Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 16 - Kabanata 14 ✓

Chapter 16 - Kabanata 14 ✓

"Mahal kit---"

"Ano ang ibig sabihin nito?"

Naputol ang sasabihin ni Ginoong Severino nang narinig niya ang tinig ng kanyang nobya at dahan-dahang lumingon.

Maging ako ay napasinghap, nanlaki ang mga mata at pigil ang paghinga. Napupuno ng mga tanong ang aking isipan at mga dahilan kung anong maaaring sabihin sa kanyang nasaksihan. Dahan-dahan akong lumingon sa aking gilid at naroon siya, nakatayo sa hindi kalayuan sa aming kinatatayuan at nangingilid ang mga luha.

"F-Floria---"

"E-Emilia, ano ang ibig sabihin nito? Mayroon bang namamagitan sa inyo ng aking k-kasintahan?" Marahan niyang tinakpan ang kanyang bibig upang pigilan ang paghikbi.

Hindi ko mabilang kung ilang beses akong umiling. Lumapit din ako upang ipaliwanag sa kanya ang buong pangyayari. "Wala po. Kami po ay nag-uusap lamang. Patawad po kung nasaksihan niyo kaming dalawa na magkasama ngunit wala pong namamagitan sa amin." Laking pasasalamat ko na ako ay hindi nautal. Ito na nga ba ang sumasagi sa aking isipan na baka makita niya kami. Si Ginoong Severino, panay lapit sa akin kahit tinutulak ko na siya nang marahan.

Ilang segundo niya rin akong tinitigan habang patuloy sa pagtulo ang kanyang luha. "Totoo ba?" Palipat-lipat ang tingin niya sa aming dalawa at hinihintay ang aming sagot.

"Totoo po, Binibining Floriana. Patawad po kung kayo ay lumuha dahil doon."

Mahinhin niyang pinunasan ang kanyang luha gamit ang kanyang maliit na panyo at sumilay ang matamis na ngiti na nagpalitaw sa kanyang mapuputing ngipin. "Ayos lang, Emilia, nagkaroon din naman ako ng sala sa iyo noong nasampal ka ni Lydia dahil sa aking kagagawan."

Akala ko ay sasaktan niya ako tulad ng ginagawa ng iba ngunit sadyang napakabuti ng kanyang puso. Hindi man lang siya nagalit bagkus ay naalala niya pa ang nangyari noong sila ay aking natagpuan na natutulog sa ilalim ng puno ng mansanas.

"Ako ay naniniwala sa iyo. Ramdam ko naman ang iyong sinseridad," dagdag pa niya. Muli siyang tumingin sa kanyang nobyo at hinawakan ito sa pisngi. "Batid ko naman na hindi mo ako ipagpapalit sa iba. Mahal na mahal mo naman ako, hindi ba?"

Palihim siyang lumunok nang mariin na aking napansin bago ngumiti nang matamis. Hindi ko alam kung napansin ba iyon ng kanyang nobya. "Oo naman, Mahal. Ikaw lamang ang aking sinisinta." Niyakap pa niya ang kanyang nobya marahil ay para maibsan ang pagdududa sa kanyang nasaksihan habang nakatingin sa ibabang direksyon ngunit makaraan ang ilang sandali, siya'y tumingin sa aking mga mata na may lungkot at gumalaw ang kanyang bibig - 'Patawad, Emilia.'

Umiwas ako ng tingin at nagpaalam sa kanila. Ramdam ko ang pagkirot ng aking puso at sandali pa akong napahawak dito. Hindi naman na bago ang ganitong pakiramdam sa akin kaya hindi na ako muling lumingon pa sa kanilang kinaroroonan. Sapat na iyong nakita ko silang magkayakap at marinig kung gaano nila kamahal ang isa't isa. Ngunit ngayon isa lamang ang aking hinihiling - nawa'y hindi na niya ako muling guluhin pa kung hindi pa siya nakatitiyak sa kanyang tunay na nararamdaman.

Masakit sambitin ngunit ako'y umaasa. Umaasa na nawa'y sabihin niya sa kanyang kasintahan kung ano talaga ang kanyang nararamdaman ngunit napakabuti ng puso ni Binibining Floriana, hindi siya nararapat saktan ng kahit na sino lalo na ng isang tulad ko. Sino ba naman ako kung ihahambing sa kanya at harap-harapan na ipaglaban ang nararamdaman ni Ginoong Severino para sa akin? Napatawa na lamang ako habang tumutulo ang aking luha at napatingala sa kalangitan.

Bakit ganoon? Napagpasyahan ko ng kalimutan na lamang kung ano man ang nararamdaman ko para sa kanya ngunit bakit kanina lamang ay hindi ko napigilan ang aking sarili na sabihin sa kanya kung gaano ako nangungulila nang kami ay magkausap.

Sinabi ko rin sa aking sarili na hindi ko siya papansinin tulad ng kanyang ginawa ngunit nang ako ay kanyang kausapin at banggitin ang aking pangalan, ako ay nakaramdam agad ng panghihina at hindi maitatangging kasiyahan.

Ngayon ko lamang napagtanto kung gaano kadaling sabihin ang isang bagay ganoon naman kahirap gawin. Hindi ko na batid ang susunod kong gagawin. Nais ng puso kong ipaglaban ang nararamdaman ko para sa kanya ngunit ang aking isipan ay nais siyang bitiwan para sa kanilang kaligayahan.

****

"Mayroon sana akong sasabihin sa iyo bago ako umalis ngayon, Emilia," sambit ni Agapito sa akin na tila nahihiya pa dahil sa paghawak niya sa kanyang batok.

"Umalis ngayon? Bakit ikaw ba'y babalik na sa Maynila?" kunot-noong tanong ko sa kanya. Umihip nang malakas dahilan upang matabunan ng iilang hibla ng buhok ang aking mukha. Narito kami ngayon sa likod ng hacienda, nagpapahangin habang nag-uusap.

Marahan siyang tumango habang inaayos ang aking buhok. "Ilang buwan na rin akong naririto at mayroon pa akong dapat gawin sa Maynila. Bakit? Ayaw mo ba akong umalis?" Saglit pa siyang tumawa na aking ikinangiti.

"Hindi ko rin namalayan ang panahon. Dalawang buwan ka rin pa lang nagbakasyon dito."

"Huwag kang mag-alala ako ay magpapadala naman ng liham sa iyo upang kamustahin ka."

Ako ay tumango. "Aasahan ko iyan, Ginoong Agapito. Anong oras pala ang iyong pag-alis?"

"Alas-siyete ng gabi."

"Ngunit alas-sais na ng gabi." Akala ko mamaya pa siya aalis.

"Kaya nga may nais sana akong sabihin sa iyo." Muli, napahawak siya sa kanyang batok at tumalikod sa akin saglit. Narinig ko siyang bumulong ngunit hindi ko naman maintindihan. Mayamaya lamang ay humarap siya at agad na hinawakan ang aking magkabilang kamay.

Dahil sa kaba at takot na akong naramdaman, binawi ko agad ang aking kamay at tumingin sa paligid. Baka makita na naman kami ni Severino! Kung ano-ano na naman ang kanyang iisipin! Dahil sa sinabi niya sa akin kaninang umaga, napagtanto kong palihim niya kaming tinitignan. Baka naririto lamang siya nagtatago sa dilim at palihim na nagmamasid sa amin. Ayokong makaramdam na naman siya muli ng lungkot at paninibugho.

Ngunit kinuha na naman niya ulit ang aking kamay at hinawakan na ito nang mahigpit. "Batid kong ngayon ay nagtataka ka sa aking ikinikilos ngunit ako'y magsisisi kung hindi ko ito sasabihin sa iyo bago ako umalis."

Ano ba ang kanyang sasabihin? Ako ay kinakabahan dahil iba ang sinasabi ng kanyang mga mata.

"Mah---"

"Agapito, hindi ka pa ba aalis? Baka maiwan ka ng barko."

Sabay kaming napalingon kay Ginoong Severino nang nakangiti sa amin at lumapit sa kanyang kaibigan. Binawi ko naman agad ang aking kamay para hindi niya makita.

"Ihahatid kita," dagdag pa niya. Sumulyap siya sa akin saglit at mas lalong lumapad ang kanyang pagkakangiti kaya naramdaman ko ang pag-iinit ng aking pisngi at mas lalong paglakas ng tibok sa aking dibdib.

"Sandali lamang, Severino, may sasabihin pa ako kay Binibining Emilia." Bahagyang tumaas ang kanyang tinig at kumunot ang noo habang nakatingin kay Ginoong Severino. Tila siya ay naiinis na nadismaya dahil sa biglaang pagsulpot nito.

Hindi ko batid kung nagkataon lamang ba na naparito siya o tama ang aking naisip na baka palihim lamang siyang nagmamasid sa amin.

"Bakit ano ang sasabihin mo sa kanya?"

"Nais ko lamang magpaalam."

"Maaari ka namang magpaalam ngayon na."

"Ngunit nais kong kami lamang dalawa. Umalis ka muna."

Naningkit ang mga mata ni Ginoong Severino sa huli nitong sinabi at inakbayan ang kaibigan. "Maaari kang magpaalam kahit naririto ako, Agapito. Baka ikaw ay maiwan ng barko, sige ka. Hindi ko kasalanan."

Napakibit-balikat pa siya at tila nananakot ang tinig.

Hindi naman nakaligtaan ng aking mga mata ang pag-ikot ng mata ni Agapito sa kanyang sinabi at inilayo pa siya. "Iwan mo muna kami. Nakasama mo na nga siya kaninang umaga hayaan mo namang magkausap kaming dalawa ngayon."

Dahan-dahang humiwalay si Severino sa kanya at pumasok sa loob ng hindi nagsasalita.

"Paumanhin kung hindi ko natuloy ang aking sasabihin. Si Severino kase," wika niya at huminga na naman nang malalim saka tumingin nang diretso sa aking mga mata. "Emilia, batid mo namang minsan na akong humanga sa iyo, hindi ba?"

Bumalik sa aking alaala ang araw na sinabi niya sa akin na siya'y humahanga sa akin noong ako'y naninilbihan pa lamang sa kanila.  Nakukutuban na ako kung saan maaaring patungo ang usapan na ito ngunit imposibleng magkagusto siya sa akin muli gayong sinabi ko sa kanya na hindi kami pareho ng nararamdaman. Nais na naman ba niyang masaktan muli?

"Patawad ngunit sa pagkakataon na ito ay hindi ko na kaya." Huminto siya at marahang ngumiti ngunit walang buhay. "Pinigilan ko naman ang aking sarili dahil batid kong maaari na namang maulit ang nangyari noon ngunit, Binibining Emilia, sa pagkakataon na ito ay hindi ko na kayang pigilan pa. Sa bawat araw na ikaw ay aking nakakasama mas lalo lamang tumitindi ang aking nararamdaman para sa iyo." Kinuha niya ang aking kanang kamay at inilagay sa kanyang dibdib. "Damhin mo ang tibok ng aking puso. Malakas, hindi ba? Ikaw ang dahilan kung bakit ganito ang aking puso."

Mariin akong napalunok sa aking narinig. Ramdam ko ang sinseridad sa kanyang tinig at makikita rin naman iyon sa kanyang mga mata ngunit sa pagkakataong ito ay naulit na naman ang nangyari noon.

"Mahal kita, Emilia."

"A-Agapito." Napayuko ako at marahang umiling. Dahan-dahan din akong bumitiw sa kanyang pagkakahawak. Hindi ko alam kung paano ko iyon sasabihin sa kanya muli. Ayaw ko siyang saktan dahil malaki ang utang na loob ko sa kanya at sa kanyang pamilya. Bukod pa roon, kapatid na rin ang turing ko sa kanya.

"M-Mukhang batid ko na a-ang iyong n-nais sabihin. H-Haha." Siya'y tumawa ngunit makikita namang hindi totoo.

Isang malapad na ngiti ang kanyang iginawad nang iangat ko ang aking ulo upang tignan siya. Ako ay naluluha. Nais ko siyang yakapin para maibsan ko kahit kaunti lamang ang kanyang sakit na nararamdaman. Ngayong naranasan ko ng umibig, alam na alam ko na kung gaano ito kasakit hindi tulad ng dati na sarili ko lamang ang aking iniisip. Noon, madali para sa akin na sabihin sa kanya ang totoo kahit alam kong siya'y aking masasaktan ngunit ngayon ay iba na. Nakikita ko sa kanya ang aking sarili na nagmamahal ng ibang tao na mayroon ng ibang minamahal.

"A-Ako ay aalis na. Baka ako ay maiwan ng barko. Mag-iingat ka palagi, Emilia."

"Sa dinami-rami ng babaeng iyong nakilala, bakit ako?" Matagal ko na itong nais itanong sa kanya ngunit hindi ko ginawa dahil hindi ko naman iyon labis na dinamdam. Matapos niyang umamin sa akin, sa una, ako ay nakaramdam ng pagkailang ngunit dalawang araw lamang ang nakalipas ay wala na. Marahil ay mas pinili kong iwaglit iyon sa aking isipan at ituon lamang ang aking atensyon sa trabaho.

"Bakit nga ba hindi ikaw?" Ngayon ako ay nakasisiguro na totoong ngiti na ang kanyang ipinapakita sa akin dahil ibang-iba na ito kung ikukumpara kanina na pilit at walang buhay. Abot hanggang mata ang kanyang ngiti na tila kumikislap pa.

"Ako ay mula sa mahirap na pamilya, Agapito, batid mo iyan. Wala rin akong pinag-aralan." Ayos lamang kung tulad ako ni Binibining Floriana, hindi ko na iyon ikakagulat ngunit hindi, e. Lumalabo ang aking paningin dahil sa pamamasa ng aking mga mata. Ang sakit. Ako ay nakasakit na naman ng isang mabuting lalaki.

"Walang pinipiling antas ng pamumuhay ang pag-ibig, Emilia. Kahit ikaw pa ang pinakadukha sa lahat, kung kusang titibok ang puso ko sa iyo, hindi ko na matuturuan ito" sabay turo niya sa kanyang dibdib. "Kung matuturuan lamang din ang puso, matagal ko ng piniling huwag kang mahalin."

"P-Patawad."

"Ngunit kung hindi rin ako susugal, iyon din ang malaki kong pagsisisihan. Karapat-dapat kang mahalin at ipaglaban, Binibining Emilia, iyan ang huwag mong kalilimutan."

Tuluyan ng tumulo ang aking luha. Hindi na ako nag-abala pang punasan iyon dahil gusto kong damhin ang sakit. Nais kong akuin ang sakit na binigay ko na hindi nararapat sa kanya. "H-Hindi ka karapat-dapat saktan ngunit aking n-nagawa. Patawad. Kung kaya ko lang din turuan ang aking puso, ikaw ang pipiliin kong mahalin, Agapito."

Marahan siyang tumawa at pinunasan ang aking pisngi. Napapansin kong pareho silang dalawa ni Severino na mahilig gawin ang ipinagbabawal. Ilang beses na ba niya ako hinawakan? Mabuti na lamang walang ibang tao dahil kung hindi, tiyak akong mag-iisip sila ng kung ano-ano.

"Mukhang mayroon ng nagpapatibok ng iyong puso, a? Akala ko ba trabaho lang?" Napailing at napatawa ako sa kanyang biro. Hindi ko rin naman alam na mangyayari ito, e. "Biro lamang, Binibining Emilia, hindi naman talaga natin aasahan ang pag-ibig na iyan. Kusa itong darating sa hindi inaasahang panahon. Kung sino man ang masuwerteng lalaki na iyan, nawa'y mahalin at pakaingatan ka niya. Hindi kita binitiwan para lamang saktan niya. Sa oras na aking malaman na ikaw ay kanyang sinaktan, hindi ako magdadalawang-isip na bawiin ka sa kanya."

Nais ko sanang isipin na nagbibiro lamang siya sa kanyang sinambit ngunit mukhang totoo. Naging seryoso ang kanyang mukha na kanina lamang ay malawak ang pagkakangiti.

"Ipangako mo sa akin na siya'y iyong mamahalin at ipaglalaban kahit taliwas sa inyo ang mundo, Binibining Emilia."

Kung mayroon lamang akong karapatan upang gawin iyan, kahit hindi niya sabihin, iyan ang aking gagawin. "Ayaw kong mangako dahil maaaring hindi ko matupad ngunit hanggang kaya ko, hangga't ako ay humihinga, sisikapin ko." Sisikapin kong ipaglaban si Ginoong Severino kung maaari na.

"Kahit masakit asahan mong nasa sa iyo ang aking suporta. Huwag mo akong kalilimutan, ha? Nais ko pa ring magkaroon tayo ng komunikasyon kahit malayo tayo sa isa't isa." Kumunot ang kanyang noo, tumingala saglit ngunit huli na dahil tumulo na rin ang kanyang luha. "Kung kailangan mo ng tulong, padalhan mo lamang ako ng sulat, ikaw ay aking pupuntahan kahit ilang milya ng layo ang ating pagitan." Siya'y tumalikod at pinunasan ang kanyang luha. Inayos pa niya ang kanyang sarili bago humarap sa akin.

"Patawad sa lahat ngunit marami ring salamat sa pag-iintindi," wika ko.

Muli, siya na naman ay ngumiti. "Lahat ay kaya kong tiisin dahil mahal kita. Mahal na mahal kita, aking binibini."

Mahal na mahal kita, aking binibini.

Mahal na mahal kita, aking binibini.

Napapikit na lamang ako nang mariin at napahagulhol ng paulit-ulit na tumatak sa aking isipan ang huli niyang sinambit. Bakas sa kanyang tinig ang saya ngunit mas nangingibabaw ang sakit. Napayakap na lamang ako sa kanya nang mahigpit. "M-Maraming salamat sa pagmamahal. P-Patawad. Sana mapatawad m-mo ako kung hindi ko kayang suklian ang iyong pag-ibig." Labis akong nagpapasalamat na sa kabila ng aking katayuan sa buhay, mayroon pa ring ginoo ang minamahal at handang tanggapin ang kabuuang ako. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na mayroong nagsabi sa akin ng ganito. Kung maaari ko nga lamang diktahan ang aking puso, siya ang aking pipiliin ngunit alam ko kung sino ang tinitibok nito.

"Mahal na mahal kita, Binibining Emilia. Hangad ko sa iyo ang tunay mong kaligayahan at batid kong hindi ako ang taong iyon."

Ang daming nangyari ngayong araw. Hindi ko na alam kung saan ako kumukuha ng lakas upang kayanin pa ang lahat ng ito. Ngunit masaya ako dahil hindi pa rin mababago ang aming pagkakaibigan kahit dalawang beses ko na siyang nasaktan. "Hangad ko rin ang walang hanggan mong kaligayahan, Ginoong Agapito. Ipagdarasal ko na nawa'y makita mo ang babaeng magmamahal sa iyo ng buo."

"Maraming salamat. Ako ay aalis na. Baka magalit na sa akin si Severino. Ang aking mga sinabi, ha? Huwag mong kalilimutan." Humiwalay siya sa aming yakapan at pinunasan muli ang aking luha. "Huwag ka nang umiyak. Nais kong baunin ang matamis mong ngiti bago ako umalis. Maaari ba?"

Inayos ko ang aking sarili at ngumiti nang pagkatamis-tamis sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang aking itsura ngayon ngunit hindi na iyon mahalaga. Nais kong baunin at tandaan niya ang aking ngiti sa kanyang paglalakbay. Kahit ito na lamang ang aking magawa sa kanya sa lahat ng kabutihang ginawa niya para sa akin.

"Napakaganda mong tunay, aking binibini." Inipit niya sa aking kakiwang tainga ang iilang hibla ng aking buhok habang sinasabi iyon.

"Tapos na ba?" Narito na naman siya. Hindi man ako lumingon ngunit batid kong nakatingin siya sa aming dalawa.

"Tapos na. Hali na. Paalam, Emilia, hanggang sa muli nating pagkakita. Ikaw ay mag-iingat palagi."

"Paalam, Ginoong Agapito." Hindi na ako sumama pa na ihatid siya sa labas, hindi ko kayang makita siyang umalis gayong batid kong dala niya ang bigat ng dibdib dahil sa akin. Hindi ko inaasahan na mauulit itong muli. Kaya pala ganoon na lamang ang kanyang pakikitungo sa akin. Bakit hindi ko man lang napansin?

'Paano mo mapapansin kung si Severino lagi ang iyong nakikita?'

Ipinilig ko na lamang ang aking ulo sa aking naisip. Pumasok na lamang sa loob para ihanda ang gatas ng kambing at mainit na tubig para sa kanyang pangligo.

****

Isang seryosong mukha ang iginawad sa akin ni Ginoong Severino pagkatapos niyang maligo at uminom ng gatas. Inayos ko rin ang kanyang higaan kahit siya ay nakaupo, magkakrus ang dalawang hita at nakasuot ngayon ng isang puting manggas at mahabang salawal. Sinusundan niya lamang ng tingin ang aking galaw na aking labis na ipinagtataka.

"May kailangan pa po ba kayo?" tanong ko at umayos nang tuwid malapit sa pinto.

"Ano ang inyong pinag-usapan? Bakit ganoon na lamang kayo katagal mag-usap?"

"Paumanhin po ngunit sa aming dalawa lamang iyon." Ayaw ko namang sabihin sa kanya ang aming pinag-usapan. Hindi iyon nararapat na ipagsabi sa ibang tao. Ngunit ako ay napapaisip, iyon ba ang dahilan kung bakit siya tahimik at seryoso mula nang ihatid niya si Agapito?

"Paumanhin ngunit nais kong malaman, Emilia. Hindi napapanatag ang aking kalooban hangga't hindi ko nalalaman." Siya'y napasimangot, kinuha ang malambot na unan at niyakap ito. "Hindi mo ba maikukwento sa akin?" Pinikit niya pa ang kanyang mga mata ng maraming beses habang nakatitig sa akin. Ginagamit ba niya sa akin ang kanyang karisma?

"Hindi po maaari, Ginoong Severino, paumanhin po."

"Siya ba'y umamin sa iyo?"

"Ha?" Ano ang kanyang ibig sabihin? Huwag niyang sabihin na batid niya ang aming pinag-usapan at nais lamang makumpirma mula sa akin?

"Naisip ko na sinabi niya sa iyo ang kanyang nararamdaman. Tinanggap mo ba ang kanyang pag-ibig?"

"Ano po ba ang iyong sinasabi? Ako po ay walang nalalaman." Nawa'y paniwalaan niya ang aking sinasabi. Ayaw kong malaman niya ito.

"Huwag ka ng magsinungaling, Emilia. Ako ay nakinig sa inyong usapan. Paumanhin kahit aking sinadya." Ngumiti pa siya na tila nahihiya at hindi makatingin sa akin nang diretso.

"A-Ano?" Mabuti na lamang hindi ko nabanggit kanina ang kanyang pangalan dahil kung hindi ay malalaman niya ang totoo!

"Batid kong mali ang aking ginawa ngunit ako ay hindi mapalagay. Nais kong malaman ang iyong sasabihin." Biglang lumawak na lamang ang kanyang pagkakangiti na nagpakaba sa akin. "Sino ba ang nagpapatibok ng iyong puso? Kilala ko ba ang ginoong iyon?"

"K-Kung wala na po kayong kailangan ako po ay aalis na." Ramdam ko ang pamumuo ng pawis sa aking noo at leeg. Maging ang aking dibdib ay sumisikip na dahil sa mabilis na pagtibok. Tanging pagtibok lamang nito ang aking naririnig.

"Maaari mo ba akong ipakilala sa kanya?" Bakas sa kanyang tinig ang panunukso. Hindi ko alam kung ako ba ay matutuwa dahil nanumbalik na muli ang dating siya na mapang-asar o maiinis dahil sa kanyang tanong na mayroong pinapahiwatig.

"Wala po akong nalalaman. Aalis na po ako. Bukas na lamang po ulit. Maraming salamat po." Ako ay tunalikod at handa ng umalis nang siya'y magsalitang muli.

"Ngunit ako ay nasasaktan para sa aking kaibigan. Ramdam ko ang kanyang sakit na nararamdaman. Hanga ako sa kanya, sa pag-ibig na alay niya para sa iyo. Ngunit hindi ko rin kayang makita at marinig kung sakali man na iyon ay iyong tatanggapin."

Naramdaman ko na lamang ang pag-ukit ng ngiti sa aking labi sa huli niyang sinambit. Bagaman ako rin ay nasasaktan para sa kanyang kaibigan, hindi ko rin maikakailang ako ay nakaramdam ng saya. Ibig sabihin lamang niyon ay ayaw niyang mapunta ako sa iba.

'Mayroon bang namamagitan sa inyo ng aking k-kasintahan?'

Umalingawngaw sa aking isipan ang tinig ni Binibining Floriana na unti-unting nagpabura sa aking ngiti. Mali. Mali itong aking nararamdaman. Mali na makaramdan ng saya sa huling sinambit ni Ginoong Severino. Hindi ko kayang saktan ang loob ng kanyang kasintahan na minsan ng tumulong at umunawa sa akin. Hindi na ako nagsalita pa at lumabas na sa kanyang silid. Habang tumatagal hindi ko na alam kung saan ako dadalhin nitong aking nararamdaman.

--------------------Hulyo 11, 1895-----------------

Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang magkausap kaming muli ni Ginoong Severino. Mula rin niyon ay palagi niya akong tinitignan mula sa malayo habang ako ay nagtatrabaho at ngingiti sa akin nang matamis.

Hindi ko alam kung mayroon bang iba na nakakapansin sa kanyang ginagawa ngunit dalangin ko'y sana wala. Sumagi pa naman sa aking isipan kung gaano katalas ang pag-iisip ng mga tao rito sa paligid lalo na si Doña Criselda.

Kahapon lamang ay nagkita kami ni Binibining Floriana malapit sa bahay-aliwan nang samahan ko si Magdalena na bumili ng mga kasangkapan sa pagluluto. Sandali kaming nagkatitigan at ginawaran niya ako ng isang matamis na ngiti kasabay ng paghangin nang malakas. Pakiramdam ko niyon, tila bumagal ang galaw ng mga tao sa aking paligid at tanging sa kanya lamang nakatuon ang aking mga mata.

Nang makita ko kung sino ang kanyang kausap, awtomatikong nagsitaasan ang aking balahibo na umabot sa aking mukha. Kilala ko ang doña na iyon. Siya ang nagmamay-ari ng bahay-aliwan kung saan dinadala si Georgina. Hindi ko man matandaan ang kanyang pangalan ngunit hindi ko naman malilimutan ang kanyang mukha.

Ngumiti na lamang ako kay Binibining Floriana upang itago ang kaba at takot ng nararamdaman ko dahil sa doña na iyon.

At ngayong hapon ay naghahanda ang pamilya y Fontelo para sa gaganaping anibersaryo ng mag-asawang De Montregorio at inimbitahan na roon sila maghapunan.

Kasalukuyan kong hinahanda ang magarang barong tagalog ni Ginoong Severino na ngayo'y naliligo. Maging ang kanyang gagamiting sapatos ay aking pinakintab at inilabas ang kanyang pabango na mula pa sa Europa.

Nang marinig ko ang mahinang kaluskos, ako ay pumikit at humarap sa pintuan. Batid kong naroroon na siya nakatayo. "Ako po ay lalabas muna."

Narinig ko ang mahina niyang pagtawa nang tuluyan na akong makalabas. "Maraming salamat sa iyong pag-aalaga at pag-aasikaso, Binibini."

"Wala pong anuman." Ako ay bumaba at naabutan ko Ginoong Angelito na inaayos ang kanyang relos sa kanang pulsuhan kasabay ng pag-ayos ng kuwelyo ng kanyang barong tagalog. Gumagandang lalaki ang munting ginoo ng pamilya y Fontelo, a. Ilan kayang babae ang mapapaiyak nito? "Magandang hapon po, Ginoong Angelito."

Siya ay napatingin sa akin nang marinig niya ang aking tinig. Tanging tango lamang ang kanyang tinugon at ipinasok ang magkabilang kamay sa bulsa.

Pagsapit ng gabi, hindi ako makatulog dahil sa likot ni Delilah. Siya'y paikot-ikot, itatakip ang kamay sa mukha tapos aalisin din agad.

"Ano bang nangyayari sa iyo?" tanong ko. "Maging ako ay nadadamay. Hindi ako makatulog." Maaga pa naman kami bukas.

"Ate? Mayroon kayang problema si Ginoong Severino?"

"Bakit?" kunot-noong tanong ko.

"Nakita ko ho siya kanina sa kanyang silid, nakaupo sa papag habang nakapalibot sa kanyang harapan ang maraming papel."

"O, e ano naman ngayon? Marahil ay nag-aaral lamang."

"Ngunit siya po ay narinig kong lumuluha sabay sabing sana raw tama ang kanyang desisyon na gagawin."

Saglit akong napatahimik dahil doon. Mayroon kayang nangyari kanina sa hacienda De Montregorio? Maayos naman siya kanina bago pa sila umalis tapos ngayon siya'y lumuluha na? Isa pa, anong desisyon ang kanyang gagawin?

"Sa aking palagay, Ate, mayroon siyang mabigat na pinagdadaanan."

Hinaplos ko ang kanyang buhok habang nakatingin sa kisame. "Hayaan mo na. Batid ko rin namang malalagpasan niya rin kung ano man iyon." Kung ano man iyon, nawa'y gawin niya lamang kung ano ang tama. Iyon lang. Mukhang sobrang lalim nga ng kanyang problema.

------------------Hulyo 12, 1895------------------

Kinabukasan, gumising si Ginoong Severino nang namamaga ang mga mata, nakatulala habang naglalakad at hindi makausap na labis na ikinagulat ng lahat. Sumagi sa aking isipan ang ikinuwento ni Delilah sa akin noong nakaraang gabi. Iyon kaya ang dahilan ba't namamaga ang kanyang mga mata? Siya kaya'y lumuha ng buong gabi? Ngayon ko lamang siya nakitang nagkaganyan na tila ba wala sa kanyang sarili. Hindi ito ang Severino na kilala ng lahat.

"Bumalik na kayo sa inyong mga trabaho," wika ng mayordoma nang siya'y humarap sa amin matapos niyang pakatignan si Ginoong Severino.

"Ginang Josefa, ano pong nangyayari kay Ginoong Severino?" tanong ni Merlita.

"May problema yata ang aking ginoo," sambit naman ni Magdalena na naluluha ang mga mata habang nakatitig lamang sa ginoo.

"Bumalik na kayo sa inyong mga trabaho. Hindi tamang kayo ay nakikiususyo sa problema ng pamilya. hala sige magtrabaho na" sabay galaw pa ng kanyang kanang kamay na tila kami ay pinapaalis dito sa salas kung saan kumpleto ang buong pamilya na nagmamasid din kay Ginoong Severino.

Hindi maiwasan ng aking mga kasama na hindi makiususyo lalo na't ito ang nagpagulantang sa aming umaga. Kung dati ay hinahayaan ko lamang ito dahil labas naman ito sa aking trabaho, ngayon ay hindi ko na magawang ipagsawalang-bahala pa. Nasasaktan ako na makita siyang nagkakaganyan. Kung maaari lamang akuin ko lahat ng sakit na kanyang nararamdaman at yakapin siyanang sobrang higpit para lamang maramdaman niya na hindi siya nag-iisa, na narito pa rin ako nag-aalala para sa kanya.

"Emilia," pagtawag sa akin ng mayordoma ngunit hindi ako lumingon bagkus ako ay napahinga nang malalim saka tumalikod para umalis.

"Anak, bakit ganyan ang iyong itsura? Ikaw ba'y umiyak? Ano ang iyong problema? Maaari mong sabihin sa amin. Makikinig kami," rinig kong sambit ni Dona Criselda ngunit wala akong narinig na tugon mula sa kanyang anak.

Ginoo, ano bang nangyayari sa iyo?

Pagsapit ng hapon, namataan ko si Ginoong Severino na nakaupo sa balkonahe, nakatulala sa kawalan at mayroong hawak na papel. Marahil, ang papel na iyan ang tinutukoy ni Delilah sa akin. Ano kayang mayroong sa papel na iyan bakit siya nito napapaiyak?

"Ginoong severino, kumain po muna kayo," wika ko at inilapag ang isnag platito ng saging na saba at gatas ng kambing sa mesa na nasa kanyang gilid.

Siya'y napatingin sa akin at ngumiti - ngiting walang buhay kahit abot sa magkabilang tainga ang kanyang ngiti. "Maraming salamat."

Aalia na sana ako ngunit kanina pa ako binabagabag ng mga tanong sa aking isipan. "Maaari mong ikuwento sa akin ang iyong problema. Makikinig ako." Kanina ko pa nais malaman kung anong tumatakbo sa kanyang isipan. Hindi kaya nag-away na naman sila ng kanyang nobya at siya'y sinaktan? Naiyukom ko ang aking kamao sa aking naisip. Hindi malabo iyon. Minsan ko ng nakita ang liham na kanyang ibinigay kay Ginoong Severino. Naroon pa nga ang aking pangalan na tila ako ang sinisisi kung bakit nagbabago ang kanyang kasintahan. Ngunit ako nga ba? Ako nga ba ang dahilan?

"Wala akong problema. Paumanhin kung nakita niyo akong ganoon kanina. Nagkaroon lamang ako ng isang masamang panaginip. Alam mo na, bagong gising kaya wala pa sa ulirat." Siya'y tumawa tulad ng tawang kanyang ipinapakita sa amin at tumingin saglit pagkain at kumuha ng kaunti pagkuwa'y bumaling muli sa akin. "Maraming salamat. Hindi ka ba napapagod na pagsilbihan ako?"

"Hindi."

"Dahil ito ang iyong trabaho?"

"Hindi. Dahil ito ang aking gusto."

Siya ay napatigil sa pagnguya at napatitig sa akin. Napansin ko rin na humigpit ang kanyang pagkakahawak sa papel. "I-Ito ang i-iyong gusto?" Siya ay kumurap at lumunok pa ng ilang beses.

Ngumiti ako nang kaunti. "Bakit ako mapapagod sa isang bagay na gusto kong gawin, Ginoong Severino? Gusto kong pinagsisilbihan ka. Huwag mong isipin na ako ay napapagod. Kaya ko namang magpahinga kung sakali man na mapagod ako." Totoo naman. Hindi na ito simpleng trabaho na lamang na babayaran ng salapi. Sa nagdaang araw, aking napagtanto na nais ko ring pagsilbihan hindi bilang kasambahay kundi bilang ako. Ganito nga marahil kapag gusto mo na ang isang tao. Nagbabago ang iyong pananaw. Nagbabago ang iyong pakikitungo. 

Guni-guni ko lamang ba ito o tunay na namumula ang kanyang mga mata? "Mas lalo mo naman akong p-pinapahirapan, Emilia."

Pinapahirapan? Kumunot ang aking noo. Ano ang ibig niyang sabihin? Tinanong niya ako sinagot ko lamang ng totoo. Hindi kaya siya'y sinapian ng masamang espiritu? Hindi ba't ganoon iyon? Kwento sa akin noon ni Inay, sinasapian ng msmaang espiritu ang mga tao kapag wala sa kanilang sarili. Kapag nagkaroon ng masamang panaginip, posibleng pumasok sa kanyang katawan ang masamang espiritu na iyon? Ibig sabihin kaya niya nasabi na siya ay aking pinapahirapan dahil siya ay sasaktan ng masamang espiritu o di kaya'y ako ang kanyang sasaktan?

"Bakit ka nakatitig sa akin?" tanong niya.

"Naniniwala ka ba sa masamang espiritu? Hindi ka naman sinapian, ano?"

Siya'y natawa at napahalukipkip (pinagkrus ang mga braso). "Isa akong mag-aaral ng kursong medisina, walang ganoon. Masamang tao, mayroon."

Sandali kaming nagkatinginan. Nakakunot ang aking noo samantalang nakataas naman ang gilid ng kanyang labi.

Mayamaya lamang, unti-unting lumalaki ang kanyang mga mata habang may itinuturo sa aking likuran. "E-Emilia, may m-masamang nilalang sa iyong l-likod."

"Huwag ka nga riyan, aalis na po ako."

"Tunay nga! Tignan mo."

Napaikot ko na lamang ang aking mga mata sa kanya bago ako lumingon sa aking likuran.

"Ano ang ibig sabihin nito Severino?" Laking gulat ko nang makita ang mag-asawa sa aming harapan. "Bakit kayo magkasama ni Emilia sa iyong silid?" Mas lalo pang nadagdagan ang takot sa aking puso sa malalim na tinig ni Don Faustino. Seryoso ang kanyang mukha at palipat-lipat bang tingin sa aming dalawa.

"Emilia? Severino? Sumagot kayo. Anong nangyayari?" tanong naman ni Doña Criselda.

"Ina, Ama, nagtatapat lamang po si Emilia sa kanyang pag-ibig para sa akin."

"Pag-ibig?"

Nanlalaki ang aking mga matang napatingin sa kanya. Siya'y nakangiti nang pormal ngunit ang kanyang mga mata ay mababakas na nang-aasar. Magsasalita na  sana ako nang siya'y muling magsalita.

"Nagdadalang-tao raw po siya, Ama, Ina. Naglilihi po siya sa akin kaya rin po niya ako dinalaw."

"Wa-Wala pong katoto---." Hindi na natuloy pa ang aking sasabihin nang pumagitnang muli ang mag-asawa.

"Naglilihi?" sabay tanong nila.

"Ikaw ay nagdadalang-tao, Emilia?" gulat na tanong ni Dona Criselda at nakaawang pa ang bibig.

Si Don faustino naman ay nanlaki ang mga mata. "S-Sino ang ama? Ikaw ba?"

Umiling ako ng maraming beses. "Hindi po ako nagdadalang-tao. Wala pong katotohanan ang kanyang sinambit. Ang anak po ay gumagawa ng kwento" depensa ko. Ako ang naiipit dito. "Bawiin mo ang iyong sinabi" mahinang sambit ko pagkaharap ko kay Ginoong Severino.

"Ako po ang ama," kalmadong sabi ni Ginoong Severino na tila hindi nababahala sa mga mangyayari.

"Ako po ang ama,"

Nagpantig ang aking tainga at tuluyan nang nanlambot ang aking tuhod dahil doon. Ako ang nahihiya sa kanyang ginagawa. Kusa na lamang din gumalaw ang aking kaliwang kamay at napahawak sa aking tiyan. Saan siya nakakakuha ng lakas ng loob para sabihin iyon sa harap ng kanyang mga magulang. Batid kong hindi totoo ang kanyang sinabi ngunit mayroong parte sa aking puso na nagalak. Parang ang sarap pakinggan ang mga katagang iyon mula sa aking minamahal.

"Ako po ang ama,"

"Bawiin mo ang iyong sinabi, Severino, paano na ang pag-iisang dibdib niyo ni Binibining Floriana?" Bakas sa tinig ng kanyang ama ang galit at gigil, senyales na hindi niya nagustuhan ang sinabi ng anak.

"Totoo ba anak?" tanong ni Doña Criselda.

Ang nakangiting mukha ni Severino ay unti-unting nawala. "Biro lamang po iyon, Ama, patawad, nais ko lamang lokohin si Emilia. Akala niya po marahil ako ay sinapian ng masamang espiritu."

"P-Patawad po." Ako na ang humingi ng paumanhin sa idinulot ng kanilang anak.  Sumasakit ang ulo ko dahil sa kanya. Kahit kailan talaga, wala siyang pinipiling oras para magloko.

"Hindi magandang biro iyon, Severino. Ano na lamang ang sasabihin at iisipin ng pamilya De Montregorio kapag iyan ay kanilang nairnig o mas masama, maging totoo?" sambit naman ng kanyang ama.

"Patawad po. Hindi na po mauulit."

"Emilia, bumaba ka na at gawin mo nang maayos ang iyong trabaho," dagdag pa ng don bago umalis sa silid.

"Akala ko magkakaroon na ako ng apo, anak," wika ni Doña Criselda nang parehong nakatingin sa amin ni Ginoong Severino. "Magpapatahi na sana ako ng maganda at magarang baro't saya para sa gaganaping kasal." Siya'y natawa at umiling bago ako hinawakan sa kamay. "Ikaw ay magpahinga muna. Marahil ay inaalagaan mo nang husto ang aking anak kaya wala ka ng sapat na oras para magpahinga."

Nagawa pang magbiro ni Doña Criselda gayong sobrang seryoso ng sitwasyon. Mana sa kanya ang kanyang anak, mag-inang tunay. Kinaway niya ang kanyang kamay nang siya'y magpaalam.

Naiwan na lamang kami ni Ginoong Severino rito sa kanyang silid. Hindi ako makatingin sa kanya nang maayos dahil sa kanyang sinabi - ako ang ama. Huminga ako nang malalim at nagpaalam na sa kanya. Bago ako tuluyang makalabas, siya ay nagsalita.

"Ngunit seryoso ako sa aking sinabi kanina, Emilia, mas lalo mo lamang ako pinapahirapan ngunit napasaya mo naman ako ngayong araw." Mahina siyang tumawa na tila natutuwa pa sa kahihiyang nangyari kanina. Pilyo ka talaga.

--------------------Hulyo 20, 1895----------------

Natanaw ko mula sa hindi kalayuan ang mag-ina na si Doña Criselda at Ginoong Severino na nag-uusap sa kanilang hardin. Seryoso lamang ang mukha ng doña habang kumukunot ang noo samantalang napapabuntong-hininga naman ang ginoo.

Mukhang malalim ang kanilang pinag-uusapan dahil ilang mahigit isang oras na silang naroroon. Mayamaya lamang ay tumayo silang dalawa kaya ako nama'y agad na nagpanggap na nagpupunas ng sahig. Mabuti na lamang hindi pa naitatapon ni Cloreta ang balde ng tubig na kanyang ginamit sa paglilinis kanina.

Naunang pumasok si Doña Criselda na tuloy-tuloy lamang sa paglalakad na sinundan naman niya. Sandaling nagtama ang aming mga mata at siya'y ngumiti. Hindi ko alam ngunit tila may kakaiba sa kanyang ngiti ngayon - hindi ngiting nanunukso o matamlay. Ipinilig ko na lamang ang aking ulo. Marahil ay nag-iisip na naman ako ng kung ano-ano.

--------------------Agosto 5, 1895-----------------

"Emilia, dito tayo!" Ako ay hinila ni Magdalena sa mas malalim na parte ng batis at binasa. "Ang sarap talagang maligo rito!"

Katatapos lamang namin maglaba rito kaya naisipan naming magtampisaw saglit. Saktong matirik ang araw ngayon dahil hapon. Tinuruan niya ako kung paano lumangoy at nagpaligsahan pagkatapos.

"Sandali, hindi ba't si Binibining Floriana iyan?" takang tanong ni Magdalena at umahon pa upang lumapit. "Siya nga, Emilia!" Siya ay kumaway sa kinaroroonan nito at sumigaw. "Binibining Floriana, hali ka't tayo'y magtampisaw!"

"Tayo ay mapapagalitan sa iyong ginagawa, Magdalena," turan ko.

"Maaari ba?" tanong nito habang bumaba sa malalaking bato.

Ako ay umahon at agad na lumapit sa kanya upang siya ay alalayan. Tinignan niya ako saglit at humawak sa aking kamay ng sobrang higpit. Pakiramdam ko ako ay masusugatan dahil sa haba ng kanyang kuko ngunit ininda ko na lamang ito.

Mayamaya pa'y nakiusap siya sa akin kung maaari ko bang hubarin ang kanyang kasuotan ngunit ako ay umiling. "Baka po kayo magkasakit, Binibining Emilia."

"Hindi iyan. Nais ko ring maligo dahil natatanaw ko kayo mula sa aking balkonahe na masayang nagtatampisaw."

Napakunot ang aking noo. Mukhang nakuha naman niya na hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin kaya itinuro niya ang malaking mansyon sa likod ng mga nagtataasang mga puno. "Malapit lamang dito sa batis ang aming hacienda, Emilia. Iyon, o!"

Sinundan ko ng tingin ang direksyon na kanyang itinuro. Kaya pala noon nagtungo ako rito upang labhan ang  mga kasuotan ni Ginoong Severino, nakita ko rito si Doña Lucia at ako'y sinaktan. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na inilapat niya ang kanyang kamay sa akin. "Sigurado po ba kayo?" Baka ako pa ang sisihin ng kanyang ina kung sakali mang may mangyaring masama sa kanyang anak.

"Oo naman. Hali na!"

****

"Binibining Floriana, mag-ingat po kayo. Baka ikaw ay mahulog!" sigaw ko. Abot-abot na ang kaba sa aking dibdib nang siya'y umakyat sa puno ng mansanas. Mataas pa naman ito.

Hindi siya sumagot bagkus umakyat pa siya sa mas mataas na parte ng puno. "Mas marami dito, Emilia."

"Iabot po ninyo sa akin ang iyong mga mapipitas, Binibing Floriana," sambit naman ni Magdalena nang nakataas ang kamay ngunit ang mga mata ay nasa mansanas.

"Tignan niyo, ang laki ni--- aaaaa!"

"Binibining Floriana!

"Anak/Ate!"

Ako ay napalingon sa pamilyar na tinig na umalingawngaw sa paligid. Nakita ko ang namumulang mukha ni Doña Lucia kasama si Don Luisito na dumiretso sa kanilang anak upang alalayan mula sa pagkakahulog na ngayo'y walang malay at binuhat paalis dito. Si Binibining Luciana naman, malakas at malutong na sampal sa aking kanang pisngi ang ibinungad sa akin nang siya'y tuluyan ng makalapit sa akin.

"Ano ang iyong ginawa sa aking ate?!" sigaw nito sa aking harapan at sinampal na naman akong muli sa parehong pisngi.

"Nagkakamali po kayo, Binibining Lucia---"

"Tumahimik ka, Magdalena! Hindi ikaw ang aking kinakausap!"

Napayuko ako at iniinda ang paghahapdi ng aking pisngi. Naramdaman ko na naman ang mas malakas na sampal ng dalawang beses sa magkabila kong pisngi. Sinubukan kong iangat ang aking mukha at nakita ko ang nanggalaiting mukha ni Doña Lucia.

"Kapag mayroong nangyaring masama sa aking anak, ikaw ay aking parurusahan!" Maging si Magdalena ay kanyang sinampal at binantaan.

"Pagbabayaran niyo itong dalawa!" muling sigaw ni Binibining Luciana at inakay ang ina paalis dito sa puno ng mansanas.

"Patawad, Emilia, ako ang may kasalanan," umiiyak na tugon ni Magdalena habang ako ay niyayakap.

Napakapit na lamang ako sa puno dahil sa panghihina ng aking mga tuhod. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung mayroon pang mas malalang mangyari sa kanya. Sana hindi na kami sumang-ayon sa una pa lamang.

---------

<3 ~