Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 21 - Kabanata 19 ✓

Chapter 21 - Kabanata 19 ✓

"Hindi pa nga tayo nagsisimula, ika'y lilisan na. Paano na ako, Emilia?"

"Sa aking palagay, dapat kayong mag-usap," rinig kong wika ni Doña Criselda. Inanyayahan naman niya ang iba na bumalik na sa kanilang mga trabaho upang makapagpahinga na.

Hinawakan naman niya ang aking kamay at naglakad nang dahan-dahan. Hinayaan ko siyang dalhin ako kung saan man niya nais. Tumigil na lamang kami sa hardin at ako'y pinaupo niya. Nagtagal ng ilang minuto ang katahimikan ngunit hindi pa rin niya binibitiwan ang aking kamay habang nakatingin sa kawalan. Napatingin na lamang din ako sa kalangitan. Napakapayapa. Nakakamangha ang bilog na buwan at milyong mga butuin idagdag pa ang sumasayaw na mga bulaklak.

Nais kong malaman kung ano ang kanyang naiisip. Nais kong malaman lahat ng nangyari noong wala ako rito. Ako ma'y nangagamba sa aking maririnig ngunit handa kong tiisin ang lahat. Batid kong siya'y nahihirapan na. Siya'y naiipit sa sitwasyon. Hindi man niya sabihin sa akin subalit ramdam ko ang bigat ng kanyang dinadala.

"Nawa'y hindi ka galit sa aking ginawa," pagbasag niya sa katahimikan. Ano ba ang kanyang tinutukoy? Ang pagpili niya sa akin o ang kanyang paglilihim?

Nanatili lamang akong tahimik. Nais ko munang marinig lahat ng kanyang sasabihin dahil maging ko, hindi ko batid kung ano ang aking sasabihin. Parang nais ko na lamang manahimik at siya'y pakiramdaman.

"Hindi ko batid kung paano ko sasabihin sa iyo ang lahat gayong alam na alam ko kung gaano ka na nahihirapan."

Pareho lamang tayo, Ginoo, huwag mo ring kalimutan ang iyong sarili.

"Nais ko sanang manatiling lihim ang lahat hanggang ako'y maging handa na ngunit lahat ng ito ay nangyari nang hindi natin inaasahan." Pinisil niya ang aking kamay kaya ako'y napatingin sa kanya. Tumulo ng kusa ang kanyang mga luha at hindi na ito pinunasan pa. "Kay tagal kong hinintay itong pagkakataon na ito, E-Emilia. Ang tagal kong hinintay na makapiling ka." Nanginginig ang kanyang labi at kasabay ng paglakas ng kanyang iyak.

Pinunasan ko ang kanyang luha at inilapat sandali ang aking kamay sa kanyang pisngi. Ako'y ngumiti nang marahan. Bakit ang komplikado ng lahat? Bakit ang sakit? Magkasama nga kami ngayon subalit puno naman ng pait. "Patawad kung ika'y nahihirapan na dahil sa akin. Wala man lang akong magawa upang mapagaan ang iyong kalooban." Hindi ko na rin mapigilan pa ang aking luha. Lumalabo siya sa aking paningin dahil sunod-sunod na pagpatak nito. Nais kong sulitin ang gabing ito. Nais kong maalala ang kanyang mukha bago ako umalis. Aking nararamdaman na ito na ang huling araw na siya'y aking makikita.

Siya nama'y maraming beses na umiling habang hinawakan ng dalawang kamay ang aking kamay na nasa kanyang pisngi. "Hi-Hindi. Hindi totoo iyan. Hindi ako nahihirapan dahil sa iyo. Huwag mong isipin iyon. Ayos lamang ako. Tignan mo ako, ayos lamang ako." Ngumiti pa siya nang malapad ngunit hindi matatakpan noon ang tunay niyang nararamdaman.

"Ngunit kitang-kita sa iyong mukha. Ayaw ko ng mahirapan ka."

Unti-unting nawala ang kanyang ngiti at napalitan ng pagkaseryoso. "Kaya ikaw ay aalis? Sa iyong palagay, gagaan ang aking pakiramdam at mawawala ang sakit? Emilia, mas lalo mo lamang papasakitin ang aking damdamin. Huwag ka ng umalis. Paano ako? Paano tayo?"

"Paano si Binibining Floriana?" Nais kong maging makasarili, kalimutan ang lahat at lumayo kasama siya ngunit hindi maaari. Mas maraming masasaktan. Mas magiging magulo lamang. Hindi iyo maaayos hangga't walang magpapakumbaba.

"Paano ako?" Binitiwan niya ang aking kamay at napatakip sa kanyang mukha. "Hindi ako nagsising ikaw ang aking pinili. Batid kong ako'y naging makasarili ngunit paano ako sasaya kung magpapanggap lamang ako na masaya sa piling ng iba?" Siya'y muling tumingin sa akin at umalis sa kanyang pagkakaupo. Siya'y lumuhod sa aking harapan, marahang hinaplos ang aking kamay. "Pinatunayan mo lamang kanina na hindi ako nagkamali sa aking desisyon. Kaya naman kitang ipaglaban, Emilia, ginawa ko na iyan sa harap ng aking pamilya kahit alam kong magagalit sa akin si Ama at ang kanyang pamilya."

Kumunot ang aking noo. "Ano ang iyong ibig sabihin?"

"Hindi mo na kailangang malaman pa."

"Bakit? Sabihin mo sa akin, Ginoong Severino, hindi mapapanatag ang ak---."

"Magkakaroon ka lamang ng mas malalim na dahilan upang tuluyang lumisan ka. A-At hindi ko h-hayaang mangyari iyon, Emilia."

Napatayo na lamang ako at naglakad papunta sa gitna ng hardin. Ito na nga ba ang aking ikinakatakot. Ako'y nagdadalawang-isip na. Naramdaman ko na lamang ang kanyang mainit na kamay sa aking braso.

"Hayaan mo naman akong makasama ka pa ng mas matagal, Emilia," bulong niya sa aking tainga. Nagsitaasan ang aking balahibo sa init ng kanyang hininga. Siya ngayo'y nasa aking likuran habang patuloy pa rin sa paghikbi. "Wala man akong kasiguraduhan subalit ako'y sumugal. Nais kong iparamdam sa iyo ang aking pagmamahal." Dahan-dahan niya akong iniharap sa kanya. Basang-basa na ang kanyang pisngi at siya rin ay pinagpapawisan na. "Ngunit paano ko maipaparamdam sa iyo iyon kung ikaw ay mawawala sa akin? Para lamang akong sumugal sa wala, Emilia. Mas masakit pa ito kaysa sa malakas na suntok ni Ama."

Nagsalubong ang aking dalawang kilay. Malakas na suntok? "Pinagbuhatan ka ng kamay ng iyong ama?" Sinuri ko ang kanyang mukha at braso na kanyang ikinataka. "Na-Nasaan na ang iyong galos? Mayroon bang gumamot sa iyo? Bakit hindi mo sinabi sa akin?" Kailan pa? Dapat sinabi niya sa akin ito noong araw na ako'y kanyang itinakas. Lahat na lamang ba ililihim niya? Wala ba akong karapatan na malaman?

Ako'y kanyang pinakalma at ngumiti nang matamis, kita ang kanyang dalawang biloy. "Ayos lamang ako. Nariyan naman si Ina, siya ang gumamot sa akin. Ayaw ko nang mag-alala ka pa dahil batid kong sisisihin mo lamang ang iyong sarili. Kaya ko naman ang sakit, Ma---."

"Bakit? Ba...kit ako, Severino?" Sa totoo lamang, noong pinagmamasdan ko kanina si Binibining Floriana na nagkikiusap, isa lamang ang tanong na umiikot sa aking isipan. Bakit ako ang kanyang pinili? Sambit ng iba, batid daw nila kung bakit ako ang kanyang pinili at hindi siya nagkamali sa kanyang ginawa ngunit wala akong nakikitang magandang dahilan upang gawin iyon kahit sa totoo lang din ay may parte sa aking puso ang natuwa subalit mas nangingibabaw ang takot hindi para sa aking sarili kung hindi para sa kanya at sa kanyang pamilya.

Hinawakan niya ang aking kamay at itinapat sa kanyang puso. Sobrang bilis ng tibok ng kanyang puso ngayon. Tila mayroong mga kabayong nag-uunahan. "Naalala mo pa ba noong unang araw na ako'y dumating dito? Ibinulong mo noon sa iyong sarili na ako'y walang puso at kinuha ko ang iyong kamay at idinikit dito."

Ako'y tumango habang pinupunasan ang aking mata. Oo, iyon ay aking naaalala. Napatawa na lamang ako. Saan ako kumuha ng lakas ng loob upang sabihin at gawin iyon sa kanya. Iyon ang araw na hindi ko inaasahang magpapabago sa aking buhay. Sino ba naman ang makakapag-isip na ang simpleng tagpo na iyon ay mauulit ngayon?

"Ikaw ay aking tinanong noon kung nararamdaman mo ba ang pintig ng aking puso, hindi ba?" Muli akong tumango. "Aking uulitin ang tanong na iyon. Nararamdaman mo ba ngayon ang pintig ng aking puso?"

"O-Oo, aking na-nararamdaman." Bumibigat ang aking dibdib dahil sa labis na pag-iyak. Ang bigat na rin ng aking mga mata ngunit mas mabigat ang aking puso ngayon.

"Nasagot ko na ba ang iyong tanong, Mahal?"

Mahal?

--------------Nobyembre 1, 1895-------------

Tanghaling-tapat ngunit ako'y nagtitirik ng kandila at nag-alay ng maliit na bulaklak na aking ipinagpaalam sa aming kalapit-bahay rito sa labas ng aming munting bahay. Unang araw ng nobyembre ngunit hindi ko man lang magawang dalawin ang puntod nina Inay at Itay. Itong simpleng pagtirik ng kandila at pag-alay ng dasal ang tanging magagawa ko.

Tahimik akong umupo habang nakatitig sa natutunaw na kandila nang aking marinig ang tinig ni Delilah.

"Hindi mo man lang ako hinintay, Ate Emilia," natatawa niyang tugon. Siya'y umupo sa aking tabi, nagtirik ng kandila at sandaling nag-alay ng panalangin. Narinig ko siyang nagbuntong-hininga at marahang hinahawakan ang mga natunaw na kandila sa papag. "Hindi kaya magalit sa atin sina Inay at Itay, Ate? Hindi man lang natin sila madalaw ngayon."

Tumingin ako sa kanya at napakibit-balikat. "Tiyak akong nauunawaaan nila ang ating sitwasyon ngayon." Kahit kailan walang araw na hindi nila kami naintindihan kaya batid ko sa kabila ng lahat ng nangyari sa akin mauunawaan nila iyon.

Nakakapangulila. Minsan hinihiling ko na lamang na sana hanggang ngayon buhay pa rin sila. Sana mayroon pa akong ina na aking nayayakap sa tuwing ako'y sinasaktan ng ibang tao. Sana mayroon pa akong ama na magtatanggol at magpoprotekta sa akin laban sa kanila. Naramdaman ko na lamang ang panlalabo ng aking mga mata kaya mabilis akong tumingala upang pigilan ang aking luha.

Hinaplos ni Delilah ang aking likod at pinunasan ang aking mata. Marahan siyang ngumiti kaya ako'y napangiti na lang din. "Ikaw po ba'y nangungulila sa kanya, Ate?"

Kumunot ang aking noo. Sinong siya ang kanyang tinutukoy? Ang aming mga magulang naman ang aking iniisip.

"Si Ginoong Severino po. Madalas ko rin pong iniisip kung ano na ang kanilang kalagayan roon. Dalawang buwan na po tayong walang balita sa kanila."

Kasabay ng malakas na hangin na nagpapalipad sa aking buhok na nakalugay, napadako ang aking paningin sa maaliwalas na kalangitan na may mataas na sikat ng araw.

Dalawang buwan na pala ang nakalilipas mula nang kami ay umalis doon. Dalawang buwan na mula nang putulin ko ang aking ugnayan sa kanila upang makapagsimula muli. Batid kong mali ang aking desisyon dahil wala namang ginawa sa aking masama ang pamilyang iyon bagkus puros kabaitan ngunit naisip ko, kung patuloy pa rin ang ugnayan sa pagitan naming lahat, patuloy pa ring malalagay sa kapahamakan at kasiraan ang kanilang pangalan na ilang taon na nilang iniingatan.

Ayaw ko naman na dahil lamang sa akin ay mawawala ang kanilang magandang reputasyon at imahe. Kahit kailan hindi iyon magiging pantay sa aking paningin. Mas mabuti na ako na lamang ang lumayo upang maging maayos muli ang kanilang buhay lalong-lalo na sa kanya. Ano na kaya ang kanyang ginagawa ngayon? Dalawang buwan na akong walang balita sa kanya subalit ang aking isipan, siya pa rin ang laman.

"Ate, sa iyong palagay, sila'y nagkabalikan ni Binibining Floriana?"

"Hindi ko alam." Kahit mayroong parte sa aking puso na nais malaman kung ano ng nangyari sa kanila subalit mas pinili ko na lamang na pigilan ang aking sarili. Wala ring saysay ang aking paglayo kung patuloy pa rin akong maghahanap ng paraan upang malaman ang kanilang kalagayan. Kung sila ma'y nagkabalikan, taos-puso ko itong tatanggapin. Iyon naman ang aking nais mangyari para sa kanila - ang magkabalikan. Tulad ng aking sinabi sa kanya noon.

"Nanay Sitang!" masayang tawag ni Delilah at mabilis na tumakbo palapit sa kanya.

Maging ako ay tumakbo rin upang salubungin ang kanyang mga dala. "Sana po sinabihan niyo kami na kayo po'y mamimili." Samu't saring gulay, prutas at karne ang kanyang ibinili. Mayroon ding bigas na malagkit. "Mahal po ang iyong nagasta rito, Nanay Sitang. Sinabi ko naman po sa inyo, kami na ang bibili ng ating pagkain araw-araw."

Ngumiti lamang siya at iginulo ang aking buhok. Kinuha ni Delilah ang aking mga dala at naunang pumasok sa bahay. Inalalayan ko naman si Nanay Sitang sa paglalakad dahil nitong mga nakaraang araw ay sumasakit ang kayang mga paa.

"Ako'y magluluto ng biko at bibingka bilang handa natin ngayong araw. Alay na rin natin sa inyong yumaong magulang," wika niya ng kami ay makarating na sa kusina.

"Tulungan na po namin kayo," sabay naming sambit ni Dellilah na aming ikinatawang tatlo.

Habang kami ay masayang kumakain, hindi ko maiwasang mapatitig kay Nanay Sitang, ang tumayo sa aming magulang at balikan ang alaala kung paano kami napunta rito at paano namin siya nakilala. Siya lamang ang nag-iisang taong tumulong sa amin noong araw na iyon.

"Ate, saan na po tayo tutungo nito?" Bakas sa kanyang tinig ang pinaghalong lungkot at takot dahil masyado ng malalim ang gabi, kami ay naglalakad pa rin. Sobrang higpit ng kanyang pagkakahawak sa aking saya at nanginginig rin ang kanyang kamay habang palinga-linga sa paligid.

Maging ako, hindi ko batid kung saan kami pupunta. Nakakaramdam na rin ako ng takot nang aking makita na mayroong mga iilang guardia sibil ang nagpaikot-ikot at baka kami ay huliin lalo na't marami ng nakakakilala sa akin dahil sa nangyari.

Hinawakan ko na lamang ang kamay ni Delilah at hinila kung saan man ako dalhin ng aking mga mata. Mabuti na lamang ay mayroon kaming naipong dalawa at binigyan din kami ng pera ni Doña Criselda. Sambit niya na ilaan namin sa aming paglalakbay ang kanyang ibinigay at itago na lamang muna pansamantala ang aming ipon para sa aming pagkain.

"E, kung tayo kaya'y bumalik sa bayan ng San Diego, Ate? doon naman tayo rati nakatira. Sayang lamang at naipagbili natin ang bahay na ginawa ni Itay."

"Hindi na. Wala na tayong mababalikan doon." Naisip ko na rin iyan ngunit aking napagtanto na  mas maganda na malayo rito.

"E, saan po tayo nito? Anong oras na po ba? Mayroon pa ba kaya tayo mapupuntahan ng ganito kalalim na ng gabi?"

Isa lamang ang nasa aking isipan. Nais kong magsimula kaming magkapatid sa malayo. Malayo rito sa kanila, malayo sa bayang ito. Ako'y napahinto nang maamoy ang maalat na dagat na sumasabay sa malakas na ihip ng hangin. Nang aking mapagtanto kung nasaan kami, bumilis ang aking mga hakbang na ikinagulat ni Delilah.

"Ate, sandali lamang. Bakit anong mayroon?" Ang kanyang maliliit na hakbang ay sinasabayan ang akin. "Hindi ba't dagat iyon? Naaamoy ko ang dagat."

"Kaya nga't ating bilisan." Nang kami'y makarating, tahimik ang dagat  ngunit mayroong iilang mga tao ang naririto na sa aking palagay ay mula sa mataas na antas, maayos ang kanilang mga postura kasama ang kanilang tagapagsilbi na dala-dala ang kanilang kagamitan. Marahil sila ay mga pasahero.

"Ate, sila po ba'y luluwas? Saan kaya ito patungo?"

Napailing na lamang ako bilang tugon habang nanatiling nakatingin sa paligid. May iilan na napapatingin sa amin kaya ako'y napaiwas na lamang. Namukhaan kaya nila ako? Dapat pala hindi na lamang ako natungo rito. "Delilah, hali na." Siya sana'y aking hihilain nang ako'y kanyang pigilan.

Siya'y lumapit sa isang babae na isang tagapagsilbi na nakatayo malapit sa amin. "Mawalang-galang na po, binibini, nais ko lamang magtanong." Tumango lamang ang babae sa kanya kaya siya'y nagpatuloy. "Batid niyo po ba kung saan sila papunta?" sabay turo niya nang palihim sa mga tao.

"Sa Maynila po, munting binibini."

Maynila? Hindi pa kami nakakapuntang Maynila sa tanang buhay namin.

"Ate, sa maynil---."

"Oo, aking narinig," pagputol ko. Uulitin pa, batid naman niyang hindi ako malayo sa kanila.

"Ang sungit. Ano na pong gagawin natin ngayon?"

Saktong dumating ang barko kaya ang mga tao ay nagsigalawan na pasakay sa loob. Mayroon namang matandang lalaki na tila kasing-edad lamang ni Don Faustino, tinutulungan niya ang mga pasahero sa kanilang mga kagamitan at inaalayang maglakad. Ang mga tagapagsilbi naman ng mga sumakay ay nagpaalam sa kanila habang kumakaway pa. Hinintay muna nilang makasakay ng tuluyan ang mga ito bago umalis.

"Mga binibini," pagtawag ng isang lalaki. "Kayo ba'y sasakay?"

Ilang segundo muna ang tumagal bago ako sumagot. Aking pinag-iisipan kung kami rin ba'y sasakay. Kasya kaya itong aming kwarta? Lumingon muna sa likuran ngunit kami na lamang pala ni Delilah ang naiwan.

"Kayo nga ang aking kinakausap. Kayo ba'y sasakay? Aalis na ang barko," dagdag pa niya habang natatawa at naghihintay sa aming sagot.

Kami ba talaga ay sasakay? Sa Maynila? Hindi ba masyadong malayo na iyon? Ngunit ito naman ang aking nais hindi ba? Ang magpakalayo? Kakayanin ba naming mamuhay roon gayong wala kaming kilala? Mahirap mamuhay sa Maynila, masyadong mapanganib subalit ---.

"Ate, ano na?"

"Nakakamangha," bulong ko sa aking sarili, nakabukas ang aking labi habang tinitignan ang paligid. Ganito pala ang itsura ng barko. Ngayon lamang ako nakasakay rito. ang kabuuan ng barko ay gawa sa matibay na kahoy, mayrong maliliit din ngunit itong aming nasakyan ay malaki. Sa aking pagkakaalam, ang uling ang nagpapatakbo nito. Mayroon ding malalaking silid para sa mga matataas na pamilya.

Mayroon akong nakita roon sa gawing kaliwa, nakaawang ang pinto ng silid kaya nakita ko kahit papaano ang loob nito. Malaki ang higaan nito na sa aking tansya ay magkakasya ang dalawa hanggang tatlong tao. Mayrong maliit na lalagyan ng mga libro sa gilid nito at iilang palamuti upang magkaroon ng buhay ang silid.

Ang ganda. Ano kaya ang pakiramdam na makasakay rito at makabili ng malaking silid? Sambit ng matandang lalaki kanina na aabutin ng tatlong araw bago makarating sa Maynila. Kung kami ay magbabayad ng malaki ni Delilah para sa isang silid lamang, wala ng matitira sa amin. Nais ko sanang maranasan ito. Nais kong iparanas kay Delilah lalo na't ito ang kanuna-unahang beses namin.

"Ate, ang ganda rito. Ang lalaki ng mga silid para sa mga ginoo't binibini," nakangiting sambit niya at tumigil sa paglalakad kaya ako rin ay natigilan. Bakas sa kanyang mga mata ang tuwa at pagkamangha. Hindi nga niya gaanong napapansin ang mga taong kanyang nababangga sa tuwing siya'y naglalakad.

Nakaramdam naman ako ng lungkot nang mapagtanto kong hindi ko maibigay sa kanya ang ganitong kalaking silid. "Paumanhin kung hindi tayo makakatulog sa malaking higaan tulad nila. Hindi sapat ang ating ipon para riyan."

Siya'y tumawa at isinabit ang kamay sa aking kanang braso. "Ayos lamang po iyon. Ang importante ay nakasakay na tayo rito. Naalala mo po ba, Ate, pangarap natin itoo noon kasama sina Inay at Itay."

Tumango ako habang nakangiti. Mabuti naiintindihan niya ang sitwasyon kahit siya'y bata pa lamang.  Naalala ko nga iyon. Mga bata pa lamang kami ng kami ay mangarap na makasakay ng barko at ngayon ay natupad na. Hindi nga lamang kami kumpleto. "Hali na, tayo'y magpahinga na." Nakayanan lamang ng aming pera ay ang pinakamaliit na silid na nagkakahalaga ng sampung piso. Nakapuwesto ito hindi kalayuan kung saan naroon ang makinang ginagamit para sa pagpapatakbo nito. Batid kong marami na kaming mabibili sa halagang iyon ngunit saan naman kami matutulog ng tatlong araw dito? Sa papag?

Ang malalaking silid ay nagkakahalaga mula limampu hanggang isandaang piso. (50-100 pesos). Saan naman ako kukuha ng ganyan kalaking kwarta? Maging ang aking perang kinita sa bahay-aliwan ay hindi pa sapat para sa isang silid.

Pakiramdam ko'y madaling araw na ngunit hindi pa rin ako dinadalaw ng antok samantalang humihilik na ang aking kapatid dahil sa labis na pagod. Napagpasyahan ko munang magpahangin at pagmasdan ang ganda ng dagat habang naririto kami sa barko. Lulubusin ko na ang pagkakataon na ito.

Sobrang tahimik ng dagat ngunit ang aking isipan ay hindi mapakali. Naiisip ko pa rin ang huli naming napag-usapan ni Ginoong Severino bago ako tuluyang magpaalam. Batid kong naiintindihan niya ang aking dahilan. Ang hinihiling ko lamang ay sana hindi siya magkimkim ng sama ng loob sa akin. Ginawa ko lamang ito para sa kanyang kaligtasan at sa kanyang pamilya.

Ako ma'y masaktan ng sobra ngunit handa kong akuin at tiisin ang lahat dahil batid kong ito ang parusa na nararapat para sa akin sapagkat hindi ko napigilan ang aking sarili na siya'y mahalin. Batid kong sa una pa lamang ay malaki na itong kasalanan subalit sadyang matigas ang aking puso, hindi nakikinig sa akin. Nararapat lamang ito sa akin upang hindi na siya muling malagay sa panganib.

Mahal din kita, Severino, kaya ko ito ginawa.

"Handa na ba ang iyong gamit?" tanong ko sa kanya habang inaayos ang kanyang buhok at baro't saya na kulay puti na aking iniregalo sa kanya.

"Opo, handa. Nasasabik na ako, Ate Emilia, kaunting minuto na lamang tayo'y makakatapak na sa Maynila." Napahagikhik pa siya kaya kita ang sira niyang ngipin.

Ngumiti naman ako at inayos ang aking baro't saya. Ito na ang aming huling araw sa barko. Ilang sandali na lamang dadaong na ang barko. Dinala ko na ang aking mga gamit habang hawak naman ni Delilah ang sa kanya. Hinila ko rin siya palabas nitong silid upang tignan ang labas ng barko. Hindi pa ganoon ang kataas ang sikat ng araw sapagkat alas-sais pa lamang ng umaga ngunti marami  ng mga tao ang naghihintay at kumakaway.

"Ate, heto na! Malapit na!" Kahit wala namang naghihintay sa amin, siya ay kumaway na aking ikinataka.

"Bakit ikaw kumakaway? Wala tayong kamag-anak diyan."

"Alam ko po. Nais ko lamang kumaway." Siya'y lumingon sa akin at tumawa. "Hindi naman po nila malalaman kung mayroon ba tayong kilala riyan, e. Kumaway ka rin po, Ate, isipin mo na lamang naghihintay sa atin sina Inay at Itay."

Pinilit niya akong kumaway dahil hindi ako sumang-ayon. Huwag na niya akong idamay. Sa ilang minuto kong pagtitig sa aking kapatid na mayroong mlaking ngiti sa labi habang kumakaway at paminsan-minsa'y sumisigaw pa,  napangiti ako at natawa. May parte sa aking puso na nais kong subukan ang kanyang ginagawa ngunit hindi naman ako tulad ng aking kapatid na mayroong ganyang ugali.

'Isipin mo na lamang naghihintay sa atin sina Inay at Itay.'

Napatingin na lamang ako sa kalangitan at ngumiti. Nakiita niyo po ba ngayon kung gaano kasaya ang inyong bunso, Inay, Itay? Natupad na po namin anh aming pangarap na makasakay ng barko ngunit hindi lang po namin kasama. Huwag na rin po kayo mag-alala, hindi naman po ako nalulungkot ng sobra lalo na't batid kong nariyan po kayo, nakasubaybay sa amin araw-araw. Hiling ko lamang po na patuloy niyo pa rin kaming gabayan lalo na wala na po kami sa bayan ng Las Fuentas. Narito na po kami sa Maynila. Bagong lugar, bagong buhay.

"Ate, hali na, nagsisibabaan na ang mga tao" sabay hila niya sa akin. Hindi pa nga ako tapos sa aking pagmumuni, e.

Hinawakan ko nang mahigpit ang kanyang kamay. Hindi ko alam kung bakit ako nakakaramdam ng kaba. Dahil ba makakatapak na ako sa Maynila o sadyang kinakabahan lamang ako at nasasabik din?

Isang malakas na hangin ang bumungad sa akin nang tuluyan kong ihakbang aking mga paa sa sahig. Nilibot ko ang aking paningin. Sobrang laki ng Maynila. Iba't ibang mga tao ang naririto ngayon, mayroong mga guardia sibil sa paligid at mas malalaking puno at mas maraming imprastraktura na wala sa dalawang bayan na aking napuntahan.

Nagkalat din ang mga karwahe at nangangamoy ang masasarap na pagkain na sumasabay sa malakas na hangin. Nakakatakam.

"Ate, saan tayo tutungo nito?" rinig kong tanong ng aking kapatid.

"Kahit saan." Lumingon ako muli sa dagat, ngayon ko mas lalong nakita ang kabuuan nito. Napakalaki at napakalinis ng dagat. Napakaganda. Sa hindi kalayuan nito, makikita ang matataas at matitibay na pader na gawa sa bato. Mukhang maganda roon. "Hali ka, doon tayo sa batong iyon." Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at nagsimula na akong maglakad.

"Anong bato, Ate? Iyang mataaas at malalaking pader ng bato na iyan? Hindi po ba't malayo? Ating lalakarin?"

"Anong malayo? Bakit mayroon ka pa bang pera pangbayad kapag tayo'y sumakay sa karwahe?" Ang sabihin niya tinatamad lamang siya. Kurutin kita riyan, e.

"Mayroon ka bang buwanang-dalaw ngayon, Ate? Noong isang araw ka pa mausngit," natatawa niyang tugon.

Ngayon ko lamang naalala, hindi pa pala ako dinadatnan ngayong buwan. Sa dami ng nangyari, maiisip ko pa ba iyon? Hindi ko na lamang siya sinagot bagkus pinaikutan ko siya ng mata kahit hindi niya nakikita.

Sa ilang minutong paglalakad, ilang beses tumunog ang kalangitan. Ito'y nangingitim na ngayon at tila ano mang oras ay papatak ang ulan. Hindi nga ako nagkamali, bigla na lamang bumuhos ang malakas na ulan. Parang kanina ang ganda pa ng panahon, a?

Mabuti na lamang narito na kami sa mataas na pader na gawa sa bato ngunit wala naman kaming masisilungan. Kung sinusuwerte ka nga naman, o. Basa na ang aming kagamitan!

"Doon muna tayo, Ate," sabay turo niya sa isang malaking puno.

Nanatili muna kami upang magpatila hanggang sa mawala ang ulan. Ilang tao ang dumaan sa amin, mapababae o mapalalaki man ngunit hindi man lang kami tinutulungan. Ang iba sa kanila ay lulan ng magandang karwahe, iba ay naglalakad. Napaikot ko na lamang ang aking mga mata. Ang arte. Pakiramdam naman nila sila ay sobrang ganda at gwapo. Mas hamak na mas magandang lalaki si Ginoong Severino.

Mayamaya lamang, mayroong matandang babae na lumabas doon sa gawang bato, binuksan ang dalang malaking payong, napatingin sa amin at lumapit sa amin. "Mga binibini, umagang-umaga kayo ay basang-basa."

"A, opo. Wala po kase kaming matutuluyan, Manang, kararating lamang po namin dito sa Maynila mula sa bayan ng Las Fuentas." Agad kong tinakpan ang kanyang bibig. Kahit kailan napakaingay talaga nito. Hindi matigil-tigil ang bibig. Siya ay nakangiti pa habang nakikipagtitigan sa matanda.

Ngumiti ang matanda at umubo. Ginawa niyang pantakip sa kanyang bibig ang kanyang itim na balabal na nakapulupot sa kanyang leeg. "Bueno, hindi naman malayo rito ang aking bahay. Maaari muna kayong tumuloy," sambit niya na nagpalaki sa aking mga mata. Sabay pa kami nagkatinginan ni Delilah, pareho lamang kaming nagulat. "Magkakasya naman marahil tayo rito sa aking payong."

"Si-Sigurado po ba kayo?" tanong ko. Hindi ako makapaniwala na mayroong tutulong sa amin sa ilang minutong pagtayo rito.

"Bakit, Ate, ayaw mo po ba?" Pagkuwa'y siya ay lumingon sa matanda. "Maraming salamat po, Manang! Hali na po, tila kayo ay may sakit. Mahirap na po baka kayo ay mas lalong malamigan pa."

Napaawang ang aking labi nang alalayan niya ang matanda sa paglalakad. "Ate, iiwanan ka na namin, ha?" May maganda rin pa lang naidudulot ang kanyang kaingayan. "Manang, ano po pa lang pangalan niyo? Ako po si Delilah at siya naman po ang aking kapatd, si Ate Emilia."

Sinabayan ko na sila sa paglalakad at tumulong na rin upang siya'y akayin. Ako na rin ang naghawak ng payong. Anong ginagawa niya roon sa gawang bato na pader? Akala ko roon siya nakatira.

"Aling Sitang na lamang ang inyong itawag sa akin o kung nais ninyo, Nanay Sitang, halos lahat ng tao na nakakakilala sa akin ay nanay ang tawag sa akin." Sandali niya kaming tiningnan at ngumiti nang matamis. "Ako'y nagagalak na makilala kayo."

"Nanay na lamang." Punong-puno ng enerhiya ngayon si Delilah, a? Mukhang siya'y masayang-masaya kahit kami ay nabasa ng ulan.

"Ano nga po pa lang ginagawa niyo roon? Doon po ba kayo nagtatrabaho?"

Hinayan ko na lamang siyang makipag-usap kay Nanay Sitang. Masyado ring tahimik kung walang magsasalita. Ngunit nakakahiya rin paminsan-minsan ang kanyang kaingayan, wala na sa lugar.

"A, oo, anak. Doon ako nagtatrabaho. Intramuros ang  tawag sa gusaling iyon."

Intramuros?

"Ang laki nga pong gusali, e. Ang ganda rito sa Maynila."

"Nariyan sa loob ng Intramuros ang paraalan na ekslusibo lamang para sa kalalakihan kya sobrang laki niyan." Kami ay lumiko pakaliwa at mayamaya lamang huminto sa tapat ng malit na bahay. "Narito na tayo. Tuloy kayo. Paumanhin kung maliit lamang ito, a? Ako lamang kase ang mag-isa sa buhay."

Nilibot ko ang aking paningin, maliit lamang siya ngunit maganda at malinis. Bakit siya lang mag-isa rito? Wala ba siyang asawa o anak?

"Kayo ba'y kumain na? Batid kong gutom kayo sa inyong biyahe. Hali kayo, mayroon pa kong natirang tuyo at itlog na pula noong nakaraang gabi. Hindi pa naman napapanis iyon kaya maaari pang kainin." Siya'y nagpaalam upang ihanda ang kusina.

"Ate Emilia, nasaan na nakarating ang iyong isipan? Sa malayong bansa na ba?" rinig kong natatawang tanong ni Delilah habang kumakain ng bibingka dahilan upang ako'y mapatingin sa kanya. "Kanina ka pa namin kinakausap ngunit ikaw ay nakatulala lamang kay Nanay Sitang."

Naputol na lamang ang aking pagbabalik-tanaw. Kinuha ko sa kanya ang kanyang kinakain at mabilis itong nilunok na kanyang ikinagulat at aking ikinatawa. Nakaganti rin ako.

"Siya nga pala, kumusta naman ang trabaho ninyo sa paaralang iyon?"

Pinunasan ko ang aking bibig bago magsalita. "Ayos naman po, Nay. Mababait pa rin po ang mga madre." Tatlong araw mula nang kami ay makitira sa kanya, ako ay naghanap ng trabaho upang makatulong sa araw-araw na gastusin at bilang kabayaran na rin sa kagandahang-loob na kanyang ginawa para sa amin. Noong una, ayaw niyang pahintulutan si Delilah na magtrabaho dahil daw siya'y bata pa ngunit napilit din siya nito.

Batid niya rin kase na ilang taon din kaming nanilbihan kaya hindi na bago sa amin ang ganoong uri ng trabaho. Nais sana namin mamasukan sa Intramuros kung saang paaralan siya naninilbihan bilang tagapaglinis ngunit hindi ito sinang-ayunan ng mga paring misyonero dahil ito ay paaralan ng mga kalalakihan bagkus mayroong sinabi sa aming eklusibong paaralan para lamang sa kababaihan na dito rin sa loob ng Intramuros matatagpuan - ang Colegio de Santa Isabel.

Sa sobrang lawak ng Intramuros, magkalayo ang kinatatayuan ng dalawang ekslusibong paaralan at mayroon pang kumbento, simbahan at gusaling pampamahalaan ng mga kolonisador.

"Bakit nga po pala hindi kayo roon naninirahan gayong maaari naman po?" tanong ni Delilah. Iyon din ang aking ipnagtataka. Maaaring tumira roon sa loob ng Intramuros ang mga pilipinong kasambahay at kutsero.

"Ayaw ko lang. Mas pipiliin ko pa rin ang bahay na ito. Maraming espanyol ang nakatira roon, masyadong mahigpit. Hindi tulad dito na lahat ng nais mo ay iyong magagawa."

Napatango na ako. Kunsabagay tama naman si Nanay, sa dalawang buwan kong paninilbihan doon, ang kanilang kalupitan at kahigpitan ang aking napansin, idagdag pa ang mga maadre at pari. Tila lahat ng iyong galaw ay binabantayan.

"Nga pala, Emilia anak, noong nakaraang gabi, aking narinig na mayroon kang binabanggit na pangalan ng lalaki habang ikaw ay natutulog."

Saktong ako ay umiinom ng tubig nang iyon ay aking narinig kaya naibuga ko ito at natalsikan si Delilah.

"Ano ba iyan, Ate! Harap ng pagkain, o!" Pinunasan niya ang kanyang braso kung saan siya natalsikan nang nakakunot ang noo subalit ilang segundo lamang, siya ay nakangiti na. Ngiting hindi ko nagugustuhan. "Hanggang sa panaginip pala, Ate, ikaw ay sinusundan ni Kuya Severino."

"Severino?" takang tanong ni Nanay Sitang.

Ako? Nanaginip tungkol sa kanya? kailan? Bakit wala akong maalala? Sa lahat din ng maaaring makarinig, bakit si Nanay pa? Emilia, nakakahiya ka talaga.

Tumingin siya sa akin at mas lalong lumapad ang pagkakangiti sa akin lalo na nang panlakihan ko siya ng aking mga mata bago tumingin kay Nanay. "Opo, Nay, iyon po ang pangalan ng lalaking kanyang iniibig." Siya talaga ang nagpapahamak sa akin pagdating sa ganitong bagay. Ang sarap burdahan ng kanyang labi.

"Mayroon akong kilalang Severino na nag-aaral sa loob ng Intramuros." Siya ay tumayo upang kumuha pa ng tubig na maiinom at nilgayan muli ang aming mga baso.

"Talaga po, Nay?" tanong ni Delilah nang may pagkagulat. Saglit pa siyang nagpukol ng tingin sa akin bago muling tumingin kay Nanay samantalang ako ay tahimik na nananalangin na sana hindi siya ang kanyang tinutukoy.

"Ano pong buong pangalan?"

Saglit pa itong huminto upang kumain ng biko. "Sa aking pagkakaalam, mayroong Fontelo sa kanyang pangalan. Paumanhin na mga anak, sa dami ng aking nakakasalamuhang mag-aaral doon, hindi ko na rin matandaan ang kanilang buong pangalan."

----------

<3~