Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 22 - Kabanata 20 ✓

Chapter 22 - Kabanata 20 ✓

Hawak-hawak ko ang bulaklak na kanyang ibinigay sa akin noon habang ako'y nakaupo sa bungad ng pintuan, nakatingala at dinadama ang malamig na hangin dahil palalim na nang palalim ang gabi subalit hindi man lang ako nakararamdam ng antok. Sina Delilah at Nanay Sitang ay kanina pa natutulog. Mukhang ako na lamang ang gising dahil maging ang mga kalapit-bahay rito ay patay na ang ilaw.

Paano ba naman ako makakatulog kung patuloy na pumapasok sa aking isipan si Severino lalo na't aking napag-alaman na mukhang siya nga ang tinutukoy ni Nanay Sitang kanina.

"Ano pong buong pangalan?"

Saglit pa itong huminto upang kumain ng biko. "Sa aking pagkakaalam, mayroong Fontelo sa kanyang pangalan. Paumanhin na mga anak, sa dami ng aking nakakasalamuhang mag-aaral doon, hindi ko na rin matandaan ang kanilang bong pangalan."

Napaawang ang aking labi at pigil ang aking paghinga. Tama ba itong aking naririnig? Posibleng kilala nga ni Nanay Sitang ang lalaking aming tinutukoy? Akala ko tuluyan nang mapuputol ang aking ugnayan sa kanya kapag ako'y lumayo subalit mukhang hindi ganoon ang nais ng tadhana sa amin. Maging dito ba naman sa Maynila, maririnig ko pa rin ang kanyang pangalan sa ibang tao at ang pinakamasaklap pa'y kilala niya ito.

Maging ang aking kapatid ay natahimik at napapalingon sa akin. Tila siya'y nagdilang-anghel, kaunti lamang ay iisipin ko ng ako'y kanyang sinusundan ngunit hindi lamang sa panaginip ngunit ang kanyang presensya ay umaabot dito sa syudad.

"Bakit mga anak? Bakit kayo ay natahimik?" Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa aming dalawa habang patuloy sa pagnguya.

"Nay, maaari mo po ba siyang isalarawan?" Hindi ko batid kung anong tumatakbo sa isipan ni Delilah kung bakit niya iyan naitanong. Pinanlakihan ko na lamang siya ng mata ngunit umiling lamang siya sa akin. Ano ba ang kanyang ginagawa? Hindi ko maintindihan.

Narinig ko na lamang na tumawa nang mahina si Nanay Sitang at napapailing. Ano ang nangyayari sa kanya?

"Masasabi kong siya'y tunay na magandang lalaki lalo na sa tuwing siya'y ngumingiti. Kita ang kanyang dalawang malalalim na biloy."

Nararamdaman ko ang panginginig ng aking kamay kaya't ako ay napahawak nang mahigpit sa kutsara. Nawa'y hindi mapansin ni Nanay ang aking panginginig. Sa unang paglalarawan niya ay tumugma agad ito sa kanya. Nawa'y sa susunod ay hindi na. Ayaw ko ng magkaroon ng ugnayan pa sa kanya kahit siya'y aking mahal. Ayaw ko ng marinig pa ang kanyang pangalan o makita man lang siya rito sa Maynila. Ayos na sa akin iyong parte na lamang siya ng aking nakaraan. Nais ko nang kalimutan ang pagmamahal ko para sa kanya. Itong pagmamahal na ito ang nagdala sa kanya sa kahihiyan at mapait na karanasan. Ayaw kong umabot ang panahon na ang pagmamahal na ito ang siyang tuluyang kikitil sa kanyang buhay. Mas mabuti nang siya'y masaktan habang hindi pa huli ang lahat.

"Siya ay may pagkapilyong bata ngunit gayon pa man, nangingibabaw ang kanyang kabaitan."

May pagkapilyo? Napangiti ako. Nay, kung nalalaman mo lamang kung gaano siya ka-pilyong tao. Mahilig pang magbiro.

"Maraming kababaihan ang humahanga sa kanya dahil bukod sa kanyang angking kagwapuhan at kabaitan, siya rin ay isa sa mga mag-aaral dito na tinitingala pagdating sa kursong Medisina."

Medisina. Nalaman ko lamang na medisina pala ang kanyang pinag-aaralan nang ako'y maglinis ng kanyang silid bago siya dumating mula rito sa Maynila. Subalit ngayon ko lamang napagtanto na isa pala siya sa mga mag-aaral na magaling at hinahangaan ng karamihan.

Hindi na rin kagulat-gulat kung maraming kababaihan ang nagkakagusto sa kanya. Maging ako nga, hindi ko namalayang unti-unti na pala akong nahuhulog sa kanya bagay na hanggang ngayon ay hindi ko mahanap ng kasagutan. Ang tanging nalalaman ko na lang, ako'y gumising na lamang ng isang araw na kumikirot na ang aking dibdib. Akala ko noon, ako may sakit sa puso. Iyon pala, sakit sa psuo dahil sa pag-ibig.

"Madalas niya akong kausapin kapag ako'y kanyang nakikita at maroon siyang bakanteng oras. Masasabi kong napakabuti niyang tao."

Npakabuti nga, Nay, hindi ka riyan nagkakamali. Iyon nga aking aking ipinagtataka, bakit pagpapalain ako ng Diyos ng isang regalo – isang taong may napakabuting puso na handang itaya ang kanyang pangalan at buhay para lamang iligtas sa kapahamakan ang isang walang kwentang babaeng tulad ko. Tunay akong pinagpala ngunit mas pinili ko na lamang na pakawalan.

"Bakit? Isang tao lamang ang kilala natin, ano?" natatawa niyang tanong at uminom ng tubig. Matapos ang ilang beses na paglunok, siya'y huminto at tumitig sa akin habnag hawak pa rin ang baso. "Paano kayo nagkakilala? Ikaw ay umiibig sa kanya?"

"Kami po ay nanilbihan sa kanila ng dalawang taon." Sa dalawang buwan naming paninirahan dito, hindi namin nabanggit sa kanya na kami ay nanilbihan sa pamilya y Fontelo subalit batid niyang kami ay mga kasambahay dahil nagtanong sa amin noon. Hindi na rin naman niya kami tinanong pa bagkus hinayaan niya kaming kusang magkwento tungkol sa aming buhay. Hindi ko rin nabanggit sa kanya noon ang kanyang pangalan, ngayon lamang.

"Nais ko sanang malaman kung ano ang naging takbo ng inyong pag-iibigan lalo na't mukhang mayroong nangyaring hindi maganda ngunit hindi na ako makikiusisa pa. Aking nararamdaman na hindi ka pang handang ikuwento iyon sa ibang tao."

Napangiti na lamang ako nang siya'y ngumiti sa akin at sinabing ituloy na na namin ang aming kinakain. Ito ang lubos kong nagugustuhan sa ugali ni Nanay, siya'y nakararamdam kung gaano kabigat at kahirap o kababaw ang isang sitwasyon. Wala na rin naman akong balak ikuwento pa sa iba ang tungkol dito dahil batid kong hindi na rin naman dapat. Hindi rin naman kapupulutan ng aral.

"Kumusta ka na?" bulong ko sa aking sarili habang nakatingin sa patay na bulaklak. "Nawa'y mabuti ang iyong kalagayan. Nawa'y masaya ka ngayon." Tumulo na lamang ang aking mga luha. Hindi ko maitatangging ako'y nangungulila sa kanya. Ang aking puso ay patuloy pa rin siyang hinahanap. Kahit anong waglit ko sa aking isipan at ituon ang aking sarili sa ibang bagay para lamang hindi siya maisip, may mga bagay na bigla na lamang magpapaalala sa kanya.

Lolokohin ko lamang ang aking sarili kung aking sasabihin na sa dalawang buwan na iyon, tuluyan ko na siyang nakalimutan, na sa dalawang buwan na iyon nawala na ang aking pagmamahal sa kanya. Nawala lamang siya sa aking harapan ngunit hindi pa rin nawawala ang pag-ibig kahit saglit na panahon lamang kami lubusang nagkasama at nagkakilala.

Saglit na panahon ngunit masasabi kong tunay na pag-ibig.

-------------Nobyembre 5, 1895------------

"Ikaw ay aking itinanong noon kung nararamdaman mo ba ang pintig ng aking puso, hindi ba?" Muli akong tumango. "Aking uulitin ang tanong na iyon. Nararamdaman mo ba ngayon ang pintig ng aking puso?"

"O-Oo, aking na-nararamdaman." Bumibigat ang aking dibdib dahil sa labis na pag-iyak. Ang bigat na rin aking mga mata ngunit mas mabigat ang aking puso ngayon.

"Nasagot ko ba ang iyong tanong, Mahal?"

Mahal?

Tinawag niya ba akong mahal? Naramdaman ko na lamang halos mangalay ang aking labi dahil pala sa aking mapalad na pagkakangiti. Ngayon ko lamang narinig sa kanya ang katagang iyon. Ganito pala kasaya sa pakiramdam na matawag kang mahal ng iyong iniibig. Pakiramdam ko'y, lahat ng nangyari sa aking mapait ngayong mga nagdaang linggo, ngayo'y napalitan ng tamis at saya "A-Ang sarap pakinggan."

"Mas masarap sa pandinig kung ikaw ay hindi na aalis. Ano sa iyong palagay?" nagingiti niyang tanong habang pinupunasan ang aking luha. "Wala ng mas sasarap pa sa pakiramdam kung tayo'y magsasama, Emilia."

Ang aking malapad na ngiti ay unti-unting naglaho. "Ngunit ginagawa ko ito para sa iyo. Ayaw ko ng mapahamak ka pa dahil sa akin, Ginoong Severino."

Maging ang kanyang ngiti ay nawala at unti-unting napalitan ng lungkot. "Ano ba ang aking dapat gawin upang hindi ka na lumisan pa? Matitis mong iwanan akong mag-isa rito? Nagungulila at magdadamdam sa iyong pag-alis? Nais mo ba iyon, Emilia? Nais mo ba akong makitang nahihirapan dahil sa iyong sariling kagagawan?" Guni-guni ko lamang ba it o tunay na may galit sa kanyang mga mata?

Ilang beses akong umiling sa kanyang tinuran. Hindi iyon ang nais kong mangyari sa kanya. Hindi ko hangad na siya'y mas lalong mahirapan dahil sa akin. Kaya nga ako lilisan upang hindi na niya itaya pa ang kanyang buhay para sa akin. "Wala akong ibang hangad sa iyo kundi ang iyong kaligtasan at kaligayahan, Ginoong Severino, nawa'y nauunawaan m---."

"Maunawaan?" Siya naman ngayon ang umiling at hinawakan ang aking dalawang kamay. "Ikaw ang hindi nakakauunawa, Emilia, nais ko lang naman na tayo'y magsama. Mahirap ba iyon para sa iyo? Hindi mo ba ako mapagbibigyan?"

Mapagbibigyan? Hindi naman mahirap ang kanyang nais kung sang-ayon sa amin ang lahat – ang tadhana, panahon, ang kanyang pamilya. Wala man akong narinig na salita mula sa kanyang pamilya ngunit sapat na sa akin na aking malaman na siya'y pinagbuhatan ng kamay ng kanyang ama dahil ako ay kanyang ipinaglaban. Hindi ba't sapat na dahilan na iyon upang iparating sa akin na hindi nila ako nais para sa kanilang anak?

"Emilia, makinig ka sa akin. Handa kong iwan ang lahat ng mayroon ako basta ipangako mo lamang sa akin na ikaw ay hindi aalis."

"Hindi. Hindi ko iyan magagawa. Patawad." Magalit na siya sa akin ngunit hindi ko gagawin ang kanyang nais. Mahirap bang intindihin na ayaw ko ng mapahamak pa siya?

Ang mahigpit niyang paghawak sa aking kamay ay mas lalong humihigpit. Ang kanyang kuko ay bumabaon sa aking balat. "Babalewalain mo lamang ang aking nais, a?" Maging ang kanyang panga ay tumitigas at matatalim ang mga mata niyang nakatitig sa akin.

"M-Masakit, Ginoong Severino." Ngumingiwi na ang aking labi sa sobrang sakit ng kanyang kuko. Sinusubukan kong makawala sa kanyang pagkakahawak sa akin nang siya'y magkaroon ng pagkakataon na ako'y hawakan sa aking kanang braso. Mas lalong niyang ibinaon ang kanyang kuko.

"Bakit? Dahil nais mo pa ring ipagbili ang iyong katawan, Emilia? Bakit magkano ba ang iyong halaga? Ako na ang bibili sa iyo." Tumaas ang gilid ng kanyang labi at mas lalong naging matalim ang kanyang mga mata.

Napakunot ang aking noo at nangingilid muli ang aking luha. Ano ba ang kanyang sinasabi? Saan niya nakukuha ang mga bagay na iyan? "Akala ko ba hindi bayaran ang iyong tingin sa akin?" Mabuti na lamang nagawa kong magsalita ng tuwid kahit nais umurong ng aking dila. Ang sambit niya sa akin noon na hindi ako magbabago sa kanyang paningin ngunit ano ito? Bakit tila nag-iba? Nag-iba na bang tunay? Ako ba ay kanyang nilinlang?

Siya'y tumawa nang mahina hanggang ito ay lumakas nang lumakas. "Bakit? Ano ba ang tingin mo sa iyong sarili? Malinis? Marapat lamang na ikaw ay magpasalamat na mayroon pang lalaking nahuhumaling sa iyo kahit ilang ginoo na ang nakauna sa iyo."

Ano? Napaawang na lamang ang aking labi. Bakit tila ibang Severino ang aking kaharap ngayon?

Hinila niya ako palapit sa kanyang dibdib at bumulong. "O nais mong sa akin manilbihan bilang isang bayaran? Aking dodoblehin ang kanilang binabayad sa iyo." Nakakapangilabot. Nakakapangilabot ang kanyang tinig.

Nagpumiglas ako ng ilang beses ngunit sadyang siya'y malakas. "Bitiwan mo ako! ikaw ay nasisiraan na ng ulo! Hindi ako sasama sa iyo!"

"Emilia! Hindi ka makakawala sa akin! Sa akin ka lamang!"

Nagkaroon ako ng pagkakataon upang siya'y sipain sa kanyang pagkakalaki kaya ako ay kanyang nabitiwan at ako nama'y tumakbo sa kanya palayo patungo sa gitna ng kanilang hardin. Ngayon na lamang muli ako natakot nang ganito. Ibang-iba siya ngayon. Tila wala silang pinagkaiba ni Margarito at wala sa katinuan.

"Emilia, bumalik ka rito! Handa akong magbayad ng malaki."

Patuloy lamang ako sa pagtakbo. Hindi ko na nakikita pa nang malinaw ang daan sapagkat nanlalabo na naman ang aking mga mata, madilim din ang paligid dahil malalim na ang gabi. Dahil sa nais kong makatakas mula sa kanya, ako'y nadadapa na. Huwag. Hindi. Mali ito, Severino.

"Huli ka!"

"Aaaaaaaa, Severino! Huwag!"

"Ate Emilia!"

Isang malakas na sampal ang lumapat sa aking pisngi, habol-habol ko ang aking hininga at ramdam ko ang pamumuo ng pawis sa aking noo at leeg.

"Ate, ikaw ay nananaginip."

Panaginip lamang pala ang lahat. Akala ko, totoo na iyon. Napapikit na lamang akong muli at huminga nang malalim. Akala ko, tunay na iyon. Hindi ko batid kung bakit ko napaginipan ang huli naming pag-uusap ngunit hindi iyon ang naging wakas. Hindi ganoon ang naging kahihitnan ng aming pag-uusap.

Nakita ko na lamang na mayroon ng basong tubig sa harap ng aking mukha. Nakita ko si Delilah na hawak ito kaya ako ay bumangon at naupo upang inumin ito. Mabilis ko itong naubos dala na rin ng kaba at takot. Napayuko ako. Isang bangungungot. Napakalaking bangungungot. Ito na ba ang resulta sa aking labis na pag-iisip sa kanya? Maging sa aking panaginip ay nakikita at naririnig ko ang kanyang tinig. Hindi ko na nga siya iisipin sa gayong hindi na ako managinip sa kanya muli.

"Ayos na po ang iyong pakiramdam? Mabuti na lamang ako ay nagising dahil sa lakas ng iyong pagkakasigaw, Ate Emilia."

Napaangat ang aking mukha. Siya'y seryosong nakatingin sa akin at naghihintay ng aking sagot kaya ako ay ngumiti at marahang tumango. Napadako ang aking mga mata sa labas ng bintana. Nagsisimula ng magbago ang kulay ng ulap. Umaga na pala.

"Nakahanda na po ang makakakain, Ate, tayo na sa kusina. Tayo ay magtutungo pang Intramuros." Siya'y nauna nang maglakad sa akin kaya ako ay sumunod patungo sa kusina subalit huminto rin siya at lumingon sa akin. "Noong nakaraang araw, ikaw ay nanaginip sa kanya at salaysay mo noon, kayo ay nagkaroon ng sariling pamilya at ngayon mukhang iba naman."

Napahinga na lamang ako nang malalim. Totoo ito. Noong nakaraang araw, ako'y nanaginip na kami ay nagkaroon ng sariling pamilya sa kabila ng lahat ng pait na aming naranasan. Kaya noong araw na iyon ay naging maganda ang aking gising at takbo ng aking buong araw. Ngunit ngayon, nakakapanlumo ang aking napaginipan. Kalimutan na nga lang. Panaginip lang naman ang lahat.

****

Kanina pa ako nagwawalis dito ng mga patay na dahon sa labas ng gusali ng Colegio de Santa Isabel subalit hindi pa rin maubos-ubos dahil sa lakas ng hangin na nagpapalipad at mas lalong nagpapakalat dito. Napahinga na lamang ako nang malalim para mawala ang init ng aking ulo. Mataas pa naman ang sikat ng araw dahil tanghaling-tapat kaya ako ay nakakaramdam na ng pagod.

"Ate Emilia, magpahinga ka po muna. Ako na lamang ang mgwawalis. Tila ikaw ay hapong-hapo na," wika ni Delilah sabay lapit sa akin na kasalukuyang nagwawalis din.

Umiling ako. "Hindi na. Kaya ko naman ito. Nakakapagod lamang sa pakiramdam dahil sa mataas na sikat ng araw." Pinunasan ko ang aking pawis gamit ang aking braso at nagpatuloy muli sa paglilinis. Kanina lamang ay kakatapos lamang namin punasan ang sahig ng paaralan at ngayo'y narito kami sa labas. Mamaya ay tutungo naman kami sa kumbento upang maglinis din. Hindi lamang paraalan ng Colegio de Santa Isabel ang aming nililinisan kundi halos lahat maliban lamang sa loob ng Colegio de Santo Tomas.

Tahimik lamang akong nagsasalita nang aking marinig ang tawanan ng kababaihan na mukhang paparating sa aking kinapupuwestuhan. Nakita ko silang dumaan sa aking gilid kaya ako at tumigil at pinagmasdan sila.

Sila'y masayang nagkukwentuhan nang mahina habang natatakpan ang ibabang parte ng kanilang mukha sa tuwing sila ay tumatawa. Hindi ko naman maintindihan ang kanilang pinag-uusapan dahil gamit nila ang wikang Espanyol. Mayamaya pa'y mayroon silang nakasalubong grupo ng kalalakihang Pilipino na yumuko sa kanila upang magbigay-galang.

Ganoon nga siguro kapag ikaw ay mula sa mayamang pamilya, ikaw ay rerespetuhin ng kahit na sinong tao at walang sinuman ang mananakit sa iyo dahil ikaw ay protektado. Hindi tulad kong mula sa mahirap at wala pang pinag-aralan. Aalipustahin at gagamitin lamang para sa sariling kapakanan. Makikita talaga ang malaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap.

"Binibini, nais mo ba ng tulong?"

Napalingon na ako sa isang lalaking nagsalita mula sa aking kaliwa, siya'y nakangiti habang mayroong hawak na dalawang libro. "Ayos lamang po ako." Ako'y yumuko bago muling nagpatuloy sa pagwawalis. Kilala ba nya ako? Bakit siya nag-aalok ng kanyang tulong? Kaya ko naman ito hindi naman ito mabigat na gawain.

"Paumanhin kung biglaan ang aking paglapit ngunit nais ko lamang sana na ikaw ay tulungan. Kanina pa kita pinagmamasdan sa iyong ginagawa subalit hindi ka matapos-tapos dahil sa malakas na hangin."

Muli kong inangat ang aking ulo upang tignan siya. Kung kanina siya'y nakangiti, ngayo'y namumula siya habang bahagyang nakayuko ang ulo at nakahawak sa kanyang batok. Namumula rin ang kanyang mukha. "Maraming salamat po sa iyong tulong, Ginoo, subalit kaya ko na po ito. Mauna na po ako."

Dinala ko ang aking mga gamit at lumipat ng ibang lugar na walang gaanong tao. Hindi pa rin ako mapalagay sa tuwing mayroong lumalapit sa aking lalaki. Mayroong bumabalot na takot at kaba sa aking puso dala na rin marahil ng aking karanasan sa bahay-aliwan.

Hindi ko mawari kung kanino ko namana ang ugaling hindi gaanong malapit sa kalalakihan. Wala naman akong masamang karanasan noon sa kamay ng ibang lalaki nang kami ay nasa San Diego pa lamang. Hindi ko rin matandaan kung mayroon ba akong naging kaibigan na lalaki maliban kay Ginoong Agapito na nagpakita ng malaking respeto sa amin kahit kami ay mahirap lamang.

Paano pa kaya ngayon na ako ay inalisputa at binaboy? Mas lalo lamang lumaki ang aking distansya sa kanila at hindi ko na rin batid kung magtitiwala pa ba ako sa ibang tao - sa lalaki man o babae. Dahil maging sa kababaihan, naaalala ko ang ginawa sa akin ni Binibining Floriana. Isa siya sa mga taong nagpakita sa akin ng kabaitan noon ngunit tila parte lamang marahil ng kanyang plano.

"Ate, sa aking palagay, siya ay humahanga sa iyo," rinig kong wika ni Delilah sabay tumawa kaya ako ay humarap sa kanya.

"Lahat na lamang, Delilah, binibigyan mo ng kahulugan. Nagpakita lamang ng kabutihan ang tao." Saglit na napadako ang aking mga mata sa isang lalaking tahimik na nagbabasa sa isang gilid habang nakaupo. Mayamaya lamang siya ay napatingin sa akin at ngumiti kaya mabilis akong umiwas ng tingin.

Naalala ko sa kanya si Ginoong Severino na mahilig ngumiti at tumulong. Hindi sila nagkakalayo.

"Bakit, Ate Emilia, hanggang ngayon pa rin ba si Ginoong Severino pa rin?" Mas lalong lumapad ang kanyang pagkakangiti at tinusok ang aking tagiliran. "Akala ko ba kalilimutan mo na siya? Iyon ang sambit mo sa akin pagtapak natin dito sa Maynila?"

"Kinakalimutan ko na nga" sabay talikod ko. Ginagawa ko naman ang lahat upang kalimutan siya ngunit sana matandaan niyang dalawang buwan pa lamang ang nakalilipas. Hindi rin ganoon kadali ang lumimot. Ngunit kahit saan ako magpunta, kahit anong aking gawin at makasalubong, siya pa rin ay aking naaalala.

May mga bagay lamang talaga na nagpapaalala sa kanya kahit ayaw ko na siyang maalala. Bakit ba ganito?

"Sabi mo, e, subalit hindi naman masama kung ikaw ay makipagkaibigan sa ibang tao, Ate. Mas mapapadali pa nga ang iyong paglimot kung mayroong nagpapasaya sa iyo, hindi ba ganoon iyon?"

Ganoon ba iyon? Mapapabilis nga ba kapag ako ay nakipagkaibigan sa iba?  Sandali lamang saan niya naman nakuha iyan? Muli akong tumingin sa kanya nang nakakunot ang noo. "Sinong nagsabi sa iyo tungkol diyan? Bakit ang dami mong nalalaman?"

"Minsan naikukuwento po sa akin ni Ate Georgina ang ganyang mga bagay sa pag-ibig, Ate Emilia."

Napailing ako. Kahit dito ay aking nararamdaman ang presensya ng babaeng iyon. Mahilig talaga siyang magkuwento tungkol sa buhay pag-ibig kahit noon pa man ngunit hindi lamang ako naririnig dahil wala naman akong interes. Sana pala nakinig ako sa kanya noon. Ngayon ko lamang napagtanto na magagamit ko pala ang kanyang mga payo noon.

"Bakit hindi mo subukang makipagkilala sa iba, Ate, para naman  makalimmutan mo n--- si Ginoong Agapito ba iyon?" Siya'y nakatingin nang diretso sa kanyang harapan kaya sinundan ko ito ng tingin.

Nakita ko ang isang lalaki na naglalakad habang mayroong hawak na libro at nagbabasa. Sa paraan ng kanyang paglakad, tila siya ay nagmamadali dahil minsa'y lakad-takbo ang kanyang ginagawa.

Bakit siya narito?

"Siya nga, Ate! Ginoong Agapito!"

Napalaki ang aking mga mata. Binitiwan ko ang walis na aking hawak, agad na tinakpan ang kanyang bibig at nagtago sa likod ng malapit na puno rito.

Pigil ang aking hininga habang tinitignan ang kanyang gawi. Siya ay lumilinga sa paligid at tuluyan ding umalis ng wala siyang makita.

Impit naman na nagsisigaw ang aking kapatid kaya siya'y akin ng binitiwan at napahinga ako nang malalim. Akala ko makikita na niya kami. Mabuti na lamang hindi.

"Ano ba iyong ginagawa, Ate?" kunot-noong tanong niya sa akin. Hindi ba't dapat ako ang nagtatanong sa kanya niyan?

"Hindi mo dapat ginawa iyon. Hindi niya dapat malaman na nandito tayo."

"Bakit naman po?"

Napahinga ako nang malalim muli. Ayaw ko lamang na malaman niyang nandito kami dahil batid kong maaari niya itong sabihin kay Ginoong Severino. Hindi ba't sila ay magkaibigan at malapit sa isa't isa? "Hindi pa ito ang tamang oras." Batid ko rin namang darating ang araw na malalaman niyang nandito kami ngunit huwag muna sa ngayon. Hahayaan ko na lamang na siya mismo ang makatuklas.

Napabakit-balikat siya at muling nagpatuloy sa pagwawalis. Muli akong tumingin sa kinatatayuan niya kanina at nagpatuloy na rin sa paglilinis.

Nawa'y hindi niya muna kami makita rito sa mga susunod na araw. Ako ay magdodoble-ingat na.

--------------Nobyembre 10, 1895------------

Dapit-hapon na, narito pa rin kami sa loob ng Intramuros upang tulungan ang isang madre na ihanda ang gagamitin niyang kasangkapan sa pagluluto ng hapunan.

"Hindi naman kayo nagmamadali, hindi ba?" tanong ni Madre Ligaya habang hinihiwa ang sibuyas at bawang.  

"Hindi naman po," tugon ko. Ako naman ay nagpapainit ng tubig nang may kasamang bawang. Nang matapos na ito, isinalin ko ang katas nito sa baso. "Tapos na po Madre Ligaya."

"Delilah, maaari mo bang dalhin iyang salabat sa dormitoryo ng kalalakihan?"

Kumunot ang aking noo. Sino ang may sakit?

"Kanino ko po ito ibibigay?" tanong ni Delilah at hinawakan na ang baso.

"Kay Ginoong Agapito. Kung maaari dalhan niyo na rin siya ng pagkain. Maaari mo bang samahan ang iyong kapatid, Emilia?"

Ginoong Agapito? Siya'y may sakit? Kailan pa? Kaya ba nitong mga nagdaang araw ay hindi ko siya nasisilayan?

"Emilia?"

"A, opo opo, dadalhan po namin siya." Itinuro niya sa akin ang  palayok na naglalaman ng lugaw. Ito raw ang aking ihandang pagkain sa kanya.

Habang binabaybay namin ang daan patungong dormitoryo, hindi ko maiwasang mangamba. Ito na ba ang tamang panahon upang malaman niyang nandito na kami sa Maynila? Batid kong marami siyang itatanong sa akin. Handa na ba akong isalaysay sa kanya ang lahat ng pangyayari?

"Ate, narito na po tayo," sambit ni Delilah. Akmang kakatok na sana siya nang aking pigilan. "Bakit?"

Palihim akong huminga nang malalim saka umiling. "Sige na."

Siya'y kumatok ng tatlong beses. "Ginoong Agapito, dala po namin ang iyong pagkain at salabat. Maaari niyo po bang buksan ang pinto?" Kumatok siyang muli ngunit hindi pa rin binubuksan ang pinto.

"Ginoong Agapito?" sambit ko. Ako naman ngayon ang kumakatok at nagtatawag baka sakaling makilala niya ang aking tinig at kami'y pagbuksan.

Wala pa rin.

Pinihit ko ang hawakan, bukas naman pala. "Maaari ba tayong pumasok?"

Lumingon muna ako kaliwa't kanan upang tignan kung mayroon bang mga taong nagmamasid ngunit wala naman. Wala naman sigurong makakahuli sa amin, ano? Isa pa, ito ay utos ng madre.

Hindi na ako sinagot pa ni Delilah bagkus binuksan niya ang pinto at naunang pumasok. Kahit kailan talaga, Delilah.

Inilibot ko ang aking mata sa kabuuan ng kanyang silid. Maayos ito at malinis. Kumakalat din sa hangin ang kanyang pabango. Sa gilid ng kanyang higaan ay mayroong lalagyan ng mga libro na maayos na nakahanay at  mesa para sa kanyang pag-aaral. Mayroon pang nakabuklat na libro, kwaderno at panulat dito.

Ngunit siya, nababalot ng kumot ang kanyang buong katawan. Naunang lumapit si Delilah sa kanya at kinuha ang kumot.

Siya'y nakapikit habang nakabaluktot ang katawan at niyayakap ito. Nakasuot ng mahabang salawal at puting manggas.

"Ate, siya'y inaapoy ng lagnat."

"Kumuha ka ng palangganang tubig at bimpo." Umupo ako sa gilid ng kanyang higaan at inilapat ang aking palad sa kanyang noo. Tunay ngang mainit.

Inayos ko ang kanyang katawan sa pagkakahiga at inumpisahang haplusin ang kanyang buhok na humaharang sa kanyang mukha.

Ngayon ko na lamang muli siyang nakitang nagkasakit. Hindi pa naman niya ugaling sabihin sa ibang tao na masama na ang kanyang pakiramdam at iniinda na lamang. Kung hindi pa mapapansin ng ibang tao na siya'y namumula at nanghihina, hindi pa nila malalaman.

"E-E...mil..," bulong niya, bahagyang gumagalaw ang kanyang ulo pakaliwa't kanan. Kumukunot ang noo at nakaawang pa ang bibig.

Emil? Sino iyon? Bagong babaeng nagpabihag sa kanyang puso?

"Ili...ligtas k-kita...Emil...ia."

---------

<3~