Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 23 - Kabanata 21 ✓

Chapter 23 - Kabanata 21 ✓

[A/N: Magandang tanghali, mga puso! Nais ko lamang sabihin sa inyo na tapos ko na ang nobelang ito.! ☺️Ito ay may kabuuang 37 kabanata. Sana hanggang sa huli ay iyong masubaybayan. Maraming salamat sa pagbabasa kahit active man o hindi. Spread love!]

"Ili...ligtas k-kita...Emil...ia."

Napatigil ako sa paghaplos ng kanyang buhok at napakurap ng ilang beses. Ako ba ang kanyang tinutukoy? Mayroon pa ba siyang ibang kilalang Emilia rito sa Maynila maliban sa akin?

"Ililigtas ki...ta sa kani...la. Hintayin mo ako, a...king binibi...ni."

Aking binibini

Bumalik sa aking alaala ang gabing nagpaalam siya sa akin noong nasa Las Fuentas pa lamang kami. Tinawag niya akong 'aking binibini', ibig sabihin, ako ang kanyang tinutukoy?

Hindi ko maintindihan. Kung ako ang kanyang tinutukoy, bakit iyan ang lumalabas sa kanyang bibig? May kinalaman ba ito sa nangyari sa akin noon? May nalalaman ba siya?

Ang kanyang mukha ay hindi mapalagay. Tila mayroon siyang nais pang sabihin dahil paulit-ulit na kumukunot ang kanyang noo at gumagalaw ang kanyang labi nang walang nililikhang tunog. Mayamaya lamang, mayroong tumulong luha sa kanyang kaliwang mata at siya'y napahagulhol.

"Emilia, patawad kung hindi kita napuntahan agad noong ika'y nangangailangan ng tulong. Wala man lang akong nagawa para sa iyo. Patawad, aking mahal. Pa...tawad."

"Ate, ito na po...Kuya Agapito? Ate, bakit po siya lumuluha?"

Tama, ako nga ang kanyang tinutukoy. Napapakit na lamang ako sandali, inabot ang bimpo at sinumulang punasan nang marahan ang kanyang mukha. Patuloy pa ring tumutulo ang kanyang luha nang hindi niya namamalayan. Bakit siya humihingi ng tawad?

Hanggang ngayon, siya pa rin ay aking nasasaktan. Hanggang ngayon, ako pa rin ang kanyang iniibig. Paano niya nalaman na mayroong nangyari sa aking hindi maganda? Hindi ko naman siya pinadalhan ng liham mula nang siya'y umalis.

Sa dami ng nangyari sa akin, nawaglit na sa aking isipan na siya'y kumustahin. Hindi ko na rin naalala pa na maaari akong humingi sa kanya ng tulong kapag ako'y nahirapan.

Ramdam ko ang sakit sa bawat salitang kanyang binitiwan. May bakas ng pagsisisi at panghihinayang. Ganoon nga marahil, kung mayroon kang nais gawin ngunit hindi mo nagawa, maaaring bumalik sa iyo ang alaala sa pamamagitan ng iyong panaginip. Tanging pagluha na lamang ang maaaring gawin nang paulit-ulit.

Kung hindi pa kami inutusan ni Madre Ligaya, hindi ko pa malalaman ang tungkol dito. Ibig sabihin mayroon nga siyang nalalaman?  Kailan mo pa nalaman, Ginoong Agapito?

Dala na rin siguro ng malamig na tubig na dumadampi sa kanyang balat, unti-unting guminhawa ang kanyang itsura. Nawala ang pagkakunot ang noo at ngumiti nang marahan na tila may naaalala.

Ngayon na lamang din ako nagkaroon ng pagkakataon na siya'y masilayan nang malapitan. Ang kanyang makapal na kilay, mahabang pilikmata, matangos na ilong at may kakapalan na kilay ay hindi pa rin nakakasawang tignan. Tulad ni Ginoong Severino, mas lalo siyang lumitaw ang kanyang kagwapuhan.

Maging ang kagandahan ng kanyang kalooban, sa nagdaang mga taon, hindi pa rin ito nagbabago. Ano nga ba ang hindi ko makita sa kanya? Halos lahat ay nasa kanya na. Bakit hindi na lang siya ang minahal ng aking puso sa gayong hindi na mangyari lahat ng ito? Bakit hindi ko matutunang mahalin siya? Maaari namang turuan ang puso, hindi ba?

Kung siya marahil ang aking inibig, kapwa kaming masaya na tila may sariling mundo. Walang taong manggugulo at mananakit sa amin. Kung siya marahil ang aking inibig, hindi ako masasaktan ng ganito at aayon pa sa amin siguro ang tadhana na ipinagkait sa aming dalawa ng aking tunay na minamahal.

Sana ikaw na lamang, Agapito, sana ikaw na lamang.

"Ate Emilia, ikaw ay lumuluha."

Napatingin agad ako sa aking gilid, namataan ko ang aking kapatid na titig na titig sa akin. "Kanina ka pa rito?"

"Opo, masyadong marami kang naiisip kaya hindi mo ako napansin." Siya'y ngumiti nang marahan, pinunasan ang aking pisngi. "Hindi ko po batid kung anong dahilan upang ikaw ay lumuha subalit, Ate, ayaw ko nang makita pa na ikaw ay lumuluhang muli dahil sa nangyari noon." Sinimulan niyang ayusin ang nagkalat na gamit ni Agapito. "Aayusin ko po ito para maaliwalas ang kanyang paligid sa oras na siya'y magising."

Bakit hindi ko man lang siya naramdaman? Ganoon na ba karami ang aking naiisip kaya hindi ko na nararamdaman ang kanyang presensya?

"Ate, hindi ko man nakita ang iyong pagluha noong mga panahong ikaw ay inalisputa ng mga tao ngunit batid na batid ko kung paano ka umiyak. Minsan ka lamang lumuha, Ate Emilia, kapag hindi mo na kaya. Kung ako ang iyong tatanungin, mas nanaisin ko pang makalimutan mo na nang tuluyan si Ginoong Severino at magsimulang muli. Kung maiisip mong buksan ang iyong puso sa pangalawang pagkakataon, nanaisin kong si Kuya Agapito na lamang ang iyong mahalin dahil aking nararamdaman ang kanyang pagmamahal para sa iyo."

"Delilah," tanging nasambit ko. Hindi man siya nakatingin sa akin habang sinasabi iyon ngunit ramdam na ramdam ko ang pag-alala sa kanyang tinig. Kay bata-bata pa niya para sa ganitong bagay ngunit parang ang dami na niyang nalalaman. Minsan lamang siya magbigay sa akin ng payo kapag nararamdaman niyang mayroong bumabagabag sa akin dahil madalas ang kanyang ginagawa, tinutukso lamang niya ako bagay na aking nakasanayan.

Nang matapos siyang mag-ayos, siya'y tumingin sa akin nang seryoso lamang at sandaling sumulyap sa aking tabi. "Huwag mo po sanang sayangin ang kanyang pagmamahal. Batid po nating dalawa na matagal ka na niyang mahal, Ate, at sa aking palagay, dalawang beses na rin siyang nagpaubaya."

Bumigay ang aking dibdib sa kanyang tinuran. Pakiramdam ko'y kasalanan ko ang lahat. Kasalanan ko kung bakit ko nasasaktan ang lalaking nasa aking tabi ngayon. Hindi ako mababaw na tao ngunit napapadalas ang aking pag-iyak pagdating sa ganitong bagay.

Tanging ngiti na lamang ang aking itinugon kay Delilah kasabay ng pagpunas ko sa aking nagbabadyang luha at humarap muli kay Agapito.

Dalawang buwan pa lamang ang nakararaan, hindi pa ako handang magmahal muli.

Ngunit kung ako'y handa na, nais ko sana sa pagkakataong ito matutunan na kitang mahalin, Agapito.

****

"Bakit narito ka pa?"

Napaangat ang aking ulo nang aking marinig ang tinig ni Nanay Sitang at napatingin sa kanya saka siya naupo sa aking tabi.

Narito kami ngayon, naupo sa papag sa bandang pintuan. Tahimik at malamig ang simoy ng hangin ngayong gabi kaya aking naisipan na magpalipas muna ng oras hangga't hindi pa ako nakakaramdam ng antok.

"Hindi ka pa ba inaantok?"

"Opo." Hindi mawala sa aking isipan ang mga sinambit kanina ni Agapito habang siya'y natutulog. Kumusta na kaya siya ngayon? Nawa'y bumaba na ang kanyang lagnat.

"Kumusta naman ang kalagayan ni Ginoong Agapito, anak?" Siya'y nakatingin sa kawalan nang iyon ay kanyang itanong kaya maging ako ay napatingin sa paligid.

"Matapos ko po siyang punasan, kami po ay nag-iwan ng liham na kainin niya ang aming dinala." Hindi na namin siya ginising dahil kailangan niya ng pahinga bagkus nag-iwan na lamang kami ng liham at isinulat ang pangalan ni Madre Ligaya sa ibaba.

Hindi na niya kailangan pang malaman na kami ang nagdala ng pagkain sa kanyang dormitoryo. Ayos na sa akin na siya'y aking naalagaan kahit sa simpleng paraan man lang.

"Siya pala ay iyong kilala. Marahil ay hindi mo pa alam ngunit malapit sa isa't isa si Ginoong Severino at Ginoong Agapito. Halos lahat ng paring misyunero na nagtuturo sa kanila ay humahanga sa kanila dahil sa kanilang kahusayan sa pag-aaral."

Napangiti ako. Noon pa lamang, batid ko na mahusay at matalino rin si Agapito dahil nakikita ko siyang nagbabasa ng librong medisina. Madalas niya ring sabihin sa akin na iyon ang kanyang nais na propesyon kaya hindi na ako magtataka kung bakit marami ring tao ang humahanga sa kanya.

Ang hindi ko lang inaasahan, sila pala ay magkakilala at malapit pa sa isa't isa. Kung hindi lamang siya nagbakasyon sa hacienda y Fontelo, hindi pa namin malalaman ni Delilah.

Anong klaseng tadhana ang mayroon kami? Tila kay liit ng mundo para sa amin.

"Hindi naman sa nais kong manghimasok sa iyong buhay, Emilia anak, ngunit kaninang tayo ay pauwi na, aking napansin na tahimik ka lamang kaya ako ay nagtanong sa iyong kapatid." Napansin kong siya'y tumingin sa akin at ngumiti nang marahan. "Nais ko lamang makatulong sa iyo. Bilang iyong pangalawang ina, nais kong malaman ang iyong kalagayan. Aking nararamdam na mabigat ang iyong dinadala kahit wala kang sabihin sa akin."

Hinawakan ko ang kanyang kamay at hinaplos ito. Kahit papaano, masasabi ko na ako'y masuwerte. Sa kabila ng pait na aking naranasan noon, mayroon pa rin akong nakatagpong pamilya rito sa Maynila - ina na hindi ako pinapabayaan.

Nakita ko na lamang ang aking sarili na siya'y aking niyayakap. Hindi ko batid ngunit ako ay masaya. Ina rin ang turing ko kay Doña Criselda subalit hindi ako nagkaroon ng pagkakataon upang siya'y yakapin.

Nang maramdaman ko ang yakap sa akin ni Nanay Sitang, mas lalo kong hinigpitan ang aking pagkakayakap. Ngayon ko na lamang din naramdaman ang mainit na yakap ng isang ina. Sobrang sarap. Tunay na nakakabawas ng problema.

"Maraming salamat po, Nay," mahinang sambit ko. Isinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat at pumikit. Pakiramdam ko, buhay si Inay at nananahan sa loob ng katawan ni Nanay Sitang. Naisip ko tuloy na kaya marahil nakilala namin si Nanay Sitang dahil siya ang ipinadala nina Inay at Itay para sa amin ni Delilah.

Siya'y humiwalay at tumingin sa akin. "Maaari mong isalaysay sa akin. Ako'y handang makinig."

"Ano po ba ang aking ikukuwento?" natatawa kong tanong. Sa aking palagay, hindi ko na dapat pang ikuwento ang nangyari kanina sa kanyang dormitoryo. Ayos lamang ako.

"Ikaw ba'y nahihirapan sa pagpili?"

Pagpili? Kumunot ang aking noo. Ano ang kanyang ibig sabihin? Ano ang aking pagpipilian?

"Si Ginoong Severino at Ginoong Agapito."

Napatigil ako sandali. Bakit niya naisip iyon? Nais kong magsalita ngunit walang lumalabas sa aking bibig. Nang aking marinig ang kanyang pangalan ay muling tumibok ng mabilis ang aking puso. Severino. Hanggang ngayon, nagagawa niya pa ring patabukin nang ganito ang aking puso.

Batid rin ba niya na mayroong pagtingin sa akin si Agapito? Paano niya nalaman kung wala naman akong naikukwento sa kanya? "Kung ako ang nasa iyong posisyon, hindi ko rin batid kung ano ang aking gagawin. Iyan ang mahirap sa pag-ibig kaya mas pinili ko na lamang na hindi mag-asawa kaysa pumasok sa isang relasyon na hindi naman makapagpapasaya sa akin."

Ang kanyang tinig ay matamlay. Mahahalatang siya'y malungkot kasabay pa ng pagtingin niya muli sa kawalan at malalim niyang paghinga.

Siya nga. Nabanggit niya noon na siya'y mag-isa lamang dahil sa ganoong paraan lamang daw matatahimik ang kanyang buhay.

"Mahirap mamili, anak. Kung ang tao bang nagmamahal sa iyo nang lubos o ang taong iyong minamahal. Sa aking karanasan noon, tila ipinagkait sa amin ng tadhana ang maging masaya. Hindi pa nga kami nakapagsisimula ng aming wagas na pag-iibig, siya'y binawi na sa akin ng Panginoon."

"Po?" Siya'y pumanaw na?

Siya'y ngumiti at marahang tumango. "Magkukwento lamang ako sandali para mas lalo mong maunawaan. Bago ko siya nakilala, naranasan kong umibig ng dalawang beses ngunit mula nang magtagpo ang aming landas at nahulog sa isa't isa, masasabi kong siya ang minahal ko nang lubusan higit pa sa aking buhay." Mayroong tumulong luha kanyang kanang mata kasunod sa kabila at nauwi sa sunod-sunod na pag-iyak. Pinunasan niya agad ang kanyang luha at natawa. "Patawad, ako'y matanda na ngunit umiiyak pa rin."

"Wala naman po sa edad ang pag-iyak, Nay Sitang." Siya'y aking hinawakan sa likod at paulit-ulit itong hinaplos para kahit papaano ay gumaan ang kanyang pakiramdam.

"Noong araw na iyon, ako ay naunang nagtungo sa aming tagpuan dahil ako'y nasasabik na siya'y makita dahil iyon na ang araw na nais kong ibigay sa kanya ang aking matamis na oo. Natanaw ko na siya sa kabilang kalsada at  tumawid s-subalit..." Siya'y humugot ng malalim na hininga bago muling magsalita. "S-Subalit siya'y nasagasaan ng rumaragasang karwahe ng guardia sibil dahil hinahabol nila ang lalaki na lulan ng kabayo na saktong dumaan sa kalsada habang siya'y tumatawid. Siya'y nagpaikot-ikot sa sahig at tumama ang ulo sa matulis na bato kaya mabilis nagkalat ang dugo sa sahig."

"Na-Nasaksihan po ninyo?"

Dahan-dahan siyang tumango at humagulhol. "Wa-Wala ng mas sasakit pa na makitang nawalan ng buhay ang iyong minamahal sa iyong harapan."

Napadiin ang aking pagkakahawak sa kanya dahil sa aking narinig. Ngayon ko lamang narinig ito. Paano niya nagawang kayanin ang sakit na ito sa loob ng maraming taon? Tila walang-wala ang aking sakit na nararamdaman sa sakit na kanyang pinagdadaanan ngayon. Hindi ko lubos maisip na sa kabila ng kanyang pagngiti sa amin araw-araw, mayroon pa lang nakakubling matinding sakit.

"Inabot ng mahigit isang taon bago ko tuluyang tanggapin na siya nga'y wala na. Sinubukan ko ring buksan ang aking puso sa iba tulad ng sinasabi ng iba subalit ang puso ko na ang nagsasabing ayaw na niyang magmahal ng iba. Hindi ko na pinilit ang aking sarili na magmahal muli at mas pinili ko na lamang na tumandang mag-isa. Sa kanya ko lamang kase nakikita ang aking sarili na makasama sa hinaharap ngunit nang siya'y na-nawala...hindi ko na nakita pa ang aking sarili sa iba." Siya'y muling tumingin sa akin at hinawakan ang aking kaliwang kamay. "Huwag kang tumulad sa akin, anak. Mahirap ang tumandang mag-isa. Mahirap ang walang katuwang sa buhay subalit mas mahirap pumasok sa isang relasyon na hindi mo nakikita ang iyong sarili sa tunay na kaligayahan."

Ako'y nalulungkot. Hindi ko kinakaya ang aking mga naririnig. Paano kung sa akin mangyari iyan? Hindi ko lubos maisip na ako'y tatandang mag-isa dahil lamang ayaw na ng puso ko ang magmahal muli. "Mayroon ka po bang pinagsisisihan sa iyong desisyon?"

"Wala. Kahit kailan hindi ko pinagsisihang isarado ang aking puso sa iba. Batid ko rin namang darating ang tamang panahon na kami'y magkikitang muli at bubuo ng bagong pag-iibigan. Sa panahon na iyon, wala ng sakit at tuluyan na naming matutupad ang aming mga binuong pangarap."

Siguro ang panahon na kanyang tinutukoy ay ang panahon sa kabilang mundo. Binigyan ko siya ng isang mahigpit na yakap. Wala ngang bahid na pagsisisi sa kanyang tinig bagkus tunay na saya at pagkasabik ang maririnig kahit ilang taon na niyang dinadala ang sakit. Ang lakas niya. Tunay na matapang. Mas lalong nadagdagan ang aking respeto at paghanga sa kanya.

"Kaya ikaw, anak..." Humiwalay siya sa aking pagkakayakap at hinawakan ang aking magkabilang pisngi. "Piliin mo kung saan ka sasaya. Kung kaya mong buksan muli ang iyong puso para sa iba, huwag mong pigilan ang iyong sarili. Tulad ng aking sinambit, mahirap tumandang mag-isa. Masyadong malungkot ang mundo para sa aming walang katuwang sa buhay ngunit lagi mong isaalang-alang ang iyong kaligayahan sa tuwing ikaw ay gagawa ng desisyon. Ayaw kong ikaw ay mayroong pagsisihan sa huli."

Tumango ako ng ilang beses. Ito ang bagay na matagal ko ng inaasam - ang magkaroon ng ina na makakausap sa ganitong sitwasyon sa tuwing mayroong bumabagabag sa akin. Sila ang ating magsisilbing gabay upang makagawa ng mas mainam na desisyon na hindi natin maaaaring pagsisihan sa huli. Ako'y nagagalak na nakilala si Nanay Sitang. Mayroong rason kung bakit ako napadpad dito sa Maynila at nanirahan sa kanya.

"Maraming salamat po sa payo, Nay. Ito po ay aking tatandaan palagi."

"Ikaw naman ngayon ang magkuwento. Batid kong mayroon kang nais ikuwento, ikaw ay nahihiya lamang."

Wala namang masama kung isasalaysay ko sa kanya ang lahat, hindi ba? Nitong mga nagdaang buwan, wala rin akong mapagsabihan sa aking nararamdaman at bumabagabag sa aking isipan. Kung mayroon man akong dapat pagsabihan, sa aking palagay, tama lamang na sabihin ko ito sa kanya dahil mas marami na siyang karanasan at pinagdaanan kaysa sa akin. batid kong malaki ang maitutulong niya sa akin pang ako'y malinawan kahit papaano.

"Binabagabag lamang po ako ng aking mga naiisip." Ako naman ngayon ang tumingin sa kawalan. Ang daming pumapasok sa aking isipan. Hindi ko na alam kung ano ang aking uunahing sabihin.

"Tulad ng?"

"Aking mga desisyon na nagawa at kung ano po ang aking dapat gawin." Napahinga ako nang malalim kasabay ng pagkinang ng isang butuin. Inay, ikaw po ba iyan? Sambit nila, kapag mayroong isang importante sa iyong buhay na nawala, sila ay nagiging butuin na nagmamasid at gumagabay sa atin lagi. Mukhang totoo nga iyon. Kuminang ang butuin nagpapatunay lamang na siya'y nakikinig sa akin.

"Batid ko pong mali ang aking ginawang pag-iwan sa kanya kung ako nama'y kanyang pinaglaban subalit ang hindi ko lamang po kayang maatim, siya'y napapahamak at ang kanyang pamilya nama'y nasisira ang imahe dahil sa akin."

"Kaya mas pinili mong makipagsapalaran dito sa Maynila kahit na ikaw ay nasasaktan para lamang sa kanilang kapakanan?"

Tumango ako at mas lalong tumingala upang hindi tuluyang bumagsak ang aking mga luha. "Opo. Siya'y aking labis na nasaktan ngunit ito lamang po ang tanging paraan upang kapwa naming malimutan ang isa't isa at maging payapa't ligtas ang lahat. Tama naman po, hindi ba?" sabay lingon ko sa kanya. Nag-uumpisa nang lumabo ang aking paningin at sa aking pagpikit ay siyang tuluyang pagtulo ng aking luha. "Kailan po ba mawawala ang sakit, Nanay Sitang?" Mula nang maranasan ko ang umibig, hindi na nawala ang sakit.

"Hindi lahat ng nagmamahal, anak, kayang gawin iyan. Ang iba mas nanaising gumamit ng dahas para lamang makuha ang kanilang iniibig." Naalala ko si Binibining Floriana. Mas pinili niya ang maling paraan para lamang manubalik ang pagmamahal para sa kanya ni Ginoong Severino subalit mas lalo lamang iyon pinalala ang lahat. Kahit ganoon pa man, hindi ko pa rin malilimutan ang kagandahang loob na ipinakita niya sa akin kahit na para sa kanya isa lamang iyon na pagpapanggap. Kumusta na kaya siya? "Napakatapang mo. Masasabi kong tunay kang nagmamahal. Mas iniisip mo ang iba kaysa sa iyong sarili. Napakahiwaga ng pag-ibig, hindi ba?"

"Napakasakit din, Nay."

"Hindi maituturing napagmamahal ang iyong nararamdaman kung ikaw ay hindi nasasaktan." Naramdaman ko na lamang ang kanyang kamay sa ibabaw ng aking kamay at marahang pinisil ito. "Ang aking tanong, sa iyo bang desisyon, ikaw ba'y masaya?" At siya'y ngumiti nang kaunti. "O pinipilit lamang maging masaya para maisip mong lahat ng iyong ginawa ay tama?"

Pigil ang aking hininga. Hindi ko inaasahan na ako ay kanyang tatanungin nang ganito. Tinanong din ako ng araw na iyon ni Ginoong Severino kung ako ba'y magiging masaya ngunit hindi ko siya nasagot. Masaya nga ba ako sa aking naging desisyon? O pinipilit ko lamang ang aking sarili na maging masaya? Hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko alam kung ano ang aking nararamdaman ngayon. Tanging nalalaman ko lamang, ako ay nasasaktan.

"Mahirap magdesisyon kung hindi mo iyon ikakasaya, anak. Ika'y magsisisi lamang sa huli at aasang bumalik ang lahat para bumawi at itama ang mali."

Pagsisisihan ko nga ba ito sa huli? Mali ba ako? Iniisip ko lamang kung ano ang makabubuti para sa amin para hindi na maulit pa iyon.

"Batid ba ni Ginoong Severino ang iyong naging desisyon? Ano ang kanyang naging tugon"

Bumalik sa aking isipan ang huling gabi ng aming pag-uusap, ang gabing hinding-hindi ko makakalimutan.

"Bakit? Ba...kit ako, Severino?" Hinawakan niya ang aking kamay at itinapat sa kanyang puso. Sobrang bilis ng tibok ng kanyang puso ngayon. Tila mayroong mga kabayong nag-uunahan. "Naalala mo pa ba noong unang araw na ako'y dumating dito? Ibinulong mo noon sa iyong sarili na ako'y walang puso at kinuha ko ang iyong kamay at idinikit dito."

Tumango ako habang pinupunasan ang aking mata. Oo, iyon ay aking naaalala. Napatawa na lamang ako. Saan ako kumuha ng lakas ng loob upang sabihin at gawin iyon sa kanya. Iyon ang araw na hindi ko inaasahang magpapabago sa aking buhay. Sino ba naman ang makakapag-isip na ang simpleng tagpo na iyon ay mauulit ngayon?

"Ikaw ay aking tinanong noon kung nararamdaman mo ba ang pintig ng aking puso, hindi ba?" Muli akong tumango. "Aking uulitin ang tanong na iyon. Nararamdaman mo ba ngayon ang pintig ng aking puso?"

"O-Oo, aking na-nararamdaman." Bumibigat ang aking dibdib dahil sa labis na pag-iyak. Ang bigat na rin ng aking mga mata ngunit mas mabigat ang aking puso ngayon.

"Nasagot ko na ba ang iyong tanong, Mahal?"

Mahal? Ang sarap sa pakiramdam, Ginoong Severino.

"Minsan ko na ring tinanong ang aking sarili kung bakit ikaw. At sa tuwing aking nararamdaman ang tibok ng pusong ito, nasasagot ang tanong na iyon. Mahal kita, Emilia, iyon lamang ang batid kong tanging sagot kung bakit ikaw." Ngayon ko lamang nakita ang kanyang mga matang puno ng pagmamahal. Mga matang nagsasabi sa akin na ako'y maniwala. Mga luhang malayang bumabagsak ngunit sakit ang makikita't mararamdaman kundi ang saya kasabay ng kanyang pagkatamis-tamis na ngiti. Paano mo nagagawang iparamdam sa akin ang iyong pagmamahal at saya gayong ikaw nama'y nasasaktan na rin ng sobra-sobra, Severino?

"S-Subalit, hindi ako tulad ni Binibining Floriana. Wala akong pinag-aralan at salat pa sa buhay. Wala akong maipagmamalaki sa iyo at sa iyong pamilya." Ano ang aking maipagmamalaki sa kanya? Hindi matutumbas ng aking sinasahod ang yaman na mayroon siya. Tanging pag-ibig ko lamang sa kanya ang mayroon ako. Sapat na ba iyon?

Siya'y umiling ng ilang beses. "Hindi ko hinahangad ang yaman. Hindi masusukat ang pag-ibig sa kahit na anong antas o label na iyan. Ikaw at ang iyong pagmamahal lamang ang aking inaasam, Emilia, kaya maaari bang huwag ka ng lumisan pa?"

Ang hirap naman nito. Ano ang dapat kong gawin para hindi ako magkamali sa aking desisyon? Tila nais ko na lamang maglaho bigla at magpahinga sa malayong lugar kasama siya. Maaari ba iyon? Nais ko lamang maging masaya kasama siya ngunit bakit tutol sa amin ang tadhana? Dahil ba mali itong aming nararamdaman kaya kami ay pinarurusahan? "Nasaksihan mo naman kung ano ang nangyari sa iyo nang ako'y iyong tangkang iligtas, hindi ba? Narinig mo rin naman marahil ang sabi-sabi ng iba tungkol sa iyo at naglagay sa kahihiyan ang iyong pamilya, tama? Paano mo maipapaliwanag sa akin iyon, Ginoo, upang ako'y hindi na umalis?"

"Ginagawa mo ito dahil sa akin? Dahil sa amin?"

Tumango ako. "Naiintindihan mo na ba ang aking dahilan kung bakit ito ay aking gagawin?"

Bahagya siyang lumayo sa akin at tumingin sa kawalan. "Sumugal ako para sa atin ngunit ikaw naman ay susugal para sa amin. Paano naman ang iyong sarili, Emilia, ikaw ba'y magiging masaya?"

Magiging masaya nga ba ako? Hindi ko alam. "Ginagawa ko lamang ito para sa inyo dahil ayaw ko nang maulit muli ang nangyari kanina." Ako'y huminga muna nang malalim bago ako magpatuloy. "Batid kong ito ang mabisang paraan upang malimutan natin ang isa't isa, Ginoong Severino. Batid kong napapansin mo na hindi sumasang-ayon sa atin ang lahat. Ano nga ba ang ibig sabihin niyon, Ginoo?" Wala ng mas sasakit pa kung batid mo ang katotohanang hindi sang-ayon sa inyo ang lahat. Wala rin namang mangyayari kung ako'y magiging makasarili kung alam kong kami lamang ang magiging masaya?

Lumingon siya sa akin nang naginginig ang mga labi. "Ka-Kaya nga ikaw ay aking ipinaglaban kahit alam kong tutol sa atin ang lahat." Tuluyan na siyang humarap sa akin, sandaling yumuko bago muling tumingin sa akin. "Nararamdaman ko lamang ito ngunit nais kong marinig mula mismo sa iyo. Emilia, mahal mo rin ba ako?"

Napatulala ako ng ilang segundo. Tanging tibok ng aking puso ang akong naririnig sa akin ngayon. ito ang ikatlong beses na ako'y kanyang tinanong. Ako'y mapait na ngumiti at dahan-dahang tumango. "Mahal kita, Severino."

Nag-unahan na naman sa pagbagsak ang kanyang mga luha at unti-unting sumilay muli ang kanyang malapad na ngiti. "P-Pakiulit?"

"Mahal kita, Severino."

Inangat niya ang kanyang kamay upang ako'y hawakan sa pisngi subalit hindi niya itinuloy bagkus siya'y nagtanong. "Maaari ba kitang mayakap nang mahigpit, Mahal?"

Hindi na ako nagsalita pa at agad na niyakap siya nang mahigpit. Narinig ko na lamang ang malalakas na huni ng ibon na masayang lumilipad sa kalangitan. Nakita ko na lamang ang sarili na nakangiti. Kay tagal kong hinintay na masabi ito sa kanya nang tuluyan at ngayo'y nangyari na.

"Mahal din kita, Emilia. Mahal na mahal." Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakayakap sa akin at hinagkan ang aking buhok. "Kung iyan ang iyong nais, hindi na kita pipigilan pa" saka siya tuluyang bumitiw at ngumiti na naman sa akin. Ngunit ang kanyang ngiti ay hindi nagpapakita ng kahit na anong lungkot at sakit matapos niyang sambitin iyobn. Ano ang kanyang ibig sabihin? Siya'y sumasang-ayon na? "Ang aking pagmamahal sa iyo ang aking pinanghawakan kaya kita ipinaglaban at ang iyong pagmamahal naman para sa akin ang iyong ginamit para lamang makagawa ng ganito kabigat at kasakit na desisyon. Mas iniisip mo ang aming kaligtasan kaysa sa iyong sariling kaligayahan. Naiintindihan ko na, Emilia, kung bakit nais mo tayong bumitiw sa isa't isa para hindi na tayo masaktan pa." Siya'y tumigil saglit at kumunot ang noo sandali. "Naiintindihan ko na, Mahal, kaya handa na akong pakawalan ka."

Tama ba ang aking narinig? Bakit sobrang sakit na marinig iyon mula sa kanya? Tila nais kong bawiin ang aking sinambit ngunit hindi na maaari. Nais kong magsalita subalit kusang umurong ang aking dila. Walang lumalabas na salita.

"Ako'y nagagalak na makilala ka. Batid kong mayroong dahilan kung bakit pareho nating pinili na mangyari ito kahit ito ay labis na makakasakit sa atin. Ipangako mo lamang sa akin kung saan ka man pumaroon, ikaw ay laging mag-iingat." Pinunasan niya ang kanyang luga gamit ang kanyang suot at marahang natawa. "Ayaw kong lumisan ka ng kapwa tayong malungkot. Maaari ba akong humingi ng huling pabor sa iyo?" Inabot niya ang aking kanang kamay at hinawakan ito. Dahan-dahan lamang akong tumango bilang tugon. "Maaari bang maging masaya tayong dalawa ngayong gabi bago ka tuluyang umalis?"

Kumunot ang aking noo? "Paano?"

Ako ay kanyang hinila papunta sa kuwadra, inilabas si Simon, ang puting kabayo at humarap sa akin. "Tayo'y pupunta kahit saan kahit ilang minuto lamang. Nais kong sultin ang gabing ito na ikaw ay aking makasama, Mahal."

Hindi na ako sumagot pa bagkus ako ay ngumiti nang matamis kasabay ng maraming tango. "Kahit saan mo ako dalhin, Ginoong Severino, basta kasama kita."

Siya'y ngumiti at mayamaya lamang ay sumilay ang kanyang mapanglokong ngisi habang inaabot ang aking kamay upang ako ay alalayang makasakay sa kabayo. "Akala ko ba hindi ka magiging tulad ng iba na nahuhumaling sa akin? Iyon ang iyong sinambit noon nang sabihin kong maaari kang umibig sa akin. Ikaw a, panay tanggi ka pa, matagal ka na pa lang umiibig sa akin."

Sinamaan ko siya ng tingin at pinaikutan ng mata. Paano niya pa natandaan iyon at sabihin para ako'y tuksuhin? Sobrang seryoso ng aming pinag-uusapan, bigla-bigla niyang isisingit iyon. Nakakahiya!

Bago pa niya tuluyang patakbuhin si Simon, muli siyang lumingon sa akin nang may ngisi pa rin sa labi. "Iba talaga ang aking kagwapuhan, ano? Nabihag ko ang matigas mong puso, Mahal." Saka siya tuluyang tumawa nang malakas at pinatakbo si Simon.

"Papatayin mo ba ako sa pagkagulat, ha?! Ginoong Severino?!" Mabuti na lamang ako'y nakayakap na sa kanyng baywang. Paano na lamang kung hindi? Paniguradong ako ay mahuhulog! Pambihira. Sumasabay sa lakas ng hangin ang kanyang malakas na tawa kaya ako ay natawa na rin.

Ano nga bang dahilan kung bakit ako'y umibig sa kanya? Kung ano man iyon, masaya akong naranasan ko ito.

****

"Ikaw ba'y naging masaya sa ating paglalakbay, Mahal?" tanong niya habang maingat akong inaalalayan pababa sa kabayo nang kami ay makabalik na rito sa kanilang hacienda.

"Oo naman kahit tayo ay hinabol muli ng guardia sibil." Pareho kaming natawa sa aking sinambit. Sa ilang minuto naming paglalakbay, ni hindi ko na nga alam kung kami ba'y lumabas ng bayan o hindi dahil sa layo ng aming narating, mayroong guardia sibil na nakakita at humabol sa amin. Hindi man lang ako natakot bagkus mas lalo pa akong natuwa. Bakit ako matatakot kung kasama ko naman ang taong minsan nang nagligtas sa akin?

"Mabuti naman kung ganoon. Nais kong ito ang iyong baunin sa inyong paglalakbay ni Delilah." Sinamahan niya akong pumasok sa loob patungo sa aming silid. "Hayaan mong ihatid ko kayo sa labas ng tarangkahan. Maaari ba?"

Naabutan na lamang namin na nakatulog na si Delilah sa kahihintay. "Oo naman." Sinundan ko siya ng tingin habang marahang ginigising si Delilah. "Ginoong Severino..." Mayroon akong nais sabihin sa kanya bago pa matapos ang gabing ito.

Siya'y lumingon sa akin ng nakanguso at nakakunot ang noo. "Hindi ba dapat mahal ang tawag mo rin sa akin?"

Napailing na lamang ako. para siyang bata. "Mahal."

"Ayan! Ang sarap pakinggan, Mahal ko, ano nga pala iyon?" sabay ngiti sa akin.

Ako'y lumapit sa kanya at hinawakan siya sa magkabilang pisngi. "Kung sakali man na iyong maisipang balikan si Binibining Floriana at bumalik ang iyong pag-ibig sa kanya, ayos lamang sa akin. Batid kong maaalagaan ka niya ng maayos at ramdam ko ang labis niyang pagmamahal sa iyo." Batid ko naman sa simula pa lamang, sila na ang nakatadhana para sa isa't isa. Kitang-kita ko kung paano sumang-ayon sa kanila ang lahat at sa aking nasaksihan, handa siyang pagsisihan ang lahat.

"Hindi ko alam ang mangyayari, Emilia, ngunit kung ako ang iyong tatanungin, mas nanaisin kong maging magkaibigan na lamang kami. Hali na. masyado ng malalim ang gabi. Kayo ay aalis pa."

Nang kami ay kanyang maihatid na sa labas ng tarangkahan, kami ay nagpaalam na sa isa't isa nang may ngiti sa labi.

"Kung iyong maisipang magpadala ng liham, batid mo naman kung saan ako nakatira" sabay tawa niya. "Mag-iingat kayong dalawa." Siya'y lumapit sa akin at yumakap. "Mahal na mahal kita, Emilia. Paalam."

"Mahal na mahal din kita, Severino, patawad at paalam."

Mahal man namin ang isa't isa at hindi man naging maganda ang aming kinahinatnan, batid kong ginawa namin ito para sa aming ikabubuti.

"Hindi ko lubos maisip na mas pinili niyong bitiwan ang isa't isa kahit labis at tunay ang inyong pag-iibigan," turan ni Nanay Sitang matapos kong ikuwento sa kanya ang huli naming pag-uusap. paiba-iba ang napansin kong emosyon sa kanyang mukha - malungkot, awa subalit mas nangingibabaw ang saya. "Akala ko, siya'y iyong iniwan ng naghihinagpis na labag sa kanyang kalooban subalit hindi pala. Sa aking palagay, wala namang mali dahil pareho niyo naman pa lang tinanggap iyon ang inyong kapalaran."

Iyong pangyayari na iyon ang hindi ko lubos na inasahan. Sumagi sa aking isipan na noong plano kong manirahan sa malayo, hindi siya sasang-ayon tulad nga ng nangyari ngunit nang marinig ko sa kanyang labi na ako'y handa na niyang pakawalan noong gabing iyon, iyon ang nagpagulat sa akin. Naisip ko rin na ako'y kanyang pipigilan nang hsuto hanggang sa hindi na ako makaalis. Mas pinili niyang ako'y intindihin at ilaan ang nalalabing oras upang ako ay makasama.

"Ikaw ba'y mayroong pinagsisisihan?"

Iyan ang aking tinanong sa kanya kanina. Mayroon nga ba akong pinagsisisihan? "Sa aking palagay, Nanay Sitang, wala. Batid ko rin kaseng ito rin ang isa pang paraan para kami ay matuto ng iba pang bagay nang hindi namin kapiling ang isa't isa. Mahirap man subalit kakayanin. Kung kinakaya niya ang sakit, kaya ko rin."

"Kung ang plano ng Diyos na kayo ay magkatuluyan, kahit tadhana at mundo pa ang sumasalungat sa inyo ngayon, kayo ay magkikita isang araw at maipagpapatuloy niyo ang inyong pagmamahalan." Hinaplos niya ang aking mukha at ngumiti. "Iba't ibang tao, iba't ibang kuwento, ano? Ganiyan kahiwaga ang pag-ibig, anak, kahit masakit ngunit masarap."

Ito ang sinabi sa akin noon ni Doña Criselda nang isalaysay niya ang kanyang buhay pag-ibig noon. Siya ngang tunay, Dona Criselda, masarap ang pag-ibig kahit punong-puno ng paghihinagpis at sakit. Hindi ko rin naman inaasahan na ang iyong anak ang magpaparanas nito sa akin.

"Hali na matulog natayo. Sa iyong panaginip na lamang ituloy ang inyong pag-iibigan." Lumitaw ang kanyang mapanuksong ngiti na aking ikinatawa. Panaginip, e?

--------------Nobyembre 12, 1895-------------

Ako'y kasalukuyang nagpupunas ng sahig matapos kong punasan ang bawat nakahilerang upuan dito sa loob ng kumbento. Mabuti na lamang walang gaanong tao ngayon kaya hindi ako nahirapan sa paglilinis. Mahirap maglinis kung maraming mga paa ang mag-iiwan ng bakas sa sahig na akin nang natapos.

Si Delilah naman ay nasa kabilang bahagi nitong kumbento. Malaki ang loob kaya aming napagpasyahan na maghiwalay para matapos agad.

"Binibining Emilia."

Ako'y napalingon sa aking likuran at napatingala nang aking marinig ang tinig ni Madre Ligaya sabay napatayo at yumuko. "Magandang umaga po, Madre Ligaya"

Siya'y ngumiti. "Mabuti na lamang aking naalala, ipinapaabot nga pala ni Ginoong Agapito ang kanyang pasasalamat dahil sa iyong pag-aalaga sa kanya."

Ginoong Agapito? Sandali akong napakurap at napalunok nang mariin. "Ano po? Siya po'y nagpapasalamat?" Paano? Hindi niya batid na ako ang nag-alaga sa kanya dahil siya'y natutulog niyon. Hindi rin naman namin nabanggit iyon sa kanya kahapon. Dalawang araw na mula nang dalhin namin sa kanyang dormitoryo ang pagkain at nang mangyari iyon.

"Siya'y nagtanong sa akin kahapon kung sino ang nagdala ng pagkain. Binanggit ko ang iyong pangalan."

Kaya pala. Ano ang aking gagawin ngayong batid na niyang narito na ako? Kailangan ko bang magtago o magpanggap na hindi ko siya kilala? Masyado namang mali na iyong aking naiisip. Hayaan na nga. Matagal ko na rin naman siyang hindi nakakausap. Isa pa, kaya lamang naman ayaw ko pang magpakita sa kanya dahil bumabalik sa akin ang gabing sinabi niya sa pangalawang pagkakataon ang kanyang pag-ibig para sa akin.

Idagdag pa ang sinabi niya noong nakaraang dalawang araw. Hindi ko lang batid kung ano ang dapat kong sabihin o gagawin sa kanyang harapan. Hindi ko pa ito napaghahandaan.

Tanging tango na lamang at ngiti ang aking naitugon. Siya rin ay umalis agad kaya nagpatuloy ako sa aking ginagawa. Ano na kaya ang kanyang ginagawa ngayon? maayos na kaya ang kanyang pakiramdam? Marahil ay masyado niyang pinapagod ang kanyang sarili sa pag-aaral kaya siya nagkasakit? Ano ba kase ang iyong ginagawa sa iyong sarili, Agapito?

"Sipag naman."

"Ay, Agapito!" sigaw ko nang biglang may kumalabit sa akin.

"Iniisip mo ako, binibini?"

Nang ako'y humarap, bumungad sa akin ang maaliwalas at nakangiting mukhani Agapito habang nakapamulsa. Siya ay nakasuot ng puting barong-tagalog at itim na sumbrero. "A-Agapito."

"Ako ba'y iyong iniisip?"

"Ha? Hindi, a." Bakit ba siya nanggugulat. Nabanggit ko tuloy ang kanyang pangalan. Nakakahiya.

"Magpapanngap na lamang ako na walang narinig." Mas lalong lumipad ang kanyang ngiti at itinaas-baba ng sabay ang kanyang dalawang kilay na tila nanunukso. "Kumusta, Binibining Emilia?"

-------

<3~