Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 15 - Kabanata 13 ✓

Chapter 15 - Kabanata 13 ✓

--------------------Hulyo 8, 1895------------------

"Pakiwari ko'y mayroong bumabagabag sa iyong isipan, Emilia," wika ni Gascar at bahagyang lumapit sa aking kinaroroonan.

Marahan kong pinunasan ang mga muwebles na nakahanay rito sa malaking aparador sa salas. Kanina pa ako rito ngunit hindi ko ito matapos-tapos dahil na rin marahil sa bagal ng aking kilos. Sa dami ng pumapasok sa aking isipan hindi ko na batid kung alin doon ang rason.

"Natapos na lamang ako sa pagsibak ng kahoy, ikaw ay hindi pa rin tapos," dagdag pa niya.

Mula nang ako'y makauwi mula sa bahay-aliwan, sinisisi ko pa rin ang aking sarili sa nangyari kay Georgina. Nais ko na sanang sabihin kay Ginang Josefa ang buong pangyayari at katotohanan nang ako'y kanyang tinanong ngunit batid kong wala ako sa posisyon upang gawin iyon. Batid ko rin na hindi iyon ang nais na mangyari ni Georgina kaya't humingi na lamang ako sa kanya ng kapatawaran.

"Emilia, hindi mo ba ako kakausapin?"

"Bakit hindi na lamang si Magdalena ang iyong kausapin?" Bakit ba siya naririto? Wala na ba siyang gagawin? Nais kong mapag-isa hindi ba niya iyon napapansin? "Masama ang aking pakiramdam, Gascar, iwan mo muna ako mag-isa."

Inilapat niya ang kanyang palad sa aking noo upang suriin ang aking temperatura ngunit agad ko ring inilayo ang aking sarili sa kanya. "Ikaw ay wala namang lagnat. Baka naman dahil sa labis na kapaguran sa trabaho? Marahil ay alagang-alaga mo si Ginoong Severino umaga hanggang gabi kaya't ikaw ay napagod?"

Ako'y napatigin sa kanya nang siya'y tumawa nang may kalakasan. "Anong nakakatawa? Wala akong panahon para makaipagbiruan sa iyo." Nagawa pa niyang magbiro gayong masama ang aking pakiramdam. Mabilis din mag-init ang aking ulo at mabigat ang aking katawan na tila ba ako ay hapong-hapo at maghapon sa mahabang lakaran. Hindi naman ako maaaring magpahinga dahil lamang dito. Marami pa akong gagawin at kailangang tapusin.

"Ang init naman ng iyong ulo. Nakita mo ba si Ginoong Severino?" Mayroong nakaukit na ngiti sa kanyang labi nang banggitin niya ang pangalan ng lalaking iyon.

"Hindi at wala akong balak na makita siya." Ako'y nakapagdesisyon na. Kung ano man ang aking nararamdaman para sa kanya ay akin na lang kakalimutan nang sa gayong matahimik na ang aking puso't isipan. Wala na yata siyang balak na pansinin ako. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ako kinakausap. Bahala siya. Hindi ko rin siya kakausapin sa gayong patas na kami pareho. Akala ba niya hindi ko siya matitiis? Kung kaya niya akong tiisin, kaya ko ring gawin iyon.

"Ha? Hahahahahhaha!" Dahil sa lakas ng kanyang pagtawa, halos mamula na ang kanyang mukha sabay hawak pa sa kanyang tiyan. Nang mapansin niya na hindi ako natawa, dahan-dahan siyang tumigil habang nagpipigil ng tawa. "P-Paumanhin. Batid kong hindi tama ang aking ikinilos sa iyong harapan ngunit hindi ko maiwasan. Mukhang alam ko na ang dahilan kung bakit masama ang iyong pakiramdam."

Pinaikutan ko na lamang siya ng aking mata sabay alis. Kausapin mo na lamang ang iyong sarili, Gascar, o 'di kaya'y magsama kayo ni Severino.

"Hindi mo ba nanaising pakinggan ang aking sasabihin, Emilia?" tanong niya habang sumusunod sa akin patungo sa aking silid. "Nadurog ba ni Ginoong Severino ang iyong puso kaya't masama ang iyong pakiramdam?"

Sandali akong napatigil sa paglalakad at napasinghap sa kanyang tinuran. Nabuhay na namang muli ang kaba sa aking puso kasabay ng malakas na ihip ng hangin na tumatagos sa malaking bintana. Paano niya nalaman? Tanging ako lamang ang nakakaalam sa aking nararamdaman. Wala akong pinagsabihang ibang tao o marahil ay nag-aasar lamang siya at hinuhuli lamang ako?

"Sabi na nga ba, e. Tama ba ako, Emilia?"

Sabi na nga ba, e! Emilia, bakit ka huminto sa iyong ginagawa? Pinatunayan mo lamang sa kanya na tama siya. Batid mo naman kung paano ang ikot ng kanyang utak at ikaw ay nahulog sa kanyang bitag subalit hindi niya maaaring malaman. Tiyak akong tutuksuhin niya lamang ako at pagtatawanan tulad ng madalas niyang ginagawa. Ako'y dahan-dahang humarap sa kanya at ngumiti upang ipakita ko sa kanya na mali siya ng inisiip. "Mali ka. Walang bahid na katotohanan ang iyong sinambit. Ikaw ba'y sasama sa aking silid kaya ikaw ay sumusunod sa akin?"

Tumatango-tango siya ng ilang beses nang hindi nawawaala ng kanyang pangalokong ngiti. "Ako'y naniniwala. Mukha ngang ako ay nagkakamali lamang. Kitang-kita sa iyong kilos, Emilia. patawad. Ako'y lilisan na."

Sa tingin niya ba'y mapapaniwala niya ako? Batid ko namang may bahid na pagkasarkastiko ang kanyang tinig at patunay na rin lamang ang kanyang ngiti. Tumalikod na lamang ako kaysa naman masabi ko sa kanya ang aking tunay na nararamdaman.

"Emilia, narito si Ginoong Severino, ikaw ay hinahanap," dagdag pa niya.

"Tiigilan mo ako, Gascar, bago ko pa ibato sa iyo itong hawak kong pamunas." Hindi ako huminto sa aking paglalakad. Sa tingin ba niya'y madadala niya ako sa kanyang panunukso? Kahit tuksuin niya pa ako ng maraming beses, hindi na ako muling mahuhulog sa kanyang patibong. "Hinding-hindi ako mahuhumaling sa kanya kahit siya na lamang ang natitirang lalaki rito sa mundo." Nararapat lamang na hindi ako mahumaling sa kanya sapagkat mayroon ng nagmamay-ari sa kanyang puso, Gascar. Kahit naman sabihin ko sa iyo ang katotohahan hindi niyon mababago ang sitwasyon at maiibsan ang sakit ng aking nararamdaman. Ito lamang ang kaya kong gawin, ang pagtakpan ang katotohanan dahil ito ang mas makakabuti para sa aming dalawa lalong-lalo na sa akin. Patawad, Gascar.

"Emilia."

Isang salita lamang ngunit tila ba nagpatigil sa aking mundo sa oras na ito. Dahan-dahan ring nanlaki ang aking mga mata. Hindi kaya'y guni-guni ko lamang iyon? Nais kong luingon ngunit ako ay sobrang kinakabahan. Paano kung siya nga iyon? Isa lamang ang ibig sabihin niyon, narinig niya ang aking mga sinabi. Naiisip ko pa lamang ang itsura ni Gascar na natatawa nais ko na siyang batuhin nitong aking pamunas.

"Hindi mo ba ako narinig, Emilia?"

Dahan-dahan akong lumingon. Nasilayan ko ang kanyang seryosong mukha habang ang isa naman ay nagtatakip pa ng kanyang bibig upang takpan ang kanyang pagtawa.

"Ginoong Severino, magandang umaga po. Mayroon po ba kayong kailangan?" Marahan akong yumuko at lumapit sa kanya. Nakakahiya. Umagang-umaga ngunit kahihiyan na agad ang nangyari sa akin.

"Ikaw ay ipinatatawag ni Ina." Hindi na niya hinintay pa ang aking sagot at agad ding tumalikod sabay umalis. Kung kailan mataas ang sikat ng araw, kasinglamig pa rin niyon ang pakikitungo niya sa akin.

Titiisin ko na lamang ito hanggang sa hindi na ako maapektuhan. Lilipas din naman siguro ito. Napadako ang aking mga mata kay Gascar na ngayo'y seryoso na ang mukha habang nakatingin sa akin.

"Tama ba ang aking nakita? Tama rin ba ang aking naiisip? Kayong dalawa ay magkaaway?" Hindi ko na siya kailangan pang sagutin sapagkat nakikita na niya ang sagot. "Hindi ko man alam ang dahilan ng inyong pag-aaway ngunit hindi maganda na makita kayong ganyang dalawa."

"Lilipas din iyan." Marahan akong ngumiti sa kanya nang ako'y mapadaan at sandaling tumigil.

"Ngunit mas lalo lamang lalala ang sitwasyon kung hindi niyo iyan aayusin. Hindi sa lahat ng oras ay pababayaan mo na lamang na lumipas iyan, Emilia. Baka naman kase masyado mong nasaktan ang kanyang damdamin kaya malamig ang kanyang pakikitungo sa iyo?"

"Hindi ko na alam, Gascar, patawad." Nang muli kong ihakbang ang aking mga mata ay siyang pagtulo ng aking luha. Bakit tila mabilis na akong lumuha nitong mga nadaang buwan? Ganoon na ba talaga kalalim ang epekto sa akin ni Ginoong Severino kung kaya't masyado ng mababaw ang aking luha o 'di kaya'y masyado na akong nasasaktan sa pakikitungo niya sa akin? Ang dami kong mga katanungan ngunit ni isa roon ay wala pang nasasagot. Pinunasan ko na lamang ang aking luha at sandaling ngumiti.

Nang ako'y makarating sa salas, naabutan ko si Doña Criselda na kausap ang kanyang panganay na anak na ngayo'y ngumingiti at mayroong hawak-hawak na kumpol ng iba't ibang kulay ng bulaklak habang ang kanang kamay ay nakapatong sa maliit na balikat ng kanyang bunsong anak na tahimik lamang nakatingin sa kabilang direksyon.

"Emilia," pagtawag sa akin ni Doña Criselda nang siya'y lumingon sa akin at sumenyas na lumpait sa kanya. "Mayroon ka bang ginagawa ngayon? Maaari mo ba kaming samahan sa hacienda De Montregorio upang ihatid ang mga bulaklak na ito kay Binibining Floriana?"

Sabay lumingon sa aking gawi ang magkapatid. Si Ginoong Severino na nawala ang pagkakangiti nang ako ay kanyang makita at si Ginoong Angelito naman na seryoso lamang ang mukha.

Napakunot din ang aking noo. Kahit ako'y nalilito, sumang-ayon na lamang ako. Bakit ako isasama ng kanyang ina?

Tahimik lamang ako nakasunod sa kanila habang naglalakad palabas ng hacienda. Nakaabang na rin ang dalawang karwahe na aming gagamitin. Dumako ang aking mga mata sa nagtatakang mukha ni Gascar at tumayo nang tuwid nang makita ang mag-iina. Hindi niya siguro inaasahan na makita ako na kasama sila ngayon sa kanilang pupuntahan.

"Nawa'y mabuti na ang kanyang pakiramdam ngayon, Ina," wika ni Ginoong Severino bago sumakay sa karwahe kasama ang kanyang kapatid.

"Magiging maganda rin ang kanyang pakiramdam, anak." Sumilay ang matamis nitong ngiti bago tumingin sa akin.

Inilahad ko ang aking kamay upang siya'y alalayan at ang kanyang mahabang puting baro't saya. Tahimik lamang akong nakatingin sa paligid nang ito'y magsimula nang gumalaw. Mayroon pa lang karamdaman ngayon ang binibini. Nawa'y bumuti na ang kanyang pakiramdam.

"Pakiwari ko hindi pa kayo nagkakaayos ng aking anak. Isang linggo na ang nakalilipas mula nang tayo'y magkausap patungkol dito," pagbasag ni Doña Criselda sa katahimikan.

Hindi ako lumingon sa kanya bagkus ay napayuko na ako. Mali yatang sumama ako sa kanila ngunit hindi rin naman tamang suwayin ang kanyang utos. "P-Patawad po." Ayan na lamang ang lumabas sa aking bibig. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Dapat ko bang sabihin kung paano ko nasaktan ang kanyang damdamin? Iniisip ko pa lamang ang kanyang magiging tugon, ako ay kinakabahan na.

"Sa totoo lamang nais ko na siyang tanungin noong isang araw pa kung anong nangyari sa inyong dalawa. Kung wala lang kasintahan ang aking anak, iisipin kong mayroon kayong relasyong dalawa." Marahan siyang napatawa sa huli niyang sinambit kaya't ako'y napatingin sa kanya. "Sa totoo lamang, Emilia, kaya kita isinama dahil nais kong makapag-usap kayo ng aking anak. Kung walang gagawa sa inyo ng paraan, e, 'di ako na lang. Ako ang nasasaktan na makita kayong hindi magkaayos. Hindi ko batid kung anong mayroon sa iyo ngunit isang malaking kasinungalingan kung sasabihin kong hindi magaan ang loob ko sa iyo." Hinawakan niya ang aking kaliwang kamay at pinisil iyon. "Bilang babae, batid ko kung gaano kahirap sa iyo ang sitwasyon na ito ngunit malay mo ikaw lamang pala ang hinihintay ng aking anak?"

Muli, nagsalubong ang aking kilay at napatitigsa kanya. Mali lamang ba ako ng pagkakaintindi o mayroon siyang nais iparatingsa kanyang huling sinabi? "S-Sige po mamaya kakausapin ko po siya." Ngumiti na lamang ako matapos kong sabihin iyon. Bakit mayroon akong nararamdamang kakaiba sa kanyang ngiti ngayon? Ngunit hindi ko maitatanging ako'y nagagalak. Ang sarap sa pakiramdam na ang kanyang ina ay nais kaming pagbatiin. Pakiramdam ko tuloy ako ang kasintahan at hindi si Binibining Floriana.

Huminto ang karwahe sa tapat mismo ng hacienda De Montregorio. Mayroon akong nakitang isang kasambahay na papalabas sana ngunit biglang yumuko kay Doña Criselda at pumasok sa loob.

Mayamaya lamang ay lumabas si Don Luisito at ngumiti nang kami ay kanyang makita. Sila'y magkasalungat ng ugali ng kanyang asawa. Kahit minsan na akong nasindak sa kanya noon, aking nararamdaman ang gaan ng kanyang presensya. Siya'y madalas ngumiti bagay na taliwas sa kanyang asawa na laging galit. "¡Buenos días, Doña Criselda, Señorito Severino! ¿Qué te trajo aquí? (Good morning, Doña Criselda, Señorito Severino! What brought you here?)"

"Queremos visitar a su hija, Don Luisito (We want to visit your daughter, Don Luisito)" saad ni Doña Criselda.

"Nais ko rin po sana siyang handugan nitong kumpol ng bulaklak upang bumuti ang kanyang kalagayan," tugon naman ni Ginoong Severino sabay ngumiti.

Pinapasok niya kami at inutusan pa ang dalawa niyang kasambahay na maghanda ng maiinom at makakain.

"Huwag na, Don Luisito, ayos lamang. Busog pa naman kami," wika ng doña at tumingin sa paligid. "Hindi pa rin nawawala ang iyong hilig sa pangongolekta ng malalaking obrang pagpinta."

Ako ay lubos na sumasang-ayon kay Doña Criselda. Nang tuluyan na akong makapasok sa loob, unang bumungad sa akin ang malalaking obra ng mga tanawin ngunit ang pinaka agaw-atensyon ay iyong pinta ng kanilang pamilya. Wala man akong gaanong alam sa pagpipinta ngunit aking masasabi na detalyado ang pagkakagawa. Kitang-kita ang maganda at maamong mukha ng magkapatid, nakangiting mukha ng padre de pamilya at ang seryosong mukha ng kanyang maybahay.

Bukod pa riyan, ang sahig ng hacienda ay gawa sa makinis na tabla at mayroon ding mga nakahanay na piguring antiko sa gilid. Ang mga naglalakihang bintana ay gawa sa capiz at makikita ang malaking hagdan sa magkabilang gilid na magkokonekta bilang isang pasilyo sa ikalawang palapag.

"Don Luisito, maaari ko po bang puntahan si Binibining Floriana sa kanyang silid? Maaari rin pong maghintay na lamang din ako rito kung iyon po ang iyong nais," wika ni Ginoong Severino kaya ako ay napatingin sa kanya. Abot hanggang tainga ang kanyang ngiti habang nakatingin sa ama ng kanyang nobya.

Tumango ito at nagsalita. "Ikaw ay aking pahihintulutuan na dalawin siya sa kanyang silid ngunit huwag kang gagawa ng kahit anong hindi maganda, Ginoong Severino. Ikaw ay nasa aking pamamahay."

"Makakaasa ho kayo, Don Luisito." Yumuko muna siya bago umakyat sa hagdan patungo sa silid ng kanyang kasintahan.

Naiwan ang dalawa na nag-uusap patungkol sa ibang mga bagay samantalang ako naman ay tahimik na nakaupo rito at nakayuko. Maaari bang sa loob na lamang ako ng karwahe magpalipas ng oras? Hindi ko kayang manatili rito gayong wala nararamdama ko ang bigat ng atmospera.

"Ayos ka lamang ba, Binibini?"

Napaangat ang aking ulo nang marinig ang tanong ni Don Luisito. "Opo ayos lamang po ako." Sa aking napapansin tuwing siya'y aking nakikita, mabait naman siya kahit nakakatakot ang presensya. Sa aking palagay, sa kanya nagmana ng kabaitan ang kanyang panganay na anak.

"Maaari kang pumasyal sa aming hardin kung nais mo. Huwag kang mahiya."

"Salamat po. Magpapahangin po muna ako." Napadako ang aking mga mata kay Doña Criselda na nakangiti sa akin at tumango. "Lalabas po muna ako, Doña Criselda."

"Mag-iingat ka."

****

"Anong ginagawa ng isang hampaslupa rito?"

Napalingon ako sa aking likuran nang marinig ko ang isang pamilyar na tinig - si Binibining Luciana. Nakasuot ito ng magara at kulay asul na baro't saya na mas lalong nagpapatingkad sa kanyang maputing balat.

"Magandang umaga po, Binibini, ako po ay kasama nina Doña Criselda at Ginoong Severino."

Nakataas ang kanyang kilay, magkakrus ang dalawang braso at matalim ang mga matang nakatingin sa akin. "Ano ang iyong karapatan na tumapak dito sa aming hardin?"

"Patawad po." Nais ko sanang sabihin sa kanya na iyon ang sabi sa akin ng kanyang ama ngunit ayaw kong gumawa ng gulo. Nasa pamamahay nila ako at isang kahihiyan iyon para sa pamilya y Fontelo.

Siya ay ngumisi at dahan-dahang lumapit sa akin. "Ang bait mo ngayon, a? Ngunit noong huling punta mo rito ang tapang-tapang mo?" Bakas sa kanyang tinig ang panggigigil at panliliit ng kanyang mga mata. Marahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap ang kahihiyan na kanyang idinulot noon.

Hindi na lamang ako nagsalita bagkus ay nagpaalam na ako. Wala akong lakas para makipagtalo sa kanya kahit na ano pa ang kanyang sabihin.

"At saan ka pupunta? Hindi pa tayo tapos, Emilia. Magbabayad ka sa iyong ginawa. Maghintay ka lamang."

Napakibit-balikat na lamang ako habang naglalakad paalis. Wala rin namang saysay ang kanyang mga sinasabi. Mana sa kanyang ina. Magkasalungat sila ng ugali ni Binibining Floriana.

Nagtungo ako sa kabilang parte ng kanilang hardin at doon nagpahangin. Mabuti na lang mayroong duyan dito na gawa sa makapal na tela kaya kahit papaano ay nalibang ako.

Sa ilang minuto kong pamamalagi rito, ako ay nakarinig ng mahinhing tawa.

"Ikaw talaga, Mahal."

"Totoo iyon. Mukha ba akong nagbibiro?"

Agad akong umalis sa aking kinauupuan at nagtago sa pinakasulok nitong hardin upang hindi nila ako makita.

Nagsimula na namang tumibok nang malakas ang aking puso at umaasang ako ay nabibingi lamang. Ngunit nang sila ay aking makita, saktong ako'y napatulala.

Dahan-dahang inalalayan ni Severino ang kanyang nobya sa duyan habang siya ay nakatayo sa gilid at nakangiting nakatitig dito.

"Bumubuti na ba ang iyong pakiramdam? Nais mo bang gawan kita ng salabat?" tanong niya.

"Hindi na, Mahal, ngayong nandito ka na ay tiyak na magaling na ako." Hindi ko makita ang kanyang mukha dahil siya ay nakatalikod sa akin.

Nagkwentuhan pa sila ng kung ano-ano hanggang sa tumayo si Binibining Floriana.

"Mahal, ako ay magtutungo muna sa palikuran sandali."

"Ikaw ay aking aalalayan."

"Hindi na. Dito ka na lamang muna at maghintay sa akin. Saglit lamang ako."

"A-Aray," daing ko nang ako ay matinik ng isang bulaklak. Nagsugat ito at medyo malalim ang sugat.

"Sino iyan?" Siya ay palinga-palinga sa paligid ng muli kong ibalik sa kanya ang aking tingin. "May tao ba riyan?"

"A-Ano ba ito?" Ano ba itong nangangagat sa aking likod? Ako ay napatingin sa aking likuran. Napansin ko ang magkakadikit na langgam sa mga bulaklak. Napaikot ko ang aking mata. Wala naman akong ibang pagpipilian kundi ang lumabas hangga't hindi pa nakakabalik si Binibining Floriana.

"Emilia? Bakit ka nariyan? Nakikinig ka sa aming usapan?"

Nagsalubong ang aking dalawang kilay nang marinig ko ang kanyang tanong. Mukha ba akong nakikiususyo? Inangat ko ang aking mukha at tumingin nang diretso sa kanyang mga mata. "Kanina pa po ako rito."

"Kanina ka pa nakikinig sa amin?"

"Mas nauna po akong dumating dito kaysa sa inyo, Ginoo." Nakakainis siya. Para namang ako ay interesado sa kanila. Napatingin ako sa aking kamay na ngayo'y humilom na ang pagdurugo.

"Aalis ka na?"

"Bakit po?"

"A, e, wala naman."

Nagsimula na akong humakbang papalayo nang maramdaman ko ang kanyang mainit na palad sa aking braso. Bumalik sa aking isipan ang nangyari noong gabing iyon. Ganito kainit ang kanyang mga palad noon na siyang nagpapakaba nang husto sa akin.

"Galit ka pa rin ba sa akin, Emilia?

Hindi ba't ako dapat ang magtanong niyan sa kanya dahil nasaktan ko ang kanyang damdamin? Umiling na lamang ako bilang tugon at humiwalay sa kanyang pagkakahawak kahit nanghihina ang aking tuhod. Ngayon ko na lamang narinig muli na binanggit niya ang aking pangalan ng walang bahid na galit sa kanyang tinig. Nararamdaman ko ang pag-iinit ng aking mga mata. Nasisiyahan ako ngunit nalulungkot din. Ito ang matagal ko ng hinihintay - ang pagkausap niya sa akin muli tulad ng dati.

Ako rin ay nalulunod sa paraan ng kanyang pagkakatitig sa akin. Tila ba halo-halong emosyon ang aking nakikita sa kanyang mga mata na mas lalong nagpapalambot sa aking puso. Isang malaking kasinungalingan kung itatanggi ko pa sa aking sarili na hindi ko pa siya mahal. Masakit man aminin ngunit mas lalo akong nahuhulog sa iyo, Severino, sa bawat araw na lumilipas. Bakit ganoon?

Sumagi sa aking isipan ang itinurong salita gamit ang wikang espanyol ni Ginoong Agapito at ito'y binulong. "Te echo de menos, Señorito Severino." Mahina lamang ang aking pagkakasabi ngunit sapat na rin upang marinig niya. Nakakahiya ngunit gumaan ang aking pakiramdam ng sabihin ko iyon sa kanya. Totoo naman. Matagal na akong nangungulila sa kanya. Ganito nga siguro kapag mahal mo ang isang tao, araw-araw kang mangungulila kahit araw-araw mong nakikita lalo na kung mayroon kayong hindi pagkakaintindihan.

Agad naman akong tumalikod. Nakakahiya. Hindi na rin naman na ako umaasa pa ng kahit ano mula sa kanya. Masaya na ako na nasabi ko sa kanya ang aking nararamdaman. Nakakatawang isipin. Akala ko ba ikaw ay walang panahon sa pag-ibig, Emilia? Bakit hindi mo na kayang pigilan pa ang iyong damdamin? Ang hirap pala kapag puso na mismo ang dumidikta para sa iyo. Kahit anong pagpipigil ang gawin, mas lalo lamang lumalala.

"E-Emilia."

"Patawad, Ginoo." Ang paghingi kapatawaran na lamang ang maaari kong gawin. Patawad kung ako ay umibig sa iyo, Severino. Hindi ko sinasadya.

"Sandali!" Muli niya akong hinawakan sa braso at naramdaman ko ang unti-unti niyang paglapit sa akin. "T-Totoo ba ang aking n-narinig?"

Nais kong matawa maging siya ay hindi makapaniwala. Hindi ako sumagot bagkus ay bumitiw ako at nagpatuloy sa paglalakad.

"Sandali, palagi mo na lamang ako iniiwang mag-isa."

Dahil doon, ako ay napahinto at humarap sa kanya. "May kailangan pa po ba kayo, Ginoong Severino?"

"T-Totoo ba iyon? Hindi ka nagbibiro?" Matamlay ngunit may iilang kislap sa kanyang mga mata habang binibigkas iyon. "E-Emilia."

"Totoo ang iyong narinig, Ginoo. Wala rin akong panahon para makipagbiruan sa iyo."

"Kung gayon, ikaw ay umiibig sa akin?"

Ramdam ko ang pagtigas ng aking katawan. Ano ang aking isasagot? Hindi ko inaasahan na diretso niya itong itatanong sa akin. Kapag ba sinabi ko sa kanya ang katotohanan may magbabago ba? Baka iyon pa ang maging dahilan para magulo ang lahat.

"Umiibig ka ba sa akin? Hindi ka naman mangungulila kung wala kang nararamdaman para sa akin hindi ba? Tama ba ako? Tama ba ako, Emilia?"

Napayuko ako. Kulang na lamang ay lumabas ang puso ko ngayon. Siya lang talaga ang nagpapatibok ng ganito sa akin. Ano kayang kapangyarihan ang mayroon siya?

"Sagutin mo naman ako, Emilia. Ang dami kong nais itanong sa iyo ngunit hindi ko batid kung saan ako magsisimula. Ang dami ko ring nais sabihin sa iyo ngunit batid kong sasabihin mo na naman sa akin na kalimutan ko na lamang ang lahat. G-Ginugulo mo palagi ang aking isipan, Emilia."

Naramdaman ko ang mainit na likidong dumadaloy sa aking pisngi. Kahit suriin pang mabuti, kasalanan ko talaga ang lahat.

Nakita ko na lamang ang kanyang sapatos sa aking harapan. "Batid kong nasaktan ko ang iyong damdamin ngunit hindi ko rin maitatanggi sa iyo na ako rin ay iyong nasaktan. Makita ko pa lamang kayo ng aking kaibigan na namamasyal sa gabi, tila ako ay sinasaksak patalikod. Naaalala mo pa ba iyon, Emilia?"

Tila mayroong sariling utak ang aking ulo upang tumingala at tignan siya kahit nanlalabo ang aking mga mata dahil sa luha. Ang tinutukoy ba niya ay iyong nakiusap sa akin si Agapito na mamasyal kami? Siya ba iyong aninong gumalaw na aking nakita?

"Sa tuwing nakikita kong ikaw ay ngumingiti sa kanya habang kayo ay nag-uusap, pakiramdam ko'y hindi ka masaya kapag ako ang iyong kausap."

Bumalik sa aking alaala ang pag-uusap namin ni Agapito na ako'y ngumingiti sa kanya. Sa apat na taon kong paninilbihan sa kanila, ako ay napalapit dahil na rin sa tulong nila sa aking pamilya.

"Ang pagtitig mo sa kanya noong siya'y kumanta na tila ba siya lamang ang iyong nakikita."

Iyon ay araw ng pista. Kumanta siya sa harap ngaraming tao nang kami ay magtungo sa bulwagan. Hindi lang naman ako ang tumititig sa kanya noon, halos lahat ng kababaihan na nakarinig at nakakita ay ganoon din ang ginawa.

"Ang kanyang pag-aalaga at pagtulong sa iyong trabaho, ang bagay na hindi ko pa nagagawa. Pakiramdam ko hindi ako lalaki dahil hindi kita matulungan sa iyong mga gawain. Ako rin mismo ang nag-uutos sa iyo minsan."

Pag-aalaga? Pagtulong? Oo, inaamin kong ako nga ay kanyang inaalagaan lalong-lalo na sa paghain ng kanin sa aking plato. Tinutukoy niya yata ay iyong araw ng kaarawan ni Delilah na sumali siya sa amin. Tinutulungan niya rin ako lalo na't siya ang nagsisibak ng kahoy panggatong at ako naman ang nag-aayos.

Ngunit hindi ba matandaan ng lalaking ito na ako ay kanyang inalagaan, noong ako ay nawalan ng ulirat? Ilang beses niya akong ginawan ng salabat at oras-oras na pumupunta sa aming silid upang magtanong kung kumusta na ba ang aking pakiramdam. Natural din naman na ako ay kanyang utusan dahil isa akong tagapagsilbi.

"Iyong araw na ikaw ay umuwi ng malalim na ang gabi. Ako dapat ang sasalubong sa iyo sa tarangkahan ngunit naunahan niya ako. Ako dapat ang yumakap sa iyo lalo na't nakita ko kung gaano ka kahina sa oras na iyon. Hinihiling ko na lamang na sana ako ang t-taong iyon, Emilia."

Napaawang ang aking bibig at nag-iinit muli ang aking luha sa huli niyang sinambit. "T-Totoo ba?" Iyon ang araw na nagtungo ako sa bahay-aliwan para kunin si Georgina. Ako ay umasa na yakap niya sana ang sumalubong sa akin nang ako ay makarating sa hacienda. "A-Akala ko wala ka ng pakialam s-sa akin."

Idinikit niya ang kanyang noo sa aking kanang balikat. "Ang hirap magpanggap na tila wala akong pakialam sa iyo, Emilia. Bawat pagtalikod mo ang siyang unti-unting nagpapadurog sa akin."

"G-Ginoo."

"Patawad kung ikaw ay aking nasaktan. Patawad sa malamig na pakikitungo ngunit iyon na lamang ang naisip kong paraan upang hindi na ako makaabala pa sa iyo. Batid ko rin naman na nais mong kalimutan ko na ang lahat." Narinig ko ang mahina niyang paghikbi. Ramdam ko na rin ang basa kong balikat. Hindi pa rin nagbabago ang kanyang posisyon - siya'y nakatungo pa rin.

"Ibang babae ang aking nakakasama ngunit ikaw pa rin ang aking naiisip araw-araw. Sa bawat araw ng aking paglayo, inaasahan kong mawawala ang nararamdaman ko para sa iyo ngunit mas lalo lamang lumala."

Hindi ko na alam ang aking saaabihin. Halo-halo na ang aking nararamdaman. Pakiramdam ko hindi na kaya ng aking isipan na iproseso ang aking mga nalaman. Nais kong magdiwang. Nais kong sumigaw sa sobrang saya ngunit... "Paano si Binibining Floriana? Mahal mo siya hindi ba?"

Lumayo siya sa akin at tumingin nang diretso sa aking mga mata. Hindi niya ako sinagot bagkus muling tumulo ang kanyang mga luha. "H-Hindi ko na alam."

Ngumiti ako nang mapait. "Siya ang piliin mo dahil siya ang kasintahan mo. Sa aming dalawa, siya ang mayroong karapatan na mahalin ka."

"Mahal mo ba ako, Emilia?"

"Ako'y aalis na. Baka makita pa niya tayo." Bahagya ko siyang itinulak para makalayo sa akin ngunit mas lalo niya lamang inilapit sa akin ang kanyang sarili.

"Mahal mo ba ako, Emilia?" Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang pagsusumamo at umaasang sabihin ko rin sa kanya ang mga katagang iyon. Ngunit hindi puwede. Hindi pa puwede hangga't magulo pa ang sitwasyon.

"Ako po ay aalis na, Ginoong Severino."

"Hindi mo ba ako tatanungin kung mahal ba kita, Binibining Emilia?"

Hindi na muna sa ngayon, ginoo, mayroong tamang panahon para riyan. At mayroon ding tamang panahon para sabihin ko sa iyo ang mga katagang iyon.

"Mahal kit---"

---------

<3~