Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 19 - Kabanata 17 ✓

Chapter 19 - Kabanata 17 ✓

"G-Ginoong Se-Severino," wika ko at mas lalo kong hinigpitan ang aking pagkakayakap. Nang aking maramdaman ang kanyang palad sa aking katawan, lahat ng aking hinanakit at sama ng loob na aking tiniis ng ilang araw ay naibuhos ko sa kanya. Naramdaman ko na lamang ang panghihina at panginginig ng aking tuhod, mabuti na lang ay nakakapit ako sa kanya.

Nanatili kaming magkayakap, wala ni isa sa amin ang nagsasalita at tanging paghikbi lamang ang maririnig. Napangiti na lamang ako at napatingala. Maraming salamat sa iyo, Panginoon, dumating ang aking lakas. Dumating ang aking pag-asa. Ngayong narito na siya, pakiramdam ko'y ligtas na ako. Malayo sa kapahamakan, malayo kay Margarito. Ang mga bisig niya lang pala ang magpapakalma sa akin. Ngunit hindi ko maitatanging ngayon na lamang muli ako nakaramdam ng matinding takot matapos mawala ang aking magulang, takot na akala ko hindi ko na siya muling makikita at maramdaman ang mainit niyang yakap.

"Narito na ako, Emilia, kukunin na kita. Babawiin na kita sa kanila," bulong nito at marahang hinaplos ang aking buhok. Makaraan ang ilang minuto ay humiwalay siya sa akin at ngumit nang matamis. "Hindi naman masyadong sabik na sabik ka sa akin, Emilia? Ang higpit ng iyong mga yakap, e, tumatanggi ka pa noong una, sabi mo hindi ka humahanga sa akin ngunit ngayo'y hindi ka nahihiyang yakapin ako." Tila naging musika sa aking tainga ang kanyang mahinang tawa kahit patuloy sa pagtulo ang kanyang luha.

Natawa na lamang din ako at tumango ng ilang beses. "Apat na araw kong hindi nasilayan ang iyong magandang mukha, Ginoong Severino, e." Ngayon ko lamang napagtanto kung gaano kaimportante at kalaking tulong ang kanyang ginawa. Kung wala lamang ako sa aking kinalalagyan ngayon, mas hihilingin kong marinig ng ilang beses ang kanyang mga baong biro kahit na sumakit pa ang aking tiyan sa kakatawa at mapunit ang aking labi sa kakangiti.

Mas pinili niyang magbiro ngayon para lang mapagaan ang aking kalooban kahit siya rin ay nasasaktan. Napakalakas na lalaki. Maraming salamat, aking ginoo.

"Nasasabik ka na bang umuwi sa ating tahanan, Doña Emilia La Fuerte?" Mas lalong lumapad ang kanyang pagkakangiti na nagpaliit sa kanyang mga mata.

Parang kailan lamang. Hindi ko lubos maisip na maririnig kong muli ang pangalan na iyan mula sa kanyang labi makalipas ang ilang buwan. Bumalik sa aking alaala ang araw na iyon kung kailan kami ay nagpanggap bilang mag-asawa para lamang makapasok sa bayan ng San Diego. "Sabik na sabik na, Don Severino La Fuerte. Kay tagal kitang hinintay. Maraming salamat i-ikaw ay d-dumating." Hindi ko maiwasang hindi mautal. Tinatawag ko lamang siya sa aking isipan subalit ngayon narito na siya sa aking harapan. Hindi mo ako binigo kahit kailan, Ginoong Severino.

Tila kami ay may sariling mundo nang tumagal ng ilang segundo ang aming pagtititigan. Mundo kung saan kami lamang dalawa ang naroroon, mundo na kami lamang ang nakakaintindi at nakakakita. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang aking repleksyon – namamaga, namumula at ngangingitim dahil sa mga galos. Nabuhay muli ang awang kumukubli sa aking puso. Parang hindi ko na kilala pa ang aking sarili. Parang ibang tao na ako.

"Hindi ka ba nandidiri sa akin? Hindi na ako malinis na b-babae hindi na tulad ng iyong nakilala," bulong ko. Kahit kailan ay hindi sumagi sa aking isipan na makikita niya akong ganito – miserable, marumi, ginawang parausan ng sino-sinong lalaki para lamang makamit ang sariling pangangailangan subalit wala e, nangyari pa rin. Nais ko mang takpan ko ang aking buong katawan, huli na ang lahat.

Umiling siya ng maraming beses at pinunasan ang aking luha. "Pakinggan mo nang mabuti ang aking sasabihin. Kahit ikaw pa ang pinakamaruming binibini na aking nakilala, mananatili kang malinis at disente sa aking paningin." Siya'y napapikit sandali, napayuko at napahagulhol habang nakahawak sa aking pisngi na mas lalong nagpaiyak sa akin. Namumula ang kanyang mukha, bumabakat ang ugat sa leeg at gilid ng noo at nahihirapan na ring huminga dahil sa sipon na nakabara sa kanyang ilong. Mayamaya pa'y inangat niya ang kang ulo at tumingin sa akin. "H-Hinding-hindi magbabago ang aking pagtingin sa iyo. Hinding-hinding maiaalis sa iyo ng kahit na sino ang iyong pagiging disenteng babae. Kahit kailan hindi matatakpan ng karanasang ito ang Emilia na aking nakilala."

"Bakit ka g-ganiyan, Ginoo?" Napatakip ako sa aking mukha at muling humagulhol. Ano ang aking nagawang mabuti upang makatagpo ng ganitong lalaki sa aking buhay? Nagawa kong mandiri sa aking sarili ngunit siya, kahit katiting lang, wala man lang siyang naramdaman. Ang sarap sa pakiramdam.

"Paumanhin, Emilia, ngunit nagsasabi lamang ako ng katotohanan. Maaari mo bang ipakita sa akin ang iyong magandang ngiti?" Hinawakan niya ang aking baba at inangat. "Maaari ka bang ngumiti?"

Kahit na hindi ko batid ang kanyang dahilan, unti-unting sumilay sa aking labi ang aking pinakamatamis na ngiti, ngiting matagal ko ng hindi naipapakita sa ibang tao matapos mawala sina Inay.

"Huwag mong buburahin ang ngiti mong iyan kahit na anong mangyari. Hindi mo lang alam kung gaano ka kaganda, Emilia, kahit mapuno pa ng galos ang iyong mukha, mas nangingibabaw pa rin ang iyong kagandahan."

"Nagbibro ka na naman, Ginoo, hali na baka mayroon pang makakita sa atin." Napailing na lamang ako at nagingiti. Biro man iyon o hindi, pakiramdam ko nga napakaganda ko lalo na nagmula pa sa labi ng isang Severino y Fontelo. Maraming salamat muli, Ginoo.

"Hindi biro iyon, a? Ngunit tama ka, hali na." Siya ay tumingin sa gawing kanan at ngumiti. "Maraming salamat sa iyom Binibining Miguelita."

Nawala sa aking isipan na narito pala siya. Nakita niya ang lahat! Baka isipin niyang mayroon kaming relasyon. Nakakahiya!

"Walang anuman, Ginoong Severino, ako ay nagagalak na maililigtas mo na si Emilia." Siya ay ngumiti at tumingin sa akin. "Ipangako mo sa akin na hinding-hindi ka na babalik dito, Emilia."

Lumapit ako sa kanya upang siya'y yakapin at agad din akong bumitiw. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maubos-ubos ang aking luha. Ramdam ko ang sinseridad sa kanyang tinig at mga mata. "Paumanhin kung nagawa mo mang magalit sa iyo subalit ako'y nagagalak na tayo ay nagkakilala kahit sa ganitong paraan lang. Sumama ka sa amin. Ilalayo ka namin dito, Miguelita." Sumagi sa aking isipan na minsan na niyang nabanggit sa akin na wala siyang magagawa upang tulungan ako ngunit nagawa niya. Ito na rin ang kanyang pagkakataon upang makalayo sa lugar na ito.

Umiling lamang siya. "Hindi na, Emilia, ayos lamang ako. Unahin mo ang iyong sarili. Umalis ka na rito. Umalis na kayo rito ni Ginoong Severino. Ako na ang bahala rito, umalis na kayo bago pa mahuli ang lahat."

Magsasalita na sana akong muli ngunit sabay kaming napatingin sa pintuan nang may marinig kaming mga yabag na papalapit dito sa silid. "Ngunit a-ayaw kong iwan ka. Isasama kita, Miguelita. Hali na." Hinawakan ko ang kanyang kamay para hilahin ngunit bumitiw lamang siya. Napakunot ang aking noo. Ayaw ba niyang lisanin ang lugar na ito? Hindi ba siya nasasakal? Hindi siya karapat-dapat na manatili rito.

"Hindi ko maaaring iwan ang aking ina, Emilia, sige na umalis nakayo, papalapit na sila." Hinila niya ako palapit kay Ginoong Severino, binuksan ang bintana at dumungaw. "Hangga't umuulan pa ng malakas at madilim ang paligid, tumakas na kayo. Kayo ay ipapapatay ng aking ina kapag nalaman niya ito."

Kahit na ako'y naguguluhan sa kanyang tinuran, sinunod ko pa rin siya nang sabihin niya sa akin na ako ang maunang dumaan sa bintana. Sumunod naman sa akin si Ginoong Severino.

"Emilia, tanggapin mo ito." Iniabot niya sa akin ang isang puting baro't saya. "Suotin mo iyan kapag nakapagpatuyo ka na. Mag-iingat kayo." Sumenyas siya na umalis na kami ngunit hindi muna ako tumalima.

"S-Sino ang iyong ina?" Ramdam ko ang bilis ng tibok ng aking puso. Sana mali lamang ako ng iniisip. Sana hindi niya ina ang nagmamay-ari nitong lugar na nagpabago sa aking buhay.

"Si Doña Israel. Siya ang aking ina, Emilia."

"Hali na, Emilia," rinig kong pagtawag sa akin ni Ginoong Severino at hinawakan ang aking kamay. "Kailangan na nating umalis. Maraming salamat, Binibining Miguelita, mag-iingat ka palagi."

Nawala na lamang sa aking paningin si Miguelita habang kami ay tumatakbo palayo ni Ginoong Severino. Si Doña Israel ang kanyang ina? Kahit na marami pa akong nais itanong sa kanya, ipinilig ko na lamang ang aking ulo at tinuon ang aking atensyon sa daan.

Magkahawak-kamay na sumusulong sa ulan, hindi alintana ang putik at dumi sa aming kasuotan. Mabuti na lamang naaninag ko pa ang daan kahit walang liwanag. "G-Ginoong Severino, saan tayo papunta?"

"Sa hacienda."

"Batid ba nila ang iyong plano?" Ngayon ko lamang naisip ang tungkol dito. Alam kaya nila ang aking kalagayan kaya narito siya ngayon?

"Wala silang nalalaman tungkol dito."

Bigla akong napatigil at napatingin sa kanya. Wala silang nalalaman? I-Ibig sabihin lahat ng ito ay sarili niyang desisyon na ako'y iligtas? "M-Maaaring mapahamak ang i-iyong sarili, Ginoo." Hindi lamang siya kundi na rin ang kanyang pamilya.

Maging siya ay tumigil at tumingin sa akin. "Lahat ng ito ay aking kagustuhan, Emilia, hindi ko alintana ang kapahamakan basta mailigtas lamang kita."

"Ngunit ang iyong pamilya...maaari s-silang..."

Hinawakan niya muli ang aking kamay. Nakita ko na lamang ang aking sarili na tumatakbong muli. "Ikaw ay aking itatago sa aking silid ngunit pansamantala lamang iyon hangga't hindi pa ako nakakahanap ng lugar na maaari mong mapagtaguan."

"Who is that?! Why are you running?! (Quién es ?! ¡¿Por qué estás corriendo?!)"

"Shit! (Mierda!)" wika ni Ginoong Severino. Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa aking kamay at ako'y hinila para magtago sa isang malaking puno. Tinakpan niya ang aking bibig habang lumilinga sa paligid. Mabibigat ang bawat paghinga niya at minsa'y tumitigil pa kasabay ng kanyang mahihinang bulong.

"Who is that? (Quién es ese?)"

Dumako pakanan ang aking mata, naaaninag ko ang isang lalaki na dahan-dahang naglalakad at tinitignan ang bawat puno. "Ginoong Sever---."

Siya'y sumenyas na ako'y tumahimik kaya't sumunod na lamang ako. napahinga ako nang maluwag nang mapansin kong nawala na ang kanyang anino. Salamat kami ay ligtas na.

"Wala na siya," bulong niya.

Inalis ko ang kanyang kamay at luminga sa paligid. Wala na ngang anino niya ang mababakas. Muli akong huminga nang mas malalim maging ang aking balikat na mabibigat ang galaw ay biglang gumaan.

"There you fucking are. (Ahí lo tienes.)" Isang malalim na tinig ang bumulaga sa aming harapan at mahabang espada na nakatutok sa aming mukha. "Aren't you the new prostitute of Dona Israel, aren't you? (No eres la nueva prostituta de doña Israel, verdad?)"

Halos mapatalon ako dahil sa gulat. Tila umurong ang aking labi, nanginginig ang aking katawan habang ako'y matamang nakatingin sa kanya. Ang kanyang malamig at nakakasindak na mata ay bumabaon sa aking kaibuturan. Sa lahat ng maaaring makakita sa amin, bakit ang heneral pa?

"Are you going to ruin your reputation just because of that useless girl, Senorito Severino? (Vas a arruinar tu reputación solo por esa chica inútil, señorito Severino?)"

Napasinghap at napaawang ang labi ni Ginoong Severino sa kanyang tinuran. Hindi ko man maintindihan ngunit batid kong hindi maganda ang lumabas sa kanyang labi.

"You don't know what she'd been through, Heneral Cinco, don't get on my way. (No sabes por lo que ha pasado, Heneral Cinco, no sigas mi camino.)" May diin nitong pagkakabigkas at tila sila ay nag-uusap gamit ang mga mata. Nagtagal pa ito ng ilang minuto bago unang bumitiw ang heneral.

Napatingin sa aking gawi ang heneral at marahas akong hinila mula kay Ginoong Severino. "Sorry, Senorito, but I'd love to intervene in your personal matter. Now, kneel! (Lo siento, señorito, pero me encantaría intervenir en su asunto personal. Ahora arrodíllate!)" Marahas niyang tinulak ito pababa hanggang sa lumapat ang dalawang tuhod nito sa lupa.

"Ginoong Sev---."

"Shut up! (Cállate!)" Pakiramdam ko'y sandali akong nabingi sa lakas ng kanyang pagkakasigaw sa akin. Hinawakan niya ito sa kuwelyo at pinatayo habang ako nama'y hawak-hawak niya sa kabilang kamay. Saan niya kami dadalhin? Tahimik lamang itong naglalakad nang bigla siyang hawakan ni Ginoong Severino sa balikat, sinipa nang malakas at sinuntok.

"I'm very sorry, Heneral Cinco, but this is an urgent matter. I know what I've done is wrong but I don't have enough time to explain everything to you. Now if you'll let us escape, that would be a great pleasure. Thank you. Hali na, Emilia! (Lo siento mucho, Héneral Cinco, pero este es un asunto urgente. Sé que lo que he hecho está mal, pero no tengo tiempo suficiente para explicarte todo. Ahora, si nos dejas escapar, sería un gran placer. Gracias. Hali na, Emilia!)"

Nagkaroon ng pagkakataon ang heneral upang labanan pabalik si Ginoong Severino nang siya'y tumagilid upang kunin ang aking kamay kaya't sila ngayon ay nagpapalitan ng suntok. Nais ko sanang humingi ng tulong ngunit kanino? Sino ang makatutulong sa amin gayong kami ay tumatakas at nagtatago sa mga tao?

Ngunit sa huli ay natalo lamang si Ginoong Severino at kami ay dinala pabalik sa bahay-aliwan. Maraming pares ng mata ang nakatingin sa amin ngayon habang kami ay nakaluhod sa kanilang harapan, mayroong nagbubulungan, napasinghap na tila hindi makapaniwala na makita rito ang anak ng gobernadorcillo ngunit nangingibabaw ang nakakasindak na tawa ni Dona Isarel habang nasa kanyang gilid si Miguelita na nakaluhod, nakatali ang dalawang kamay at puno ng galos ang mukha. Paano siya nahuli? Paano nila nalaman na ako'y kanyang tinulungan?

"Thank you for bringing back them here, General Cinco. I really appreciate it, (Gracias por traerlos aquí, General Cinco. Realmente lo aprecio)" nakangiting wika ni Dona Israel at nagbigay-galang sa kanya.

"All I can help, Dona Israel. I just return what belongs to you. (Todo lo que puedo ayudar, doña Israel. Solo devuelvo lo que te pertenece.)" Muli siyang tumingin sa akin bago humakbang paalis. Naramdaman ko na naman ang pag-iinit ng aking mata. Lahat na lamang ng malapit sa akin ay iyong sinasaktan. Hinding-hindi kita mapapatawad, Heneral, aking sinisiguro na makukuha ko mula sa iyo si Georgina at ako'y makakaalis sa lugar na ito.

"Tama nga si Dona Lucia, malakas nga ang iyong loob," bulong ng doña sa akin at tiningnan ang kabuuan ng aking mukha. Ilang segundo lamang, lumingon siya sa isang lalaki na nasa kanyang gilid, kinausap ito ngunit agad ding lumisan. Muli siyang tumingin sa akin at itinaas ang gilid ng kanyang labi. "Ngunit ang iyong tapang ay ang magdadala sa iyo sa kapahamakan. Hindi ka ba nahihiya na ang anak ng gobernadorcillo ay iyong dinamay?"

"Wala pong nalalaman ang aking pamilya sa aking ginawa, Doña Israel, kung iyong mamarapatin ay ibalik mo na sa amin si Emilia at magpatuloy muli sa kanyang trabaho," wika ni Ginoong Severino. Seryoso lamang ang iginawad niyang tingin sa doña, hindi alintana ang tingin ng mga panauhin at mga naninilbihan dito.

Ito na nga ba ang aking ikinakatakot. Ang itinuturing kong pangalawang pamilya ay maaaring masira at malagay sa kapahamakan dahil sa aking kagustuhan na makaalis dito. Sana hindi na lamang ako sumama kay Ginoong Severino, sana hindi nangyari lahat ng ito. Sana hindi rin napahamak si Miguelita na wala namang kasalanan dito. "Kasalanan ko ang lahat. Ako na lamang ang iyong parusahan, Doña Israel, pakawalan mo si Miguelita at ipangako mo sa akin na ligtas na makakauwi sa kanilang tahanan si Ginoong Severino." Handa kong akuin at tiisin ang ibibigay sa aking parusa masiguro ko lamang ang kaligtasan nilang dalawa.

"Ikaw ay isang bayani kung ganoon. Nais mo bang ikaw ay aking palakpakan?" Siya'y ngumiti at marahang pumalakpak ng tatlong beses.

Nagsalubong naman ang kilay ni Ginoong Severino, makikita na dumudugo ang kanyang labi at mayroong galos sa gilid ng mata na kanyang natamo kanina habang umiiling naman si Miguelita. Batid kong hindi sila sang-ayon sa aking sinabi ngunit ito lamang ang tanging paraan upang hindi sila mapahamak.

"Ayaw ko sanang mamagitan sa iyong personal na buhay, Ginoong Severino, ngunit mukhang totoo nga ang aking nabalitaan na ikaw ay mayroong espesyal na pagtingin sa bayarang babaeng ito."

Muling bumalik sa aking isipan ang nangyari sa aming dalawa noong unang beses niyang sinabi sa akin na siya'y naguguluhan sa kanyang nararamdaman at noong kami ay nagkausap sa hardin ng hacienda De Montregorio. Kami lamang dalawa ang naroon ng mga oras na iyon, paano nalaman ni Doña Israel ang tungkol dito?

"Hindi siya bayarang babae, Doña Israel, isa lamang itong parusa na iginawad sa kanya ni Doña Lucia dahil sa kasalanang hindi naman niya nagawa. Dalawang linggo lamang ang usapan ngunit paumahin sa aking kapangahasan, hindi ko na mahintay pang magtiis siya rito ng ganoon katagal." Hindi man lang siya nakikitaan ng anumang takot ngunit ako ang nangangamba para sa kanya. Napadako ang kanyang tingin sa akin. Ako ay umiling nang marahan upang maiparating sa kanya na huwag na niya akong tulungan pa. Huwag na niyang ilagay pa ang kanyang sarili sa kapahamakan. Nawa'y maintindihan niya na ang kanyang kaligtasan ang aking iniisip at mahalaga ngayon.

Umalingawngaw ang malakas na tawa ni Doña Israel kaya't lahat ng tao ay napatingin sa kanya. "Dalawang linggo? Sa iyong palagay, dalawang linggo lamang siya rito? Hindi ba nabanggit sa iyo ni Doña Lucia ang totoong plano?"

"A-Anong plano? Ano ang iyong ibig sabihin, Dona Israel? Mayroon ba kayong binabalak na hindi maganda kay Emilia?" Papalit-palit na ang kanyang tingin sa aming dalawa. Ang kanyang mga mata ay nagtatanong sa akin ngunit pagtulo lamang ng aking luha ang aking naisagot. Iyan din ang hindi ko maintindihan, Ginoong Severino.

"Mula noong siya'y ibinigay sa akin ni Dona Lucia, siya ay pagmamay-ari ko na. Wala na kayong pananagutan sa kanya, Ginoong Severino."

"Anak!/Severino!/Kuya!"

Lumaki ang aking mga mata ng dumating ang buong pamilya y Fontelo. Lahat sila ay nagmamadaling lumapit sa kanilang anak at hinagkan nang mahigpit. Ang dalawang magkakapatid na babae ay nagsimula ng umiyak habang tahimik na nakatingin si Ginoong Angelito ngunit nakayukom ang dalawang kamao. Ngayon ko lamang nakitang ganiyan si Ginoong Angelito - tahimik ngunit nakakatakot.

"Doña Israel, ano ang ibig sabihin nito?" Kahit maamo ang mukha ni Dona Criselda kahit siya'y umiiyak, ang kanyang mga mata ay matatalim kung tumingin, namumula ang mukha at gumagalaw ang panga. Ito ang kauna-unahang beses na nasaksihan ko ang ganitong ugali niya. Mukhang batid ko na ngayon kung saan nagmana si Binibining Lydia. Akala ko rati ay wala siyang namanang ugali sa kanyang ina, mayroon pala.

"Bakit hindi mo tanungin ang iyong anak, Doña Criselda, upang iyong malaman."

Magsasalita na sanang muli si Doña Criselda nang mapadako sa akin ang kanyang mga mata, naiwang nakabukas ang bibig at nanlalaki ang mga matang nakatingin sa akin. "A-Anong nangyari sa i-iyo? Bakit ganyan ang iyong itsura?" Tiningnan niya ang ako ng kabuuan, suot ko pa rin hanggang ngayon ang sapin ng higaan na nagsisislbi kong kasuotan kahit ito'y basang-basa na. "S-Sinong nanakit sa i-iy---."

"Ina," pagtawag ni Ginoong Severino. "Kung hindi pa ako dumating kanina, marahil ay mas malala ang kanyang sasapitin. Ang lalaking aking naabutan ang dahilan kung bakit nangyari iyan kay Emilia. Hindi ko man lang nakita ang kanyang mukha."

Ginoo, mayroon ding kinalaman ang doña na iyan kung bakit ganito kapait ang aking sinapit. Ako'y kanyang sinaktan – sinipa gamit ang kanyang matulis na sapatos ng walang tigil. Ayaw kong maiyak ngayon. Emilia, pigilan mo ang iyong sarili. Ipakita mo sa kanilang lahat na ikaw ay malakas lalo na't narito ang buong pamilya. Huwag mong ipakita sa kanila na ikaw ay matagal ng nanghihina.

Sandaling tumingin sa akin si Binibining Juliana na may awa sa kanyang mga mata. Lahat na lamang ng mga tao sa aking paligid ay kinakaawan ako. "Palayain niyo na po siya, Doña Israel, kung iyong nakakalimutan, maaaring magsakit ang binibining sinaktan ng iyong panauhin."

"Hindi mo na iginagalang ang aming pamilya, Doña Israel. Kung ano man ang pagkakasala ng aming anak, pag-usapan natin iyon ng pribado lamang," wika naman ni Don Faustino na seryoso lamang ang mukha. Nakikita ko sa kanya ngayon si Ginoong Severino. Batid ko kung ano ang nararamdaman at iniisip niya ngayon. Ito ay isang malaking kahihiyan para sa kanilang pamilya na ikarurumi ng kanyang imahen at reputasyon. Maaari pang madamay ang kanyang iniingatang pamilya. "At babawiin ko na rin si Emilia, nais mo man o hindi. Hindi makatarungan ang iyong ginawa sa kanya kahit ano pa man ang kanyang pagkakasala."

Tuluyan na akong napayuko at nag-unahan sa pagbagsak ang aking mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Napakaswerte kong napadpad ako sa pamilyang ito. Ang pamilyang kahit kailan ay hindi ako pinapabayaan. Naramdaman ko na lamang ang mainit na tela sa aking balat na bumalot sa aking katawan, pag-angat ko sa aking ulo, si Binibining Juliana na nakangiti sa akin nang kaunti kahit nanunubig ang mga mata. Napangiti na lamang ako at nagpasalamat sa kanya.

Napadako ang aking mata kay Ginoong Angelito na nagtutubig ang mga mata at napaiwas sa akin nang ako'y tumingin sa kanya. Si Binibining Lydia naman ay nakakunot ang noo ngunit tumutulo ang luha at tinitignan ang parte ng aking katawan na hindi natatakpan ng tela. Nang sundan ko kung saan siya nakatingin, nakatitig pala siya sa aking mga malalalim na sugat. Muli siyang tumingin sa akin at napaiwas na lamang kasabay ng pagpunas ng kanyang luha.

"Iginagalang ko ang iyong pamilya, Gobernadorcillo y Fontelo, ngunit ang iyong anak ay hindi nagbigay-galang sa akin. Pinasok niya ang aking teritoryo at itinakas ang isa sa aking pagmamay-ari. Tama ba iyon, Don Faustino?" May bawat diin ang kanyang pagkakabanggit at animo'y nasisiraan ng ulo dahil bigla na lamang siyang natatawa. Siya'y humarap sa kanyang mga panauhin at sinabi na ituloy nila ang kanilang kasiyahan. Mayamaya, pinaunlakan niya ang buong pamilya na magtungo sa kanyang silid upang doon mag-usap.

Ako sana'y dadalhin ng babae sa isang silid nang siya'y utusan ni Doña Israel ngunit mahigpit akong hinawakan ni Doña Criselda at Binibining Juliana sa aking magkabilang braso bago pa man ako mahawakan ng babae kasabay ng paghakbang ni Ginoong Angelito na pumagitna sa amin at seryosong nakatingin sa babaeng nasa kanyang harapan. Dahil doon ay umatras ang babae at nakayukong umalis.

Hanga ako sa pagpapalaki ng mag-asawang y Fontelo sa kanilang mga anak laong-lalo na sa kanilang anak na lalaki. Sa maliit na gulang pa lamang ni Ginoong Angelito, marunong na siya kung paano protektahan ang babae tulad na lamang ng ginawa niyang pagharang sa amin ngayon upang hindi ako makuha.

"Don Faustino," wika ni Doña Israel, tumigil sa paglalakad at humarap sa kanya. "Hindi ko nais na magkaroon tayo ng hinanakit sa isa't isa dahil lamang dito ngunit batid niyong si Doña Lucia ang nagdala kay Emilia at ipinaubaya sa akin."

"Ngunit hindi pa rin nangangahulugang maaari ng mangyari ito sa kanya. dalawang linggo lamang ang napagkasundo ng aming pamilya patungkol dito."

"Hindi iyan ang sinabi sa akin ni Doña Lucia. Wala na kayong pananagutan sa kanya."

"Ano? Ano ang iyong ibig sabihin?" naguguluhang tanong ni Doña Criselda. Ibig sabihin ay pakana itong lahat ni Doña Lucia?

"Bakit hindi niyo siya tanungin? Nasa aking pangangalaga si Emilia, nawa'y respetuhin ninyo kung ano ang aking pagmamay-ari. Hindi naman mangyayari lahat ng ito kung hindi dahil sa anak niyong pumasok na lamang sa aking lugar at naglikha ng gulo" sabay tingin niya kay Ginoong Severino at tumaas ang gilid ng labi.

"Susunduin ko ang iyong nais ngunit matapos ang dalawang linggo ay ibabalik mo sa amin si Emilia," wika ni Don Faustino at sinabihan ang kanyang pamilya na sila'y uuwi na.

Tumingin sa aking gawi si Ginoong Severino, mga matang nagsasabing siya'y babalik upang bawiin ako. Ako'y maghihintay sa iyong pagbabalik, Ginoo.

------------------Agosto 14, 1895-----------------

Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ni Miguelita na nagpadugo sa gilid ng kanyang labi habang siya ay sumasayaw sa harapan. Gaano kadali para sa kanya na saktan ang kanyang anak sa harap ng ibang tao, kung tratuhin niya ito parang hindi tunay na anak.

"Ayusin mo ang pagsasayaw kung ayaw mo ng masaktan!" sigaw nito bago bumaba sa maliit at gawang tabla na entablo. Nagtungo siya sa kanyang mga panauhin at masayang nakipag-usap na animo'y hindi namahiya ng tao.

Wala namang magawa si Miguelita kundi sumunod kahit labag sa kanyang kalooban. Marahan niyang iginagalaw ang kanyang katawan pababa at pataas habang hinahaplos ang mga braso, dibdib at mukha na mas lalong nagpapaakit sa mga manonood. Nakikita ko ngayon sa kanya si Georgina na ganitong-ganito rin ang ginawa noon. Kumusta na kaya siya? Hangga't siya ay nasa pangangalaga ng heneral na iyon, hinding-hindi siya magiging ligtas. Kailangan ko pa ring umisip ng paraan upang siya'y iligtas maging ako ay hindi rin ligtas.

Sandali lamang, hindi ba't nagtutungo ang grupo ng heneral na iyon upang magsaya? Ibig sabihin ay hindi na ako mahihirapang iligtas siya lalo na't nasa iisang lugar na kami. Ito ang tamang lugar at panahon upang maisaktuparan ang nabigong plano noon.

"Emilia." Napalingon sa aking kanan nang ako ay tawagin ni Titiana, isa sa matagal ng nagtatrabaho rito. "Ikaw na ang mag-asikaso sa bago nating panauhin. Siguraduhin mo lamang na sila ay aasikasuhin mo ng tama. Sila ay mahalagang panauhin dito." Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa bago lumisan.

Matapos ng nangyari noong nakaraang araw nang magtangka si Ginoong Severino na itakas ako, naging kanang kamay na ni Doña Criselda si Titiana na kanya namang nagustuhan. Halos lahat kami ay sinusunod ang kanyang sinasabi at kung hindi, kami ay sasaktan. Mula rin noon, hindi na nagdadalawang-isip pa ang doña na ilapat ang mabigat na kamay sa katawan ng kanyang anak. Kahit simple at kaunting pagkakamali lamang ay hindi niya pinapalagpas.

"Magandang gabi po, Ginoo," pagbati ko sa isang lalaki na nakaupo rito sa bandang dulo. Hindi na siya gaanong nakikita mula sa harapan dahil na rin sa kaunting liwanag na nasasagap ng kanyang kinauupuan. "Ano po ang nais nilang inumin?"

Bukod sa magpaligaya ng mga panauhin, isa rin sa aming gawain ang magserbisyo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng inumin na ang iba ay mula pa sa Europa at Pransya.

"Kung ano ang mayro'n."

"Ito na po. Maraming salamat."

Ilang beses akong nagpabalik-balik sa kusina upang kumuha ng inumin. Habang palalim ng palalim ang gabi, mas lalo namang dumadagsa ang mga tao kaya nagiging abala na ang iba kong kasamahan.

"Hindi ba't iyan ang ipinalit ni Ginoong Severino kay Binibining Floriana?"

"Siya ba?"

"Mas hamak na marikit si Binibining Floriana kaysa sa kanya?"

"Ano bang nakita ni Ginoong Severino sa kanya?"

"Totoo ba ang balitang iyon?"

"Oo raw. Napahamak ang pamilya ng gobernadrocillo dahil sa kanya!"

Napakunot ang aking noo habang ako'y nag-aasikaso ng mga mesang pinagggamitan ng mga umalis na panauhin nang marinig ko ang usapan ng grupo ng kababaihan na narito malapit sa pintuan. Saglit akong lumingon sa kanila at sila nga'y nakatingin sa akin. Mas lalo lamang lumakas ang kanilang tinig at nagbibitiw ng kung ano-anong salita.

"Hindi ako makapaniwala na magagawa iyon ni Ginoong Severino. Si Binibining Floriana ang pinakamarikit na binibini rito sa ating bayan. Paano niya magagawang ipagpalit ang binibining iyon sa isang bayaran lamang?"

"Nabahiran ng dumi ang kanyang imahen dahil sa babaeng iyan."

"Ano na lamang ang mangyayari sa kanilang pamilya? Sila ang usap-usapan sa buong bayan!"

Ano ang kanilang sinasabi? Anong ipinagpalit? Mayroon bang nangyari sa kanilang pamilya na hindi ko nalalaman? Naramdaman ko na lamang ang pagbilis ng tibok ng aking puso at ako'y dali-daling nagtungo sa loob. Wala akong nalalaman sa kanilang sinasabi. Bakit ako ang pinag-uusapan ng mga babaeng iyon? Ano ang aking kinalaman?

"Hindi ba't ikaw ang babaeng itinakas dito ng unang anak ng gobernadorcillo?"

Ako'y napatigil sa aking paglalakad nang ako'y harangin ng isang lalaki na mukhang kasing-edad lamang ni Ginoong Severino. Ngayon na lamang muli ako nag-asikaso ng maraming tao matapos mangyari ang tagpong iyon kaya't hindi ko batid kung ano-anong balita ang kumalakalat ngayon dito. Wala rin naman akong naririnig mula sa aking mga kasama ngunit ramdam ko ang kanilang mga tingin sa akin, minsa'y nahuhuli ko pang nag-uusap ng mahina at lumilisan kapag ako'y paparating subalit ipinagsawalang-bahala ko lamang iyon. Ngunit ngayon ay may kutob akong may nangyaring hindi maganda sa pamilya ng gobernadorcillo.

"Paumanhin po ngunit marami pa po akong gagawin," sambit ko at akmang aalis na nang siya'y magsalitang muli.

"Hindi ko batid kung anong nakita sa iyo ng lalaking iyon upang ika'y iligtas gayong wala ka namang ipinagkaiba sa ibang kababaihan. Sinaktan lamang niya ang babaeng aking mahal." Ramdam ko ang galit sa kanyang tinig at napasin ko pa ang pagyukom ng kanyang dalawang kamao ngunit ang kanyang mga mata ay malungkot at nagtutubig.

Sino ang babaeng kanyang minamahal? Ang nobya ba ni Ginoong Severino? Kung siya nga, batid kong maraming ginoo ang nagmamahal kay Binibining Floriana ngunit hindi naman tama na ako ang kanyang kakausapin. Siya'y aking pinagmasdan. Mukhang siya'y galing sa may-kayang pamilya dahil maayos ang pananamit nito. Masasabi ko ring siya'y pinagpala ng magandang mukha ngunit wala pa ring makatatalo kay Ginoong Severino.

Napatawa na lamang ako sa aking naisip. Nagawa ko pa siyang ihambing kay Ginoong Severino, kung malalaman niya ang tungkol dito, nakasisiguro akong tutuksuhin na naman niya ako ng walang tigil.

"Ano ang iyong tinatawa-tawa riyan? Mayroon bang nakakatawa sa aking sinabi, ha?"

Napatigil ako sa aking pag-iisip nang marinig kong tumaas ang kanyng tinig nang kaunti. Nakakunot ang kanyang noo habang nakatitig sa akin. "Wala po." Hindi ko naman sinasadyang ako'y matawa. Nawala lamang sa aking isipan na siya pala ay nasa aking harapan.

Makaraan ang ilang minuto, huminga siya ng malalim at hinilot ang gilid ng kanyang noo. "Paumanhin sa aking inasal, Binibini. Labis lamang akong nagmamahal sa isang binibining kahit kailan hindi man lang ako nakita." Ramdam ko ang kanyang lungkot. Iyan din naman ang aking nararanasan ngayon.

"Ayos lang. Ako po'y aalis na." Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at ako'y umalis na. Hindi pa rin nawawala ang kanilang usap-usapan. Mas mabuti na lamang kung ako'y umakyat sa aking silid upang makawala sa mga mapanuring mata ng mga tao rito.

****

"Ako'y nagsisisi ng buhayin kita! Wala kang kwenta!" sigaw ni Doña Israel sa kanyang anak at sinampal ng dalawang beses sa magkabilang pisngi. Siya'y namumula sa labis na galit dahil hindi natuwa ang panauhin ni Miguelita sa kanyang serbisyo. "Matagal ka ng naninilbihan rito, ngayon ka lamang pumalya! Isa pang importanteng panauhin ang nagreklamo, hindi ka ba nahiya?!"

Nais ko sanang pumagitna upang protektahan si Miguelita ngunit ako'y walang karapatang manghimasok lalo na't ito ay away mag-ina. Tahimik lamang akong nagmamasid mula sa aking pinto ng aking silid, sila ay nasa tapat ng pintuan ng silid ni Miguelita, hindi alintana ang tingin ng iba naming kasama. Mukhang sila ay sanay na dahil mukhang sila ay hindi naaapektuhan.

"Gin...awa ko naman p-po ang aking makakaya n-ngunit masa..kit pa rin po ang aking k-katawan." Paanong hindi sasakita ang kanyang katawan kung halos araw-araw siyang nakatatanggap ng pananakit mula sa kanyang ina.

Ako'y naaawa sa kanya. kitang-kita na sa kanyang mukha ang hirap, mabibigat ang paghinga tulad ng aking dinanas ngunit ang pinagkaiba lamang ay sarili niyang ina ang nagpapahirap sa kanya. Paano naaatim iyon ni Doña Israel?

"Ginawa ang makakaya? Kung ginawa mo ang iyong makakaya, sana'y nagustuhan ng panauhin ang iyong serbisyo! Huwag kang magreklamo kung masakit ang iyong katawan dahil iyan naman ay iyong kagagawan!" Isa na namang sampal ang kanyang pinakawala kasabay ng paghila ng kanyang buhok. "Ikaw ang may pakana kung bakit nagawang itakas ng ginoong iyon ang hampaslupa mong kaibigan!" Pakana? Anong ibig niyang sabihin? "Ang lakas ng iyong loob na papasukin dito ang ginoong iyon at sabihin sa kanya ang lagay ng babaeng iyon. Ikaw ang nagdala ng kapahamakan sa aking negosyo na matagal ko ng iniingatan. Ikaw ang nagbahid ng dumi sa aking reputasyon. Hindi mo ba naisip kung ano ang mangyayari sa akin? Idinadamay mo pa ang ibang tao rito dahil sa iyong pagiging makasarili!"

Mabuti na lamang agad akong naisara ang pinto ng biglang tumingin sa aking gawi si Doña Israel. Nawa'y hindi niya nakita na ako'y nakikinig sa kanila. idinikit ko na lamang sa pinto ang aking tainga upang marinig ko pa rin ang kanilang pinag-uusapan.

"Hindi ko batid kung bakit pa kita binuhay. Kung alam ko lang na ito lamang ang iyong gagawin, sana inilaglag na lang kita."

"Hin...di. Hindi p-po totoo i-iyan."

"Anong hindi totoo?! Bunga ka lamang ng isang pagkakamali. Nang dahil sa iyo kaya nasira ang aking buhay!"

"A-Ano? Ano po ang iyong si...nasabi, Ina?"

"Huwag mo akong tawaging ina. Kahit kailan ay hindi naging anak ang tingin ko sa iyo. Sa tuwing ikaw ay aking nakikita, paulit-ulit na bumabalik sa aking isipan na ikaw ag naging bunga ng taong unang bumaboy sa akin."

Ano? Kaya pala hindi mahirap para sa kanya na saktan siya dahil hindi anak ang tingin niya rito? Ngunit nagmula pa rin ito sa kanyang sinapupunan. Sarili niya itong dugo at laman.

"I-Ina..."

"Kung hindi mo aayusin ang iyong tungkulin, mas mabuti ng umalis ka na lamang dito at huwag ka ng magpakita sa akin."

"Doña Israel, narito po sina Heneral Cinco at ang kanyang mga tauhan," rinig kong wika ni Titiana.

Narito na sila. Kasama niya kaya si Georgina?

"Ako'y bababa na. Ihanda mo sa kanila ang kanilang paboritong alak."

"Nais po sana niyang humiling ng isang silid para sa kanila ng kanyang alipin."

"Sige, ihanda mo ang ating pinakamalaki at pinakamaayos na silid."

G-Georgina. 

Narito si Georgina.

--------

<3~