Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 29 - Kabanata 27 ✓

Chapter 29 - Kabanata 27 ✓

Music: Hiling by Jay-R Siaboc

Severino

Agosto 25, 1895

"Labindalawang anak, ayos lang ba?"

"Hindi ba maaaring sampung anak na lamang? Ako ang mahihirapan niyan, Mahal!"

"Nais ko rito sa simbahang ito tayo mag-isang dibdib, Floriana."

"Ako ay magiging isang magaling na manggagamot at ikaw naman ang aking butihing maybahay."

"Pangako tayo ay magiging masayang pamilya pagdating ng araw, Mahal."

"Batid kong matutupad natin ang lahat ng ating mga pangarap at pangako, Severino."

"Patawad, Floriana," sambit ko matapos sumagi sa aking isipan ang aming binuong pangako.

"Patawad? Ayan na lamang ba ang kaya mong sabihin sa akin ngayon, Severino?"

Hindi ko siya magawang tignan ngayon dahil ako ang labis na nasasaktan sa kanya. Naalala ko rin ang aking ginawang pagkakamali. Matapos ng mahigit isang buwan naming paghihiwalay, ngayon na lamang muli kami nagkausap.

"Pumasok ka na sa loob, masyado nang malalim ang gabi, Floriana, ikaw ay magkakasakit." Narito kami ngayon sa harap ng kanilang hacienda, siya ay aking hinatid matapos ng mainit na tagpo sa bahay-aliwan kanina.

Nais ko sanang yakapin nang mahigpit si Emilia at ilayo sa lahat ng mga tao na nais siyang patawan ng kamatayan bilang parusa ngunit ako'y pinigilan ni Angelito. Kaya naman daw niyang ipagtanggol ang kanyang sarili mula sa mag-inang De Montregorio.

Doon ko lamang din narinig ang lahat. Ang lahat ng katotohanan. Noong una ako ay hindi naniniwala dahil batid ko na hindi niya iyon magagawa ngunit nang aking marinig lahat, tunay nga pala.

Naalala ko ang sinabi sa akin ni Magdalena, limang araw na ang nakararaan, ito raw ay pakana ni Floriana upang maghiganti kay Emilia dahil siya raw ang may sala ng lahat sa tulong na rin ng kanyang ina para maging matagumpay ito.

Noong una ako ay hindi naniniwala dahil batid ko na hindi niya iyon magagawa ngunit nang aking marinig lahat, tunay nga pala.

Nais kong magalit sa kanya dahil ipinahamak niya si Emilia. Nang dahil sa kanya, madilim ang sinapit niya roon sa bahay-aliwan, bagay na nagpabago sa kanyang buhay at nagpadumi sa kanyang imahen.  Ngunit aking napag-isip at napagtanto, hindi naman niya iyon magagawa kung hindi dahil sa akin. Ang lahat ng kaganapan na ito ay sa akin lamang nararapat isisi.

Ako'y hinawakan ni Floriana sa aking pisngi dahilan upang ako'y mapatingin nang diretso sa kanyang mga mata. "Mahal, baka maaari pa tayong m-magsimulang muli. Tayo'y magsimulang muli, Mahal. Tayo'y bumalik sa simula." Ngumiti pa siya sa akin habang nanginginig ang kanyang mga labi at patuloy na tumutulo ang kanyang luha.

Bakit? Bakit nawala ang aking pagmamahal sa babaeng ito? Bakit ko siya labis na nasasaktan ngayon?  Aking inaamin, mula nang marinig ko ang lahat mula sa kanyang labi, mas nawalan ako ng dahilan upang hindi na siya muling ibigin pa kung sakali man. Para sa akin, sapat na iyong ilang taon naming pagsasama.

"Mahal, ako'y nagsusumamo. Huwag nating hayaan na masira ng maliit na bagay ang ating pagsasama. Tayo'y magsimulang muli. Malalagpasan natin ito, Severino mahal ko." Hinawakan niya ang aking kamay at ito'y hinagkan.

Hindi ko na siya kayang tignan pa kaya mas pinili ko na lamang na  siya'y yakapin nang mahigpit. Nais kong madama niya kung gaano ako nasasaktan at kasaya na siya'y naging parte ng aking buhay kahit lahat ng ito ay aking kasalanan at nagawa niyang ipahamak si Emilia. "Patawad, Floriana, maraming salamat." Kung kaya ko lamang ibalik ang aking pag-ibig, marahil, wala pang isang segundo, muli ko na itong maramdaman.

Hindi ko alam ngunit nang aking pakiramdaman ang aking sarili ngayon, tila nawala na ngang tunay ang aking nararamdaman para sa kanya.

"H-Hindi maaari, Ma...hal. Ako'y nagsusumamo sa iyo, ibalik natin ang lahat, Se...verino." Humigpit ang kanyang pagkakayakap sa akin kasabay ng kanyang walang tigil na paghagulhol.

Hindi ko maatim na makita kang nasasaktan nang dahil sa akin, Floriana. Hindi pa rin mababago ang katotohanan na ikaw ang  kauna-unahang babae na aking inibig.

"Tahan na. Tahan na, F-Floriana."

Siya'y humiwalay sa pagkakayakap, mabilis na pinunasan ang kanyang mga luha at tumingin sa akin. "Kapag ba aking itinama ang aking mga maling nagawa kay Emilia, babalik ang iyong pag-ibig para sa akin? Handa kong itama ang lahat ng iyon para sa iyo, Mahal."

Marahan akong umiling. "Kung gagawin mo man iyon nais ko bukal sa iyong kalooban hindi lamang dahil sa akin." Ang pagtama sa mga kamalian ay hindi sapilitan. Hindi iyon nararapat para kay Emilia.

"Bukal naman iyon sa aking kalooban, e, sabihin mo lamang sa akin. Ako rin ay handang lumuhod sa kanyang harapan ngayon din. Mapatawad mo lamang ako. Bumalik ka lamang sa akin."

"Mas mainam pa siguro kung tayo ay maging magkaibigan na lamang."

"Hindi maaari! Akin ka lamang, Severino! Naririnig mo ba ako? Naiintindihan mo ba ako, ha? Akin ka lamang, Mahal."

"Hindi mo ako naiintindihan ang iyong sinasabi, Floriana. Hindi mo ako pagmamay-ari."

"Akin ka lamang, Severino. Pangako natin iyan sa isa't isa, hindi ba? Ako'y naniwala sa iyo. Naniwala ako sa iyong mga pangako."

"Patawad, Floriana, ngunit tama na," mahinang sambit ko subalit sapat na para sa kanya na marinig. Kung babalik man ang aking nararamdaman para sa kanya, nais kong kusa ko iyong maramdaman.

"Se...verino naman, e!"

Siya'y nahawakan ko nang mahigpit sa kanyang magkabilang braso bago pa siya tuluyang mawalan ng balanse dahil sa malakas na pagsigaw.

Nang siya'y mapaharap sa akin, ilang beses niyang tinatamaan ang aking dibdib habang paulit-ulit na pagwawala hanggang kami ay mapaupo.

"Floriana, tahan na." Kahit na patuloy pa rin niya akong sinasaktan, siya ay muli kong niyakap at marahan kong hinaplos ang kanyang buhok upang siya'y mapatahan. Ito na lang ang aking nalalaman na tanging paraan para kahit papaano, maibsan lamang ang sakit na aking idinulot sa kanya. Tumingala ako. Kusang tumulo ang aking luha. Batid kong isa ito sa aking parusa. Ito ang nararapat para sa akin.

"Saktan mo pa ako, Floriana, saktan mo lamang ako. Hayaan mong akuin ko ang lahat ng sakit. Saktan mo pa ako."

Hindi na ako nag-abala pang punasan ang aking luha. Habang tumatagal, mas lalong lumalim ang sakit. Hayaan mong akuin ko ang sakit na iyong nararamdaman, Floriana, patawad kung hindi ko na matutupad ang ating mga pangarap. Patawad.

Nagtagal ng ilang minuto na ganoon ang aming sitwasyon. Naramdaman ko na lamang na humihina ang pagtama niya sa aking dibdib. Nang siya'y aking tignan, nakapikit ang kanyang namamagang mata.

"Ba-Bakit? Ano bang n-nakita mo sa kanya, Severino?"

"Hindi ko alam." Iyan ang tunay. Tulad nga ng aking nasabi noon, kung batid ko lamang ang dahilan, matagal ko ng nasagot ang tanong na ito.

"Siya'y tunay na masuwerte, ano?" Inangat niya ang kanyang ulo kaya ako ay napatingin sa kanya. Nakatingin na rin siya sa akin. "Ilang ginoo na ang nakagalaw sa kanya subalit hindi man lang nawala ang iyong pagmamahal. Nasa kanya marahil ang swerte, Mahal."

Mahal.

Kung tulad pa rin kami noon, marahil, abot hanggang tainga na ang aking ngiti sa tuwing binabanggit niya ito ngunit ngayon, iba na. Wala na nga talaga akong nararamdaman sa salitang iyan.

"Hindi ko inaasahan na darating ang panahon na ito." Nagsimula na naman sa pagtulo ang kanyang luha. "Hindi ko inaasahan na mawawala ang iyong pag-ibig sa akin. Marahil, kahit anong pagsusumamo ang aking gawin, wala ng magbabago. Ito na siguro ang aking parusa - ang tuluyan ka ng m-mawala sa a-akin."

"Nagustuhan mo ba ang aking sorpresa, Mahal?"

"Oo naman, Mahal, paano ko ba naman ito hindi magugustuhan? Napakahanda rito sa hardin na ito! Lagi mo akong napapasaya, Mahal, maraming salamat!"

"Ikaw lang talaga ang babae na aking nakikita sa hinaharap, Floriana."

"Walang magbabago, Severino, a?"

"Oo naman, tayo hanggang sa huli."

"Mahal na mahal kita, Severino."

"Ikaw lang naman ang aking pinapangarap at inaasam."

"Kahit na anong mangyari, tutuparin natin ang lahat. Walang sinuman ang makakahadlang sa ating pag-iibigan."

Bakit ganoon? Nakita ko naman ang aking sarili na siya ang aking makakasama sa hinaharap ngunit lahat ng iyon ay biglang naglaho mula nang ako'y mahulog sa iba nang hindi ko inaasahan.

Maging sa huli, mapapako rin pala ang lahat ng aking ipinangako sa kanya. Mawawalan ng saysay ang lahat ng pangarap. Tunay nga ang sabi ng karamihan. Ngayon ko lamang napagtanto nang lubusan nang muling bumalik sa aking isipan ang aming masayang nakaraan.

"Halos perpekto na ang ating pag-iibigan kung ka lamang  nahulog sa iba," wika niya.

Nanatili akong tahimik habang inalalayan siyang tumayo nang aking maramdaman ang kanyang paggalaw. Siya'y tumayo nang tuwid, pinunasan ang kanyang luha at inayos ang kanyang sarili.

"Patawad kung ikaw ay aking nasaktan. Patawad kung iyon ay aking nagawa kay Emilia. Hindi mo ako masisisi gayong iniibig lamang kita ng sobra ngunit hindi ko maipapangako na susukuan kita," dagdag pa niya. Siya'y naglakad palapit sa akin at idinikit ang kanyang labi sa akin. Siya'y nakapikit samantalang ako'y nanatiling mulat. Naramdaman ko na naman ang pagtulo ng kanyang luha na akin pang nalasahan. "Mahal na mahal kita, Severino."

Sinundan ko siya ng tingin nang siya'y humiwalay. Ang kanyang halik noon, tulad pa rin noon. Ikaw lang naman ang nagbago, Severino.

"May nais ka bang sabihin sa akin bago ako pumasok sa loob?" Ngumiti pa siya sa akin tulad ng kanyang pagkakangiti sa akin lagi. Hindi na kataka-taka kung bakit ikaw ang pinakamarikit dito sa ating bayan, Floriana, napakaganda mong tunay.

Sinikap kong ngumiti tulad ng kanyang ginawa at pinisil ang kanyang kamay. "Maraming salamat sa apat na taon. Patawad."

****

Ano pa bang mas sasakit kung ihahatid mo ang iyong iniibig sa labas ng inyong hacienda dahil siya'y lilisan na?

Lilisan ka na nga bang tunay? Iiwan mo na ako? Maaari mo bang sabihin na ako'y nananaginip lamang at sa pagmulat ng aking mga mata, ikaw pa rin ang aking nakikita?

Sinikap kong ngumiti sa kanya nang matamis bago siya umalis. Nais ko na aking magandang ngiti ang kanyang baunin sa kanyang paglisan.

Humakbang ako palapit sa kanya ay siya'y niyakap. Doon ko lamang nailabas ang luhang kanina ko pa pinipigilan habang kami ay nakasakay ng kabayo't sinusulit ang ilang oras bago siya tuluyang mawala sa akin.

"Mahal na mahal kita, Binibining Emilia. Paalam."

Ngayo'y naiintindihan ko na. Naiintindihan ko na kung bakit mas pipiliin mong lumayo sa akin para lamang maproktektahan ako at ang aking pamilya mula sa kahihiyan, para lamang hindi na mabahiran pa ng dumi ang aming pangalan.

Hindi naman mahalaga sa akin iyon, Emilia, e. Ikaw. Ikaw ang mahalaga sa akin. Maaari bang dito ka na lamang? Maaari bang huwag ka ng lumisan pa?

"Mahal na mahal din kita, Severino, patawad at paalam."

Hanggang dito na lang talaga. Hanggang dito na lang ang lahat.

Nais ko siyang habulin. Nais ko siyang yakapin ngunit batid kong hindi ko na mababago pa ang kanyang isipan kahit ilang beses na akong nagsusumamo sa kanya.

Napaupo ako sa sahig at umiyak nang husto, hindi alintana ang mga guardia sibil na nakatingin sa akin. Para saan pa ang paglaban ko para sa kanya kung sa huli ako ay kanyang iiwan?

Magkikita pa kaya tayo, Mahal?

Kailan mangyayari iyon?

Saan ka tutungo?

Gaano ka katagal mawawala? Babalik ka pa kaya rito?

Babalik ka pa kaya sa akin?

May tamang panahon pa kaya para sa ating dalawa?

Ako ay napatingala. Kitang-kita ang libu-libong butuin sa maaliwalas at tahimik na kalangitan. Ang daming katanungan na namumuo sa aking isipan.

Kung mayroon man akong hihilingin ngayon, sana dumating ang araw na ikaw ay aking makasama nang wala ng humahadlang sa ating dalawa.

Kahit ilang taon pa ang magdaan, aking hihintayin na matupad ang hiling ko na iyon.

Mahal ma mahal kita, Emilia.

Setyembre  27, 1895

Isang buwan na ang nakalilipas ngunit tila kahapon lamang nangyari ang iyong paglisan. Kumusta ka na, Emilia?

"Anak," rinig kong pagtawag sa akin ni Ama. Hindi ko man lang naramdaman na siya'y pumasok dito sa aking silid. Ako ay ngumiti sa kanya nang ako'y lumingon.

"Kumusta ang iyong pakiramdam?" Siya ay tumabi sa akin at inabot sa akin ang isang baso ng alak. Bahagya akong napangiti, tamang-tama ito para sa malamig na hapon. 

"Ayos lang naman po ang aking pakiramdam. Wala naman ho akong karamdaman." Wala namang masakit sa akin ngayon maliban sa aking puso.

"Batid kong nasabi ko na ito sa iyo noong nakaraang buwan pa ngunit nais ko muling humingi ng tawad."

"Wala na iyon sa akin, Ama, nauunawaan ko naman kung bakit mo iyon nasabi't nagawa."

Noong matapos ang gabing lumisan si Emilia, ilang araw akong hindi lumabas sa aking silid. Lumalabas lamang ako para maligo. Hindi rin nila ako nakakausap.

Marahil, naramdaman nila na nais ko munang mapag-isa. Nais kong ipahinga ang aking isipan sa pag-iisip ng kung ano-anong bagay.

"Paumanhin kung ikaw ay aking diniktahan at pinangunahan. Hindi ko man lang inisip ang hirap ng iyong kalagayan. Hindi ako naging ama sa iyo noong mga araw na iyon."

Tinapik ko ang balikat ni Ama at itinaas ang baso. Nakuha naman niya ang aking ibig sabihin kaya idinikit niya ang kanyang baso sa akin na naglikha ng matinis na tunog at sabay uminom.

"Inaamin ko po noong mga panahon na iyon, tanging pag-iintindi lamang ang aking nais mula sa inyo dahi baka sakaling nararamdaman niyo rin ang akong nararamdaman dahil pareho lamang tayong lalaki, Ama."

"Sa iyong palagay, nasaan siya ngayon, anak?"

Ako'y napangiti at napatingin sa kalangitan. Hindi ko alam ngunit batid kong naroon siya malayo rito, malayo sa akin. "Marahil nasa ibang mundo, Ama?"

Sabay kaming natawa sa aking tinuran at sabay natahimik habang umiinom ng alak.

Kung nasaan ka man ngayon, Mahal, nais ko lamang na ikaw ay mag-iingat ng iyong kapatid. Gawin mo lahat ng iyong nais. Puntahan mo lahat ng hindi mo pa napupuntahan. Nais kong ikaw ay maging maligaya.

"Siya nga pala anak, nabanggit ko na rin kay Luisito na hindi na ako sasang-ayon muli sa inyong pag-iisang dibdib ni Binibining Floriana." Rinig ko ang lalim ng kanyang hininga. Batid kong mahirap ito sa kanya lalo na't matagal na rin silang matalik na magkaibigan ni Don Luisito "Hindi ko lubos maisip na aking ipinagpilitan ang kasunduan na iyon gayong ang kanyang anak pala ang may pakana ng lahat. Sinang-ayunan pa ni Lucia."

Kumunot ang aking noo at lumingon. "Pag-iisang dibdib? Hindi po ba't hindi na iyon matutuloy noong buwan pa ng Hulyo kung kailan kami naghiwalay ni Floriana?"

Marahan lamang siyang umiling at uminom sandali. "Siya'y dumalaw ngayon lang at muling inalok sa akin ang kasunduan."

"Para saan pa?" bulong ko. Napahinga na lamang ako nang malalim at ininom ang natitirang alak sa aking baso. Wala na akong nakikitang dahilan para ituloy pa ang kasunduan. Wala na akong nararamdaman pa para sa kanya. Kaibigan na lamang ang tangi kong maibibigay.

Patawad muli, Floriana.

Setyembre 30, 1895

Nakatayo ako rito ngayon sa harap ng silid ni Floriana nang may hawak na dalawang pulang bulaklak bilang alay sa kanya ngayong mayroon siyang karamdaman.

Ilang araw na raw masama ang kanyang pakiramdam at hindi makatulog nang maayos tuwing gabi.

Wala namang mali kung siya'y aking dalawin matapos ng mahigit isang buwan naming hindi pagkikita, hindi ba? Nais ko rin malaman ang kanyang kalagayan ngayon.

Bumukas ang pinto matapos kong kumatok. Bumungad sa akin ang kanyang nangingitim na mga mata at payat na pangangatawan. Nang ako ay kanyang makita, namilog ang kanyang mga mata ngunit agad ding ngumiti nang pagkalaki-laki at mabilis na nagbigay ng mahigpit na yakap.

"Mahal!" sigaw niya. Ramdam ko ang bigat ng kanyang bawat paghinga at tunog ng kanyang paghikbi. "M-Mahal, kay tagal kitang hinintay."

Hinayaan ko lamang siyang yakapin ako hanggang siya ay tuluyan nang humiwalay. Ibinigay ko sa kanya ang aking dalang bulaklak at malugod itong tinanggap.

"Sabi na nga ba hindi mo ako matitiis, Mahal, ikaw ay nagbalik."

Hindi ko batid ang aking isasagot kaya ako'y ngumiti lamang. Siya'y aking tiningnan mula ulo hanggang paa. Ibang-iba na ang kanyang postura ngayon. Magulo na buhok,  nangingitim at namamagang mga mata, namamalat na labi, maduming baro't saya na lumuwag sa kanya.

Sa aking pagkakatanda, halos lahat ng kanyang baro't saya ay hapit na hapit sa kanya na nagpapalitaw sa kanyang kurbang katawan ngunit ngayon ay nag-iba. Pinabayaan ba niya ang kanyang sarili?

"Pasok ka." Hinila niya papasok sa kanyang silid at pinaupo sa isang upuan na naririto.

Tiningnan ko ng kabuuan ang kanyang silid. Natatakpan ng  malalaking kurtina na kulay pula ang mga bintana kaya kahit tanghali pa lamang ay madilim. Tanging malaking lampara lamang ang nagbibigay ng liwanag sa silid.

Nagkalat ang ang papel sa kanyang higaan at ang iba nama'y nililipad ng hangin patungo sa papag. Napunta sa aking harapan ang isang papel kaya ito ay aking pinulot.

Mahal kong Floriana,

Mayroon ka bang naaalala sa araw na ito? Maligayang unang anibersayo sa atin, Mahal. Ako'y nasasabik nang makita ka mamaya.

Lubos na nagmamahal,

Severino

Ito ang aking pinadala na liham para sa kanya noong unang taon namin. Parang kailan lamang. Ang bilis ng panahon.

"Patawad kung makalat dito sa aking silid, Mahal."

Naramdaman ko na siya'y humahakbang palapit sa akin kaya ako'y napatingin sa kanya at sandaling binasa ang liham.

"Naalala mo pa ito, Mahal? Ikaw ay nagpadala pa ng liham kahit hindi naman ako ganoon kalayo sa iyo." Siya ay natawa at inalalayan akong maupo at siya naman sa kanyang higaan. "Salamat sa pagdalaw sa akin. Tama nga ang aking naisip na hindi mo ako matitiis."

Ano ang ibig niyang sabihin? Iniisip na niya na ako'y nagtungo rito upang ituloy ang namamagitan sa amin? Isa pa, bakit ganoon pa rin ang tawag niya sa akin? Hindi ba't kami ay nagkaintindihan na?

"Kay bango naman nitong bulaklak na iyong ibinigay." Inilagay niya ito sa isang babasagin at nilagyan ng kaunting tubig. "Hayan, kahit ilang buwan pa iyang narito, hindi ito mamamatay."

"Kumusta ka na? Kumusta na iyong nararamdaman?"

"Ayos na ako lalo na't narito ka na ngayon. Sinasabi ko kay Ina at Ama na ikaw ay muling babalik. Hindi sila naniniwala sa akin ngunit tignan mo nga nama, heto narito ka sa aking harapan ngayon." Tinapik niya ang higaan sa kanyang tabi, sumisimbolo na ako'y maupo sa kanyang tabi. Hindi na ako sumagot pa bagkus ginawa ko na lamang at kanyang isinandal ang kanyang ulo sa aking balikat. "Masaya akong makita kang muli ngayon, Severino. Batid ko talagang darating ang araw na ito. Ika'y babalik sa aking piling."

Nakakaramdam ako ng pagkailang.  Nais kong lumayo nang kaunti ngunit ayaw ko namang mawala ang kanyang magandang ngiti. Marahil kaya ganito ang aking nararamdaman dahil mahigit isang buwan na rin mula nang kami ay muling magkausap. Hindi rin ganoon kaganda ang huling tagpo na iyon.

Paano ko ba sasabihin sa kanya na ako'y dumalaw lamang? Nagkakamali siya ng iniisip. Paano ko ba sasabihin sa kanya iyon nang hindi ko nasasaktan ang kanyang damdamin? Masyadong marami na siyang sakit na napagdaanan sa akin, ayaw ko ng dagdagan pa hangga't maaari.

Napatingin na lamang ako sa ibaba at napahinga nang malalim. Bakit ang hirap nito?

"Ayos ka lamang ba, Mahal? Mayroon bang bumabagabag sa iyong isipan?"

Inangat ko ang aking ulo at tumingin sa kanyang nag-aalalng mukha. "Wala naman. Mayroon bang masakit sa iyo? Nais mo bang ikaw ay aking suriin?"

"Nais ko na dito ka lamang sa aking tabi, Severino."

Hindi maaari, Floriana.

"Siya nga pala, nabanggit na ba ng iyong ama ang hinggil sa ating pag-iisang dibdib? Nasasabik ka na ba, Mahal? Dahil ako ay sabik na sabik na!" Niyakap niya ako nang mahigpit na tumagal ng ilang minuto kaya ako ay dahan-dahang humiwalay na kanyang ipinagtataka.

"Floriana." Paano ko ba ito sasabihin sa kanya? Nagtungo ako rito upang siya'y dalawin at kumustahin. Wala ng iba ngunit bakit ako'y aalis dito na muli na naman siyang sinasaktan?

"Bakit? Mayroon bang problema?"

"Walang pag-iisang dibdib na matutuloy."

"A-Ano?" Napaawang ang kanyang labi at ilang beses napapikit ang mga mata. "Hin...di ba nagtungo ka rito upang ikaw ay bumalik sa akin at pag-usapan ang ating pag-iisang dibdib?"

Kumunot ang aking noo. "Sino ang nagsabi niyan sa iyo? Nabanggit sa akin ni Ama ang tungkol doon ngunit batid ni Don Luisito ang kanyang naging tugon. Hindi na matutuloy ang kasunduan, Floriana."

"N-Ngunit iyon ang sabi sa akin ni Ina."

Hindi ko batid kung bakit nagsinungaling si Doña Lucia sa kanya. Nais ko lamang na sabihin kay Floriana ang katotohanan. Nais ko lamang sabihin sa kanya ang aking nararamdaman.

"Marahil, mayroong dahilan ang iyong ina kung bakit niya iyon nasabi sa iyo ngunit ako'y nagsasabi ng katotohanan lamang, Floriana. Ako ay nagtungo rito upang dalawin ka at kumustahin. Wala ng iba pa."

"Ano?" Nagsimulang tumulo ang kanyang mga luha at ako'y hinawakan sa kamay nang akmang aalis na ako. "Dito ka lang, Severino. Huwag mo akong iwan, ako'y na-nagsusumamo sa iyo."

Bumalik ako muli sa aking pagkakaupo at hinawakan ang kanyang kamay. "Floriana, ang pag-iibigan lang naman natin ang natapos ngunit hindi ang ating pagkakaibigan. Nandito lamang ako mananatili sa iyong tabi bilang iyong kaibig---."

"Hindi. Hindi iyan ang aking gusto!" Tumaas ang kanyang tinig at iginalaw nang malakas ang kanyang kamay kaya nabasag ang pinaglagyan ng aking bulaklak na ibinigay. "Hindi ko kayang tanggapin ang pagiging kaibigan lang. Ikaw ang aking gusto, Severino, ikaw lang. Ano bang mahirap intindihin doon? Mahirap ba iyong ibigay sa akin?"

"Ngunit iyon na lang ang aking maibibi---."

"Si Emilia pa rin ba, ha? Si Emilia pa rin ba? Wala na siya, Severino! Siya'y lumisan na at iniwan ka na niya! Inaasahan mo pa ba siyang bumalik para sa iyo? Ako naman ang nandito, a? Bakit hindi ako ang iyong piliin?"

"Hindi mo ako naiintindi----."

"Ako ang hindi mo naiintindihan! Mahal kita, Severino. Ano pa bang kulang?"

"Patawad ngunit hindi tayo nagkakaintindihan. Ako'y aalis na. Salamat muli at paalam."

"Severino! Severino, bumalik ka rito! Severino!"

Bago pa ako tuluyang makababa sa hagdan, naramdaman ko ang hapdi sa aking kamay. Nakita ko na lamang na ako'y inabot ni Floriana habang siya ay pinipigilan ng kanyang ama.

"Salamat sa pagdalaw," wika ni Don Luisito at tuluyan nang isinara ang pinto.

Narinig ko pang sumisigaw nang malakas si Floriana habang siya ay pinapatahan at kinakausap ng kanyang ama.

Hindi ko inaasahan na hindi maganda ang kahihinatnan na ito. Hindi naman ito ang aking gusto sa una pa lang. Marahil, hindi pa ito ang tamang oras upang ipaintindi ko sa kanya ang lahat.

Nawa'y dumating ang oras na iyon. Hiling ko lamang sana.

Naisalaysay ko kay Ama at Ina ang naging takbo ng aming usapan at ang kanyang kalagayan ngayon. Sambit ni Ama na kakausapin niya si Don Luisito at Doña Lucia sa ibang araw upang ipaintindi kay Floriana na wala ng pag-iisang dibdib na magaganap. Hanggang ngayon, siya'y umaasa pa rin na matutuloy ang kasunduan.

Kay rami ko ng kasalanan sa iyo, Floriana, ayaw na kitang saktan pa sa totoo lang. Patawad. Patawad kung ito lang lagi ang tanging nasasabi ko sa iyo. Sana dumating ang araw na ako'y mapatawad mo.

Oktubre 7, 1895

"Maaari pa namang maayos ng lahat, hindi ba, Ginoong Severino?" tanong sa akin ni Don Luisito na aking ikinailing nang marahan.

Narito kami sa kanilang hacienda, salas upang pag-usapan at ayusin ang tungkol sa kasunduan na nais nilang ituloy. Minabuti na rin nila na hindi pa isama si Floriana sa pag-uusap dahil baka raw magkagulo pa. Sa ngayon, mahimbing siyang natutulog sa kanyang silid.

"Matapos mong saktan ang aking anak, iyan ang iyong iaasal? Anong klaseng ginoo ka?" pang-uuyam sa akin ni Doña Lucia na na bahagyang tumaas ang tinig.

"Huwag mong pagsalitaan ng ganyan ang aking anak, Lucia." Bakas sa tinig ni Ama ang lalim at pagiging ma-awtoridad.

Mahigit trenta minutos (30 minutes) na kaming nag-uusap patungkol dito. Mahigit trenta minutos ko na ring inuulit ang aking sarili na hindi na maaaring matuloy ang aming pag-iisang dibdib.

Ayaw kong maikasal sa babaeng hindi ko na iniibig. Mula nang aking malaman ang hinggil sa nakaraan ng aming mga magulang ni Floriana, doon ko mas lalong napagtanto na hindi maaaring isakripisyo ang kasal para lamang sa kapakanan ng iba.

Naalala kong muli ang kalagayan ni Don Luisito na umiibig sa kanyang maybahay na ngayo'y hindi pa rin nakalilimot sa kanyang unang minahal.

"Iiwan mo na lamang ang aking anak nang ganoon na lamang dahil sa hampaslupang babaeng iyon, ha? Ang tigas naman ng iyong mukha," dagdag pa ni Doña Lucia. Itinaas niya ang kanyang kilay sa akin. Ang kanyang mukha ay galit ngunit batid ko na ang kanyang mga mata ay malungkot.

"Lucia, tama na iyan. Hindi tayo nagpulong dito para tratuhin mo ng ganiyan si Ginoong Severino."

"Bakit, Luisito, tama naman ako, hindi ba? Iniwan niya ang ating anak at ipinagpalit sa iba. Sinong magulang ang hindi magagalit doon?"

"Hindi naman namin maaaring pilitin ang aming anak para lamang sa inyong nais, Lucia. Nawa'y maintindihan mo bilang ina," wika naman ni Ina.

Kanina ko pa nararamdaman ang taas at init ng tensyon dito sa aming kinauupuan. Kanina pa palipa-lipat ng tingin si Doña Lucia sa aking mga magulang at kung minsan pa'y tumitig sa aking ama. Hindi ko batid kung mayroon bang kamalayan ang aking ama sa nararamdaman ngayon ng kanyang dating kasintahan.

"Ang aking anak ang nasaktan nang husto rito, Criselda. Huwag ka ngang magsalita na tila ba batid mo ang pinagdadaaanan ni Floriana. Palibhasa nakuha mo ang lahat ng iyong nais."

Dahil sa kanyang huling tinuran, nagkatinginan silang tatlo samantalang napatingin na lamang sa kawalan si Doña Lucia. Iba na ang kanyang pinapahiwatig.

"Ang ating mga anak ang ating pinag-uusapan dito. Kung ano man ang iyong nais iparating, hindi iyon sakop ng ating usapin."

"Tama na iyan. Narito tayo upang magkaayos hindi upang palalain pa ang sitwasyon," wika naman ni Ama.

Sandaling nangingibabaw ang katahimikan, heto ako, palipat-lipat lamang ang tingin sa kanilang apat. Ngayon ko lang nasaksihan at narinig na nagkapalitan ng maiinit na salita si Doña Lucia at Ina hinggil sa kanilang nakaraan.

Batid kong mahirap iyon para kay Doña Lucia ngunit kahit kailan hindi niya makikita ang kahalagahan at ang maliliit na bagay na ginagawa sa kanya ni Don Luisito kung patuloy niyang titignan ang aking ama. Mas mainam pa kung mas pipiliin na lamang niya na lumimot at magpatuloy kahit mahirap. Wala namang madali pagdating sa pag-ibig. Lahat ay pinaghihirapan. Lahat ay nahihirapan.

"Nakasalalay sa aming anak ni Criselda ang huling pasya. Ayaw ko na muling manghimasok at mangialam pa sa kanyang gagawing pasya, Lucia at Luisito. Patawad ngunit bilang ama, aking rerespetuhin ang nais ni Severino."

Lihim akong mapangiti at napatingin kay Ama. Siya ay nakangiti sa akin  nang kaunti bago muling tumingin sa aming mga kasama.

Napayuko, npahinga naman nang malalim si Don Luisito at napahawak sa kanyang ulo. "Ginoong Severino, nakita mo naman marahil ang kalagayan ng aming anak, hindi ba?" Saglit siyang huminto at muling tumingin sa akin. "Mula nang kayo ay magkahiwalay, hindi na niya inaalagaan nang mabuti ang kanyang sarili. Araw-araw ko siyang naririnig lumuha sa kanyang silid, hindi kumakain sa tamang oras at nawalan na ng gana sa kanyang mga hilig. Bilang ama, ako'y nangangamba sa kanyang kalagayan. Batid kong hindi na siya ang tinitibok ng iyong puso ngu...nit hindi ko kayang makitang nagkakaganoon ang aking anak, S-Severino."

"Hindi ka ba binabagabag ng iyong konsensya, Severino? Nang dahil sa iyo, pinapabayaan na ni Florian---."

"Huwag mong sisisihin ang aking anak, Lucia. Baka iyong nakalilimutan, ikaw rin ang tumulong sa kanya upang gantihan at ipahamak ang aking anak at si Emilia," pagputol ni Ina sa sinasabi ni Doña Lucia. Matatalim na ang kanyang mga tingin ngayon at namumula na rin ang mukha.

Hinawakan siya ni Ama sa kanyang kanang kamay at may roong sinabi upang mapakalma. Simula't simula pa lamang ay hindi na magkasundo si Doña Lucia at ang aking ina dahil nga sa kanilang nakaraan. Marahil, sinisisi niya ang aking ina sa lahat ng nangyari bagaman ang kanilang mga asawa ay matagal ng magkaibigan.

Nabanggit ko pala kay Ina ang tungkol sa sinabi sa akin ni Magdalena noong siya'y naninilbihan kay Floriana bilang kaparusahan. Marahil, nabanggit din niya kay Ama ang tungkol doon kaya hindi siya nagulat nang ito'y kanyang marinig ngayon. Kapwa ang aking mga magulang ay nagalit at nagkaroon ng mainit na pag-uusap at hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng aming mga pamilya.

Nang aking tignan si Doña Lucia, siya'y napakurap ng ilang beses habang namumula ang mga mata at mayamaya pa'y nag-iwas ng tingin nang bumagsak ang kanyang luha. "Walang patutunguhan ang pag-uusap na ito. Itigil na natin ito." Walang pasabing siya'y umalis at umakyat sa hagdan.

"Patawad," wika ni Don Luisito, tumayo at lumingon sa akin. "Nawa'y magbago pa ang iyong isip, Ginoong Severino. Nais ko lang maging masaya ang aking anak at batid kong ikaw lamang ang makakagawa niyon."

Masasabi kong napakasuwerte ni Doña Lucia sa kanyang napangasawa. Hindi lahat ng lalaki ay kaya kang ibigin kahit batid niya ang kasamaan na iyong nagawa.

Mas pinili niyang tanggapin, intindihin at patawarin si Doña Lucia kahit ito ay maraming nagawang kasalanan sa aming pamilya. Wala siyang ginawa kundi mahalin ang kanyang pamilya bukod sa palaguin ang kanyang mga negosyo. Ang pamilya lamang naman nila ang may pinakamalaking lupa ng asukal at tabako at ikinakalakal sa ibang lugar.

Batid niya kaya ang nararamdaman ng kanyang maybahay para sa kanya?

****

Tahimik akong humahakbang paakyat ng hagdan patungo sa aking silid nang aking madaanan ang silid ng aking mga magulang.

"Ikaw ba'y naninibugho? Criselda, wala na iyon."

Ano? Batid kong mali ang makinig ng ibang usapan ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili. Idinikit ko ang aking tainga sa pinto.

"Nakita mo ba kanina kung paano ka tignan ni Lucia? Hanggang ngayon, ikaw pa rin ang kanyang iniibig, Faustino!"

Napalaki ang aking mga mata at dahan-dahang napangiti. Ngayon ko lang narinig na naninibugho ang aking ina. Masayang pakinggan ito.

"Ngunit ikaw naman ang aking mahal. Bakit ka nangangamba sa isang bagay na kahit kailan hinding-hindi ko magagawa?"

"A-Ako'y natatakot lamang. Baka mamaya mayroong namamagitan sa in---"

"Ano? Criselda, tayo'y matatanda na. Malalaki na rin ang ating mga anak. Ano ba iyong iniisip? Imposible ang iyong sinasabi. Huwag kang matakot dahil lamang sa iyong nakita kanina. Inibig ko siya noon ngunit ikaw na ang aking iniibig ngayon. Maliwanag?"

Ang tamis naman, Ama! Masabi nga iyan kay Emilia kapag kami'y nagkita.

"Sino ang mas mahal mo, ako o siya?"

"Ilang taon ka na ba, Criselda? Haha."

"Sagutin mo na lamang ang aking tanong!"

"Siya."

"Faustino!"

"Ang babaeng nasa aking harapan ngayon. Hindi ka na mabiro, Mahal. Manang-mana talaga sa iyo si Lydia."

Napailing na lamang ako habang nangingiti nang ako'y umaalis na. Tama ka, Ama. Kung ano ang itinanim, siya rin ang bunga.

----------

<3~