-----------------Hunyo 27, 1895-----------------
Maingat kong inilapag ang mainit na tsaa na iniutos sa akin ni Doña Criselda habang siya ay tahimik na nagbuburda ng mukha ng kanyang asawa rito sa kanyang silid. Sandali pa akong napatitig sa tela upang pagmasdan kung gaano kadetalyado ang kanyang pagkakagawa at lihim na napangiti nang aking mapansin ang biglaan niyang pagngiti nang matamis.
"Emilia, ikaw ba'y naniniwala sa paulit-ulit na pag-ibig?" tanong niya sa akin nang hindi tumitingin.
Paulit-ulit na pag-ibig? Mayroon bang ganoon? "Paumanhin po, Doña Criselda, ngunit hindi ko po batid ang aking isasagot." Kung patungkol pa sa sakit, maaari ko pang masagot.
"Marahil ay hindi mo pa nararanasang umibig?" sabay tingin niya sa akin at huminto sa kanyang ginagawa."Maupo ka muna saglit."
Ako'y marahang naupo sa kanyang tapat. Ano kaya ang aking gagawin dito? Tatanungin niya kaya ako ng kung ano-ano tungkol sa pag-ibig? Ano ang aking isasagot?
"Umibig ka na, hija?"
"A, h-hindi ko po alam, Doña Criselda." Bakit ba ako nauutal?Ano rin kase itong aming pinag-uusapan?Pag-ibig na nga ba ang aking nararamdaman para sa kanyang anak? Ngunit maaaring mababaw lamang ito, ano? "Marahil ay paghanga lamang po." Ayaw kong sabihin na pag-ibig na ito hangga't hindi ko pa nakukumpirma. Ngunit nawa'y mababaw lamang ito para sa ganoong ako'y makalimot na.
Lumitaw ang kanyang dalawang biloy sa lapad ng kanyang pagkakangiti. "Masarap hindi ba?"
"Po?" Anong masarap? Si Ginoong Severino? "Hindi ko po alam hindi ko pa naman po siya natitikman." Bakit naman nasali rito ang kanyang anak?
"Sinong siya? Sino ang iyong iniisip?" natatawang tanong niya sabay umiling. "Hindi mo naintindihan ang aking tanong ano? Sino ba ang iyong iniisip? Si Severino?"
"Po?"
"Hula ko lamang iyon, hija, ngunit mukhang totoo nga base sa iyong reaksyon. Bakit? Nais mo bang tikman ang aking anak?"
"Po? Hindi po hindi po." Nakakahiya naman ito. Ano ba itong aming pinag-uusapan?
"Biro lamang, Emilia. Bueno, tungkol sa aking katanungan, ang ibig kong sabihin ay masarap ang umibig hindi ba?"
Kumunot ang aking noo at ako'y napaisip. Masarap ba ang umibig? Ngunit bakit sakit ang aking nararamdaman? Biglang sumagi sa aking isipan ang masasayang araw na magkasama sina Ginoong Severino at Binibining Floriana na nasaksihan ng aking dalawang mata, marahil gaanong klase ng sarap ang kanyang tinutukoy bagay na hindi ko pa nararanasan. "Siguro nga po masarap kung ikaw ay nasa tamang tao, Dona Criselda." Ganoon naman marahil ang pag-ibig, kapag ikaw ay nasa tamang tao, mangingibabaw ang sarap at kasiyahan dahil iyon ang mas pipiliin mo sa araw-araw kahit punong-puno na ng problema.
"Tama ka. Mas mararamdaman mo ang tunay na pag-ibig kasama ang iyong iniirog." Kinuha niya ang tsaa at uminom sandali. "Hindi ko akalain na siya ang tamang tao para sa akin kahit na noong una ako ay walang pag-asa."
Napaayos ako ng upo nang aking marinig ang huling dalawang salitang kanyang sinambit. Ibig sabihin ay siya ang unang nagmahal sa gobernadorcillo?
Tiningnan niya ang tela at hinaplos ito nang marahan bago siya muling magpatuloy sa pagsasalita."Tahimik lamang akong nagmamahal sa kanya noon. Sapat na sa akin na makita siya mula sa malayo. Buo na ang aking araw sa tuwing nakikita ko ang kanyang matamis na ngiti ngunit sa kabila ng iyon, tahimik lamang din akong umiiyak sa tuwing ako'y nasasaktan habang nakikita ko silang magkasama ng kanyang kasintahan." Inangat niya ang kanyang tingin sa akin. "Hindi ko aakalain na paulit-ulit akong mahuhulog sa kanya, paulit-ulit kong nakikita ang aking sarili na minamahal siya sa bawat araw na lumilipas. Masarap ang pag-ibig kahit punong-puno ng paghihinagpis at sakit, Emilia."
Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang labis na pagmamahal para sa kanyang kabiyak. Mga matang hanggang ngayon ay patuloy na kumikislap kahit na ilang taon na silang magkasama. "Ako ay masaya para sa iyo, Doña Criselda." Naalala ko sa kanya ang aking ina. Ganyan din ang kakislap ang kanyang mga mata sa tuwing sila ay nag-uusap ng aking ama.
"At ngayon, ako'y nagagalak para sa aking panganay na anak dahil nakita na niya ang makakasama niya hanggang sa kanyang huling hininga kahit na ako pa'y magkaroon ng masungit na balae."
Natawa ako sa aking narinig. Nakakamangha rin dahil nagagawa pa niyang pakisamahan ang doña na iyon kahit na magkasalungat sila ng ugali. Kung ako ang nasa kanyang posisyon, marahil ay matagal na siyang naubusan ng buhok maging ang kanyang anit ay masasama rin.
"Kumusta nga pala ang iyong trabaho? Hindi ka ba nabibigatan lalo na't may katigasan ang ulo ng aking anak?"
"Hindi naman po."
"Ngunit matanong ko lamang, hija, kayo bang dalawa ay mayroong hindi pagkakaintindihan?"
"Bakit po?" Nagsimula na namang tumibok nang malakas ang aking puso. Bakit niya naitanong iyon? Nalaman niya na kaya ang ginawa ng kanyang anak sa akin noong gabing iyon?
"Mula nang ako ay makabalik dito mula sa Maynila, aking napapansin na hindi kayo nag-uusap bagay na hindi naman ginagawa ng aking anak sa iyo dahil sa tuwing ikaw ay kanyang nakikita, mas pipiliin niyang ikaw ang kausapin kaysa sa amin."
H-Ha?
"Noong una akala ko ay abala lamang kayo sa kanya-kanyang bagay ngunit ilang araw na ang lumilipas wala pa ring pagbabago. Kayo ba ay nag-away?"
"H-Hindi naman po." Tama ba ang aking ginawa na maglihim kay Doña Criselda? Ngunit ano ang aking sasabihin? Na ang kanyang anak ay bigla akong niyakap at sasabihin sa akin na siya ay naguguluhan sa kanyang nararamdaman? Hindi maaari.
"Ngunit kung mayroon man kayong hindi pagkakaunawaan, mas mainam kung iyon ay inyong pag-usapan kahit gaano pa kalaki o kabigat ang sitwasyon. Muli tuloy sumagi sa aking isipan ang aming kabataan ni Faustino, ganyan din kami sa tuwing kami ay may tampuhan." Marahan siyang humagikhik habang tinatakpan ang kanyang bibig.
Ngumiti na lamang ako bilang tugon at sandaling tumingin sa labas ng bintana. Maaliwalas ang panahon, tirik ang araw ngunit hindi maalinsangan kahit na umaga. Kasing-aliwalas sa pakiramdam ni Doña Criselda habang nagbabalik-tanaw. Kumusta na kaya si Ginoong Severino at si Ginoong Agapito sa kanilang paglalakbay? Sila ay nagtungo sa bayan ng San Diego upang maghanda para sa gaganaping sorpresa ni Ginoong Severino para sa kanilang anibersayo ng kanyang kasintahan mamayang dapit-hapon. Ako'y napangiti. Hangad ko sa kanila ang walang-hanggan na kasiyahan kahit na ako'y nasasaktan. Mawawala din ang sakit na iyan, Emilia.
****
Naririto ako ngayon sa aking paboritong hardin sa likod ng hacienda, nakatayo at nakatingala. Mabuti na lamang at hindi na ganoon ang tirik ng araw dahil ngayon na ang araw ng paghuhukom para kay Heneral Cinco. Ngayon ang araw na itinakda upang kunin sa kanya si Georgina. Taimtim akong nanalangin na sana maging matagumpay ang plano na aming pinaghandaan. Kung hindi man maging maganda ang unang plano, mayroon naman kaming pangalawa. Ako'y huminga nang malalim bago ako pumasok sa loob. Nakasalubong ko pa roon si Ginang Josefa na nakakunot ang noo habang iniinspeksyon ang mga bagong biniling malalaki at maliliit na paso mula sa bayan upang sidlan ng bagong itatanim ni Doña Criselda. Nagpaalam na rin ako na bibisitahin ko lamang ang puntod ng aking mga yumaong magulang dahil araw rin ng kanilang pagkamatay bago ako magtungo sa bahay-aliwan.
"Mag-iingat ka, Emilia," wika sa akin ng mayordoma at sumulyap sandali. "Ikaw ba ay nakasisigurong hindi mo isasama ang iyong kapatid?"
Marahan kong ipinilig ang aking ulo. "Sa susunod na araw na lamang po. Malapit na rin pong maggabi." Hindi ko siya maaaring isama ngayon dahil delikado para sa kanya. Maaari pa siyang mapahamak kung hindi maging matagumpay ang aming gagawin.
"Ikaw ang bahala. Huwag ka lamang magpapagabi masyado. Tiyak akong hahanapin ka ni Ginoong Severino."
"Salamat po." Tahimik kong nilisan ang mansion bitbit ang aking balabal at ang papel kung saan iginuhit ni Georgina ang palapag ng bahay-aliwan. Dumaan muna ako sa bayan ng San Diego kung saan inilibing ang aking mga magulang malapit sa aming bahay. Sa apat na taon naming paninirahan dito, gumawa ng maliit na bahay na gawa sa kawayan ang aking ama upang mayroon kaming sariling mauuwian. Ngunit nang sila ay yumao, ipinagbili namin ito ni Delilah upang magkaroon ng pera at nang kami ay makapagsimulang muli. At doon nagsimula nang ako ay mapadpad sa byan ng Las Fuentas upang maghanap ng mapapasukan.
"Parang kailan lamang, Inay, Itay, dalawang taon na mula nang kayo ay mawala ngunit maayos lamang ang kalagayan namin ni Delilah sa kamay ng pamilya y Fontelo, ang bagong pamilya na aming pinagsisilbihan. Kasingbait ng pamilya ni Ginoong Agapito." Pinunasan ko ang luhang tumulo sa akin nang haplusin ko ang lupang nakaumbok kung saan namin sila inilibing. Dahil sa biglaang atake sa puso ang ikinamatay ni Itay habang siya ay nasa ilalim ng tirik na araw habang pinipitas ang mga gulay na namunga samantalang si Inay naman, pagtaas ng presyon at sobrang pagkapagod kakakayod upang kami ay mabuhay ang kanyang ikinamatay pitong buwan matapos mamatay si Itay.
"Hindi ko lamang po naisama ngayon si Delilah dahil ako po ay may pakay matapos ko dito." Binunot ko ang mga nagtataasang halaman na tumubo rito at nilinisan ito saglit. Pumitas din ako ng iilang bulaklak na may kasamang ugat na nasa tabi lamang at itinanim sa tabi ng puntod nila. Nang marinig ko ang malakas na sigaw ng mga ibon, ako ay napatingala, unti-unti na ring lumulubog ang araw. Kumusta na kaya ang magkasintahan? Ako'y nakatitiyak na sila ay masayang-masaya ngayon. Nakaramdam na naman ako ng kirot sa aking puso.
"Ina, nais kong paniwalain ang aking sarili na hindi ito pag-ibig." Huminga ako nang malalim. "Ngunit hindi po tama na ako'y umibig sa taong aking pinagsisilbihan. Isang malaking kapangahasan iyon kahit naman na sinabi niya sa akin noon na siya'y nakakaramdam ng saya sa tuwing ako ay kanyang kasama ngunit tila ngayon ay mukhang nakalimutan na niya dahil abala na siyang muli sa kanyang kasintahan." Marahil ay wala ka lamang sa tamang ulirat nang iyon ay iyong sambitin, Ginoong Severino. Hindi ko maitatangging kahit paaano ako ay umasa na sana iyon ay totoo. Sana lamang talaga ay winaglit ko na lamang iyon sa aking isipan nang sa gayong hindi ako nababaliw kakaisip
subalit hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa aking isipan ang gabing iyon.
Ang mainit mong mga kamay na yumapos sa aking baywang, ang mainit mong hininga na nagdala sa akin ng kakaibang pakiramdam, iyong mga matang nagsusumamo na tila sinasabi sa akin kung gaano ka kasaya at nangungulila. Ang iyong mga salitang sinambit na nagpatibok ng malakas sa aking puso hanggang sa ako ay mahirapang huminga. Hindi mo na marahil maalala ang lahat ng iyon, Severino. Sa ating dalawa, ako na lamang siguro ang nakakatanda niyon.
"Kung pag-ibig na nga ito, Inay, nawa'y maging katulad sa pag-iibigan niyo ni Itay, kahit puno ng problema ay mas pipiliing manatili sa isa't isa hanggang sa dulo." Ako ay ngumiti nang marahan habang inalala ang maamo at nakangiting mukha ni Ginoong Severino sa aking isipan. Hindi ko rin maikakala na habang tumatagal ikaw ay gumagwapo sa aking paningin. Nanatili pa ako ng ilang minuto para alalayan sila ng dasal saka ako umalis.
Dumaan ako sa hardin kung saan kami napadpad noon ni Ginoong Severino upang tignan sila at tama nga ako. Mula sa malayo, kitang-kita ko kung gaano kalawak ang kanyang mukha habang hawak ang isang bulaklak at inilagay sa kanang tainga ng kanyang nobya. Hindi ko makita ang itsura ng binibini sapagkat siya ay nakatalikod mula sa aking kinaroroonan ngunit batid ko kung gaano siya kasaya sa sorpresa na inihanda sa kanya ng kanyang kasintahan ilang buwan ang nakalilipas. Tandang-tanda ko pa noon na ganyan din ang ginawa niya sa akin at ang bulaklak ay mahigit dalawang buwan ng nakatago sa aking lumang kwaderno.
Bago pa ako maiyak sa aking nasasaksihan, patakbo kong nilisan ang bayan hindi alintana ang mga taong dumadaan patungo sa bahay ng mag-asawang Ignacio.
"Emilia!" Ako ay sinalubong ng yakap ni Maria nang ako ay makarating sa kanila. "Ngayon ka lamang dumating kanina ka pa namin hinihintay. Ikaw ay hapong-hapo. Ano ang nangyari sa iyong itsura?"
Hindi ko batid kung ano ang aking itsura ngayon dahil malayo ang aking itinakbo mula sa hardin patungo rito sa bayan ng Las Fuentas. "Haaa....yos l-lamaaang a....ko." Ako'y napahawak sa aking dibdib at hinahabol ang aking hininga. Daig ko pa ang hinabol ng isang batalyong guardia sibil mabuti na lamang at walang humarang sa akin kahit mayroon akong nakasalubong.
"Kitang-kita ko nga na ikaw ay ayos lamang," natatawa niyang sambit at ipinasok ako sa kanilang munting salas, aking nadatnan si Samuel na nakasuot ng barong tagalog na tila mula sa mayamang pamilya na mayroong kolorete sa mukha upang hindi siya makilala. Ang galing talaga ni Maria pagdating sa ganitong bagay.
"Kanina ka pa namin hinihintay, Binibining Emilia. Ako ay kinakabahan."
Nang bumalik na muli sa normal ang aking paghinga, ako ay uminom saglit ng tubig bago ako nagsalita. "Huwag kang kabahan, Samuel sapagkat ako ay kinakabahan din."
"Paumanhin, hindi ko maiwasan."
"Huwag kang kabahan, aking asawa, sayang ang barong tagalog na iniregalo sa iyo ni Ginoong Severino kung ikaw ay kakabahan. Malalaman nilang nagbabalat-lamang kayo kapag ang iyong labi ay namumutla," natatawang tugon ni Maria habang pailing-iling. Regalo pala iyan ni Ginoong Severino sa kanya.
"Ayos lamang," wika ko. "Ako rin ay nangangamba dahil maaari kayong madamay kapag hindi ito naging matagumpay. Maaring mapahamak kayo ng dahil sa akin." Iniisip ko pa lamang muli na maaari silang madawit dito ay nauunahan na ako ng takot.
"Pasya namin na ikaw ay tulungan, Emilia. Huwag kang mag-alala at huwag mo rin sanang sisihin ang iyong sarili kung kami man ay mapapahamak," tugon naman ni Maria na sinang-ayunan ng kanyang asawa.
Ako'y napailing na lamang. Hindi ko magagawa iyon. Hangga't hindi natatapos ang araw na ito hindi mapapanatag ang aking puso.
"Ikaw ba'y handa na?" tanong sa akin ni Samuel.
Huminga muna ako nang malalim bago ako tumango. "Handa na."
****
"Mayroon tayong bagong panauhin, tiyakin niyo lamang na paligayahin ninyo ang ginoong iyon, maliwanag?" rinig kong sambit ng isang matandang babae ngunit hindi ko naman makita dahil nasa loob pa lamang kami ng bakanteng silid rito sa ikalawang palapag.
Mabuti na lamang magaling din si Maria pagdating sa pag-aakyat ng mga silid kaya'y kami ay nakapasok rito gamit ang makapal at mahabang tela na itinali sa matibay na kahoy upang kami ay makaakyat nang hindi lumilikha ng ingay. Wala ring gaanong tao sa labas dahil nasa likurang bahagi na ito ng bahay-aliwan at halos lahat ay abala sa loob.
Umasim naman ang mukha ni Maria at kumunot ang noo nang iyon ay kanya ring marinig. "Paligayahin. May asawa na iyan, tanda!"
"Baka ikaw ay marinig," wika ko at nagsenyas na itikom niya ang kanyang bibig. Kahit na siya'y naiinis, siya ay sumunod pa rin. Si Samuel ay magpapanggap na panauhin habang kami naman ang kukuha kay Georgina. Ako ay dahan-dahang nagtungo sa pinto upang sumilip kung mayroon bang mga tao sa pasilyo. Ako ay sumenyas na lumapit siya sa akin upang kami ay makalabas na hangga't wala pang tao.
"Nasaan nga pala ang kanyang silid?" bulong niya sa akin.
"Ikalawa sa pinakahuli."
"Hali na."
Pareho kaming palinga-linga sa paligid hanggang sa makarating kami sa silid na tinutukoy ni Georgina. Pinihit ko ito mabuti na lamang at hindi nakasara. Bumungad sa amin ang isang maliit at madilim na silid.
"Wala siya rito," sambit niya.
"Marahil ay hindi pa tapos sa ibaba."
"O baka hindi pa sila nakakarating?"
Hindi sumagi iyon sa aking isipan. "Maghintay na lamang tayo rito at magtago." Salamat sa munting liwanag na nanggagaling sa labas nakikita ko kahit papaano ang silid. Mayroon isang higaan na gawa sa tabla. Maaari kaming magtago roon kung mayroon pang paparating. Tahimik lamang kaming nakaupo at naghihintay sa likod ng pinto habang pinapakiramdaman at pinapakinggan ang hiyawan ng mga tao sa ibaba.
"Buenas noches, señores! ¡Buenas noches, General Cinco! (Good evening, gentlemen! Good evening Heneral Cinco!)"
Ako'y naalarma at bumugso ang kaba sa aking dibdib nang marinig ko ang kanyang pangalan. Narito na sila. Inayos ko ang ilang hibla ng aking buhok na humaharang sa aking mukha kasabay ng aking malalim na paghinga. Kasama kaya nila si Georgina?
Idinikit ni Maria ang kanyang tainga na siyang nakatalikod sa akin ngayon. "Tanging tinig lamang ng mga kalalakihan ang aking naririnig, Emilia."
Hindi ako sumagot bagkus ako ay tumayo upang buksan ang pinto.
"Ano ang iyong gagawin, Emilia? Ikaw ay lalabas?" sabay hawak niya sa aking kanang braso.
"Sisilip lamang ako sandali." Pinigilan niya akong muli ngunit hindi ko siya pinakinggan. Binuksan ko ang pinto ng hindi lumilikha ng ingay at dahan-dahan kong inilabas ang aking ulo. Mayroon akong nakikitang mga anino na gumagalaw marahil iyon ang mga babaeng nagtatrabaho rito. Nais ko sanang sumilip mula sa hagdan upang makita ko kung anong nangyayari sa ibaba. Nawa'y hindi pa nila nahuhuli si Samuel at maayos ang kalagayan ngayon ni Georgina.
Ako'y naglakad nang dahan-dahan sabay tingin sa aking kaliwa't kanan. Mayroon pang mga silid dito at maaaring mayroong mga taong bigla na lamang bubuksan ang pinto. Kulang na lamang ay lumabas ang aking puso sa sobrang lakas ng pintig.
"Saan ka pupunta?" rinig kong tanong niya. Sumunod pala siya sa akin ngunit hindi na ako nag-abala pang lumingon at sagutin siya. "Ipapahamak mo ba ang iyong sarili?" Hindi na siya muling nagsalita at tahimik na lamang na naglalakad sa aking likuran.
"Ang gandang-lalaki ni Heneral!"
Agad kaming nagtago sa gilid ng maliit na mesa nang aming marinig ang tinig ng isang babae.
"Siyang tunay at ang bango-bango pa ngunit kaawa-awa ang binibining kasama nila."
Kami ay nagkatinginan ni Maria sabay hawak niya sa aking braso. Binibini? Si Georgina na iyon! Wala ng iba pa! Bumaling muli ako sa mga babaeng nag-uusap.
"Maganda pa naman ang binibining iyon ngunit mukhang alalay ni Heneral. Sana ako na lamang ang maging kanyang alalay! Araw-araw ko siyang paliligayahin!"
"Emilia, kumalma ka," bulong niya sa akin na aking ikinataka. "Ang iyong kamao ay nakayukom." Inangat niya ang kamay upang ipakita sa akin.
Hindi ko man lang namalayan na naiyukom ko pala ang aking kamao dahil sa galit. Hindi ko batid kung kanino ako mas nanggagalaiti – sa heneral ba o sa sinabi ng babae. Hindi ko batid kung siya ba'y nanunukso o ano. Siya'y nangangarap na maging alalay ng walang pusong heneral na iyon? Hindi mo batid ang iyong pinapangarap, binibini. Maghulos-dili ka. Hindi niya batid ang hirap na pinagdadaanan ng aking kasama.
Umayos ako ng aking pagkakaupo nang maaninag na sila'y papalapit dito sa aming pinagtataguan nang hindi ko sinasadyang maisagi ang babasaging paso ng bulaklak.
"E-Emilia." Nanginginig ang kanyang boses nang banggitin niya ang aking panglan.'
"Ano iyon? May tao ba riyan?" sigaw ng isa. Dahan-dahan silang humakbang at kumuhang isang kahoy. "Sino iyan?"
"Wala namang ibang tao bukod sa atin, Margarita, bakit nahulog ang babasaging paso?"
"Huwag kang maingay baka siya ay makatakas."
"Ano ang ating gagawin, Emilia? Sabi ko sa iyo hindi ka na dapat lumabas, e. Ito ang ating ikakapahamak," bulong ni Maria at pinisil ang aking kamay. Ramdam ko ang kanyang panginginig.
Hindi ko batid kung tama ba itong aking gagawin ngunit bahala na. "Miyaw miyaw."
"Ha? Pusa? Mayroong pusa rito?"
"Marahil siya ay nakapasok dahil mayroong butas rito o maaaring dumaan sa bintana."
"Akala ko naman ay mayroon ng taong nakapasok dito. Hali na baka tayo ay hinahanap na ni Doña Israel."
Ako'y napapikit at napahinga nang maluwag nang makitang sila ay papaalis na.
"Bagay pala sa iyo ang maging pusa, Emilia," natatawa niyang sambit at ako'y hinila paalis. "Tayo'y bumalik na sa loob baka may makakita pa sa atin."
"Sandali, ako ay tinatawag ng kalikasan," wika ko sabay hawak sa kanyang braso upang pigilan siya.
Siya'y huminto at lumingon sa akin nang nakakunot ang noo. "Ano ngayon pa? Hindi mo ba mapipigilan iyan?"
"Kapag ako'y nagkasakit sa bato, ikaw ang aking sisisihin."
"E, wala namang palikuran dito."
"Tulungan mo na lamang ako maghanap." Nakasunod lamang ako sa kanya habang binubuksan niya ang pinto ng bawat silid. Unti-unti ko ng nararamdaman ang pagbigat ng aking puson at pamumuo ng pawis sa aking mukha. Bakit ngayon pa kung kailan napakahalaga ng aming gagawin? Wala bang palikuran dito sa ikalawang palapag? Kanina pa niya binubuksan ang pinto ng bawat silid ngunit wala man lang siyang nakita.
"Marahil ay nasa ibaba ang kanilang palikuran?"
"Ako'y bababa at bumalik ka na lamang sa silid upang hintayin si Georgina."
"Ikaw ba'y sigurado? Maaari naman kitang samahan. Baka ikaw ay mapahamak kung wala kang kasama."
"Kaya ko ang aking sarili. Hindi rin naman ako magtatagal." Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at dahan-dahan akong naglakad pababa ng hagdan. Rinig na rinig ko ang hiyawan ng mga kalalakihan – ang iba'y gamit ang wikang espanyol.
"¡Más, Georgina! (More, Georgina!)"
Bigla na lamang akong napatigil sandali nang marinig ko ang kanyang pangalan. Mas binilisan ko pa ang aking paghakbang nang ako'y matauhan upang makita kung ano ang nangyayari. Maging ang pagbigat ng aking puson ay biglang nawala lalo na nang aking masaksihan ang kanyang kalagayan. Siya'y lumuluha at nakayuko habang sumasayaw sa harap ng mga guardia sibil suot ang manipis na tela na nagpapalitaw sa kanyang maputi at makinis na balat. Samantalang, ang ibang mga kalalakihan ay naaaliw rin sa kanilang nakikita at mukhang siya'y pinagnanasahan.
Tahimik at seryoso lamang na nanonood ang heneral kay Georgina habang nakahawak sa gilid ng kanyang labi. Mabuti na lamang walang tao rito malapit sa hagdan nang ako'y tuluyan ng makababa kaya madali para sa akin ang makalapit pa nang husto sa kanilang kinaroroonan.
"Wala ka talagang puso," bulong ko sa hangin. Naramdaman ko na lamang ang paghapdi ng aking palad dahil sa sugat na aking natamo mula sa aking mahaba-habang kuko. Naiyukom ko na pala nang husto ang aking palad.
Hindi ko mabasa ang kanyang mga mata tila walang buhay ngunit wala ring pagnanasa. Para lamang siyang nonood ng isang palabas na hindi niya nagugustuhan. Panaka-nakang umiinom ng alak nang hindi inaalis ang paningin kay Georgina. Mayamaya pa'y bigla siyang lumayo at lumapit sa harapan. Ako'y napasinghap nang makitang sinampal niya ito ng ubos ng lakas dahilan upang mapaupo ito sa papag.
"T-Tama na p-po, H-Heneral," wika niya habang yakap-yakap ang sarili nang walang pakundangan sa pag-iyak. Kaawa-awang, Georgina.
Marahas siyang itinayo at hinila ang buhok. "Si quieres salir de aquí, haz tu trabajo correctamente. (If you want to get out of here, do your job properly.)"
Hindi ko man maintindihan ang kanyang sinambit, batid kong pinapagalitan niya ito. Umiigting pa ang kanyang mga panga at bumabakat ang ugat sa leeg.
"S-Si, General. (Y-Yes, Heneral)." Muli siyang sumayaw nang marahan ngunit ngayon taas-noo na niya itong ginagawa kahit patuloy sa paglandas ang kanyang luha. Mas lalo ring naging maselan ang kanyang galaw dahilan upang mas lalong magsigawan ang mga kalalakihan at si Heneral Cinco naman ay bumalik sa kanyang upuan.
Naramdaman ko na lamang ang mainit na likido sa aking pisngi nang hindi kumukurap sa kanya. Simula pa lamang ay batid ko na kung gaano kahirap ang kanyang sitwasyon ngunit hindi ko lubos mawari na ganito pala kasaklap. Kitang-kita ng aking mga mata ang lupit at bagsik ng kamay ng heneral. Ang nag-iisang anak na pinagkakaingat-ingatan ni Ginang Josefa, ngayo'y sumasayaw nang mapang-akit upang punan lamang ang pangangailangan ng mga manonood.
Nais ko siyang lapitan ngayon at ipulupot sa kanyang katawan ang aking balabal ngunit paano? Wala akong ibang maisip na paraan upang makalapit sa kanya lalo na't naririto rin ang namamahala, punong-puno ng alahas sa kamay at leeg at hawak ang kanyang abaniko habang iginagala ang kanyang paningin.
Nakita ko naman sa kaliwang bahagi si Samuel na ngayo'y nagmamasid sa kanyang mga katabi at pasulyap-sulyap sa hagdan. Oo nga pala, si Maria. Binalik ko ang aking tingin kay Georgina na ngayo'y nasa harap na ng heneral, nakahawak sa magkabilang balikat nito habang patuloy pa rin sa kanyang pagsayaw.
Kahit nais ko na siyang hilahin nang malakas upang makaalis doon, mas pinili ko na lamang na balikan si Maria at sabihin sa kanya ang aking nasaksihan.
"Emilia, bakit ngayon ka lamang? Kanina pa ako naghihintay sa iyo," wika niya nang ako ay kanyang makita. Hinawakan niya ang kanyang mga kamay. "Bakit nanginginig ang iyong mga kamay? May nangyari bang masama?" Bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala habang hinihinaty ang aking sagot.
"S-Si G-Georgina," ang tanging lumabas sa aking bibig. Hindi mapigilan ng aking sarili ma hindi mautal.
Ang kanyang pag-aalala ay napalitan ng pagtataka. "Bakit? Nakita mo siya? Naririto siya? Ano ang ginagawa sa kanya? Nakita mo ba ang aking asawa?"
Pinakalma ko ang aking sarili. "Pinapaligaya niya ang mga kalalakihan doon sa ibaba. Kailangan natin siyang tulungan. Kailangan niya ako, Maria. Kitang-kita ko kung paano siya saktan ni H-Heneral Cinco." Muli, tumulo na naman ang aking mga luha nang maalala ko ang tagpong iyon. Ang sakit sa damdamin.
"Paano natin siya matutulungan kung hihintayin lamang natin siya rito sa silid tulad ng inyong napag-usapan?"
Umiling ako ng ilang beses. Walang mangyayari kung maghihintay lamang kami rito. Paano kung hindi siya papuntahin sa silid dahil nais pa nilang mas mapatagal ang kanyang pagsayaw? "Siya'y ating kukunin kahit anong mangyari. Hali na." Lumingon ako sa paligid kung mayroon ba akong mahahanap na maari kong magamit upang maipagtanggol ko ang aking sarili kung sakali man na magkaroon ng problema. Hindi man magandang tignan ito para sa isang babae ngunit ako'y wala ng pakialam. Mas iniisip ko ang kaligtasan ni Georgina.
"Ano ang iyong gagawin sa kahoy?" kinakabahan niyang tanong. "Huwag mong sabihing ipapalo mo iyan sa kanila? Emilia, heneral ang ating kalaban dito. Paano kung ikaw ay kanyang patayin?"
"Wala akong pakialam sa kanya. Hali na."
"Mayroon pa bang pamalo riyan?
Mabuti na lamang apat na kahoy ang naririto. "Kunin na natin itong lahat."
Nang kami ay malapit na sa hagdan, nakasalubong namin ang kanyang asawa na humahangos at nagmamadali. "Emilia! Mahal!" Agad niyang niyakap si Maria nag mahigpit.
"Mahal, si Georgina nasaan?"
Tumingin ito sa aking gawi. "Sila'y nakaalis na kaya't nakapuslit ako paakyat dito. Hali na labas na tayo rito hangga't abala pa si Dona Israel sa paghatid sa grupo ng mga guardia sibil."
Ano? Bakit? Naramdaman ko na lamang ang panghihina ng aking mga tuhod. Mabuti na lamang nagawa kong itukod ang kahoy upang ako'y hindi mahulog sa hagdan. Kami ay nahuli. Hindi namin siya nailigtas. Siya'y aking nabigo. K-Kasalanan ko. Kasalanan ko, Georgina, patawad kung nabigo kita.
****
Isang mahigpit at mainit na yakap ang sumalubong sa akin nang ako'y malapit na sa tarangkahan ng hacienda. Hindi ko nakita ang mukha ng taong yumapos sa akin sapagkat wala ako sa sariling ulirat. Hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin ang nangyari kanina sa bahay-aliwan. Para akong honuhuli ng aking masamang panaginip. Hindi na rin ako nag-abala pang bumitiw sa taong ito sapagkat ako'y tuluyan ng nanghina. Wala na akong lakas pa upang kumalas at makipag-away.
Naipikit ko na lamang ang aking mga mata nang sumagi sa aking isipan ang nag-aalalang mukha ni Ginoong Severino habang nakatingin nang diretso sa aking mga mata. Hindi kaya si Ginoong Severino ito? Hindi na siya galit sa akin? Pinapansin na niya akong muli? Kusang nagbukas ang aking mga mata sa naisip kong iyon.
"Emilia, saan ka nagtungo? Kanina pa ako nag-alala sa iyo," wika nito at saka kumalas sa akin. "Patawad sa aking kapangahasang yakapin ka ngunit kanina pa ako nag-aalala sa iyo."
Agapito.
"Ayos lamang ako," tanging nasabi ko. Ako'y umasa na ang mga bisig niya ang yumapos sa akin. Bakit nga ba ako umaasa pa? Marahil, tunay nga ang sinambit sa iyo noon ni Doña Lucia, Emilia, ikaw ay inutil. Naglakad na lamang akong muli papasok sa hacienda. Nais ko ng magpahinga.
"Saan ka nagtungo? Kanina ka pa namin hinahanap? Lahat kami ay nag-alala sa iyo."
"Lahat?"
"Oo, binibini."
Maging si Severino ay nag-alala sa akin? Napangiti ako nang mapait. Imposible. Wala na siyang pakialam sa akin, hindi ba? Binibigyan mo lamang ako ng maling pag-asa. Guni-guni mo lang siguro iyon, Agapito. Pagkapasok ko sa loob, maraming pares ng mata ang nakatingin sa akin.
"Emilia! Saan ka nagtungo? Batid mo ba kung anong oras na? Lahat kami ay nag-alala sa iyo!" wika ni Cloreta sabay lapit sa akin upang bigyan ako ng isang yakap.
Napayakap na lamang ako sa kanya sa lakas ng kanyang pagkakayakap sa akin habang iginagala ko ang aking mga mata. Isa lamang ang nais kong makita ngayon. Nakita ko siyang nakatayo malapit sa hagdan habang seryosong nakatingin sa akin. Wala man lang akong nakikitang pag-alala sa kanyang mga mata. Akala ko ba lahat sila nag-alala para sa akin?
"Ate Emilia!" umiiyak na tawag sa akin ni Delilah at yumapos sa akin.
Napayuko na lamang ako upang damhin ang kanyang mahigpit na yakap. Bakit ang sakit, Delilah? Bakit ang lamig ng kanyang mga mata?
"Akala ko may nangyari ng masama sa iyo, Ate. Ikaw ay nagpaalam kay Ginang Josefa na magtutungo ka lamang sa puntod nina Itay at Inay ngunit lumalim na lamang ang gabi ngayon ka lamang nakauwi."
"P-Patawad."
"Emilia hija, bakit ngayon ka lamang? Bakit ganyan ang iyong itsura? Saan ka galing?" rinig kong tanong sa akin ni Doña Criselda kaya't ako'y napatingin sa kanya na may pag-alala sa kanyang mukha.
Ano bang oras na? Hindi ko na alam kung ano ng oras ngayon. Dapat ko bang sabihin sa kanila ang nangyari? Pumikit na lamang ako. Nais ko lamang na magpahinga ngayon.
"Ina, hayaan niyo na lamang po siya magpahinga. Maaari naman natin siyang tanungin bukas," rinig kong sambit ni Ginoong Severino na aking ikinangiti nang mapait. Salamat. Salamat na lang.
"Magpahinga ka na. Delilah, samahan mo na ang iyong kapatid," saad ni Don Faustino na nagpamulat sa aking mga mata. "Kung mayroon kang pupuntahan at ikaw ay magagabihan sa pag-uwi, magsabi ka, Emilia. Ikaw ay nasa aking pamamahay kaya't responsibilidad kita. Naiintindihan mo ba ako?"
"Opo, Don Faustino. Patawad po." Hindi ko batid kung iuyn ay kanyang narinig sa sobrang hina ng aking tinig.
"Lahat kayo ay magpahinga na. Masyado ng malalim ang gabi."
Lahat ay tumalima sa kanyang sinabi. Napadako ang aking tingin sa mayordoma na ngayo'y masama ang tingin sa akin. Ako'y lumapit sa kanya at agad siyang niyakap. Nararamdaman ko na naman ang pag-iinit ng aking mga mata at napahigpit ang aking pagkakayakap.
"Anong nangyari? Ang bilin ko sa iyo na huwag kang magpagabi. Batid mo ba kung anong oras na, Emilia?" Sobrang lamig ng kanyang tinig na nagpataas ng aking balahibo at nagpatulo naman sa aking luha. "Alas-nuebe na ng gabi."
Palihim kong pinunasan ang pisngi at humarap sa kanya. "Patawad po. Hindi na po mauulit."
"Dapat lamang. Hindi ko na alam ang gagawin ko kung ito ay muli pang mauulit. Naiintindihan mo ba ako?"
"O-Opo."
"Sabihin mo sa akin ang nangyari. Nais kong malaman," huling sabi niya bago siya umalis.
Tahimik lamang akong inaalayan ni Delilah at Agapito patungo sa aming silid. Nadaanan din namin si Ginoong Severino na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ng posisyon.
"Mauna ka sa silid, Severino, ihahatid ko lamang si Emilia," sambit ni Agapito.
Napayuko na lamang ako dahil hindi ko kayang salubungin ang kanyang mga tingin. Masakit. Nakakapanghina. Ngayon batid ko na kung ano ang aking nararamdaman noon. Napagkamalan ko pang ako ay may sakit sa puso, iyon pala ay ibang sakit na ang aking nararamdaman. Dumadagdag ang kirot sa aking dibdib sa aking problema.
Nakita ko na lamang ang kanyang mga hakbang paalis patungo sa kanyang silid. Tumulo na namang muli ang aking luha. Hindi ko man lang nakita ang kanyang matamis na ngiti. Hindi ko man lang narinig ang kanyang panunukso sa akin. Nakakainis sabihin ngunit ako'y nangungulila sa kanya. Nangungulila ako sa kanyang oras at atensyon na binibigay sa akin tuwing ako ay kanyang nakikita. Bakit ganito ang araw na ito? Mayroon pa bang mas isasakit pa dito?
----------
<3~
A/N: Mga puso, ginoo't binibini. Hindi ko batid kung ang aking istorya ay pasok sa inyong panlasa ngunit maraming salamat sa inyong tahimik na pagbabasa. 🥰