A/N: Hindi ko batid kung papasa ba ito sa inyong panlasa ngunit ikinalulugod kong sabihin na maraming salamat sa 1.25k na nagbabasa. 😊 Nawa'y masubaybayan po ninyo ang kanilang kwento, puso ❤️
Nanginginig ang aking mga kamay at labi habang ako ay nakayuko, nakaupo rito sa salas, pinapaligiran nilang lahat at nakatutok sa akin ang pares ng kanilang mga mata.
"Emilia, ano ba talaga ang nangyari?" tanong sa akin ni Doña Criselda na nakatabi sa akin ngayon at hawak-hawak ang aking kanang kamay. "Hindi ka namin pababayaan ngunit nais din naming malaman ang totoong nangyari."
Muli kong pinunasan ang aking pisngi nang sunod-sunod kumawala ang aking luha. "T-Totoo po ang aking sinabi. Hindi po ako nagsisinungaling."
"M-Maniwala po kayo, Doña Criselda, Don Faustino, pinigilan po namin siya na umakyat ng puno dahil batid naming hindi naman siya sanay ngunit siya po ay n-nagpumilit at mas lalo pong umakyat sa mas mataas na bahagi ng puno," wika naman ni Magdalena na nanginginig ang tinig at napansin kong humigpit ang hawak niya sa dulo ng kanyang maduming saya.
"Wala po kaming intensyon na siya'y ipahamak. Mabuti po sa akin si Binibining Floriana, hindi ko po iyon magagawa sa kanya," turan ko at tumingin sa mag-asawa. Hindi ko na gaanong maaninag pa ang kanilang mga mukha dahil sa patuloy na pagtutubig ng aking mga mata.
"Bueno, ipapaliwanang natin ng maayos ang lahat ng iyan sa mag-asawang De Montregorio," wika naman ni Dona Criselda ngunit ako'y umiling.
"Sinubukan na pong magpaliwanang ni Magdalena ngunit hindi po siya pinakinggan bagkus pinatahimik siya."
"Gagawa namin ang lahat upang makatulong ngunit huwag ninyong asahan na hindi niya kayo parurusahan. Batid nating lahat kung anong klaseng ugali mayroon ang kanyang ina," sambit ni Don Faustino na mayroong malalim ang boses at mababakas ang pag-aalala sa kanyang mga mata. "Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang malutas ito."
Mas lalo namang humagulhol si Magdalena at napahilamos sa kanyang mukha. "I-Iyan nga po ang kanyang sinambit, Don Faustino. Kami raw po ay kanyang parurusahan lalo na kapag mayroong mas malalang mangyari kay Binibining Floriana."
"Hindi niyo siya masisisi. Bilang ina, ganoon talaga ang kanyang mararamdaman kapag nakita niyang napahamak ang kanyang anak. Maging ako na isang ama ay makakaramdam din ng galit kapag nangyari iyon sa aking mga anak."
Ako ay sumulyap sa kinatatayuan ni Ginoong Severino na tahimik lamang na nakikinig, nakalagay sa loob ng bulsa ang dalawang kamay at nakatingin sa akin ngayon na may lungkot sa kanyang mga mata ngunit seryoso ang mukha. Mula nang kami ay makauwi kanina ni Magdalena at nalaman niya ang buong pangyayari, hindi ko pa siya naririnig na nagsalita. Galit kaya siya sa akin ngayon, sa amin ngayon dahil sa nagawa namin sa kanyang nobya?
Nais kong marinig ang kanyang sasabihin ngunit ako rin ay natatakot sa maaaring lumabas sa kanyang labi. Napayuko na lamang ako at taimtim na nanalangin na nawa'y mabuti na ang kalagayan ni Binibining Floriana.
"Bumalik na muna kayo sa inyong mga trabaho, ako ay magtutungo sa bahay-pagamutan upang kamustuhin ang kalagayan ng kanyang anak," wika ni Doña Criselda at tumayo.
"Maaari po ba akong sumama sa iyo, Ina? Nais ko lamang po siyang makita." Sa wakas ay nagsalita na si Ginoong Severino kaya napako sa kanya ang aking paningin.
Ipinahanda ng kanyang ina ang karwahe at aalis na sana ngunit biglang mayroong huminto na dalawang karwahe sa tapat mismo ng pinto ng hacienda at bumaba mula roon ang mag-ina.
"Doña Criselda, nasaan na ang inyong hampaslupang kasambahay?!" bungad ni Doña Lucia nang itapak niya ang kanyang paa sa loob ng pamamahay.
Ramdam ko ang pagyakap sa akin ni Magdalena na ngayo'y nanginginig na sa takot at bahagyang nakayuko upang hindi makita ang namumulang mukha ni Doña Lucia kaya ako ay bumulong at yumakap sa kanya upanb mapagaan ang kanyang kalooban kahit papaano. "Magiging maayos din ang lahat, Magdalena."
"Ako ay natatakot, Emilia, hindi ko batid kung ano ang naghihintay sa ating parusa. Patawarin mo ako kung h-hindi ko siya pinilit sana hindi nangyari ang lahat ng ito."
"Nangyari na ang nangyari, Magdalena, hindi na natin ito mababago. Magdasal na lamang tayo na pakikinggan niya ang ating paliwanag."
"Ikaw ay huminahon, Doña Lucia, maaari nating pag-usapan ito nang maayos," wika ni Dona Criselda at marahang hinawakan siya sa balikat upang pigilan sa kanyang paglusob.
Kumunot ang noo ni Doña Lucia at tumulo ang luha. "Huminahon?! Criselda, pareho tayong ina! Napahamak ang aking anak dahil sa kanilang kapabayaan! Nais kong pagbayarin nila ang kanilang ginawa!"
"Bago mo maisipang sila ay parusahan, nawa'y bigyan mo muna sila ng pagkakataon na magpaliwanag," wika naman ni Don Faustino na ngayo'y dahan-dahang naglakad palapit sa kanila.
Pumagitna naman sa usapan si Binibining Luciana na magkasalubong ang dalawang kilay. "Paano kung sila ay magsisinungaling lamang at pinagtatakpan ang kanilang kasalanan, Don Faustino? Hindi mo masisisi ang aking ina kung nais niyang parusahan ang iyong dalawang kasambahay."
"Sisiguraduhin kong pawang katotohanan lamang ang kanilang sasabihin, Binibining Luciana."
Dumako sa akin ang matatalim na tingin ng binibini at akmang lalapit sa akin nang siya'y harangan ni Ginoong Severino.
"Hindi tama iyan, Binibining Luciana." Bahagyang nakatagilid ang kanyang katawan kaya't nasisilayan ko ang kanyang mukha. Wala pa ring pagbabago sa kanyang mukha, nananatiling seryoso.
Napaawang ang kanyang labi at napakurap pa ng ilang beses nang marinig niya ang sinabi nito. "At ipinagtatanggol mo pa siya kaysa sa aking ate na iyong nobya?!" Muli siyang tumingin na mas lalong nanlilisik ang mga mata.
"Ayaw ko lamang na mayroong dalawang binibini na mag-aaway rito sa loob ng aming pamamahay. Nawa'y maunawaan mo, Binibini."
Huminga muna ako nang malalim bago humiwalay sa kanyang pagkakayakap at tumayo upang magpaliwanag. Nakuha ko naman ang kanilang atensyon kaya mas lalo kong maramdaman ang bigat ng paligid at galit na kanilang nararamdaman. "P-Patawarin po ninyo sana kami, Doña Lucia, Binibining Luciana." Marahan akong humakbang paabante hanggang sa makatapat ko na ang mag-ina. "Batid ko pong kasalanan namin ang lahat ngunit maniwala po kayo na kami po ay walang intensyon na ipahamak ang inyong panganay na anak."
Isang malakas at uamaalingawngaw na sampal ang namayani sa aming lahat matapos kong sabihin iyon. Nalasahan ko ang mala-kalawang na likido sa aking bibig kaya pinahid ko ito at nakita ko ang dugo.
"Emilia!"
"Lucia!"
Naramdaman ko ang paghawak sa akin ni Magdalena na sobrang namamaga na ang mga mata at pinunasan niya ang dugo sa gilid ng aking labi. "E-Emilia."
Ako ay ngumiti nang kaunti. "A-Ayos lamang a-ako." Ramdam ko pa nga hanggang ngayon ang mabigat na kamay ni Doña Lucia sa dalawang beses niyang pagsampal sa akin at ngayon ay nadagdagan na naman. Ngunit kailangan kong ipaglaban ang katotohanan. Kung walang gagawin niyon, sino ang gagawa para sa amin?
"Mapapagaling ba ng aking anak ang iyong paghingi ng tawad, ha?!" sigaw sa akin ni Doña Lucia na nanlalaki ang mga mata.
Isinalaysay ni Magdalena ang buong pangyayari kahit siya'y nahihirapan nang huminga. "Totoo po ang aming sinasabi. Hindi po kami nagsisinungal---." Hindi na niya natapos pa ang kanyang sasabihin dahil bigla na lamang siyang bumagsak sa sahig at nawalan ng ulirat.
"Magdalena!" sigaw nilang
lahat. Agad kong binuhat ang kanyang ulo upang tapikin. Maging ang ibang mga kasambahay ay lumapit upang siya ay buhatin.
Lumapit si Ginoong Severino at binuksan ang mga mata nito. "Ako na ang magdadala sa kanyang silid. Hindi niyo siya kakayaning buhatin." Lumingon pa siya sa kanyang ama kaya sinundan ko ito ng tingin. Tumango ang gobernadorcillo kaya't sinimulan na niyang buhatin si Magdalena.
"Huminahon tayong lahat. Hindi natin ito maaayos kung tayo ay magpapadala sa ating emosyon. Baka kung ano pa ang mangyaring malala," rinig kong tugon ni Dona Criselda.
"Nais ko lamang panagutin niya ang kanyang kasalanan, Criselda, mahirap ba iyon intindihin?"
"Hindi, Lucia, ngunit ayaw kong mayroon pang mapahamak na ibang tao bukod sa kanilang dalawa. Pakinggan mo muli ang sasabihin ni E—."
"Bakit mo ipinagtatanggol ang babaeng iyan? Nararapat lamang na ipagtanggol mo ang aking anak dahil tayo ay magiging isang pamilya na!"
"Hindi ko siya ipinagtatanggol ngunit nais ko lamang na dumaan ito sa tama at walang mangyayaring dahas."
Pumagitna ako sa kanilang usapan. "Ako po ay walang dahilan para magsinungaling, Doña Lucia, kung iniisip po ninyong ako ay nagisisnungaling lamang nararapat lamang din po na tanungin niyo ang inyong anak sa tunay na nangyari." Tanging si Binibining Floriana na lamang ang makakapagpatunay niyon dahil mukhang sarado na ang kanyang isipan kaht ano pa ang aking gawin na pagpapaliwanag.
"At ang lakas pa ng iyong loob na sabihin iyan sa aking ina, Emilia?" rinig ko ang pagtunog ng kanyang dila at nakataas ang mga kilay na nakatingin sa akin. "Ganyan na ba kakapal ang iyong mukha? Nakakalimutan mo marahil kung sino ang iyong hinahamon?"
"Ako po ay wala ng magagawa kung ayaw niyong maniwala sa akin. Tanging siya na lamang po ang makakapagpatunay sa aking sinasabi." Sana lamang ay sabihin ni Binibining Floriana ang katotohanan upang malinis na ang aming pangalan. Batid ng Diyos kung ano ang totoo.
Sa pang-apat na pagkakataon, dumapo na naman sa aking pisngi ang mabigat na kamay ni Doña Lucia at mas lalo kong nalasahan ang dugo sa aking labi. Kaya pala nagdulot ng dugo ang kanyang pagkakasampal sa akin dahil sa tatlong singsing sa kanyang kamay. Nakakaramdam na rin ako ng pagkahilo at panlalambot ng aking katawan. Nais ko na lamang ngayon ay mahiga at magpahinga.
Narinig ko na lamang ang malakas na pag-iyak ni Delilah nang siya ay lumapit sa akin. "T-Tama na p-po. Tama na p-po! A-Ate Emilia!" Hindi niya dapat masaksihan ang ganitong uri ng tagpo dahil tatatak ito sa kanyang isipan.
Yumuko ako upang hagkan ang kanyang ulo. "Ayos lamang ako, Delilah, huwag kang mag-alala sa akin. Malakas ako, hindi ba?" Dapat kong ipakita sa kanya ngayon na ako ay hindi nanghihina upang gumaan ang kanyang pakiramdam. Dapat lamang na maging malakas lamang ako para sa kanya.
"N-Ngunit hindi po t-tama a---."
"Sa akin ka lamang makikinig, Delilah, ayos lamang ako. kayang-kaya itong lagpasan ni ate, ha?" Muli ko siyang hinagkan sa ulo upang hindi niya makita ang pagtulo ng aking luha. Hindi ko batid kung anong naghihintay sa aking kapalaran. Hindi ko rin alam kung papaano lalagpasan ito ngunit kailangan kong bigyan ng kasiguraduhan ang aking kapatid para hindi na siya mag-iisip pa.
Tanging tango na lamang ang kanyang nagawa at muli akong niyakap. Ako ay nakiusap kay Corazon na dalhin sa aming silid si Delilah upang makapagpahinga. Hindi na niya dapat pa makita ang iba pang pangyayari. Matatapos lamang ang lahat ng ito kung tanggapin ko ang kanilang nais. "Ako po ay handa sa parusang igagawad niyo po sa akin kung malala po ang mangyayari sa inyong anak ngunit nais ko rin pong pakinggan niyo siya sa kanyang ipapaliwanag." Hindi ko batid kung tama ba itong aking ginawa ngunit ito lamang ang tanging paraan upang matapos na ito. Nawa'y nasa aming panig si Binibining Floriana.
--------------------Agosto 7, 1895----------------
Iginala niya ang kanyang mga mata habang dahan-dahang umikot sa akin upang tignan ang aking buong itsura. "Maaari na. Kulang ka lamang ng dalawang paligo, ikaw ay aayos na." Siya ay tumango-tango pa at ikimakampas ang kanyang pula at mamahaling abaniko. Mayroon ding mga alahas sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. Nakasuot ng makapal na kolorete at kumikislap na pulang tela na abot hanggang tuhod – nagpapatunay lamang na siya ay isang bayarang babae na nagbebenta ng kaluluwa ng mga kababaihan dito.
"Ikaw na ang bahala sa kanya, Doña Israel," wika ni Doña Lucia kasama si Binibining Floriana na mayroong pag-alala sa kanyang mukha. Nakangisi naman sa akin ang doña habang nakataas ang isa niyang kilay. "Ito ang iyong bagong buhay, Emilia."
"Ina, hindi niyo na kailangan gawin ito kay Emilia, nakikita mo naman na ako ay ayos lamang," wika naman ni Binibining Floriana at ako'y marahang inilayo kay Doña Israel kahit siya ay nahihirapang maglakad. "Emilia, sumama ka na sa amin. Patawad kung ito ay ginagawa sa iyo ng aking ina."
"Ayos lang, Binibini, kami ay mayroong usapan ng iyong ina."
"Tama na ang pag-uusap. Doña Israel, mula ngayon ay pagmamay-ari niyo na siya. Lahat ng naisin niyo sa kanya ay maaari niyo ng gawin."
Kumunot ang akng noo at napawang aking bibig sa kanyang sinabi. "A-Ano? Anong pagmamay-ari ang iyong sinasabi, Doña Lucia? Ang usapan natin ay dalawang linggo lamang ako rito bilang parusa sa nangyari sa inyong anak. Ano ito?" Huwag niyang sabihin na hindi siya susunod sa aming pinag-usapan?
"Miguelita," pagtawag ni Doña Isarel. Mayroong lumapit sa kanya na isang babae na makapal din ang kolorete at manipis ang kasuotan. "Ayusan mo itong bago niyong kasama. Siguraduhin mo lamang na mag-iiba ang kanyang itsura upang makapag-umpisa na siya mamayang gabi." Sinulyapan niya ako sa huling pagkakataon bago niya ako itulak nang marahas papalapit sa babaeng kanyang tinawag at muling humarap sa mag-inang De Montregorio.
"Doña Lucia, ano ang ibig sabihin nito?!" Pinipilit kong bawiin ang aking kamay sa babaeng humahawak sa akin kahit mahigpit ang kanyang pagkakahawak sa akin. "Bitiwan niyo ako. Nais ko siyang makausap." Ang sakit. Ang hapdi na ng aking mga kamay. Kahit siya'y babae, ramdam ko ang kanyang lakas.
"Hindi maaari. Ipinapahamak mo lamang ang iyong sarili." Pwersahan niya akong ipinasok sa loob habang patuloy ako sa pagpupumiglas. Maging ang ibang mga bayarang babae ay tumulong na rin upang ako ay hawakan nang mahigpit at mailayo sa mag-ina. "Bitiwan niyo ako! DOÑA LUCIA, MAYROON TAYONG USAPAN! TAO AKONG KAUSAP!"
Siya ay tumingin sa akin at sumilay ang kanyang mala-demonyong ngiti na nagpataas sa aking balahibo. "Paumanhin, Emilia, ngunit ako ay hindi tao kausap. Madumi ako maglaro, Binibini."
Nanlaki ang aking mga mata at ramdam ko ang pag-akyat ng dugo sa aking ulo. Nagawa kong makawala sa kanilang pagkakahawak sa akin at akmang lalapit na ako nang mayroong sumuntok sa aking tiyan. Napahiga ako sa papag, napahawak sa aking tiyan at napapikit dahil sa sobrang sakit. Sinubukan kong iangat ang aking ulo upang makita kung sino ang sumuntok sa akin. Isang lalaki ang nasa aking harapan na seryoso lamang nakatingin sa akin, malaki ang pangangatawan, nakakatakot ang mukha, mahaba ang balbas at mahaba ang buhok na nakapusod.
"Roberto, dalhin mo na iyan sa palikuran upang makaligo na. Miguelita, ihanda mo ang kanyang suusotin."
"Masusunod po, Doña Israel," rinig kong sagot ng dalawa.
Sa sobrang lakas ng kanyang pagkakasuntok sa akin, wala na akong lakas pa upang magpumiglas nang ako ay buhatin. Sinubukan kong tignan sa huling pagkakataon ang mukha ni Doña Lucia upang ipaalala sa kanyang muli ang aming usapan sa loob mismo ng pamamahay ng pamilya y Fontelo ng araw na naaksidente ang kanyang anak. Ngunit hindi ang mukha ni Doña Lucia ang aking nakita.
Nakataas ang gilid ng kanyang labi, nakakatakot na ngiti at matatalim na tingin ngunit bigla ring nagpakita ng pag-alala sa kanyang mukha.
"Binibining Floriana," bulong ko bago ko ipikit ang aking mga mata.
Naramdaman ko na lamang na ako ay binaba at malamig na tubig na biglang dumampi sa aking balat. Napahagulhol na lamang ako sa nangyari. Bakit hindi man lang sumagi sa aking isipan na maaaring hindi sumunod sa aming napag-usapan si Doña Lucia? Akala ko siya'y tutupad. Saksi ang pamilya y Fontelo sa aming napagkasunduan. Kung alam ko lamang na ito ang kanyang plano ay hindi na ako dapat sumama pa.
"Ihahanda ko lamang ang iyong susuotin. Siguraduhin mo lamang na lilinisan mo nang maayos ang iyong katawan dahil ayaw ni Doña Israel ang madumi." Napamulat ako nang marinig ko ang kanyang tinig. Tiningnan niya ako na may awa sa kanyang mga mata. "Huwag kang mag-alala hindi ka naman namin dito pababayaan basta gawin mo nang mabuti ang iyong bagong trabaho. Masasanay ka rin dito. Sa una lamang iyan."
Sinubukan kong tumayo kahit na masakit pa rin ang aking sikmura. Muntikan pa akong sumubsob nang manlambot ang aking tuhod mabuti na lamang ako ay kanyang nahawakan sa aking magkabilang balikat. "M-Mayroon akong nakababatang kapatid na nangangailangan sa akin. Tulungan mo akong makaalis dito. Hindi ako nararapat tumagal dito." Hinawakan ko siya sa kanyang mga kamay at nagsusumamo na sana ako ay kanyang pakinggan. "Kailangan ako ni D-Delilah, hindi ako maaaring tumagal dito." Hindi ko na siya gaano pang nakikita dahil naghahalo ang tubig sa gripo at luha sa aking mga mata. "P-Parang awa mo na, Binibini, tulungan mo ako. kami na lamang ang magkasama rito sa mundo. H-Hindi ko siya maaaring iwan."
Hindi siya sumagot bagkus ay iniwan na lamang ako rito. Muli akong napaiyak at napasigaw sa sobrang sakit. Paano na si Delilah? Paano na ang aking kapatid? Hindi siya sanay na wala ako sa kanyang tabi. Kailangan kong makaisip ng paraan upang makaalis dito. Kung nagawa akong utakan ng masamang babaeng iyon, dapat ko rin siyang mautakan. Ngunit paano ko iyon magagawa? Saan ako dapat magsisimula?
'Ikaw ay magsimula sa umpisa.'
Magsimula sa umpisa? Napatigil ako sa pag-iyak nang mapagtanto ko ang sumagi sa aking isipan. Nag-umpisa lamang ito nang lumapit sa amin si Binibining Floriana habang kami ay nagtatampisaw sa batis dalawang araw na ang nakalilipas.
Sinabi niya nais lamang niyang magtampisaw dahil nakita niya kaming dalawa mula sa kanyang balkonahe. Matapos niyon, kami ay nagtungo sa puno ng mansanas upang magpahinga at maglilim dahil matirik ang araw ngunit sinabi niya sa amin na siya ay aakyat ng puno upang mamitas at ibigay sa amin.
Noong una, ako ay tumutol at pumayag naman si Magdalena ngunit nang ipaliwanag ko sa kanya ang maaaring mangyari kay Binibining Floriana, siya ay tumutol din. Hindi naman siya sumang-ayon sa amin at pinagpilitan ang kanyang gsuto kaya sinabi sa akin na Magdalena na aalalayan na lamang namin siya upang hindi mapahamak.
Siya ay umakyat sa mas mataas na parte ng puno at nawalan ng balanse kaya nahulog. Hindi ba't kapag nahulog sa mataas na puno at masama ang pagkakabagsak, ulo o likod ang maaaring mauuna? Ang malaking palaisipan sa akin, bakit napuruhan ang kanyang ulo gayong nakita ko na unang bumagsak sa lupa ang kanyang salumpuwit. Siya pa nga ay napadaing, napapikit at napahawak doon. Iyon ang aking nasaksihan na hindi nagawa ni Magdalena dahil abala siya sa mga mansanas na kanyang napitas. Nakita niya na lamang na ito ay bumagsak at wala ng ulirat. Naintindihan ko rin naman kung siya ay napilayan ngunit mayroong kakaiba sa kanyang kaliwang paa. Kapag nama'y paa ang naapektuhan, maaaring hindi makalakad ng ilang araw dahil ito ay mamamaga, minsan nga'y mangingitim pa. Maaaring abutin pa ng mahigit tatlong araw bago maigalaw ang paa at makapaglakad nang maayos. Bakit siya? Isang araw lamang ay nagagawa na niyang igalaw ang kanyang paa kahit na walang hawak na tungkod bilang suporta kung ang sinabi niya sa amin ay malala ang nangyari sa kanyang paa ngunit minsan ay nagpapaalalay siya sa kanyang kapatid sa paglalakad.
Nais ko sanang makita ang itsura ng kanyang paa ngunit ito ay nababalutan na ng makapal na tela maging ang kanyang ulo. Hindi ako kumbinsido sa kanyang sinabi ngunit lahat ng tao ay awang-awa sa kanyang kalagayan. Mayroon pang napasinghap at napaiyak sa kanyang kalagayan, bagay na nagpatindi sa aking konsensya dala na rin sa kakaibang mga tingin ng mga tao.
Sinabi naman ni Binibining Floriana ang lahat ng nangyari kaya kahit papaano ay nalinis ang aming pangalan ngunit hindi matatakpan niyon ang parusahang naghihintay sa amin.
Nagboluntaryo na rin si Magdalena na siya ang mag-aalaga kay Binibining Floriana bilang parusa sa kanya at kasaluyang nakatira sa kanilang hacienda na magtatagal ng dalawang linggo tulad kung gaano ang aking itatagal rito. Noong una ay hindi sang-ayon si Doña Lucia ngunit napilit din siya ng kanyang anak.
Ngunit ang hindi ko makakalimutan ay ang paraan ng kanyang pagkakatingin sa akin na tila ba ibang tao. Ipinilig ko ang aking ulo. Marahil ay guni-guni ko lamang iyon ngunit hindi rin ako maaaring magkamali. Nasaksihan iyon ng aking dalawang mata.
Hindi ko batid kung ano ang plano para sa akin ni Doña Lucia ngunit nararamdam kong ako ay kanyang pinaglalaruan kaya dapat lamang na hindi masunod ang kanyang nais. Batid ko rin na siya ang aking kaaway sa laban na ito. Hindi dapat ako magpatalo. Kung siya ay nakikipaglaro sa akin, dapat lamang na maglaro rin ako tulad ng kanyang inaasahan.
"Basta gawin mo nang mabuti ang iyong bagong trabaho."
Nalala ko ang sinambit sa akin ng babaeng aking kausap. Oo tama siya. Magagawa ko lamang ito kung gagawin ko nang maayos ang kanilang nais ngunit ang hindi nila alam ay mayroon na kong plano upang makaalis dito.
****
Pagsapit ng alas-otso ng gabi ay nagbukas na ang bahay-aliwan, mayroon ng mga kalalakihang pumapasok, karamihan sa kanila ay mula sa mayayamang angkan. Mayroong nasa matatanda na at mayroon ding kaedad ko lamang.
Tiningnan ko ang aking sarili sa malaking salamin na nasa aking gilid. Nangingilid na naman ang aking luha nang makita ko ang malaking pagbabago sa akin. Ang aking kilay ay maayos, hindi tulad ng dati na magulo, katamtaman ang pula ng aking pisngi, mapulang-pula naman ang aking labi. Sabi ni Mikaela? Michella? Hindi ko na matandaan ang kanyang pangalan basta sambit niya, mas lalo raw'ng nakakahumaling kung sobrang pula ng labi ng babae at ang aking kasuotan ay tanging manipis na putting tela na makikita ang aking hita. Maayos na maayos ang pagkakasuklay sa aking buhok na ngayo'y nakalugay na hanggang baywang ang haba.
"Emilia."
Napalingon ako sa kanya at dahan-dahang lumapit sa akin. Marahan niyang inayos muli ang aking buhok at sinuklay gamit ang kamay.
"Ikaw ba'y handa na?"
"Kapag ba sinabi kong hindi, tutulungan mo akong makaalis dito?"
"Hindi. Pareho lamang tayong malalagot." Siya ay bumuntong-hininga at inalalayan ako papasok sa isang silid. "Dito mo hihintayin ang una mong panauhin. Huwag na huwag kang gagawa ng iyong ikakapahamak. Hindi mo alam ang kaya nilang gawin." Marahan niya akong pinaupo sa sa higaan at inayos ang aking kasuotan. "Huwag kang mag-alala, kapag sila ay naligayahan sa iyong ginawa, ikaw ay bibigyan nila ng kwarta na maaari mong ibigay sa iyong kapatid. Mas malaki ang kikitain mo rito kung ikukumpara sa pamamasukan bilang kasambahay."
Nakaramdam ako ng galit sa kanyang tinuran kaya sinamaan ko siya ng tingin. "Ngunit ito ay hindi marangal! Aanhin ko ang madaming pera kung isa naman akong bayarang babae! Hindi mo ba iyon maintindihan, Mikaela?"
Diretso lamang ang tingin niya sa akin habang nakapamaywang pa. "Mikaela? Miguelita ang aking pangalan. Itong trabaho lamang ang magpapagaan sa inyong buhay, Emilia. Sinasabi mo lamang iyan dahil hindi ka pa sanay ngunit pasasalamatan mo rin si Doña Lucia dahil sa kanyang ginawa sa iyo." Siya ay naglakad palayo at binuksan ang pinto. "Ayusin mo ang iyong trabaho kung nais mo pang makitang muli ang iyong kapatid."
Naiwan ako ritong umiiyak muli, yakap-yakap ang aking sarili upang takpan ang ibang parte ng aking katawan. Kung mahirap ang mamasukan bilang kasambahay mas mahirap bilang isang bayaran. Kahit kailan ay hindi kami pinalaki ng aming mga magulang na gawin ang bagay na ito ngunit dahil lamang sa isang pagkakasala na hindi ko naman nais, ito ay nangyari sa akin.
Napatingin ako sa pinto nang marinig ko na unti-unti itong binuksan at iniluwa roon ang isang lalaki na masasabi kong mayroong itsura na sa tansya ko ay kaedad ko lamang.
"Buenas tardes, Señorita. (Good evening, Miss.)" Dahan-dahan siyang ngumiti na nagdulot sa akin ng matinding kaba. Iginala niya ang kanyang paningin na tila namamangha pa. "Lindo cuarto. (Nice room.)"
Hindi ko maintindihan ang kanyang sinasabi. Siya kaya'y nakakaintindi ng wikang aking ginagamit? Maaari naman siguro akong makiusap sa kanya na magpanggap na lamang siyang naligayahan upang hindi ko maibigay sa kanya ang aking pagkababae.
"Cuál es su nombre, Señorita? (What is your name, Miss?)" Naupo siya sa kama na katapat ng aking kinauupuan.
Patuloy pa rin sa pagtulo ang aking luha at taimtim na nananalangin na nawa'y mayroong dumating upang ako ay iligtas at ilayo sa ganitong lugar.
"Marahil ay hindi ka nakakaintindi ng wikang Espanyol. Ano ang iyong pangalan, Binibini?"
Naapatingin ako sa kanya nang may pagsusumamo. Marunong pala siyang sa wikang tagalog. "G-Ginoo, tulungan mo akong makaalis dito. H-Hindi ko ito gusto. K-Kailangan po ako ng aking kapatid. Tulungan niyo po akong makaalis dito." Ako ay pumunta sa kanyang harapan upang lumuhod. Kung kinakailangan kong lumuhod o halikan ang kanyang paa, aking gagawin, sumang-ayon lamang siya.
Tanging ngiti lamang ang kanyang itinugon at dahan-dahan akong itinayo. "Maupo ka rito sa aking tabi, Binibini. Ang tulad mo ay hindi dapat nariyan."
Kahit papaano gumaan ang aking loob. Aking nararamdaman na siya'y mabuting tao. "Tulungan niyo po ako, Ginoo."
"Oo, tutulungan kita."
"Matutulungan niyo po ako. Itakas niyo na po ako rito."
"Oo, Binibini." Hinaplos niya ang aking mukha na nagbigay sa akin ng nakakakilabot na pakiramdam. Inayos niya ang aking buhok at hinaplos din ito. Ngunit nang hawakan niya ang aking hita ang siyang muling paghagulhol ko.
"H-Huwag po." Umiiling pa ako at pilit na nagpupumiglas ngunit sadyang siya ay malakas.
"Magugustuhan mo ito, Binibini. Pangako."
Sinubukan ko pa siyang itulak nang malakas ngunit sinampal niya lamang ako ng ubod ng lakas dahilan upang ako ay manghina at mapahiga. Naramdaman ko na lamang ang kanyang kamay sa aking ulo at inayos ang aking katawan. Inaamoy-amoy niya ang aking leeg habang hawak ang aking baywang.
Napahikbi na lamang ako habang umiiling. "I-Inay." Inay, t-tu...long. Sinusubukan ko pa rin siyang itulak ngunit mas lalo lamang humihigpit ang kanyang pagkakahawak sa akin.
Sinimulan niyang halikan ang gilid ng aking tainga, ang kanyang kamay ay bumaba sa aking braso at muling tumaas upang hawakan naman ang aking leeg. Ramdam ko na ang panginginig ng aking katawan sa paraan ng kanyang paghipo sa akin. Sinusubukan ko pa ring magpumiglas kahit na nauubusan na ako ng lakas.
Kinagat ko ang kanyang tainga ngunit sinuntok lamang niya ako sa tiyan na naging sanhi ng tuluyan kong paghina. Umiikot na rin ang aking paningin, sumasakit na ang aking ulo dahil kanina pa ako umiiyak mula nang ako ay dalhin dito at namamanhid na rin ang aking pisngi.
"Tila magiging masarap at masaya ang gabi ko ngayon dahil sa iyo, Binibini," bulong nito sa akin at sinimulan nang dampian ng halik ang aking mukha pababa sa aking katawan.
Tuluyan na akong napapikit. "H-Huwag po. T-Tulungan n-niyo ako." Nawa'y may makarinig sa akin. Nawa'y may tumulong sa akin. Pumasok sa aking isipan ang nag-aalapang mukha at namumulang mga mata ni Ginoong Severino kanina habang ako ay pilit na kinukuha mula kay Doña Lucia nang malaman niyang ako ay dadalhin sa bahay-aliwan. "T-Tulungan mo ako, G-Ginoong S-Seve..ri...no."
-----------
<3~