-----------------------Abril 8, 1944----------------
Sunod-sunod na kaluskos ang nagpamulat sa akin. Bigla na lamang nagising ang aking diwa dahil sa mahihinang kaluskos malapit sa aking kinahihigaan.
Wala ni isang gasera ang nakasindi ngayon ngunit sa tulong ng liwanag ng buwan na tumatagos sa maliit at bukas na bintana, nakita ko ang isang lalaki na abala sa pintuan.
Sandali... hindi ba't siya iyong lalaking muntikan ng mabaril ng hapones?
"Berting?"
Siya'y napatigil at napalingon sa akin nang nanlalaki ang mga mata. "Emilia?"
Napakunot ang aking noo. "Ano ang iyong ginagawa riyan?" Masama ang aking kutob. Bumangon ako at marahan siyang hinawi upang makita kung ano ang kanyang ginagawa. "Tatakas ka na naman?"
"Mamamatay ako rito, Emilia, mamamatay ako rito!" gigil niyang saad sa akin at muling itinuloy ang kanyang iginagawang pagsira sa nakakandong pinto gamit ang isang maliit na kutsilyo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa niya ito. Ito na rin ang dalawang beses na nakita ko siyang magtatangkang tumakas. Noong nakaraang gabi, muntikan na siyang mahuli ng dalawang hapones na pagala-gala.
Siya'y aking pinigilan bago pa niya muling ituloy ang kanyang binabalak. Mabuti na lang siya'y nakinig sa akin kahit papaano kaya itinigil niya ito subalit ngayon, inuulit na naman niya. Hindi pa ba natuto noong nakaraang gabi?
Mabilis akong bumangon at siya'y pinigilan. "Ikapapahamak mo iyan, Berting, magtigil ka nga. Hindi pa ba sapat iyong nakaraang gabi na muntikan kang mahuli, ha?"
"Hindi ako titigil hangga't hindi ako nakakalabas sa impyernong ito, Emilia. Bakit hindi mo na lang ako tulungan dito?" wika niya habang patuloy pa rin sa kanyang ginagawa. Bagaman hindi siya nakatingin sa akin, makikita namang sobrang nakakunot ang kanyang noo at nagniningning ang kanyang noo dahil sa buo-buong pawis.
Napatingin ako sa labas ng bintana. Masyado nang malalim ang gabi. Anong oras na ba? Muli akong tumingin sa kanya at bigla kong inagaw ang kutsilyo na kanyang hawak-hawak. "Nais mo bang dumanak ang iyong dugo rito, ha?"
"Bakit papatayin mo ako?"
"Mukha ba akong mamamatay-tao sa iyong paningin? Hindi ako ang papaslang sa iyo kundi ang mga hapones na iyon kung hindi mo ito titigilan."
Umiling lamang siya at marahan akong itinulak palayo sa kanya. "Kung hindi mo ako tutulungan, huwag mo na lamang akong pakialaman."
"Tama na iyan."
"Umalis ka. Kung ako mong tumakas, ako nais ko."
"Mapapahamak ka lang."
"Buhay ko ito, Emilia, buhay ko ---." Bigla na lamang siyang humandusay sa papag, unti-unting naliligo sa sariling dugo habang mulat ang mga matang nakatingin sa akin.
Bigla na lamang akong napaupo, napatulala at napaawang ang labi nang tuluyang sumagi sa aking isip ang nangyari. B-Berting. Berting.
Ang kanyang kamay na may hawak na kustilyo ay nasa aking hita samantalang ang kanyang ulo ay nasa aking paanan.
"Berting!"
"Diyos kong mahabagin!"
"Maryosep"
"Sore wa anata ga kokoromi rareta dasshutsu ni ataisuru monodesu. Kare ni nani ga okotta no ka wakarimasu ka? Nigeyou to suru hito wa dare demo koroshimasu! Rikai suru?! (That's what you deserved for attempted escape. See what happened to him? I will kill anyone who will attempt to escape! Understand?!)"
"Berting!"
Bumibigat ang aking paghinga sa bawat segundong lumilipas. Nanlalabo ang aking mga mata habang sinusundan ko ng tingin ang dugong lumalapit sa aking kamay. Nais ko mang gumapang palayo ngunit ang aking katawan ay tila naging bato. Maging ang mga taong mahimbing na natutulog ay nagising.
"Emilia, Emilia!"
Naramdaman ko na lamang ang makapal na damit na nakabalot sa aking katawan at mahigpit na yakap na mas lalong nagpapaluha sa akin.
"Emilia, hali ka," bulong nito sa akin.
Nang ako'y lumingon, nakita ko ang nag-aalalang mukha niya. "S-Severino."
"Ilalayo muna kita rito, doon muna tayo sa pangalawang palapag." Dahan-dahan niya akong hinila patayo ngunit isa na namang putok ang umalingawngaw.
"Aete ugokanaide kudasai, dokutā!(Don't you dare move, Doktor!)"
Napahawak ako sa aking dibdib nang mas bumibigat ang aking paghinga. Para akong naghihingalo, napapahigpit ang aking paghawak kay Severino habang mariin ding pumipikit.
"Emilia, a-anong nangyayari sa iyo? Emilia? Emilia!"
"Lola Emilia!"
****
"Anong oras ho kaya siya magigising, Lo?"
"Maaaring mag-iwan sa kanya ng matinding takot ang pangyayaring iyon, Itay."
"Lo, dumidilat na po siya."
"Emilia? Emilia, mahal?"
Ang mukha ni Severino ang unang bumungad sa akin. Bahagya kong inilayo ang kanyang mukha dahil sobrang lapit. Ako'y naduduling.
"Anong nangyari?" tanong ko. Inilibot ko ang aking mga mata, mga muwebles at dingding ang aking nakikita. Dahan-dahan akong bumangon kahit mabigat pa ang aking ulo.
"Dahan-dahan lamang," bulong sa akin ni Severino kasabay ng kanyang pag-alalay sa akin.
"Kumusta na ho ang inyong pakiramdam, Ginang Emilia?"
"Ayos lang naman a---." Napatigil ako sa pagsasalita nang tuluyan kong iangat ang aking ulo at tumambad sa akin ang isang lalaki na ngayon ko lamang nakita. Sandali kong tiningnan ang dalawang binata sa kanyang tabi - si Sebastian at si Rulfo. Sino ang isang ito? Siya'y may pagkakahawig kay Floriana.
"Magandang umaga po, Ginang," sambit nito sa akin saka ngumiti. Ang kanyang ngiti ay parehong-pareho kay Severino. Sandali... hindi kaya siya ang... "Ako ho si Seviano."
"Anak namin ni Floriana," mahinang sambit sa akin ni Severino kaya ako ay napalingon sa kanya. Tipid na ngiti ang kanyang iginawad sa akin matapos niyang sambitin iyon.
Anak nina Severino at Floriana.
Muli akong napatingin sa kanilang anak, tila nabuhay si Floriana ngunit nasa ibang katauhan lamang. Kuhang-kuha nito ang ganda at amo ng mukha ng kanyang ina, maging ang ganda at tamis ng pagkakangiti. Ang mga mata naman ang nakuha niya sa kanyang ama.
Kumurba ang isang ngiti sa aking labi. Hindi ko inaasahan na makikita ko ang anak ng babaeng nagpahirap sa akin noon. Sa kabila ng lahat na ibinigay at pinaranas sa akin niya sa akin, mas pinili ko pa rin siyang patawarin. King hindi dahil doon, kung hindi dahil sa kanya, hindi ako magiging matatag. Maraming salamat pa rin sa lahat, Floriana.
"Kumusta ka?" tanong ko sa kanya at naupo nang tuwid.
"Ayos lang naman po. Ikaw po ba?"
"Kuhang-kuha mo ang hugis at itsura ng iyong ina."
Bahagya siyang nagulat at napangiti rin. "Oo nga po, e. Sa wakas ay nakita na rin po kita, Ginang Emilia. Lagi ka pong bukambibig ni Itay sa amin lalo na sa tuwing siya'y nagkakasakit."
"Anak," sambit ni Severino na nahihiya na ikinatawa naman ng kanyang anak at ni Sebastian. "Wala na bang masakit iyo, Emilia?" sabay tanong nito sa akin.
Ako ay ngumiti at umiling. "Medyo masakit lamang ang aking ulo ngunit kaya ko naman. Ano nga pala ang nangyari sa akin?"
"Ikaw po ay nawalan ng ulirat," biglang sambit ni Rulfo na kanina pa tahimik na nagbabasa ng libro.
"Nawalan ng ulirat? Bakit ano ba---." Hindi ko na naituloy pa ang aking sinasabi nang maalala ko ang nangyari kay Berting. "N-Nasaan na si Berting?"
"Minabuti namin na iuwi muna sa kanilang tahanan bago ilibing," tugon naman ni Severino.
Napahinga na lamang ako nang malalim. Iyon nga pala ang dahilan kung bakit ako nawalan ng ulirat. Sino ba namang hindi mawawalan ng ulirat sa nangyari? Siya'y pinaslang sa aking harapan, malapit na malapit sa akin. Muli ko ring naalala ang kanyang itsura - nakamulat at nakatingin sa akin. Nakakatakot. Nakakanginig ng kalamnan.
Kaawa-awa naman ang kanyang naiwan na pamilya. Ano na lamang ang kanilnag gagawin ngayong yumao na ang kanilang ama?
"Kumain ka na muna," sambit muli ni Severino at iniabot sa akin ang isang mangkok. "Lugaw para mainitan ang iyong sikmura."
"Salamat."
Tahimik lamang akong kumakain habang silang mag-aama ay nagkukwentuhan. Hindi rin naman sumasali sa kanilang usapan si Rulfo na hanggang ngayon seryoso pa rin ang mukha habang nagbabasa na nakaupo malapit sa akin.
Bahagya kong itinagilid ang aking ulo upang makita ang pamagat ng libro na kanyang binabasa. Hindi ko gaanong makita. Natatakpan ang pamagat ng kanyang palad.
Mas lalo ko pang itinagilid ang aking ulo nang siya'y mapatingin sa akin nang nakakunot ang noo.
Mabilis ko namang inayos ang aking sarili. "A, tinitignan ko lamang kung ano ang iyong binabasa." Ngumiti pa ako nang tipid upang itago ang aking hiya.
Hindi siya sumagot bagkus ipinakita sa akin ang pamagat ng libro. Librong medisina pala ito.
"Balak mo bang kumuha ng kursong medisina?"
"Opo."
Ipinagpatuloy ko na muli ang aking pagkain. Sa aking pagkakaalam, isa ring doktor ang anak ni Severino. Naalala ko na sinabi sa akin noon ng kanyang apo na naroon siya sa simbahan upang gamutin ang mga duguang hapones kasama ang mga kababaihan.
Kababaihan?
"Sandali..." wika ko. Nahinto sa pag-uusap ang tatlo at sabay na lumingon sa akin. Diretso akong tumingin kay Seviano bago muling magsalita. "Iho, kasama mo ang mga kababaihan sa simbahan, hindi ba?"
"Opo. Ginamot ho namin ang mga duguang hapones."
"Nasaan na sila ngayon?"
"Kami po ay pinalaya ng isang hapones na nagngangalang Haiku at pinabalik ho sa aming mga tahanan."
"Pinabalik?" bulong ko. Sila'y pinalaya ng isang hapones? Haiku? "Wala bang nasaktan sa inyo? Wala bang nasaktan sa mga kababaihan? Naroon kase ang aking anak. Ako'y nag-alala baka mayroong nangyari sa kanya."
"Wala naman po, Ginang. Mukhang ang Haiku na iyon ang namumuo. Kasama ho namin siya sa loob ng isang linggo na naroon kami. Huwag na po kayong mag-alala." Muling sumilay ang kanyang ngiti sabay tapik sa aking balikat.
Mabuti naman kung ganoon. Isang linggo na pala ang nakaraan mula nang kami ay gawing bihag. Isang linggo ako nawalan ng balita sa kanya. Nawa'y ligtas siyang makauwi.
Pagsapit ng hapon, namataan ko si Seviano na abala sa pag-aasikaso sa mga pasyente. Bagay na bagay sa kanya ang kanyang puting uniporme. Magiliw siyang nakikipag-usap habang nakaagapay sa kanya ang nurse at si Sebastian.
Mukhang sumusunod sa yapak ni Severino ang kanyang pamilya, a? Nakakatuwa naman silang tignan. Ano kaya sa pakiramdam ang mayroong anak na katulad nila? Ang swerte ni Floriana. Bagaman hindi niya nakitang lumaki ang kanyang anak at mga apo, nakatitiyak akong siya'y natutuwa at ipinagmamalaki niya ang mga ito.
Tahimik lamang akong nagmamasid sa aking paligid nang mapansin ko ang pagkagulat at pag-atras ng aking mga kasama. Mayroong iba sa kanila na tila nanginginig at napatulala habang nanlalaki ang mga mata.
"Kon'nichiwa, hito (Good afternoon, people)," rinig kong wika ng isang hapones. Nang ako'y lumingon sa bandang pintuan, nakita ko ang isang hapones na may kasamang tatlo pang hapones sa kanyang likuran. Ang nasa harapan ay nakangiti sa amin. Ramdam ko ang gaan ng kanyang presensya, malayong-malayo sa isang hapones na namaslang ng aking kasama.
Mayroon siyang ibinulong sa lalaking nakasuot ng bayong sa mukha at ilang sandali ay humarap sa aming lahat.
"Maaari na kayong bumalik sa inyong mga tahanan, ani ng pinakamataas na opisyal ng militar ng hapon."
Pinakamataas na opisyal? Inilibot niya ang kanyang mga mata sa amin hanggang ako ay kanyang matingnan. Ngumiti siya sa akin at bahagyang yumuko saka siya tuluyang umalis.
"Iyon si Haiku, sabi na nga ba siya ang pinuno, e," rinig kong wika ng anak ni Severino.
Haiku. Haiku pala ang kanyang pangalan.
"Ano pa ang ating hinihintay? Umalis na tayo rito bago pa magbago ang kanilang isip!" sambit naman ng isa kaya nag-unahan sila sa paglabas.
Ang mga hapones naman na nagbabantay sa labas ay seryosong nakatingin lamang sa amin, hindi kami pinipigilan o tinututukan ng armas. Marahil iyon ang utos sa kanila ng kanilang pinuno.
"Nais mo bang samahan kita sa inyo?" rinig kong tanong ni Severino kaya napalingon ako sa kanya.
"Hindi na. Kaya ko naman. Mauuna na rin ako, a, tiyak akong hinihintay na ako ng aking anak at mga apo." Nakita ko naman ang kanyang pagsimangot matapos kong sabihin iyon. Tinanong ko siya kung bakit nang walang maririnig na tinig.
Bahagya siyang lumapit sa akin at bumulong. "Paano tayo? Kailan tayo magkakaroon ng sariling anak?"
Nanlaki ang aking mga mata at malakas siyang hinampas sa braso. "A-Anong anak? Diyos ko, kay tanda-tanda na natin, Severino, hindi na tayo magkaka---"
"Kaya ko pang gumawa ng anak. Ikaw ba kaya mo pang manganak?"
Pinanlakihan ko siya ng mata. "Ikaw ang umire, a?" Natawa naman siya sa aking inasal at pasimpleng lumingon sa kanyang anak at mga apo na nakatayo sa kabilang gilid habang nagmamasid sa amin.
Si Seviano ay nakangiti habang magkadikit ang dalawang braso, si Sebastian naman ay nakataas ang gilid ng labi at natatawa habang pataas-baba ang kilay at si Rulfo naman ay walang pagbabago - seryoso pa rin ang mukha habang nakapamulsa at nakasandal sa dingding.
"Ang iyong anak at mga apo, nakatingin sa atin, umayos ka, Severino." Hindi ko na mahabol pa ang aking hininga sa sobrang bilis ng tibok nito.
"Batid naman nila ang tungkol dito, Mahal. Matagal ko ng sinasabi sa kanila kapag muli tayong magkikita, tayo'y gagawa ng sarili nating pamilya." Inamoy niya ang aking leeg at inilapit ang tungki ng kanyang ilong sa akin at dahan-dahang nitong pinasadahan sa aking leeg - minsan patuwid, minsan paikot ang galaw.
"Nakikiliti ako!"
"Kay tagal kong pinangarap ito, Emilia." Tumindig ang aking balahibo sa lalim at pabulong na pagkakasambit niya.
"S-Severino, ano ba? Huwag mo sabihin sa akin na tumataas ang iyong libido?!" gigil kong wika sabay tulak ko sa kanya palayo. Gumalaw lang ang kanyang katawan ngunit hindi naman siya napaatras.
"Bakit ho, Ginang, hindi po ba kayo nakipagtalik?"
Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ko ang tinig ni Sebastian sa aking isipan nang ako'y kanyang tanungin patungkol sa pakikipagtalik. Kalimutan mo iyon, Emilia, kalimutan mo iyon!
Ramdam ko ang paglingon niya sa akin dahil tumama sa aking pisngi ang init ng kanyang hininga. "Hihintayin kita hanggang sa maging handa ka na." Inihipan niya ang aking tainga kaya lumipad nang kaunti ang aking buhok at napatagilid ang aking ulo dahil sa kiliti.
"A-Aalis na ako, bahala ka riyan." Mabilis ko siyang naitulak nang malakas at umalis. Hindi ko na nagawa pang magpaalam sa kanyang anak at mga apo dahil sa labis na kahihiyan. Ang tanda-tanda na niya, hindi ba siya nahihiyang umasal nang ganoon sa harap ng kanyang pamilya? Lalo na't naroon ang anak nila ni Floriana.
"Ihahatid na kita!" sigaw niya at sinabayan ang bilis ng aking paglalakad. "Ayaw mo ba ng anak, Mahal? Hindi mo ba pinangarap kahit minsan na magkaroon tayo ng sariling pamilya?"
****
"Lola!"
"Inay!"
"Lola Emilia!"
Iyan ang bumungad sa akin pagkauwi ko sa aming tahanan. Mabilis akong lumapit sa kanila upang bigyan sila ng mainit at mahigpit na yakap.
"Inay, mabuti naman napakawalan na kayo!"
"Kumusta kayo? Paumanhin kung ngayon lamang ako nakauwi, a?" Pinunasan ko ang aking mga luhabat nangingiting tumingin sa kanila at hinaplos ang kanilang mga buhok.
Mabuti naman ayos lang ang kanilang kalagayan. Akala ko mayroon ng nangyaring masama sa kanila.
"Lola, sino ho siya?" tanong ng isa kong apong lalaki
"Sandali, hindi po ba kayo si Doktor?" tanong naman ng isang babae.
Napakunot ang aking noo at napalingon kay Severino na ngayo'y nakangiti. Kilala nila si Severino?
"Ang laki na ninyo, a? Kumusta na kayo? Nasaan na ang inyong Itay?" sunod-sunod na tanong nito. Walang pasabing siya'y pumasok sa loob at naupo sa isang mahabang upuan na gawa sa kawayan. Ang kanyang magkabilang braso ay nakapatong sa sandalan ng upuan, prenteng nakaupo habang naka-de kwatro pa.
"Nasaan ang inyong Itay?"
"Si Lolo Cinco ho ba? Siya po ay kasalukuyang nagpapahinga. Kagagaling lang ho niya sa sakit, Doktor!"
"Magaling na si Cinco?" Sabay-sabay na tumango ang aking mga apo. Mabilis naman akong pumasok sa kanyang silid. Nakita ko siyang mahimbing na natutulog, natatakpan ng kumot ang kalahati ng kanyang katawan.
Inilapat ko ang aking palad sa kanyang noo. Hindi na nga siya mainit. Noong nakaraang linggo, siya'y inaapoy ng lagnat, masakit ang kasu-kasuan, ang buong katawan.
"Cinco? Cinco?" mahinang bulong ko. Saglit ko siyang tiningnan sa mukha. Kulubot na ang balat, puti na rin ang buhok, pumayat kaunti dahil matagal din bago tuluyang gumaling ngunit gwapo pa rin.
"Hmmm"
"Cinco, si Emilia ito."
Kumunot ang kanyang noo at dahan-dahang minulat ang kanyang mga mata. "Emilia?"
"Ako nga ito." Ngumiti ako at inalalayan siyang umupo nang siya'y gumalaw.
"Kumusta ka na? Ibinalita sa amin ni Gregina ang nangyari sa inyo? Kumusta ka na? Sinaktan ka ba nila?" Sa tagal ng taon na nanatili siya rito, natutunan niya rin kung paano magsalita ng purong tagalog. Minsan ginagamit niya pa rin ang wikang kastila kapag nais niya. Tiningnan niya ang aking magkabilang braso at mukha na tila may sinusuri.
"Ayos lang ako. Hindi nila ako sinaktan."
"Bueno oír eso. Pensé que te lastimaron. Pensé que los perdería a los dos. Me alegro de que estés a salvo, Emilia. (Good to hear that. I thought they hurt you. I thought I'd lose the both of you. I'm glad you're safe, Emilia.)" Sa limang taon kong nakasama siya at ang kanyang naiwang pamilya, natutunan kong umintindi ng wikang kastila, bagay na itinuro niya sa akin noon.
Oo, limang taon. Limang taon na kaming nagsasama ni Cinco at ng kanyang naiwang pamilya sa iisang bubong. Limang taon na akong tumatayong ina ng kanyang anak at mga apo. Limang taon na rin mula nang maging katuwang namin ang isa't isa.
"Mayroong naghahanap sa iyo?" sabay ngiti ko.
"Quién? (Who?)"
"Tignan mo lamang." Nais ko naman siyang sorpresahin. Batid kong hindi naging maganda ang aming pagkakakilala noong unang pagtatagpo namin.
Sandali pa niya akong tinitigan bago tuluyang tumayo. Siya'y aking inalalayan kahit dahan-dahan lamang ang kanyang mga hakbang patungo sa salas.
"Naiinggit ako, a."
"S-Severino?" Bakas sa tinig ni Cinco ang pagkagulat. Saglit pa siyang napatigil sa paglalakas habang nanlalaki ang mga matang nakatingin kay Severino. Sumulyap siya sa akin nang nakakunot ang noo. "Siya ba?"
Marahan akong tumango at inalalayan siyang maupo sa kabilang upuan na katapat lamang ng kay Severino.
"Kailan ka bumalik? Bakit ngayon ka lamang nakauwi?" tanong ni Cinco.
Inutusan ko naman si Uno - ang panganay na lalaking anak ni Gregina -- na maghanda ng makakain para sa kanilang dalawa.
"Paumanhin kung matagal akong nakabalik dito mula sa Maynila. Batid mo namang mayroon pa akong ibang bahay-pagamutan sa Maynila at sa bayan ng Las Fuentas, hindi ba? Bihira lang ako mauwi rito sa Bataan."
"Ganoon ba? Todavía me alegro de que me hicieras una visita. ¿Cuánto tiempo llevas aquí desde que regresaste? (Ganoon ba? I'm still glad that you paid me a visit. How long have you been here already since you came back?"
"One week. Kakarating ko lamang noong dalawampu't apat ng Marso (March 24) at bumungad sa akin agad ang mga hapones, ginawa kaming bihag sa sarili naming tahanan." Natawa pa nang kaunti si Severino at napatingin sa aking gawi. Siya'y sumenyas na tumabi sa ako sa kanya. Nakaupo kase ako sa tabi ni Cinco.
Ako naman ay napatigil. Kararating niya lamang dito noong kami ay nabihag ng mga hapones? Kaya pala hindi ko siya rito nakikita kahit limang taon na akong naninirahan dito sa Morong kase bihira lamang siya magtungo rito. Bakit hindi niya nabanggit sa akin iyon?
"Entonces, ¿cuál es tu plan ahora? (So, what's your plan now?)"
Saktong dumating si Uno na mayroong dalang pagkain para sa kanila. Ang iba kong mga apo ay nagtungo sa kanilang mga silid.
Palipat-lipat ang aking tingin sa kanilang dalawa. Pareho silang napapatingin sa akin habang sila ay nag-uusap. Ang dami ko pang nais itanong kay Severino kung saan siya nagtungo nitong mga nakaraang taon o kung ano man ang kanyang ginawa. Mayroon din pala siyang bahay-pagamutan sa Maynila at Las Fuentas?
"Voy a pasar los años que me quedan con ella. ¿Podría vivir conmigo? (I'm going to spend my remaining years with her. Could she live with me?)" sambit niya at sumubo ng kamoteng kahoy.
"A-Ano?" gulat kong tanong kay Severino. Maging siya ay nagulat din.
"Nakakaintindi ka?"
"Le enseñé hace unos años, Severino, (I taught her few years ago, Severino)," natatawang saad naman ni Cinco at napaubo kaya mabilis kong hinagod ang kanyang likod at inabutan siya ng basong tubig.
"Ako dapat ang iyong inaalagaan, hindi ang aking kaibigan." Magkasalubong ang kanyang kilay at napanguso.
Tumawa naman ng malakas si Cinco kahit patuloy pa ring umuubo na mas lalo nitong ikinasimangot. "No tengas celos, Severino, no te conviene. Te ves asqueroso (Don't be jealous, Severino, it doesn't suit you. You look disgusting.)"
"Pasalamat ka, Cinco, kaibigan kita. Pinahiram ko lamang sa iyo si Emilia. Kukunin ko rin siya sa iyo, hmp."
"Como si estuviera de acuerdo (As if I'd agree.)"
Ngayon ko lamang silang nakitang ganito - nakasimangot at nakahalukipkip si Severino habang si Cinco naman ay tumatawa.
Sumagi muli sa aking isipan ang sinambit sa akin noon ni Severino. Marami raw nangyari mula nang ako'y umalis sa Las Fuentas matapos ang pag-iisang dibdib nila ni Floriana.
Marahil ang kanilang pagkakaibigan ang isa sa mga iyon. Napangiti na lamang ako at napailing. Malakas magbiro at manukso si Severino ngunit ngayong siya ang binibiro, siya'y napipikon. Si Cinco lamang pala ang makakapagpatiklop sa kanya.
"O siya, ako'y aalis na," wika ni Severino at tumayo. "Hinatid ko lamang si Emilia rito ngunit ako'y babalik din bukas. Ako ay dadalaw. Matagal na panahon din mula nang tayo'y huling nagkita, Cinco. Marami kang ikukwento sa akin."
"Oo alam ko. Marami ka ring ikukwento sa akin. Matagal akong nawalan ng balita sa iyo." Sila ay nagyakapan at nagpaalam sa isa't isa.
Sandaling nangingibabaw ang katahimikan nang tuluyang makaalis si Severino. Abala ako sa paglilinis ng kanilang pinagkainan nang marinig kong nagsalita si Cinco.
"Maaari ka ng tumira sa kanya, Emilia, kaya naman namin kahit wala ka rito."
Napatigil ako at humarap sa kanya. "Ano ba ang iyong sinasabi?"
Siya'y ngumiti at marahang umupo. "Marami ka ng nagawa para sa akin, para sa amin. Panahon na upang sarili mo naman ang iyong pagtuunan ng pansin. Batid ko ang nangyari sa inyo ni Severino. Hindi ko ipagkakait sa iyo na manirahan ka sa kanya. Malay mo magkaroon pa kayo ng sarili niyong pamilya."
"Alam mo, Cinco? Magpahinga ka na lamang doon. Hali na -- a, saglit lamang, ilalagay ko muna ito sa kusina." Nilagay ko sa kusina ang kanilang pinagkainan bago ko siya alalayan pabalik sa kanyang silid.
"Kung naririto lamang si Georgina, tiyak akong matutuwa siya dahil muli kayong nagkita ni Severino."
"Pag-iisipan ko ang iyong alok sa akin ngunit sa ngayon, sa ayaw at sa gusto mo, makakasama mo ako," natatawang tugon ko. Nang tuluyan na siyang makahiga, inayos ko ang kanyang kumot at mga unan sa paligid. Gustong-gusto niyang matulog ng maraming unan sa paligid, bagay na namana sa kanya ni Uno at Dos. "Magpahinga ka na. Magpalakas ka."
"Si, Señora y Fontelo."
Napatitig ako sa kanya sandali matapos niyang sabihin iyon. Tama nga ang sinabi sa akin noon ni Georgina, ibang tao nga siya. Akala ko noon masama siyang tao dahil nagawa niyang saktan ang aking kaibigan ngunit ngayon, ibang-iba na siya. Hindi mo nga naman masasabing masama ang isang tao sa isang tingin o sitwasyon lamang. Masuwerte ako dahil sa aking pagtanda, siya ang aking naging katuwang.
---------------------Abril 12, 1944-----------------
"Mayroon pa bang lambanog diyan?"
Napakunot ang aking noo sa tanong ni Severino. Siya'y namumula na at pumupungay na rin ang mga mata -- halatang siya'y lasing na.
"Isang lambanog pa!" dagdag niya sabay tawa at inom.
"Kung hindi na kaya, tama na," paalala ko ng muli na naman siyang uminom ng isa pang baso.
"Mahal, ayosh lang ka..mi. Huwag mo *hik* kaming in...tindihin." Anong huwag intindihin? Lasing ka na nga, e.
"Lola, nakahanda na ho ang palagganang maliit at malinis na bimpo," wika ni Uno nang siya'y sumilip sa pintuan ng silid ni Cinco. Siya'y aking inutusan na maghanda ng palanggang tubig at malinis na bimpo upang aking ipangpunas kay Severino matapos nilang uminom.
Nagpasalamat ako at nagtungo sa kanilang silid upang ihanda ang kanilang isusuot. Kanina silang tanghali nagsimula, anong oras na ngayon? Ala-sais na ng gabi. Anim na oras na silang umiinom ngunit si Severino lamang ang lasing.
"Ano? Kaya mo pa ba, Shingko?"
"Kaya ko pa. Ikaw hindi na." Siya lang ang hindi lasing subalit dahil siya'y maputi, kitang-kita ang kanyang pamumula nang may kasama pang pagkunot ng noo.
Naalala kong muli ang sinabi sa akin kanina ni Cinco patungkol sa lambanog bago pa lamang dumalaw si Severino.
"Emilia," pagtawag sa akin ni Cinco pagkapasok niya rito sa aking silid. Hindi ako sumagot bagkus tumigil ako saglit sa pagtutupi ng mga damit at saglit na tumingin sa kanya. "Sinabi ni Severino, kami raw ay iinom ng lambanog."
Napatigil ako sa aking ginagawa at nagsalubong ang aking dalawang kilay. "Kagagaling mo lamang sa sakit, a? Saka tanghali pa lamang para uminom." Awtomatikong dumako ang aking mga mata sa isang maliit na orasan sa salas na matatanaw lamang dito mula sa aking silid. Mag-alas dose pa lamang ng tanghali.
Nagkibit-balikat siya. "Sabi niya."
"Anong sabi niya? Anong sabi mo?"
"Pumayag ako."
"Ano?" Bahagya pang tumaas ang aking tinig sa kanyang tinuran. "Batid mo namang kagagaling mo lamang sa sakit, iinom ka? Ano ang inyong iinumin?"
"Lambanog daw."
"Lambanog pa ang nais?" Sa aking pagkakaalam, matapang iyon.
"Nagpapaalam ako sa iyo dahil batid kong maaari kang hindi pumayag." Nakatayo lamang siya sa pintuan habang nakahalukipkip (magkakrus ang mga braso). Pinagpatuloy ko na muli ang aking pagtutupi. Hindi na ako nagsalita pa. "Ano papayag ka ba?"
"Sandali, wala pa naman siya rito, hindi ba? Nandiyan na ba siya?" sabay silip ko sa labas ng bintana.
"Sinabi niya sa akin iyon noong nakaraang araw nang siya'y dumalaw rito. Nagpapaalam na ako sa iyo ngayon para batid mo na." Wala namang problema sa aking kung sila'y iinom ngunit sa akin lang, tanghali pa lamang. Anong oras ba siya dadating?
"Basta kaunti lamang, a? Kakagaling mo lamang sa sakit, Cinco."
"Copia, señora (Copy, madam.)"
Seryoso ang aking mukha habang nakatingin sa kanilang dalawa. Sunod-sunod na ang paglagok ni Severino ng alak, si Cinco naman ay napapapikit na. Napadako ang aking mata sa ibaba, nakahilera roon ang dalawang malalaking lambanog na kanilang naubos.
"Panglimang bote na iyan. Tama na," wika ko. Nais kong hablutin kay Severino ang baso ngunit ayaw ko naman maging bastos. Diretso lamang ang kanyang pag-inom sabay kwento na naman ng kung ano-ano.
"Lola, lasing na po si Doktor Severino, a?" rinig kong wika ni Uno sa aking tabi. Siya'y nagmamasid lamang sa kanilang dalawa.
"Lasing na lasing kamo."
"Halika ka rito, Dosh, inom ka," pang-aalok sa kanya ni Severino at itinaas pa ang basong alak habang ang kabilang kamay ay sumesenyas na lumapit sa kanya.
"Hindi si Dos iyan. Si Uno iyan," sambit naman ni Cinco sabay inom. Pinanlakihan ko siya ng mata nang akmang magsasalin na naman siya ng alak sa kanyang baso. Ngumiti lamang siya at hindi itinuloy ang kanyang binabalak. "Magpahinga na tayo, Severino." Mabuti naman at iyong naintindihan, Cinco? Hays! Sinabing huwag dadamihan ang pag-inom, e!
"Ubushin natin *hik* ito. Hindi pa ubos! Hali ka rito, Uno, shabayan mo kami rito! Nasaan si Dos? Painumin natin ang batang iyon!"
Napapaikot ko na lang ang aking mata sa kanyang kakulitan at kaingayan. Sambit niya sa akin kanina kaunti lamang ang kanyang iinumin. Nangako pa siya, a, ngunit ngayon halos siya ang umubos ng tatlong bote ng lambanog. Diyos ko.
Natawa naman si Uno. "Hindi na po. Ayos lamang po ako."
"Tama na iyan, Severino, lasing ka na." Marahan kong kinuha sa kanya ang baso at inilayo. "Tama na. Lasing ka na, o." Siya'y nagpakasasa sa alak gayong humihina na ang kanyang katawan dahil sa katandaan.
Inutusan ko si Uno na ligpitin na ang kalat para makapagpahinga na sila ngunit ayaw naman magpaawat ni Severino.
"*Hik* Mahal, dito ako matu...tulog. Tabi *hik* tayo, a? Iinom pa kami." Ngumiti pa siya nang malapad kahit bumabagsak na ang kanyang mga mata. "Ay! Aking naalala, bukas tayo'y mag-iinuman muli, Shingko at mayroong han...daan *hik* bukas. Kaarawan ng aking *hik* anak. Kayo'y dadalo."
"Kaarawan bukas ni Seviano?" tanong ko na ikinatango niya.
"Oo, Mahal *hik* Iinom ka rin, Mahal tapos tayo'y magtatabi matulog," sabay hagikhik niya habang pumipikit na ang mga mata. Muntikan pa siyang mahulog sa upuan dahil sa kalikutan.
"Hindi ako tatabi sa iyo kung iinom ka pa."
"Masarap na ang inuman namin, e.
"E, hindi ako tatabi sa iyo."
Siya'y napasimangot. "Paano *hik* ako? Paano tayo matutulog ng tabi? *hik*"
"Oo na tatabi na ako sa iyo. Huwag ka ng uminom." Iyon na lamang ang aking itinugon para tumigil na siya. Hindi siya titigil hangga't hindi ako sasang-ayon.
"Lola, tapos na po," wika ni Uno nang makalabas siya mula sa kusina.
"Alalayan mo muna ang iyong lolo patungo sa kanyang silid." Ako'y Napapangiwi sa bigat ni Severino. Kahit siya'y nakaupo lamang, ramdam ko ang kanyang bigat dahil sa kanyang malikot na galaw. Sinusubukan niyang tumayo ngunit pinipigilan ko lamang. Ang kulit. Sabing hindi dadamihan ang pag-inom, e.
"Lola, ako na po." Kinuha niya mula sa akin si Severino matapos niyang ihatid sa silid ang kanyang lolo. "Mas mabigat siya kaysa kay lolo nang kaunti. Haha." Ako ang nahihirapan sa kanilang dalawa. Pagewang-gewang sila habang patungo sa silid.
Ngayon, kapwa na silang nakahiga at nakapikit - si Severino ay napapatagilid pa ang ulo kaliwa't kanan habang si Cinco naman ay bahagyang tumagilid ang katawan.
Nagpasalamat naman ako sa aking apo nang siya'y nagpaalam na. Sinimulan kong punasan si Cinco ng malamig-lamig na tubig sa mukha kaya napamulat siya nang kaunti. Pumupungay na rin ang kanyang mga mata.
"Emilia," bulong niya. Hindi ako sumagot. Pinagpatuloy ko lamang ang pagpunas sa kanya nang muli siyang pimikit at pinalitan siya ng malinis na damit. Bumibigat na ang kanyaang paghinga, senyales na siya'y nakakatulog na.
"Georgina," muling bulong niya. "Amor (Love)"
Saglit akong napatigil at napatitig sa kanyang mukha. Mayroong butil ng luha ang kumawala sa kanyang kaliwang mata na sinundan pa ng isang pagpatak.
"Te extraño, mi amore. ¿Espérame, de acuerdo? (I miss you, mi amore. Wait for me, okay?)"
Hinaplos ko ang kanyang buhok matapos niyang sabihin iyon. Naging sunod-sunod na ang pagpatak ng kanyang mga luha. Marahan ko itong pinunasan gamit ang aking palad.
Ilang taon na ang nakararaan, ilang taon na rin siyang naghihintay. Ramdam ko ang sakit na kanyang nararamdaman. Ngayon ko na lamang muli siyang nakitang lumuha pagdating kay Georgina. Sa aming dalawa, siya ang mas mahirap ang pinagdaanan. Hanggang ngayon, mahal na mahal pa rin niya ang aking kaibigan. Hindi nga nagkamali sa iyo si Georgina, Cinco.
Pinunasan ko ang tumulong luha sa aking pisngi. Ako ang mas nasasaktan sa kanyang kalagayan ngayon. Hindi man niya ipakita sa aming lahat ngunit batid kong madalas siyang tumitingin sa labas ng bintana dito sa loob ng kanyang silid habang hawak ang litrato ni Georgina at lumuluha.
Ito ang dahilan kung bakit ayaw ko rin siyang iwan kahit sabihin niya sa akin na maaari akong sumama kay Severino. Sino na lamang ang mag-aalaga sa kanya sa tuwing siya'y may sakit o lasing? Wala ng gagawa niyon bukod sa akin. Nasanay na rin akong alagaan siya. Nasanay na akong lagi siyang nakikita. Sa totoo lamang, hindi napapanatag ang aking kalooban kapag nawala siya sa aking paningin.
Sa loob ng limang taon naming pagsasama, ako na ang gumagawa ng responsibilidad para sa kanya. Nawa'y masaya ngayon si Georgina sa aking pag-aalaga sa kanyang pamilya.
Georgina, kung nasaan ka man, batid kong alam mo ang kanyang nararamdaman. Magpakita ka sa kanyang panaginip, a? Matagal ka na niyang hinihintay.
"Te amo georgina (I love you, Georgina)," muling bulong niya kasabay ng pagpisil sa aking kamay nang ako'y kanyang hawakan.
-----------
<3~