag. Sa labas ng bahay, mayroong tatlong maliliit na ilaw kaya kitang-kita ang mga tanim nilang bulaklak.
"Tuloy kayo," sambit ni Angelito sabay bukas niya sa tarangkahan (gate) at pinauna kaming pinapasok bago siya.
Habang kami'y naglalakad, tinitingnan ko ang kabuuang disenyo ng labas ng kanilang bahay. Gawa ito sa pinaghalong kawayan at tabla, pinakintab at nilagyan ng mga palamuti tulad ng mga puting kurtina na nakasabit sa mga bintana. Bukas din ang ilaw sa dalawang silid sa bandang ikalawang palapag.
Pagbukas ni Angelito sa malaking pinto, unang nakaagaw ng aking pansin ay ang napakalaking obra ng pamilya na ipininta.
Tatlong lalaking nakatayo sa likod. Ang dalawang lalaki sa gawing gitna at kanan ay pawang mga binata at tatlo ring babae na nakaupo sa harapan. Sa gawing gitna at kanan din makikita ang dalawang babae na dalaga. Lahat sila ay nakangiti maliban sa isang lalaki na seryoso lamang nakatingin. Nakasuot din sila ng iba't ibang magagarbong kulay ng baro't saya at barong tagalog.
Ang tatlong lalaki na ito ay ang anak at dalawang apong lalaki ni Severino. Ang ngiti ni Sebastian na kawangis sa ngiti ni Severino ang nangingibabaw sa lahat.
Napadako ang aking mga mata sa isang babae na nakasuot ng puting bestidang pangtulog habang may hawak na telang pangburda. Ang kanyang buhok ay nakalugay at napapalamutian ng gintong ipit na bulaklak. Sa aking tansya, tila siya'y nasa labin-limang taong gulang pa lamang.
"Magandang gabi, binibini," pagbati ni Delilah kaya bumati na rin ako.
Ngumiti naman siya at yumuko sa amin. "Magandang gabi rin ho sa inyo." Dumiretso siya sa kanang pasilyo at patakbong nagtungo papasok sa isang silid.
"Maupo kayo," wika ni Angelito. "Tatawagin ko lang si Kuya."
Kuya.
Hindi ko alam subalit bigla akong kinabahan nang banggitin niya iyon. Ilang araw ko rin siyang hindi nakita. Siya'y nagtungo sa silid kung saan pumasok kanina ang babae.
Mayamaya pa'y tatlo na silang lumabas doon. Nagtama ang mga mata namin ni Severino na ngayo'y nakangiti sa akin nang malapad habang may hawak na baston. Nakasuot siya ng maluwag na itim na kamiseta at puting padyama (pajama) at itim na pares ng tsinelas.
"Emilia," wika niya nang siya'y makalapit sa akin at ako'y niyakap nang mahigpit.
Nanlaki naman ang aking mga mata nang mapansin kong nakatingin sa amin ang batang babae. Mabilis akong humiwalay at ngumiti nang kaunti.
"Kumain na ba kayo? Kumain na muna kayo. Ako ay nagpahanda," dagdag niya at inalalayan kaming magtungo ng kusina.
Puros kamustahan at kwentuhan lang naman ang nangyari sa hapag. Ngunit ako'y hindi napapakali nang aking mapansin ang tingin ng kanyang dalawang apong babae at asawa ni Seviano na ngumingiti sa akin.
Apat ang kanyang mga apo - dalawang lalaki at babae. Sa ngayon, dalawang babae lamang ang naririto dahil ang dalawang lalaki na sina Sebastian at Rulfo ay nasa Bataan kasama si Seviano.
Matapos kumain, pinakita sa amin ni Delilah ang aming gagamiting silid sa ikalawang palapag. Kami rin ay mananatili rito ng ilang araw bagay na hindi ko pa nalalaman. Malakas ang aking pakiramdam na mayroong itinatago sa akin si Delilah. Hanggang ngayon hindi ko pa rin nakakausap si Severino hinggil sa kanyang biglaang pag-alis.
"Ngayon ko lang nakita ang mga apong babae ni Ginoong Severino. Nakikita ko sa kanila ang mukha ni Floriana," turan ni Delilah na abala sa pag-aayos ng kanyang kagamitan.
"Paanong hindi, kamukha ni Seviano ang kanyang ina," sagot ko naman nang abala rin sa pag-aayos ng aming higaan. Lalo na iyong babae kanina na mukhang nasa dalawampu't taong gulang na si Susan. Sa kanilang lahat na magkakapatid, siya ang pinaka nagmana ng mukha sa kanilang ama kaya makikita talaga sa kanya ang itsura ni Floriana lalo na sa husay sa pagdadamit at pag-aayos. Mas lalong nakikita at nangingibabaw ang kagandahan niya. Tila nabuhay si Floriana sa katawan ng kanyang apo na si Susan.
Si Leonora naman ang pinakabunso ay tahimik, minsan lang ngumiti. Minsan masungit pa. Parang ito ang isa pang ugali ni Floriana noon.
"Maganda pala ang asawa ni Seviano, ano, Ate? Kami ay nakapag-usap kanina, taga-Bataan pala siya kaya doon naninirahan ang kanyang mag-aama ngayon."
Napatigil ako saglit sa aking ginagawa ngunit nagpatuloy rin. Kaya pala mayroon silang bahay roon sa Bataan at doon naninirahan.
"Dito pala nag-aaral ang kanilang mga anak kaya rin sila may bahay rito. Kasalukuyang inaalagaan ni Rosana ang kanilang mga anak dito habang naroroon naman sa Bataan ang kanyang asawa't dalawa pang anak."
Nang ako'y matapos sa aking pag-aayos, naupo ako sa higaan at humarap sa kanya. "Kanina lamang kayo nagkita ang dami mo nang nalalaman sa kanya."
Ngumiti siya nang nakakaloko at nilapit ang mukha sa akin sabay bumulong. "Hindi mo ba itatanong kung anong itinanong niya sa akin tungkol sa iyo?"
"Ano?" Anong itinanong? Nagtanong si Rosana tungkol sa akin?
Tumawa siya at umiling. "Wala. Ako'y maliligo muna. Maiwan muna kita riyan." Muli siyang tumawa habang papalabas ng silid kaya marahan ko siyang binato ng unan. Tumama ang unan sa likod ng pinto saktong pagkasarado niya.
Pinulot ko ang unan at saktong bumukas ang unan. "A-Aray," daing ko, nabitiwan ko ang unan sabay hawak sa aking ulo. Ang sakit. Malakas pa naman ang pagkakatama ng aking ulo.
"Hala, Emilia, paumanhin, hindi ko alam na nariyan ka," rinig kong wika ni Severino.
Umatras ako, tuluyang pinulot ang unan at muling umupo sa higaan. Naramdaman ko ang pagtabi niya sa akin at kinuha ang aking kamay na nakahawak sa aking ulo.
"Masakit ba?"
"Hindi, Severino, hindi." Hindi ko maiwasang hindi siya tignan nang masama. Hindi ba niya batid kung gaano kalakas ang pagbukas niya kanina ng pinto at tatanungin pa niya ako kung masakit ba?
"Niloloko mo naman ako, e. Tinatanong kita nang maayos. Akin na, titignan ko." Hinayaan ko siyang suriin ang aking ulo. Mayamaya pa'y hinalikan niya ito.
"Ikaw na mismo ang maaaring sumagot sa iyong tanong."
"Ganiyan na ba talaga kapag matanda na? Napapadalas na ang init ng ulo? Ngayon na nga lang kita muling nakita, ako'y sinungitan mo pa." Ngumiti siya sa akin at pinisil ang aking ilong. "Patawad, nauntog ka."
Mabuti na lang pala pinaalala niya sa akin iyon. Piningot ko ang kanyang tainga ng ilang segundo.
"A-Aray, aray ko, Emilia." Bahagya siyang ngumingiwi habang napapapikit.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin na aalis ka pala? Hindi ka man lang nag-iwan ng liham."
"Sorpresa? (Surprise?)"
"Sorpresa ka riyan," bulong ko at binitiwan siya. Natawa na lang ako sa kanyang tinuran. Sorpresa pala iyong bigla-bigla na lamang siyang aalis na hindi magsasabi sa akin.
"Galit ka pa ba sa akin?" malambing niyang tanong. "Paumanhin, Mahal, mayroon lamang talaga akong inasikaso ngayon dito. Biglaan kase."
Tumango ako. "Oo nga raw. Nagkaroon daw ng problema sa iyong bahay-pagamutan?"
Bahagyang kumunot ang kanyang noo ng ilang segundo at napatitig sa akin. Ang kanyang mga mata ay nagtatanong. Magsasalita na sana ako nang bigla siyang natawa. "A...oo, oo, tama. Iyan ang aking inihabilin kay Delilah nang ako'y magtungo sa kanila. Paumanhin, nawaglit sa aking isipan. Ang dami ko kaseng iniisip." Muli siyang ngumiti sa akin, ipinatong ang baba sa aking kaliwang balikat at ipinulupot ang magkabilang braso sa aking baywang.
Sinabi niya rin sa akin, tatlong araw mula ngayon gaganapin ang anibersayo ng mag-asawang Nuncio. Hindi raw muna ako magpapakita kay Agapito dahil sosorpresahin daw namin siya sa mismong araw na iyon.
"Naligo lang ako sandali ito na ang aking naabutan."
Mabilis pa sa kidlat kong itinulak palayo sa akin si Severino at nanlalaki matang tumingin kay Delilah na ngayo'y nakangiti nang nakakaloko.
"Ang sakit ng iyong pagtulak, Mahal," bulong sa akin ni Severino nang nakasimangot. "Si Delilah talaga, nang-iistorbo."
--------------------Mayo 5, 1944------------------
Huminga ako nang malalim habang pinagmamasdan ko ang aking sarili sa harap ng malaking salamin. Nakasuot ako ng puting bestida na abot hanggang binti na mayroong burdang bulaklak sa gawing kanan ng dibdib.
Maayos ding nakapusod ang aking buhok na mayroon pang naiwang hibla sa bawat gilid na pinakulot na inayos mismo ni Delilah. Sinadya niya iyon para raw maging disenyo sa aking buhok at para raw mas lalong mahumaling sa akin si Severino.
Ngayon ang araw na kami ay magtutungo sa bahay nina Agapito para sa pagdiriwang ng kanilang anibersayo.
"Handa ka na ba, Ate?" tanong sa akin ni Delilah kaya napalingon ako sa kanya. Siya'y nakangiti at inaayos ang aking pinakulot na buhok.
"Ako'y kinakabahan." Hindi ko batid kung bakit. Marahil kase ngayon ko na muling makikita ang aking dating nobyo makalipas ang maraming taon.
"Huwag kang kabahan. Ikaw naman ay maganda."
Napakunot ang aking noo habang nangingiti kasabay ng aking pagtingin sa salamin. Maganda ako? Tiningnan ko nang maigi ang aking sarili. Bukod sa pagsusuot ng maayos na bestida at magandang pagkakaayos ng aking buhok, ako rin ay nakapostura. Saktong mapula ang aking pisngi at labi na medyo mangintab-ngintab pa. Hindi ko alam kung anong inilagay niya sa aking labi para magkaroon nito.
"Hali na?"
Tumango ako at muling tumingin sa kanya. Kasama rin siya sa pagdiriwang. Siya naman ay nakasuot ng dilaw na bestida, nakalugay ang buhok at nakapostura.
Nauna na roon si Severino at Angelito. Sa oras na ito, alas-dos ng hapon (2pm), nagsisimula na ang pagdiriwang. Sinadya lamang namin na mahuli ayon na rin sa plano ni Severino na sinabi niya sa amin kanina.
Mayroon namang karwahe na pagmamay-ari sina Severino rito kaya iyon ang aming gagamitin patungo roon. Sa oras na rin ito, naghihintay na rin sila sa amin ngayon.
"E-Emilia?" Nanlalaki ang mga mata ni Severino at nakaawang ang labi nang ako'y kanyang makita pagkarating namin.
Narito kami ngayon sa tapat ng tarangkahan, hinintay ni Severino habang naroroon naman sa loob si Angelito na abala sa pakikipag-usap daw kay Agapito. Sinabi ni Severino kung kapwa raw silang maghihintay rito sa labas, baka raw hanapin sila ni Agapito at masira pa ang sorpresa.
"Maganda ba, Ginoong Severino?" rinig kong tanong sa kanya ni Delilah.
"Sobra," sagot nito habang nakatitig pa rin sa akin. Dahan-dahang sumilay ang kanyang ngiti, kulang na lang ay makita maging ang kanyang gilagid.
Napayuko ako sa kanyang tinuran at itinago ang aking pagkakangiti. Nahihiya ako. Hindi ko kayang tagalan ang kanyang mga titig.
Naramdaman ko na lumapit ang kanyang ulo sa akin at bumulong. "Napakaganda mo naman Mahal ko."
Inangat ko ang aking mukha, sinalubong ang kanyang tingin at ngumiti sa kanya. "S-Salamat."
Mas lalong lumawak ang kanyang ngiti at ngayo'y kakaiba na. "Biro lang."
Biglang nawala ang aking ngiti nang iyon ay kanyang sabihin at magsimula siyang tumawa at makaraan ang ilang segundo, ako'y niyakap. "Hindi nakakatuwa."
Humiwalay siya habang tumatawa. "Biro lang iyon! Maganda ka talagang tunay, Mahal ko. Maganda ka talaga. Sadyang hindi lang talaga buo ang aking araw kapag hindi ko nakikita ang iyong kasungitan."
"Hmp" sabay hampas ko sa kanya.
Tumawa lang siya at hinalikan ako sa ulo. Inalalayan niya kaming pumasok sa loob. Ramdam ko na naman muli ang kaba habang kami ay papalapit na nang papalapit.
Rinig na ang kwentuhan at nakikita na rin ang mga panauhin. Nang kami ay nasa tapat na ng pinto, hinawakan ni Severino ang aking kamay at tumingin sa akin.
"Handa ka na bang muli siyang makita?"
"Handa na." Sa kabila ng nangyari sa amin noon, ilang taon man ang lumipas, kahit ako'y kinakabahan, nangingibabaw pa rin ang pagkasabik sa aking puso.
Mula sa malayo, kitang-kita namin ang mag-asawa habang abala sa pakikipag-usap. Dahan-dahan kaming lumapit sa kanilang kinaroroonan hanggang sa mapadako ang atensyon sa amin ni Agapito.
Napatitig siya sa amin ng ilang segundo at dahan-dahang lumaki ang kanyang mga mata.
"Emilia?"
Ngumiti ako nang malapad. "Agapito."
Mabilis siyang nagpaalam sa kanyang mga panauhin at lumapit sa amin kasama ang kanyang maybahay na. Sino ba namang mag-aakala na ang babaeng nakita ko noon sa barko at aking pinagselosan ay siyang kanyang makakatuluyan? Hindi mo nga naman masasabi ang tadhana.
"Emilia, kumusta? Hali kayo, maupo kayo." Inalalayan niya kaming maupo hanggang sila'y maupo na rin. "Sandali, Severino, ito ba ang tinutukoy mong sorpresa?" Papalit-palit ang tingin niya sa aming dalawa ni Severino.
Lumapit naman sa amin sina Angelito at naupo sa tabi ni Delilah.
"Nasorpresa ba kita?" natatawang sagot naman nito.
"Sobra. Hindi ako makapaniwala. Ilang taon din tayong hindi nagkikita-kita. Siya nga pala kung hindi niyo pa nakikilala ang aking asawa, siya si Teresa Agoncillo-Nuncio."
"Magandang hapon sa inyo," pagbati niya sa amin at ngumiti nang malapad.
Sa aking pagkakaalala noong kami pa'y nagkakausap ni Agapito sa liham, matapos ang dalawang taon naming paghihiwalay, nakilala niya si Teresa rito sa Maynila at naging magkaibigan. Habang tumatagal, lumalalim na ang pagtingin nila sa isa't isa. Limang taon ang itinagal ng kanilang relasyon bago sila magpakasal.
Ipinakilala niya rin sa amin ang kanilang tatlong anak - isang lalaki at dalawang babae na pare-pareho na ring may sariling pamilya.
Sa isang bilog na mesa, kami ay nagtipon-tipong lahat at masayang nagkukwentuhan tungkol sa aming mga buhay. Sa tagal ng hindi namin pagkikita, lahat na ng maaaring ikuwento -- seryoso man masaya ay hindi pinalagpas. Kay sarap pagmasdan nang ganito. Sa kabila ng lahat ng lungkot at saya, nakita ko rin sa wakas na kami ay magkakasama kasama ang kanilang mga bagong pamilya.
-------------------Mayo 7, 1944------------------
Dalawang araw matapos ang pagdiriwang ng ikaapatnapung anibersayo (ika-40th) ng mag-asawang Nuncio, mas lalong gumaan ang aking pakiramdam dahil natapos ang araw na iyon na muli kaming nagkausap ni Agapito na kaming dalawa lamang at masaya ang lahat. Naging tulay ang pagdiriwang na iyon upang muli kaming magkasama-sama kahit mayroon kaming inaasikasong ibang bagay.
At ngayong umaga, maaga akong nagising upang ipagluto silang lahat ngunit paggising ko ay wala na sa aking tabi si Severino. Maaga rin naman daw umalis si Angelito at nagtungo sa kanilang bahay-pagamutan.
Hindi ko pa rin naman nadadalaw si Delilah sa kanyang silid ngayon ngayon kaya hindi ko alam kung gising na ba siya o hindi pa. Ang mga apo naman ni Severino ay hindi ko pa rin nakikita ngayon.
Pagbaba ko patungong kusina, naabutan ko ang salas na magulo. Mabilis kong hinanap ang mga kasambahay maging sa labas ngunit wala sila.
Nagkagulo-gulo ang mga upuan, ang mesa ay natumba at may mga basag na muwebles. Nakaramdam ako ng kaba at mabilis na umakyat sa taas upang tawagin si Delilah.
"Delilah, nariyan ka ba?!" Halos masira ko na ang pinto sa lakas ng aking pagkakakatok. Sarado ang pinto .
"Bernardo?! Nariyan ka ba? Buksan mo ang pinto!" Bakit walang sumasagot?
Ilang beses muli akong kumatok bago muling bumaba at hanapin ulit ang mg tao rito. Ako lang ba ang naiwang mag-isa? Nasaan ang mga kasambahay? Bakit ganito kagulo ang salas? Kami ay napasukan ng magnanakaw? Bakit wala akong naririnig na sigaw kanina? Anong oras na ba?
Napatingin ako sa orasan na ngayo'y hindi na maayos ang pagkakalagay. Medyo tagilid na ito. Alas-sais na ng umaga.
Bakit wala akong narinig na sigaw kanina o humihingi ng tulong? Marahil ang bahay na ito ay nanakawan ng walang katao-taong nagbabantay rito? Ngunit bakit magulo? Ibig sabihin mayroong gulong nangyari, hindi ba?
"May tao ba riyan? Nasaan kayo?" sigaw ko baka sakaling mayroong nakakarinig sa akin.
"Tu...long! Tulong po!"
"Tulong!"
Mabilis akong napalingon sa labas ng bahay at agad tumakbo para sundan ang sigaw. Nakita ko ang isang kasambahay sa labas ng tarangkahan na pilit pinoprotektahan si Severino mula sa pangbubugbog ng limang lalaking nakasuot ng puting manggas. Sila marahil ang mga magnanakaw.
"Severino! Severino!" sigaw ko habang tumatakbo palapit sa kanila.
"G-Ginang Emilia! Tu...lungan niyo po kami," umiiyak nitong tugon.
Sa abot ng aking makakaya, tinulak ko nang malakas ang apat na lalaki palayo at pinaghahampas. Natatakpan ng makapal na telang itim ang kanilang mga buhok hanggang mukha at tanging mga mata lamang ang makikita. "Ano ang iyong ginawa sa kanya?!" sabay turo kay Severino na ngayo'y duguan ang mukha dahil sa maraming sugat na natamk at putok na putok ang labi at nakapikit na. Muli ko silang sinuntok sa dibdib at pinagsisipa kahit ako lamang mag-isa at apat sila.
Naramdaman ko na lamang ang panginginig ng aking katawan nang hawakan si Severino na nakahandusay na habang ang ulo ay hawak-hawak ng kasmabahay.
"Ginang si Se...ñor Severino po."
"Mayroon siyang kasalanan sa amin! Tumabi ka!" Marahas akong tinulak ng lalaking may katangkaran kaya ako ay napahiga sa semento at nauntog ako sa kahoy na malapit sa aking ulo.
Ininda ko ang sakit at muling lumapit kay Severino. Kinuha ako ang pagkakataon na ito para kunin ang maliliit na bato na aking kinahihigaan at pinagbabato sa kanila.
"Umalis na kayo! Ano pa ba ang iyong kailangan?! Nakuha na ninyo ang nais niyo hindi ba? Nakapagnakaw na kayo, hindi ba?" Sinamaan ko sila ng tingin sabay punas ng aking luha. Kay sakit makita na ito ang bumungad sa aking umaga.
Humalakhak ang dalawang lalaki at lumapit sa akin. Ang isa sa kanila ay nagsalita. "Sa tingin mo kami ay nandito para magnakaw? Sa iyo rin bang palagay nakuha na namin ang aming nais? Nagkakamali ka."
Hinawi niya ako nang malakas, puwersahang itinayo si Severino kahit wala na itong ulirat at kinaladkad palayo. Sumunod naman sa kanya ang kanyang mga kasama na humahalakhak na rin.
"Severino! Sandali saan niyo siya dadalhin?" Kahit masakit ang aking katawan, pinilit kong tumayo upang sundan sila bago pa sila tuluyang makalayo sa amin. "Severino! Sandali tumigil kayo...Severino!" Maraahs ko silang itinulak at pikit na kinukuha si Severino mula sa kanila.
"Señor Severino! Tulong po! Tulong!"
"TUMAHIMIK KA! HUWAG KANG SUMALI SA GULO NAMIN, TANDA!" sigaw naman sa akin ng isa at ako'y sinuntok nang malakas sa tiyan.
Napahawak ako sa aming tiyan at pinipilit abutin ang taong sumuntok sa akin kahit ako'y nanghihina.
"Ginang Emilia!" sigaw ng kasambahay at lumapit sa akin. "Walanghiya ka!" Akmang sasaktan na niyo ito ngunit siya'y inunahan at hinablot ng malakas ang kanyang buhok.
"Isa ka pa!"
"Saktan mo nga iyan! Ang daming nakikisali, si Severino lang naman ang ating kailangan!" saad ng isa nang naiinis na.
"Kung ayaw mong masaktan muli at nais niyo pang mabuhay, tumigil kayo. Huwag kayong makisali," wika nitong muli sa malalim na tinig at tuluyan ng umalis.
"Tulong! Tulong po! Ginang Emilia, Señor Severino! Tulong po!"
"Na-Nasaan ang iba, hija? Bakit wala sila? Hanapin mo sila at humingi ka ng tulong sa kanila," wika ko habang napapapikit at nanatiling nakahawak sa aking tiyan.
"I-Ikaw po? Gagamutin po kita. Ikaw po ay may sugat."
"Hindi na. Susundan ko sila bago pa sila makawala. Kaya ko ito. Kaya ko ito. Humingi ka na ng tulong sa iba." Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at umalis na kahit mabagal ang lakad. Medyo binilisan ko ang aking mga hakbang para masundan sila.
Nakita ko silang lumiko sa gawing kanan ng daan kaya palihim akong sumunod at kumuha ng maaari kong gamitin pangprotekta ko sa aking sarili.
Tumutulo ang aking luha habang punagmamasdan kung paano nila kaladkarin si Severino na hanggang ngayon ay walang malay. Sa tindi ng bugbog na kanyang natamo, tuluyan nang nanghina ang kanyang katawan.
"Seve..rino," bulong ko. Nanginginig ang aking katawan. Mayroong iilang taong dumadaan ngunit gulat na lang na napapatingin at tumatakbo paalis dahil sa takot. Sila rin ay tinutukan ng mga lalaki ng mga mahahabang kahoy pamalo sa mga taong magtatangka sa kanila.
Sa ilang minutong paglalakad, sila'y nag-usap usap sandali at muling binubog si Severino saka iniwang mag-isa sa sahig, sa gitna ng daan. Kinuha ko na ang pagkakataon na ito upang lapitan siya at bawiin mula sa kanila.
"Severino, Severino, gising," wika ko habang tinatapik-tapik ang kanyang mukha baka sakaling siya'y magising. "S-Severino, gising tayo'y tatakas. Gumising ka hindi kita kayang bu...hatin, S-Severino." Paano ko siya bubuhatin kung maging ako ay nanghihina na rin. "Severino, parang awa mo na. Gumising ka na riyan."
Pinilit ko siyang buhatin at alalayan ngunit natumba lamang kami. "Tulungan niyo ako. Tulungan niyo ako," saad ko habang nakatingin sa mga taong dumadaan at nagmamasid sa akin. "T-Tulungan niyo kami. Dalhin natin siya sa bahay-pagamutan."
Mayroong lalaking lumapit sa amin at kami'y tinulungan. "Tulungan natin sila!" sigaw niya.
"M-Maraming salamat po."
Inalalayan niya si Severino katuwang ang isa pang lalaki. Inalalayan naman ako ng isang dalaga sa aking paglalakad.
Pinangunahan nila ang paglalakad hanggang kami ay mapadpad sa isang simbahan.
"Sa bahay-pagamutan, hijo." Bakit dito sa simbahan?
"Ginang, hindi na po natin kayang magtungo sa simbahan sapagkat malayo pa rito nang kaunti. Kailangan na ninyong malapatan ng lunas," wika ng babaeng umaalalay sa akin.
"Tayo'y hihingi po ng tulong sa loob ng simbahan. Baka po sakaling tayo'y matulungan."
Ako na mismo ang nagbukas ng simbahan. Napaawang ang aking labi nang makita itong maayos at puno ng dekorasyon -- mga samu't saring uri ng bulaklak. Ang mas nakaagaw ng aking pansin ay ang mga taong nakatingin sa amin na puros nakaayos at nakasuot ng traje de boda (damit-pangkasal)
Mayroon palang ikakasal. "P-Patawad po." Tumingin ako sa mga taong umaalay sa amin at bumulong. "Nagkamali tayo ng pinasok."
Naramdaman ko na lamang na mayroong mainit na palad ang humawak sa aking kaliwang kamay kaya ako'y napalingon.
"Emilia," wika niya habang nakangiti sa akin nang malapad kahit puno ng dugo ang kanyang mukha at nakaluhod.
Nanlaki ang aking mata nang makita siya kaya mabilis akong napaupo at niyakap siya. "Severino, gising ka na!" Ako'y napahagulhol nang aking maramdaman ang kanyang yakap. Naramdaman ko pa na nawalan siya ng balanse kaya napaupo siya sa sahig.
"Tahan na, Mahal."
Agad din akong humiwalay at hinawakan ang kanyang mukha. "Hali ka, tayo'y magtutungo sa bahay-pagamutan. I...papagamot natin iyan."
Pinunasan niya ang aking luha at marahang umiling. "Ayos lamang ako, Mahal. Mayroon lamang akong itatanong sa iyo, maaari ba?"
Ang mga taong umalalay sa amin ay dahan-dahang umalis at pumasok sa loob kaya kami na lamang ang naiwan dito sa tapat ng pinto ng simbahan.
"Sandali, saan kayo tutungo?" Ano bang nangyayari?
"Emilia?" muling pagtawag niya sa akin.
"Hindi ba makapaghihintay iyang tanong na iyan? Ang iyong kalagayan ang mas mahalaga ngayon, Severino. Hali na." Nakakaramdam na ako ng inis. Bakit ba ayaw niyang magtungo ng bahay-pagamutan. Ano ba ito? Bakit may ganito?
Muli na naman niya akong pinigilan nang siya'y aking hilahin. "Severino, ano ba? Nakakahiya sa kanila mayroong ikakasal." Hindi ba niya nakita ang simbahan na ito? Mayroong ikakasal. Hindi dapat kami naririto.
Ang mga taong umalalay sa amin ay dahan-dahang umalis at pumasok sa loob kaya kami na lamang ang naiwan dito sa tapat ng pinto ng simbahan.
Nahagip ng aking mata ang kasambahay na kasama ko kanina na ngayo'y nakasuot na ng puting bestida habang nakangiti sa amin nang malapad. "Sandali...bakit ka nariyan?"
Papalit-palit ang aking tingin hanggang sa tuluyan na akong tumingin kay Severino na nakangiti na naman sa akin. "Ano bang nangyayari, Severino?"
"Paumanhin kung sa ganitong paraan ko ginawa at plinano ang lahat ngunit nais sana kitang tanungin sa harap nilang lahat at sa harap ng Diyos." Pinisil niya ang aking kamay at inalalayan akong tumayo habang siya naman ay muling lumuhod. Ramdam ko ang pang
Hindi pa tuluyang napo-proseso sa aking isip ang tunay na nangyayari ngunit base sa kanyang ginagawa at sa panginginig ng kanyang palad, ako'y nakukutuban na kaya mas lalong akong kinakabahan.
"Emilia Madrigal," pagbanggit niya sa aking buong pangalan. "Sumasang-ayon ka ba na palitan ko ang iyong huling pangalan?"
-------
<3~