Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 24 - Kabanata 22 ✓

Chapter 24 - Kabanata 22 ✓

Nanatili siyang nakatayo sa aking harapan at nakatitig nang may labi sa akin. "Hindi na muna kita gagambalin sa iyong trabaho. Hihintayin kitang matapos hanggang mamayang hapon." Siya rin ay agad na tumalikod at marahang umalis hanggang siya'y mawala sa aking paningin.

May ideya na ako kung saan patungo ang aming pag-uusapan. Mukhang kailangan kong ihanda ang aking sarili sa pagsagot dahil batid kong marami siyang katanungan. Kahit naman siya'y nakangiti, iba ang aking napapansin sa kanyang mga mata. Sa paraan ng kanyang pagtitig sa akin, aking nararamdaman na mayroon siyang nais sabihin o itanong subalit mas pinili na lamang niyang hindi gawin sa ngayon.

Pagsapit ng dapithapon, magiliw na sinusuri ni Delilah ang bawat upuan dito sa kumbento kung pantay ba o mayroon bang panibagong dumi. Siya'y nakangiti at naglilikha ng matinis na tunog mula sa kanyang labi na tila nakanguso. Bakit tila siya'y masaya? Mayroon bang nangyari sa kanya na hindi ko nalalaman?

"Anong nangyayari sa iyo?" pagbasag ko sa aming katahimikan. Pinagkrus ko ang aking dalawang braso habang nakaupo. Mabuti na lamang walang nagaganap na panalangin o pagrorosaryo ngayon kaya kaming dalawa lamang dito.

Siya'y tumingin sa akin at mas lalong lumapad ang pagkakangiti. "Wala naman po, Ate. Ako'y tapos na. Maaari na po tayong magtungo sa tarangkahan." Siya'y lumapit sa akin at ako'y hinila. Hindi na ako nag-atubili pang sumagot at hinayaan ko na lamang siyang tangayin ako.

Sa tingin ba niya ako'y naniniwala? Ilang taon na kaming magsama kaya aking nalalaman kung siya ba'y nagsisinungaling o hindi. Panaka-naka siyang tumitingin sa buong paligid na tila may hinahanap. Hindi niya marahil napapansin na sinusuri ko ang kanyang bawat galaw.

"Inay Sitang! Kuya Agapito!" sigaw niya bago pa kami makalapit sa kanila. Bumitiw siya sa kanyang pakakahawak sa akin at tumatakbo habang papalapit sa kanila na ikinabagal ng aking paglalakad. "Akala ko hindi po kayo tutuloy. Ikaw pa naman po ay aking hinahanap habang kami ay patungo rito."

Napako ang aking mga mata kay Agapito na nakangiti at umayos ng tindig. Hindi niya marahil napapansin ang iilang mga kababaihan na napapatingin sa kanya sa tuwing sila'y napaparaan. Naalala ko ang sinabi sa akin ni Inay Sitang na halos lahat ng tao rito ay kilala siya at maraning humahanga sa kanya. ngayon nasaksihan ko na.

Kumunot ang aking noo sa sinambit ng aking kapatid. Ito ba ang dahilan kung bakit siya kakaiba ngayon? Palihim ko siyang hinawakan sa balikat kaya siya ay napatingin sa akin. "Batid mo bang narito siya ngayon?" Tanging tango ang kanyang itinugon ngunit ang kanyang mga mata ay nanunukso. Sumagi tuloy sa aking isipan ang kanyang sinambit sa akin nang kami ay naghatid ng pagkain ni Agapito sa kanyang dormitoryo. Nais niyang bigyan ko ang aking sarili na siya'y mahalin kapag ako ay handa na.

"Magandang gabi, Binibini, hindi ako maaaring hindi tumuloy," rinig kong wika ni Agapito kasabay ng paghaplos niya sa ulo nito at hindi makatingin sa akin nang diretso. Bakit ba siya nahihiya?

"Nagpaalam sa akin si Ginoong Agapito kung maaari ba siyang bumisita sa ating bahay kahit ilang oras lamang," wika naman ni Inay Sitang. Palipat-lipat ang kanyang tingin sa aming dalawa ni Delilah na tila naghihintay ng tugon.

"Batid ko na po iyon, Inay Sitang, nagkita po kami ni Kuya Agapito kanina at sinabi niya po sa akin iyon."

Habang kami ay naglalakad, hindi ko maiwasang hindi mapatingin kay Agapito na napapagitnaan nina Inay Sitang at Delilah na nasa aking harapan ngayon. Inaalalayan niya ang dalawa sa paglalakad lalo na madilim na ang paligid. Hindi sila nagkakalayo ng ugali ni Ginoong Severino na mahilig tumulong sa kapwa ngunit mas makikitaan ng pagkapilyo si Ginoong Severino kaysa sa kanya.

Kumusta na kaya siya? Sana ayos lamang ang kanyang lagay roon. Hindi ko maikakailang laman pa rin siya ng aking isipan sa araw-araw.

Tinulungan kong maghanda si Inay Sitang ng aming hapunan habang sina Delilah at Agapito naman ay nag-uusap sa maliit naming salas. Hanggang dito ay rining ang lakas ng kanilang tinig.

"Siya ba'y umaakyat na ng ligaw sa iyo, anak?" rinig kong tanong ni Inay. Aking napansin na siya ay naghahalo sa maliit na palayok samantalang ako ay naghuhugas ng aming pinaggamitan.

"Hindi po, Inay."

"Ako'y natutuwa dahil batid kong mayroong isang ginoo na nag-aalala para sa iyo." Magsasalita na sana ako kung ano ang kayang nais iparating nang siya'y muling nagsalita. "Ramdam ko kanina sa aming pag-uusap ang kanyang pag-aalala noong kayo ay nasa Las Fuentas pa naninirahan."

Naikuwento niya rin kaya ang aking naranasan noon?

"Hindi ko man alam kung ano ang iyong pinagdaan doon ngunit ang pag-aalala at pagmamahal na mayroon siya para sa iyo ay hindi mapapantayan."

Pinunasan ko ang aking kamay sa dulo ng aking saya bago humarap sa kanya. Nakatingin pala siya sa akin kaya ngumiti na lamang ako. Kapag sa ganitong sitwasyon, hindi ko alam ang aking dapat sabihin kaya mas pinipili ko lamang na manahimik o ngumiti.

"Ako ang kinikilig sa tuwing aking naiisip ang bawat tingin niya sa iyo. Nasaksihan ko iyon kanina habang kayo ay palapit sa amin habang kami ay naghihintay." Napatingin siya sa itaas na tila may iniisip. "Sumagi tuloy sa aking isipan ang aking kabataan. Kung paano ka niya tingnan kanina, ganoon din niya ako tingnan noon. Naalala ko ang tamis ng nakaraan." Sumulyap siya sa akin sandali bago tumalikod at haluin muli ang kanyang niluluto.

Napailing na lamang ako habang nangingiti. Nananatiling buhay ang kanyang pagmamahahal at alaala ng kanilang pinagsamahan sa kanyang puso kahit ilang taon na ang nakararaan. Kung mayroon mang pinakamakapangyarihan sa mundong ito, para sa akin, iyon ang pagmamahal. Ang daming nagagawa at nababago sa atin ng pag-ibig. Tulad ko, mga bagay na hindi ko inaasahan na magagawa ko para sa ibang tao kaysa sa aking sarili. Napakahiwaga, ika nga.

"Ihanda mo na ang hapag-kainan, tayo'y kakain na."

****

Pinagdikit ko ang aking palad at tumitingin sa paligid habang pinapakiramdaman ko siya sa aking tabi. Mayroon pa namang espasyo sa aming gitna ng ilang metro subalit pakiramdam ko kami ay sobrang malapit sa isa't isa.

"Kumusta ka naman, Binibining Emilia?" pagbasag niya sa katahimikan habang nakatingin sa kawalan.

"Ayos naman ako, Ginoo."

Muli na namang nabalot ng katahimikan ang paligid. Takbo ng karwahe sa iilang napapadaan at kuliglig sa kalangitan ang tanging maririnig. Marahil, maging siya, naiilang sa aming sitwasyon ngayon.

Sino ba namang hindi? Kahit naman mayroon akong iilang katanungan sa kanya, mas pinipili ko na lamang manahimik. Hindi ko mahanap ang tamang salita para sa aking mga katanungan. Bukod pa roon, nakararamdam din ng takot ang aking puso sa hindi ko malamang dahilan.

"Patawad kung wala ako sa iyong tabi, Binibining Emilia." Mahina ngunit sapat na para sa akin na marinig ang kanyang sinambit. Sinisisi niya ba ang kanyang sarili? "Wala akong nagawa para tulungan ka. Huli na nang malaman ko ang iyong napagdaanan."

"Sino ang nagsabi sa iyo?"

"Severino."

Agad akong napatingin sa kanya nang may halong pagtataka. Nakaawang din ang aking labi nang bahagya. "Paanong..."

"Noong huling linggo ng Hulyo, ako ay nagpadala ng liham para sa iyo. Mahigit tatlong linggo pa bago iyon matanggap ng pagbibigyan. Kahit ganoon pa man, ako ay matiyagang naghintay sa iyong tugon kahit batid kong matatagalan muli." Puno ng saya ang kanyang tinig na sinasabayan pa ng ngiti at tumingin sa akin. "Subalit, pagsapit ng buwan ng Setyembre, unang linggo mayroon akong natanggap. Akala ko noon, mula sa iyo ngunit nang makita ko kung sino ang nagpadala, pangalan iyon ni Severino. Sinabi niya sa akin na wala ka roon sa kanilang hacienda at nagtungo sa malayo dahil sa na-nangyari sa iyo." Ngayon, namumula ang kanyang mga mata at basag pa ang kanyang tinig. Kaunti siyang ngumiti kasabay ng paghinga niya nang malalim at napatingin muli sa kawalan. "Agad akong tumugon sa kanya at noong nakaraang buwan ko lamang natanggap ang kanyang huling tugon. Nais magagawa iyon sa iyo ni Binibining Floriana at Dona Lucia."

Liham? Noong mga panahon na iyon ay narito na kami sa Maynila. Kaya pala nalaman niya ang patungkol doon. Marahil, sinabi na ni Ginoong Severino ang katotohanan dahil batid niyang hindi rin niya iyon maitatago nang matagal.

"Nais kitang puntahan subalit hindi ko alam kung paano iyon gawin gayong maging siya ay walang alam. Nais kitang protektahan, yakapin ngunit hindi ko rin magawa. Araw-araw at gabi-gabi akong nananalangin sa Diyos na sana kahit nasaan man kayong dalawa ni Delilah, maayos ang inyong kalagayan."

Puno ng panghihinayang ang kanyang tinig at mukha. Naalala ko ang araw na dinalhan namin siya ng pagkain. Ganito rin ang maririnig sa kanya niyon. Iyong pakiramdam na mayroon kang nais gawin ngunit hindi mo magawa dahil hindi mo alam kung saan ka magsisimula? Ganito ang nangyayari sa kanya.

"Batid ko ang pakiramdam na hiwalayan ka ng iyong iniibig ngunit hindi naman tamang saktan ka niya na maaari mo nang ikapahamak nang husto." Muli siyang tumingin sa akin. "Hindi nabanggit sa akin ni Severino kung bakit at paano niya itinigil ang kanilang relasyon ngunit batid kong mahirap para sa kanya iyon."

Ibig sabihin hindi isiniwalat ni Ginoong Severino ang tunay na dahilan kung bakit niya ginawa iyon? Tanging sinambit niya lang ang nangyari sa akin sa bahay-aliwan? Akala ko lahat ng detalye ay sinabi niya?

"Nais ko sana siyang tanungin kung ano ang kanyang dahilan subalit mas pinili ko na lamang na manahimik. Marahil ay ayaw niyang sabihin sa ngayon o ayaw niyang sabihin sa akin." Kung sasabihin niya sa kanya, maaari siyang masaktan sa kanyang malalaman. Marahil, ayaw saktan ni Severino ang kanyang malapit na kaibigan kaya nilihim niya ito.

"Patawad, Ginoong Agapito." Kahit wala akong intensyon na siya'y saktan, siya pa rin ay aking nasaktan tulad ng aking naramdaman ngayon. "Lagi na lamang kitang nasasaktan kahit malayo ka na sa akin." Aking pakiramdam, hangga't mayroon pang kumokonekta sa aming dalawa, hindi siya makakawala sa sakit. Patuloy lamang gugulo ang kanyang isipan tulad ng nangyari kay Ginoong Severino. Minsan ba, paglayo na lamang ang tanging paraan upang hindi natin masaktan ang mga taong nasa ating paligid?

"Hindi mo naman kasalanan ang nangyari, Emilia, kahit wala ako roon nang iyon ay mangyari, batid kong hindi mo rin naman ninais na mapahamak ang iyong sarili o mapahamak ang ibang tao."

Natahimik na ako sa kanyang tinuran. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Tama naman siya subalit mayroon pa ring parte ng nakaraan na aking kasalanan. Tulad ng aking pag-ibig para sa kanya. hindi ba't kasalanan nga iyon kahit batid kong mayroon ng nagmamay-ari sa kanya? Pinigilan at nilabanan ko naman subalit tulad ng aking sinabi, mas lalo lamang lumala habang tumatagal. Paulit-ulit kong nakikita ang aking sarili na nasasaktan dahil paulit-ulit akong nahuhulog sa kanya.

"Maaari ko bang malaman ang dahilan kung bakit nakipaghiwalay si Severino? Baka mayroon kang nalalaman. Nag-aalala rin ako sa lalaking iyon. Sa dalawang taon naming pagkakaibigan, bihira lamang siya magsabi sa akin ng kanyang mga problema kaya batid ko kung gaano kahirap iyon para sa kanya."

Nagdadalawang-isip ba ako kung sasabihin ko sa kanya ang lahat. Sigurado ba siya riyan? Nais kong protektahan ang kanyang puso hangga't maaari subalit ang kanyang mga mata ay nangungusap at naghihintay sa aking tugon. Mayroon din naman siyang karapatan na malaman ang katotohanan dahil kaibigan niya ito. "Ngayon pa lamang ako ay humihingi na ng pasensya. Hindi ko nais na ika'y saktan." Bago pa siya magsalita, inunahan ko na siya. isinalaysay ko ang lahat ng pangyayari maging ang pag-ibig ko para sa kanyang kaibigan.

Paminsan-minsan ako ay tumitingin sa paligid para lamang hindi ko makita ang emosyon sa kanyang mga mata. Bagaman siya'y napapangiti subalit hindi maikakaila ang sakit at lungkot sa kanyang mga mata.

"Mayroon ka bang ideya kung bakit ako nagpaubayang muli kahit na ikaw ay lubos kong minamahal?" tanong niya matapos kong magkuwento. Inaasahan kong lalabas sa kanyang bibig ang sakit na kanyang nararamdaman lalo na nang malaman niyang pareho ang aming nararamdaman ni Ginoong Severino.

Tanging iling ang aking itinugon sa kanyang katanungan. Bagaman mayroong sumasagi sa aking isipan ngunit nanatili na lang akong tahimik at hayaan siyang magsalita.

"Batid ko namang si Severino ang tinitibok ng iyong puso noon pa man. Nakita ko ang sigla sa iyong mga mata sa tuwing ika'y tumitingin sa kanya at lungkot sa tuwing hindi kayo nagkakausap lalo na noong ikaw ay umuwi galing sa bayan ng sobrang gabi na. Iyon bang naghintay ako sa iyo sa labas ng tarangkahan. Naalala mo pa ba iyon?"

Nakapako lamang ang aking mga mata sa kanya at mariin ding napapalunok sa aking naririnig. Alam na niya subalit mas pinili pa rin niyang umamin sa akin bago siya umalis?

"Noong makita ko iyon sa iyong mga mata, alam ko na mayroon kang pagtingin sa kanya at ganoon din siya sa iyo. Ikaw ay malungkot at nasasaktan dahil hindi ka niya kinausap. Nais ko siyang saktan niyon dahil sinaktan ka niya ngunit pinigilan ko lamang ang aking sarili. Inisip kong baka mayroon siyang dahilan kung bakit niya iyon ginawa. Sa paraan ng kanyang pagtitig at paninibugho sa tuwing ako'y lumalapit sa iyo, ramdam ko iyon. Pareho kaming lalaki, Emilia, kaya kaht hindi niya man sabihin, aking nararamdaman. Hindi na ako nagulat nang sabihin mo iyon subalit ang mas aking ikinagulat ang ginawa niya para sa iyo." Sa ngayon, masasabi kong tunay na ang kanyang ngiti. Walang bahid na anumang lungkot o sakit. "Nagawa ka niyang ipaglaban kahit batid niyang wala siyang kasiguraduhan. Ako'y lubos niyang napahanga."

"Hindi ito ang aking inaasahan mula sa iyong labi, Agapito."

Marahan siyang natawa sa aking sinambit. "Ano ba ang iyong inaasahan, Binibining Emilia? Inaasahan mo bang ako'y magagalit kay Severino o sa iyo dahil nawalan ng saysay ang aking pag-ubaya?" Siya ay bumuntong-hininga. "Noong una, akala ko nasayang ang aking pagsasakripisyo ngunit nang aking marinig ang kanyang ginawa, sa aking palagay tama lamang ang aking ginawa. Hindi naman masamang piliin niyo ang inyong mga sarili kahit minsan, Binibining Emilia."

Pakiramdam ko, tutulo ang aking luha ano mang oras. Lubos akong nagpapasalamat na naiintinihan niya ang nangyari. Akala ko talaga siya'y magagalit sa isang dahilan na maaaring siya lamang ang makaalam.

"Pinili kong magpaubaya kahit ikakawasak iyon ng aking puso dahil higit pa sa kaibigan ang tingin ko kay Severino. Siya'y itinuturing ko ng kapatid kahit minsan na niya akong tinuring na kaaway pagdating sa iyo." Siya pa nga'y muling natawa at napailing. Marahil, naalala niya kung paano ito makipagtalo sa kanya noon. "Handa kong isakripisyo at kalimutan ang aking pag-ibig sa iyo. Hindi ko hahayaang mawala o masira ang aming pinagsamahan dahil lamang pareho kaming umibig sa isang babae."

Hindi ko na talaga batid ang aking sasabihin. Nauubusan ako ng salita sa aking naririnig. Ramdam ko kung gaano siya kaeryoso at ang sinseridad sa kanyang tinig. Ngayon ko lubos nauunawaan kung bakit nais ni Delilah na buksan ko ang aking puso sa kanya.

Akala ko noong una dahil lamang nakatatandang kapatid ang tingin niya rito o dahil dalawang beses na siyang nagpaubaya kundi dahil napakapuro ng kanyang puso. Ano ba ang hindi ko nakita sa lalaking ito?

"At hindi ko pinagsisihan ang pagsakripiso kong iyon dahil alam ko sa una pa lamang, mahal niyo na ang isa't isa. Masaya ako para sa iyo subalit nalulungkot din dahil ito ang inyong kinahinatnan."

"Hindi ko lubos isipin na magagawa mo iyon." Inabot ko ang kanyang kanang kamay at pinisil ito. "Maraming salamat, Agapito. Hindi ko alam kung paano ako magpapasalamat sa iyo gayong puros sakit ang aking ibigay sa iyo." Nag-iinit ang aking mga mata. Kung mayroon man akong nais gawin para sa kanya, nais kong bumawi. Nais kong palitan ng saya ang mga idinulot kong pasakit sa kanya.

Siya'y napatingin sa aming mga kamay at dahan-dahang inangat ang kanyang ulo. "Ako'y nagagalak na nalagpasan mo ang lahat na iyon kahit sobrang hirap."

"Ako pa ba, Ginoo?"

"Maaari ba akong sumugal muli?"

"Ha?" Ano ang kanyang ibig sabihin?

Ipinatong niya ang kabila niyang kamay sa magkahawak naming kamay at pinisil din iyon. "Nais kong sumubok muli kahit wala akong kasiguraduhan. Nais ko lang iparamdam sa iyo ang aking pag-ibig, Binibining Emilia. Hindi ko alam kung ba't hanggang ngayon ikaw pa rin. Hindi ko na marahil mahanap ang kasagutan patungkol dito." Marahan siyang natawa. "Hihintayin kong mawala ang kirot sa iyong puso bago ako pormal na umakyat sa iyo ng ligaw. Sa ngayon, hayaan mo muna akong ipakita at iparamdam ang aking pagmamahal." Siya'y ngumiti nang sobrang lapad na nagpaliit sa kanyang mga mata na puno ng pag-ibig at pakikiusap. "Kay tagal kong hinintay ang pagkakataon na ito, aking binibini."

Sa pangatlong pagkakataon, siya'y susugal muli sa akin? Ito na ba ang senyales na buksan ko ang aking puso para sa kanya?

-------------Nobyembre 15, 1895--------------

"Maraming salamat po, Aling Sitang, nakakahiya ako'y gabi-gabing nang-aabala sa inyo," tugon ni Agapito pagkatapos sumubo ng pagkain at ngumiti sa akin.

Mula ng araw na kami ay nagkausap, tatlong araw na ang nakaraan, tuwing gabi na siya bumibisita sa akin na mayroong pahintulot ni Inay Sitang. Ang sambit ko sa kanya, maaari naman niya akong kauspain kahit umaga o hapon kahit palihim lamang ngunit ayaw niya, hindi niya nais na ako'y gambalain sa aking trabaho. Kaya naman daw niya akong hintayin mula sa aking trabaho tuwing gabi.

"Ayos lang iyon, Ginoong Agapito, mabuti nga mayroong lalaking dumadalaw riyan sa aking anak." Mula rin ng malaman iyon ni Inay, mas nasabik pa siya kaysa sa akin. gabi-gabi raw siya magluluto ng masarap na pagkain para sa kanya. Napailing na lamang ako dahil doon. Maging si Delilah ay sabik na sabik na rin na ako'y magkanobyo.

"Kuya, kailan mo ba raw makukuha ang kanyang matamis na oo?"

Nabilaukan ito sa biglaang pagtanong ni Delilah. Agad niyang pinunasan ang kanyang bibig at inabutan ko naman siya ng tubig. "Maraming salamat." Dali-dali niya itong ininom habang nakatingala at muling tumingin sa amin nang namumula. "P-Paumanhin po hindi ko sinasadya. Nagulat lamang ako. Hindi ko po alam, Binibining Delilah."

Maging ako rin naman ay nagulat. Sino ba namang hindi? Hindi talaga tumitigil ang kanyang bibig sa pagsasalita. Ako ang nahihiya. Hindi pa nga ako pormal na sumasang-ayon, ayan na agad ang nasa kanyang isipan.

Kung siya na lang kaya sa aking posisyon? Hindi pa nga ako handa, e. nais ko kung papayag man ako, handa na ang puso kong magmahal muli hindi dahil nais ko lamang makalimot agad. Ayaw ko siyang gamitin para lamang sa aking pansariling kapakanan. Nais ko siyang bigyan ng puwang sa aking puso dahil kusa kong naramdaman ang pag-ibig.

"Huwag kang mga-alala, Kuya Agapito, nasa iyo po ang aking oo."

"Ako rin," tugon muli ni Inay Sitang.

Siya'y napahawak sa kanyang batok at mas lalong namula ang kanyang mukha. Ngyaon ko lang siya nakitang namula nang ganito. Ganito ba kalakas ang aking epekto sa kanya? "Maraming salamat po. Hindi ko sasayangin ang ibinigay niyong tiwala." Pinipigilan niya man ang kanyang sarili sa pagngiti ngunit ang saya sa kanyang mata ay sapat na para malaman ko na siya'y tunay na masaya.

Hindi ko sukat akalain na siya'y susugal muli sa pangatlong pagkakataon. Kung ang ibang tao ang nasa kanyang posisyon, hindi na iyon magdadalawang-isip na gawin muli ang bagay na iyon. Subalit siya, pinatunayan niya sa akin na mas higit pa roon ang kaya niyang gawin para sa akin. handa pa rin niyang ipaglaban ang pag-ibig niya para sa akin kahit batid niyang mayroong nagmamay-ari ng aking puso ngayon.

Matapos naming kumain, nagpahangin kami sa labas ng bahay habang nakatingin sa malayo. Laging ganito ang aming ginagawa – magkakamustahan, mag-uusap ng ibang mga bagay hanggang sa hindi namin mamalayan na masyado na pa lang malalim ang gabi.

"Maaari ba kitang ayaing mamasyal sa araw ng Linggo, Binibini?" sabay lingon niya sa akin.

"Saan?" Mabuti na lamang, pahinga namin ang araw na iyon. "Oo naman."

"Mayroon tayong pupuntahan. Tiyak akong ikaw ay matutuwa." Bakas sa kanyang tinig ang saya. Ano kaya ang ihahanda niyang sorpresa? Maging tuloy ako ay nananabik.

Mula nang ako'y mapadpad dito, hindi pa ako nakakapamasyal nang maayos dahil inuna ko ang paghahanap ng trabaho para makatulong kay Inay Sitang. Mayroon kaya akog magandang baro't saya na maisusuot? Nais ko namang maging maayos sa kanyang paningin lalo na't laging sinasabi sa akin ni Delilah na kailangan ko na raw matutong mag-ayos lalo na ngayong mayroon ng nahuhumaling sa akin. Sa araw ng Sabado, aking susubukan na magtungo sa pamilihan. Gagamitin ko ang aking kaunting ipon.

"Hindi mo lang alam, Binibining Emilia, araw-araw kong pinagpapasalamat sa Diyos na tayo'y nagkitang muli. Nitong mga nagdaang taon, pinipilit ko ang aking sarili na humanga sa iba subalit sa iyo pa rin pala babagsak ang aking puso nang paulit-ulit. Bakit kaya ganoon, ano? Anong mayro'n nsa iyo na wala sa iba?" Marahan pa siyang natawa at hinawakan ang aking kaliwang kamay. "Ano nga bang mayroon sa iyo kung bakit sa iyo ako paulit-ulit na nahuhulog?"

Napailing ako. Hindi ko alam ang aking isasagot. Ano nga ba ang mayroon sa akin kung bakit nahulog ang dalawang magkaibigan sa akin? Isa lamang akong ordinaryong babae na walang pinag-aralan. Isang babae na hindi maipagmamalaki kahit nino man.

"Maging ako man hindi ko batid ang sagot. Wala na rin akong balak pang hanapin ang sagot sa tanong na iyon basta tunay akng masaya na ngayo'y narito ka na sa aking tabi." Tumulo ang kanyang luha kaya agad siyang tumalikod sa akin para punasan ito. "Parang hindi naman akong tunay na ginoo nito." Siya'y tumawa pagkaharap sa akin at yumuko. "Paumahin sa aking inasal. Hindi ko sinasadya."

"Hindi naman ako iba sa iyo, Agapito, huwag ka ng maging pormal. Huwag mo rin sanang kalimutan na ikaw pa rin ang aking unang pinagsilbihan." Nakakahiya naman kung ako ay makatatanggap ng ganitong pagtrato mula sa isang ginoo na mayaman.

"Mula noon, hindi ko kinahiya na ako'y umibig sa isang binibini na tulad mo. Ano ang aking ikakahiya kung marangal na trabaho ang bumubuhay sa inyo?" Lumapit siya sa akin nang kaunti at ngumiti. "Wala ka dapat ikahiya, Emilia, nang dahil diyan kaya kayo ay patuloy na nabubuhay. Ang lipunan lang naman natin ang mali dahil nakikita nito ang malaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap."

Paano kung hindi na ako makatagpo pa ng lalaking tulad niya? Ang lawak ng kanyang pang-unawa tulad ni Ginoong Severino. Napangiti na ako at marahang tumango. "Paumanhin kung ganoon ang aking inasal. Hindi na mauulit."

"O siya, ako'y aalis na. Magkita na lamang tayo muli bukas. Magandang araw muli, aking binibini." Bago siya tuluyang maglakad palayo, sa huling pagkakataon, tumingin siya sa akin na tila ba nahihiya. Nakahawak sa kanyang batok at mukhang mayroong nais sabihin. "Mahal kita, Binibining Emilia."

Naiwan akong mag-isa rito nang nakatulala. Siya'y biglang umalis matapos niyang sambitin iyon. Ngayon ko na lamang muli narinig mula sa kanya ang mga katagang iyon.

Inilagay ko sa aking dibdib ang aking palad. Ang bilis ng tibok. Nakakapanibago. Hindi pa rin ako nasasanay sa tuwing mayroong nagsasabi niyon sa akin. Nais kong isipin na biro lamang ang lahat ngunit hindi.

"Mahal kita, Binibining Emilia."

"Mahal kita, Binibining Emilia."

"Mahal din kita, Emilia. Mahal na mahal."

Ipinilig ko ng aking ulo nang bigla na lamang sumagi sa aking alaala ang sinambit sa akin noon ni Ginoong Severino. Bakit ba bigla na lang siya sumusulpot sa aking isipan? Ayaw ko nga siyang isipin, e. Hayaan na nga. Darating din ang araw na tuluyan ko rin siyang makakalimutan.

---------------Nobyembre 19, 1895----------------

"Ang ganda mo, anak," wika ni Inay Sitang nang nakangiti at inaayos ang aking buhok na nakapusod na mayroong nakaipit peineta na kulay ginto't kumikinang.

"Oo nga po, Ate, tiyak akong mas lalong mahuhumaling sa iyo si Kuya Agapito," tugon naman naman ni Delilah kasabay ng paghagikhik.

Hindi pa rin ako makapaniwala sa aking itsura ngayon. kasalukuyan kaming nasa aming silid at nakaharap sa salamin. Kahapon lamang ay nagtungo kami sa pamilihan upang bumili ng bagong baro't saya na aking isusuot sa araw na ito. Isang kulay lila na mayroong kulay puti sa bandang ibaba ang nakakuha sa aking pansin. Sakto lang ang haba at laki nito sa akin na nagpapahapit sa aking katawan.

"Hindi ko akalain na ikaw pala'y balingkinitan, Emilia."

Halos lahat naman ng aking baro't saya ay napaglumaan na ng panahon, butas-butas, naghihimulmol at may kaluwagan na. Ngayon na lamang muli ako nakabili ng aking bagong kasuotan kaya ako ay naninibago't hindi mapalagay.

"Sapat na po ba ito? Maayos na po ba ako?" Ayaw ko namang magmukhang marumi sa harap niya sa araw na ito. Hindi ko alam kung sapat na ba ito para maging maayos sa kanyang harapan. Bahagya pa akong tumagilid pakaliwa't kanan upang makita ang aking bawat anggulo habang nakahawak sa aking saya.

"Mas marikit ka pa kaysa ni Binibining Floriana, Ate Emilia!"

"Imposible iyon." Kahit kailan, kung ang panlabas na anyo ang pag-uusapan, wala akong laban sa kanya.

"Ikaw nga ang pinili, e!" sabay tawa niya kaya marahan ko siyang kinurot sa kanyang tagiliran. "Totoo naman ngunit kung ayaw mong maniwala, ayos lamang."

"Nakatitiyak akong mas lalo siyang iibig sa iyo. Bukod sa iyong taglay na kagandahan, hindi maitatangging mayroon ka ring magandang kalooban. Hindi na iyon kataka-taka kung bakit hanggang ngayon ay ikaw pa rin."

Napayuko na lamang ako sa tinuran ni Inay Sitang. Pakiramdam ko tuloy ako na ang pinakamarikit sa lahat ng binibini na naririto. Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman sa lahat ng nangyayari sa aking buhay ngayon ngunit nangingibabaw ang tuwa sa aking puso ngayon. Nais kong maging masaya kaya pipiliin ko ang maging masaya araw-araw.

"Magandang umaga po, Inay Sitang."

"Hayan na siya, Ate!" Agad na lumabas si Delilah at muling sumigaw. "Magandang umaga po, Kuya Agapito. Tuloy po kayo!"

"Maraming salamat."

"Ikaw ba'y handa na?" tanong ni Inay na aking ikinatango.

Sa huling pagkakataon, inayos kong muli ang aking sarili bago ko ihakbang ang aking mga paa sa paglabas ng silid habang ako'y nakayuko't kinakagat ang kuko. Hindi ko kayang makita ang kanyang reaksyon sa aking ayos ngayon. Ako'y nahihiya. Sa aking pagkakatanda, marahil, ito ang kauna-unahang beses na ako'y humarap sa kanya ng ganito. Ang bilis ng tibok ng aking puso. Bakit ganito?

"Ate, ipakita mo kay Kuya Agapito ang iyong mukha," wika ni Delilah at lumapit pa sa akin upang iangat ang aking ulo. "Ayan! Ano po ang iyong masasabi, Kuya Agapito?"

Agad na tumama sa kanya ang aking mga mata. Siya'y napatulala, nakaawang pa ang bibig at dahan-dahang tumayo. Inaasahan ko naman na magiging ganito ang kanyang reaksyon dahil maging ako man ay ito rin ang naramdaman subalit hindi ko naman inaasahan na siya'y tititig sa akin nang ganyan. Tiningnan niya ako mula itaas hanggang ibaba at unti-unting sumilay ang matamis na ngiti.

"Bumaba marahil ang pinakamagandang butuin dito sa lupa mula sa langit kahit umaga pa lamang. Nakikita ko siya ngayon sa aking harapan," wika niya at lumapit sa akin. "Ang ganda mo, Binibining Emilia."

Ramdam ko ang pag-iinit ng aking pisngi ngayon. Ako'y nahihiya at natutuwa rin. Masaya ako na nagustuhan niya ang aking ayos ngayon. Sa tulong ba naman nina Delilah at Inay, ako'y lubos na nagpapasalamat. Hindi ko lubos maisip na myroon akong igaganda lalo na't sa buong buhay ko, madalas akong makatanggap ng panlalait at inaapakan ang aking pagkatao.

"Maraming salamat, Ginoong Agapito," wika ko.

"Kayo'y humayo na. Baka umabot pa kayo ng tanghali sa daan," wika ni Inay Sitang at inalalayan kaming lumabas ng bahay.

"Mag-iingat po kayo!"

"Magsaya kayo! Sulitin niyo ang araw na ito, ha?"

****

"Ikaw ba'y handa ng makita silang muli, Binibining Emilia?" tanong niya na aking ikinataka. Siya pa'y nakangiti habang nakatingin sa akin.

Muli? Sinong sila? Mayroon ba akong kilala rito sa hacienda? Ang nasa aking isipan, kami ay mamamasyal sa isa o dalawang lugar ngunit kami ay nakatayo sa harap ng isang hacienda.

Muli akong tumingin sa hacienda. Sa unang tingin pa lamang, masasabi ng ito'y gawa sa matibay na kahoy at malaking hardin sa magkabilang gilid. Kitang-kita ang mga naggagandahang bulaklak na sumasayaw habang dinidiligan ng isang kasambahay. Sandali lamang, tama ba ang nasa aking isipan? Ibubuka ko pa sana ang aking bibig upang magtanong nang mayroon akong narinig na tinig.

"Magandang umaga sa iyo, Emilia."

"Doña Amalia?"

Siya'y nakangiti nang matamis at marahang pinapaypayan ang sarili gamit ang malaki niyang asul na abaniko. "Ako nga. Maligayang pagdating sa Hacienda Nuncio."

-------

<3~