Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 26 - Kabanata 24 ✓

Chapter 26 - Kabanata 24 ✓

Malalim na ang gabi ngunit ang aking diwa ay buhay na buhay pa rin. Ako'y paikot-ikot sa aking kinahihigaan. Mabuti na lamang mahimbing ng natutulog si Delilah dahil kung hindi magtatanong na naman siya. Laging sumasagi sa aking isipan ang sinambit ni Agapito habang kami ay kumakain ng tanghalian.

"Sa unang araw ng Abril, mag-iisang dibdib sina Severino at Binibining Floriana."

Mula kanina hanggang sumapit ang gabi, nanatili lamang akong tahimik habang nakikinig sa kanilang usapan patungkol sa gaganapin nilang kasal.

Sa aking pagkakatanda, inanunsyo noon nina Don Luisito at Don Faustino na sila'y mag-iisang dibdib noong nakaraang taon - buwan ng Disyembre. Marahil sa dami ng nangyari sa nakalipas na panahon, napagpasyahan nilang ganapin ito ngayong darating na Abril kung kailan maayos na ang lahat sa pagitan ng kanilang mga pamilya.

Tama lamang na matuloy ang kasal. Nasira lang naman ang lahat nang dahil sa akin. Ito naman ang aking nais na mangyari - ang maging masaya silang dalawa, maging maayos ang lahat. Ito naman, hindi ba? Subalit bakit ganito? Ano itong pamilyar na aking nararamdaman? Ano ang ibig sabihin nito?

Bakit kumikirot ang aking dibdib?

Napahawak ako sa aking dibdib - ang bilis ng tibok. Sobrang tahimik ng paligid kaya naririnig ko rin ang pintig nito. Bakit ganito? Para saan ang sakit na ito? Hindi ba't ako'y tuluyan ng nakalimot? Naibigay ko na nga kay Agapito ang aking matamis na 'oo', e, imposibleng mayroon pa akong nararamdaman pa sa kanya.

Marahil ay naninibago lamang ako. Anim na buwan na rin ang nakalilipas mula ng ako'y makarinig ng balita mula sa kanya. Marahil nga ako'y naninibago lang. Sa dami rin ng nangyari, akin naman ng inaasahan na sila'y magkakatuluyan subalit hindi ko lang inaasahan na gaganapin ang kanilang kasal sa lalong madaling panahon. Mabilis lang ba ang anim na buwan o matagal na itong naplano ng dalawang pamilya?

Kung ano man iyon, hindi na ako manghihimasok pa. Itinapos ko na ang aking ugnayan sa kanya. Hindi ko na kailangan pang isipin kung ano pa ang susunod na mangyayari gayong batid ko naman na siya'y masaya na sa kanyang buhay.

Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata. Pipilitin ko ng makatulog kahit maraming bagay na pumapasok sa aking isipan. Hanggang sa aking isipan, mukha pa rin niya ang lumilitaw - nakangiti at umiiyak. Mali man sambitin subalit nakakapangulila. Ako'y nangungulila pa rin sa kanya subalit ako'y naniniwala, hindi aabot ng isang taon, hindi ko na mararamdaman ang ganito.

Ipinapangako ko iyan, wala pang isang taon, hindi ko na mararamdaman ang lahat ng ito.

------------------Pebrero 25, 1896----------------

Kasalukuyan akong naglilinis sa loob ng paaralan ng kababaihan nang matanaw ko sa kalayuan si Agapito na nakaupo at nagsusulat sa ilalim ng puno. Saglit kong iniwanan ang walis at inihabilin sa aking kasama bago ako tuluyang umalis.

Hindi pa rin niya ako napapansin gayong ako'y palapit na nang palapit sa kanya. Ano kaya ang kanyang isinusulat? Tila sobrang seryoso ng kanyang mukha.

Napaayos lamang siya ng upo nang tuluyan na niya akong nakita, sandali pang kumunot ang kanyang noo ngunit agad ding napalitan ng malapad na ngiti.

"Ano ang iyong ginagawa?" tanong ko at naupo sa kanyang gilid, may malaking espasyo sa aming pagitan.

Ipinakita niya sa akin ang papel. "Ako'y tutugon sa liham na ipinadala ni Severino noong nakaraang araw. Batid mo namang matagal pa niya ito matatanggap kaya ako'y nagsusulat na ngayon pa lamang."

Iyan pala ang kanyang pinagkakaabalahan. Napatango na lamang ako at napatingin sa paligid. Siya kaya'y dadalo? Itinatanong pa ba iyan? Sila'y malapit sa isa't isa kaya hindi na iyon kataka-taka.

"Nais mo bang dumalo?" rinig kong tanong niya.

Umiling ako bilang tugon. Hindi naman ako napaanyayahan, bakit ako dadalo roon? Isa pa, hindi na rin naman kailangan.

"Nagbabakasakali lamang ako kung nais mo nuling makita ang dating pamilya na iyong pinagsilbihan. Isa pa, wala rin naman akong nakikitang mali kung muli mo siyang makikita. Ikakasal na rin naman siya sa iba."

Lumingon ako sa kanya at siya'y nakangiti pa rin sa akin. "Ako'y nahihiya. Wala naman akong natanggap na imbitasyon."

Siya'y natawa at napailing. "Paano ka makakatanggap kung wala silang alam kung nasaan ka?"

Maging ako ay natawa. Oo nga pala. Kahit ni isang beses ay hindi ako nagpadala sa kanila ng liham kaya wala silang balita sa akin. Mayroon talagang oras na humihina ang proseso ng aking isip. Tiyak akong nakuha ko ito mula kay Georgina. Kumusta na kaya ang babaeng iyon?

Noong huli kaming nagkausap sa bahay-aliwan, tila mayroong kakaiba sa kanya at sa kanilang dalawa ng heneral na iyon. Dapat pala siya'y aking padalhan ng liham nang aking malaman ang kanyang kalagayan.

"Kung iyong nanaisin, maaari ka namang sumama sa akin. Hindi ko rin ipapaalam sa kanila ang tungkol sa iyong pagsama nang sa gayon sila'y masorpresa. Ayos ba?"

"Ayos." Muli akong ngumiti at tumayo na. Kailangan ko ng bumalik sa aking trabaho. Hindi rin makabubuti kung mayroong pari o madre ang makakakita sa amin. Isang lihim lamang ang aming relasyon dito sa loob ng Intramuros. "Ako'y babalik na roon. Mamaya na lamang tayo magkita sa bahay."

"Tatapusin ko lamang ito at babalik din ako agad sa aking dormitoryo. Mag-iingat ka, Mahal."

"Ikaw rin."

Habang ako'y naglalakad, napatingala ako nang magbagsakan ang mga tuyong dahon dahil sa lakas ng hangin. Mataas na rin ang sikat ng araw ngayon dahil magtatanghali-tapat na.

Biglang pumasok sa aking isipan ang sinambit ni Agapito. Ayos lamang ba talaga na ako'y bumalik doon at dumalo? Hindi rin naman masama, hindi ba? Wala namang mangyayaring masama kapag ako naroon? Saglit lang din naman kami roon at babalik din agad kami rito. Iyon ang aking pagkakarinig nang sila'y nag-usap noong natanggap niya ang liham.

--------------------Marso 19, 1896----------------

Muli akong tumingin kay Inay Sitang bago kami tuluyang sumampa sa barko at kumaway sa huling pagkakataon.

"Mag-iingat ho kayo, Inay! Babalik din po kami agad!" sigaw ni Delilah nang walang tigil sa pagkaway.

Ngumiti naman si Inay Sitang habang tumatango't kumakaway din. "Aking hihintayin ang inyong pagbalik."

"Paalam!"

Tuluyan na kaming pumasok sa loob at nagtungo sa isang malaking silid. Inilagay niya sa papag ang aming kagamitan at maayos itong pinagpatong-patong sa gilid.

"Sandali, Agapito, anong ginagawa natin dito?" Ito ba ang silid na kanyang binayaran? Tiningnan ko ng kabuuan ang silid. Ito ay tunay na malaki at maaliwalas ang paligid.

"Ito ang silid niyo ni Delilah. Ang akin naman ay nasa kabila lamang."

"Kuya, totoo po ba iyon? Ito po ang silid namin ni Ate Emilia?" Nanlalaking mga matang tanong ng aking kapatid, nakaawang pa ang labi habang tumitingin sa paligid.

Ito ang bagay na matagal na naming ninanais ni Delilah - ang makatulog sa malaking silid bagay na hindi namin matupad dahil malaki ang halaga ng bawat silid dito. Mukhang ito pa ang pinakamahal sa lahat dahil may kaibahan ito sa iba pang silid. Mayroong palikuran dito na wala sa iba. Mayroon ding mesa na mayroong bilog na salamin sa gawing kanan kung saan maaaring mag-ayos ang isang babae.

"Oo naman. Ito ay aking pinili para sa inyo."

"Maraming salamat, Kuya Agapito!'

"Nagustuhan mo ba rito, Mahal?" tanong niya sa akin nang siya'y makalapit at hinawakan ang aking kamay nang nakangiti.

"Oo naman, Mahal, maraming salamat ngunit maaari naman sa maliit na silid na lamang. Nakakahiya kumg ikaw ay gumasta ng malaking halaga para lamang dito." Hindi ko lang nais na siya'y gumasta ng malaki para sa amin. Sapat naman sa aming dalawa ni Delilah ang maliit na silid lang.

"Wala iyon, Mahal, lahat ay aking ibibigay para sa iyo. Batid mo iyan. Hindi mo ba nakikita kung gaano kasaya ang iyong kapatid? Hindi rin naman masama kung ito ay maranasan ninyo." Saglit niya akong niyakap at hinagkan ang aking ulo. "Mahal na mahal kita, aking binibini."

"Mahal na mahal kita din, Agapito. Maraming salamat."

****

Nakatanaw lamang ako sa kawalan habang nakatayo sa labas ng aming silid. Mayroon kaseng malapit na pinto rito patungo sa labas upang makapagpahangin at makita ang kabuuan ng dagat.

Kay ganda pagmasdan ng langit kahit kalahati lamang ang buwan. Malalim na ang gabi subalit mayroon pa ring iilan na naririto't nakikipag-usap, ang iba nama'y nagpapahangin lang. Marahil ay hindi sila makatulog.

Ako nama'y kagigising lang. Matapos naming ayusin ni Delilah ang iilan sa aming mga gamit, kami ay natulog sandali. Napahaba na pala ang aking pagkakatulog kaya ngayon ay mag-isa ako.

"Nakita mo ba ang ginoong malapit sa aking silid, Rosa? Siya'y pinagpala sa angking kagwapuhan. Nawa'y malaman ko ang kanyang pangalan," rinig kong sambit ng isang dalaga na hindi gaanong malayo sa aking kinapupuwestuhan.

Pinagmasdan ko siya mula ulo hanggang paa kahit pa, siya'y nakatagilid. Ang aking unang napansin ay ang kanyang matangos na ilong, maliit na labi, makinis at maputing balat. Masasabi ko rin na siya'y marikit. Siya'y hindi nalalayo kay Binibining Floriana.

"Sino roon? Hindi ko naman nakita," tugon naman ng kanyang kasama.

"Ipapakita ko sa iyo bukas. Huwag mo siyang agawin mula sa akin. Sa akin na iyon. Hanapan na lamang kita ng iba."

"Naku, Teresa, pagdating talaga sa mga ginoo ay napakatalas ng iyong mga mata."

"Saan kaya siya paroroon? Nawa'y malaman ko ang kanyang pangalan bukas na bukas rin." Bakas sa kanyang mukha ang pagkahanga sa ginoo na iyon kahit ngayon lamang niya nakita. Hindi kaya iyon ang tinatawag na pag-ibig sa unang tingin?

Nabanggit sa akin ni Georgina noon na naranasan niya iyon kahit hindi sila gaanong nagtagal ng lalaki dahil hindi niya nagustuhan ang asal ng lalaki kaya nagpasya na lamang siyang makipaghiwalay.

Hindi ko batid kung totoo ba iyon ngunit sa aking nakikita sa kanyang mukha ay tila totoo.

"Teresa Agoncillo, ikaw ay magtigil diyan. Maaaring mayroon ng nobya ang lalaking iyong pinagpapantasyahan. Maghanap ka na lamang ng iba." Umikot ang mga mata ng kanyang kasama at marahang hinampas ito sa balikat.

"Ngayon nga lamang ito, e, dahil wala si Ama. Batid mo naman ayaw niyang maghanap ako ng lalaki na para sa akin. Alam mo rin naman na matagal na akong naghahanap ng nobyo, hindi ba? Malay mo ang ginoong aking nakita kanina ang para na sa akin." Siya'y humagikhik at napatakip pa sa kanyang labi gamit ang kanang kamay. Bakit siya naghahanap ng nobyo kung kusa naman iyong darating sa kanya? May mga kababaihang naghahanap ng magiging nobyo gayong hindi naman iyon kailangan. Sila ba'y mawawalan ng hininga kung hindi sila makakahanap?

"Hali na nga tayo'y matulog na. Kailangan mo lamang itulog iyang nararamdaman mo. Mawawala rin iyan paggising mo," natatawang tugon ng isa at hinila ang kanyang kaibigan.

Hindi ko alam ngunit kusa na lamang gumalaw ang aking mga paa at sila'y sinundan. Nang malapit na ako sa aking silid, napatingin muna ako sa silid ni Agapito na nasa aking gawing kanan.

Laking gulat ko ng huminto ang nagngangalang Teresa sa katabing silid ni Agapito. Napapagitnaan naming dalawa ang silid ng aking nobyo, saglit siyang tumingin sa pinto nito bago tumingin sa akin.

Si Agapito ba ang kanyang tinutukoy? Nakangiti sa akin ang babae ngunit pinagtaasan ko lamang siya ng kilay. Nakaramdam ako ng inis bigla. Isang buwan pa lamang ang naitatagal namin ni Agapito subalit ako'y nakakaramdam na ng inis sa babae. Ngayon ko lamang ito naranasan dahil ngayon ko lang nakita't narinig na mayroong babaeng nahuhumaling sa kanya.

Pag-ibig sa unang tingin pala, ha?

"Mayroon ka bang problema sa akin, Binibini?" tanong niya sa akin. Nawala na ang kanyang ngiti at tanging pagkaseryoso na lamang ang makikita.

"May nobya na iyang pinapantasya mo," wika ko sabay bukas ng pinto. Bago ko pa tuluyang masarado ito, narinig ko siyang nagsalita.

"Ayos lang, Binibini, ikaw nama'y hindi nakasisiguro kung magtatagal sila, hindi ba?"

Agad akong humarap sa kanya at siya'y aking nakitang tumatawa habang papasok sa loob ng kanyang silid.

Nag-iinit ang aking dugo. Anong karapatan niyang sabihin na hindi kami magtatagal?

Nag-iinit ang aking ulo.

-------------------Marso 22, 1896-----------------

Pangatlong araw na namin dito at mayamaya lamang ay dadaong na ang barko. Kanina pa sumasama ang aking pakiramdam dahil kanina pa hindi inaalis ng babaeng iyon ang kanyang mga mata kay Agapito.

Hindi ba siya nahihiya? Sa harap ng nobya ng lalaking kanyang nagugustuhan, ginagawa niya iyan? Nangangati ang aking mga kamay. Kung maaari lamang sanang hilahin ang kanyang mahaba at maalon na buhok, noong isang araw ko pa ginawa.

"Mahal, ayos ka lamang ba? Ito na ang huling araw natin dito, aking napapansin na hindi maiguhit ang iyong mukha," nag-aalalang wika ni Agapito habang hawak ang aking kamay.

Kasalukuyan kaming naririto ngayon sa labas at nagpapahangin. Sinusulit namin ang natitirang oras para damhin at tignan ang ganda ng karagatan. Hindi rin gaanong mataas ang sikat ng araw kahit ala-una na ng hapon (1 pm).

"Kuya, aking narinig kanina na mayroon siyang binubulong. Siya raw ay naiinis sa isang binibini," wika naman ni Delilah kaya agad ko siyang pinanlakihan ng mga mata. Ang sarap tahiin ng kanyang labi.

Hindi ko nga magawang banggitin ang tungkol dito sa kanya dahil maaari niyang isipin na ako'y nagiging bata sa aking inaasal. Mali rin naman na ako'y mainis nang dahil lamang sa mababaw na rason ngunit hindi ko talaga mapigilan lalo na sa tuwing aking naaalala na tinataas ng babaeng iyon ang gilid ng kanyang labi at halos hindi na matanggal ang pagkakatitig kay Agapito.

"Binibini? Sino?"

"Wala," tanging tugon ko. Sinisikap ko namang hindi na lamang tignan ang babaeng iyon ngunit ang aking mga mata ay awtomatikong napapatingin sa kanya. Bakit kaya ganito? Mas lalo pa akong naiinis dahil kung panlabas na anyo ang pag-uusapan, ako ay walang laban. Pasarapan na lamang magluto, maaari pa akong manalo.

"Ikaw ba'y sigurado? Sino ba ang babaeng iyon? Ikaw ba ay inaway? Nais mo ba ang aking kausapin?"

"Bakit mo kakausapin? Nais mo siyang makilala?" Bahagya pang lumakas ang aking tinig at tumingin sa kanya muli na naging dahilan ng kanyang pagtahimik sandali. Napansin ko rin ang mariin niyang paglunok at ngumiti nang nahihiya.

"W-Wala akong sinasabing ganiyan, Mahal, ayos ka lamang ba? Masama ba ang iyong pakiramdam?"

Napahinga ako nang malalim at hinawakan nang mas mahigpit nag kanyang mga kamay. "Ayos lamang ako. Huwag ka ng mag-aalala pa. Mayroon lamang akong nakikitang bubuyog."

"Bubuyog?" Nakakunot na ang kanyang mukha ngayon at tumingin pa sa paligid. "Bakit wala naman akong nakikitang bubuyog?"

"Huwag mo na siyang hanapin. Sasakit lamang ang iyong mata." Ngumiti ako nang kaunti at inayos ang kanyang buhok.

"Sabihin mo lamang sa akin kung mayroong nananakit sa iyo, ha? Siya'y aking kakausapin para ikaw ay tigilan na niya."

Hindi ko alam kung ako ba'y maaawa o matutuwa dahil wala siyang kaalam-alam sa mga nangyayari. Hindi niya marahil napapansin na mayroong tumitig sa kanya. Matanong nga. "Mahal, mayroon ka bang napapansin na mayroong tumitingin sa iyo?"

"Mayroon" sabay ngiti niya.

Ako'y sandaling natigilan. "Sino?" Sa loob ng tatlong araw, aking napapansin na nakakasalamuha niya ang babaeng iyon. Napapansin niya kaya na mayroon itong pagtingin sa kanya?

"Ikaw." Mas lalong lumapad ang kanyang ngiti. "Aking napapansin na lagi kang tumitingin sa akin. Huwag kang mag-alala, wala naman akong napapansin na iba dahil ang aking mga mata ay nakatuon lamang sa iyo. Hindi mo kailangang mabahala." Hinalikan niya ang aking kanang kamay ng ilang segundo. Puso ko'y natutuwa sa kanya. Napakabait na ginoo. Mabuti na lamang hindi ako nagkamaling mahalin siya.

"Mabuti naman." Mabuti naman ngayon pa lang, binigyan na niya ako ng kasiguruduhan na hindi niya mapapansin ang ibang babae lalo na iyon. Kaya ngayon, mapapanatag na ang aking kalooban.

"Hali na, malapit ng dumaong ang barko. Ihanda na natin ang ating kagamitan." Ako ay kanyang inalalayan pabalik sa aming silid. Batid ko naman na maraming babae ang humahanga sa kanya lalo na sa kanilang paaralan ngunit kay sa babae lamang talaga ako nakaramdam ng kakaiba.

Pakiwari ko'y isa siyang banta. Hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Nag-iba bigla ang ihip ng hangin ng aking malaman na ang aking nobyo ang kanyang nagugustuhan.

****

"Ayos ka lamang ba rito, Mahal?"

Nakaawang lamang ang aking labi nang aking tignan ang kabuuan ng bahay-tuluyan na kanyang titirahan pansamantala habang naririto kami sa Las Fuentas.

"Mahal?"

"Ayos lang, Agapito. Ang ganda rito." Hindi ito nalalayo sa disenyo ng hacienda y Fontelo. Malaki at maaliwalas ang paligid na gawa sa pinaghalong kawayan at kahoy. Mayroon ding mga puting kurtina at maliliit na aparador para sa mga kasuotan. Mayroon ding mesa sa gilid ng higaan at maliit na lampara.

Hinawakan ko ang kama, ito ay malambot kaya ako ay umupo nang marahan. Natutulog na rin sa gawing kaliwa ng kama si Delilah nang kami ay makarating dito.

"Maaari ka na ring magpahinga kahit sandali lamang bago tayo mamasyal. Nasa kabilang silid lamang ako, a? Maaari mo akong tawagin kung mayroong problema." Ngumiti siya nang matamis bago lumisan.

Lumapit ako malapit sa bintana at dinama ang lamig ng hangin kahit hapon pa lamang.

Pitong buwan.

Pitong buwan na ang lumipas mula nang ako'y umalis dito. Aking inaamin na tunay akong nanibago at pakiramdam ko'y isa na akong dayo rito.

Pitong buwan lamang ngunit pakiwari ko'y isang taon na ang nakararaan. Nangulila ako bigla. Kahit maraming nangyaring hindi maganda sa akin dito, bumabalik sa aking alaala ang dalawang taon na aking pananatili rito. Iba't ibang pakiramdam, iba't ibang pangyayari.

Aking masasabi na dito ko tunay na naranasan ang totoong laban ng buhay kaysa sa pananatili ko sa San Diego. Hindi ko naman naranasan doon ang pagmamaltrato ng ibang tao kahit mas matagal ako roon.

Itong bayan ng Las Fuentas ang nagpamulat sa akin at nagbigay sa akin ng aral sa buhay. Hindi ako nagsisisi na ako'y bumalik dito.

Mayamaya lamang ay makikita ko ng muli ang pamilyang dati kong pinagsilbihan. Hanggang ngayon, sinasanay ko pa rin ang aking isipan sa kung anong maaaring kong sabihin sa kanilang lahat para naman mayroon akong masabi o masagot sa kanilang mga tanong.

Hindi naman ako makatulog, mainam siguro kung bisitahin ko muna si Georgina at ipaalam na ako'y naririto na para naman kami ay makapag-usap kahit sandali lang.

Kinuha ko ang aking balabal at ipinantakip sa aking ulo at sa ibabang parte ng aking katawan. Hindi ako nakatitiyak kung naalala pa ba nila ako o hindi na dahil sa nangyari noon. Maraming mga tao ang nakakilala ng aking itsura. Mas mabuti ng ako'y mag-ingat.

Dahan-dahan lamang akong naglakad habang tumitingin sa paligid. Sa aking pagkakaalala, hindi pa ito ang bayan. Ibig sabihin malapit lamang ang bahay-tuluyan sa hacienda y Fontelo?

Mas lalo kong tinakpan ang aking mukha ng aking makita ang paparating ang apat na guardia sibil. Ang mga tao ay biglang yumuko, tumigil sa paglalakad at ang iba nama'y humakbang pa-gilid upang bigyan sila ng daan.

Wala naman silang ginawang masama maliban na lang na mayroon silang itinulak na lalaki at napabagsak sa sahig.

Pamilyar sa akin ang uniporme ng isang guardia sibil. Sa kanilang apat, ang kanyang uniporme lamang ang naiiba. Ito ay kahawig sa uniporme ni Heneral Cinco. Naalala ko ito dahil mayroong apat na butuin sa gawing balikat. Sa iba naman niyang kasamahan ay isa at dalawa lamang.

Hindi ko gaanong nakita ang kanyang mukha dahil masyado siyang mabilis maglakad ngunit masasabi kong siya ay matikas at matipunong lalaki dahil sa kanyang malaking pangangatawan.

Sa ilang minuto kong paglalakad, aking naaaninag ang hacienda ng pamilya nina Ginoong Severino. Dahan-dahan akong naglakad patungong tarangkahan, nagtago sa malaking haligi ng poste upang hindi makita ng iilang guardia sibil na nagbabantay at nag-iikot at sumilip sa bintana ng kanyang silid.

Patay ang ilaw at wala rin akong napapansing anino. Marahil ay wala siya rito ngayon, marahil nasa hacienda pamilya De Montregorio upang asikasuhin ang nalalapit nilang pag-iisang dibdib.

Nanatili pa ako ng ilang minuto bago tuluyang umalis. Marahil, hindi pa ito ang tamang oras para kami ay magkitang muli.

Ngayon ko lamang naalala ang tungkol sa liham. Noong nakaraang buwan, ako ay nagpadala ng liham kay Georgina ngunit hanggang ngayon, wala pa rin akong nakukuhang tugon mula sa kanya. Mahigit isang buwan na ang nakalilipas.

Hindi ko naman alam kung saan ako tutungo ngayon gayong wala naman akong ibang mapuntahan. Nakita ko na lamang na ako'y dinadala ng aking mga paa sa puno ng mansanas.

Ako ay umupo sa gilid ng puno, isinandal ang aking likod at pumikit. Kay sariwa ng hangin at ang lamig pa. Kahit ako'y nakapikit, ramdam ko ang pagtama ng papalubog na araw sa aking mukha kaya ako ay napangiti. Gumagaan talaga ang aking pakiramdam sa tuwing ako'y nakakakita't nakakaramdam ng araw tuwing hapon.

Iyong isipin sa tuwina

Sa ating pag-iibigan

Ay di magtataksil

Sa kabilang dako man ng mundo

Ikaw pa rin ang tibok 🎶

Nawala ang aking ngiti at napakunot ang aking noo nang makarinig ako ng isang lalaking umaawit. Pamilyar sa akin ang awitin. Pakiwari ko'y narinig ko na ito noon.

Lahat ng hanap ko Sa buhay

Sa'yo ay aking natagpuan

Kaya iyong panaligan

Labis kitang minamahal 🎶

Hindi nga ako nagkakamali. Narinig ko na nga ang awiting ito noon. Dahan-dahan akong humarap at sumilip sa aking likuran kung saan ko naririnig ang nagmumulang tinig.

Nakita ko ang isang lalaking nakasandal sa kabilang puno. Hindi ko siya nakikita dahil sa gawing kanan siya ng puno nakapuwesto.

At sa habang may buhay

Ang puso ko ay tanging sa 'yo

Damhin at iyong paniwalaan

Ang iyong pagmamahal ang aking ligaya 🎶

Hinawakan ko ang aking dibdib na ngayo'y sobrang bilis ng tibok. Anong nangyayari? Bakit ganito ng aking nararamdaman? Pamilyar din sa akin ang kanyang tinig ngunit hindi ko lang talaga lubos na matandaan kung saan ko ito narinig. Bakit ba ako'y madaling makalimot?

Paulit-ulit na tumatatak sa aking isipan ang huling linya ng kanyang awitin. Hindi ko batid kung bakit ito ang aking sinasabi ng aking isipan ngunit iisang tao lamang ang aking naiisip ngayon.

Ginoong Severino?

****

"Hindi na lamang muna ako sasama, Mahal," wika ko kay Agapito habang nakaupo sa aming higaan samantalang siya'y nakatayo malapit sa pintuan.

Alas-siyete na ng gabi ngayon. Ngayon sana kami tutungo sa hacienda ng pamilya y Fontelo ngunit bigla akong nakaramdam ng kakaiba. Ang lungkot at ang sakit ng aking pakiramdam. Tila ako'y walang lakas para magpakita sa kanila ngayon. Magpapahinga na lamang muna ako at sa ibang araw na lang bibisita.

Siya'y lumapit at nakaupo sa aking harapan. "Ayos ka lamang ba? Mayroon bang masakit sa iyo?"

Dahan-dahan akong umiling. Ang bigat talaga ng aking pakiramdam mula nang ako'y umuwi galing sa puno ng mansanas. Hindi na ako nagtagal pa doon nang nauna siyang umalis sa akin.

Sa tindig niya pa lamang at ang kurba ng kanyang likod, alam ko na alam ko na siya iyon. Hindi ko na siya tinawag pa bagkus tinitigan ko na lamang hanggang mawala sa aking paningin.

Marahil, hindi niya alam na naroroon ako. Malayo rin ang kanyang tingin at ramdam ko ang bigat ng kanyang paghinga bago siya tumayo upang umalis. Mayroon kaya siyang pinagdadaanan? Siya ba'y malungkot? Ngayon ko na nga lamang siya muling makikita, bakit ganoon pa? Ang aking inaasahan na siya'y masaya't nakangiti, tila ngayon ay nag-iba.

Maging ako ay naapektuhan sa kanyang nararamdaman. Hindi ko man alam ang nangyayari sa kanya ngayon ngunit ramdam ko ang bigat at lungkot sa kanyang tinig habang umaawit.

"Nais mo bang dalhin kita sa bahay-pagamutan?"

"Kulang lang ako sa pahinga, Agapito, hindi pa kase ako nakakapagpahinga mula nang tayo'y magtungo rito." Pahinga lang ang gamot dito, magiging maayos din ang aking pakiramdam mamaya.

"Delilah, nais mo bang sumama sa akin?"

"Hindi na po, Kuya Agapito, sa susunod na araw na lamang po. Wala pong makakasama si Ate kung maging ako ay sasama po sa iyo?"

Humiga ako at pinikit ang aking mga mata. Naramdaman ko ang mainit na halik ni Agapito sa aking buhok at marahang hinawakan ang aking kamay.

"Hindi na ako tutungo roon upang bantayan ka."

"Hindi na kailangan. Pagod lang marahil ako. Mawawala rin ito mamaya. Magtungo ka na roon. Ikaw ay mag-iingat." Muli kong binuksan ang aking mga mata at sinalubong ang kanyang mga nag-aalalang tingin. "Ayos lamang ako. Pakisabi sa kanila na ako'y bibisita bukas o sa susunod na aras kapag mabuti na ang aking pakiramdam."

Wala na siyang nagawa pa kundi ang tumango't magpaalam. Batid ko naman na ayaw niyang umalis ngunit ayaw kong maabala ang kanyang lakad dahil lamang sa akin.

Nais ko rin talagang magpahinga at mapag-isa. Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Maging ang aking isipan ay kung ano-ano ang mga naiisip. Magpapahinga lamang ako sandali para sa aking paggising, mawala na ito.

****

Ang sakit.

A, ano ba iyon?

Iminulat ko ang aking mga mata nang dahan-dahan at pinapakiramdaman ang aking paligid. Mayroon akong naririnig na tumatama sa dingding.

Bumangon ako at dahan-dahang sumilip ng labas. Mabuti na lamang hindi ko pa tuluyang naiaangat ang aking ulo ng mayroong tumama sa aking ulo.

Ang sakit. Sabi na nga ba, hindi ako nananaginip. Mayroon talagang nambabato. Maliliit na bato pa ang ginamit. Sino ba ang gagawin nito? Hindi man lang nahiya sa bahay-tuluyan pa naglilikha ng gulo.

"Emilia? Emilia, nariyan ka ba?"

Sandali, Ginoong Severino? Tama ba ang aking narinig? Agad akong sumilip sa bintana at napaawang ang aking labi nang makita siya sa likod ng puno na hindi gaanong malayo rito at kumakaway sa akin.

"Ginoong Severino," bulong ko sa aking sarili.

Siya'y sumenyas sa akin na ako'y bumaba kaya agad akong tumalima. Hindi ko alam ngunit bigla akong nabuhayan. Biglang gumaan ang aking pakiramdam.

Kinuha ko ang aking balabal at mabilis na lumabas patungo sa puno. Nag-iinit ang aking mga mata. Ang bilis din ng tibok ng aking puso. Matapos ang ilang buwan, narito siya muli sa aking harapan, nakangiti at naghihintay sa akin.

"Emilia, kay tagal kitang hinintay."

----------

<3~