Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 30 - Kabanata 28 ✓

Chapter 30 - Kabanata 28 ✓

Music: Hiling by: Jay-R Siaboc official video

Severino

Oktubre 25, 1895

Mahal kong Severino,

Maaari ba tayong magkita sa ating dating tagpuan? Ako'y maghihintay sa iyo roon, Mahal ko.

Nagmamahal,

Floriana

Itinupi ko ang liham at itinago sa aking bulsa. Nagtungo rito si Crisanto kanina upang iabot sa akin ang liham. Tumayo ako at isinuot ang aking itim na sumbrero saka lumabas sa aking silid upang magtungo sa aming dating tagpuan.

Sa aking paglabas, sinag ng araw ang tumama sa aking mukha kasabay ng malakas na hangin na nagpapalipad ng aking kasuotan.

Wala akong nalalaman kung ano man ang aming pag-uusapan ngayon ngunit ako ay may kutob. Maaaring patungkol muli ito sa kasunduan.

Dalawang buwan na.

Dalawang buwan na rin ang nakalilipas mula nang umalis dito si Emilia. Wala man lang siyang naipadala sa aking liham. Araw-araw akong naghihintay, nagbabakasakaling mayroong dumating sa aming mensahero at iabot ang liham ngunit wala.

Kahit ganoon pa man, hindi ko magawang magtampo sa kanya. Paano pa ako magtatampo sa kanya kung gayong malayo siya sa akin? Paano ko siya masusuyo? Paano ko siya mabibigyan ng bulaklak? Paano ko siya iguguhit at ibibigay sa kanya bilang munting regalo?

Kumusta ka na kaya, Mahal? Nawa'y ikaw ay masaya ngayon at nag-iingat. Wala akong katiyakan kung tayo ba'y magkikitang muli ngunit hindi ako mawawalan ng pag-asa. Hindi ako magsasawang maghintay sa iyo, Mahal. Hindi ako magsasawang idalangin sa Diyos na magtagpong muli ang ating landas kahit batid kong hanggang dito na lamang ang ating pag-iibigan.

"Mahal? Ikaw nga." Hindi pa man ako nakakalapit sa kanya nang tuluyan, siya'y tumayo na at agad na lumapit sa akin upang ako'y yakapin nang mahigpit. "Maraming salamat ika'y dumating." Makaraan ang ilang segundo, siya'y humiwalay sa pagkakayakap at tinitigan ako sa mata. "Sabik na sabik na ako sa iyo, Mahal. Hali ka't tayo'y magsama na. Ilayo mo na ako rito."

"Ano?" Natigilan ako nang marinig ko ang kanyang huling sinambit. Napadako rin sa aking paningin ang isang tampipi (lalagyan ng damit noon) Seryoso ba siya sa kanyang sinasabi? Nais niyang kami ay magsama't lumayo rito?

"F-Floriana, hindi maaari." Kaya ba siya nakikipagkita ngayon dahil dito?

"Hali na. Magsama na tayo, Mahal. Lumayo na tayo rito. Lumayo na tayo sa lugar na ito."

"Batid ba ito ng iyong mga magulang? Ihahatid na kita sa inyong hacien---. Hindi ito nararapat."

"Hindi mo ako nauunawaan, Severino. Batid mo ba kung gaano kadelikado ang lugar na ito para sa ating dalawa? Lumayo na tayo. Makinig ka naman sa akin."

"Hindi. Hindi mo naririnig ang iyong sarili. Hindi ito nararapat."

"Hindi!" Kinuha niya ang tampipi, hinawakan ang aking kamay at sinimulang hilahin nang may kalakasan. "Hindi na tayo nababagay rito, Mahal. Tayo'y lumayo. Magsimula tayong muli."

Hindi rin nakaligtas sa aking mga mata ang kanyang itsura. Tila mas lalong lumala ang kanyang kalagayan ngayon. Mas lalo siyang naging payat. Ang kanyang mukha ay lumiit nang husto at makikita na rin ang buto sa kanyang panga.

Napagawi ng aking mga mata sa kanyang malamig na kamay. Kita na rin ang buto sa gilid nito at mas lalong lumuwag ang kanyang baro't saya.

"A-Anong nangyayari sa i...yo?" Bakit ganito na ang kanyang pangangatawan ngayon?

Siya'y ngumiti at mayamaya naubo kaya nabitiwan niya ang tampipi at nagkalat sa sahig ang iilan sa kanyang mga kasuotan. Mabuti na lamang siya'y aking naalalayan kaya hindi siya tuluyang nawalan ng balanse.

"Maupo na muna tayo," wika ko. Wala rin namang magandang maidudulot kung siya'y aking pauuwiin. Mas mainam din siguro kung muli kaming mag-usap upang hindi na magtuloy-tuloy pa ito. Ako ang nangangamba sa kanyang kalagayan. Siya'y nagkakasakit na.

Hindi naman siya tumutol sa akin kaya maingat ko siyang pinaupo sa damong papag dito sa ilalim ng puno ng mansanas.

"Salamat."

"Bakit mo pinapabayaan ang iyong sarili, Binibining Floriana?" wika ko sabay pulot at pag-ayos ng kanyang kasuotan pabalik sa tampipi.

"B-Binibining Floriana? Hindi ba't 'mahal' ang tawag mo sa akin?" Basag ang kanyang tinig nang hawakan niya ang aking kamay kaya ako ay napatigil sandali. Mabilis kong tinapos ang pag-aayos at humarap sa kanya. Kitang-kita ko kung paano bumagsak nang sunod-sunod ang kanyang mga luha. "Wala na ba talaga, Mahal?"

Paano ko mapapaunawa sa kanya ang lahat kung hanggang ngayon, hindi pa rin mabuti ang kanyang kalagayan? Hindi sumagi sa aking isipan na ito ang kahihinatnan ng aking pakikipaghiwalay sa kanya.

Tuluyan na niyang napabayaan ang kanyang sarili. Tatlong buwan na mula nang kami ay maghiwalay. Ibig sabihin lamang niyon, tatlong buwan na rin itong nangyayari sa kanya.

"Floriana," bulong ko. Pinunasan ako ang kanyang luha. "Patawad ngunit wala na talaga. Hanggang doon na lamang ang lahat sa atin." Kahit lahat ng ito'y aking kasalanan, nasasaktan pa rin ako sa tuwing siya'y nasasaktan. Hindi naman mawawala na tila mahika ang aking pag-aalala para sa kanya.

Pag-ibig ko lamang para sa kanya bilang kasintahan ang nawala ngunit ang aking pag-ibig bilang kaibigan ay nananatili pa rin sa aking puso. Kahit kailan, hindi iyon mawawala.

Aking sinisikap na hindi maluha sa kanyang harapan. Kailangan kong maging malakas para sa kanya dahil batid ko sa akin siya kumukuha ng lakas.

Kailangan kong putulin ito. Kailangan kong maibalik ang dating Floriana na aking nakilala't inibig. Kung ito ay magpapatuloy pa sa mga susunod na araw o buwan, maaaring mas malala pang karamdaman ang dumapo sa kanya.

"Hindi naman mawawala ang aking pag-ibig para sa iyo. Kailangan mong alagaan ang iyong sarili. Hayaan mong tulungan kitang gawin iyon, ha?" wika ko.

Nakayuko lamang siya sa akin habang tahimik na lumuluha. Tama ba ang aking mga sinambit? Ako'y nag-aalala. Maaaring mas mapabigat ko pa ang kanyang damdamin kung ako'y magkakamali.

"Flor---."

"Kapag na inalagaan ko ang aking sarili, ikaw ay muli ng babalik sa akin?"

"Floriana ---"

"Sagutin mo na lamang ang aking tanong. Ikaw ba ay babalik pa sa akin?"

Sa una pa lamang ako'y nahihirapan na. Mas lalo kong nararamdaman ang paghihirap sa tuwing aking nakikita ang kalagayan ni Floriana. Sa aming tatlo nina Emilia, si Floriana ang pinaka nahihirapan. Batid ko iyon. Hindi naman ako inutil upang hindi ko iyon mapagtanto.

Nanatili lamang akong tahimik at napaiwas ng tingin. Sa ganitong uri ng pagkakataon, ayaw kong magsinungaling sa kanya kaya mas pinipili ko na lamang na manahimik.

Ano ba ang maaari kong gawin upang manumbalik na ang kanyang sigla't lakas? Ibubuka ko sana ang aking labi nang mapansin kong namumula ang gilid ng kanyang labi at may kaunting galos.  "Anong nangyari sa iyong leeg?"

"A..." Tinakpan niya ang kanyang leeg at ngumiti nang kaunti. "Wala ito."

"Anong nangyari? Saan mo iyan nakuha?" Maalaga si Floriana sa kanyang katawan kaya malaking palaisipan para sa akin ang kanyang galos.

"Tumama lamang ang aking leeg sa matulis na bagay. Hindi ko kase napansin dala na rin ng kadiliman."

"Ganoon ba? Mag-iingat ka lagi." Sa apat na taon naming pagsasama, nararamdaman ko kung siya ba'y naglilihim o hindi. Sa pagkakataong ito, hindi napapanatag ang aking kalooban sa kanyang dahilan.

"Ako na lang muli, S-Severino. Maaari ba? Ako naman ang narito ngayon. Kahit kailan hindi na siya babalik pa. Ako na lang muli."

"Tahan na, Floriana. Mas mainam pa siguro kung ikaw ay magpapahinga na lalo na't mayroon kang galos. Dapat magamot iyan. Ihahatid na kita sa inyo." Akmang ako'y tatayo ngunit ako ay kanyang pinigilan. Wala naman akong ibang magawa kundi ang maupong muli.

Diretso lamang siyang nakatingin sa kawalan kasabay ng malalim na paghinga. "Masaya naman tayo noon, a? Anong nangyari sa atin? Anong nangyari sa iyo?" Nililipad ng malakas na hangin ang kanyang maalon na buhok. Kahit na nag-iba ang kanyang itsura ngayon, naroon pa rin ang kanyang natatanging ganda.

Hindi ako sumagot bagkus napatingin na lamang din ako sa paligid, nagbabakasakaling mayroong lumitaw na kasagutan sa tanong na hindi ko alam ang isasagot. Kung isa itong pagsusulit sa medisina, marahil ako ay bumagsak na.

Sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Ni wala nga akong masabi sa kanya. Napupuno ng hiya ang aking buong pagkatao. Nang dahil sa aking pagiging makasarili, siya'y nagdudusa nang ganito ngayon.

Paano kung hinayaan ko na lamang ang aking nararamdaman kay Emilia?Paano kung pinili ko pa rin si Floriana hanggang ngayon, siya ba'y magkakaganito pa rin? Marahil, hindi. Marahil siya ay tumatawa't ngumingiti pa rin ngayon.

Paano naman kung hindi ko ipinaglaban ang aking pag-ibig para kay Emilia, magiging masaya pa rin ba ako sa aking relasyon kay Floriana? Manghihinayang ba ako? Maiinis sa aking sarili dahil hindi ko pinili ang aking kaligayahan? O magsisisi dahil hindi ko man lang sinubukan?

Ang daming katanungan mula noon hanggang ngayon. Hindi maubos-ubos na katanungan. Hanggang kailan ba mauubos at matatapos ang bumabagabag sa aking puso't isipan?

"Hindi pa rin ako susuko sa iyo, Severino. Aking gagawin ang lahat para mapasaakin kang muli. Kahit buhay ko pa ang aking itaya. Magkita tayong muli sa susunod. Hihintayin kita." Siya'y tumayo na at kinuha ang tampipi.

Kahit bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa kanyang sinambit, sinubukan ko pa ring tumayo upang siya'y alalayan. "Ihahatid na kita."

Hindi na siya sumagot pa at naglakad na lang palayo. Sinabayan ko ang kanyang maliliit na hakbang at sinusubukang takpan ang kanyang mukha ng aking kamay dahil tumitindi na ang init ng araw.

"Hanggang dito ka na lang. Magkita tayong muli." Siya'y huminto, tumingin at ngumiti sa akin nang kami ay makarating sa harap ng kanilang hacienda. "Magsimula tayong muli, Mahal. Ikamamatay ko kung hindi ka mapapasaakin muli."

"A-Anong..." Hindi ko na naituloy pa aking sasabihin nang makaramdam ako ng pagkabalisa. Bakit ganiyan ang lumalabas sa kanyang labi?

Lumapit siya sa akin at tumingkayad. Naramdaman ko ang kanyang malamig at namamalat niyang labi sa akin. Nais ko siyang pigilan ngunit hindi ko naman magalaw ang aking katawan lalo pa't naramdaman ko ang pag-init at pagbasa ng aking pisngi. Siya'y lumuluhang muli.

"Mahal na mahal kita, Severino. Alam mo iyan noon pa man."

"Binibining Floriana!"

"Susmaryosep, saan ka po nagtungo ---- Ginoong Severino?"

Lumapit sa amin ang dalawang kasambahay na hapong-hapo. Marahil, kanina pa nila hinahanap si Floriana. "Magandang umaga po, Ginoong Severino."

Ngumiti na lamang ang aking tugon. Sila nama'y lumabas sa malaking tarangkahan upang alalayan si Floriana patungo sa loob. Tuluyan lamang akong umalis nang aking siguro na siya'y nakaakyat na sa kanyang silid.

Abril 1, 1896

"Floriana, tinatanggap mo ba si Severino bilang iyong asawa sa hirap at ginhawa, sa yaman at sa hirap, sa sakit at sa kalusugan hanggang sa dulo ng walang hanggan?

Kasalukuyan akong napatitig sa mukha ni Floriana na ngayo'y hindi ma matanggal ang kanyang malapad na ngiti sa labi.

"Severino anak, mayroon pang oras para bawiin ang iyong pasya. Huwag mong gawin ito kung hindi ito ang nagpapasaya sa iyo, anak," wika ni Ina. at pinisil ang aking kamay.

"Kuya, bakit? Bakit nagbago ang iyong isip?" tanong naman ni Angelito na malungkot ang tinig habang nakalagay ang dalawang kamay sa loob ng kanyang bulsa.

"Opo, Padre."

"Anak, tanggap ko na ang iyong pag-ibig para kay Emilia. Hindi ko pa ito nasasabi sa iyo mula nang tayo'y magkaroon ng hindi pagkakaintindihan. Nararapat lamang ba talagang mangyari ito?" sambit ni Ama nang mayroong pag-aalala at awa sa kanyang mga mata.

"Severino, tinatanggap mo ba si Floriana bilang iyong maybahay sa hirap at ginhawa, sa yaman at sa hirap, sa sakit at sa kalusugan hanggang sa dulo ng walang hanggan?"

Hawak-hawak ni Gascar ang kanyang sumbrero na yari sa banig at malungkot na nakatingin sa akin. "Paano na si Emilia, Ginoong Severino? Para saan pa ang iyong paglaban kung ikaw ay makikipag-isang dibdib din kay Binibining Floriana sa huli? Ako'y nakasisiguro kung mabalitaan man niya ang tungkol dito, siya'y masasaktan nang husto, e, matagal ka ng iniibig niyon, e."

Maingat na nagpupunas si Ginang Josefa nang babasaging paso habang dinidiligan ang maliliit na halaman dito sa mesa. "Nasaksihan ko ang nangyayari sa iyo nitong mga nakaraang buwan, Ginoong Severino. Para sa akin, tinuring na rin kitang tunay kong anak. Ayaw kong matali ka sa panghambuhay na kalungkutan dahil lamang dito sa iyong gagawin."

"Severino?"

"Mahal, tinatanong ka ng pari," bulong sa akin ni Floriana nang hindi nawawala ang ngiti ngunit nakakunot na rin ang kanyang noo nang bahagya.

"Ako'y nagsusumamo sa iyo bilang kanyang ina, Severino. Hahayaan mo na lamang ba na malagay sa kapahamakan ang aking anak dahil sa iyong kasakiman at pagiging makasarili?" wika sa akin ni Doña Lucia nang lumuluha kahit galit ang kanyang mga mata. "Matagal na niyang sinasaktan ang kanya sarili dahil sa labis na pagdurusa, dahil din siya ay iyong iniwan. Hahayaan mo bang mabuhay nang ganoon ang aking anak? Kasalanan mo itong lahat kaya dapat lamang iligtas mo ang aking anak sa matinding pagkalunod sa sakit at pagdurusa."

"Bilang magulang, nais namin ang kabutihan at kaligayahan para sa aming anak, Ginoong Severino. Nawa'y huwag mong ipagkait iyon sa kanya. Nakita mo rin naman ang kanyang kalagayan hindi ba? Siya'y dinadapuan na ng malubhang sakit dahil pinapabayaan at sinasaktan na niya ang kanyang sarili. Ako'y nakikiusap. Iligtas mo ang aming anak mula sa kalungkutan. Ikaw lang ang kanyang kaligayahan, Ginoong Severino." tugon naman ni Don Luisito, mabilis na pinunasan ang luha at niyakap ang kanyang maybahay.

Hindi batid ng aking mga magulang na ako'y kinausap ng personal ni Don Luisito at Doña Lucia hinggil dito.

Palihim akong huminga nang malalim. Marahil, ito nga ang solusyon sa lahat ng aming problema. Marahil, nang dahil dito, matigil na ang lahat ng paghihirap at pagdurusa ng mga taong nasa aking paligid. Marahil, nang dahil dito bumalik muli sa maayos ang aming mga pamilya na nagkagulo dahil sa akin. Marahil ang pag-iisang dibdib na ito ang tunay na magliligtas at magpapabalik sa sigla't lakas ni Floriana mula sa matinding kalungkutan at sakit. Marahil, si Floriana rin talaga ang tunay na nakatadhana sa akin, katotohanang kahit kailanman ay hindi ko na mababago pa. "Opo, Padre."

Wala ng atrasan iyan, Severino, a? Ikaw ay nagpasya na.

"Ating batiin ang bagong kasal!"

Napadako ang aking mata sa mga dumalong panauhin. Sila ngayo'y humihiyaw at walang tigil sa pagpalakpak. Bakas sa kanilang mga labi ang tuwa't saya.

Napadako ang aking mata sa aking pamilya. Sila ay nakangiti ngunit malungkot ang kanilang mga mata. Sa lahat ng naririto, ang aming pamilya lamang ang nakakaalam ng katotohanang hindi ko nais ang kasal na ito. Ginawa ko lang naman ito para sa kapakanan ni Floriana at sa aking nakikitang pagbabago sa aking maybahay, mukhang tama lamang ang aking ginawa. Siya'y masaya na.

"Maligayang bati!"

"Mabuhay ang bagong kasal!"

Ang pamilya naman ni Floriana ay malalapad ang ngiti at lumuluha habang nakatingin sa amin. Nakita ko ang paggalaw ng labi ni Don Luisito, "maraming salamat." Ngumiti na lamang din ako bilang tugon.

Sandali akong napayuko sa ibaba at mariing pinipikit ang aking mga mata.

"Mahal, ikaw ba'y lumuluha?" rinig kong tanong ni Floriana kaya inangat ko ang aking ulo, saktong pagtama ng aming mga mata ay siyang pagtulo ng aking luha.

"M-Masaya lang ako." Paumanhin sa aking paglilihim ngunit ako'y labis na nasasaktan.

"Ako rin, Mahal, hindi mo alam kung gaano ako kasaya ngayon." Bumagsak ang kanyang luha at ako'y marahang hinagkan (hinalikan). Ramdam na ramdam ko ang lambot ng kanyang labi na tila humihingi ng pahintulot na siya'y pumasok sa akin.

Tinugunan ko ang kanyang halik habang patuloy sa pagtulo ang aking luha. Kay raming nangyari. Kay raming sakit na pinagdaanan. Dito rin pala magwawakas ang lahat.

Matapos ang ilang segundo, ako rin ang unang bumitiw at humiwalay sa kanya. Ngumiti lamang ako samantalang siya'y nakangiti pa rin nang pagkalaki-laki.

Saktong pagtingin ko sa kaliwang bahagi nitong simbahan, gawing unahan, nakita ko si Emilia na nakatingin sa amin at si Agapito na nakangiti at pumapalakpak sa amin.

Matapos ang ilang buwang paghihintay, nakita rin kitang muli, Mahal. Patawad kung nakita mo ako ngayong nakasuot ng barong tagalog at nasa harap ng altar.

Patawad kung ako'y ikinasal na.

****

Abala ang mga panauhin na kumain. Ako ay nagpaalam kay Floriana na tutungo muna ako sa palikuran ngunit ang totoo niyan, nais kong makausap kahit sa huling sandali man lang si Emilia. Batid kong hindi ko ugali ang maglihim kay Floriana ngunit sa oras na ito, kailangan kong gawin iyon.

Nais kong malaman ni Emilia ang aking nararamdaman. Hindi ko na alam kung magkakaroon pa ba ako ng isa pang pagkakataon upang siya'y makausap muli kaya susulitin ko na ang araw na ito.

"Emilia," pagtawag ko sa kanya at naupo sa kanyang tabi. Ilang buwan na mula nang huli ko siyang makita, ang epekto niya sa akin noon, walang pagkakaiba ngayon. Ang bilis pa rin ng tibok ng aking puso. "Kanina pa kita hinahanap, dito lamang pala kita matatagpuan."

Nangingibabaw sandali ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Kailan ba nang huli kaming nagkausap nang ganito? A, noong nakaraang buwan lamang. Noong nakita namin si Georgina at Cinco sa tabi ng ilog.

"Patawarin mo ako, Emilia," pagbasag ko sa katahimikan. Ito na lang ba ang kaya kong sabihin sa kanya ngayon - ang paghingi ng patawad? Nanatili pa rin siyang tahimik kaya ako'y nagsalitang muli.

"Patawarin mo ako kung tayo'y umabot sa ganito." Tila mayroong bumara sa aking lalamunan, ako'y nahihirapang lumunok, nahihirapan akong magsalita.

"Patawarin mo ako kung hanggang dito na lamang t-tayo." Pakiusap, Severino, huwag ka munang lumuha ngayon. Huwag na muna.

Pansin ko lamang, sa tuwing kami ay nagkakausap, lagi na lang kaming malungkot at nasasaktan? Kailan kaya kami magkakausap na purong saya lang at nagtatawanan? Kailan muli iyon mangyayari?

"Kay tagal kong hinintay na tayo'y magkitang muli. Sino ba namang mag-aakala na ang kasal lang pala ang susi upang tayo'y muling magkita?" Kay tagal kong hinintay na siya'y muling bumalik. Pitong buwan akong naghintay ng kanyang liham subalit kahit isa wala dumating. Kay tagal ko ring nanalangin na muling magtama ang aming mga mata. Ang aming pag-iisang dibdib lang pala ni Floriana ang magiging daan upang kami ay muling magkita.

Ngayong narito na siya sa aking tabi, nais ko siyang yakapin nang mahigpit. Nais ko siyang hilahin palayo rito. Nais ko siyang dalhin sa malayong lugar na walang nakakakilala sa amin.

"Patawad, Emilia," bulong ko.

"Ayos l-lang," sambit niya sa mahinang tinig ngunit sapat na upang aking marinig. Sa dami ng aking nasabi, iyan lang ang kanyang itutugon? Hagkan (halikan) kita riyan, e!

Ako'y huminga nang malalim. Bago ko pa tuluyang malimutan, sasabihin ko na ang aking tunay na nararamdaman. Bahala na. "Ngunit nais kong malaman mo na ikaw pa rin ang aking iniibig kahit ako'y kasal na sa iba."

"A...no?" sabay tingin niya sa kanya nang nakakunot ang noo at nanlalaki ang mga mata. Ang ganda mo naman, binibini.

Ngumiti ako kahit pakiramdam ko ang pag-iinit ng aking mga mata. Sino ba naman ang hindi makakaramdam ng pangungulila? Nais kitang yakapin, maaari ba? "Hindi mo ba pansin na ako'y umiibig pa rin sa iyo? Ang labo pala ng iyong mga mata kung ganoon." Tumawa pa ako at iginulo ang kanyang buhok upang itago ang aking lungkot, paninibugho at pangungulila. Ang babaeng ito ay pagmamay-ari na ng iba. Kung maaari lamang sana kitang angkinin nang walang hinihinging basbas at pahintulot mula sa aking pamilya, matagal na sana kitang inangkin pa.

"Ngunit bakit ikaw ay nagpaka...sal sa ----."

"Mahabang kuwento, Mahal." Nahinto ang aking pagtawa at napalitan ng kaunting ngiti. "Ginawa ko lamang kung ano ang sa tingin kong makabubuti para kay Floriana kahit ang kapalit niyon ay ang aking kaligayahan. Ang tanging alam ko lang ngayon, ikaw lang ang nais kong makapiling at makasama." Hindi ko na isasalaysay pa ang buong pangyayari, malaman lang niya na siya pa rin ang aking iniibig - iyon ang mahalaga.

"Nawa'y maikuwento ko sa iyo ang lahat pagdating ng tamang araw kapag tayo ay muling nagkita," dagdag ko pa. Hindi pa ito ang tamang panahon para maikuwento ko sa kanya ang lahat. Marahil, sa ibang panahon.

Laking gulat ko nang sunod-sunod na magbagsakan ang kanyang mga luha. "Hindi mo ba maaaring sabihin sa akin ngayon? Kase batid mo, Ginoong Severino, ako'y naguguluhan na. Hindi ko na alam ang aking dapat maramdaman. Mula nang ako'y bumalik dito, lahat ay nagulo." Tila siya'y isang paslit na nagsusumbong habang pinupunasan ang kanyang pisngi.

Ano ang iyong ginawa, Severino, siya'y nasaktan mo na naman! Hinawakan ko ang kanyang kamay. Nawa'y ang simpleng pagdampi ng aking kamay ay magpagaan sa kanyang nararamdaman. "Patawad, Ma...hal." Heto na naman, puros patawad na lamang. Ano bang magagawa ng aking patawad para mawala ang bigat na kanyang dinadala?

"Sabihin mo kase sa akin la...hat." Tuluyan na siyang humagulhol pa. Hindi ko na kaya pang makita siyang lumuluha kaya niyakap ko na siya nang mahigpit kasabay ng pagtulo ng aking luha. Parang hindi naman ako tunay na ginoo nito. Kay babaw ng aking luha. "Paano ko malalaman? Paano ko maiintindihan? Paano na tayo? Paano tayo, S-Severino?"

Paano na tayo, Severino? Ano ang kanyang ibig sabihin? Nang dahil doon, agad ko siyang hinarap sa akin. Napakurap ang aking mga mata at napaawang ang aking labi. Hanggang ngayon pareho pa rin kami ng nararamdaman? "Mahal mo pa rin ako?"

Nakaramdam ako ng inis sa aking sarili. Bakit ganito? Ako'y litong-lito na.  "Akala ko wala na akong pag-ibig sa iyo dahil may nobyo na ako ngunit bakit ganito, Severino? Bakit masakit? Bakit ako nasasaktan gayong may nobyo na ako? Marahil ay hindi nawala ang pag-ibig ko para sa iyo."

"Sssshhh tahan na, aking mahal, tahan na. Ako'y nasasaktan. Tahan na." Kinapa ko ang aking bulsa. Wala pala akong dalang panyo. Inilapit ko sa kanyang ang aking manggas.

"Anong gagawin ko riyan?" Napakasungit. Bakit nakataas ang kanyang kilay?

"Ipunas mo rito ang iyong mukha. Napupuno na ng luha't sipon ang iyong mukha. Para kang paslit na nawalan ng kalaro."

Ipupunas na nga lang ang mukha sa aking manggas, magpapaikot pa muli ng kanyang mga mata. Ibang klaseng binibini. Salamat ka ikaw ay aking mahal. Hagkan talaga kita riyan, e, makita mo.

"Salamat" sabay ngiti niya.

Hinawakan ko ang kanyang parehong kamay, marahan itong hinagkan nang ako'y nakapikit. Tinagal ko muna ng ilang segundo ang aking labi sa kanyang kamay bago ako muling tumingin sa kanya. "Kahit na hindi tayo ang nagkatuluyan, ikaw pa rin ang aking mamahalin, Emilia." Ipinakita ko sa kanya ang aking matamis na ngiti kahit klaro naman sa aking mata na ako'y nasasaktan. Ganoon talaga, kailangan pa ring ngumiti kahit sobrang sakit na. Batid ko rin sa aking sarili na siya lamang ang babae na aking iibigin hanggang sa huli.

"Patawad kung hindi ko maintindihan ang aking sarili ngunit ngayon sa aking nararamdaman, nakatitiyak akong mahal pa rin kita."

"Paano na si Agapito?"

"Hindi ko alam."

"Parang ako lang dati, a?" Bahagya pa akong natawa kaya siya rin ay natawa. Bumabalik sa kanya ang nangyari sa akin noon. Sa totoo lamang, nang aking malaman na sila ay may relasyon, ako ay nasaktan ngunit mas nagingibabaw sa akin ang saya para sa aking malapit na kaibigan.

Batid ko naman kung gaano niya kamahal si Emilia kaya aking naisip na karapat-dapat lamang na mapunta sa kanyang piling si Emilia. Hindi man siya mapunta sa akin, nakasisiguro naman akong siya'y ligtas sa kamay ng aking kaibigan.

"Batid ko na ngayon kung gaano kahirap para sa iyo ang mamili. Batid ko na ngayon kung gaano ka nahihirapan kung ano ang dapat mong gawin kase ako mismo ngayon ay nakararanas na," wika niya. Ramdam ko ang sinseridad sa kanyang tinig. Ngayong naranasan na niya ang aking pinagdaanan, batid kong alam na niya kung gaano kahirap at kabigat sa pakiramdam.

"Tama ka, hindi madali ang bagay na ito. Maging ako ay muntikan ng mabaliw kakaisip kung ano ang dapat kong gawin ngunit sa huli, ikaw pa rin ang aking pinili dahil batid ko na ikaw na talaga ang isinisigaw nito." Kinuha ko ang aking kanang kamay at inilagay sa tapat ng aking dibdib. "Nararamdaman mo ba ang pintig ng aking puso, Emilia? Ito lagi ang kasagutan sa aking mga katanungan. Ito lang ang alam kong dahilan. Ito lang."

Tumango-tango siya. "Mahal kita, Severino, mahal na mahal. Patawad kung hindi ko naiparamdam sa iyo. Patawad kung ako ay naguguluhan at umabot pa sa ganito." 

Nagkakamali, ka Mahal. "Naaalala mo ba ang gabing ikaw ay lilisan?" tanong ko na kanyang ikinatango. "Sa gabing iyon, lubos kong naramdaman ang iyong pagmamahal. Hindi sapat ang oras na iyon, oo, iyon ay aking inaamin ngunit mas pinili kong sulitin ang gabing iyon lalo na't ako ay walang kasiguraduhan na tayo'y muling magkikita." Hindi na ako nag-abala pang punasan ang aking luha. Para saan pa? Wala rin namang tigil sa pagluha ang aking mga mata. Mabuti na ring mailabas ko ito ngayong araw ang lahat ng sakit na aking kinimkim sa nagdaang pitong buwan.

Sa ngayon masasabi kong magaan ang aking loob kahit napupuno ng sakit ang aking puso. Sa lahat ng sakit, ang aking iniibig lamang pala ang magpapagaan ng aking nararamdaman.

Siya lang pala ang aking medisina. Hindi ako magiging ganap na manggagamot kung wala ang aking medisina.

"Kahit ganito ang ating sinapit masasabi kong ako pa rin ang pinakamasuwerteng lalaki sa mundo. Batid mo ba kung bakit?" Dahan-dahang sumilay ang aking matamis na ngiti. Napakaganda talaga ng aking mahal. "Sa kabila ng lahat ng nangyari sa atin, tayo'y nagkalayo, tayo'y pinagkaitan ng pagkakataon na magsama, mahal pa rin natin ang isa't isa. Iyon naman ang mahalaga, hindi ba?"

Sa lahat ng pangyayari sa aking buhay, ito ang hinding-hindi ko malilimutan. Ang tagpong ito ang nagturo sa akin kung gaano kaganda at kalungkot ang pag-ibig.

Ito rin ang nagpamulat sa akin kung ano ang kayang gawin ng magulang para sa kanilang anak.

Ito rin ang nagpasaksi sa akin ano ang maaaring maidulot ng matinding kalungkutan at sakit sa mga tao.

Ito ang nagsasabi sa akin na mayroong mga taong darating sa ating buhay upang tayo'y tulungan sa oras ng matinding problema. Mga taong magbibigay sa atin ng mga payo na magsisilbing gabay upang makagawa ng pasya.

May mga taong handang bumitiw at magparaya para sa kaligayahan ng kanyang malapit na kaibigan.

Ito rin ang naghatid sa akin ng aral kung hanggang saan kayang magsakripisyo ng isang tao para sa kanyang iniibig.

At higit sa lahat, ito rin ang nagpamulat sa akin sa katotohanan na maaaring mawala ang ating nararamdaman sa ating kasintahan at maaaring magkagusto sa iba.

Masaklap ngunit iyon ang mapait na katotohanan. Kay rami ng aral ang hatid ng pangyayaring ito.

"Nawa'y maitama ko ang lahat ng ito balang araw, Mahal. Nawa'y balang-araw, mangyari at umayon na sa atin ang tadhana. Kay tagal kong hinihintay na tayo'y muling magsasama at hangga't kaya ko, ako ay patuloy na maghihintay hanggang sa matupad na ang lahat ng aking mga hiling para sa ating dalawa," wika ko.

"Naniniwala akong isinusulat ng tadhana ang ating pag-iibigan tulad ng aking paniniwala na tayo'y magkikita at magsasamang muli sa kabilang buhay."

Mas lalong lumapad ang aking pagkakangiti sa kanyang tinuran at idinikit ang aking noo sa kanya. "Sa panahon na iyon, pareho na nating makakamtan ang inaasam nating walang hanggan na kaligayahan. Ikaw at ako sa panibagong panahon. Ikaw at ako hanggang sa kabilang mundo."

"Pangako, maghihintay ako sa iyo, Severino mahal, itatama ko rin ang lahat ngunit ngayon batid kong kailangan din tayo nina Agapito at Floriana. "

"Aking hihintayin ang panahon na iyon. Sa kabilang buhay man o sa ibang panahon. Ipinapangako ko rin iyan sa iyo, Mahal." Hinalikan ko ang kanyang kanang kamay. Tama ka. Kailangan nga nila tayo, Mahal. "Ngunit sa ngayon, kailangan nating harapin kung ano man ang buhay na mayroon tayo ngayon. Kailangan nila tayong dalawa, Emilia."

Pinunasan niya ang kanyang luha at huminga nnag malalim bago ngumiti. "Tama ka. Sa ngayon, ako'y magpapaalam muna."

"Paalam muli, Mahal, hanggang sa muli nating pagkikita. Mahal na mahal kita, Emilia." Sabay nating hintayin ang tamang panahon na iyon sa kabilang buhay man o sa kabilang panahon. Ipinapangako ko sa iyo kahit gaano pa iyon katagal - taon man o dekada, asahan mong ako'y maghihintay.

"Mahal na mahal din kita, Ginoong Severino."

Bago pa kami maghiwalay ng landas, aking hinawakan ang kanyang kamay nang mahigpit ng ilang minuto. Kailan ko kaya muling mahahawakan ang kanyang kamay kapag kami ay naghiwalay na?

Ang sakit. Mahal pa rin ang isa't isa subalit sa pangalawang pagkakataon, mas pipiliin na naman naming pakawalan ang isa't isa para sa kapakanan ng mga taong umiibig sa amin.

Saglit akong napatingin sa itaas, kitang-kita ang araw ngayong papalubog na ang buwan. Napakaganda. Gintong-ginto sa kalgitnaan ng kalawakan.

Saksi ang kalangitan, butuin at buwan sa aming pagmamahalan. Sa tuwing kami magkakausap, iyon ang aking napapansin. Higit sa lahat, mas saksi ang libo-libong bulaklak sa bawat luha, tawa, biro at saya na aming naramdaman.

Kung ako man ay bibigyan ng pagkakataon na humiling, tulad noon, aking hinihiling na sana dumating ang tamang panahon para sa amin.

Hanggang sa pangalawang pagkakataon, pinili pa rin namin na pakawalan ang isa't isa para sa kapakanan ng iba.

Hawak man ng iba ang aking huling pangalan, asahan mong ang aking puso ay sayong-sayo lamang.

Malayo man ako sa iyong piling, nawa'y huwag mong kalimutan ang ating sandaling pinagsahaman.

Wala akong ibang hinihiling kundi ang iyong yakap at halik. Nawa'y sa susunod na mga taon o dekada, iyon ay aking makakamtan na.

Binitiwan na namin ang kamay ng isa't isa at marahang tumalikod. Mula ngayon, ibang landas na ang ating tatahakin, ibang landas na ang naghihintay sa atin.

Hanggang dito na lamang, Mahal.

Nawa'y ang lahat ng hiling na binubulong ng aking puso ay mangyari.

Ikaw.

Tayo.

Ang aking tanging...

Hiling.