Chereads / Mahal Kita, Severino / Chapter 12 - Kabanata 10 ✓

Chapter 12 - Kabanata 10 ✓

Isang malaking ngiti ang nakaukit sa labi ng mayordoma nang ako'y nakabalik mula sa bahay-aliwan. Hindi na natuloy pa ang aking plano na pasukin iyon dahil sinabi ng mag-asawa na masyado raw delikado ang aking binabalak kung walang konkreto at malinaw na plano. Imbes na pag-usapan namin iyon sa kanilang bahay, minabuti ko na lamang na pag-usapan ang iilang detalye habang kami ay naglalakad.

Ang aking mga kasama naman ay ngayo'y nagtataka sa kakaibang ngiti ng matandang nasa harap namin ngayon. Hindi niya ugaling ngumiti sa aming harapan maliban na lamang kung ang pamilya y Fontelo ang kanyang kaharap.

"Magpahinga na kayo matapos niyo riyan. Bukas niyo na lamang ituloy ang iba niyo pang gagawin," paalala nito sa amin habang kami ay may sariling ginagawa rito sa salas.

Lihim akong napatingin sa malaking orasan - alas-siyete pa lamang ng gabi.

"Maraming salamat po, Ginang Josefa," ngiting pasasalamat ni Cloreta. "Ginang, tila may maganda pong nangyari sa araw ninyo ngayon, a?"

"Masaya lamang ako sa liham na aking natanggap mula sa aking anak." Bakas ang malapad na ngiti na umaabot sa kanyang kumikislap na mga mata na akin namang ikinataka.

Liham? Mayroong liham na ipinadala si Georgina sa kanya bukod sa akin? Ngunit anong nakasulat sa liham?

Nanlaki naman ang mga mata ng aking ibang mga kasama at napahinto pa sa kanilang ginagawa.

"Talaga po? Ano na pong balita sa kanya?"

"Ayos lamang po ba siya?"

"Kailan po siya makakadalaw rito?"

"Ayos lamang siya roon sa pamamahay ng heneral. Maganda naman daw ang trato sa kanya at malaki rin ang pasahod. Dadalaw siya ngayong katapusan kaya't ako ay nasasabik na."

Nagsinungaling siya sa kanyang ina?! Kaya pala ganyan na lamang ang ngiti ng mayordoma ngayon. Ibig sabihin lamang niyan, dalawang liham ang kanyang ipinadala ngunit magkaiba ng nilalaman. Ngunit paano ako nakasisiguro kung anong liham ang totoo? Hindi niya sinabi sa akin na magpapadala pala siya ng liham sa kanyang ina ngunit nasabi niya roon na ilihim lang namin ang kanyang pinagdadaanan ngayon.

Ngunit malakas ang aking pakiramdam na nagsisinungaling lamang siya sa kanyang ina. Hindi siya hihingi sa akin ng tulong kung maganda ang kanyang sitwasyon sa kamay ng heneral.

"Talaga? Mabuti naman po kung ganoon. Sa awa ng mahabaging Diyos, siya'y nasa mabuting kamay," wika ni Merlita at napakrus pa.

"Kami ay nasasabik na sa kanyang pagdalaw. Akala ko ay malupit ang heneral na iyon. Mukhang sa itsura lamang siya nakakatakot ngunit mayroon naman pa lang mabuting puso," tugon naman ni Magdalena at napangiti pa habang nagwawalis.

Ako ay napailing na lamang sa kanilang sinambit. Kung alam lamang nila ang katotohanan, nakatitiyak akong sila ay manggagalaiti sa galit lalo na't mas matagal nilang nakasama si Georgina kaysa sa akin.

"Kayo'y magpahinga na at maaga pa tayo bukas," huling sambit ng mayordoma bago siya umalis patungo sa silid ni Doña Criselda.

Tahimik kong niligpit ang aking kagamitan sa paglilinis at nag-init muna ako ng tubig para kay Ginoong Severino. Mula nang ako ay nakabalik dito, hindi ko pa siya nasisilayan. Marahil ay pagod siya sa pagluluto at sa naganap na kainan kanina.

"Ginoong Severino," pagtawag ko sabay katok sa silid. Nakailang katok na ako ngunit wala pa ring tinig niya. Lumisan na naman ba siya tulad ng kanyang ginawa noon? "Ginoong Severino, si Emilia po ito. Nakahanda na po ang pampaligo ninyo. Nariyan po ba kayo?" Kakatok na sana akong muli nang biglang bumukas ito.

Gulo-gulo ang kanyang buhok,l habang kinusot-kusot ang mga mata "Saan ka galing? Bakit ngayon ka lamang?" Malalim ang kanyang tinig at tila pagod na pagod. Kakagising  niya lamang. Tumingin siya sa akin ng seryoso ang mukha ngunit mayamaya ay ngumiti rin siya. "Hintayin mo na lamang ako rito. Ako'y maliligo lang."

Siya ay lumabas at nagtungo sa palikuran. Napakibit-balikat na lamang ako nang ako ay pumasok sa loob upang ihanda ang kanyang kausotan pangtulog. Tanging isang manipis na kamiseta at salawal hanggang talampakan ang aking kinuha.

"Magandang gabi sa iyo, Emilia."

Ako ay napalingon sa aking likuran nang marinig ko ang tinig ni Agapito.

"A-Agapito," sambit ko. Bakit hindi ko siya napansin gayong mayroon namang isang gasera rito?

"Kumain ka na ba? Saan ka nagtungo kanina? Ikaw ay aking hinanap ngunit ang sabi ni Delilah sa akin ay umalis ka raw ngunit hindi niya sinabi sa akin kung saan ka nagtungo." Dahil sa kaunting liwanag na tumatama sa aming puwesto, nasisilayan ko ang kanyang mukha na ngayo'y nakangiti nang matamis at may pag-aalala sa kanyang mga mata. "Maging si Ginang Josefa ay aking tinanong. Mabuti na lamang at sinabi niya sa akin. Nais sana kitang sundan sa bayan ngunit hindi na niya ako pinahintulutan."

"A, mayroon lamang akong binili" sabay ngiti ko sa kanya nang kaunti at yumuko nang bahagya. "Ako ay aalis na. Paalam. Magpahinga ka na."

"Saglit lamang, Emilia, nais ba kitang maaya ngayon sa paglalakad? Maaari ba?"

Ako'y tumingala at napatingin sa kanya. "Paumahin, Agapito, ngunit ako ay pagod. Nais ko na rin sanang magpahinga. Sa susunod na araw na lamang."

"Ayos lang. Inaasahan ko ang iyong sinabi, a? Siya nga pala, ang sarap ng iyong pagkakaluto kanina. Maaari mo rin ba akong turuang magluto?"

Ako'y napailing habang nakangiti. "Tinulungan ko lamang si Ginoong Severino sa pagluluto."

"Mukhang siya'y nagsasanay na sa pag-iisang dibdib ng kanyang nobya, a? Nais nga ng magulang ng kanyang nobya na sampu ang kanilang anak at pumayag din naman siya." Siya'y natawa habang inaalala iyon. "O siya, magpahinga ka na. Nais mo bang ihatid pa kita sa iyong silid?"

Tanging iling na lamang ang aking isinagot dahil naramdaman ko na naman na sumama ang aking pakiramdam. Sampung anak? Nakikita ko tuloy sa aking isipan ang kanilang malaking pamilya na nakangiti habang kinukuhanan ng litrato.

Akmang aalis na sana ako nang dumating si Ginoong Severino nang nakatapis. "Saan ka pupunta?"

Unti-unting nanlaki ang aking mga mata habang siya ay aking tinitingnan mula mukha hanggang sa ibaba. Ramdam ko ang pamumula ng aking pisngi at tila may nakabara sa aking lalamunan dahil sa hirap akong lumunok. Ang kanyang matipunong katawan habang mayroong tumutulong tubig mukha sa kanyang buhok pababa sa kanyang bato-batong tiyan ay hindi maitatangging nagpapalakas ng kanyang pagkalalaki ngunit bakit siya nakatapis? Hindi ba niya batid na narito pa ako tapos siya ay humarap sa akin nang ganito?

"Siya ay magpapahinga na, Severino."

"A, ganoon ba?" Siya ay ngumiti nang ako ay tumingin sa kanya habang naglalakad papasok na akin namang ikinakaatras. "Maganda ba ang tanawin, Emilia?"

"H-Ha?"

"Ikaw ay loko-loko, Severino, magbihis ka na nga. Tignan mo natatakot sa iyo si Emilia!" Bahagya pang tumaas ang tinig ni Agapito at siya'y lumapit sa kanya at pilit na ipinagbibihis.

"Maaari mo namang hawakan kung nais mo, Emilia." Kahit siya'y pinipigilan ng kanyang kaibigan, nakahanap pa rin siya ng paraan upang ako'y tuksuhin. Hindi niya inaalis ang tingin sa akin at mayroon pang-aakit sa kanya tinig na sinabayan pa ng pagkagat sa ibabang labi. "Kaysa naman panay tingin ka lamang."

"Huwag kang maniwala riyan, Binibining Emilia. Severino, magbihis ka! Hindi mo na iginagalang si Binibining Emilia." Naramdaman ko na lamang ang mainit na palad ni Agapito sa aking pulsuhan at inilapit sa kanya upang alalayang makalabas ng silid. "Huwag kang makikinig sa kanya. Binibiro ka lamang."

Batid ko naman iyon ngunit nakakapangilabot pakinggan lalo na't galing pa sa isang Severino y Fontelo. Hindi pa man kami tuluyang nakakalayo, tumayo ang aking balahibo saktong umihip nang malakas ang hangin at pumasok sa maliit na bintana na yari sa capiz.

"Ayaw mo bang damhin ang mainit kong katawan sa iyong maliit na kamay?"

"G-Ginoo," bulong ko. Tila biglang nag-init ang aking katawan sa kanyang tinuran. Ramdam ko ang pamumuo ng maliliit na butil sa aking noo kahit pa'y malakas ang hangin. Severino, ano ba sa tingin mo ang iyong ginagawa?  "I-Ikaw ba ay l-lasing? Kung ano-ano ang lumalabas sa iyong bibig."

Nang tuluyan na siyang nakalapit sa akin, ako ay kanyang inagaw mula kay Agapito at niyapos sa baywang sabay bulong nang may malalim na tinig. "Lasing na lasing sa iyo, Emilia."

"Tigilan mo na iyan, Severino, natatakot na sa iyo si Emilia. Wala ka talagang magawa. Puros ka biro!" Naramdaman ko na lamang na inilabas niya na ako nng tuluyan sa silid. "Ako na ang humihingi ng pang-unawa at patawad sa kanyang kapangahasan. Minsan talaga, hindi niya iniisip ang kanyang ikinikilos at birong ginagawa. Isipin mo na lamang na ikaw ay nakakita ng masamang espiritu." Siya'y muling ngumiti bago magpaalam at isinara na ang pinto.

Narinig ko pang pinagsasabihan niya ang kanyang kaibigan na huwag niya na raw ulitin iyon dahil hindi raw mainam makita't pakinggan.

'Lasing na lasing sa iyo,  Emilia.'

'Lasing na lasing sa iyo, Emilia.'

'Lasing na lasing sa iyo, Emilia.'

Bakit niya iyon nasambit? Mukha ba akong alak, Severino?

-------------------Mayo 13, 1895-------------------

"Magandang umaga po sa iyo, Ginoong Angelito," pagbati namin ni Delilah sa kanya nang siya'y lumabas ng mansion upang magpahangin.

Siya ay nakapamulsa habang iginagala ang kanyang paningin nang pumako ang kanyang mga mata sa aking kapatid. "Magandang umaga rin sa iyo, Binibining Delilah."

Napangisi na lamang ako ng hindi niya ako batiin. Mukhang mayroon kang ipinapahiwatig, Angelito, a?

"A, kayo po ba'y kumain na? Ako po ay maghahanda lamang ng iyong makakakain saglit," patuloy ng aking kapatid at ngumiti pa nang kaunti.

Nanatiling tahimik ang binatina habang nakatitig sa kanya saka marahang umiling. "Hindi na. Kayo ba? Kumain na ba kayo, Binibining Emilia?" sabay tingin niya sa akin.

"Tapos na po, Ginoong Angelito," turan ko na kanyang ikinatango.

Tila siya ang maliit na kawangis ni Ginoong Severino sa paraan lamang ng kanyang pagtindig at sa tuwing seryoso ang mukha. Mas hamak naman na masayahin ang panganay na lalaki kaysa rito.

Mayamaya lamang ay may sumigaw mula sa malaking trangkahan. "Magandang umaga sa inyo, Binibining Emilia, Munting Ginoong Angelito!" Nakangiting kumaway si Crisanto habang dahan-dahang nangungutsero.

Mabuti na lamang at kilala ng mga guardia personal itong si Gascar dahil kung hindi ay tinutukan na ito ng malaking espada.

Siya ay tumigil saglit at sumigaw. "Nasaan nga pala si Binibining Lydia? Matagal ko na siyang hindi nakikita, a? Humihinga pa ba iyon Ginoong Angelito? Haha!"

Ako'y napalingon sa aking katabing lalaki na ngayo'y seryoso pa rin ang mukha at tahimik na nakapamulsa. Tila wala siyang balak patulan ang mga biro ng lalaking iyon.

Paano niya nagagawang magbiro nang ganoon sa mismong pamamahay ng pamilya? Ang lakas ng kanyang loob, ha?

"Ako'y mangangamusta lamang, Ginoo! Kumusta na rin pala si Ginoong Severino? Ilang buwan na rin pala at sila ay mag-iisang dibdib na ni Binibining Floriana, magkakaroon ka na ng pamangkin, Ginoong Angelito!" sabay tawa pa nito. Hindi ba siya nakararamdam na walang interes sa kanya ang kanyang kinakausap?

Isang mahabang espada ang itinutok kay Crisanto matapos niyang sabihin iyon. Noong una akala ko ay gawa ng isang guardia personal, iyon pala ay gawa ni Binibining Lydia na nakatayo malapit na malapit sa trangkahan. "Anong akala mo sa akin ako ay wala ng buhay?! Nais mo bang dumanak ang iyong dugo rito sa aming hacienda?!" Umalingawngaw ang malakas at galit nitong tinig na ikinaatras ng iilang guardia personal. Marahil ay nasindak.

Hindi ko alam kung ako ba'y namamalik-mata ngunit aking nasilayan na tila ba hindi nasisindak ang binata sa inasal ng binibini. Bagkus, ngumiti pa ito at itinaas ang dalawang kamay na tila ba sumusuko sa may kapangyarihan.

"Biro lamang iyon, Binibining Lydia, ikaw naman masyadong mainit ang iyong ulo. Maganda ang sikat ng araw ngayon at maaliwalas ang kalangitan ngunit hindi umaayon sa iyong ugali ngayon."

"Ikaw ba'y tatahimik o ipapalunok ko sa iyo itong espada?!" Sayang nakatalikod siya ngayon kaya't hindi ko makita ang kanyang mukha ngunit batid kong namumula sa galit ang kanyang magandang mukha.

"Kung ikaw ang magpapakain sa akin, Binibini, bakit hindi?" Humalakhak pa ito at pinatakbo ang kalesa.

"Bumalik ka rito, Crisantoooooo!!!"

Iwinawagyaway pa niya ang espada sa ere habang patakbong sinundan ang binata sa labas. Pumasok itong muli nang nanlalaki ang mga mata at masama ang tingin sa mga guardia personal. "Huwag ninyong papapasukin ang walang hiyang lalaking iyon sa aking pamamahay, naiintindihan niyo?!"

Dahil siguro sa labis na takot ay tanging pagtango lamang ang kanilang isinagot na ikinatawa ni Señorito Angelito kaya't ako ay napalingon sa kanya.

"Binibining Lydia!" rinig kong sigaw muli ni Crisanto.

Muli ko silang pinagmasdan. Bumaba sa kalesa si Crisanto, nagpaalam pumasok sa guardia personal at tumigil sa mismong harap ng binibini. Saktong pareho silang nakatagilid kaya't nakikita ko kahit papaano ang kanilang mukha.

Napatingin pa ito sa kanyang gawing kanan kung saan may mga bulaklak na nakatanim at pumitas ito.

"At sino ang may sabi sa iyong pumitas ka ng bulaklak na pagmamay-ari ng aking ina?" tanong niya nang nakalagay ang dalawang kamay sa baywang.

"Huwag kang mag-alala, Binibining Lydia, ako naman ay magpapaalam sa iyong ina kapag siya ay aking nakita." Ngumiti ito at iniabot sa dalaga ang bulaklak. "Nais ko sanang ibigay ito sa iyo bilang simbolo ng aking paghingi ng tawad. Biro lamang iyon, Binibini, nais lamang kitang kamustahin dahil batid mo namang hindi nasisilayan ang iyong magandang mukha. Patawad, Binibining Lydia."

Natigilan ang dalaga at sandali pang tumitig sa bulaklak na nasa kanyang harapan. Kung malapit lamang sila sa aming kinaroroonan, masisilayan ko pa siya nang malapitan. "P-Para sa akin?"

Tumango ang binata at ngumiti nang matamis. "Walang iba, tanging sa iyo lamang."

Pinaliit ko ang aking mga mata, nahihiya pang tanggapin ito ng señorita at bahagya pang yumuko. "S-Salamat, Crisanto." Mayamaya pa'y iniangat nito ang ulo at malakas na pinalo ang lalaki sa kanang braso. "Ikaw kase! Panay ka biro! Palagi mo na lamang akong tinutukso! Ako ay galit pa rin sa iyo ngunit tatanggapin ko pa rin ang iyong bulaklak."

Napahalakhak siya. "Hindi mo lamang matiis ang aking pagkagandang-lalaki, Binibini, kaya't iyong tinanggap! Hahaha!" Isang malakas na palo na naman ang kanyang natanggap mula rito.

"Anong ginagawa ng dalawa?"

Ako ay napalingon sa aking tabi nang aking marinig ang tinig ni Ginoong Severino. Nakakunot ang kanyang noo, titig na titig sa dalawa at naglakad palapit sa dalawa. "Ikaw ba ay umaakyat ng ligaw sa aking kapatid, Crisanto?"

"Hindi po, Ginoong Severino! Siya ay galit sa akin kaya aking sinusuyo. Paumahin kung ako ay pumitas ng bulaklak sa inyong hardin."

"Siguraduhin mo lamang. Disinuebe (19) pa lamang ang aking kapatid para iyong ligawan." Ito ay tumalikod mula sa kanila at naglakad papasok ng mansion. Mukhang mainit ang kanyang ulo.

"Kapatid lamang po ang turing ko sa kanya!" Huling sigaw ni Crisanto bago siya magpaalam at lumisan.

--------------------Mayo 22, 1895------------------

"Maligayang kaarawan sa iyo, Binibining Delilah!"

Napangiti ako sa lakas ng tinig ni Agapito nang batiin niya ang aking kapatid na ngayo'y tahimik na binibihisan si Ginoong Angelito na seryoso lamang ang mukha.

Kami ay nagtungo ni Agapito sa kanyang silid upang sorpresahin ang aking kapatid na ngayo'y abala sa pag-aasikaso ng kasuotan ni Ginoong Angelito. Mabuti na lamang at hindi ito nagalit sa kanyang ginawa.

Siya ay humarap sa amin nang nanlalaki ang mga mata at may malapad na ngiti sa labi. "Kuya Agapito! Nakakabigla ka naman po ngunit maraming salamat po."

"Maligayang kaarawan aking kapatid," ngiting turan ko at lumapit sa kanila. "Mamaya ko na ibibigay sa iyo ang aking regalo." Siya ay aking tinulungan na ayusin ang buhok ni Ginoong Angelito. Sandali akong napatingin sa mukha niya na panaka-nakang sumusulyap kay Delilah.

"Feliz cumpleaños, Delilah (Happy Birthday, Delilah.)" bati nito sabay iwas ng tingin nang magtama ang kanilang mga mata.

"Maraming salamat po, Ginoong Angelito."

"Ano ang iyong handa, Delilah? Nais mo bang magtungo tayo ngayon sa bayan para ipagdiwang ang iyong kaarawan?" tanong ni Agapito at lumapit sa amin. Napadako naman ang kanyang mata sa lalaking nasa kanyang harapan. "Nais mo bang sumama sa amin, Angelito?"

"Ayos lamang sa akin, Kuya Agapito. Wala rin naman akong gagawin dito."

"Nasaan nga pala si Binibining Lydia? Bakit hindi ko nakikita?"

Nagkibit-balikat lamang ito at nilagay ang dalawang kamay sa bulsa.

"Lumuwas po kaninang madaling-araw si Doña Criselda patungong Maynila kasama po ang kanyang dalawang anak na babae. Matatagalan po sila roon ng mahigit dalawang linggo upang bisitahin ang kanilang lolo," paliwanag ni Delilah kay Agapito.

"Bakit hindi ka sumama, Angelito?" takang tanong ng binata.

"Ako naman ay nagsulat ng liham para kay lolo upang siya ay aking makamusta. Sa susunod na lamang ako sasama kasama si Kuya Severino."

"E, nasaan nga pala ang kuya mo? Umakyat na naman ba ng ligaw sa kanyang nobya?"

Umakyat ng ligaw? Umaalis lamang ang lalaking iyon nang hindi sa akin nagpapaalam. Ako ang personal niyang tagapangalaga nararapat lamang na malaman ko kung saan siya pumupunta. Mabuti na lamang at wala rito si Binibining Lydia dahil kung hindi ako ay pagagalitan na naman. 

Nagkibit-balikat na naman itong muli.  "Aalis pa ba tayo?"

"Sabi ko nga, heto na po Ginoong Angelito," natatawang sambit ni Agapito habang umiiling pa. Daig pa siya ng bata kung  magsalita at kumilos na ikinangiti ni Delilah.

Huminga na lamang ako nang malalim. Mamaya ko na lamang siya iisipin. Mukhang ganoon na marahil siya kasabik na makasama ang kanyang nobya kaya't hindi na nagsabi sa amin. "Tayo ay magpapaalam muna kay Don Faustino upang batid niya ang ating lakad." Mahirap na kung hahanapin niya kami nang hindi niya nalalaman. Ganoon din ang gagawin namin kay Ginang Josefa baka sakaling mayroon siyang ipag-uutos maisabay na rin namin.

****

"Maraming salamat po," tugon ko at iniabot na ang bayad sa matabang babae na nagtitinda.

Hindi sana kami papahintulutan ng mayordoma mabuti na lamang siya ay nakumbinse ni Agapito. Mukhang ginamitan niya ng kanyang alindog kaya't sumang-ayon. Inutusan niya na rin akong bumili ng kagamitan na pangkolorete sa mukha bilang regalo niya sa gaganaping pagdalaw rito ni Georgina sa katapusan.

"Magtungo muna tayo sa simbahan," suhestiyon ko na ikinasang-ayon nila. Ito naman ang pinakamahalagang parte ng isang kaarawan - ang paghingi ng pasasalamat sa panibagong taon ng ating buhay.

Walang gaanong taong sibilyan ngayon dito sa simbahan ng Iglesia de la Immaculada Concepcion de Maria de San Agustin ngunit maraming mga madre, nakasuot ng puting habit at ngayo'y nagdadasal gamit ang lenggwaheng espanyol.

Nasa likod ng aming upuan nakaupo ang dalawang ginoo dahil ipinagbabawal na magkatabi ang lalaki at babae.

Ilang minutong katahimikan din ang aming inialay upang ipagdasal namin ang kanya-kanya naming saloobin, hinaing at problema sa buhay.

Iginala ko ang aking paningin sa kabuuan ng simbahan, napakaganda ng estruktura na mukhang gawa sa bato, detalyadong-detalyado rin ang maliliit na desenyo sa dingding at upuan.

"Emilia?"

Ako ay napalingon kay Agapito na ngayo'y nakangiti. "Bakit?"

"Kung ikaw ay aking tatanungin, saan mo nais ikasal?"

Bakit niya naman naitanong iyan? "Hindi ko alam." Hindi pa naman sumahi sa aking isipan ang pagkakaroon ng kabiyak kaya't hindi ko batid kung ano ang aking isasagot. "Bakit ikaw?"

Sandali niyang ihinala ang kanyang mata sa paligid bago muli akong tignan. "Dito sana kung nais din ng aking mapapangasawa."

"Tiyak magugustuhan niya rito."

"Magugustuhan mo kaya?"

Napatitig ako sa kanya ng ilang segundo at dahan-dahang kumunot ang aking noo. "Bakit ko magugustuhan?" Nais ba niya akong pakasalan?

"A, e, ang ibig kong sabihin ay magugustuhan mo kaya bilang babae na dito sa simbahang ito ikasal?" Ngumiti siya na tila nahihiya at napakamot pa sa batok. Maging ang kanyang matabang pisngi ay namumula.

"Kahit saan basta ako'y ikakasal sa aking iniibig." Lahat naman tayo ay uto ang hinihiling. Sino ba naman ang nais maikasal sa taong hindi niya iniibig, hindi ba? Ang pag-iisang dibdib ay isang banal at panghabang-buhay na kaligayahan at responsibilidad kaya nararapat lamang na ito ay pag-isipang mabuti at tunay na iyong ikasasaya.

"Ikaw ba ay mayroon ng naiibigan?"

Tanging pag-iling lamang ang aking isinagot. Wala pa naman akong napupusuan sa ngayon. Nang ako'y humarap muli sa altar, pumasok sa aking isipan ang nakangiting mukha ni Ginoong Severino nang nakatayo at naghihintay, nakasuot ng itim na baro't saya at katabi naman si Don Faustino habang ako ay naglalakad at nakasuot ng puting bestida.

Ipinilig ko ang aking ulo at ako'y pumikit. Bakit sumagi sa aking isipin ang tagpong iyon? Mukhang napapadalas na marahil ang pag-iisip ko sa lalaking iyon. Kung ano-ano na lamang ang imahen na aking nakikita.

"Tayo na?" rinig kong tanong ni Agapito na aming sinunod.

Tahimik lamang kaming naglakad hanggang kami ay makalabas.

"Saan po tayo?" tanong ni Delilah.

"Kahit saan mo naisin. Saan mo nais unang magtungo?"

"Maaari po ba tayong kumain? Ako ay nagugutom na."

"Ayos ka lamang po ba, Ginoong Angelito?" mahinang tanong ko habang kami ay naglalakad papunta sa isang malapit na tindahan.

"Ayos lamang po."

"Ay, Ate Emilia!" pagtawag s aakin ni Delilah at tumigil sa paglalakad. Lahat kami ay napatingin sa kanya. "Bakit hindi ka na lamang po magluto? Mas nanaisin ko pang makakain ng iyong mga niluto kaysa bumili pa. Para naman makakakain din sina Ginang Josefa at ang iba pa."

"Mas magandang ideya, Delilah!" Ngumiti nang sobrang lapad si Agapito sabay turo sa aking kapatid. "Napakagandang ideya!"

****

"Hindi niyo man lang ako sinali."

Lahat kami ay napalingon kay Ginoong Severino na ngayo'y seryoso ang mukha habang papalapit sa amin. Narito kami ngayon sa hapag-kainan kasama ang ibang naninilbihan at si Ginang Josefa. Naghatid na rin kami ng pagkain sa silid ni Don Faustino na abala sa kakapirma ng mga dokumento.

Agad siyang inalayan ni Magdalena ng isang upuan. "Dito ka maupo sa aking tabi, Ginoo!"

"Bakit sa iyong tabi? Akala ko ba ay ayaw mo sa mga lalaki?" tanong ni Gascar nang hindi man lang mababakasan ng kahit na anong emosyon.

"Bakit si Ginoong Severino ka ba? Kung ikaw siya, papahintulutan kitang makatabi ngunit hindi, e. Pasensya na lamang." sagot naman nito at pinaikutan ito ng mata saka sumubo.

"Bakit ikaw ba si Binibining Floriana upang kanyang tabihan?" Isang mapanglokong ngisi ang gumuhit sa kanyang labi na ikinalaki ng mata ni Magdalena.

"Tumahimik ka kung ayaw mong isaksak ko sa iyo itong aking tinidor."

"Magsitigil na kayo. Nasa harap kayo ng pagkain nagbabangayan kayo," suway ni Ginang Josefa na seryoso lamang kumakain.

"Kumain ka pa, Emilia. Kaunti lamang ang iyong kinain. Ikaw ba ay nagdidiyeta?" tanong sa akin ni Agapito at nilagyan ng isa pang bibingka ang aking plato. "Kumain ka ng madami upang ikaw ay tumaba." Hindi mahirap sa kanya na lagyan ako ng pagkain dahil kami ay magkatabi lamang naman habang ang isa kong katabi ay si Delilah.

"Anong ipinagdiriwang? Mayroon ba akong nakaligtaan na mahalagang okasyon?" tanong ni Ginoong Severino nang siya ay umupo ay hinandaan ni Ginang Josefa ng pagkain.

Kung saan-saan kase nagtutungo hindi man lang nagsasabi sa akin.

"Kaarawan ni Binibining Delilah, Kuya," sagot ni Ginoong Angelito habang nakayuko at sumubo ng pagkain.

"Maligayang kaarawan sa iyo, munting binibini. Ilang taon ka na?" pagbati niya at ngumiti nang matamis. Kita na naman ang kanyang malalalim na biloy at pantay na ngipin.

"Labing-tatlong taong gulang na po, Ginoong Severino."

"Pareho lamang pala kayo ng edad ni Angelito."

Napuno ng masayang kuwentuhan at halakhakan ang hapag-kainan. Panaka-naka rin akong sumusulyap sa gawi ni Ginoong Severino na ngayo'y nakangiti habang nakatingin kay Cloreta nang nagkukwento. Bigla siyang tumingin sa aking gawi kaya't ako ay agad na napaiwas ng tingin.

'Lasing na lasing sa iyo, Emilia.'

Bigla ko na lamang narinig ang kanyang mapang-akit at malalim na tinig sa aking isipan. Tumayo tuloy ang aking mga balahibo hanggang sa aking mukha.

Nakakakilabot.

Sinubukan kong ituon ang ang aking atensyon sa kanila upang kalimutan ang tagpong iyon. Bakit ba bigla na lamang lumitaw sa aking isipan?

"Ang ganda mo sa iyong baro't saya, Delilah," biglang puri ni Ginoong Severino. "Maging ang peineta ay bagay sa iyo."

Matapos naming magluto kanina ay ibinigay ko sa kanya ang aking munting regalo - ang puting baro't saya at peineta na kanyang binayaran na aming nabili noon.

"Regalo po sa akin ito ni Ate Emilia, Ginoo!"

Napagawi sa akin ang kanyang tingin at muli kay Delilah. "Mana ka sa iyong ate. Maganda."

Ako ay nayuko na lamang at napasubo ng bibingka matapos kong marinig iyon. Hindi ko pala nabanggit sa aking kapatid na iyon ay binayaran ni Ginoong Severino.

Ramdam ko ang bilis ng aking puso at pag-iinit ng aking pisngi. Hindi ko alam ngunit tila mayroong nagsasabi sa akin na ako'y muling tumingin kay Señor Severino, kahit ayaw ko, kusang gumalaw ang aking ulo.

Nakita ko siyang nakatingin sa akin. Ngayon ko lamang napansin na medyo magulo pala ang kanyang buhok at nakabukas ang dalawang butas ng kanyang barong tagalog sa bandang itaas na hindi pangkaraniwan sa kanya.

Ako ay kanyang kinindatan sabay subo ng isang maliit na piraso ng kamote habang nakangiti nang matamis.

Nanlaki ang aking mata sa kanyang ginawa. Kalma, Emilia. Kalma. Ang puso mo.

----------

<3~